Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Saturday, February 28, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 13

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Inilagay ko sa balikat ko ang gitara at dahil wala naman akong ibang madaanan kundi sa kung saan sila nag-aabang ay payuko na lang akong dumaan sa harap nila. Ayaw ko na silang tignan lalong-lalo na ang kausapin pa sila. Nang nasa tapat na nila ako ay maagap si Lexi na pinigilan ako sa paghawak niya sa aking braso ko.
“Wait! Boy, please let us talk?”
Hindi ko siya tinignan. Pilit kong tinanggal ang kamay niya sa braso ko at nagpatuloy sa paglalakad ngunit wala siyang balak pakawalan ako hanggang halos yakapin na niya ako. Hinawakan din ni Jino ang isa pang braso ko kaya wala na akong magawa kundi ang harapin sila.
“Bakit ba?” singhal ko.
“Boy, bumabalik ka na naman sa dating ikaw. Kami dapat ang nagtatanong sa’yo ng bakit? Tatlo ang nasaktan mo sa araw na’to.” si Lexi. Nakatingin siya sa aking mga mata ngunit ako ang umiiwas.
“Bakit? Kasi gusto ko. Di ba nga wala na kayong pakialam sa akin? Kaya anong karapatan ninyong tanungin ako ngayon sa gusto ko?”
“Anong sinasabi mong wala na kaming pakialam sa’yo? Hindi gano’n ‘yun Boy.” Umiling-iling siya. Hinawakan niya ang palad ko. “Sige, sabihin na nating gano’n ang pagkakaintindi mo sa ginagawa namin, pero kailangan pa bang may masasaktan ka pang iba?”
“Bakit Lexi, alam mo ba ang dahilan kung bakit ko ginawa iyon? Huwag mo akong husgahan na parang kilalang-kilala mo na ako dahil ako mismo, pagkatapos ng ginawa ninyong pang-iiwan sa akin ay hindi ko na kayo kilala pa ni Jino.” Binawi ko ang palad kong hawak-hawak niya.
“Sige, sabihin mo sa amin. Anong dahilan at kailangan mong makipagsuntukan?”
“Huwag na, akin na lang ‘yun.”
“O di ba? Ang gulo mong kausap? Iyan ang mahirap sa’yo e. Ayaw mong magsabi kung tinatanong ka tapos gagawa-gawa ka ng isang desisyon na ikagugulat na lang namin.”
Natawa ako.
“Ikagugulat ninyo? Bakit ano ba ako sa inyo? Hindi ba wala lang? Pagkatapos kong  magpakatotoo kung ano ang nararamdaman ko sa’yo Lexi, itinapon mo na lahat. Sinaid mong lahat. Kahit lang sana ibinalato mo na lang yung turingan natin bilang matalik na magkaibigan. Nabasted na nga ako, nawalan pa ako ng mga best friends. Tapos ngayon may ginawa ako, para na kayong sino kung magtanong na parang bang bigla na lang kayong nagkaroon ng pakialam.”
“Boy, tinatanong naming kung bakit ka nakipagsuntukan, iyon yung siguro kailangan nating pag-usapan dahil sa totoo lang, ayaw ko nang maging ikaw yung dating Romel na nakilala namin.” Si Jino. Hindi na niya natiis pang hindi sumabad sa mainit na usapan namin ni Lexi.
“Gusto mong malaman ha!” inilapit ko ang mukha niya sa mukha ko. Amoy ko na ang kaniyang hininga at ganoon din siya sa akin. Halos maglapat na an gaming mukha.
 Napalunok siya.

Friday, February 27, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 12

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

“Ikaw, mahal mo ba siya?” tanong ko.
Hinawakan ko ang kamay niyang nasa aking pisngi para tanggalin iyon dahil naaasiwa ako lalo pa’t dalawa lang kami doon.
Sasagot palang sana siya ngunit biglang may pumasok sa hindi isinara ni Jino na pintuan.
Nakita ko si Miggy.
Nakatingin siya sa amin habang ang kamay ni Jino ay nasa aking pisngi at nakahawak din ako sa kamay niya.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa.
Nagulat si Miggy sa naabutan niya. Hindi siya nagsalita ngunit halata sa mukha niya na hindi niya gusto ang naabutan niya sa amin.
Bago siya makalabas ay nakasalubong niya sina Lexi at Jheck na noon ay nakatingin na din sa amin. Dahil sa pagkagulat naming dalawa ay huli na nang tanggalin namin ang aming mga kamay, siya sa pisngi ko at ako sa kamay niya.
Pero iyon lang ‘yun. Sa akin walang malisya, hindi ko alam sa kanila kung may ibig sabihin no’n. Ngunit iba ang dating ng tingin nila. May kahulugan at di ko alam kung kailangan kong magpaliwanag.
                “What?” tanong niya kina Jheck at Lexi. “Masama bang i-comfort ko siya? I just feel bad for what we did and it is too unbecoming of us to cheer Philip and not him!” Tinalikuran niya ako. Yumuko ako. Ibinigay ko na lang kay Jino ang pagkakataon na ipaliwanag ang naabutan nila.
                “Di ba napag-usapan na natin ang tungkol dito? Ano na naman ‘tong ginagawa mo?” tanong ni Lexis a kaniya.
                Napailing ako. Alam ko naman ‘yon may usapan sila kaya ako laging nagmumukhang tanga. Iyon yung mahirap e, yung alam mong pinagkakaisahan nila ako at wala akong magawa kundi ang parang tanga lang na isipin kung alin ba ang mali.
                Nilingon muna ako ni Jino bago siya naglakad palabas. Halata kong umiwas na lang siyang ipilit pa ang gusto niya kay Lexi. Nagkatitigan muna kami ni Lexi bago sila tuluyang lumabas ni Jheck.
Naiwan na naman ako doon na parang akala mo may nagawang masama. Ako ba ang lumapit? Ramdam kong malapit na maubos ang pasensiya ko at pagtatangi kay Lexi. Sagad na sagad na ako ngunit gusto ko lang kasing patunayan na kahit ganito lang ako sa tingin nila ay tapat din naman akong kaibigan.

Thursday, February 26, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 11

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Hindi ko na napaghandaang ang isang malakas at malutong na sampal na iyon na pinakawalan niya sa aking pisngi.
                “May mukha ka pang iharap sa akin pagkatapos mong makipagpustahan kung kanino ako dapat mapunta! Hayop ka!” singhal niya. Kasabay iyon ng masaganang pagbabay ng luha sa kaniyang pisngi.
                “Sigelang, kung galit ka sampalin mo ako hanggang mawala yung galit mo sa ginawa ko!”
                “Kung sana galit lang sana yung nararamdaman ko e, pero Boy nasasaktan ako sa ginawa mo!”
                “I’m sorry pero mali ang pagkakaalam mo!”
“Talaga lang ha, alin ang mali doon? Kaibigan kita Boy e! Hindi lang kaibigan, bestfriends tayo pero anong tingin mo sa akin, throphy lang na puwedeng angkinin ng mananalo sa basketball! Ganoon ba kababa ang tingin mo sa akin? Ganoon ba ako kawalang kuwenta sa’yo? Ang magiging pustahan lang?”
                Namumula siya at umaagos ang mga luha sa kaniyang pisngi. Wala akong maisip na sabihin. Napahawak lang akong sa pisngi kong sinampal niya. Kahit si Jino ay nakatayo lang doon at nagulat sa bilis ng pangyayari. Kailangan kong magpaliwanag, gusto kong sabihin na mali ang iniisip nila laban sa akin ngunit paano ko iyon gagawin ngayong alam kong tuluyan nang nabasag ang sana ay maganda naming samahan?
                 “Ano? Di ba gusto mo akong kausapin? Bakit hindi ka magsalita?” diretso ang luhaang mata ni Lexi na nakatingin sa akin. Naghihintay siya ng paliwanag ko.
                Kaya lang, sa mga sandaling iyon ay hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag ang aking sarili. Nakatingin silang lahat sa akin. Naghihintay sa maari kong sasabihin. Para kasing may kung anong bumabara sa lalamunan ko. Hindi ko kayang iayos sa magandang pagpapaliwanag ang nasa isip ko.
                “Sorry Lexi. Sige na, mali na kung mali ako pero ahhh!” tinapik ko ang noo ko. Frustrated ako sa sarili ko kung bakit wala akong maapuhap na sasabihin. “Ang hirap naman e! Hindi ko alam kung paano ko sa’yo ipaliliwanag sa paraang maiintindihan mo.”

Wednesday, February 25, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 10

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

“Ayaw kong manghimasok. Sorry Boy, pero siya ang dapat mong kausapin at hindi ako. Ngayong alam mo na ang pagkatao ko. Nasa sa’yo kung ituring mo pa akong kaibigan. Mahirap sa aking sabihin ito sa’yo pero gusto kong tanggapin muna ang sarili ko bago ako matanggap ng iba. Alam at tanggap na ako ng pamilya ko at bukod sa kanila, sa’yo ko palang ipinagkakatiwala ang pagkatao ko. Wala akong balak ipagsigawan sa buong mundo kung ano ako…
Biglang may gumalaw sa di kalayuang cubicle.
Tumayo siya.
“Paano ako Jokyo Jino? Hindi mo ba din ba ako pakikiusapan?” si Philip.
Natatawa sa kaniyang mga narinig.
Nagkatinginan kami ni Jino.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig.
Ako ang nahihiya para sa kaniya.
Alam kong kahit hindi siya sa akin magsabi ay ayaw niyang siya ang magiging tampulan ng tukso ng mga istudiyante sa campus namin. Mabuti sana kung hindi siya sikat lalo pa’t alam kong madami din naman ang may crush sa kaniya. Naniniwala ako at naiintindihan ko yung nararamdaman ng kukutyain ang iyong pagkatao. Iba kasi ang sakit kapag nakakarinig ka ng tumatawag sa’yo ng bakla. Hindi ko alam kung pareho kami ng nararamdaman kung may tumutukso sa akin na bakla ako pero ano nga ba ang kaibahan no’n sa tulad kong hindi gano’n sa taong tanggap na na ganoon siya. Sige, sabihin na nating kahit tanggap na niya iyon sa kaniyang sarili, sigurado akong iba pa din ang dating no’n kapag pinagtatawanan ka ng iyong mga kamag-aral dahil iba ka sa kanila.
Ang paghinga niya ng malalim ay alam kong pagsuko. Huling-huli na kasi siya. Sa bibig niya mismo nanggaling ang kaniyang pag-amin at mahirap kalaban ang katulad ni Philip na pinaniniwalaan ang lahat ng kaniyang sinasabi. Maaring ilang sandali lang paglabas na paglabas nito sa Student Body Organization Office ay malalaman na ng lahat at maikakalat ang pagiging bading niya. Hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap niya sa lahat. Walang kilos si Jino na nagsasabing ganoon siya, kahit ang kaniyang boses ay kasimbuo nang kung paano niya dalhin ang sarili para magmukhang tunay na lalaki. Isa iyong kabiglaan sa karamihan.

Tuesday, February 24, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 9

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta
Lumabas ng classroom si Jino pagkatapos niya kaming tinitigan ni Lexi. Masakit ang tinging iniwan niya sa amin. Tumayo din si Lexi at iniwan doon ang ibinigay kong chocolate at red rose. Naiwan ako. Palakpakan pa din ang aking mga kaklase na may halong hiyawan. Humihirit ng isa pa daw na kanta. Nilingon ko ang dalawang bestfriend kong lumabas sa pintuan ng aming classroom. Mabilis na kumilos ang paa kong sumunod sa kanila.
“Lexi, wait!” sigaw ko.
Hindi siya lumingon. Hinahabol niya si Jino at ako ay humahabol din kay Lexi. Sa mga sandaling iyon, walang humahabol sa akin. Walang nagsasabing kailangan kong panindigan ang gusto ko.
Nakatingin sa amin ang ibang mga mag-aaral ngunit wala akong pakialam. Kailangan kong makausap si Lexi. Kailangan kong malaman kung ano ang kaniyang saloobin sa ginawa kong iyon. Gusto kong magpaliwanag. Nasimulan ko na at kung sakaling mali ang hinala kong mahal niya ako, manatili man lang siya sa akin bilang kaibigan.
Nang maabutan ko siya ay hinawakan ko ang braso niya.
“Wait! Please Lex, mag-usap naman tayo.” Alam kong sa mga sandaling iyon ay nakikiusap ang mga mata ko sa kaniya. Humingi lang ako ng kahit ilang sandali.
Tumingin siya sa papalayo sa aming si Jino.
“Kailangan kong kausapin ang pinsan ko, Boy.”
“Para saan, bakit kailangan mo sa kaniyang magpaliwanag?” tanong ko.
Bago lumiko si Jino ay tumigil siya. Nakita kong nakita niya akong hawak ko ang braso ni Lexi. Nakatingin din kaming pareho ni Lexi sa kaniya hanggang sa tuluyan na siyang nawala.
“Okey, here’s a deal, after we talk, kailangan mong kausapin din si Jino. Makikinig ako sa sasabihin mo sa akin, sasagutin ko kung may gusto kang itanong.”
“Thanks.” Sagot ko. “Doon na lang tayo mag-usap”
Itinuro ko ang isang puno na napapaikutan ng sementong ginawa ding upuan naming mga istudiyante. Tahimik naming tinungo iyon. Nauna siyang umupo. Tumabi ako sa kaniya. Humugot ako ng malalim na hininga para mas madali sa aking mailabas ang gusto kong sabihin ngunit hindi ko alam kung paano simulan na hindi siya nagtatanong. Nauunahan na naman ako ng hiya. Muli kong naranasan yung hiyang may halong takot. Pakiramdam ko nanunuyo ang lalamunan ko. Lumingon ako sa kaniya.
“Akala ko ba gusto mo akong kausapin?” tanong niya.
“Tungkol sana sa nangyari kanina.” Pagsisimula ko.
“Exactly, iyan din ang gusto kong pag-usapan natin.”tumingin siya sa mga kuko niya. parang may kung ano siyang binabasa doon. Ilang sandali pa ay tumingin siya sa akin. “Ano ‘yun Boy? Bakit may gano’n?”
Yumuko ako. Sinapo ko ang aking ulo. Kailangan ko nang panindigan.

Sunday, February 22, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 8

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

“Anong ginagawa ninyo dito?” tanong ko habang nakatalikod akong isinusuot ko ang damit ko. Nahihiya at naasiwa pa din kasi ako sa tingin nila sa katawan ko lalo na kay Jino.
“Duh, enrolment natin ngayon. Naku ha!” si Lexi.
“Ah ngayon na ba ‘yun?”
Alam kong pawisan pa ang mukha ko nang hinarap ko sila.
“Magpunas ka muna ng pawis sa mukha…”
“Punasan mo muna ang pawis mo sa mukha.”
Halos sabay nilang sinabi iyon. Sabay din silang nag-abot sa akin ng hawak nila. Si Lexi, ang facial tissue at si Jino ang kaniyang panyo.
Hindi ko alam kung kanino ang kukunin ko, ang facial tissue o ang panyo? Walang gustong magbaba sa kanila. Kanino ba ang pipiliin ko?
“Okey lang ako.” Wala akong tinanggap sa iniaabot nila sa akin. “Puwedeng maligo muna? Sandali lang promise.”
“Sige hihintayin ka namin.” Nakangiting sagot ni Lexi.
Pinapasok ko na muna sila sa bahay at binilinan ko si Manang na magprepare ng miryenda para sa mga kaibigan ko sa sala habang naghihintay. Sa banyo sa kuwarto ko na lang ako naligo. Nang nakapaghubad na ako ay muli kong pinagmasdan ang aking katawan. Lalaki din kaya ang katawan ko katulad ng kay Jino?
Naninibago ako sa mga ikinikilos ko sa mga nagdaang araw. May mga pagbabago sa pangangatawan ko. Pati ang boses ko iba na din. Madalas ding makati ang palibot ng aking ari. Nang una hindi ko iyon pinapansin, kamot lang ako ng kamot hanggang sa nang tinignan kong mabuti ay may nakita kong tumutubong buhok. Pubic hair. Meron na din kaya si Jino ne’to?
Sinabon ko ang buo kong katawan. Nahagip ko na naman ang maselang bahaging iyon.
“Buboy, huwag muna ngayon. May lakad ka.” Bulong ko sa aking sarili.

Monday, February 16, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 7

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Bumilis ng bumilis ang tibok ng aking puso. Naramdaman ko na lamang na nakikiraan na ako sa mga kaklase kong yakap ang kanilang mga magulang. Kasabay ng mabilis na pagbaybay ng luha sa aking pisngi ang bilis ng aking paghakbang para maabutan sila na noon ay tuluyan nang nakalabas ng gym.
“Dadddyyyy!” sigaw ko. Hindi ko na kasi sila makita pa. Wala na akong naabutan pa sa kanila. “Daddyyyy!” muli kong sigaw.
Tumakbo ako patungo sana ng gate.
“Anak, nandito kami.” Boses iyon ni Daddy Ced.
Lumingon ako. Naroon sila sa labas at gilid ng gym. Pinapatahan nila si Daddy Ced sa pag-iyak.
“Sorry anak, hindi kami nakatiis na hindi ka mapanood. Pasensiya ka na sa amin anak.” Si Daddy Ced.
“Hindi bale anak, pauwi na din naman kami.” Maluha-luha ding dagdag ni Daddy Mak.
“Pa, tara na. Okey na ako.” si Daddy Ced. Dinaanan nila ako at tinapik ang aking balikat. May pilit na ngiting sumilay sa kanilang labi. Tumigil ng bahagya ang ikot ng mundo sa akin. Nakailang hakbang na sila palayo.
“Daddy!” humihikbi na ako.
Si Papa Zanjo at Tito Carl lang ang lumingon sa akin.
“Dadddyyyyy kooooooo!” sigaw ko.
Huminto sila sa lakas no’n.
Dahan dahan akong naglakad palapit sa kanila. Nangangatog ang tuhod ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Tuluy-tuloy lang ang aking pagluha.
“Bakit ka umiiyak, anak?” tanong ni Daddy Ced sa akin.
Hindi kaagad ako nakasagot ngunit nang bumuka ang mga braso ni Daddy para yakapin ako ay mas nauna pa akong yumakap sa kaniya.
“I’m sorry Daddy Ced…” huminga ako ng malalim. Napakahirap sa akin ang huminga dahil sa sumasabay ang aking di mapigilang paghikbi.
Naramdaman kong ginulo ng nakangiting si Daddy Mak ang buhok ko hanggang sa naramdaman ko na lamang din ang pagyakap niya sa aming dalawa ni Daddy Ced.
“Sorry for what anak, ha?” hinawakan niya ang aking balikat. Kapwa puno ng luha ang aming mga mata. Ang pagkakaiba lang ay humihikbi ako.
“I’m sorry Daddy Mak, Papa Pat at Papa Zanjo.” Hindi ko kayang sabihin kung bakit pero alam kong alam na nila kung bakit. Hindi ko lang kasi kayang isa-isahin.

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 6

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Nang sumunod ako sa kanila ay naabutan kong nag-eensayo si Jino para sa Valedictory Speech niya sa bakanteng classroom. Hawak niya ang isang notebook na pinagsusulatan niya ng idinadagdag niya kaniyang speech. Hawak din ni Lexi ang kopya ng original niyang speech na ginawa ng kaniyang advicer. Sa katulad ni Jino na mautak, hindi lang siya doon nakukuntento at naka-focus. Naalala ko pa nang sinabi niya sa amin na humingi daw siya ng permiso sa advicer niya at sa Principal namin na magdagdag siya ng sasabihin bukod sa mga nabanggit doon. Ang mahalaga lang daw naman ay masabi niya lahat ang mga nasa original speech at bahala na siyang magdagdag pa. Ang hawak ni Jino na notebook ay ang speech na kung saan niya inilagay ang buong speech na gusto niyang sabihin sa mismong araw ng aming graduation.
Nilapitan ko ang nakaupong si Lexi na noon ay nakatutok sa pakikinig kay Jino. Di nila ako pinapansin.
“Ang ganda talaga ne’tong blue bracelet na nibigay mo Lex.” Mukhang walang narinig. Hinawakan ko ang kamay niyang may bracelet. “Maganda din pala ito ano? anong kulay na uli ito? Fuschia ba? Bagay sa kamay mo, Lex.” Pagpapansin ko muli. Hindi siya lumingon.
Hindi rin huminto si Jino sa kaniyang speech. Tuluy-tuloy lang siya.
Inihipan ko ang tainga ni Lexi. Di pa din niya ako pinapansin. Muling kong inihipan. Tumayo siya at lumipat ng upuan.
Tumayo ako na din ako. Nilapitan ko ang noon ay nagsasanay na si Jino. Hinawakan ko ang braso niyang may suot na dark green bracelet.
“Ganda ah! Bagay na bagay sa kulay mo, brad. Lalo kang pumogi. Putcha! Gandang lalaki lang oh!” Paningit ko sa kaniyang speech.
Napansin kong sandaling nawala siya sa kaniyang sinasabi ngunit sandali lang iyon.
Parang wala siyang narinig o naramdaman.
“Sa akin ba maganda din itong blue? Bagay ba sa kamay ko brad?” kinalabit ko siya. “Ano brad, magkasing-gandang lalaki nab a tayo?”
Wala pa din.
Tuluy-tuloy lang siya na para lang akong tanga doon.
Binalikan ko si Lexi. Dumaan ako sa harap niya pero parang walang nakita. Itinapat ko ang mukha ko sa mukha niya. Nandiyang ginagaya ko ang mukha ng unggoy. Kinakalabit, magpapacute, ngingiti-ngiti, tatalon-talon ngunit sadyang pinanindigan na nila ang di pagpansin sa akin. Desperado na ako.
Kinuha ko ang stick sa gilid ng blackboard. Humarap ako kay Lexi. Tinakpan ko ang tinitignan niyang si Jino. Ginawa kong parang gitara ang stick saka malakas kong sinimulan ang pagkanta.
Kaibigan, tila yata matamlay
Ang iyong pakiramdam, (hinawakan ko ang baba niya)
Nakita ko ang unti-unting pagngiti nito. Konti na lang bibigay na siya.

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 5

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Huminga ako ng malalim. Nangangatog pa din ang tuhod ko kahit nakaupo na ako sa harap nila. Nakatingin ako kay Lexi. Inilabas ko ang dala kong ferrero rocher.
“Sorry na, please?” bulong ko kay Lexi. Itinulak ko ang chocolate sa harap niya.
Kinapa ko ang isa pang ferrero rocher sa dala kong paper bag. Hawak ko na iyon ngunit hindi ko alam kung paano ko iyon ilalabas. Ni hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kung ibibigay ko na iyon sa kaniya. Tinignan ko si Jino na noon ay nakatingin sa ibinigay kong chocolate kay Lexi. May kung ano sa tingin niya na hindi ko maintindihan. Sumilay ang ngiti sa labi ni Lexi.
Paano ba ‘to? Anong sasabihin ko kay Jino? Bakit ang hirap namang gawin yung noong kagabi lang ay simpleng plano ko. Bakit ako kinakabahan ng ganito!
Huminga ako ng malalim. Bahala na!
Ngunit nang iaangat ko na sana ang chocolate na nakalagay sa paper bag na dala ko ay bigla siyang tumayo. Muli kong binitiwan ang chocolate sa paper bag.
“Hindi ko na kayang pigilan pa e.” tumayo siya.
Nagmamadaling umalis.
Nataranta na ako. Nagkatinginan kami ni Lexi ngunit sandali lang iyon. Alam kong nahalata ni Lexi ang pagtataka sa aking mukha o puwede ding sabihing pagkabahala.
Nandito na ako e, ako na yung unang lumapit. Gusto ko nang makipag-ayos. Ayaw ko na ding matakot pa kay Jino. Saka tinulungan niya ako laban kina Philip kaya kailangan ko siyang pasalamatan.
“Sandali lang ha?” pabulong kong paalam kay Lexi.
“Saan ka din pupunta?” tanong niya.
Hindi ko na siya nilingon dahil nakapako ang tingin ko sa nakalabas na sa canteen na si Jino ngunit sinagot ko siya.
“Diyan lang.”
Binilisan ko ang aking paghakbang. Marami akong nakakasalubong na katulad kong mag-aaral ngunit nakatuon ang tingin ko sa hinahabol kong si Jino.
“Hoy! Sandali lang! May sasabihin lang ako! Hoyyyyy!” sigaw ko.
Alam kong narinig niya ako ngunit hindi siya lumilingon sa akin. Mas binilisan pa lalo niya ang paglalakad. Nanadya ba talaga ito?
Tumakbo ako. Nang maabutan ko siya ay lakas-loob ko siyang hinawakan sa balikat.
Ngunit pagkahawak ko ay mabilis niyang hinawakan at pinilipit ang kamay ko.
“Arrayyy! Sige na, okey na ako. Huwag ka lang manakit.”
Binitiwan niya ang kamay ko nang makita niyang namumula na ako at itinaas ko ang isang kamay ko tanda ng pagsuko.

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 4

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Pinatayo kaming lahat ng master namin nang papunta na Asssitant Instructor sa gitna namin.
“Kyong ye” malakas na utos ng aming master na nagpakilala sa aming Assistant Instructor.
Yumuko ang mga kasamahan ko bilang pagpupugay. Hindi ako makakilos. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa.
Si Jiro? Siya! Siya ang magiging instructor ko? Siya ang tatawagin kong Jokyo? Ang kanina ay pinagmalakihan ko sa loob ng locker room ang black belter na magiging instructor ko? Noon ay gusto ko nang lumubog sa kinatatayuan ko. Nagdadalawang isip na ako kung itutuloy ko pa ang pagtataekwondo ko.
Nangatog ang tuhod ko nang nilapitan niya ako dahil ako lang ang bukod tanging hindi pa yumuyuko. Tumitig siya sa akin. Higit isang dangkal lang ang layo ng mukha niya sa mukha ko. Halos maglapat na ang dibdib namin. Napalunok ako at dahan-dahan kong ibinaba ang aking tingin. Ngunit mata ko lang ang umiwas. Ayaw kong yumuko. Ayaw kong magbigay ng respeto. Ngunit sa mga sandaling iyon nagsimula akong pagpawisan. Tinitibag na ng kaniyang mga narating sa murang edad ang katiting kong katapangan. Iyon na lang ang meron ako, ang pride.
“Kam sa hap ni da” malakas niyang sinabi iyon sa mismong harap ko. Malakas ang pagkakasabi at alam kong iyon ay para sa aming lahat.
“Chon ma ne yo” sagot ng iba pang mga naroon na kasamahan ko dahil hindi lahat ay alam ang ibig sabihin ng kaniyang sinabi at katulad ko, wala din alam sa kung anong tamang isagot.
Hindi ko na matandaan ang ibig sabihin ng sinabi niya at ang sagot ng mangilan-ngilang kasamahan ko kaya lakas loob akong nagtanong.
“Ano ‘yun?” tanong ko sa mas maliit na katabi ko. Pabulong.
“Ano daw ang ibig sabihin ng sinabi ko at ng isinagot ninyo sa akin para malaman ng katabi mo ang ibig sabihin ng ating pinagsasabi dito.” Tanong din niya sa pinagtanungan ko.
“Kam sa hap ni da ay Thank you at Chon ma ne naman Jokyo ay you’re welcome.”
“Ilang taon ka na?” muli niyang tanong sa katabi ko.
“9 years old Jokyo.”
“At ikaw Santiago, how old are you?” seryosong tanong nito.
Pakiramdam ko nanliliit ako sa pagtitig niya sa akin. Napayuko ako sa hiya.
“Huwag mong sabihing pati edad mo hindi mo na din alam?
Hindi na lang tanong iyon. May kasama ng pagpapahiya na sadyang lalong nagpatindi ng pangangatog ng aking tuhod. Narinig ko ang pigil na tawa ng mga kasamahan ko.
“How old are you, Santiago?”
“Twelve.” Mahina kong sagot.

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 3

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Huminto ako sa paglalakad. Luminga-linga baka may iba akong maupuan.
“Romel, dito ka na. Come, join us!” si Lexi.
Hindi ako makapagdesisyon.
Hindi ko matanggal sa isip ko ang ginawa ni Jino sa akin sa beach at yung nangyari kaninang umaga. Kumukulo talaga ang dugo ko sa kaniya. Hindi tuloy ako makapagdesisyon kung tutuloy pa akong lapitan si Lexi.
Ngunit nakapagbitaw na ako ng salita kay Lexi na susunod ako kung saan siya uupo. Ayaw kong umiwas lalo na at kaninang umaga lang muli niya ako tinarantado. Lumapit ako sa kanila. Tahimik kong ipinatong ang tray sa mesa. Nginitian ko si Lexi. Hindi ako nag-aksaya ng panahong tignan si Jino ngunit alam kong sa akin siya nakatingin. Dahil do’n namumula ako na hindi ko alam kung bakit. Lalo akong naco-concious kapag alam kong may tumititig sa akin. Hindi ko tuloy alam kung paano ko ihaharap ang mukha ko sa kanila.
“Magkakilala na ba kayo?” si Lexi.
Kumindat ako kay Lexi sabay bukas sa aking baong sandwich.
“Jino pala bro.” Inilahad niya ang kamay niya.
Kumunot ang noo ko. Bakit ba ang hilig nilang makipagkamay kapag nakikipagkilala. Obligado bang makipagkamay ang isang tao sa tuwing sasabihin ang pangalan?
“Kilala na kita. Doon sa beach palang.” Mapakla kong sagot ngunit di ako nakatingin sa kaniya.
Kumagat ako ng sandwich.
Binawi niya ang nakalahad niyang kamay nang hindi ko iyon inabot.
“Jino, siya si Romel, Romel siya si Jino.”
Kay Lexi lang ako muli tumingin nang si Lexi na mismo ang nagkusang ipakilala kami sa isa’t isa. Pagkatapos no’n ay saka ako uminom ng softdrink.
“Puwede bang let’s just be friends na lang kung anuman ang hindi ninyo pinagkaintindihan dati? Alam ba ninyo na laging sinasabi sa akin ni Mommy na mas madaling makipagkaibigan kaysa sa magkaroon ng kaaway. Bati na kayo ha?”
“Ako, okey lang. Ewan ko sa kaniya kung may problema siya sa akin.”
Ang sinabing iyon ni Jino ang nagbigay ng dahilan sa akin para sagutin siya.
“Magkaliwanagan nga tayo. Sa beach ikaw ang unang nakatama ng bola sa akin di ba? Nananahimik ako noon e, tapos kaninang umaga, sino ang tarantadong nagbigay ng direksiyon sa akin papunta sa CR ng mga babae, di ba ikaw din ‘yun?”
Tumawa siya.

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 2

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Sa isang iglap ay parang sa pelikula ko lang napanood ang ginawa niya sa akin. Hinila niya ang kamay kong nakapilipit sa kamay niya at bago ako makalaban ay natagpuan ko ang sarili kong lumagapak sa buhanginan.
Nanlaki ang mga mata ko sa bilis ng ginawa niya. Hindi ako makapaniwala.
Hindi din ako makahinga sa kamay niyang nakasakal sa akin at nanginginig ang kaniyang kamao. Alam kong sa isang iglap ay tatama na iyon sa aking mukha. Hindi ko na nakita ang pagkaamo ng kaniyang mukha. Galit na galit ang kaniyang mga mata. Parang tumigil ang pag-ikot ng mundo ko. Wala din akong naririnig na ingay sa aking paligid. Tanging malakas na hininga ko at hininga niya ang gumuguhit sa pandinig ko.
Mabilis na dumapo ang kamao niya sa aking labi at nang muli niya akong ambaan ng suntok ay napapikit na lang ako.
Ngunit hindi na tumama ang isa pang suntok sana sa mukha ko. Kaagad siyang hinila palayo sa akin. Nang bumangon ako para kahit papaano ay makabawi sana sa panununtok niya sa akin ay kaagad dinakong hinila ni Daddy Ced. Galit na galit akong minura si Jino. Gusto kong makaganti, gusto kong makahulagpos sa pagkakawak sa akin ni Dad ngunit kulang ang lakas ko.
Ako na lang noon ang inaawat. Siya ay kalmadong nakatingin lang sa akin. Pinunasan ko ang dugo sa aking labi at idinura ang iba pang nasa loob na ng bibig ko.
“Tarantado ka, gagantihan kita! Hindi kita patitirahin sa muli nating pagkikita, gago!” singhal ko.
Sa isinisigaw kong iyon ay mas nagalit si Daddy sa akin. Hinila niya ako. Malakas ang pagkakahilang niya palayo doon. Alam kong sumasabog na siya sa galit. Pati ang pagpigil sa kaniya ni Papa Pat ay hindi na nito pinansin. Nang makalayo-layo na kami ay hinawakan niya ang magkabilang braso ko. May diin iyon.

“Anong itong ginagawa mong ganito ha! Kahit saan tayo magpunta, lagi kang naghahanap ng away. Anong problema mo?”
Huminga ako ng malalim.
Hindi ako sumagot.

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 1

Teen Bromance Novel By: Joemar Ancheta

Kumusta mga tol?
Sa mga nakakikilala na sa akin, tingin ko hindi ko na kailangan pang magpakilala, kung ano ang buhay ko at kung kanino akong anak. Ngunit para sa katropa natin diyang hindi pa ako kilala, tawagin ninyo akong Romel o kaya sa palayaw kong ibinigay ng Lolo at Lola kong Boboy. Pakiusap lang, huwag akong tawaging Baby Romel dahil hindi na ako baby pa.
Masalimuot ang buhay ko. Hindi lahat ng tao maiintindihan ang family background ko. Iyon ay kung maituturing ngang pamilya ang kung anong meron ako. Sorry for being rude na para bang lumalabas na wala akong utang na loob sa mga taong nag-aruga, nagmahal at nagpalaki sa akin. Madali nga lang kasing husgahan ako kasi hindi ninyo napagdaanan ang buhay na mayroon ako.
Well, if you define normal family as conforming to the standard or common na may nanay, tatay at anak, then absolutely hindi normal ang pamilya ko. Sino sa inyo mga to,l ang may dalawang lolo na mag-asawang bakla? O, sige tol, dagdagan natin para exciting at kumpleto ang description pa ng family na meron ako. Hindi lang kasi mga lolo ko ang bakla, may mga magulang din akong dalawang tatay na mag-asawang bading ngunit ni isa sa kanila ay hindi ko kadugo. Sino sa inyo dito brad ang isa lang semilya na ipinasa sa inang di ko na nakilala at nauna pang namatay ang ama bago ako isilang? Ang masaklap bago pa man namatay si Daddy at bago pa man ako ipanganak ay ipinamigay na ako sa mga hindi ko kadugo samantalang may lolo at lola din naman akong magulang niya na sana ay mag-alaga at mag-aruga sa akin. Ngunit ang nangyari, ipinamigay lang ako sa mga taong hindi ko kaano-ano bukod sa sila nga ang nagpalaki sa akin. Ngayon, sabihin ninyo sa akin kung paano ko lubos maintindihan ang buhay kong simula pa lang ay marami ng sigalot na di ko maihanapan ng kasagutan. Ginawa lang yata to fulfill a dream of having a son or grandson. Okey na okey ‘yun dib a mga brad. Ipinanganak ako dahil lang sa kagustuhan nilang may buhay na alaala ang namatay na ama ko. Iyon lang ba ang papel ko sa mundo. Isang buhay na alaala ng isang yumao, isang tugon sa kahilingang magkaroon ng apo?
Hindi dahil ako ang nagkukuwento dito ay ako lang ang pangunahing tauhan. Kung sanay kayo sa bida na mala-anghel, may mabuting ugali at makatao, hindi ako iyon. Kaya hindi ko hinihingi ang awa ninyo o kahit simpatya. Isasalaysay ko ang kuwento ng buhay ko sa paraang gusto ko at sa kung ano ang totoo. Magalit kayo sa akin, kamuhian o kaya murahin ng murahin ngunit sasabihin ko sa inyong wala akong pakialam. Ito ako mga tol, e, ito ang buhay ko. Tanggapin man ninyo ako o kaiinisan wala na ako doong magagawa. Kung pagkatapos ng paglalahad ko ay mamahalin din ninyo kung sino talaga ako ay isang bonus na lang na maituuturing iyon sa akin. I neither intend to please nor impress anybody. Ito ang naging buhay ko NOON. Buhay ko na kahit pa pagsisihan ko ay naging bahagi na nang pagkasino ko NGAYON.