Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Friday, February 27, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 12

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

“Ikaw, mahal mo ba siya?” tanong ko.
Hinawakan ko ang kamay niyang nasa aking pisngi para tanggalin iyon dahil naaasiwa ako lalo pa’t dalawa lang kami doon.
Sasagot palang sana siya ngunit biglang may pumasok sa hindi isinara ni Jino na pintuan.
Nakita ko si Miggy.
Nakatingin siya sa amin habang ang kamay ni Jino ay nasa aking pisngi at nakahawak din ako sa kamay niya.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa.
Nagulat si Miggy sa naabutan niya. Hindi siya nagsalita ngunit halata sa mukha niya na hindi niya gusto ang naabutan niya sa amin.
Bago siya makalabas ay nakasalubong niya sina Lexi at Jheck na noon ay nakatingin na din sa amin. Dahil sa pagkagulat naming dalawa ay huli na nang tanggalin namin ang aming mga kamay, siya sa pisngi ko at ako sa kamay niya.
Pero iyon lang ‘yun. Sa akin walang malisya, hindi ko alam sa kanila kung may ibig sabihin no’n. Ngunit iba ang dating ng tingin nila. May kahulugan at di ko alam kung kailangan kong magpaliwanag.
                “What?” tanong niya kina Jheck at Lexi. “Masama bang i-comfort ko siya? I just feel bad for what we did and it is too unbecoming of us to cheer Philip and not him!” Tinalikuran niya ako. Yumuko ako. Ibinigay ko na lang kay Jino ang pagkakataon na ipaliwanag ang naabutan nila.
                “Di ba napag-usapan na natin ang tungkol dito? Ano na naman ‘tong ginagawa mo?” tanong ni Lexis a kaniya.
                Napailing ako. Alam ko naman ‘yon may usapan sila kaya ako laging nagmumukhang tanga. Iyon yung mahirap e, yung alam mong pinagkakaisahan nila ako at wala akong magawa kundi ang parang tanga lang na isipin kung alin ba ang mali.
                Nilingon muna ako ni Jino bago siya naglakad palabas. Halata kong umiwas na lang siyang ipilit pa ang gusto niya kay Lexi. Nagkatitigan muna kami ni Lexi bago sila tuluyang lumabas ni Jheck.
Naiwan na naman ako doon na parang akala mo may nagawang masama. Ako ba ang lumapit? Ramdam kong malapit na maubos ang pasensiya ko at pagtatangi kay Lexi. Sagad na sagad na ako ngunit gusto ko lang kasing patunayan na kahit ganito lang ako sa tingin nila ay tapat din naman akong kaibigan.

                Lumabas ako ng classroom dala ang gitara ko. Nakita ko silang dalawa na nagtatalo malapit sa classroom namin ngunit hindi ko na lang sila nilapitan. Sigurado akong ako ang dahilan ng kanilang pagtatalo at kung sasabad man ako, lalo lang gugulo ang lahat at ang masakit ay yung dededmahin lang nila ako. Tumungo ako sa likod ng classroom namin. May tambayan kasi doon sa silong na isang malaking puno. Doon ay makapag-isip isip ako.
                Nadatnan ko si Miggy doon. Nakaupo siya na parang malalim ang iniisip. Hahanap na lang akong ng ibang mapupuwestuhan. Baka masama parin ang loob niya sa akin dahil sa naabutan niya kanina.
                “Romel, tol, sandali lang.” tawag niya sa akin. “Puwede bang mag-usap tayo?”
                Nilingon ko siya. Nakita na niya ako. Hindi ko na kailangan pang umiwas. Lumapit ako sa kaniya.
                “Anong atin, tol?” tanong ko. “Kung tungkol ito sa naabutan mo kanina, wala ‘yun.”
                “Anong tungkol do’n?” pagmamaangmangan niya.
                “Yung naabutan mo kanina sa amin ni Jino. Sinisigurado ko sa’yong mali ang iniisip mo.”
                “So alam mo na palang…”
                “Nagsabi siya sa akin, siguro bilang dating best friend niya dapat din lang na malaman ko. Kung mahal mo ang bestfriend ko, sana kaya mo siyang panindigan.” Seryoso kong tinuran sa kaniya iyon. Ayaw ko na kasing makita pa si Jino na iiyak. Tama na yung mga pagkakataong pinaluha ko siya. Masakit kasi sa dibdib na nakikita kong lumuluha siya sa harap ko na di ko kayang ibigay ng buo ang kaniyang gusto.
                Tanging malalim na paghinga ang narinig ko sa kaniya.
“Mahal mo ba si Jino?” Tanong ko. Gusto ko ng malinaw na usapan.
                “Masaya ako kung kasama ko siya. Malakas ang kabog ng dibdib ko sa tuwing nakikita ko siya sa umaga at hindi ako mapakali kung hindi ko pa siya nahahanap.” Pinatunog niya ang kaniyang mga daliri. “Tol, sigurado akong mahal ko siya kasi lagi ko siyang iniisip bago matulog ng gabi. Nagdadasal pa nga ako na sana siya ang managinipan ko at sa tuwing nagigising ako ay hinahanap ko ang cellphone ko dahil excited akong basahin kung may text siya. Buo na ang umaga ko kahit forwarded quote lang niya ang mababasa ko.  Kung nagkataong wala siyang text ay uunahan ko siyang batiin ng Good Morning.”
                Nakaka-relate ako sa sinasabi niya sa akin. Huminga ako ng malalim. Hindi lang pala ako ang may ganoong pakiramdam.Namiss ko na yung pakiramdam na iyon. Kailan kaya maulit yung may mabasa akong text galing sa kanila ni Lexi. Sobrang tagal na nung huli akong nakatanggap ng ganoong text sa kanila. Kaya nga nang tumigil ang lahat ng iyon, iniiwasan ko nang tignan pa ang iphone ko dahil mamimiss ko lang ang mga iyon paggising ko.
Pumulot ng bato at nilaro-laro niya iyon.
“ Nalulungkot ako tuwing araw ng Biyernes dahil dalawang araw ko siyang hindi makikita at excited ako sa pagdating ng Lunes dahil alam kong muli ko na naman siyang makakasama.” Pagpapatuloy niya.
Naisip ko. mabuti pa siya, tuwing Biyernes lang siya nalulungkot. Ako, araw-araw na iyon ang pinagdadaanan ko. Nakikita ko sila masaya, may kausap, nagkakasa-kasama. Alam kaya ni Miggy kung gaano siya mas maswerte sa akin? Kung anong sakit ang patuloy na pinagdadaanan ko? Yumuko ako at niyakap ko na lang ang gitarang hawak ko.
“Ngayon lang nangyari sa akin ito. Kaya lang, natatakot ako dahil ramdam ko, tol, na may mahal siyang iba. Wala siyang bukambibig kundi ikaw. Gano’n kasi ako kina Jheck at Lexi, siya ang bukambibig ko kaya naman nila ako nahalatang may lihim na pagmamahal kay Jino. Sila ang nagsabi no’n kay Jino at wala akong magawa kundi ang umamin na lang. Ngunit paano kung yung mahal ko ay may mahal ding iba at yung mahal niya ay sa pinsan niya naman nagkagusto. Ganoon ba dapat kakumplikado ang pagmamahal? Kung ikaw nasasaktan ka kina Philip at Lexi, ako nasasaktan ako sa’yo at kay Jino kahit alam kong wala ka namang ginagawa. Iyon yung masakit tol e, ikaw nga na wala namang ginagawa laging patago niyang pinagmamasdan ngunit akong ginagawa na ang lahat, ni halos hindi niya mapansin. Bakit ikaw ang lagi niyang nakikita at hindi ako?” ipinukol niya sa malayo ang hawak niyang bato. Yumuko na parang nawalan na siya ng pag-asa.
Ngumiti ako.
Umiling-iling.
“Ewan ko. Hindi ko alam.” Sagot ko.
Nilaro ko ang gitara ko para lang may iba akong ingay na naririnig.
                “Ikaw tol, may nararamdaman ka din ba kay Jino?”
Napalunok ako sa tanong niyang iyon.
Diretsuhan.
Titig na titig siya sa akin.
Hindi ako kaagad nakasagot.
“Sana huwag na lang siya. Kasi alam kong madali mo lang siyang mabawi sa akin. Pero kung sakali na may gusto ka din sa kaniya at kayo talaga ang nagmamahalan, kahit gaano kasakit, kahit gaano ko pa siya kamahal, wala naman akong magagawa kundi ang isuko siya sa kung kanino siya talaga masaya. Kaya sana ngayon palang magkaliwanagan na tayo, mahal mo din ba si Jino?”
                “Anong klaseng tanong ‘yan tol. Kung mahal ko siya, dapat hindi ganito ang reaction ko ngayon sa inyo. Saka ano ‘tong sinasabi mo susuko ka na agad?” Tanong ko.
Tumabi ako sa kaniya.
“Ako nga kahit kaibigan lang yung ipinaglalaban ko, kahit sobrang sakit na yung ipinapakita nila sa akin, nandito pa din ako para sa kanila. Gano’n siguro talaga kapag sobrang umasa ka na walang iwanan tapos ‘eto, parang napag-iwanan na nga nila ako pero para pa din akong tangang bumubuntot-buntot at umaasa.” bumunot ako ng malalim na hininga.
“Bilib nga ako sa tibay mo tol.” Tinapik niya ang balikat ko.
Isang mapait na ngiti ang sumilay sa aking labi.
“Pero alam mo bang kahit hindi nila sabihin sa akin, ramdam kong nasasaktan din silang gano’n ang ginagawa nila sa’yo?”
“Wehhh di nga? Parang hindi naman!”
“Tol, kumplikado din naman kasi yung gusto mong mangyari. Mahal ka ni Jino, kung magiging kayo ni Lexi, paano ‘yung isang kaibigan ninyo kaya kahit mahal ka siguro ni Lexi, ginagawa niya lang ito para di niya masaktan ang pinsan niya. Gusto niya yatang maihanda muna si Jino para di na ito masasaktan kung maibaling na din muna ni Jino ang nararamdaman niya sa iba. Kaya din ginagawa ni Lexi ‘yan sa’yo para maibaling mo sa iba ang pagmamahal mo sa kaniya. Sarili kong opinyon lang ito ha. Iyon lang ang sa tingin ko kasi ilang beses kong nakikita si Lexi na umiiyak din dahil sa ginagawa niya sa’yo. Hindi nga niyan halos makayanan yung sakit kapag nakikita niyang nasasaktan ka na nila.” Huminga siya ng malalim.
Nilingon niya ako.
Mahirap ko pa din mapaniwalaan ang sinasabi niya sa akin kaya kitang-kita niya sa mukha ko ang pagtanggi.
“Hindi ko dapat sinasabi ito pero kung mahal mo si Lexi, sana intindihin mo na lang muna siya. Kailangan kong makuha muna ang pagmamahal ni Jino bago siguro ninyo masimulan yung sa inyo. But then again, maaring nagkakamali ako kasi sila lang namang dalawa ang may usapan tungkol sa’yo. Labas kami ni Jheck kung ano talaga ang plano nila sa pagkakaibigan ninyong tatlo.”
“Sana nga kaya ko pa kasi malapit na malapit na akong susuko. Kaunting pasensiya na lang ang naiiwan at pasensiyahan na lang kami kung di ko na talaga kaya pa ang pinaggagawa nila sa akin. Alam mo bang ang tanging pumipigol na lang sa akin ay nasasayangan akong basta na lang kalimutan yung magandang pinagsamahan namin.” Kinusot ko ang mga mata ko at kunyari ay inaayos ko ang tunog ng aking gitara.
“Paano, baka hinahanap na ako.” Tumayo siya.
“Sige lang, tol.”
“Sana atin-atin na lang yung pinag-usapan natin ‘tol. Saka salamat dahil ipinaramdam mong suportado mo din yung tungkol sa amin ni Jino. Pero inaamin ko, nagselos at nasaktan ako kanina nang makita kong hawak niya ang pisngi mo at hawak mo ang kamay niya. Siguro panghahawakan ko na lang ang mga sinabi mo sa akin.” Bumunot siya ng malalim na hininga. “Mahal ko siya tol, subukan kong ilaban yung pagmahahal ko kahit alam ko namang ikaw ang mahal niya sa ngayon.”
“Tama ‘yan tol. Good luck ha. Galingan mo ang panliligaw tol nang mas mapadali naman ang pagkakaayos namin ni Lexi kung hindi pa sila ni Philip.” Biro ko. Hindi lang pala biro yun sa akin. May sundot na totoo. “Sila na nga ba?” pasimpleng tanong ko.
“Iyon ang hindi ko masagot tol pero ang ramdam ko, ikaw ang mahal ni Lexi. Iyon naman ang mahalaga di ba?”
Kahit paano ay napangiti pa din ako sa sinabi niyang iyon kahit mahirap ko nang paniwalaan.
“Oo naman.”
“Sige tol, tuloy na ako.” pamamaalam niya.
Tumango ako.

Pangalawang araw ng Intrams ay ipinasok na muli ako ng coach namin. Nagiging mas maayos na ang laro ko. Nakakondisyon na kasi ang utak ko na kahit anong marinig ko o gawin nila Lexi ay hindi na ako paapekto pa. Dapat nasa laro ko ang aking buong konsentrasyon.
Isa pa, madami din naman ang may crush sa akin sa campus. Madami nga ang kinikilig kapag tumitira ako at pumapasok ang bola. Babae, bakla at pati mga tigasing kagaya ko ay isinisigaw ang number na nasa likod ng jersey ko at sa mga nakakakikilala sa akin ay ang pangalan ko.  Sa akin pumapanig ang swerte. Hindi kami nahirapang talunin ang freshman at ang juniors naman ngayon. Kapag nakakapag-shoot ako ay sa mga nagchi-cheer sa aking mga kababaihan at mga bakla na hindi ko naman kinakalimutang pansinin sila ng aking tingin at ngiti sabay ng matinding pagpapacute na kindat at saludo.
“We love you number 3!!!! We love you Santiago R!” sigaw nilang sabay-sabay nang maitira ko ang isang 3 points shot na siyang lalong tumambak sa layo ng score namin sa kalaban.
Muli ko silang sinaluduhan at flying kiss. Lalo silang nagwala pati ang mga teachers naming nanonood. Nabigyang buhay ang sana ay boring na laro dahil sa akin. Pakiramdam ko superstar ako sa campus namin.
Nakangiti kong tinapunan ng mabilis na sulyap ang kinaroroonan nina Jino, Lexi, Jheck at Miggy na noon ay napapatahimik sa nakita nila at naririnig na hatak ko sa mga nanonood. Ang Philip nila? Bihira naming pasahan dahil madalas mintis ang tira. Kailangan lang naman lang talaga namin siya dahil sa rebound. Bukod do’n wala na siyang silbi sa team.
Natatahimik sila sa tuwing nakaka-shoot ako. Hindi makatingin sa akin. At iyon ang gusto kong ipamukha sa kanila. Kaya kong maging pinakamagaling sa gusto kong gawin, may suporta man sila o wala. Marami ang maaring magmamahal sa akin at hindi lang sila. Ako ang nagpanalo sa grupo namin. Pagkatapos ng landslide na panalo namin, pinagtulungan akong akong binuhat ng grupo namin habang nagsisigawan ang karamihang mga babae. Isinisigaw nila ang number at apelyido ko.
Nahagip ng tingin ko si Lexi. Parang may kung anong pagseselos sa kaniyang mukha. may takot at halong kaba. Kabisadong-kabisado ko ang tinging iyon. Lumapit sa kanila si Philip at sinalubong siya ni Jheck. Nagkayayaan na yata silang umalis doon at mabilis ko nang binawi ang tingin ko sa kanila.
Nang maibaba nila ako ay tumungo ako sa gilid para kunin ang pamunas ko at backpack na naglalaman ng aking pamalit. Hinabol ko ng tingin ang palayong sina Lexi. napalingon sa akin si Jino. Kumindat ako at sinaluduhan ko siya. Hanggang sa nagpapahuli ito nang lakad at nang di makatiis ay nakita kong binalikan niya ako. Hinubad ko ang aking jersey. Ipinaypay ko muna iyon habang nagpapahinga. Nang kunin ko ang face towel ko ay naunahan na ako ni Jino. Kinuha ko na lang sa kaniya ang iniaabot niyang pamunas ko.
“You did… You…ehmm” napalunok siya habang nakamasid sa pawisan, makinis at maputi kong katawan. Napangiti ako dahil nabubulol siya. Gano’n din ako noon ngunit hindi na ngayon. Kitang-kita ko ang kakaiba niyang reaction kaya bago pagpistahan ng hindi niya maialis na mata sa aking katawan ay patay-malisya kong itinkip ang maliit na face towel sa aking didbib hanggang sa bahaging tiyan.
“Baka matunaw ako niyan ha!” tukso ko sa kaniya.
Muli siyang napalunok.
Napapangiti ako sa nakikita kong hitsura niya.
“Ano yung sinasabi mo? Bakit ka ba kasi nauutal?” tanong ko.
Huminga ng malalim.
 “You did well, today. Congratulations!” bulong niya.
Nakita ko ang lakad-takbong ginawa ni Miggy pabalik. Kaagad niyang inakbayan ang natatarantang si Jino. Para namang may aagaw kay Jino kung makabakod. Napailing ako.
“Congrats tol! Galing ng laro mo!”
“Thank you.” Maangas kong sagot.
Nasa mga mata ni Miggy ang kirot na hindi ko maintindihan. Tinging taglay ko kapag nakikita kong masaya sina Philip at Lexi.
“Tara? Hinihintay na tayo.” Yakag niya kay Jino.
Nakita ko ang paghawak din ni Jino sa kamay ni Miggy na nakaakbay sa kaniya. Lumingon ako sa paligid. Sana walang ibang nakakakita sa pasimple nilang paglambingan. Nang nakakasiguro akong wala naman ay muli ko silang pinagmasdan.
Naninibago sa kung ano ang nakikita ko sa kanila.
Ako naman yung natataranta at natigilan nang makita kong bumulong si Miggy kay Jino. Nahahalikan na nito sa pisngi ang bestfriend ko lalo pa’t halos yakap niya sa higpit ng kaniyang akbay.
Napayuko ako. Narinig ko ang pigil nilang tawanan. Kinagat ko ang labi ko at tumalikod para ituloy ang pagpapalit ng damit.
“Tuloy na kami ‘tol. Hinihintay na kasi kami e.”
“Sige.” Maikli kong sagot. Hindi ko pa din sila nililingon.
Napabuntong-hininga ako. Tulad ng ilang buwan, pagkatapos akong palakpakan ay muli akong mag-isang iikot sa campus. Nakakasawa na din pala yung ganito. Nakakapagod lalo na kung nakikita mong masaya na sa iba ang mga dati ay inaasahan mong maging kasangga sa habampanahon.
Bumili muna ako ng coke saka ko kinuha ang gitara ko na iniwan ko sa locker ko sa gym. Naglibot ako. May mga bumati sa akin dahil sa magandang laro ko kanina. Ilan ay kinikilig pa din at namumula sa tuwing nakakasalubong nila ako. Hanggang sa nagawi ako sa mga grupong nakaupo at nagkukuwentuhan malapit sa baseball field. May mga kasalukuyang naglalaro doon ng baseball. Muli kong tinignan ang paligid. Ilan ay abalang ipanalo ang kani-kanilang mga team. Bukas matatapos na din ang intrams. Naghanap ako ng mauupuan at igitara ko na lang at ikanta ang aking kalungkutan hanggang matapos ang araw. Hanggang sa naulinigan ko ang malakas na tawanan nina Jino, Lexi at Miggy. Hindi na nila noon kasama sina Philip at Jheck. Baka bumili lang ang dalawa ng mamiryenda nila.
Umupo ako sa hindi kalayuan sa kanila at nagsimula kong nilaro ang aking gitara. Naisipan kong kantahin ang kinakanta nina Daddy noong tinuturuan nila akong maggitara. Sinadya kong baguhin ang ilang lyrics nang kantang iyon para sa mga kaibigan ko at ito na siguro yung tamang pagkakataon para iparinig ko sa kanila. Dito ko na lang ibubuhos yung sama ng loob ko. Sa kanta ko idadaan ang gusto kong sabihin sa kanila.
                Nang magsimula akong maggitara ay nakuha ko na ang atensiyon nila. Nagkatinginan sina Lexi at Jino. Nakatingin si Miggy kay Jino at kulang na lang takpan nito ang mga mata ng best friend ko. Nang kinuha ni Miggy ang gitara niyang nakakalat lang sa harap nila para siguro agawin mula sa akin ang atensiyon ni Jino ay mabilis na pinigilan siya nito. Napangiti ako sa nakita kong reaction ng dalawa. Kinuha kasi ni Jino ang gitara kay Miggy. Inilayo nito sa kaniya at nang pinipilit na kunin ni Miggy ay bumulong sa kaniya si Jino. Yumuko na lang ang kakawawang si Miggy.
Nagsimula na akong kumanta.



Nag-iisa sa sulok at coke lang ang kasama
Mas okey pang laging gan'to, nalilimutan ka
Hindi ko malaman sa 'yo kung ano ang drama mo
Bakit lagi mo na lang sinasaktan ang puso ko?
                Yumuko si Lexi pagkarinig niya sa kanta ko. Kumuha siya ng facial tissue sa bag niya at ipinahid niya iyon sa gilid ng kaniyang mga mata habang nakatingin siya sa malayo. Malungkot ang kaniyang mga mata. Hanggang sa nakita kong hinawakan niya ang kaniyang dibdib at tuluyang yumuko. Natatakpan ng kaniyang mukha ang mahaba niyang buhok.

Tandang-tanda ko pa noong tayo'y mga bata pa
Paglalambinga’t tawanang parang walang humpay
At sa kabaitan mo nga'y lalong minahal kita
Subalit nasaan ka na, sumama sa iba.
             
                Tumayo ako at lumapit sa kanila. Nagtagpo ang mga mata namin ni Lexi. Sinapo niya ang ulo niya at pilit niyang iniiwas ang kaniyang tingin sa akin. May ibinulong siya kay Jino. Inakbayan siya ng pinsan niya. Kinuha niyang bottled water sa tabi niya at iniabot kay Lexi.

Bakit, bakit ba iniwan mong nag-iisa
Bakit, bakit ba, sa akin ba'y nagsawa na
Sinusunod naman kita kahit ano, kinakaya
Wala pa ring k'wenta, bakit ba?
“Tama na ‘yan Boy. Please?” humihikbi na si Lexi. Pinunasan niya muli ang kaniyang luha. Inilayo ko sa kaniya ang hawak kong gitara dahil pinipilit niya iyong makuha sa akin para patigilin ako.
Tumalikod siya.
Dahil si Jino na lang ang nakaharap sa akin sa mga sandaling iyon ay sa kaniya na lang ako nakatingin na para bang para sa kaniya ang kinakanta ko. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko sapol na sapol sa kaniya ang lyrics ng kanta. Hindi ko alam kung iyon ang mga katagang gusto niyang marinig mula sa akin. Ngunit tatapusin ko ang pagkanta kahit pa sa tingin niya sa kaniya ko ipinapatama ang kanta.

Ano ba ang nakita mo at pinagpalit mo 'ko
Nakasisiguro ka ba ngayon sa bago mo
Sana ay mahalin ka n'ya at wag kang sasaktan
Kahit di na tayo, problema mo'y sabihin lang.

Tinapik ni Miggy ang balikat ni Jino na may halong galit ang tingin sa akin. Masyado naman yata siyang nadadala sa kanta. Hindi ko na lang siya pinansin. Gusto ko yung pakiramdam. Hindi ko man lubos maintindihan ngunit nakakagaan sa pakiramdam na kantahin ang mga linyang iyon lalo pa’t nakatitig lang sa akin si Jino habang hinahaplos niya ang likod ni Lexi. Tuluyang umalis si Miggy dala ang kaniyang gitara. Sa hitsura niya alam kong pinagdadaanan din niya ang sakit na naramdaman ko. Ngunit bakit kailangan niyang ipagselos ang lyrics lang ng isang kanta?

Pilit ka mang limutin ay naghihintay pa rin
Nagbabakasakali na muli kang dumating
Bakit ba kayhirap ng kalagayan ko ngayon
Kaya sa 'king sarili ay laging nagtatanong.

May ibinulong si Lexi na ikinataranta ni Jino. Hindi na ito magkaugaga at mabilis niyang kinuha ang mga bag nila. Tinulungan niya si Lexi na tumayo. Binitiwan ko ang gitara ko at lumapit sa kanila. Namumutla si Lexi. Nakatalikod sila sa baseball field at ako ang nakaharap doon. Nang salubungin ko sila ay sinadya nilang lumiko. Wala akong magawa kundi ang malungkot na lingunin sila. Ilang hakbang lang ang layo nila sa akin. Dalawa o tatlong hakbang lang siguro nang sa isang iglap ay tinira ang bola ng batter sa baseball. Ang diretso ng bola ay kay Jino. Hindi ako nagsayang ng kahit anong sandali. Kisapmata ang ginawa kong pagsangga sa aking katawan para hindi tamaan si Jino na noon ay akbay si Lexi na naglalakad palayo. Napakabilis ng mga pangyayari. Akala ko sa katawan ko tatama ang bola ngunit sapol ang malakas nitong pagdapo sa aking ulo.
Nakaramdam ako ng pagkahilo. Pinilit kong pigilan ang sarili ngunit umiikot talaga ang paningin ko.
Napaupo ako hanggang sa unti-unting humina ang ingay sa paligid ko.
Sa padilim kong paningin ay naramdaman kong may bumuhat sa akin. Iyon lang at wala na akong naalala pa.

Pagmulat ko ng aking mga mata ay nasa school clinic ako. Inapuhap ko ang bukol sa noo ko. Muli kong ipinikit ang aking mga mata dahil nakaramdam pa din ako ng pagkahilo.
“Kumusta ang pakiramdam mo iho? Tinawagan na namin ang Daddy mo at malapit na siguro sila ngayon. You need to be in the hospital para matignan ka ng husto. Kailangan nating makasiguro kaya I will advice your Dad na ipasailalim ka muna sa computerized tomography o magnetic resonance imaging scan para maagapan kung may damage sa lakas ng impact ng bola sa ulo mo.” payo ng aming Clinic Nurse.
“Sino ho ang bumuhat sa akin dito?” tanong ko. mas mahalaga kasing malaman sa akin na hindi ako iniwan ng mga kaibigan kong nakahandusay lang doon sa damuhan.
“Ako, bata! Anong tingin mo sa ulo mo, bato?” natatawang biro ni Kuya Jello. “Mabuti padaan ako nang makita kong sinadya mong iharang ang ulo mo sa bola. Ano yung ginawa mong ‘yun? Sinusubukan mo lang ba ang tigas ng ulo mo kung kaya nitong basagin ang bola?”
Ngumiti ako.
Ginawa ko iyon para iligtas si Jino o si Lexi ngunit ni isa sa kanila wala sa tabi ko ngayon. Sobrang sama ng loob ko. Ngunit kahit ganoon, pilit kong ipaintindi sa aking sarili na hindi naman nila hininging iligtas ko sila. Baka nga hindi din nila alam na ginawa ko iyon para sa kanila. Wala namang ibang sisihin kundi ako. Pinili kong gawin iyon. Nakalimutan ko ang sarili kong kaligtasan. Ginawa ko iyon dahil ayaw kong masaktan ang isa sa kanila. Ganoon ko sila kamahal. Ngunit ganoon din ako kawalang-kuwenta sa kanila.
Dumating si Daddy Ced. Halata ang takot at pangamba sa kaniyang mukha. Nanginginig pa siyang lumapit sa akin, natataranta.
“Anong nangyari anak? Kumusta ang pakiramdam mo?”
“Okey na ako Dad. Nahihilo pa din pero okey naman ang pakiramdam ko.” gusto kong maibsan yung nararamdaman niyang takot.
“Thanks God! Sobrang kinabahan kami ng Daddy mo.” huminga siya ng malalim habang hawak niya ang kaniyang dibdib.
Kinausap siya ng aming school nurse at nag-usap sila. Nagpasalamat si Daddy kay Kuya Jello na hindi pa umaalis hanggang di niya masigurong okey lang ako. Hinatid pa nga kami ni Daddy hanggang sa sasakyan namin at siya ang umalalay sa akin.
Sa daan papunta ng Hospital ay panay ang tawag ni Daddy Mak para kumustahin ako.

Naglagi muna kami ni Daddy sa Hospital ng ilang oras para masigurado ang kalagayan ko. Hinintay din namin ang CT Scan ko at nang sinabihan kami ng Doctor na wala namang malalang injury ay pinayagan din akong lumabas. Ang ikinasakit lang ng loob ko ay ni walang text o tawag man lang galing kina Jino at Lexi para tanungin ang kalagayan ko.
Pinagbawalan na muna ako ni Daddy na pumasok sa sumunod na araw. Saka Intrams palang naman namin kaya hindi na din ako nagpilit pa. Isa pa, ayaw ko na din munang makaharap pa sina Jino at Lexi. Hindi ko alam kung may karapatan akong magdamdam dahil ni kahit isang text para kumustahin ako ay wala ako nahintay sa buong araw at magdamag.

Iyon na ang simula ng unti-unting pag-iwas ko sa kanila. Nakapagdesisyon na ako. Tatapusin ko na lang school year na ito at mas mainam sigurong sa ibang section na lang ako lilipat o kung hindi ay kausapin ko sina Daddy na i-transfer na lang nila ako sa ibang school.
Mahirap sa mga unang araw na huwag silang pansinin. Nandiyang naiinis ako, nagagalit, nagseselos, namimiss, gusto ko silang lapitan at makipag-ayos. Hindi ko na tuloy maintindihan ang nararamdaman ko.
Ilang buwan na lang din naman matatapos na ang school year na’to. Si Kuya Jello naman, gragraduate na ng High School. Wala na akong makakasamang tumambay sa canteen sa harap ng school namin. Ngunit nagsabi naman siya sa aking sa college department din naman siya papasok sa aming campus kaya madalas pa din kaming magkita. Nawiwili na nga ako sa pagsama-sama sa kanila ng mga tropa niya tuwing recess namin. Iba ang samahan nila. Asaran, tawanan, kuwentuhang kahit walang katuturan at kung seryosohang problema ay ginagawan nila ng paraan para malutas. Kaya siguro hindi na ganoon katindi yung hangarin kong maging buo kami ng mga tinuring kong best friends. Nawawalan na kasi ako ng gana sa kanila kahit minsan, naiisip ko pa din yung masasaya naming samahan noon.

Ilang araw na lang matatapos na din ang school year. Nagawa ko din namang maipasa ang mga subjects namin kahit wala sila. Kaya kong tapusin ang second year na sarili ko lang ang aking aasahan. Totoo ngang hindi naman ako bobo, sobrang tamad ko lang magreview. Paano na lang kung magreview ako, baka panis sila sa akin.
Pagkatapos ng aming final examination ay nagtext si Kuya Jello na kailangan ko daw munang maki-jamming sa kanila sa canteen kung saan kami madalas  tumambay. Para na din daw makilala ko din ang mga college niyang barkada. Nakasalubong ko sina Lexi, Philip at Jheck paglabas ko n gaming classroom ngunit parang wala akong nakita. Naramdaman kong huminto pa si Lexi nang magtapat kami. Parang may gustong sabihin ngunit ni hindi ko siya tinapunan ng kahit sulyap lang. Ibinibigay ko lang naman ang kanilang gusto. Patigasan ang labanan? Sige ibigay ko. Susuko ang talo. Ngunit tapos na ako sa kanila. Pinasuko nila ako. Inubos nila ang pasensiya ko.
“Ano mga brad, puwede na?” tanong ni Kuya Jello nang maipakilala ako sa mga katropa niyang college. Medyo naalangan ako sa kanilang usapan. Hindi ko maintindihan kung ano yung puwede na na tanong ni Kuya Jello kasi kasabay iyon ng mapanuring tingin ng mga nagyoyosing katropa niya sa akin.
“Tingin ko brad, puwede na. Ilang taon ka na ba bata?”
“15 na ako sa May, kuya. Bakit?”
“Maasahan ba ‘to Brother Jello. Kinse? Ilang taon ka ba nung sumapi ka sa amin brad?” tanong ng isa pa kay Kuya Jello.
“Mag fo-fourteen lang yata ako no’n e. Tingin ko wala tayong problema kay bata.” Nagsindi ng sigarilyo si kuya Jello.
Tumingin sa akin.
Tumungga ako sa ibinigay nilang softdrink kanina nang dumating ako.
“Bata, gusto mo ba ng maraming tropa. Yung may masasabi kang kasangga, may tutulong at susuporta sa’yo kapag nangangailangan ka o kinakaharap kang problema.” Tanong ng nakangiting si Kuya Jello.
“Astig ‘yan kuya. Tagal ko nang gustong sumama sa barkadahan ninyo. Puwede!” maangas kong sagot.
“Matibay na ba ang dibdib mo? Kaya mo bang gawin lahat para sa mga kapatiran mo?” seryosong tanong ng pinakamatanda doon. Pinakamatanda sa tingin ko dahil sa kapal ng kaniyang bigote.
“Sus, simple lang ‘yun basta ba yung tropa ko kaya ding gawin ang lahat para sa akin.”walang kagatol-gatol kong sagot.
“Puwede na siguro ‘to. Pero huwag muna ngayon. Saka na sa pasukan. Sa ngayon, okey na lang muna na kasa-kasama siya. Mukha namang maasahan e.” Pinatay ng lider-lideran nila ang sindi ng kaniyang sigarilyo.
“So, master saka na lang ang initiation? Kausapin ko muna si bata at obserbahan na din kung puwede na siya.” Si Kuya Jello.
Tumango-tango ang bigotilyong lider-lideran na tinawag na master.
“Paano brad, kasalukuyan pa lang kasi ang examination namin. Mahirap nang hindi pumasa. Aba! Kailangan ko nang makatapos sa kurso ko. Tumatanda na tayo sa pagiging estudiyante, ang limang taong Electronics and Communication Engineering ginawa ko nang pitong taon. Baka susuko na si Erpat sa kabibigay ng allowance.” Tawanan. Nakitawa din ako para halatang may pakisama.
“Tama na yung ibinigay kong panahon sa kapatiran natin. Kailangan na nating humirang ng kapalit ko. Pag-uusapan nalang natin ‘yan next year pero dapat gra-graduate muna ako ngayong taon na ito bago ko ipasa ang pagiging master sa iba.”
“Ayos ‘yan master.” Si Kuya Jelo.
Hindi ko man lubos naiintindihan ang usapan ngunit gusto ko yung nakikita kong pagtutulungan nila. Kapag walang pera ang isa, may naglalabas ng pera para bayaran ang miryenda ng isa. Nagkakaisa. Lagi silang masaya. Walang iwanan at tampuhan. Pakiramdam ko sila ang mga tropang hinahanap ko. Mga astig. Nagiging lalong tigasin ako kapag nakakasalamuha ko sila.

Kinabukasan, tulad nang nakagawian ko nang nakikita sa halos araw-araw, nagkakaharap ang tatlong sina Lexi, Jino at Miggy. Kung nasaan ang dalawa pang sina Jheck at Philip hindi ko alam. Naiingayan ako sa paglalaro nila o sabihin na nating nagseselos pa din ako lalo pa’t hanggang ngayon, patapos na ang school year ay hindi pa din kami maayos. Kahit tanggap ko na ‘yun ay iba pa din kasi kung nakikita ko sila. Patuloy pa din kasi kaming nagpapataasan. Inaamin ko na tinatamaan pa din ako ng inggit sa kanilang tatlo. Tumayo ako at muli, gitara ko lang ang kasama kong lumabas.
“Ingay e! Parang sila lang ang tao sa classroom! Nakakarindi na!” singhal ko bago lumabas.
Napatahimik ang mga kaklase ko lalong lalo na sila. Lahat nakatingin sila sa akin nang lumabas ako sa pintuan. Wala akong pakialam!
Dumiretso ako  sa likod ng aming classroom. Doon naman talaga ako madalas tumambay sa tuwing hindi ko nagugustuhan ang nakikita ko sa loob. Mabuti pa doon, tahimik. Puwede lang akong gumitara at kumanta. Naabutan ko na doon sa hindi kalayuan sa pinuwestuhan ko ang dalawang katropa ni Philip. Isa doon iyong sarat ang ilong na malakas kumantiyaw. Third year na kasi ang mga iyon kaya hindi ko din gaano kakilala. Wala si Philip sa grupo nila at maaring nasa gym lang iyon dahil doon naman iyon madalas tumambay kapag di niya kasama ang tropa niya o kaya sina Lexi.
Ilang sandali pa ay may lumapit sa akin.
“Boy, puwedeng mag-usap tayo? Nakita kasi kita kahapon, kausap mo yung grupo nina Jello.” Boses ni Jino.
Hindi ko siya nilingon.
Patuloy lang ako sa paggigitara ko.
Nagpanggap na walang narinig.
“Hindi kasi magandang…”
“Wala na kayong pakialam do’n. Pwede ba? Sila na lang yung naiwang kasangga ko kaya please, huwag na kayong makialam.” Singhal ko. Hindi ko na siya pinatapos pa.
Huminga siya ng malalim.
“Iniisip lang kasi namin na…”
“Na ano?” nilingon ko siya? “Puwede ba, bumalik ka na sa mga kaibigan mo. Lumalayo na ako di ba? Mamaya pagseselosan lang ako ng…” masakit ang tingin ko sa kaniya.
“Sorry. Pasensiya na. Mainit yata ang ulo mo. Kakausapin na lang kita kung di ka na galit.”
Nakatingin na sa amin ang grupo nina sarat.
Nagtatawanan.
Hindi ko alam kung bakit pero lalong lumakas iyon nang nakaalis na si Jino.
Nagpatuloy ako sa aking paggigitara.
“Ano Santiago? Nahatsing ka ba sa paminta? Durog na durog e!” sigaw ni sarat sa akin.
Kumunot ang noo ko.
“Paminta? Anong paminta ang sinasabi mo?”
Tumayo ako.
Hindi ko gusto yung lakas ng tawa niya kanina pa nang nakita niyang nilapitan ako ni Jino.
“Paminta? Hindi mo alam? Parang yung kaibigan mong si Jino. Gano’n.” kumendeng siya at itinaas ang isang kamay. “Hina mo naman Santiago. Bakla na umaaktong akala mo kung sinong tigasing lalaki. Gano’n yung best friend mo. Iyon ang ibig sabihin ng paminta. ‘” sabay pa silang humagalpak ng tawa.
Binitiwan ko ang gitara ko.
Lumapit ako sa kanila.
“Anong sabi mo? Ulitin mo nga sinabi mo gago!” singhal ko.
“Aba, bakit nagagalit ka e totoo namang bakla ang best friend mo!”
Pumorma siya ng suntukan.
Dahil doon ay isang malakas na suntok sa sarat niyang ilong ang pinakawalan ko. Nang napansin kong kakasa ang isa ay isang malakas na sipa sa sikmura ang isinalubong ko habang sapo pa ni sarat ang ilong niyang dumudugo. Nang nakita kong susuntok si sarat ay maagap akong umilag ngunit pagkailag ko ay isang malakas na namang suntok sa panga niya ang pinakawalan ko kasunod ng sipa din sa sikmura.
Tumba silang dalawa.
“O, ano ha! Sinong bakla ngayon! Gago kayo ah! Huwag na huwag ninyong masabihan ang best friend ko na bakla dahil hindi ko kayo uurungan.” Biglang pumasok sa isip ko si Philip. Siya lang ang alam kong nakakaalam tungkol dito.
“Si Philip ang nagsabi nito sa inyo hindi ba?”
Inunahan kong pinulot ang dos por dos na dapat ay pupulutin ni sarat.
“Ihahampas ko sa ulo mo ito kung di ka aamin sa akin.” Naninindak ang aking mga mata. “Si Philip ang nagsabi sa kasingulingang ito, hindi ba?” pagpapaamin ko sa kanila.
Itinaas ko ang hawak kong dos por dos bilang panakot.
Tumango ang kasama niyang halatang takot nang masaktan.
Kumulo ang dugo ko. Malakas kong ipinukol ang dos por dos. Pakiramdam ko nawala nang saysay ang lahat ng usapan namin at pinaghirapan ko.
Nanginginig ako sa galit.
“Nasa’n siya!” galit na galit kong tanong.
Nanginginig ang kamao ko.
“Para namang kaya mo siya, sige sugurin mo sa gym tignan natin kung aatrasan ka niya!” sagot ni sarat.
Pinunasan niya ang dugo sa kaniyang labi at ilong.

Lakad takbo kong tinungo ang gym. Pakiramdam ko nawala yung takot ko kay Philip. Gago siya! Putang ina niya! Pinaniwala niya akong lalaki siyang kausap. Binitiwan ko si Lexi dahil sa kaniya tapos ipagkakalat lang niya ang napag-usapan namin tungkol sa pagkatao ni Jino! Nanginginig ako sa galit. Susugurin ko siya kahit pa alam kong wala akong magiging laban sa kaniya. Gusto kong ipamukha sa kaniya ang galit ko. Hindi pupuwedeng dahil lang alam niyang takot ako sa kaniya ay kaya lang niyang gawin sa akin ang gusto niyang gawin.
Nakasalubong ko si Kuya Jello nang malapit na ako sa gym. Tinawag niya ako ngunit hindi ko siya pinansin ngunit alam kong kitang-kita niya ang kakaibang galit sa namumula kong mukha at nanginginig kong kamao. Nilagpasan ko siyang parang wala akong nakita o narinig.
Wala siya sa basketball court.
Dumiretso ako sa locker room namin. Binigla kong binuksan ang saradong pintuan ng locker room at lalong uminit ang dugo ko sa naabutan ko. Pagkapoot ang nasa dibdib ko nang makita kong naghahalikan sila ni Jheck. Kitang-kita ko sila.
Mga hinayupak! Putcha naman oh! Niloloko nila si Lexi. Pinaglalaruan niya lang babaeng minahal ko pagkatapos niyang sirain ang pagkatao ng best friend ko. At anong silbing kaibigan itong si Jheck?
“Gago ka! Tang ina mong manloloko! Walang kang bayag! Akala ko ba lalaki kang kausap!” singhal ko kasabay ng pagtulak ko kay Jheck at pagpapakawala ng isang malakas na suntok sana sa panga ni Philip. Ngunit mabilis siyang umilag. Dahil sa ibinuhos ko ang lakas ko sa akala ko tatama na suntok ko ay sumubsob ako.
Nagsisigaw na si Jheck. Lumabas siya para humingi ng tulong.

Pinilit kong tumayo kaagad bago siya makalapit sa akin. Nang tumayo ako ay hinarap ko kaagad siya. Isang sipa ang pinakawalan niya at sa lakas niyon ay muntik na naman akong napaupo.
“Ano ha! Tigasin ka na gago!” singhal niya.
Nilapitan niya ako.
Kinuwelyuhan.
Wala akong sinayang na sandali. Pagkahawak niya sa kuwelyo ko ay isang malakas na suntok ang naipasok ko sa panga niya.
Nabitiwan niya ako.
Inaambaan niya ako ng isang suntok ngunit hindi na niya iyon napadapo sa akin. Nahawakan ni Kuya Jello ang braso niya.
“Bakit ka nangingialam lagi!” singhal ni Philip kay Kuya Jello.
“E, gago ka pala e! Kapatid namin yang kinakalaban mo ah! Baka hindi mo kilala ang binabangga mo!”
“Kapatid? Paanong naging kasama ninyo ‘yan!”
“Magiging kasangga na namin ‘yan ‘tado ka! Kaya kung ayaw mong masaktan, huwag na huwag mong gagalawin ang bata ko!”
“Sino ka para sabihan ako!” sagot ni Philip kasunod ng isang malakas na suntok ngunit nakailag si Kuya Jello.
“Phil! Nakalimutan mo yatang hindi lang ikaw ang black belter!” pagkasabi ni Kuya Jello no’n ay nagsagupa ang dalawa. Walang pumapasok na suntok at sipa sa bawat isa. Parang sparring lang sa taekwondo ang napapanood ko ngunit mas mabilis si Kuya Jelo. Hanggang sa dumugo ang tinamaang ilong ni Philip.
Nasukol ni Kuya Jello si Philip.
“Bata, sige na, gumanti ka na, suntukin mo nang makabawi ka sa kaangasan nito!” utos ni Kuya Jello.
Nakita kong hirap na hirap si Philip sa pagkakahawak sa kaniya ni Kuya Jello. Itinaas ko ang kamao ko. Naipon doon ang galit ko sa kaniya. Gusto kong minsanang ilabas ang naipon sa dibdib kong sama ng loob sa matagal na panahong pananakot niya sa akin. Kinagat ko ang labi ko. huminga ng malalim. Gusto kong mangitim din ang paligid ng mata niya tulad nang ginawa niya sa akin noon.
Ngunit bago ko iyon mapakawalan ay dumating sina Jino Lexi at Miggy.
Maagap na hinawakan ni Jino ang kamay ko. Inilayo niya ako kay Philip. Dumating din si Jheck kasama ang aming guard. Dinala kaming lahat sa Principal’s Office. Nadatnan na din namin doon ang dalawang naunang nakalaban ko at pangatlo si Philip na duguan din ang bibig at ilong. Hindi ko na idinawit si Kuya Jello sa gulo kahit pa pilit niyang sinasabi ang totoo na siya ang tumira kay Philip. Kinampihan ni Philip ang sinabi kong ako ang gumawa no’n sa kaniya kaya sa akin naniwala ang Principal namin. Abswelto si KUya Jello. Siguro takot lang din si Philip na siyia ang pagbabalingan ng grupo ni Kuya Jello.
Nang nasa loob kami ng Prinicipal’s Office, parang nangyari na noon ito. Dumating lang sina Lexi at Jino sa buhay ko kaya naantala ang madalas kong pagbisita sa mga ganitong lugar ng paaralan. Alam kong nauulit na naman ang mga ginawa ko noong Elementary ako. Ang kaibahan nga lamang ay hindi na dahil sa pamilya ko kundi para na sa mga kaibigan ko ang ipinaglalaban ko.
Pinagharap-harap kaming apat. Sinabi ko kung paano nagsimula ang lahat ngunit may isa lang talaga akong patuloy na pinagtatakpan. Ang kabaklaan ni Jino. Iyon ang wala sa kuwento ko. Imbes na si Jino ang sinabi kong sinasabihan nilang bakla ay ako ang sinabi ko. Ayaw kong madawit siya sa gulo. Ang dalawa ay sinabing si Jino ang sinasabihan ng ganoon ngunit dahil labas si Jino sa away ay hindi siya pinatawag ng aming Principal. Huli na para patawan kami ng suspension. Wala nang pasok e. Kailangan lang naming bumalik ng tatlong araw sa campus para tumulong sa paglilinis bago ang aming dalawang buwang bakasyon. Saka apat na araw bago magsimula ang klase sa June. Kung hindi namin aggawin iyon ay hindi na kami makakapagpatuloy na mag-aral sa school namin.
Paglabas naming apat ay nandoon si Kuya Jello at ang iba pa naming katropa.
“Philip, kung kakantihin mo ang bata namin, ikaw at ang dalawang iyan ang sasagot. Hindi ka namin tinatakot, sinasabihan ka namin kaya kung ayaw mo ng gulo, huwag na huwag mong pagbuhatan ng kamay si Romel.” Pabulong lang iyon ngunit sinadya ni Kuya Jello na iparinig sa kanilang tatlo.
Nagngingit sa galit si Philip ngunit wala siyang magawa. Hindi man ako kasinggaling niya ng taekwondo, may tropa naman akong maasahang magliligtas sa akin.
Sumama ako kina kuya Jello sa labas ng aming campus. Inabutan nila ako ng sigarilyo ngunit tumanggi na muna ako. Naroon pa din kasi sa dibdib ko yung kaba ngunit laking pasasalamat ko dahil kahit papaano ay noon ko napatunayang may masasabi na talaga akong tropa. Isang tropang laging nasa likod ko kung kailangan ko ng suporta. Hindi katulad ng mga tinuring kong mga best friends.
“Initiation at hazing na lang ang kulang sa bata mo brad!” kantiyaw ng katropa at kaklase ni Kuya Jello.
“Huwag nga munang pag-usapan ‘yan.” Napakunot ang noo nitong tumingin sa nagsabi.

Naalala ko ang gitara ko kaya sandaling nagpaalam ako kina kuya Jello para kunin iyon at ang gamit kong naiwan sa classroom. Ngayon, ramdam ko, hindi na ako dapat matakot. Wala na akong dapat pang katakutan. Maangas akong pumasok sa campus.
Pinulot ko ang gitara kong naroon pa. Nang tutungo na dapat ako sa classroom namin ay nakasalubong ko sina Jino at Lexi. Alam kong ako ang sadya nila. Sa mga sandaling iyon, kahit pa anong paliwanag nila, kahit pa ilang luha ang ibuhos nila, iba na si Romel na nasa harap nila. May mga rebelasyon akong narinig mula kay Lexi ngunit paano mapapalambot ng luha ang kasintigas ng bato na puso ko? Pinatigas na ng kanilang pambabale-wala ang dati ay Buboy na ginawa nilang tanga at hahabaol habol sa kanila. Sinaid nila ako ang pasensiya ko.
Ngunit tulad nang nasabi ko sa unang kabanata ng kuwento ko, ito ako mga tol. Ito ang buhay ko at kuwento ng mga taong nagsasabing mahal ako ngunit di ko naramdaman. Iba na  ang Buboy na matutunghayan sa mga susunod ko pang paglalahad. Buboy na maaring kamuhian ng karamihan ngunit mamahalin ng iilan.
Dito na magsisimula ang pinakamasalimuot na bahagi ng kabataan ko. Ang bahaging humulma sa buo kong pagkatao. Ito ba na ang katapusan o siyang bubuo sa akin para sa isang pagsisimulang muli?

No comments:

Post a Comment