Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Saturday, February 28, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 13

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Inilagay ko sa balikat ko ang gitara at dahil wala naman akong ibang madaanan kundi sa kung saan sila nag-aabang ay payuko na lang akong dumaan sa harap nila. Ayaw ko na silang tignan lalong-lalo na ang kausapin pa sila. Nang nasa tapat na nila ako ay maagap si Lexi na pinigilan ako sa paghawak niya sa aking braso ko.
“Wait! Boy, please let us talk?”
Hindi ko siya tinignan. Pilit kong tinanggal ang kamay niya sa braso ko at nagpatuloy sa paglalakad ngunit wala siyang balak pakawalan ako hanggang halos yakapin na niya ako. Hinawakan din ni Jino ang isa pang braso ko kaya wala na akong magawa kundi ang harapin sila.
“Bakit ba?” singhal ko.
“Boy, bumabalik ka na naman sa dating ikaw. Kami dapat ang nagtatanong sa’yo ng bakit? Tatlo ang nasaktan mo sa araw na’to.” si Lexi. Nakatingin siya sa aking mga mata ngunit ako ang umiiwas.
“Bakit? Kasi gusto ko. Di ba nga wala na kayong pakialam sa akin? Kaya anong karapatan ninyong tanungin ako ngayon sa gusto ko?”
“Anong sinasabi mong wala na kaming pakialam sa’yo? Hindi gano’n ‘yun Boy.” Umiling-iling siya. Hinawakan niya ang palad ko. “Sige, sabihin na nating gano’n ang pagkakaintindi mo sa ginagawa namin, pero kailangan pa bang may masasaktan ka pang iba?”
“Bakit Lexi, alam mo ba ang dahilan kung bakit ko ginawa iyon? Huwag mo akong husgahan na parang kilalang-kilala mo na ako dahil ako mismo, pagkatapos ng ginawa ninyong pang-iiwan sa akin ay hindi ko na kayo kilala pa ni Jino.” Binawi ko ang palad kong hawak-hawak niya.
“Sige, sabihin mo sa amin. Anong dahilan at kailangan mong makipagsuntukan?”
“Huwag na, akin na lang ‘yun.”
“O di ba? Ang gulo mong kausap? Iyan ang mahirap sa’yo e. Ayaw mong magsabi kung tinatanong ka tapos gagawa-gawa ka ng isang desisyon na ikagugulat na lang namin.”
Natawa ako.
“Ikagugulat ninyo? Bakit ano ba ako sa inyo? Hindi ba wala lang? Pagkatapos kong  magpakatotoo kung ano ang nararamdaman ko sa’yo Lexi, itinapon mo na lahat. Sinaid mong lahat. Kahit lang sana ibinalato mo na lang yung turingan natin bilang matalik na magkaibigan. Nabasted na nga ako, nawalan pa ako ng mga best friends. Tapos ngayon may ginawa ako, para na kayong sino kung magtanong na parang bang bigla na lang kayong nagkaroon ng pakialam.”
“Boy, tinatanong naming kung bakit ka nakipagsuntukan, iyon yung siguro kailangan nating pag-usapan dahil sa totoo lang, ayaw ko nang maging ikaw yung dating Romel na nakilala namin.” Si Jino. Hindi na niya natiis pang hindi sumabad sa mainit na usapan namin ni Lexi.
“Gusto mong malaman ha!” inilapit ko ang mukha niya sa mukha ko. Amoy ko na ang kaniyang hininga at ganoon din siya sa akin. Halos maglapat na an gaming mukha.
 Napalunok siya.

Natigilan.
Yumuko.
“Dahil sa’yo!” dinuro ko siya. “Dahil sa kabaklaan mo!”
“Ano? Sandali ha, hindi ko maintindihan. Hiniling ko bang gawin mo ‘yun?”
“Yun na nga brad e! Hindi mo hiniling kasi kung sa’yo madali lang tanggapin na tawagin kang bakla, ako, hindi ganoon kadali ‘yun. Masakit sa akin na naririnig kong kinukutya o pagtatawanan ka ng iba. Hindi ko nga ba alam kung bakit e!  Sana wala na akong pakialam pa kung anong maging tingin nila sa’yo, pero Jino, ganoon ka kahalaga sa akin! Nunit tang-ina! Balewala lang lahat ng iyon sa inyo! Isinuko ko yung panliligaw ko kay Lexi kasi gusto kong mapangalagaan yung pagtingin ng mga nakakakilala sa’yo sa school. Kaya lang mukhang walang bayag ang kinausap ko! Hindi tumupad si Philip. Lalo pa akong nagalit nang maabutan ko siyang kahalikan si Jheck samantalang nanliligaw siya kay Lexi. Oo Lexi, kahalikan ng tinuring mong kaibigan ang mismong boyfriend mo!”
“Boy, hindi naging kami ni Philip.”
“Ahh okey. So, mali ako. Sorry, hindi ko alam e. Paano ko naman kasi alam e tinanggalan na ninyo ako ng karapatang maging bahagi ng buhay ninyo!”
“Boy, mali e! Hindi mo…”
“Alam ko! Putcha! Kailan ba akong naging tama! Kailan ba ako gumawa ng tama sa inyo ha! Laging ako ang mali! Laging ako ang kailangang isuko at maghabol! Tang-ina naman e! Kailan ba ako makagagawa ng tama e, abot langit ang talino ninyo at ako, tingin niyo walang gagawing tama dahil may kahinaan ang ulo.”
“May sinabi ba kaming gano’n ka? Ang punto lang dito e, bakit kasi kailangan mo kaming pangunahan, Boy. Buhay mo ang inaayos namin dito.”
“Buhay ko ang inaayos ninyo? Wow! Tama ba ang narinig ko? Lexi, buhay ko ang sinira ninyo. Sana naramdaman ninyo yung hirap kong muli tayong mabuo. Sa tingin ba ninyo madali lang ang mapahiya at mabalewala? Ansakit e! Sobrang sakit yung ginawa ninyo sa akin. ” Biglang tumulo ang luha ko na hindi ko sinasadya. Hindi ko na iyon napigilan sa pagbagtas niya sa aking pisngi. Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataong mailabas yung naipon lungkot, galit at sakit ng loob ko sa kanila.
Pinunasan ko ang luha ko saka ako tumingin kay Lexi.
“Minahal kita Lex.” Garalgal ang boses ko. “Sabi ko sa sarili ko kaya ko, magtitiis ako, maghihintay hanggang matanggap mo ako, kasi hindi naman din ako nagmamadali. Okey na ako kahit kaibigan lang muna, pero putcha! Lahat ‘yun nawala sa akin, sinaid mo yung natitirang pagmamahal ko sa’yo. Sa tuwing masaya kayong lahat, nandoon ako sa sulok mag-isa. Pinagkaisahan ninyo akong saktan!”
“Ipinusta mo ako Boy e. Sa tingin mo hindi masakit sa akin iyon? Nanalo si Philip, nagdesisyon kang ipamigay ako sa kaniya. Pero hindi ko siya sinagot. Tinulungan kong maibaling yung pagmamahal niya sa akin kay Jheck. Masaya akong naiayos ko yung pakikipagpusta mong ako ang ipinatalo mo.” Humihikbing sagot ni Lexi.
“Pustahan? Hindi mo alam kung anong nangyari no’n.”
“Paano ko malalaman e tinanong kita pero wala kang maisagot sa akin?”
“Kasi galit ka, kapag galit ka noon hindi ko alam kung paano ko ipagtatanggol yung sarili ko. Natatakot akong magkamali sa paliwanag ko at lalo lang magkagulo tayong dalawa. Para matigil na at para less mistake sa akin, inamin ko na lang na mali ako at humingi ng tawad sa inyo kasi, kaibigan ko kayo e.” Itinaas ko ang laylayan ng t-shirt ko at nagpunas ako ng aking luha. Fuck! Bakit ako umiiyak?
“Akala ko kasi kapag humingi na ng tawad ang best friend mo, tatanggapin mo siyang muli at hayaang patunayan niya ang sarili niya habang magkaibigan kayo, pero wala e.” Humihikbi na ako sa tindi ng emosyon ko. “Hindi ninyo ako pinatawad. Hindi ninyo ako muling tinanggap.”
Huminga ako ng malalim baka sakaling maibsan yung bigat na dinadala ko.
“Ang isa pang kinasasama ng loob ko, Lex, mas pinili mong pagkatiwalaan si Philip kaysa sa akin. Akala mo ba gusto kong pagpustahan ka namin? Wala akong choice kundi ilaban ka kaysa wala akong gagawin para ipanalo ka. Takot ako noon sa kaniya, wala akong laban e, black belter ang binabangga ko at sa tuwing naaalala ko yung pambubugbog niya sa akin na wala akong magawa ay nauunahan ako ng takot lalo pa’t alam kong wala ka na at si Jino na puwede kong ilaban sa kaniya.” Kinagat ko ang labi ko. Nagbabakasakali na kapag ginawa ko iyon ay mapigilan ko ang aking luha.
“Binigyan niya ako pagkakataong ilaban ka, kaya pinatulan ko kaysa hayaan kong gano’n lang kadali ka niyang makuha sa akin.” Pagpapatuloy ko. Nakikinig sila sa akin. Nakikisabay sa aking pagluha. “Ayaw kong basta na lang tatalikod sa’yo dahil sa takot ko sa magiging karibal ko. Pero Lex, nanalo ako noon e. Ipinanalo ko yung laban namin. Pinaghirapan ko ‘yun kahit halos tambakan niya ako. Sobrang saya ko no’n. Pakiramdam ko, nabigyan ako ng kalayaang ituloy yung pagpaparamdam ko ng pagmamahal ko sa’yo.” Tumingin ako sa taas. Pilit kong pinakawalan ang parang hangin na naipon sa dibdib ko. Naninikip kasi iyon. Napakahirap kong huminga.
“Sabi ko no’n sa sarili ko, si Jino na lang ang tanging problema, siya na lang yung kakausapin ko at kapag nagkaayos kami, ituloy ko na ang panliligaw ko, kahit hindi mo ako sagutin Lex, kahit manatiling kaibigan mo lang ako basta hayaan mong maiparamdam ko yung sinasabi ko sa’yo kaso, narinig ni Philip yung usapan namin ni Jino, nalaman niya yung nararamdaman ni Jino sa akin at ang pagkatao niya. Dahil walang ginawa si Jino, ni hindi niya magawang kausapin si Philip kaya ako ang gumawa ng paraan. Hiniling kong huwag niyang ipagkalat ang nalaman niya tungkol kay Jino at handa kong gawin ang lahat ng gusto niya.”
“Kahit ano, Jino, iyon ang sinabi ko sa kaniya, kaya kong gawin lahat para sa’yo, para sa inyo at hiniling niyang layuan ko si Lexi.” Nilingon ko si Jino na tahimik na napapaluha sa tabi ko. “Sabi ko no’n, sige okey lang, kung para kay Jino kaya kong sikilin na muna yung nararamdaman ko. Nagkaroon kami ng usapan ni Philip, okey naman daw sa kaniyang magkaibigan tayo Lex, hindi naman daw niya akong pagbabawalan do’n kaso kayo ang lumayo. Sinuko ninyo ako. Mula no’n hirap ko nang makuha ang kapatawaran ninyo. Wala na kayong ginawa kundi ang iwasan ako, pahiyain o kaya pagtulungang huwag pansinin. Sinaktan ninyo ako e. Pero ayos na ‘yun. Tanggap ko na. Gano’n siguro talaga.” Humihikbi na talaga ako.
 “Sige, inaamin na namin ang aming pagkukulang. Hindi ka namin naintindihan. Sana maayos pa natin ‘to. Kasi ayaw naming tuluyang mawala ka sa amin e. Magsimula tayong muli, Boy.” Sinikap ni Lexi na hawakan ang braso ko ngunit maagap akong umiwas.
Umiling-iling ako.
“Dati, gano’n lang kadali sa atin ang pagpapatawad e. Kapag nagsorry yung isa sa atin, patatawarin natin agad, kasi ganito tayo e.” Pinagdikit ko ang tatlong daliri ko sa gitna. Ipinakita ko iyon sa kanila. “Kaso iba kayo. Antindi ninyo! Ang hirap ninyong magpatawad. Ngayon heto kayo, gusto ninyo, magsorry lang ta’s okey na tayo? Parang wala lang nangyari? Tagal kong hinintay na sana mapatawad ninyo ako, lahat ng pagpapansin ginawa ko na, lahat ng pagtitiis sinubukan ko na, kaso mukha lang akong tanga. Wala e, hanggang tuluyan na akong naubusan ng pasensiya, nasaid yung pagmamahal ko at ngayon suko na ako.”
“May magagawa pa ba kami para bumalik ka lang sa amin kaysa mapunta ka sa maling barkada? Ito yung kinatatakutan ko e, yung sana ayaw kong mangyari. Sa amin ka na lang muli, Boy. Please?” pakiusap ni Lexi.
 “Tama na Lex, huwag na nating pahirapan yung mga sarili natin. Nagawa ko na ang lahat, nasubok ko na kayo. Alam ko na na kaya ninyo akong tiisin samantalang kayo, ni minsan hindi ko kayang matiis noon pero nakakapagod din kasi ang maghabol. Nakakasawa lalo pa’t nakikita kong masaya na kayo sa mga bagong kaibigan ninyo.”
Tumalikod ako.
Maagap si Jino na hinawakan ang kamay ko hanggang sa sinubukan niya akong yakapin ngunit mas maagap ko siyang itinulak.
“Puwede ba brad, huwag kang ganyan. Tama na! Salamat sa mga panahong akala ko talaga kasangga ko kayo.”
“Kasangga mo parin naman kami ah. Sige, isuko mo kami ngayon ngunit hindi kami bibitaw sa’yo. Kung ito yung parusa mo sa amin tatanggapin namin pero sana hayaan mong kami na lang ang kakapit sa’yo kahit gusto mo na kaming bitiwan.”
“Boy, sorry. Akala ko makabubuti sa’yo na hayaan ka muna namin ng isang taon para mas magiging matatag ka kahit mawala kami sa’yo kasi parang napansin kong sa amin lang nakadepende ang lahat lahat sa’yo. Paano kung darating yung araw na mawala ang isa sa amin o dalawa kami sa’yo? Saka paano natin maaayos yung pagkakaibigan natin kung alam kong may nasasaktan. Si Philip alam kong para talaga kay Jheck, si Miggy sinusubukan kong maayos sila ni Jino…”
“At ako, para sa’yo?” preskong tanong ko.
Yumuko siya.
“Di ba hindi mo masagot? Hanggang ngayon hindi mo parin kayang aminin na mahal mo ako. Kasi, plastic ka! Kasi, akala mo dahil sa talino mo kaya mong kontrolin ang buhay ng iba. Mapapasunod mo sa gusto mong mangyari. Masyado kang nagtiwala na lahat, makokontrol mo pero Lexi, iba ako, iba si Jino, si Miggy, si Philip at si Jheck. Kung lahat sila, nagawa mong kontrolin ang buhay nila, nagawa mong palayuin si Jino sa akin para sundin ang gusto mo na iwasan ako, nagkakamali ka, hindi ako tutulad sa kanila!” singhal ko.
“Mahal kita kaya ko ginagawa ito.” Napahaggulgol na siya lalo. Wala akong pakialam kung nasaktan siya sa sinabi ko.
“Ayaw ko sanang maging kumplikado kung anong meron tayo. Kung ganoon ang tingin mo, I’m sorry. Siguro kasi laging mas inuuna kong tignan ang mangyayari sa hinaharap, nakalimutan ko yung ngayon. Nakalimutan kong dapat pala mas pagtuunan ng pansin ang dapat nating ginagawa sa ngayon at hindi dapat matakot sa hinaharap na hindi pa man nangyayari. Ngunit Boy, kung alam mo lang na lumalaban ako para sa’yo. Sinisikap kong labanan ang lahat dahil gusto kong manatili ka sa buhay ko, pero paano Boy kung matatalo ako at sobrang mahal mo na ako o sobrang mahal na mahal na kita. Paano ka? Paano tayo?”
“Ano? Lumalaban ka para sa akin? Kailan Lex? Matagal mo na akong isinuko. Matagal nang ako lang ang lumalaban para sa putchang pagmamahal ko sa’yo. Kaso wala e, sinaid mo! Sinira mo yung pangarap kong mahalin ka.”
“Iyon ang alam mo, e. Pero hayaan mong kayanin ko pa. Inaamin ko, ngayon alam ko na, nagkamali ako. Masyado kong pinangunahan yung takot kong isipin kung kanino ka maaring kakapit kapag sinubok na tayo ng mga matitinding problema, paano ka kung wala kang lakas ng loob na gusto kong dapat magkaroon ka. Mga bata pa naman kasi tayo e. Madami pang puwedeng mangyari at hindi ko alam kung bakit ganito na kaseryoso ang lahat sa’yo na dapat dinadaan lang natin muna sa tawanan, kuwentuhan, laro, lakwatsa kaso hinaluan mo ng pag-ibig na siyang nagkakumplikado sa lahat. Simple lang ang gusto ko Boy, yung nandiyan ka, nahahawakan ko, nakakasama ko sa pagtawa, nakakakuwentuhan at hindi yung maging buo tayong dalawa at may nasasaktan tayong iba.”
“Lex, di ba sabi ko naman, huwag akong isipin ninyo.” Si Jino. Inalo niya ang humahagulgol na si Lexi. “Kaya ko, kakayanin ko, kasi ako lang naman ang nagmahal, hindi naman ako binigyan ng pag-asa ni Buboy. Ako lang itong si gago na nangarap, umasa na magkatotoo ang pangarap ko kaya ako din ang natakot sa multong ginawa ko. Ikaw ang mahal niya, lagi ko no’n sinasabi sa’yo na bakit hindi mo subukang maging masaya sa kung anong meron ka ngayon at saka na lang haharapin ang mga mangyayari bukas kung yung bukas na iyon ay magiging ngayon na.”
“Alam mong hindi ako gano’n. Pinagtutulungan ba ninyo akong dalawa?”
“Ramdam mo ba kung gaano kasakit ang napagtutulungan? Mas matindi pa yung ginawa ninyong dalawa sa akin noon Lex.” Sagot ko.
“Hindi ko kasi kayang isipin ang sarili ko lang.” Huminga siya ng malalim. Napapalayo tayo e. “Ano Boy, mapapatawad mo ba kami? Ayusin natin ‘to, please?”
“Tama na. Tingin ko mas magiging maayos ako sa tropa kong bago ngayon.”
                “Ipagpapalit mo kami sa kanila?” tanong ni Jino. Nakita ko ang takot sa kaniyang mukha.
“Ooops sorry, tama ba yung tanong? Sino ba ang unang naghanap ng mga kapalit ko? Sino bang unang iniwan dito?”
“Oo na, iniwan ka na namin, natiis ka namin ngunit huwag naman sana sa paraang kailangan mo pang sumama sa tropa nina Kuya Jello.” Napapaluha na si Jino.
“Bakit? Anong alam mo kina Kuya Jello? Huwag kang maghusga ng di mo pa nakikilala. Para sabihin ko sa’yo, mas astig, nawawala yung takot ko at kaya nila akong proteksiyunan, ramdam ko yung sense of belongingness sa kanila na hindi ko na naramdaman mula nang iniwan ninyo ako, ayaw ko nang malungkot, ayaw ko nang mag-isa, ayaw ko na ng kadramahan na katulad ng ginagawa natin ngayon. Nakakabakla e!” Huminga ako ng malalim. “No offence brad pero ayaw ko ng ganito. Ayaw ko nang para tayong mga babaeng nasa mga teleserye lang. Gusto kong hanapin yung sarili ko kasama ng mga tropa ko at hindi yung nakakulong lang ako sa inyong dalawa, yung laging kayo lang ang iniikutan ng buhay ko kahit di na ninyo ako maalala. Ayaw ko nang matakot, ma-bully tulad noong elementary ako. Pakiramdam ko kasi noon, kayo ang siyang tumanggap sa akin ng buum-buo. Mali pala, kaya pa din pala ninyo akong iwan kapag nakagawa ako ng simpleng kamalian. Sana hindi iyon gagawin ng bago kong tropa. Sa ilang buwang pagmamasid ko kina Kuya Jello, alam kong kaya nila akong protektahan. Sige na hinihintay na nila ako. Salamat na lang pero, malabo nang mabuo pa tayo. Pasensiyahan na lang tayo.”
Iniwan ko na sila. Ngunit nakalimang hakbang palang ako nang mapansin ko ang bracelet ko na binigay ni Lexi sa akin. Tinanggal ko iyon sa kamay ko. Binalikan ko silang noon ay nakaharap ang umiiyak na si Lexi kay Jino.
“Ito pala yung bracelet. Salamat pero hindi ko na kailangan ‘yan.”
Puno ng luha ang mga mata ni Lexi na nakatingin sa akin. Wala ni isa sa kanilang gustong tumanggap.
“Ano, hindi ba ninyo kukunin? Ibigay na lang ninyo ‘yan sa mga bagong kaibigan ninyo?”
Wala pa din.
Kaya binitiwan ko na lang at iniwan sa lupa ang bracelet. Wala na akong pakialam kung pulutin nila iyon basta pagkabitaw ko doon ay mabilis na akong tumalikod.
Kahit hindi ko na sila nilingon ay alam kong matindi ang dating ng huling ginawa ko sa kanila. Ako man, kahit paano ay nasasaktan din ngunit mainam nang maramdaman din nila yung ilang buwan na ipinaramdam nila sa akin. Mabuti nga sila, they have each other, ako ba may iniwan sila para sa akin?

Bakasyon.
Minabuti kong i-unfriend sila sa facebook at dahil inuulan ako ng text nila at mga tawag na di ko sinasagot nagpalit na din ako ng number. Gusto ko nang baguhin ang takbo ng buhay ko. Gusto kong maging masaya at nakakasawa ding nakadepende na lang sa kanila ang bawat araw na dumating sa buhay ko. Ang masakit, napakarami kong araw na sinayang para lang gumising sa katotohanang hindi lang sila ang puwedeng makapitan bilang kaibigan. Handa na kong maglet-go kahit sa sulok ng puso at isip ko ay naroon pa din sila at tanggap ko naman na kahit ano pa ang mangyari naging mahalagang bahagi din naman sila sa buhay ko. Kung tatanungin ako kung mahal ko pa si Lexi, ang sagot...hindi ko alam.
Kina Lolo at Lola sa Tanay ako tumira ng higit dalawang Linggo. Doon ako nagsanay magpatakbo ng motor. Kahit paano ay may pagkakalibangan. Hinihiram ko lang ang motor sa hardinero nina Lolo at siya din ang matiyagang nagturo sa akin. Hanggang sa madali din naman akong natuto at masaya ko iyong ibinabalita kina Daddy.
Matatanda na din sina Loloa at lola at gusto kong makasama sila habang kaya pa nilang mamasyal. Iyon nga lang madali na silang mapagod. Madalas din tumatawag sa amin si Papa Dave na bunsong kapatid ni Lolo na nasa Canada. Bago ang birthday ko ay kasama ko sina Lolo at lola na umuwi sa bahay. Simple lang naman ang birthday ko noong naging teenager na ako. Hindi na katulad noong bata ako na talagang isang malaking okasyon. Ako na din kasi ang nagsabing mas gusto ko yung kami-kami na lang ng pamilya ko ang magkakasama at sa bahay na lang namin iyon ginaganap. Kainan at kantahan okey na ako doon.
Hawak ni Papa Zanjo at Papa Pat ang mikropono noon at kasalukuyang kumakanta habang kami ni Daddy Ced ay naghahanap ng puwede naming kantahin sa song book. Wala pang nagsasabing i-blow ko ang candle. Ngunit sobrang saya ko na noon dahil nakita ko na ang motor na regalo sa akin nina Daddy. Sobrang saya kong sinakyan iyon at inikot-ikot sa village naming. Paulit-ulit akong nagpasalamat sa kanila sa surprise gift nila sa akin. May paulit-ulit lang silang sinasabi sa akin. Laging maghelmet.
Nakahanda na ang pagkain sa mesa ngunit walang nag-aaya na simulan na ang kainan. Naisip kong baka hinihintay na lang namin sina Tito Carl at Tito E-jay o kaya ang video call nina Papa Dave at Papa Love tuwing birthday ko. Nakikipalakpak din kasi sila at nakikisigaw kapag nagboblow na ako ng candle. Walang mintis iyon. Taun-taon nilang ginagawa. Kaya naman kahit paminsan-minsan lang sila nagbabakasyon ay bahagi pa din sila ng aming buhay.
Si Daddy Mack ang hindi noon mapakali. Lagi niyang hawak ang kaniyang cellphone. Hanggang sa may nag-buzzer at alam kong magsisimula na din ang kainan dahil dadating na din sina Tito na hinihintay namin.
“Surprise!” sigaw nina Daddy Ced at Daddy Mak nang bumungad ang hinihintay naming mga bisita.
Surprised nga ako. Hindi nga lang masayang surprise para sa akin. Unti-unting nawala yung ngiti ko nang makita silang dalawa.  Kumunot ang noo ko at hindi ko alam kung paano ko ipakitang masaya nga ako sa surprise nila sa akin. Tumahimik ang lahat nang nakita nila ang dahan-dahang pagbago ng mood ko.
“Happy Birthday Boy.” Nakangiti si Lexi hawak ang isang cake.
Mabilis na kinuha ni Daddy Ced ang cake sa kamay ni Lexi.
Dahil ayaw ko siyang mapahiya ay hinayaan kong itapat niya ang pisngi niya sa pisngi ko. Ngunit alam kong ramdam niya na hindi ako natutuwang naroon sila ni Jino. Siya man din ay namumula na dahil siguro napapahiya ko siya ngunit hindi ko kayang magmukhang masaya kahit ang totoo ay hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko na naroon sila sa hindi ko inaasahang pagkakataon.
                Umatras siya.
                “Naku nag-abala pa kayong mga bata kayo. Di ba sabi ko, masaya na kaming makasama lang kayo sa birthday ng best friend ninyo?” si Daddy Mak.
                “Oo nga naman, hindi ko naman kailangan ang isa pang cake. Kaya naming bumili niyan.” Sarkastikong pagpaparinig ko.
                “Romel!” tinaasan ako ng boses ni Papa Patrick. Hindi niya yata nagustuhan ang nasabi ko. Ngunit hindi ako nagsorry. Yumuko lang ako.
                “Happy Birthday Boy.” Iniabot ni Jino ang hawak niyang regalo.
Nanginginig ang kamay niya na parang takot kung ano ang magiging reaksiyon ko. Nakatingin lahat sila sa akin, naghihintay sa makataong reaksiyon ko.
“Ipatong mo na lang doon kung anuman ‘yang pinagkaabalahan mong balutin.” Malamig kong tinuran.
“Kung sakaling hindi mo gustong nandito kami, aalis na lang kami. Ayaw naming ikasisira ng araw mo ang pagpunta namin dito.” Si Lexi. Maluha-luha. “Tito, salamat po sa imbitasyon.”
“No! Bisita namin kayo. Huwag kayong umalis. Pasensiya na kayo Lexi at Jino ha.” Paghingi ng dispensa ni Daddy Mak.
 Pinandilatan niya ako.
“Happy Birthday sa pogi kong pamangkin! Nasaan siya! Nasaan ang ating birthday celebrant!” malakas na sigaw ng bagong dating na si Tito Carl.
Dumadagundong ang boses.
Hindi pa din kasi nakakabawi ang lahat sa tensiyon na nasaksihan nila kaya tahimik ang lahat nang bumungad siya sa sala.
Hinila niya si Tito E-jay pabalik sa pintuan na sadyang ipinagtaka namin.
“Mali yata ang bahay na napasukan natin baby. Hindi padasal ang ini-expect ko, birthday di ba? Sandali at madouble check nga ang pintong pinasukan natin.”
“Dami mong arte Carl.” Si Papa Zanjo. “Ano naman ang tingin mo sa amin, mga nagdadasal lang?”
“E, bakit kasi ang tahimik lang? Di ako sanay. Happy birthday anak.” Niyakap ako ni Tito Carl at iniabot din ni Tito E-jay ang hawak niyang regalo saka niya tinapik ang balikat ko.
Nakapasok din ang video call nina Papa Love at Papa Dave at nagsimula na akong magblow ng candle. Kinantahan na din ako ng Happy Birthday at iniiwasan kong tignan ang dalawang hindi ko ini-expect na mga bisita. Kahit nang kainan ay umiiwas ako sa kanila. Pamilya ko ang nag-eentertain sa kanila. Sila ang kumakausap ngunit iniwasan kong makinig sa kung ano ang kanilang pinag-uusapan.
Natapos ang kainan at tulad ng nakagawian, mauuwi ang lahat sa masayang kantahan. Pinipilit nila akong kumanta ngunit hindi ko sila pinagbigyan. Naramdaman nina Daddy na hindi ko kinakausap ang mga bisita ko. Ni kahit man lang sulyapan sila.
Hanggang sa narinig ko na lang ang sinasabi ni Jino katabi si Lexi hawak ang mikropono.
“Gusto ho sana naming i-dedicate yung kantang ito sa best friend naming si Buboy. Boy, alam naming nasaktan ka namin pero sana maayos pa tayo. Ginagawa namin ang lahat Boy para muli tayong mabuo. Hindi man kasing galing ng boses mo ang boses namin ay pipilitin naming kantahin ito para sa’yo. Sana makuha mo yung mensaheng gusto naming ipaabot sa’yo.” Madamdaming pahayag ni Jino.
“Kahit sa paraang ito ay maihayag namin kung gaano ka kahalaga sa amin Boy. Sa harap ng pamilya mong nangmamahal sa’yo, sana maramdaman mong mahal ka din namin kahit pa isinusuko mo na kami.” Hirit ng lumuluhang si Lexi.
Napalunok ako.
Itinungga ko ang softdrink na hawak ko.



I always thought you were the best
I guess I always will.
I always felt that we were blessed,
And I feel that way, still.

Palakpakan lahat sila. Daman-dama ni Jino ang pagkanta at hindi niya inaalis ang tingin niya sa akin. Tinignan ko sina Daddy at lahat sila nakatingin sa akin sa kung ano ang magiging reaction ko.
Huminga ako ng malalim.

Sometimes we took the hard road,
But we always saw it through.
If I had only one friend left,
I'd want it to be you.
             
                Lumapit sila sa akin. Lalong hindi ko na kayang labanan yung ginagawa nila sa aking pagpapasuko.
                Pinindot ni Lexi yung pause sa remote control.
Hinawakan ni Jino ang kamay ko ngunit hinila ko dahil ayaw kong nakikita ng pamilya kong kahawakan ko ng kamay ang isang katulad kong lalaki.
Naasiwa ako.
“Boy, nasa harap kami ng pamilya mo. Nilalabanan namin yung matinding hiya para lang ipaalam sa’yo at sa kanila na mahal ka namin bilang kaibigan namin. Humihingi kami ng kapatawaran sa nagawa namin sa’yo at sana bigyan mo kami ng isang pagkakataon para mapunan namin yung sa tingin mo ay pagkukulang namin sa’yo.”
Pinindot ni Lexi ang play.
Kinuha niya ang mic kay Jino at siya naman ang kumanta.

Sometimes the world was on our side;
Sometimes it wasn't fair.
Sometimes it gave a helping hand;
Sometimes we didn't care.
'Cause when we were together,
It made the dream come true.
If I had only one friend left,
I'd want it to be you.

Si Jino naman ang pumindot sa pause sa remote control. Magsasalita na sana si Lexi pero tumayo na ako.
                “Tama na ang kadramahang ito, puwede ba? Ano to? Pinalalabas ninyo sa pamilya ko na ako ang masama at hindi marunong magpatawad? Iyon ba ang gusto ninyong mangyari? Tahimik na ako, sinabi ko sa inyo, magkanya-kanya na lang tayo. Mahirap bang intindihin ‘yun?” naibulalas ko.
                “Hindi madali itong ginagawa namin Boy. Kinakapalan namin ang mukha namin kasi mas worthy kang ipaglaban kaysa isipin yung kanina pang kahihiyan na nararamdaman namin. Lahat naman ng pagkakaibigan dumadaan sa ganito. Ibig sabihin lang na magkakaiba tayo ngunit hinihiling lang naman namin na sana buksan mo muli ang loob mo sa amin ni Jino.” Sagot ni Lexi.
                Tumalikod ako.
 Ayaw ko na siyang sagutin. Mabigat ang mga paa kong tinungo ang kuwarto ko at pumasok ako doon saka ko pinakawalan ang luha na kanina ko pa pinipigilan.
                May kumatok at kasunod iyon ng pagbukas ng pintuan.
Si Daddy Ced ang pumasok.
                “Son, hindi ka namin pinalaki para mambastos ng bisita. Ano yung ginagawa mo sa mga kaibigan mo?”
                “Dad, alam ko naman ‘yun. Hindi naman kayo ang nagturo sa akin no’n kundi sila. Hindi lahat na meron ako ay turo ninyo, sila din ang dahilan kung bakit ako nagiging ganito sa kanila.”
                “Hinihingi nila yung kapatawaran mo, hindi mo ba iyon maibigay sa kanila?” sinuklay ni Daddy ang buhok ko gamit ang kaniyang mga daliri.
                “Dad, hindi ninyo alam kung gaano sila katigas sa akin no’n. Mas matindi pa yung naramdaman kong sakit ng loob no’n sa mga ginawa nila sa akin kaya please, huwag kayong magsalita na parang alam ninyo lahat.” Pinunasan ko ang luha ko. “Sabi ko na nga ba e, ngayon ako na naman ang nagmumukhang kontrabida at sila ang bida. Pati kayo napapaniwala nilang ako yung masama dito. Hindi bale, dati naman na palang gano’n ang tingin ninyo sa akin.”
                “Anak hindi gano’n yung punto ko. Mahirap yung taong hindi marunong magpatawad. Dala-dala mo yang galit na ‘yan at iyon ang sisira sa’yo. Sobrang gaan sa pakiramdam ‘nak kung ibigay mo ang pagpapatawad mo sa taong nagkasala sa’yo. Ako man noon ay nagtanim ng galit kay Daddy Mak mo at alam ko yung hirap no’n. Yung may dala kang galit sa dibdib mo. Hindi lang yung mga nagkasala sa’yo ang pinahihirapan mo ngunit higit lalo yung sarili mo. ‘Yang galit na yan ang siyang patuloy na magkukulong sa’yo. Dapat anak, marunong kang magpatawad kahit pa hindi ganoon kadali nila iyon ibinigay sa’yo noon. Di mo naman kailangang gantihan sila.”
                “Dad, hindi ko naman sila ginagantihan. Mahirap bang intindihin na gusto ko ng pagbabago? Ngayong gusto kong lumaya, palayain nila ako kasi halos isang taon nila akong pinahirapan. Dalawa sila Dad e, ako no’n mag-isa lang. Magkakampi sila, may mga bago na din silang mga kaibigan. Bakit pagdating sa akin hindi ako puwedeng makipagkaibigan sa iba? Kapag iwan nila akong muli, saan ako kakapit, saan ako muling sasama? Wala Dad, kasi sinisiguro nilang sila lang ang puwede kong makapitan at dahil do’n ay mas magiging desperado lang akong hahabol-habol sa kanila dahil alam nilang sila lang ang meron ako.”
                Huminga ng malalim si Daddy. “Kinse ka palang anak pero kung magsalita ka parang alam mo na lahat. Ayaw mo nang makinig sa kung ano yung gusto kong maintindihan mo.”
                “Dad, di naman kasi ninyo kailangang mangialam sa lahat ng anggulo ng buhay ko. Hayaan ninyo akong matutunan ang buhay sa sarili kong pamamaraan. Siguro naman naranasan ninyong naging ganito di ba? Saan ba kayo mas natuto, sa pangaral nina Papa o sa sarili ninyong karanasan? Kung sakaling magkamali ako sa mga desisyon ko at pagsisihan ko, di ba mas mainam yung isiping natuto ako dahil sa sarili kong karanasan at hindi yung dahil narinig ko lang at di ko napagdaanan. Buhay ko ito Dad, gusto kong patakbuhin sa sarili kong paraan.”
                “Siguro nga malaki ka na. Kaya mo nang panindigan ang sarili mong opinyon sa mga bagay bagay. Sige, gawin mo ang gusto mong gawin ngunit huwag mong kalimutang nandito lang kami ng Daddy Mak mo. Hindi ko lang nagustuhan yung pambabastos mo sa mga kaibigan mo. Iyon lang yung ipinapakiusap ko sa’yo. Lumabas ka at harapin mo sila bilang tao kahit hindi na bilang kaibigan.”
                “Dad, dito na lang ako. Nawalan na ako ng gana pa.”
                “Anak hindi naman…”
                “Dad! Please!” napalakas ko iyon.
Naiirita na kasi talaga ako sa pangungulit niya.
                “Okey.” Kasunod iyon ng paghinga ng malalim saka siya lumabas sa kuwarto ko.
             
Ilang sandali pa ay may kumatok.
                “Boy, nandiyan ka ba? Naririnig mo ba kami?” boses ni Lexi.
Lumapit ako sa pintuan. Ni-lock ko iyon.
Gumalaw ang seradura at doon nila nasigurong hindi ko nga sila pagbubuksan.
                “Papaalam lang sana kami Boy. Pasensiya ka na kung nasira namin ang sana ay masayang birthday party mo.” si Jino.
                “Salamat Boy. See you sa pasukan.” Pamaalam ni Lexi.
                Nakahinga ako ng maluwag nang narinig ko ang yabag nila palayo sa pintuan ng kuwarto ko.
                Pasukan. Third Year High School.

                Pinili kong sa ibang section na lang ako. Kahit magkita-kita kami paminsan-minsan basta  ang importante ay hindi na kasindalas ng pagkikita namin kung magkaklase kami. Hindi ko naman kailangan ng mga bagong kaibigan sa mga kaklase ko dahil may mga tropa naman ako sa buong campus.
Flag ceremony nang nakita ko si Jino ngunit wala si Lexi. Hindi ko alam kung bakit kasi sa dami ng makakasalubong ay siya pa talaga ang nagkataong nakasalubong ko nang papunta ako sa linya naming second section. Di ko lang alam kung nagkataon o sinadya lang talaga niya. Nagpanggap na lang ako na hindi ko siya nakita. Narinig ko pa ngang tinawag niya ako ngunit nagkuyarian akong wala akong narinig. Kahit nang kinakanta na namin ang national athem ay iniwasan kong lingunin siya.Ngunit sa sulok ng isip ko, alam kong napapadala ang paglingon niya sa akin. Nagtatanong ako sa aking sarili, nasaan si Lexi? Bakit wala siya?
                Magkatabi lang ang classroom namin kaya nang pumasok ako sa classroom namin ay nahagip ng tingin ko ang sandaling pagtigil niya at ang makahulugan niyang tingin sa akin ngunit di ko na siya pinansin. Kailangan kong panatilihin yung civil lang na realasyon namin sa isa’ty isa. Manatiling parang magkakilala na lang kami.
                Nang recess na namin at lumabas ako sa classroom ay nagulat ako nang naroon sa pintuan at nag-aabang si Jino.
                “Tara, miryenda tayo. Just like the old days.” Yakag niya sa akin. Parang wala lang nangyari. Buo ang pagkakangiti. Gusto kong tanungin kung nasaan si Lexi pero pinigilan ko ang sarili ko.
                “Kausap mo?” sarkastikong tanong ko.
                “Ikaw”
                “Ako? Sorry may mga katagpo ako sa labas. Saka di ka ba naaawa do’n oh! Baka namamatay na sa kaseselos ‘yan.” inginuso ko si Miggy na nakatingin sa amin.
                “Kasama naman natin siya eh!”
                “Brad, wala ka ng maasahan pa sa akin. Tapos na! May sarili na akong buhay. Tigilan mo na ako, puwede?”
                Mabilis akong tumalikod.
Narinig ko ang pagtawag niya sa akin ngunit hindi ko na siya nilingon.
Manigas kayo!
             
                Tulad nang inaasahan ko, nandoon na sina Kuya Jello sa tambayan namin. Kinamayan ko ang mga tropang naabutan ko doon. Tinapik ni Kuya Jello ang balikat ko kasunod ng mahigpit niyang pakikipagkamay sa akin.
First year college na siya.
                “Ano bata, handa ka na bang makisapi sa amin? Desidido ka na ba? Kaya na ba ng dibdib na ‘to?” tinapik niya ng may kalakasan ang dibdib ko.
Napaatras pa ako sa lakas niyon ngunit pinakita kong matatag ako.
                “Oo naman. Kayang-kaya na ‘yan.” Sagot ko sabay pakita sa masel ko.
                “Yan ang batang astig!” kantiyaw ng iba pang tropang naroon.
                “Sige, sama ka sa amin sa Friday night. Ayaw kong madaliin ka kaya sa ngayon observe ka na lang muna habang kinikilala mo ang sasalihan mong kapatiran. Sasama-sama ka lang muna sa akin. Kapag sa tingin ko puwede ka nang dumaan sa initiation para maging official member ng Alpha Kappa Rho ay saka na lang natin iyon pag-usapan. Deal?”
                “Deal! Gusto ko ‘yan kuya.” Sagot ko.
                “Good! Basta daanan ka namin sa bahay ninyo sa Friday ha?”
                “Sige po.”

Dinaanan nga ako ni Kuya Jello. May dalawa pa siyang kasama noon kaya sa likod ng sasakyan na ako sumakay.
“Mabuti pinayagan kang lumabas ng ganitong oras ng gabi, bata?” tanong ni Kuya Jello nang napansin niyang tahimik lang akong nakikinig sa mga asaran nila.
“Tumakas lang kuya. Wala sina Daddy, out of town. Shooting ng pelikula nila.”
“Mali ‘yan bata. Wala man sila o nasa bahay ninyo kailangan mong magsabi.”
 Itinabi niya ang sasakyan.
“Tawagan mo sila, magpaalam ka ng maayos kasi kung hindi e, idadaan ka muli namin pabalik sa bahay ninyo.” Nilingon niya ako.
“Kailangan pa ba ‘yun?” Napakamot ako.
“Kailangan. Magkakapatid tayo dito kahit hindi ka pa official member. Sige na, tawagan mo sila at magpaalam ka.”
Huminga ako ng malalim. Nakatingin na silang tatlo sa akin. Hinihintay akong sumunod sa sinabi nila.
“Anong sasabihin kong dahilan kung bakit ako lalabas?”
“Sabihin mo ang totoo. Kasama mong mga barkada mo at hiindi ka iinom o maninigarilyo. Pasyal lang sa Greenbelt kamo. Sige na, ayaw kong lumalabas na itinatakas ka lang namin, bata. Sagot ka namin dito ,eh! Magkakapatid ang turingan natin dito at kuya mo kami. Bilang kuya, hindi ka namin basta papayagang gagawa ng bagay na ikasasama mo.”
“Sige kuya. Tatawag ako.” Nakaramdam ako ng lalong mataas na respeto sa kanila.
“Ngayon na. Hindi tayo aalis kung di ka pinapayagan.”

Pinayagan naman ako nina Daddy sa isang kondisyon. Walang sigarilyo, walang alak. Pure hang-out lang with friends.

Nang nasa Greenbelt na kami ay saka namin kinatagpo ang siguro mga nasa walong kasamahan ni kuya Jello. Sorry hindi ko bilang e. Basta mga nasa ganoon kami kadami.
Isa doon ay yung ipinakilala sa akin noon ni Kuya Jello sa harap ng campus namin na tinawag niyang master. Naalala pa niya ako at “bata” din ang tawag sa akin. Nakaramdam ako ng pagkaalangan dahil medyo bago sa akin ang lahat lalo pa’t mukhang may sinasabi din sa buhay ang mga kasamahan namin dahil nakita kong may kaniya-kaniya silang wheels at mapoporma pa. Di pa ako sanay ng ganito kadaming tropa at sa ganitong lugar. First experience sa akin ito ngunit kahit iba ang dating sa akin ay kailangan kong sumabay. Ito yung mundong gusto kong maranasan. Mundong sa TV at movie ko lang napapanood at heto na ako, kasama ng mga tigasing barkada. Nang ipinakilala ako ni Kuya Jello sa iba pang noon lang ako nakita ay mainit naman ang naging pagtanggap nila sa akin. “Brod” kaagad ang tawag nila sa akin.
Brod! Angas lang tol!
Nang makahanap kami ng upuan at nag-order na sila ng inumin ay may ibinulong si Kuya Jello sa kumuha ng order namin.
Isang malaking bucket na puno ng beer ang inilagay nila sa harap namin at pulutan. Naglabas na din ng sigarilyo at nagsindi ang mga iba pa. Masaya ang usapan, tawanan. Cool!
Nagbukas ng malamig na beer ang master namin at inilagay niya sa harap ko.
“Master, bawal pa kay bata ‘to. Kinse palang ‘yan. Saka na kapag nagtapos ng High School. Nag order na ako niyan ng shake niya.”
“Aba kinse na pala e, pwede na ‘yan. Kahit isa lang.” kantiyaw ng isa pa. “Ako nga katorse palang hard na ang tinitira ko.”
“Brod, huwag mong itulad sa’yo yung bata kasi ikaw pinagbubuntis palang tumitira ka na ng red horse. Nang ipinanganak ka, Ginebra na kaagad ang dinedede mo kaya tignan mo ang labas, mukha kang vodka!” kantiyaw ni Kuya Jello.
Tawanan ang lahat.
Napangiti na din ako.
Dumating ang fruit shake na order sa akin ni Kuya Jello. Parang nahihiya akong iyon ang nasa harap ko samantalang silang lahat may hawak na beer. Naiinggit ako sa kanila at parang hindi ako “in” sa grupo kung manatiling gano’n ang iniinom ko. Nanliliit ako sa sarili ko.
Kumuha ako ng beer sa bucket sa harap namin.
Nagkatinginan ang lahat.
“Pwede!” kantiyaw ni Master.
“Bata, baka hindi mo kayanin ‘yan. Bilin ng mga magulang mo, walang alak.” Hirit ni kuya Jello.
“Pagbigyan mo na ‘yan brod. Isa lang. Huwag ka ngang umastang parang tatay niya. Hindi bagay!” hagalpak sila ng tawa.
“Saka kaya sumama si Buboy sa atin para maranasang maging tayo kaya hayaan mong mag-enjoy ang bata.” Singit ng pinakamaitim sa grupo tinawag siyang Neg-neg. Naisip ko baka dahil negro siya.
“Sigurado ka kaya mo na ‘yan?” paninigurado sa akin ni Kuya Jello.
“Ikaw lang ang walang tiwala sa akin kuya e! Ito lang? Beer? Wala ‘to! Di ako patutumbahin ne’to!” maangas kong sagot!
“Aprub! Sige Boy! Tirahin na ‘yan. Para kay Romel, Cheers!” si KUya Jello.
Itinaas nilang lahat ang hawak nilang bote ng beer. Itinaas ko na din ang hawak ko at nag-umpugan ang mga beer namin kasabay ng sabay-sabay naming pagtungga.
Ampait!
Hindi ko alam na ganoon pala ang lasa ng beer. Akala ko parang softdrink lang din o mas matapang sa softdrink.
Pinilit kong nilunok.
Ayaw kong magpahalata na di ko gusto ang lasa. Walang pumilit sa akin kaya kailangan kong panindigan. Kumuha ako ng pulutan sa mani na nasa harap namin. Napadami pa yata ang kuha ko at pagsubo kaya nakangiti silang nakatingin sa akin. Kasunod ng pag-inom ko ng shake sa harap ko.
“Huwag mong pekehin Boy, lahat tayo dumaan sa ganyan. Magpakatotoo ka, ano ha? Mapait di ba? Sa una lang ‘yan. Kapag sanay ka na, hahanap-hanapin mo na ang hagod niyan sa lalamunan mo.” banat nang pinakapandak sa grupo. Dexter nga yata ang pangalan. Di ko gaano tanda pero parang gano’n.
Hanggang sa may dumating na grupo din ng kalalakihang kaedad ng mga katropa ko. Maangas din sila at maingay nang dumating.
“Brod, mga Tau Gamma. Ano sa tingin ninyo?” seryosong tinuran ng pinakamatangkad sa grupo namin.
“Cool lang mga brother, we are just having fun here. Wala nama tayong inaagrabyado. Sige lang, tuloy lang natin ‘to. Ano, order pa ng beer!” si Master.
Tumayo ako.
Nakaramdam ako ng pagka-ihi. Nakakaihi pala ang beer? Pero kahit paano di na ako naninibago sa lasa. Pagbalik ko hihirit ako ng isa pa.
“San ka bata?” tanong ni Kuya Jello.
“Ji-jingle lang.” maikli kong sagot.
“Sige, diretsuhin mo ‘to.”

Nang nasa CR na ako ay may tumabi sa akin sa urinal. Isa iyon sa mga dumating kaninang grupo na tinawag ng tropa kong mga Tau Gamma. Mga mukhang college na o kaya graduate na sa college ang mga ito.
Pinagpatuloy ko lang ang pag-ihi. Panay ang lingon sa akin nang tumabi sa akin ngunit di ko pinansin. Nang matapos ako at tinungo ang sink para maghugas ng kamay ay bigla na lang niya akong binangga. Sa lakas no’n ay halos matumba ako.
“Sorry po.” Paghingi ko ng tawad.
Hindi na mahalaga kung sinadya niya iyon o aksidente lang.
Wala akong panama.
Malaking mama.
Tagilid ako kapag umangal ako sa kaniya.
“Akala ko astig ang mga Kappa? May mga katulad mo din palang tumitiklop.” Tumawa siya.
Kinabahan ako.
Mukhang may hindi pa yata ako alam sa mundo ng mga fraternities.
Hindi ko na tinagalan ang paghugas ko ng kamay dahil naglabas na siya ng balisong niya at nilalaro-laro niya iyon sa likod ko.
Kitang-kita ko iyon dahil sa salamin sa harap ko.
Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko.
Nagmamadali na akong lumabas ng CR na may takot.
Nang dumaan ako sa harap ng mga Tau Gamma ay malakas ang kaba sa dibdib ko pero hindi ako nagpahalata. Sa akin nakatingin ang tropa ko.
“Opppss putaaaa!” singhal ko.
Tinisod ako ng isa sa mga nakaupo.
Nawalan ako ng balance at sumubsob sa katabing mesa.
Nagtawanan sila at mabilis na kinuwelyuhan ako ng tumisod sa akin.
“Ano Kappa! May angal! Lalaban ka?”
Dahil sa naipong galit sa dibdib ko sa pagpapahiya nila sa akin ay mabilis ko siyang binigwasan ng suntok sa panga.
Pumasok iyon.
Nabitiwan niya ako.
Ngunit iyon na pala ay bahagi lang nang dati nang gulo sa pagitan ng papasukan kong kapatiran at ang kalaban nilang fraternity. Naging madugo ang sagupaan. May buhay na inutang at buhay ding kailangang singilin. Iyon ang naging mitsa ng mas masalimuot at makapigil hiningang bahagi ng buhay kabataan ko. Lalo pang tumindi ang mga kaganapan.

No comments:

Post a Comment