Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta
“Ayaw kong manghimasok. Sorry Boy, pero siya ang dapat mong kausapin at hindi ako. Ngayong alam mo na ang pagkatao ko. Nasa sa’yo kung ituring mo pa akong kaibigan. Mahirap sa aking sabihin ito sa’yo pero gusto kong tanggapin muna ang sarili ko bago ako matanggap ng iba. Alam at tanggap na ako ng pamilya ko at bukod sa kanila, sa’yo ko palang ipinagkakatiwala ang pagkatao ko. Wala akong balak ipagsigawan sa buong mundo kung ano ako…
Biglang may gumalaw sa di kalayuang cubicle.
Tumayo siya.
“Paano ako Jokyo Jino? Hindi mo ba din ba ako pakikiusapan?” si Philip.
Natatawa sa kaniyang mga narinig.
Nagkatinginan kami ni Jino.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig.
Ako ang nahihiya para sa kaniya.
Alam kong kahit hindi siya sa akin magsabi ay ayaw niyang siya ang magiging tampulan ng tukso ng mga istudiyante sa campus namin. Mabuti sana kung hindi siya sikat lalo pa’t alam kong madami din naman ang may crush sa kaniya. Naniniwala ako at naiintindihan ko yung nararamdaman ng kukutyain ang iyong pagkatao. Iba kasi ang sakit kapag nakakarinig ka ng tumatawag sa’yo ng bakla. Hindi ko alam kung pareho kami ng nararamdaman kung may tumutukso sa akin na bakla ako pero ano nga ba ang kaibahan no’n sa tulad kong hindi gano’n sa taong tanggap na na ganoon siya. Sige, sabihin na nating kahit tanggap na niya iyon sa kaniyang sarili, sigurado akong iba pa din ang dating no’n kapag pinagtatawanan ka ng iyong mga kamag-aral dahil iba ka sa kanila.
Ang paghinga niya ng malalim ay alam kong pagsuko. Huling-huli na kasi siya. Sa bibig niya mismo nanggaling ang kaniyang pag-amin at mahirap kalaban ang katulad ni Philip na pinaniniwalaan ang lahat ng kaniyang sinasabi. Maaring ilang sandali lang paglabas na paglabas nito sa Student Body Organization Office ay malalaman na ng lahat at maikakalat ang pagiging bading niya. Hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap niya sa lahat. Walang kilos si Jino na nagsasabing ganoon siya, kahit ang kaniyang boses ay kasimbuo nang kung paano niya dalhin ang sarili para magmukhang tunay na lalaki. Isa iyong kabiglaan sa karamihan.