Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta
“Ayaw kong manghimasok. Sorry Boy, pero siya ang dapat mong kausapin at hindi ako. Ngayong alam mo na ang pagkatao ko. Nasa sa’yo kung ituring mo pa akong kaibigan. Mahirap sa aking sabihin ito sa’yo pero gusto kong tanggapin muna ang sarili ko bago ako matanggap ng iba. Alam at tanggap na ako ng pamilya ko at bukod sa kanila, sa’yo ko palang ipinagkakatiwala ang pagkatao ko. Wala akong balak ipagsigawan sa buong mundo kung ano ako…
Biglang may gumalaw sa di kalayuang cubicle.
Tumayo siya.
“Paano ako Jokyo Jino? Hindi mo ba din ba ako pakikiusapan?” si Philip.
Natatawa sa kaniyang mga narinig.
Nagkatinginan kami ni Jino.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig.
Ako ang nahihiya para sa kaniya.
Alam kong kahit hindi siya sa akin magsabi ay ayaw niyang siya ang magiging tampulan ng tukso ng mga istudiyante sa campus namin. Mabuti sana kung hindi siya sikat lalo pa’t alam kong madami din naman ang may crush sa kaniya. Naniniwala ako at naiintindihan ko yung nararamdaman ng kukutyain ang iyong pagkatao. Iba kasi ang sakit kapag nakakarinig ka ng tumatawag sa’yo ng bakla. Hindi ko alam kung pareho kami ng nararamdaman kung may tumutukso sa akin na bakla ako pero ano nga ba ang kaibahan no’n sa tulad kong hindi gano’n sa taong tanggap na na ganoon siya. Sige, sabihin na nating kahit tanggap na niya iyon sa kaniyang sarili, sigurado akong iba pa din ang dating no’n kapag pinagtatawanan ka ng iyong mga kamag-aral dahil iba ka sa kanila.
Ang paghinga niya ng malalim ay alam kong pagsuko. Huling-huli na kasi siya. Sa bibig niya mismo nanggaling ang kaniyang pag-amin at mahirap kalaban ang katulad ni Philip na pinaniniwalaan ang lahat ng kaniyang sinasabi. Maaring ilang sandali lang paglabas na paglabas nito sa Student Body Organization Office ay malalaman na ng lahat at maikakalat ang pagiging bading niya. Hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap niya sa lahat. Walang kilos si Jino na nagsasabing ganoon siya, kahit ang kaniyang boses ay kasimbuo nang kung paano niya dalhin ang sarili para magmukhang tunay na lalaki. Isa iyong kabiglaan sa karamihan.
“I’m sorry, I have to go.” Bulong niya sa akin.
“Hindi mo na talaga alam ngayon kung sino ang bakla sa hindi. ‘Tindi mo jokyo. Nagoyo mo kami ha. Hindi kaya pinagnasahan mo ako sa tuwing sabay tayong nagpapalit ng Taekwondo uniform natin noon. Pucha, akala ko siga ka e!” natatawang banat pa din ni Philip nang hinarangan niya ito sa pintuan.
“Huwag kang mag-alala Philip, hindi ko trip ang kagaya mo, kaya kahit maghubad ka sa harap ko, hindi kita papatulan. Masyado ka namang bilib sa sarili mo!”
“Talaga lang ha, di ba ang bakla kahit sino basta lalaki gusto niyang tikman!” muli itong tumawa. Ako yung nanliliit sa sinasabi niya. Gustung-gusto ko na siyang bigwasan ng suntok. Naghahanap na nga ako ng ipalo sa ulo niya nang matigil na siya.
Ang hindi ko lang maintindihan ay bakit gano’n lang si Jino. Alam kong kayang-kaya niyang patumbahin si Philip ngunit wala siyang ginagawa kundi ang umiling-iling lang ito.
“Shokla ka pala e! Sayang naman! Ha ha ha!”
Nakita namin ni Philip ang pagkuyom ng kaniyang kamao.
“Umalis ka sa dadaanan ko Philip. Ayaw ko ng gulo.”
Natatawang nagbigay ng dadaanan si Philip. Mas pinili nitong tunguhin ang pintuan para umiwas kaysa sa patigilin si Philip. What the fuck!
“Tol, balik ako mamaya, may pag-uusapan tayo.” Tapik ko sa balikat ni Philip bago ko sinundan si Jino na noon ay nakalabas na ng office.
“Sandali lang nga, mag-usap tayo.” Pinigilan ko ang braso niya.
“Tapos na tayong mag-usap, bakit may sasabihin ka pa ba?” galit ang boses.
“Bakit ka ba sa akin galit?” tanong ko habang sinasabayan siya sa mabilis niyang paghakbang.
“I am not angry, I am in pain!”
“Pain? E bakit hindi ka huminto ng makapag-usap tayo ng pain mo na ‘yan! Bakit ba lagi ko kayong hinahabol para lang makausap. Bakit ako yung nakikiusap sa inyo para magkaliwanagan.” Singhal ko.
“Ano pa bang gusto mong sabihin ko o pag-uusapan natin.” Sagot niya.
“Halika nga dito.” Hinawakan ko ang kamay niya.
Hinila ko sa likod ng isang bakanteng classroom.
Sumunod siya sa akin. Nakayuko na parang halata na talagang talunan.
“Ganoon na lang iyon? Wala kang gagawin man lang?” tanong ko.
“Yung alin, Boy? Yung nalaman ni Philip na bakla ako?” malakas ang pagkakasabi no’n.
Tinakpan ko ang bibig niya lalo pa’t nakita ko ang mga istudiyanteng nag-uusap sa hindi kalayuan sa amin.
“Boses mo ano ba!” tinanggal ko ang kamay ko nang maramdam ko ang labi niya sa palad ko.
Nagkatingin kami ngunit sabay din kaming napayuko.
“Hindi mo ba siya papakiusapan o takutin para huwag niyang ilabas ang pagiging ganyan mo?”
“Para saan pa, narinig na niya. Nahihiya man ako na pag-uusapan ako, pagtatawanan ng mga hindi nakakaintindi sa pagkatao ko pero inihanda na ako nina Papa na harapin at palagpasin ang pagkukutya ng iba. Sa una lang naman pag-uusapan ang pagiging iba ko. Lilipas din ang lahat. Walang bakla na nag-out ang dadaan sa pinagdaanan ko ngunit masasakit na salita lang daw naman ang maririnig ko sa mga makikitid na tao sabi nina Papa, mga pagkukutya lang ang maririnig kong ikasasakit ng kalooban ko ngunit ang mahalaga daw ay kung ano ang laman nito.” Tinuro niya ang puso niya. “Wala daw hihigit pa sa saya ng pagiging totoo mo sa sarili mo. Iba pa din ang sayang kapalit ng pagiging totoo at pagtanggap sa pagkatao ng buum-buo.”
“Okey. Iyon ang sabi ng papa mo. Pero naman Jino, paano ako ha? Paano kami ni Lexi. Sa tingin mo ba ganoon lang din kadali sa amin iyon na alam nilang bakla ang bestfriend namin?”
“When did you start to care?”
“Putcha naman oh! Anong care care ka diyan! Oo na, I start caring just now! Masaya ka na? Bakit parang ang tingin ninyo sa akin ay sarili ko lang ang iniintindi ko. Kung sarili ko lang, bakit pa kita kakausapin ngayon? Bakit kita hinahabol para magpaliwanagan tayo? If I don’t care, sana hindi na ako nagkukumahog na laging habulin ka!” naiirita kong sagot.
“Hindi nga ba? Balikan mo nga yung tanong mo. Paano ka? Paano kayo ni Lexi? Si Lexi, alam ko, kahit sino ako mamahalin niya ang pinsan niya. Tatanggapin ako ng buo dahil dati niyang alam na ganito ako pero suportado niya parin ako. Hindi kaya mas akmang tanungin kita kung paano ang pagkakaibigan natin ngayong malalaman na ng lahat na bakla at mahal ka ng bestfriend mo?”
“Hindi ko alam.” Mahinang sagot ko.
“Hindi mo alam?”
“Oo, hindi ko alam kung paanong hindi magalit sa mga taong tatawa at kukutya sa’yo. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa tuwing naririnig kong tinatawag kang bakla na kasama ko at wala kang ginagawa para ipagtanggol mo ang sarili mo.”
“Then just ignore.”
“Just ignore? Paano mo nasasabi yung ganyan?”
“Look, kung lahat ng mga mariringgan kong magsabi no’n ay bubugbugin ko o tatakutin, baka isang araw magigising na lang akong sira na nga ako sa mga tao, sira pa pati ang kinabukasan ko.”
“Ewan ko sa’yo. Ang hirap-hirap mong kausapin! Bahala ka na nga sa buhay mo!” tumalikod ako.
Hindi ko na alam kung paano ko siya makukumbinsing kausapin at takutin niya si Philip para huwag niyang ipagkalat ang kaniyang pagkatao.
Ngunit bago ako tuluyang makalayo ay hinawakan niya ang braso ko. Mabilis kong tinanggal ang kamay niya ngunit hinarap ko siya.
“Ano?” tanong ko, umaasang nabago ko ang isip niya sa huling sandali.
“Kung ikakahiya mo ako bilang kaibigan mo dahil sa ganito ako, puwede mo lang akong layuan, Boy. I can’t force anybody to stay kung sa tingin mo nababahiran ko ng hiya ang pagkatao mo. Masakit at alam kong sobrang hirap ngunit may mas masakit pa ba at hihirap sa mga ginawa mong pambabale-wala sa akin? Siguradong masasanay ko din ang sarili kong huwag ikaw ang hanapin ko sa tuwing papasok ako sa school, masasanay din akong hindi ang mga pictures nating dalawa ang tinititigan ko bago ako matulog, matatanggap ko din ang katotohanang hanggang pangarap lang kita.”
“Dapat lang dahil kahit kailan hindi puwedeng maging tayo. Straight ako at babae ang gusto ko makasama habang buhay.” Walang kakura-kurap na sagot ko sa kaniya.
“I know. Kaya nga gusto kong sanayin ang sarili ko. Pero salamat pa din Boy.” Muli na naman siyang napapaluha. Hindi na siya nagsawa sa kaiiyak. Pucha, ako pa naman yung tinatamaan ng sakit sa dibdib kapag ipinapakita niyang nasasaktan siya.
“Salamat kasi dumating ka sa buhay ko at nagiging bahagi ka nito. May mga nabasa ako dati at ngayon ko na napapatunayan na totoo palang kung saan ka daw unang nasaktan bilang tao, sila ang pinakamahalagang bahagi ng iyong pagkakatuto par bumangon at lumaban. Sige brad, una na ako.” tinapik niya ang balikat ko bago siya naglakad palayo sa akin.
Nanghihina ang tuhod ko. Talagang gano’n na lang sa kaniya kadali iyon samantalang sa akin napakalaking isyu sa akin ang maaring magiging epekto ng pagkarinig ni Philip sa tunay niyang pagkatao.
Naglakad ako pabalik sa SBO Office. Sana nando’n pa si Philip. Kailangan kong makausap. Kung walang gagawin si Jino tungkol dito, ako hindi ako papayag na saktan nila ang kalooban niya, ayaw kong kukutyain siya dahil sa pagiging iba niya. Alam ko at naiintidihan ko yung pakiramdam ng ganoon. Siguro sa katulad niyang tanggap ang pagiging iba niya simple lang iyon pero hindi sa akin. Ayaw kong habang magkasama kami ay mariringgan kong may magsabi ng ganoon. Kahit hindi ako magaling sa karate o taekwondo, siguradong di ako makakapigil na bigwasan ang sinumang lalait sa kaniya.
Wala na si Philip sa SBO Office. Kailangan ko siyang makausap bago niya masabi ang narinig niya sa kahit isa sa mga barkada niya dahil alam kong simula ng kakalat iyon. Lakad takbo kong tinungo ang gym pero kailangan kong dumaan muna sa canteen. Doon ang madalas nilang tambayan ng kaniyang mga barkada, sa canteen, sa isang puno malapit sa canteen at sa gym. Sumilip ako sa canteen, wala siya sa loob. Nasaan na kaya ‘yun.
Hanggang sa nakita ko siyang papalapit sa mga barkada niyang nag-uumpukan. Tumakbo ako para pigilan siya bago siya makapagbalita.
“Mga tol! May mainit-init akong dalang balita sa inyo…”
“Tol, sandali!” pamimigil ko sa kaniya.
Sigurado kong iyon na kasi ang sasabihin niya sa kanila.
“Ano ba, Romel.” Tinulak niya ako.
“Sandali lang.” Humihingal ako.
Humarang pa din ako.
“Please?” pakiusap ko.
“Bakit ba pinipigilan mo ako?” tanong niya.
“Sabihin na ‘yan!” kantiyaw ng iba pang naroon sabay hagalpak ng tawa.
Parang nakikita ko si Jino kung paano nila ito pagtawanan. Hindi puwede, ayaw kong mangyari iyon sa bestfriend ko.
“Hindi naman ikaw ang sangkot dito a, bilib na nga ako sa’yo kasi totoo palang brusko ka tol! Kaya hayaan mo na ng may mapagkatuwaan naman tayo.” Nakangisi niyang sinabi sa akin kasabay iyon ng paghawi niya sa akin sa harap niya.
“Ano tol, sabihin na ‘yan, huwag nang patagalin.”
“Kanina kasi, doon sa SBO Office may nasaksihan akong ikagugulat ninyo mga tol! Ako nga din hindi makapaniwala sa una pero…”
“Tol, kahit ano, gagawin ko, huwag mo lang ipagkalat, please!” bulong ko. Nagmamakaawa ako.
“Uyy gusto ko ‘yang kahit ano na ‘yan! Sigurado ka, kahit ano?”
Kinabahan ako sa maaring hingin niyang kapalit ngunit para kay Jino, kaya kong gawin. Sa dami ng kaniyang isinakripisyo sa akin, ngayon lang ako makakabawi.
“Kahit ano, tol. Huwag mo lang sirain ang bestfriend ko.” pabulong iyon.
Ayaw kong marinig nila ang sinasabi ko at mabigyan ng idea ang mga naroon.
Hinawakan niya ang braso ko palayo sa mga katropa niya.
“Ano na tol. Pabitin ka naman e!” pahabol nung isang parang dinaanan ng pison ang ilong. Sarap lang bigwasan ng suntok ang ilong niya para kapag mamaga ay kahit papano maranasan niya yung pakiramdam ng may ilong.
“Kahit ano ha, sige, ito yung deal, hayaan mo na kami ni Lexi. Huwag mo na siyang popormahan. Kung magiging kami, huwag mo na din siyang malapit-lapitan.”
Huminga ako ng malalim. Mahirap yata ‘yun.
“Bakit an’tindi naman ng kapalit tol. Hindi puwedeng isabit si Lexi dito.”
“Akala ko ba kahit ano? So, ayaw mo?”
“Tol, iba na lang. Huwag naman si Lexi.” Pakiusap ko.
“Sige, kung ayaw mo, hindi naman ako mahirap kausapin. Labo mo naman palang ka-deal e. Kahit ano, sabi mo tapos kapag magsabi ako, saka mo sasabihing iba na lang. ‘La ka palang isang salita.” Nilagpasan niya ako.
Papunta na siya sa mga katropa niya.
Napapikit ako.
Huminga ng malalim.
“Sige, deal.” Naibulalas ko.
Umatras siya.
Nakangiting tumingin sa akin.
Titig na titig siya sa aking mukha.
Naninigurado.
Napapailing ako.
Nasasaktan akong basta na lang isuko yung pagmamahal ko kay si Lexi ngunit naisip kong hindi naman din sigurado na sasagutin ni Lexi si Philip at magiging sila. Kung hindi ko gagawin ito, siguradong masisira ang reputasyon ni Jino.
“Pero sandali lang. magkaliwanagan tayo, masisiguro mo ba sa akin hindi mo din ipagkakalat ang narinig mo kanina? Gusto ko lang ng assurance tol.”
“Lalaki akong kausap ‘tol. Ibahin mo ako. May paninindigan akong tao. Kaninang tinalo mo ako ng basketball, umangal ba ako? Hindi ba sumunod ako sa kung anong usapan? Gano’n din lang ‘to, tol.”
“Sige tol, kahit mahirap para sa akin ito, gagawin ko. Sana lang huwag mong sasaktan ang bestfriend kong si Lexi kung magiging kayo.” Iyon na ang pinakamahirap kong sinabi. Hindi ko yata kakayanin.
“Sure!” itinaas niya ang kamay niya para makipag-apir sa akin. Tinanggap ko ang pakikipag-apir niya kahit sobrang bigat ng kalooban kong gawin iyon.
“Paano pala kung hindi magiging kayo? Paano kung hindi ka niya sasagutin?”
“Wala kang bilib sa akin. sasagutin ako no’n.”
“Paano nga kung hindi?” pamimilit ko.
“Parang may kutob ako sa tanong mo ah. Gusto mong magkaliwanagan tayo na kung hindi ko siya mapapasagot ay puwede kang manligaw pagkatapos. Tama ba ang hinala ko?”
Tumango ako.
“O, e, di sige. Pero isang taon, isang taon akong manliligaw sa 2nd year natin. Kung wala talaga, bahala ka na sa 3rd year natin. Pero habang nanliligaw ako o kaya kung magiging kami, huwag na huwag kang poporma sa kaniya.”
“Paano yung pagkakaibigan namin? Hindi naman yata makatarungan na pati ‘yun tol, ipagkakait mo pa. Huwag naman.”
“Sige, basta mangako kang di ka tusong manligaw pa sa kaniya. Iba akong kalaban tol. Tandaan mo ‘yan. Hindi kita tinatakot, sinasabi ko sa’yo ang maari kong magawa kunsakali.”
“Oo tol. Makakaasa ka. May isang salita ako.” kasabay niyon ng pangingilid ng aking luha.
Malas talaga.
Nakakainis kasi si Jino e.
Siya dapat ang umaayos nito!
Napayuko ako nang umalis siya sa harap ko. Sana tama ako sa ginagawa ko. Masakit sa akin ang desisyon ko pero ito ang alam kong makabubuti kay Jino. Umaasa akong hindi mahuhulog si Lexi kay Philip. Kaya kong magtiis at maghintay. Malaki ang tiwala kong ako ang mahal ni Lexi at hindi si Philip. Iyon lang muna ang panghahawakan ko sa ngayon.
Nagulat ako nang may tumapik sa balikat ko.
Nilingon ko.
Si Philip parin.
“Bilib ako sa pakikisama mo tol. Iba ka! Lahat gagawin mo sa kaibigan mo! Saludo ako diyan tol!”
Tumango-tango ako. Hindi niya alam na mas mapalad akong nagkaroon ng kaibigang katulad nina Lexi at Jino.
Malungkot akong bumalik sa aming classroom. Kaagad kong hinanap sina Jino at Lexi para makipagbonding sa kanila. Hindi na kailangan ipagmalaki pa kay Jino ang ginawa ko. Ang mahalaga sa akin ay bago matapos ang klase at magkahiwa-hiwalay kami ay maayos ko na muna ang gulo naming tatlo.
“Nasaan yung dalawa?” tanong ko kay Jheck at Miggy na noon ay nag-uusap.
“Umuwi na. Nagmamadali e.” sagot ni Miggy.
“Bakit daw?” tanong ko.”
“Hindi naman sinabi basta biglang nagyaya na lang si Lexi na samahan siya ni Jino pauwi.” Sagot ni Jheck.
“Sige tatawagan ko na lang.”
Ngunit nakailang tawag na ako sa kanila ay walang sumasagot. Kahit sa mga text ko wala ding nagrereply. Gusto kong puntahan sila sa bahay nila ngunit hindi ko din naman alam kung saan. Hindi pa din ako sumuko sa katetext at katatawag ngunit hanggang lumalim ang gabi ay wala akong napala. Naramdaman ko yung sakit na nararamdaman ni Jino sa tuwing nagtetext siya na hindi ko sinasagot o kapag tumatawag siya na hindi ko pinapansin. Ganito pala kahirap yung pakiramdam.
Kinabukasan, maaga akong pumasok kahit alam kong wala na kaming gagawin sa school. Gusto kong makausap ang dalawa. Iilan na din lang ang pumasok dahil tatlong araw na din lang ay Recognition and Graduation day na. Hindi na din namin kailangan pang mag-uniform. Nakikipag-asaran muna ako sa mga kaklase kong naabutan ko sa classroom namin habang hinihintay ko ang dalawa. Sigurado kasi akong papasok sila. Panay pa din ang tingin ko sa aking iphone baka may isa sa kanila ang sumagot ngunit nadidismaya lang ako.
Ilang saglit pa ay dumating na si Jino kasabay si Miggy. Nagkukuwentuhan silang pumasok. Sandaling nagkatinginan kami ni Jino ngunit siya ang mabilis na umiwas ng tingin. Nainggit ako sa ganda ng porma niya. Lalo siyang pumogi sa tingin ko. Sayang nga lang ang ganda niyang lalaki kasi berde naman ang dugo. May dala si Miggy na gitara. Bakit si Miggy ang kasama niya? Nasaan si Lexi?
Naghihintay akong lingunin muli ako ni Jino. Tuloy hindi ko na naiintindihan ang pinag-uusapan namin ng mga kaklase ko dahil ang atensiyon ko ay nasa dalawa. Panakaw ko silang nililingon. Ibinigay ni Miggy ang gitara kay Jino at tinuturuan nito kung paano niya ito patutugtugin. Huminga ako ng malalim. Sobrang gusto ko silang lapitan ngunit nauunahan ako ng hiya. Putcha, bakit kailangan kong mahiya?
Panay pa din ang tingin ko sa kanila. Umaasang mapapatingin muli si Jino sa akin. May mga gusto akong tanungin ngunit di ko alam kung paano ko sila lalapitan. Kinakabahan ako na hindi ko maipaliwanag. Muli kong sinubukang ibalik ang aking atensiyon sa mga kaklase kong nagtatawanan parin. Nakaramdam ako ng inggit sa kanila, mabuti pa sila hindi nila pinagdadaanan yung lungkot na nararamdaman ko ngayon. Nang pinasadahan ko muli ng tingin ang dalawa ay nahagip kong nakatingin sa akin si Jino. Bago ako ngumiti sa kaniya ay nabawi na naman niya ang kaniyang tingin. Naghintay akong muli niya akong sulyapan. Ano ba ‘to. Para kaming babae at lalaking may gusto sa isa’t isa at nagkakahiyaan pang lumapit. Siya ang may gusto sa akin ngunit hindi ako.
Sige, isang tingin pa niya, lalapit na ako. Alam kong gagawin niya iyon. Mahal kaya niya ako. Imposible namang natulog lang siya kagabi at paggising niya kaninang umaga wala siyang nararamdaman pa sa akin.
Matagal ko siyang tinitignan. Tumingin ka na muli please.
Wala pa din.
Ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa.
Hay! Sadya yatang pinipigilan na niya ang kaniyang damdamin. Minabuti kong ibaling na lang sa mga kaklase ko ang tingin ko ngunit bago ko magawa iyon ay muli siyang napasulyap sa akin.
Hayun!
Nagtama ang aming paningin.
Kinindatan ko siya.
Ngumiti ng bahagya.
Tatayo na sana ako para lapitan sila pero mas nauna silang tumayo ni Miggy. Tahimik silang dumaan sa likod ko. Umaasa akong kakalabitin niya niya ako tulad ng dati niyang ginagawa kapag niyaya niya akong samahan siyang umihi o kaya bumili ng miryenda sa canteen. Ngunit hindi niya iyon ginawa. Parang walang siyang nakita. Tinungo nila ang pintuan ng aming classroom. Palabas sila dala pa din ni Miggy ang kaniyang gitara.
Pagkalabas nila ay mabilis din akong tumayo. Kailangan ko silang sundan. Wala akong mapapala kung lagi na lang akong mahihiya. Isa pa, kailangan kong malaman kung nasaan si Lexi. Iyon na naman talaga ang dahilan ko kung bakit ko sila gustong lapitan.
Umupo silang dalawa sa silong ng puno kung saan kami noon umupo ni Lexi. Naunang umupo si Miggy hawak ang gitara. Itinaas nito ang paa at padiretso niyang ipinatong sa semento. Umupo din si Jino katulad ng upo ni Miggy. Nagsandalan sila patalikod sa isa’t-isa. Nagtatawanan habang nag-uusap.
Huminto ako sa hindi kalayuan.
Nangangatog ang tuhod kong lumapit sa kanila. Sa akin nakaharap si Jino. Hanggang sa narinig ko ang tunog ng gitara ni Miggy. Huli na para aatras ako. Nagkatinginan na kami ni Jino. Minabuti kong humakbang palapit sa kanila. Hindi niya inaalis ang tingin niya sa akin. Dalawang dipa na lang ang layo ko nang naisipan kong magtanong ngunit bago ko maibuka ang aking labi ay narinig ko na ang kaniyang pagkanta.
Hindi man kagandahan ang boses ni Jino ngunit sa lyrics ng kanta ako natigilan. May dating kasi sa akin kasama ng walang kakurap-kurap niyang tingin sa akin. Nadadala ako.
Oh my love…
The first time that you spoke my name
It somehow sounded not the same
Was like I knew from that moment on
Biglang naalala ko noong araw nagkaayos kami. Yung araw na unang formal na ipinakilala namin ang aming sarili sa isa’t isa pagkatapos ng aming bangayan at suntukan. Iyon ang laman ng lyrics ng kanta niya.
“Brad, Jino nga pala. Puwede ba kitang formal na makilala? Mas mainam ‘yun kaysa tawagin mo ako ng hoy” nakangiting inilahad niya ang kamay niya.
Kinamot ko ang ilong ko.
Kinakabahan ako at nahihiya. Huminga ako ng malalim para maibsan ang paninikip ng aking dibdib sa hindi ko alam na kadahilanan.
“Romel pero Buboy na lang ang itawag mo sa akin.”
Handshake.
“Okey, Buboy. Friends?” may kakaibang dating sa akin ang pagbanggit niya sa pangalan ko. Pinisil niya ng bahagya ang kamay ko.
And this is what I’m living for, faith had opened up the door
And who am I to say that heaven could be wrong
Huminga ako ng malalim. Hindi talaga popular ang kanta sa akin ngunit bakit parang may kakaibang dating. Sa dami ng tatamaan ng bola niya noon sa beach, sa dami ng puwedeng pag-lilipatan kong school noon, bakit parang itinadhanang kaming tatlo nina Lexi ang naging matalik na magkakaibigan? May kakakayahan akong umiwas no’n ngunit hindi ko ginawa. Iyon ba ang kagustuhan ng langit para sa aming tatlo?
If it’s all I ever do
I would give my heart to you (Sa akin siya nakatitig. Nangangatog pa din ang tuhod ko.)
And I will do it faithfully until the end of time
When they carve my name in stone
At least I know they’ll know
That in this life I made mistakes but I did one thing right
Kitang-kita ko ang muling pagbagsak ng kaniyang luha. Hinayaan niyang umagos iyon sa kaniyang pisngi habang kumakanta at nakatitig sa akin. napakalakas ng kabog ng aking dibdib at di ko kayang salubungin ang kaniyang tingin. Tumalikod ako.
‘Cause I was meant forever loving you
If it’s all I ever do oh… my love
Nilingon ko siya. Umaasang tapos na ang kanta ngunit nagpatuloy pa din siya.
Baby when I look at you standin’ there so pure and true
Don’t know what I did to deserve
Minabuti kong binilisan ang paglalakad palayo sa kanila. Ayaw ko ng ganoong kagaguhan na parang sarili ko at siya ang iniisip ko samantalang alam ko namang hindi puwede. Isa pa, lumapit ako para tanungin si Lexi at hindi para paringgan niya ako ng mga ganoong kanta. Nakaka…Ihhh!
“Boy, sandali lang!” tawag niya sa akin.
Huminto ako.
Huminga ng malalim.
Nilingon ko siya.
Naglalakad siya palapit sa akin at nakatingin sa amin si Miggy.
“Nasaan si Lexi?” tanong ko.
Gusto kong maintindihan niya na kaya ako lumapit dahil kay Lexi.
“Hindi siya pumasok. May ihihingi pala ako ng tawad sa’yo.”
“Ihihingi ng tawad? Ano ‘yun?” nagtataka kong tanong.
“Sinabi ko kasi yung narinig ko na naging usapan ninyo ni Philip. Yung pinagpustahan ninyo kung sino ang magpapatuloy na ligawan siya.”
“Sinabi mo? Hindi mo ba naisip na… akala ko ba matalino ka!” nagalit na ako.
“I’m sorry galit ako sa’yo no’n e, saka isa pa, what would you expect me to do e, pinsan ko yung pinagpupustahan ninyo.” Pagpapaliwanag niya.
“Pero alam mong masasaktan siya kapag sinabi mo iyon sa kaniya, di ba?”
“Kaysa naman magi-guilty ako na pinagpupustahan na siya at alam ko ngunit wala akong ginawa para sabihan siya.”
“Okey fine. Matalino ka, kaya mong lusutan lahat. At ako, kasi kulang ako ne’to,” itinuro ko ang sintido ko, “kaya hindi ko alam kung paano ko sasabihin yung sana gusto kong ipaliwanag sa’yo. Bahala ka! Gulung-gulo na ako sa’yo. Di ko alam kung bakit pa kita kinakausap kahit sa tuwing kausap kita ng ganitong laging may kaakibat na problema. Ayaw ko ng ganito!” tumalikod na ako sa inis.
“She asked me to stay away from you.” Pahabol niya.
Nilingon ko siya.
“E di stay away! Problema ba ‘yun?” singhal ko dahil sa galit.
“Gano’n lang ‘yun?”
“Anong gusto mong gawin ko? Ni wala siya dito para makausap ko. Saka paano ko ipaliliwanag sa kaniya ‘yun ngayong inunahan mo ako! Kaya bahala na. Ayaw ko ng ganito. Anong malay ko sa mga ganito. Nalilito ako, Jino. Naguguluhan. Kaya bahala ka! Bahala kayo!”
“Wala kang gagawin para ayusin yung gusot?”
Humarap ako sa kaniya. Dinuro ko siya. “Anong karapatan mong sabihan ako na wala akong gagawin para ayusin ang gusot? Ikaw nga mismo hindi mo inaayos ang maaring ikakasira ng pangalan mo sa school, tapos tatanungin mo ako tungkol sa pag-aayos sa gusot? Nawala ang pag-asa ko kay Lexi da…” tumigil ako.
Hindi ko siya puwedeng sisihin siya sa ginawa kong desisyon. Hindi niya ako pinilit na gawin iyon. Minabuti kong talikuran na lang siya.
“Anong sabi mo?” tanong niya.
“Wala!”
“May gusto kang sabihin e!”
“Wala nga! Ang kulit!” naglakad na ako palayo sa kaniya.
Lalo akong naguluhan.
May hinala na akong may alam si Lexi tungkol sa laro namin ni Philip sa basketball ngunit sana nagawa ni Jino na sabihin sa maayos na paraan, huwag sana niyang gamitin yung salitang pinagpustahan. Ipinaglaban ko yung pagmamahal ko sa kaniya dahil iyon lang ang alam kong paraan para walang sagabal sa amin. Ipinanalo ko siya ngunit nabawi din dahil sa kabaklaan ni Jino tapos ako yung pinalalabas nilang masama!
Pucha naman oh!
Nang kumakain kami ng hapunan nina Daddy ay madalas nila akong tinitignan. Kinakausap nila ako. Nagtanong sila kung kumusta ang final exam ko. Kung hanggang kailan ang klase namin na sinagot ko din naman ng maayos hanggang sa natatahimik pa din ako. Laging malayo ang tingin. Alam kong napapansin nila ang madalas kong pagbunot ng malalim na hininga.
Hindi ko kasi maintindihan ang sarili ko. Bakit ako nag-iisip na ng ganito ngayon tapos, parang ang hirap huminga. May kung anong nakadagan sa dibdib ko.
Pagkatapos kong kumain ay lumabas muna ako ng bahay para magpahangin sa aming maliit na kubo sa gilid ng bahay. Humiga ako doon at panay ang tingin ko sa aking iphone. Umaasa na may magtext pa din sa kanila. Nagtext na ako sa kanila kanina, tinatanong ko kung kumain na ba sila ng dinner nila ngunit walang sagot. Nagpa-ring din ako para magpapansin ngunit sadyang wala pa din. Huhhhhh! Ang hirap naman ne’to! Nakakasira ng ulo.
Ilang sandali pa ay lumapit si Daddy sa akin. Umupo siya sa ulunan ko at iniangat niya ang ulo ko saka niya ito ipinatong sa kaniyang kandungan. Sinuklay-suklay niya ang buhok ko habang nakatitig siya sa akin.
“Binata na nga ang anak ko oh, may pimples na. Malalim na din ang iniisip niya. May gumugulo na ba sa’yo anak? May iniisip ka na bang espesyal?” nakangiting tanong ni Daddy Ced.
Kailangan ko bang kausapin si daddy tungkol dito? Bakit si Jino nakakausap niya ang mga papa niya? Bakit hindi ko din subukan kay daddy?
“Dad, bakit gano’n?” pagsismula ko.
“Anong bakit ganon, anak? I’m listening.”
“Kasi, dati, hindi naman ako ganito mag-isip. Naidadaan ko nga lang sa paglalaro sa computer yung inis ko o galit. Kapag may problema ako, kaya kong itulog o manood lang ako ng TV nakakalimutan ko na. Yung parang wala lang sa akin lahat, ngunit ngayon bakit parang ansakit sa dibdib.” Napapaluha kong tanong habang nakatingin ako sa kaniya.
“Yung problema mo ba na ito at iniisip ay tungkol sa isang tao?”
“Ihhhhh! Daddy..” nahihiya akong aminin. “Huwag na nga lang.”
“ Sige ganito kasi ‘yun anak. Kung tama akong ibang tao ang problema mo at iniisip, iyon ay dahil nagkakagusto ka na, nagmamahal ka na. Alam mo bang diyan mo mararamdaman sa pagmamahal na iyan ang kakaiba at hindi kayang ipaliwanag na saya ngunit anak, binabalaan kita na kapantay din niyan yung balik niyang sakit. Walang masamang magmahal anak ngunit bata ka pa sana para problemahin ang bagay na ‘yan. Huwag kang masyadong magmadali.”
“Paano kung nararamdaman ko na.” pag-amin ko.
Ngumiti siya.
“See? E, di umamin din ang binatilyo ko.” Huminga siya ng malalim. “Kung may magagawa lang sana ako para maprotektahan kita sa sakit ay gagawin ko ngunit lahat tayo anak, dumadaan sa ganiyan. Nasa kung gaano ka lang kalakas para harapin ang lahat ng sakit na kaakibat ng pagmamahal. Marami ka pang pagdadaanan anak kaya dapat lagi kang matatag. Lagi kaming nandito ng Daddy Mak mo para gagabay sa’yo. Iyon ang hindi mo dapat kalimutan kahit anong mangyari ha.”
“Opo Dad.” Sagot ko.
“Good. May mga magulang ka pa ding handang saluhin ka kapag hindi mo na kaya. Mga magulang mong magmamahal sa’yo at tutulong sa’yong bumangon kung sakaling sumusuko ka na. Pero tandaan mo na lahat ng pagsubok na iyan anak ang magpapatibay sa’yo para kakayanin pa ang mas mahirap na suliraning kahaharapin mo sa iyong buhay.”
“Dad, may kakayahan ba tayong pumili ng taong mamahalin natin?”
“Depende anak. Para sa akin, may dalawang klase ng pagmamahal. Ang pagmamahal na nag-ugat sa puso at ang isa ay ang pagmamahal na nagsimula sa isip. Ang mahirap labanan ay ang pagmamahal na sa unang pagkikita pa lang ay sadyang nandiyan na sa puso mo kahit pa iwasan mo. Iyan yung mga pagmamahal na di mo pinag-aralan, di mo ginusto o sinadya. Basta na lang naramdaman ng puso at hindi mo kayang makawala. Sa isang banda, may pagmamahal din namang kahit sa una ay wala kang nararamdaman ngunit dahil pinili mong mahalin siya ay napag-aaralan iyon sa paglipas ng panahon lalo pa’t iyon ang laging sinasabi ng isip mo, ang mahalin yung taong sa tingin mo ay kaparap-dapat sa’yo. Iyon ang mga pagmamahal na pinag-aralan. Pagmamahal na hinabi ng utak at pinaniwala ang puso. Ngunit alam mo bang kadalasan na mahirap kalimutan ay ang pagmamahal na nagsimula sa utak? Yung pagmamahal na pinag-aralan mo ng mahabang panahon.”
“Salamat Dad.”
“No, anak. Ako ang magpasalamat dahil pinili mong kausapin ako sa mga ganitong bagay. Bibihira ang anak na nagtatanong sa kanilang mga magulang ng mga suliranin nila sa pag-ibig.”
Naisip ko si Jino. Siya ang nagbukas ng kamalayan ko para kausapin ko ang mga magulang ko. Iyon nga lang, di lahat ay kaya kong sabihin sa kanila.
“Sandali nga, sino ba ‘yan anak? Kilala ba namin ng Daddy Mak mo?” kiniliti niya ako.
“Wala po!’ natatawa kong sagot.
“Ayaw umamin ha! Sige ka, kikilitin kita ng kikilitiin.”
“Dad kasi ah!” napahagikgik ako sa tawa. Hindi pa din tumitigil si Daddy.
“Dad! Ano ba!” tinatanggal ko ang kamay niyang kumikiliti sa akin hanggang sa nahulog sa hinigaan ko.
“O, sige na. Matulog ka na. Kung may problema ka kausapin mo kami ng Daddy Mak mo ha?”
“Opo, Dad.” Sagot ko.
Umakbay siya sa akin pabalik sa bahay. Nakangiti si Daddy Mak na nakitang masaya na muli akong pumasok ng bahay.
Hindi ko na muli pang nakita si Lexi sa campus sa mga sumunod na ilang araw. Si Jino naman ay naging mailap na sa akin na para bang laging nagmamadali. Ni hindi ko malapitan. Hanggang sa panakaw na tinginan lang kami. Alam kong nakinig siya sa pakiusap ni Lexi sa kaniya na iwasan ako. Masakit lang na pinagtutulungan ako ng magpinsan dahil sa tingin nila, ganoon ako kasama.
Sa recognition day namin, si Jino ang First, Second si Jheck, Fourth si Lexi at Fifth si Miggy. Ako, sanay ng wala. Okey lang ‘yun. Di ko naman pinangarap umakyat sa stage.
Bago kami magbakasyon ay sinabihan kami ng advicer naming na kukunin muna namin ang aming clearance. Matagal akong naghintay ng pagkakataong malapitan si Lexi dahil guwardiyado ni Philip. Laging nakabuntot ito. Nakakaasar!
Nang pumasok kami sa faculty room ay nakahanap ako ng pagkakataong lapitan si Lexi pero ilang hakbang na lang ako nang naunahan ako ni Philip. Malas talaga huh!
Sandali silang nag-usap. May iniabot si Philip sa kaniya at tinanggap naman niya. Tumalikod ako. Hindi ko kasi natatagalang nakikita sila ng ganoon.
Nagseselos ba ako? Puwede.
Akala ko kaya ko. Paano kung magiging sila ni Philip?
Nilingon ko si Jino, masaya sila ni Miggy. May hawak si Jino na inaagaw ni Miggy hanggang sa napayakap si Miggy kay Jino at nakita ko kung gaano sila kasaya.
Pucha naman yung ganito oh!
Ako lang kasi yung nandoon. Nakatayo sa sulok. Nag-iisa. Ni walang masabing kaibigan. Nakaramdam ako ng awa sa sarili ko.
Hanggang sa nakita kong nagpaalam na si Philip kay Lexi. Palabas na ang tatlo nang nagdesisyon akong habulin sila para makausap si Lexi. Kailangan ko pa ding magpaliwanag. Kahit ang pagkakaibigan ko lang ang kaya kong ibalik.
“Lex, sandali lang, usap naman tayo please?” sigaw ko.
Hindi sila lumingon. Mas binilisan pa nga nila ang paglalakad palayo.
“Lex, please!” hinawakan ko ang braso niya nang maabutan ko siya.
Humarap siya sa akin na may luha ang mga mata.
“Pakkkk!”
Hindi ko na napaghandaang ang isang malakas at malutong na sampal na iyon na pinakawalan niya sa aking pisngi.
“May mukha ka pang iharap sa akin pagkatapos mong makipagpustahan kung kanino ako dapat mapunta! Hayop ka!” singhal niya. Kasabay iyon ng masaganang pagbabay ng luha sa kaniyang pisngi.
“Sigelang, kung galit ka sampalin mo ako hanggang mawala yung galit mo sa ginawa ko!”
“Kung sana galit lang sana yung nararamdaman ko e, pero Boy nasasaktan ako sa ginawa mo!”
“I’m sorry pero mali ang pagkakaalam mo!”
“Talaga lang ha, alin ang mali doon? Kaibigan kita Boy e! Hindi lang kaibigan, bestfriends tayo pero anong tingin mo sa akin, throphy lang na puwedeng angkinin ng mananalo sa basketball! Ganoon ba kababa ang tingin mo sa akin? Ganoon ba ako kawalang kuwenta sa’yo? Ang magiging pustahan lang?”
Namumula siya at umaagos ang mga luha sa kaniyang pisngi. Wala akong maisip na sabihin. Napahawak lang akong sa pisngi kong sinampal niya. Kahit si Jino ay nakatayo lang doon at nagulat sa bilis ng pangyayari. Kailangan kong magpaliwanag, gusto kong sabihin na mali ang iniisip nila laban sa akin ngunit paano ko iyon gagawin ngayong alam kong tuluyan nang nabasag ang sana ay maganda naming samahan?
THANKS GUYS FOR READING...COMMENT DIN KAPAG MAY TIME HA? hehe
No comments:
Post a Comment