“N-nasaan ako???” ang sambit ni Marlon noong nanumbalik na ang kanyang malay sa loob ng ospital. Kitang-kita sa kanyang mukha ang matinding pagkalito. Siguro ay may limang oras din siyang nawalan ng malay. Naka-bendahe pa ang kanyang ulo ngunit sabi ng mga duktor ay wala naman daw silang nakitang crack sa kanyang bungo. Nasugatan lang daw ang kanyang anit at may natamaang ugat kung kaya ay maraming dugong umagos sa kanyang sugat.
“Nasa ospital ka yak...” sagot ko.
“N-nasa ospital?” ang nalilito pa rin niyang sagot. Hinaplos niya ang kanyang ulo, marahil ay sa naramdamang sakit. “B-bakit may bendahe?”
“N-nabagok ang ulo mo sa malaking bato noong inupakan mo si Badong. Napuruhan ka niya sa ulo at natumba ka.”
Nag-isip siya. “B-badong? Iyong kasama kong guwardiya sa bodega ng abaca sa burol?”
Nagulat naman ako sa kanyang sagot. Kumpleto kasi. Si Badong, bodega, guwardiya. “Tama yak! Naalala mo na! Naalala mo na! Nanumbalik na ang iyong ala-ala! Yeheeyyyyy!” ang pagsisigaw ko pa, di magkamayaw sa pagtatalon.
“Naalala ko na nga.”
“Yeheeeyyyy! Nanumbalik na ang kanyang alaalaaaaa!” sigaw ko uli.
Natahimik siya.
Natahimik rin ako.
Bakit ka nagtatalon?” ang bigla niyang pagtanong.