Jino’s Point of View
“Sige, simulan mo nang ipaliwanag sa akin kung ano nga ba talaga ang nangyari. Gusto kong tayo lang muna ang mag-usap kaya kita hinila. Hindi kasi ganoon kadali lang lahat brad.” Singhal niya.
“Alam ko Boy, kaya nga gusto ko ding magpaliwanag sa’yo at sana kahit nagugulat ka pa, nagagalit at hindi makapaniwala sa nangyaring ito, gusto kong buksan mo ang isip at puso mo para sa akin.”
Nanatili lang siyang nakatitig sa akin. Namumula ang kaniyang mga mata. Hindi siya sumagot.
“Kasi, matagal ko na ding hinihintay na makaharap ka.” pagpapatuloy ko. Tumingin ako sa kaniyang mga mata ngunit tinalikuran niya ako. Bumunot ng malalim na hininga. “Miss na miss na miss kita sa walong taon na wala tayong communication Boy. Alam mo ba kung saan ako kumakapit? Dahil lang sa isang binitiwan mong pangako na mas nanaisin mong tumandang mag-isa kaysa magmahal ng iba. Pero pangako mo iyon nang mga bata pa tayo. Saka yung paniniwala kong mahal mo ako. Pero oras-oras akong binabalikan ng takot ko brad. Paano kung maghanap ka ng kalinga ng iba dahil sa paniniwala mong patay na nga ako at wala ka nang babalikan pa? Paano kung sa panahong magkita tayo ay may bago ka ng buhay, may nagpapatibok na sa puso mo? Anong sasabihin ko? Anong habol ko? Paano ko ipaliliwanag ang lahat sa paraang maintindihan mo?” hindi ko na napigilan pang lumuha.
Nakikita ko kasi sa mukha niya ang mga pinagdaanan niyang pagdurusa bago niya ako tinalikuran. Alam kong galit na galit siya ngunit hindi niya alam kung paano niya iyon ilabas dahil sa halu-halong emosyon. Matagal siyang nakatalikod sa akin. Gusto kong umikot para harapin siya ngunit minabuti ko na lamang na hayaan siyang itago ang kaniyang mukha sa akin.