Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta
Nakita ko din ang pagyakap ni Tito Xian kay Jino ngunit sa akin nakatingin ang galit na galit na si Tito James. Nang bumitaw sa akin si Daddy ay hinarap ako ni Tito James.
“Pareng Mak at Pareng Ced, pasensiya na uli ha, baka puwedeng kausapin ko ang anak ninyo sa harap ninyo?”
"P're, kung may problema ka sa anak namin, kami ang dapat kakausap sa kaniya. Kami ang may karapatang dumisiplina sa kaniya at hindi namin magagawa iyon sa harap ng ibang tao. Pasensiya na P're pero hindi kasi magandang tignan na ikaw ang nagsasabi sa anak namin ng dapat kami ang nagsasabi sa kaniya." matapang na sagot ni Daddy Ced.
Natigilan si Tito James.
“Pa, tama na po. Sana once and for all, makinig naman din kayo sa sasabihin ko, sa kung ano ang sasabihin naming dalawa ni Buboy.” palabang tinuran ni Jino.
“Hindi pa tayo tapos Jino. Pag-uwi natin sa bahay, magkaliwanagan tayo!” singhal ni Tito James.
“Tito, mga bata lang kami sa tingin ninyo ngunit may isip na kami at higit sa lahat, may pakiramdam din ho kami. Nasasaktan din naman kami sa gusto ninyong mangyari. Kaya kung gusto ninyong maayos kaming sasama sa inyo at hindi na mauulit pa ito, matuto naman ho sana kayong makinig din naman sa amin ni Jino.” Hinila ko si Jino. Hinawakan ko ang kamay niya at buong tapang akong humarap sa Papa niya. Ito na yung pagkakataong hinihintay ko, ang ipaglaban ng harap-harapan ang taong mahal na mahal ko.
“Yun na nga yung punto ko, mga bata lang kayo pero akala ninyo alam na ninyo ang lahat. Tulad nitong ginawa ninyo ngayong paglalayas. Paano kung may nangyari sa inyong dalawa? Sige, sabihin ninyo sa akin ngayon kung bakit kailangan kong pagkatiwalaan kayong dalawa. Kung bakit hindi ko dapat tututulan ang kung anumang meron kayo at hindi ikasisira ng pag-aaral ninyo gayong heto nga, lumiban na kayo sa mga klase ninyo dahil lang sa hindi ko maintindihan na dahilan ng paglalayas ninyo.”
“Tito, hindi kami naglayas lang dahil lang gusto namin. Pakiramdaman kasi namin, pinagkakaisahan ninyo kaming paglayuin. Wala na ba kaming karapatang magmahal kasi mga bata lang kami sa tingin ninyo?” umagos ang luha ko sa pisngi. Pinabayaan ko lang iyon. Gusto kong maramdaman nila yung sakit ng loob ko dahil sa ginagawa nilang pagkontrol sa amin.
“Kung ako ang sinisisi ninyo kung bakit sumapi sa fraternity si Jino, alam ng Diyos tito kung gaano ko noon siya pinigilan. Ayaw ko hong ituloy niya ang pagsapi dahil lang sa may gusto siyang patunayan sa akin o sa amin ni Lexi. Ngunit nando’n na e. Member na kami ng fraternity at alam ba ninyo kung anong naging magandang bunga ng ginawa niyang iyon? Pinanindigan ko ang pagmamahal ko sa anak ninyo. Dahil ho do’n, natuto akong ipaglaban kung ano yung nararamdaman ko sa kaniya. Dahil sa hazing na ‘yun, mas tumibay yung loob ko. Tito dahil sa samahan, natutunan ko hong manindigan na kung may gusto kang patunayan, kailangan mong pagtiisan lahat ang mga darating na pagsubok. Kahit gaano kasakit, kahit anong takot na namumuo sa dibdib mo at kahit sa tingin mo ay kalaban mo ang lahat na nasa paligid mo, ang mahalaga ay yung determinado kang makuha at ipanalo yung gusto mo, yung kung saan ka masaya. Kung nakakasira po sa tingin ninyo ang fraternity sa amin, nagtanong ba kayo sa mga teachers naming kung kumusta ang grades namin sa school? Dumating na ba yung puntong nagcutting classes kami, lumiban dahil sa mga brod namin?” Niyakap ako ni Jino. Siya man din ay lumuluha dahil dama niya kung gaano ko kagustong ipaglaban siya at ng pagmamahal ko.
“Tito, hindi man ako perpektong bata.” Humihikbi na ako. “Pero sinisikap ko hong maging isang karapat-dapat na tao para sa anak ninyo. Ginagawa ko ho ang lahat na pantayan siya kahit alam kong hindi niya ako kasintalino. Oo, inaamin kong may nangyaring trouble pero nangangako po ako, na ako ho muna ang masasaktan o mamamatay bago may masamang mangyari kay Jino. Hinding-hindi ho ako papayag na sasaktan siya ng iba hangga’t buhay ako. Siguro nga, wala akong alam sa karate o taekwondo ngunit kaya kong isangga ang katawan ko para ako ang tatamaan at hindi siya, suntok man yan, sipa o kahit ng bala.” Pinunasan ni Jino ang luha ko. Nanatili akong nakatitig kay Tito James at Tito Xian. Gusto kong ibuhos lahat ang mga inisip kong sasabihin sa kanila sa paraang maiintindihan nila ako.
“So, pa’no? Gano’n na lang? Pababayaan na lang naming kayo kasi mahal naman ninyo ang isa’t isa? Masyado kasi kayong nagpapadala sa emosyon ninyo. Iyon ang inuuna ninyo kaysa sa pag-isipan muna ang lahat ng gagawin ninyo.” Bumaba ang boses ni Tito James. Mukhang hindi na siya kasintigas kanina.
“Pa, nandoon na tayo, oo, inuuna naming ang aming mga emosyon pero hindi ba puwedeng gabayan na lang ninyo kami at huwag kontrolin o paglayuin?” umiiyak na tinuran ni Jino. Ako naman ang yumakap sa kaniya. Kapwa na kami humihikbi. “Saka Pa, nagmahal din naman din kayo di ba? Kung mahal ninyo ako, dapat ibigay ninyo ang tiwala ninyo sa akin. Sa tingin ba ninyo, mas malakas ang hila ni Buboy sa akin para ikasira ng pag-aaral ko? ‘Pa nasasaktan na po ako kasi iba yung mga sinasabi ninyo sa akin at ipinapakitang gawa. Minsan tinatanong ko, gaano ba ninyo ako talaga kakilala at pati buhay ko kailangan ninyong diktahan? Lahat naman ‘Pa ginagawa ko noon pa para maipagmalaki ninyo. Ngayon ‘Pa, gusto kong malaman sa inyo, di ko ba puwedeng isabay ang pagiging mahusay na anak sa pagiging mabuting karelasyon para sa taong mahal ko?”
Huminga ng malalim si Tito James. Lumapit si Tito Xian sa kaniya at nakita ko ang kanilang pagtititigan. Kung ano ang ibig sabihin ng mga tinginan nilang iyon hindi ko alam. Ngunit ramdam kong may magandang kinapupuntahan ang aming pakikipag-usap sa kanila.
“Paulit-ulit ko hong sinasabi Pa, mali ang pagkakakilala ninyo sa taong mahal ko. Hindi ho siya katulad ng first impression ninyo. Paano nga ba ninyo siya makikilala kung gusto ninyo kaming paglayuin kaysa kilalanin muna siya at tanggapin? Oo, basagulero at walang respetong bata siya noon, pero hindi na ba siya puwedeng magbago? Hindi na ba talaga ninyo kayang bigyan siya ng pagkakataong ipakilala yung totoong siya?”
“Tama na brad ko.” bulong ko.
Nakita ko na din kasi ang pamumula ng mga mata ni Tito Xian at Tito James.
“Pa, sige po, mali na kung mali na pumasok ako sa fraternity, pero masama bang gawin ko iyon para maibalik si Romel sa buhay namin ni Lexi? Konting panahon na lang na makakasama namin si Lexi Pa at gusto ko hong maging masaya siya sa mga nalalabing araw niya. Iyon po ang isang wish niya, ang mabuo kaming tatlo. Malaki ang naging kasalanan namin kay Buboy at iyon lang ang tanging paraan ko para ipadama sa kaniyang nandito pa din ako, handang magtiis at samahan siya kahit anong mangyari. Sabi ninyo sa akin no’n, sundin ko ang puso ko, doon ako sa kung saan ako masaya. Kaya nga sobrang saya ko na naging kayo ang mga magulang ko ni Papa Xian kasi kahit alam ninyong iba ako, minahal ninyo ako at tinanggap.” Pinunasan ko ang luha niya. Pinisil ko ang kaniyang nanlalamig na mga kamay.
“Pa, sorry kung tumakas ako para lang makasama siya, na lumiban kami sa klase namin kanina dahil mas pinili kong samahan siya sa ipinaglalaban niya pero naisip niyo bang gagawin ko kaya ito kung hindi din kayo naging mahigpit sa akin? Pagkatiwalaan naman ninyo ako ‘Pa. Tanggapin naman ninyo kung sino ang mahal ko kasi mas lalo kaming nasisira sa ginagawa ninyo e. Tumatakas kami kasi pinipigilan at pinaglalayo ninyo kaming dalawa.”
“Sige na mga anak. Heto ang pera, magmiryenda na muna kayo sa baba at pag-uusapan naming ang tungkol dito sa mga hinaing ninyo. Nakuha ko na ang gusto ninyong mangyari at ako na ang bahalang magpaliwanag sa Papa James ninyo ha? Ngunit sa ngayon, hayaan na muna ninyong pag-usapan naming mga magulang ninyo kung paano naming kayo gagabayan.” Buong pang-unawang tinuran ni Tito Xian.
“Talaga ho?” Hindi makapaniwalang sambit ko kay Tito Xian. Kasunod iyon ng paghila sa akin nina Daddy. Noon ko lang din nakita ang luha sa kanilang pisngi. Pinunasan ni Daddy Mak ang luha ko at mahigpit nila akong niyakap ni Daddy Ced.
“We’re proud of you anak sa laki ng ipinagbago mo. Nagagawa mo na ngayong sabihin ng mahusay ang mga gusto mong sabihin kasi nagpapakatotoo ka na sa’yong nararamdaman. Anak ng… pinaiyak mo ako eh! Ganyan na ganyan ako noon kay Daddy Ced mo.” naluluhang sambit ni Daddy Mak sa akin.
“Sige na muna, samahan mo na muna si Jino sa baba, magmiryenda muna kayo and I promise you, ipapanalo natin ang kaso mo.” Biro ni Daddy Ced sabay ng panggugulo niya sa buhok ko.
Nilingon ko si Jino na niyayakap ng maluha-luhang si Tito James. Sobrang saya ng pakiramdam ko nang mag sandaling iyon. Nawala ang lahat ng hirap at pagod ko maghapon. Sana ito na ang simula ng masaya naming buhay pag-ibig ni Jino.
Magkahawak kamay kaming lumabas sa kuwarto ng hotel at tumuloy sa isang bukas pang fastfood.
“Putcha brad! Hindi ko alam na kaya kong sabihin lahat ‘yun kanina ah! Pati ako nagulat sa mga nasabi ko.” pagsisimula ko bago ako sumubo ng spaghetti.
“Kasi you speak with your heart. Dati nahihirapan mong sabihin ang lahat ng gusto mong sabhin kasi nga hindi ka nagpapakatotoo. Ngayon, lahat ng lumalabas sa’yo galing sa isip at puso mo. Gano’n daw kasi talaga ‘yun.” Sagot niya.
Uminom siya ng soft drink.
“Siguro nga. Kasi napakadali lang sa akin ilabas yung mga gusto kong sabihin e.”
“Text mo na si Kuya Jello. Sabihin mo tuloy na sa Sabado. Kakausapin ko na din sana si Tito Rhon kaso wala pa akong cellphone. Naku paano ko kaya sasabihin kina Papa yung sinanla kong cellphone ko?”
“Sasamahan na lang kitang tubusin kapag wala tayong pasok. Sigurado kasi akong uuwi na din tayo ngayon dahil may pasok pa tayo sa school bukas.” Sagot ko.
Ilang sandali pa ay dumating na ang aming mga magulang. Palabas na kami noon sa kinainan naming fastfood nang inakbayan ako ni Tito James.
“Mag-usap lang muna tayo ng sandaling-sandali Romel” pabulong iyon ngunit alam kong alam na din ng mga magulang ko ang tungkold do’n kaya nauna na sila sa sasakyan namin. Inakbayan na din ni Tito Xian si Jino patungo sa kanilang sasakyan. Gustung-gusto kong pigilan si Jino. Nais kong yakapin sana muna siya ngunit hindi ko maiwan si Tito James.
“Ano hong pag-uusapan natin?” tanong ko pero ang mga mata ko ay nakatuon kay Jino na noon ay nakatingin din sa amin. Halatang kinakabahan pa din siya sa kung ano ang sasabihin sa akin ng Papa niya.
“Mahal ko ang anak ko kaya ko pinahahalagahan ko din ang kinabukasan niya. Mahal ka niya at naniniwala ako sa’yo na mahal mo din siya dahil sa ipinakita mong katapangan kanina. Nakita ko yung pagmamahal na hindi ko kakayaning tibagin o paglayuin kaya kahit sana tututol ako ay wala din naman talagang mabuting patutunguhan. Kaya sige, hindi ko na kayo paglalayuin pa. Gusto kitang kilalanin pa dahil mahal ka niya. Mahirap mang kumapit sa isang pangako lang ngunit mas mainam na na may panghahawakan akong salita sa’yo kaysa sa wala.”
“Tito, kahit ho wala akong bibitiwang pangako sa inyo, gagawin ko ho ang lahat ng makakaya ko para hindi masira ang aming pag-aaral at hindi siya mapahamak. Kunsakali hong may mangyaring masama sa amin o kaya mapabayaan namin ang aming pag-aaral, ako na ho mismo ang magsasabing ilayo na lang ninyo siya sa akin dahil mas nanaisin ko hong makita mabuti ang kalagayan niya kaysa sa kasama ko ngunit mapapasama, nahihirapan o nasa panganib siya.” Buong tapang kong sagot.
“Sinabi mo ‘yan ha. Kung sakaling may masamang mangyari, ilalayo ko na talaga muna siya sa’yo. Pangako mo ‘yan sa akin.”
“Opo tito. Hindi ho lang pangako iyan, patutunayan ko po ‘yan sa inyo.”
Tinapik niya ang balikat ko. Ngumiti siya sa akin.
“Nakikita ko na ngayon ang totoong ikaw. Mali nga talaga ako sa pagkakakilala ko sa’yo. Sige na, kanina ka pa tingin ng tingin kay Jino e. Puntahan mo na at magpaalam ka na kasi bukas na muli kayo magkikita. Kailangan na nating umuwi dahil may isang araw na kayong absent sa school.”
“Salamat po Tito. Maraming maraming salamat po sa pagpayag. Hindi ho ninyo pagsisihan ito.”
“Sige na. Basta Romel ha, usapang lalaki.”
“Opo tito.”
Tumingin ako kay Jino. Masaya akong tumingin sa kaniya. Sumilay ang ngiti sa kanina ay nababahala niyang mukha. Sinalubong niya ako. Sa isang iglap ay nagyakapan kami ng mahigpit.
“Anong sinabi ni Papa sa’yo?” bulong niya.
Nasa pisngi ko ang kaniyang labi. Hindi namin mabitiwan ang isa’t isa.
“Amin na lang ‘yun. Basta ang mahalaga, malaya na tayo. Hindi na niya tayo paghihiwalayin.”
“Talaga brad? Sobrang saya kong malaman na maayos na ang lahat.” Tumingin ako sa kaniya. Nakita ko ang pagbaybay ng luha sa kaniyang pisngi.
“Oh, bakit ka umiiyak? Di ba dapat masaya ka?”
“Wala, hindi ko alam. Basta naiiyak lang ako sa sobrang saya. Akala ko kasi hindi mangyayari ito. Tinanggap ko na kasi dati na hindi ko mababali kung ano ang sinabi sa akin ni Papa. Mula bata kami ni kuya, ni minsan hindi ko matandaan na nabago namin kung ano ang desisyon niya. Ngayon lang nangyari ito. Siguro dahil sa ipinakita mong katapatan at katapangan na ipaglaban ako sa kaniya. Dahil din sa’yo natuto akong magsabi sa kung ano talaga ang gusto ko.”
“Tahan na. Okey na tayo e. Huwag ka nang umiyak okey?”
Tumango siya. Muli ko siyang niyakap ng mahigpit.
“Paano, bukas na lang tayo magkita?”
“Magpahinga ka din mabuti ha?” bulong niya at naramdaman ko ang mas humigpit niyang yakap.
Kinabukasan ay maaga akong pumasok. Hindi ko alam kung bakit ganoon parin kabilis yung tibok ng aking puso sa tuwing nakikita kong padating si Jino. Yung sobrang saya na hindi ko maintindihan.
“I miss you.” bulong niya nang umupo siya sa tabi ko. Amoy ko na muli ang kaniyang pabango.
Pigil man kami na ipakita kung gaano namin namimiss ang isa’t isa ay sapat na yung magkalapat ang aming mga balikat habang magkatabi. Sapat na para maibsan ang pagkasabik namin. Ang mahalaga ay nararamdaman namin ang isa’t isa.
“I miss you too.” Paanas ding sagot ko.
Inilabas ko ang pinangako kong cellphone sa kaniya. Di pa nga iyon nabubuksan sa box dahil binili ko iyon galing sa ipon ko pero pero dahil may ibinigay sina Daddy na iphone sa akin kaya di ko na siya nagamit.
Nang una ayaw niyang tanggapin ngunit nang naipaliwanag kong kakailanganin namin iyon para sa aming communication at para matawagan niya ang mga kailangan niyang tawagan sa mga plano namin ay napilitan din siyang tanggapin. Inayos na namin lahat ang dapat ayusin. Kausapin ang mga dapat naming hingan ng tulong. Kailangan namin maihabol lahat kahit pa sabihing matagal na niya iyong napagplanuhan. Kahit pinakamaliit na detalye ay pinag-usapan namin at ginawan ng paraan habang maaga. Hanggang pagkatapos ng aming klase ay iyon pa din ang inasikaso namin. Kailangan maging maayos pati ang mga gagawin. Sa tulong ng aming mga brod ay nagiging posible ang dating akala ni Jino ay mahirap naming isakatuparan. Nagpaalam kami sa aming mga magulang na gagabihin ng uwi dahil sa may pinaghahandaan kami at alam din naman iyon nina Tito Xian at Tito James. Tuwing hapon hanggang gabi ay kailangan naming mag-ensayo hanggang sa dumating ang araw ng Sabado.
Ginanap ang Birthday Party ni Lexi sa restaurant kung saan kami noon nag-uusap na tatlo. May kaluwangan din kasi iyon dahil may nakabukod din itong function hall. Taman-tama para sa inihanda namin para kay Lexi. Dumating si Lexi na walang kamalay-malay na maraming maaring magaganap sa gabing iyon. Kasama ko sina Daddy sa isang table. Binati muna niya lahat ang kaniyang mga bisita na parang wala siyang karamdaman. Nakita kong pinaghandaan niya talaga ang gabing iyon at sana hanggang matapos ang gabi ay ganoon pa din ang energy niya. 16th Birthday na niya. Mas panganay si Lexi sa amin ni Jino ng ilang buwan. Dahil sa karamdaman niya kaya magkaklase kami na dapat ay 4th year na sa edad niya. Masaya siyang lumapit sa amin at binati kami. Hinalikan ko siya sa kaniyang pisngi at ibinigay ko ang regalo namin sa kaniya. Kung hindi mo alam na may sakit siya, aakalain mong normal lang ang buhay ng best friend namin dahil sa nakakadala niyang mga tawa. Inalalayan ni Jino si Lexi na umupo sa inihanda naming upuan niya. Nang makapag-blow siya at kinantahan namin siya sa kaniyang 16th Birthday ay inumpisan na naming tinupad ang kaniyang mga wish.
JS PROM.
Gusto niya kasing bago man lang siya mamatay ay maranasan niyang sumayaw sa JS Prom.
Sandaling dumilim ang paligid. Ang Happy 16th Birthday ay mabilis na pinalitan ng mga nakausap na namin ni Jino na waiter ng restaurant ng JS Promenade. Tatanggalin lang naman nila yung nakapatong doon na tela na kinabitan na nila ng iba’t ibang mga letterings depende sa okasyon sa buhay ni Lexi. Nang lumiwanag ang paligid ay naglabasan ang mga ka-brod namin at iba pang kinausap nila na maging partner sa cotillion. Nagpalakpakan ang mga bisita. Bukod sa amin ni Jino, nakipagtulungan din kasi sina Tito Xian at Tito James sa amin at ang Mama mismo ni Lexi para sa ikatatagumpay ng gabing iyon. Siyempre pa, naroon din sina Kuya Jello at Miggy ngunit may mga partners silang babae, si Philip at si Jheck, si Jino partner ang isang kaklase naming babae. Nang napansin kong naka-formation na sila ay nakangiti na akong lumapit sa naluluha at gulat na gulat na si Lexi.
“May I dance with you?” nakangiti akong yumuko at inilahad ko ang kamay ko.
“Oh my God! Ano ‘to!” naibulalas niya.
Nanginginig siya sa bilis ng mga pangyayari. Nakatingin lahat ang mga tao sa amin. Para sa kaniya ang lahat ng ito at mawawalan ng saysay ang lahat ng aming pinaghirapan kung hindi siya makikipagtulungan sa amin. Naghihintay pa din akong iaabot niya ang kamay niya, umaasang tatayo at makipagsabayan sa amin sa pagsasayaw namin ng cotillion.
“Puwede ba kitang maisayaw?”
“Oo naman! Nabibigla lang ako.” hinawakan niya ang kamay ko at nagsimula ang masigabong palakpakan kasunod ng tugtog para sa aming cotillion.
Lubos ang kasiyahan ng lahat habang nagsasayaw kaming dalawa.
“Isa sa mga wish ko ang natupad sa gabing ito. Hindi ko lang alam kung paano ninyo alam ang tungkol dito ngunit hindi talaga ako naniniwalang basta na lang ninyo naisipan ito. Malakas ang kutob kong may nangialan sa diary ko. Boyfriend mo ang salarin dito, nakipagkutsaba ka din sa kaniya ano?”
“Gusto lang namin tuparin ang mga wishes mo. Kahit sa paraang ganito ka lang namin mapasaya. Ang gawing posible ang lahat na dati ay akala mo pangarap na lang. At sana magiging memorable para sa’yo ang gabing ito.” Sagot ko.
Yumuko siya.
Yumuyugyog ang kaniyang balikat.
Alam kong umiiyak siya.
“Kailangan mo talagang humagulgol e gabi mo ‘to. Uyy, ano ba, huwag ka ngang ganyan.” Bulong ko sa kaniya.
“Hayaan mo na ako. Sobrang saya ko lang kaya sa pag-iyak ko na lang nailalabas. Salamat kasi ipinahiram ka ni Jino sa akin kahit sa gabing ito lang. Kahit alam kong kayo ang nagmamahalan ay nagpapasalamat na din akong ikaw na tanging lalaking minahal ko ang siyang una kong nakasayaw. Akala ko sa pangarap ko na lang ito mangyayari. Yung makapartner kita sa JS Prom dahil mukhang kahit gusto kong umabot pa hanggang JS natin ay malabo na talagang mangyari pa iyon. Kung buhay pa ako sa mga panahong iyon, baka hindi ko na din kaya pang sumayaw katulad ng ngayon.” Humihikbi niyang sinabi iyon.
Inilibot niya ang tingin niya sa mga kaibigan naming nakipagtulungan sa gabing iyon.
Hanggang sa bumuo kami ng paikot at iikot silang mga babae at kaming mga lalaki ay mananatili sa aming mga puwesto. Nang tumapat si Lexi kay Jino ay nakita kong tumigil siya sa pagsasayaw. Niyakap niya ang pinsan niya ng mahigpit. Pinigilan ko ang maluha.
Nagpatuloy ang parang JS namin. Inabot din ng kulang-kulang isang oras iyon. Ako ang unang nagsayaw sa kaniya, sumunod si Jino, si Philip at Miggy. Parang naging totoong JS lang namin ang gabing iyon. At para makumpleto ang saya, si Lexi ang hinirang na Prom Queen sa gabing iyon at ako naman ang Prom King. Sa stage kami umupo at nagtuluy-tuloy iyon sa dance number ng Prom King and Queen. Nang matapos ang aming pagsasayaw ay hindi ko na siya hinatid sa kaniyang upuan. Hinawakan ko siya sa kamay at dinala ko siya sa isang kuwarto kung saan naghihintay ang mag-aayos sa kaniya para sa susunod niyang Party.
Iniwan ko na siya sa pangangalaga ng mga nakausap naming organizers para maihanda na din namin an gaming mga sarili. Tulung-tulong na din kaming lahat para sa pagsasaayos sa susunod na bahagi ng gabing iyon.
Lexi’s 18th Birthday.
Pinalitan namin ang kaniyang 16th Birthday Cake ng Debut Cake. Mabilis na ding kumilos ang mga brothers namin ni Jino sa fraternity at mga kaklase namin at kaibigang babae ni Lexi na magpalit ng maisusuot. Hanggang sa nakita na namin ang paglabas ni Lexi.
Huminto muna siya sa taas ng hagdanan. Masaya at maaliwalas ang kaniyang mukhang tumingin sa amin hanggang sa dahan-dahan na siyang bumaba sa hagdan suot ang wish niyang pink debutante gown. Bago siya makarating sa pinakababang dulo ng hagdanan ay sinalubong ko na siya. Inilahad kong muli ang kamay ko at nang tanggapin niya iyon ay hinalikan ko saka ko siya inalalayang naglakad hanggang sa gitna ng dance floor. Isinayaw ko siya habang nakapalibot sa amin ang nakatayo at nagpapalakpakan mga bisita.
“Alam mo, Boy, wala talaga ako masabi sa preparation ninyo. Ubos na ang luha ko sa tuwa. Ini-enjoy ko na lang bawat sandali. Kanina 16th birthday ko lang, tapos nag JS Prom na din ako, ngayon debut ko na pala. Para na din kitang boyfriend ng two years ne’to ha.” Natatawa niyang sambit.
“Dapat ganyan, mas masaya kasing nakikita na nakangiti ka at hindi yung naluluha. Happy 18th birthday Lex.” Bati ko.
Gusto ko siyang dalhin doon sa pakiramdam na kahit alam naman naming hindi na niya aabutin pa ang ganoong edad ay maramdaman niya sa gabing iyon na humaba pa ang buhay niya ng ganoong katagal. Na yung gabing ito ay hindi lang nangyayari dahil sa isang wish na gusto naming tuparin para sa kaniya. Dapat maramdaman niyang nangyayari at totoo nga ang lahat ng iyon.
Pagkatapos ng aming sayaw ay hinatid ko na siya sa kaniyang upuan. Kailangan niya munang pagpahinga kaya naman mga bisita na muna din ang nagsayawan. Naroon lang ako nakatayo sa tabi niya bilang escort niya. Kahit abala si Jino na ayusin ang mga susunod pa naming gagawin ay nahuhuli ko pa din siyang nakangiting nakatitig sa akin. Kahit mga mabilisang sulyap lang ang mga iyon at mga ngitian ay nakukumpleto na nito ang gabi naming dalawa. Maliwanag kasi sa amin na ang gabing iyon ay hindi para sa amin kundi para kay Lexi.
At dahil 18 Roses Dance na ay kailangan ko na muna siyang iwan. Unang lumapit sa kaniya si Jino dala ang unang red rose. Isinayaw siya sa gitna hanggang sa sumunod na sina Kuya Jello, Miggy, Philip at iba pa naming kaklase at ka-brod sa fraternity. Ako ang nag-abot bilang escort niya sa 17th red rose at dahil wala nang father si Lexi ay si Tito Xian ang siyang nagbigay sa kaniya ng 18th rose at final dance. Nang matapos ang 18 Roses dance ay sinundan naman ng 18 candles na kung saan pinangunahan naman ni Jheck ang pagsindi ng kandila at pagbigay ng mensahe para sa kaniya. Sumunod na din ang mga iba pa naming kaklaseng babae at pang 18 ang Mama niya na siyang naging emosyonal sa gabing iyon.
“Ladies and Gentlemen. I would like to thank you all for coming to my daughter 16th birthday party. Sorry 18th birthday na pala.” Nagtawanan ang mga bisita.
“ About a week ago Lexi asked me in her bed in the Hospital, “Mom, when I have my 16th birthday party with all my family and friends, sana makapagbigay kayo sa akin ng isang mensahe.” At that time, sinabi kong, “sige anak, ‘yun lang pala e.” but when I walked into the hospital’s receiving area, doon na ako kinabahan at ninerbiyos. Not because I had to give a speech at her big birthday party kundi kung paano ko pipigilan ang emosyon kong hindi maiyak. Pero anak, as I promised, hindi ako luluha, pipiliting kong magmukhang masaya, na okey lang ang lahat kahit halos bumibigay na ang dibdib ko at tuhod.” Ngunit kasasabi lang niya iyon ay hindi pa din niya napigilan ang pagtulo ng kaniyang pagluha. Umagos pa din iyon sa kaniyang pisngi.
“I’m sorry, Anak, that was just tears of joy. Gusto kong magpasalamat sa mga kaibigan mong sina Jino at Romel at sa lahat ng mga kaklase mo at kaibigan na siyang nagbigay ng katuparan sa mga wishes mo. Pinatutunayan lang nito na dreams do come true. Sana manatili ang kasiyahan ng gabing ito sa isip mo sa mga sandaling pinanghihinaan kang lumaban. Tinanong mo ako noon kung napapagod na ba ako sa pag-aalaga sa’yo, anak hindi nakakapagod alagaan ang isang anak na kagaya mong walang kasimbait sa lahat. Hindi ako nahihirapang alagaan ka dahil sa tuwing ginagawa ko iyon ay naipaparamdam ko sa’yo kung gaano ka sa akin kahalaga, na kahit pa 16 o 18 o kaya aabot ka pa sa edad na 60, ikaw pa din ang baby girl ko. Happy Birthday anak. Gusto kong habaan ang sasabihin ko ngunit ayaw kong mahaluan ng iyakan ang dapat ay masayang birthday celebration mo. Mahal na mahal kita. Kasama man kita o hindi, lagi mo lang tatandaan na walang kahit sino na makakapantay sa pagmamahal ko sa’yo.” Niyakap niya si Lexi. Hinalikan niya sa pisngi at nagmamadali siyang lumayo. Alam kong gustong iluha ng mama ni Lexi ang naipong kalungkutan sa kaniyang dibdib na hindi nakikita ng anak. Ramdam naming lahat na may mga sinasabi ng kaniyang mga ikinikilos na hindi niya lubusang maisatinig. Yung paghihirap ng kaniyang kalooban. Yung hapdi na nasa kaniyang mukha na hindi niya kayang sabihin sa lahat.
Hanggang sa dumating ang pagkakataong si Lexi na ang magsasalita. Sa mga sandaling iyon ay magkatabi kaming tatlo kaharap ang kaniyang mga bisita dahil iyon ang kahilingan niya.
“Sinong makapagsasabi na ang 16th Birthday party ko ay siya na din palang JS Promenade at debut ko. Isang kahilingan na isinulat ko lang noon sa aking diary. Inisip ko kasi, hanggang pangarap na lang ang lahat. Katulad ng pangarap kong gumaling at humaba pa sana ang aking buhay. Ngunit lahat pala puwedeng magkatotoo, na kahit hindi pa napapanahon ay puwedeng mangyari kung gugustuhin. Iyon ay dahil sa pinsan kong si Jino na siyang nakatuklas sa mga ninanais kong iyon na makamit sa buhay. Simple lang naman ang hiling kong iyon kung sana, malusog ako. Kasi lahat naman tayo dadaan sa mga ganoong stages ng pagdadalaga kaya lang sa katayuan ko, mahirap na sanang magkatotoo. Nagpapasalamat din ako sa lahat na dumalo, sa mga kaklase kong nandito at mga kaibigang nakiisa para matagumpay ang gabing pinaghandaan at pinagplanuhan ng aking pamilya at mga kaibigan. Hindi ko alam kung hanggang kailan pa tayo magkakasama, kung bukas makalawa, kakayanin ko pa kayong kausapin o kung makikilala ko pa kayo ngunit sana manatili pa din ako sa inyong alaala.” Matatag niyang sinabi iyon. Walang luha. Walang kahinaan. Bumilib ako sa kaniyang katatagan.
“Pinipilit ko pa ding lumaban kasi gusto ko pa sanang makasama ko kayo ng matagal ngunit may hangganan din pala talaga ang pakikipaglaban, napapagod din tayo, sumusuko lalo na sa gitna ng kawalang pag-asa. Kinakaya ng isip ko, gusto pa ding kayanin ng lakas ng loob ko ngunit hindi na kinakaya ng aking katawan at alam kong hanggang doon na lang ako. Masakit mang sabihin ko ang mga bagay na ito ngayon ngunit kailangan kong tanggapin at harapin ang totoo na maaring hanggang dito na lang ako. Nagkataong kailangan ko nang mauna sa inyo.”
Huminga siya ng malalim. Pinilit niyang ngumiti sa aming lahat ngunit sa totoo lang, hindi namin maihanapan ng sapat na dahilan para ngumiti sa kaniyang mga sinasabi.
“Sa mga tito ko at kay Mama, salamat po sa walang sawa ninyong pag-aalaga sa akin. Hindi ko kayo nakitaan ng pagkahapo, lagi kayong nandiyan na damayan ako, sinasabing kaya ko pa. Doon ako humuhugot ng lakas ko noon para ipagpatuloy lang ang laban. Kay Jino at Romel na patuloy na siyang naging sandigan ko kapag pinanghihinaan na ako ng loob. Hindi ninyo alam kung gaano ako kasaya sa gabing ito. Binuo ninyo ang buhay ko. Dahil sa inyo kaya ko naramdaman na napaka-espesyal ko din pala sa lahat. Babaunin ko ang lahat ng kasiyahang ito hanggang sa huli kong hantungan. Gustong-gusto ko pa ho sanang habaan ang sasabihin ko pero bumibigay na ho ang katawan ko.” kumapit siya sa braso ko at braso ni Jino. Noon ay alam naming nahihilo na naman siya at kailangan na niyang magpahinga. “Maraming salamat po sa inyong pagdalo.”
Kinuha ko sa kamay niya ang mikropono.
“Ano, ihahatid ka na ba namin?” bulong ni Jino.
“No, you have to stay please? Kailangan ko lang magpahinga. Pero bago ako aalis, kailangan ko pang magblow uli ng candle sa debut cake ko. Hindi puwedeng hindi matapos ang debut ko. Sayang ang cake.” nakangiti niyang hiling.
Alam namin ni Jino na pinipilit niyang ipakita sa amin na kaya pa niya kahit halatang-halata na bumibigay na ang kaniyang katawan.
Inalalayan namin siyang lumapit sa kaniyang Birthday Cake. Muli namin siyang kinantahan at nang na-blow na niya ang nakasinding kandila sa kaniyang birthday cake ay tuluyan na siyang nanghina. Inihatid na lang namin siya sa kanilang sasakyan at mabilis naman siyang inasikaso ng kaniyang private nurse. Pinainom siya ng kaniyag gamot. Dahil sinabi ng kaniyang Mama na siya na ang bahala kay Lexi ay sabay na kaming bumalik ni Jino sa restaurant na kung saan naiwan pa doon ang aming mga kaklase at ka-brod sa fraternity at iba pang mga kaibigan ng pamilya nina Lexi at Jino.
Dahil sa hiling ni Lexi na kahit wala na siya sa mismong party niya ay kami na lang ni Jino ang nagpatuloy ng kasiyahan kaya parang walang nangyari. Kailangan lang ituloy ang saya kahit sa likod ng aming mga isip ay bumabalik ang nakakawang kalagayan n gaming best friend . Sumunod nang nagpaalam ang mga kaibigan at kamag-anak nila.
Bago umalis ay lumapit muna sa amin si Tito Rhon na kaibigan nina Tito Xian at Tito James.
“Bukas, kung maayos ang pakiramdam ni Lexi, puwede na natin isakatupran ang last wish niya. Nakausap ko na ang kaibigan kong pari at ang simbahang gagamitin. Ihanda na ninyo ang inyong mga susuutin ha pati ang mga kaibigan ninyong magiging sponsor.”
“Totoo tito?” nagulat ngunit mas nangibabaw ang saya sa mukha ni Jino.
“Oo nga. Kaya bukas ha. Magkita-kita na lang tayo sa simbahan. As usual, kailangan nating i-surprise si Lexi, okey? Dapat magpaguwapo ka ng husto groom.” Nakangiting sinabi sa akin ni Tito Rhon. “Well, guwapo ka naman talaga pero kailangan mong maagang magpahinga para sa big day bukas.”
“Sige po.” Nahihiya kong tugon.
Nagpaalam na din sina Daddy at mga magulang ni Jino sa amin. Nag-iwan sila ng paalala sa amin na huwag na masyadong magpagabi pa ng uwi. Ang curfew, 12 AM. Kailangan makauwi na kami sa aming mga bahay ng mga ganoong oras. Wala din kaming planong suwayin pa sila.
Naging party na naming mga kabataan ang gabing iyon. May kaunting beer at wine sa mga puwede nang uminom na mga kasamahan namin sa fraternity at iyon ang hindi alam ng aming mga magulang. Nagkaroon kami ng pagkakataon ni Jino na uminom ng tig-isa naming beer. First time niyang uminom kaya natatawa ako sa hitsura niya nang tumungga siya.
“Grabe! Ampait!” reklamo niya.
“E, di kung matamis ‘yan di hindi na ‘yan beer. Halikan mo na lang ako nang may dila para mawala yung pait.” Biro ko.
“Yakkkk!”
“Sus, maka-yakkkk ka naman. Kanina mo ako gustong halikan no. Halatang-hatalata ka kaya.”
Tumingin ako sa paligid. Abala ang lahat. May sumasayaw, may mga nagkukuwentuhan. Sina kuya Jello at Miggy ay mas piniling bumukod sa amin, ganoon din sina Philip at Jheck. Nang nasigurado kong wala naman nakatingin sa amin ay mabilis ko siyang inakbayan saka ang panakaw na halik sa labi.
Nagulat siya.
Naitulak pa niya ako ng bahagya. Hindi siya makapaniwalang ginawa ko iyon lalo pa’t maaring may makakita sa amin at kung nagkataon ay pagpipistahan kami ng mga kamag-aral naming hindi pa alam ang tungkol sa amin.
“Bakit, ikinakahiya mo na ako ngayon?” tanong ko.
“Hindi ah, ikaw kaya ang iniisip ko. Di ba nga nakipagsuntukan ka pa dati dahil sa takot mong kumalat yung pagiging ganito ko?”
“Noon ‘yun. Wala na akong pakialam sa sasabihin nila ngayon. Basta masaya ako sa buhay na pinili ko, okey na ako doon, wala na akong pakialam pa sa kung ano ang sasabihin nila.”
“Sige, hindi mo ako ikinakahiya ha. Samahan mo ako sa dance floor. Magsayaw tayo.” Bulong niya sa akin.
“Game! Ako pa talaga ang hinamon mo. Ngayon mo pa ako hinahamon ng ganyan.” Palaban kong sagot.
Hinawakan ko ang kamay niya. Hinila ko siya sa gitna. Rock ang ipinapatugtog kaya naman matapang ko siyang hinila para magsayaw kami kasama ng mga nagkakasiyahang babae at lalaking mga kaklase namin at kasama sa fraternity. Rock ang pinapatugtog ngunit parang waltz lang ang sayaw naming dalawa. Kung naamoy nila kami, okey lang. Eto kami e, matanggap nila o hindi, problema na nila ‘yun.
Lumalim ang gabi at kailangan na naming magsiuwian. Nauna na ang iba naming mga kasamahan at kami nina Kuya Jello at Philip na lang ang nasa labas at naghihintay ng aming mga sundo. Naninigarilyo noon si Kuya Jello katabi si Miggy. Kami naman ni Jino at Philip ay nagkukuwentuhan tungkol kay Lexi.
Hanggang sa may dumaan na grupo ng pitong lalaki. Maingay sila na parang sa kanila ang bangketa. Dahil wala silang pakialam kung mabangga nila kami o hindi ay kami na lang ang nagbigay ng daan para wala ng gulo. Ngunit nang nakatapat na sila sa amin ay parang familiar ang mukha ng dalawa sa akin. Nang nakita ni Kuya Jello sila ay minabuti din nitong umiwas. Tumalikod siya sa kanila. May kutob na akong ang dalawang iyon ay ang mga nakalaban namin nang may nabaril ang kuya ni Miggy na kasamahan nila. Tumigil sila sa kanilang tawanan nang napatitig ang dalawa sa akin na parang namumukhaan ako. Sumenyas si Kuya Jello sa akin na umatras. Ginawa ko ang gustong mangyari ni Kuya Jello, umatras ako at iniharang ko ang katawan ko kay Jino.
Lumapit ang dalawa sa akin.
Sa kilos nila, alam kong naghahanap talaga sila ng gulo.
“Brad, mga akhro ‘to. Kilala ko ang pagmumukha ng gagong ‘yan. Kasamahan ‘yan ng bumaril kay master noon.” Banat ng isang mukhang sinabuyan ng asido.
“Sigurado ka brad? E, pagkakataon na natin para makaganti. Sila na ang kusang nagpakita, bakit pa natin pakakawalan ang pagkakataon.” Kasunod iyon ng malutong nilang tawanan.
Nakita kong naghanda na sina Philip at Jino. Humarap na din si Kuya Jello at lumapit sa amin. Lima kami, pito sila. Dalawang black belter ang kasama namin ngunit ayaw kong mapalaban si Jino kahit malaki ang tiwala kong kahit mag-isa lang siya ay kaniya niyang patumbahin ang tatlo hanggang lima sa kalaban. Naalala ko ang pangako ko sa Papa James niya.
“Huwag na brad. Kami na lang dito.” Bulong ko.
Hinila ko siya palayo doon habang palapit pa din ang dalawa sa amin.
“Hindi brad. Kaya ko ‘to. Alam mong dito ako malakas. Pabayaan mo nga akong harapin sila.”
“Pero nakapangako ako sa Papa mo. Ayaw kong may mangyari...” nagsasalita pa lang ako nang may dumapo nang suntok sa tagiliran ko.
Pagharap ko para labanan ang tumira sa akin ay nahila na ako ni Jino. Siya ang humarap sa dalawang nagtatawanan pa na siguro ang alam nila, dahil bata lang kami sa kanilang paningin at may edad na sila ay kakayanin na nila kaming patumbahin o kaya ay patakbuhin sa takot.
Sina Philip, Kuya Jello at Jino lang ang humarap sa pito. Kami ni Miggy ay hindi makaporma dahil sa bilis ng kilos ng tatlo. Walang pumapasok na suntok o kaya sipa ng mga kalaban. Para lang silang mga punching bag at sa tuwing lumalapit ang mga kumag na kalaban ay sila din yung sumusubsob.
Napapangiti pa kami ni Miggy. Wala kasi talang binatbat ang mga mayayabang.
Hanggang sa nakita kong bumunot na ng balisong ang isa. Nakatalikod si Jino noon at dalawa ang humarap sa kaniyang kalaban. Sigurado akong si Jino ang pinupuntiya niyang saksakin dahil siya ang malapit sa kaniya.
Tumingin ako kina Philip at kuya Jello, abala sila sa pakikipaglaban sa iba pa.
Napakalakas ng kaba sa aking dibdib.
Napalunok ako.
Kailangan kong iligtas si Jino.
Hindi siya dapat masaksak.
Kisapmata akong tumakbo at buong lakas kong sinipa ang dapat ay sasaksak kay Jino. Sa lakas ng pagkakasipa ko ay dumiretso ito sa kanal. Napasubsob siya doon at nabitiwan niya ang hawak na balisong. Bago siya makabangon ay napulot ko na ang balisong.
“Sige, lumapit ka gago at hindi ako magdadalawang isip na isaksak ang balisong mo sa’yo,” singhal ko.
Umatras siya.
Kitang-kita ko sa mata niya ang takot lalo pa’t nakita niyang bagsak na lahat ang mga duguan sa mukhang kasamahan niya. Nang lumapit si Jino sa amin ay iyon na ang naging hudyat para simulan nito ang pagtakbo palayo. Nagsunuran lahat ang mga kasamahan niya. Para lang silang nakakita ng multo sa takot. Dahil sa nakita naming hitsura nila ay nagtawanan kami. Kinakantiyawan pa namin sila habang mabilis nilang tinalunton ang madidilim na eskinita.
Walang nasaktan sa amin. Ni walang pumasok na suntok o sipa kina Jino, kuya Jello at Philip. Minabuti na din naming umalis doon dahil dumadami na ang tao. Mahirap nang may dumating na pulis at huliin pa kami sa nangyaring gulo. Patay kami no’n sa mga magulang naming kung nagkataon.
Kinbukasan, ginising ako ng tawag ni Jino. Kahit puyat ay kailangan ng gumayak para sa huling surprise namin para kay Lexi. Tanghali na din pala at alas tres ang usapang pagkikita-kita namin sa simbahan. Nakuwento ko na kina Daddy ang tungkol dito kaya pinayagan din naman ako. Nagmotor na lang din akong pumunta sa simbahan para hindi maipit sa traffic.
Si Tito Rhon ang nag-ayos sa lugar kung saan gaganapin ang kasal. Mas maaga kaming dumating nina Tito Rhon at Jino sa simbahan. Katatapos lang ng isang kasal at dahil kaibigan ni Tito Rhon ang pari sa simbahang iyon ay pumayag siya at kinausap niya ang ikinasal na gamitin na muna namin ang mga ginamit nila sa pagpapakasal. Ang mga flowers at ang carpet na siyang lalakaran ni Lexi. Ilang sandali pa ay nagsidatingan na din sina Lexi kasama sina Tito James, Tito Xian, kuya Jethro at mama ni Lexi. Para magmukhang parang totoo lahat, si Jheck ang bridesmaid niya. Nandoon din sina Miggy, Philip at Kuya Jello na patuloy na sumusuporta sa amin ni Jino. Pagdating ni Tito Carl na kinausap ko para maging wedding singer namin ay sinimulan na din ang ang aming wedding ceremony.
Bumagsak na talaga ang dati ay magandang pangangatawan ni Lexi. Wala na ang dati niyang likas na ganda ngunit nangingibabaw ang saya sa kaniyang mga mata. Iyon ang nagpapatingkad sa kaniyang kagandahan sa suot niyang wedding gown. Nakangiti ko siyang pinagmamasdan habang isinasapuso niya ang kaniyang paglalakad palapit sa akin. Iyon ang pangarap niya, ang maglakad papunta ng altar kasabay ang Mama at Tito Xian niya. Gusto niyang maranasan kung paano ang pakiramdam ng babaeng ikakasal. Yung makita niya ang mahal niyang naghihintay sa dulo ng nilalakaran niyang naghihintay sa kaniya. Heto na nga at natutupad na ang pangarap niya.
Nilingon ko ang best man naming si Jino. Nakita ko kung paano siya nadadala sa pagkanta ni Tito Carl ng “On this day”. Kinindatan ko siya. Pinandilatan niya ako ta’s nilingon niya ang palapit na sa aming bride ko. Nang makalapit si Lexi sa akin ay hinawakan ko ang kaniyang mga kamay, niyakap ng mahigpit at inalalayan hanggang sa harap ng pari na si Father Rhon.
“Happy?” bulong ko sa kaniya.
Tumango siya sa akin.
Hindi siya makapagsalita sa sobrang saya niya. Tanging masaganang luha ang siyang nagsasabi kung gaano namin siya nakukumpleto. Muli ko siyang niyakap at hinalikan sa kaniyang noo.
“Boy, salamat sa pagpapakasal sa akin.”
“Huwag kang magpasalamat sa akin, Lex. Masaya akong gawin ito para sa’yo. Hindi ako magdadalawang isip na gawin ang lahat ng puwedeng makapagpapasaya sa’yo.”
Nilingon ko si Jino nang hawak-kamay na kami ni Lexi sa harap ng pari. Nakita ko ang mabilis niyang pagpahid ng kaniyang luha. Hindi ko na din mapigilan ang sarili ko. Napakagaan sa pakiramdam na naitatama na ang lahat. Na nabubuo na namin ang aming munting pangarap.
“At this time, I’ll ask you, Romel, and you, Lexi, to face each other & take each other’s hands.” Pagsisimula ni Tito Rhon.
“Romel, will you take Lexi to be your wife, your partner in life and your one true love? Will you cherish her friendship and love her today, tomorrow and forever? Will you trust and honor her, laugh with her and cry with her? Will you be faithful through good times and bad, in sickness and in health as long as you both shall live?”
“I do” sagot ko.
Tinitigan ko sa mata si Lexi. Gusto kong kahit ito ay isang kasal-kasalan lang ay manatili sa kaniyang alaala habang nabubuhay siya na hindi lang ito isang katuwaan para matupad ang kaniyang kahiligan kundi magsilbing parang isang totoong alaala na sa huling bahagi ng kaniyang buhay ay ikinasal siya sa akin na kaisa-isa niyang pinangarap at minahal
“Lexi, will you take Romel to be your husband, your partner in life and your one true love? Will you cherish his friendship and love him today, tomorrow and forever? Will you trust and honor him, laugh with him and cry with him? Will you be faithful through good times and bad, in sickness and in health as long as you both shall live?”
Tumingin siya sa akingmga mata. Hinigpitan ko ang hawak ko sa kaniyang kamay. May ngiti siya sa labi ngunit naroon ang luha na bumabagtas sa kaniyang pisngi. Alam kong kahit hindi niya sabihin ay nangangahulugan iyon ng di na niya mailabas na kaligayahan.
“I do!” garalgal ang boses niya.
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay niyakap ko na siya ng mahigpit. Yumakap din siya sa akin. Iisa lang ang ibig sabihin no’n. Natupad na ang huli niyang pangarap. Ang makapagsabi ng “I Do” sa akin.
Sa sobrang saya ko ay binuhat ko pa siya at humarap kami sa mga naroong naluluhang nanonood sa amin. Tinignan ko si Jino. Alam kong alam na niya ang ibig sabihin ng tingin ko. Humihingi ako sa kaniya ng pang-unawa at pagpayag. Nang tumango siya sa amin ay tinanggal ko ang belo ni Lexi.
“Kasama pa ba ‘yan?” tanong niya.
“Kiss the bride!” sigaw ni Jino.
Sumunod pa ang mga kaibigan namin. Natatawa naman ang mga iba pang nanood. May mga nagpalakpakan.
Hinawakan ko ang nanlalamig niyang mga kamay. Nanginginig siya. Hinawakan ko ang braso niya at tumaas iyon hanggang sa kaniyang pisngi. Nang pumikit siya ay alam kong pumapayag na siya. May dalawang luhang bumaybay sa kaniyang pisngi habang dahan-dahan kong inilapit ang aking labi sa kaniyang labi. Sandali lang ang halik na iyon ngunit alam kong maiiwan at maiiwan ang alala no’n kay Lexi.
Sa kasamaang-palad, pagkatapos ng halik kong iyon ay nahihirapan na siyang huminga. Napakapit siya sa aking braso at ang mabilis niyang paghinga at pamumutla ay nangangahulugang bumibigay na ang kaniyang kalusugan. Tuluy-tuloy na ang panghihina ng kaniyang katawan.
Lumapit sina Tito Xian para alalayan siya ngunit ako na ang bumuhat sa kaniya para dalhin sa sasakyan. Nang isinakay ko na siya sa kanilang sasakyan ay ginagap niya ang kamay ko. Hindi na niya nagawang buksan ang kaniyang mga mata, ni wala siyang sinabing kahit anong kataga ngunit ang marahan niyang pagpisil sa aking palad ay alam kong tanda iyon ng kaniyang pasasalamat. Mabilis siyang dinala sa hospital at sumunod na din kami kaagad ni Jino sakay ng aking motor. Hindi na na sumunod sina Kuya Jello at Miggy dahil may kung sinong sira-ulo na nagpakawala ng hangin sa sinakyan nilang motor.
Hindi na muna kami umalis ni Jino hangga’t hindi nagiging maayos ang pakiramdam ni Lexi. Naawa kami sa kalagayan niya. Nakakalungkot na makita siyang nasa ganoong kalagayan. Tulog siya ngunit ramdam ko ang hirap niya sa paghugot ng hininga. Ang kaniyang pag-ungol ay tanda ng sakit na kaniyang nararamdaman. Wala kaming magawa kundi ang lumuha lang habang pinagmamasdan namin siya. Hawak namin ang kaniyang mga palad. Gusto naming maramdaman niyang nandoon kami sa tabi niya. Sana kayanin pa niyang lumaban ngunit kung sadyang pagod na pagod na siya ay kailangan namin siyang pakawalan. Kailangan na din niyang ipahinga ang pagod niyang katawan.
Malungkot kaming lumabas ng hospital ni Jino. Noon lang namin napansin na suot pa din namin ang aming mga barong na pangkasal. Hinubad namin iyon at dumiretso sa isang fastfood para bumili ng makakain. Nang nagpark kami at pumasok ay may sumunod sa aming dalawang pares na nakamotor suot ang helmet. Tinabihan din nila ang motor namin. Hindi namin iyon pinansin dahil gutom kaming pareho ni Jino, isa pa, wala naman din silang ginagawang kahina-hinala.
“Kainin na lang natin sa park ‘yung oorder natin.” Bulong niya habang nakapila kami.
“Sige ba, kung doon mo gustong kumain walang problema.”
Sumakay muli kami sa motor ko at tinungo namin ang Park. May kadiliman na at mukhang sumusungit din ang panahon.
“Nagugutom na ba ang brad ko?” tanong ni Jino habang nakatigil kami sa isang traffic light.
“Oo, kanina pa po.” Sagot ko.
“Itaas mo ang takip ng mukha ng helmet mo at susubuan kita ng French fries.”
“Dito tala sa gitna ng traffic mo naisipan maglambing?” natatawa ako.
“May pinipili bang oras at pagkakataon ang paglalambing? Nagkataong nandito tayo sa gitna ng daan at alam kong gutom ka. Ano, susubuan o hindi!” naggalit-galitan na siya.
“Susubuan, siyempre, ah!” ibinuka ko ang aking bibig at mabilis naman niyang inilagay ang mainit-init pang French fries sa sa aking bibig.
“Sinusundan yata tayo ng dalawang nakamotor brad ko?” bulong niya sa akin.
“Paanong sinusundan?” nagtataka kong tanong.
“Nakita ko na kanina yang mga motor na iyan sa labas ng simbahan tapos tignan mo’t nakabuntot pa din sila.”
Naging berde ang kanina ay pulang ilaw ng traffic light. Pinatakbo ko na ang motor. Tinignan ko sa side mirror ko ang sinabi niyang mga motor. Tinagalan ko ang pagpapatakbo ko at nilagpasan naman nila kami. Nawala yung takot ko lalo pa’t nagtuloy-tuloy naman din sila na di humihinto.
Nang nasa park na kami ay naupo kami sa bench. Tumingin ako sa paligid, may mga naghahabulan pang mga bata at ibang nagde-date din sa kalayuan. Nasa sulok lang kami ng park at medyo kahit paano ay tago ngunit puwedeng ipasok ang motor at mas mabilis din makalabas sa kabilang kalsada.
Nag-unan siya sa lap ko habang sinusuklay ko ang buhok niya.
“May kakantahin ako para sa’yo. Ito yung kantang gusto kong kapag marinig mo ay maalala mo ako at mapapangiti ka. Yung ramdam mo kung gaano kita kamahal kahit hindi tayo magkasama.”
“Hayan ka na naman sa sinasabi mong di magkasama. Sige nga, kantahin mo nga sa akin.”
“Halikan mo muna ako sa labi.” Paglalambing niya.
“May bayad? Kailangan talaga suhulan ng halik. Para namang lumang karaoke ang bibig na ‘yan, kailangan ng halik para gagana?”
“Gano’n talaga. Hahalikan ako o di kita kakan….”
Hindi pa niya nasasabi ang kaniyang sasabihin ay naglapat na ang aming mga labi. Mainit na halik. Buhos ang aking pagmamahal. Humawak pa siya sa aking batok at ako naman sa kaniyang pisngi.
“O sige na kanta na.”
The first time that you spoke my name
It somehow sounded not the same
Was like I knew from that moment on
That this is what I'm living for
Fate had opened up the door
And who am I to say that heaven could be wrong
“Sus, alam ko na din ‘yan brad ko. Sabayan pa kita kung gusto mo e. Alam ko kasing favorite mo ‘yan kaya inaral ko na din.” Pagmamalaki ko.
“Sige nga, ituloy mo nga brad ko kung talagang memoryado mo.”
If it's all I ever do
I would give my heart to you
And I will do it faithfully
Until the end of time
“Ako na yung part na ‘yan.” Tinakpan niya ang bibig ko ng kaniyang labi.
Tumigil ako.
Muli kong naramdaman ang mainit niyang halik.
Napapikit ako.
When they carve my name in stone
At least I know they'll know
That in this life I've made mistakes
That I did one thing right
Cause I will spend forever loving you
If it's all I ever do, my love
“Oh ikaw na. Tingnan ko nga kung memoryado mo nga talaga lahat?” lambing niya sa akin. Umayos siya ng upo at niyakap niya ako.
Baby when I look at you
Standing there so pure and true
I don't know what I did to deserve
Tinitigan ko siya. Dalang-dala na ako sa lyrics ng kanta. Pakiramdam ko binuo ang kantang iyon para sa aming dalawa lalo pa’t matamis ang kaniyang ngiting nakatingin sa akin.
The way you smile
The way we touch
Hinawakan ko ang kamay niya. pinisil ko iyon.
The way you kiss, it mean so much (hinalikan niya ako sa labi habang kumakanta ako at napapikit ako. Ramdam ko ang kalakip niyong pagmamamahal. Tumayo ako. itinaas ko ang dalawang kamay ko saka ko itinuloy ang karugtong na lyrics.
I must be the luckiest man
In the whole wide world
Tumatawa siyang nakatingin sa akin. Siya naman ang nagpatuloy ng pagkanta.
And you'd do anything on earth for me
And it makes me love you more
Cause baby, you're the only love I need
Nagsimula nang pumatak ang ulan. Pinagpatuloy padin naming kantahin ang chorus ng aming theme song. Nagtakbuhan ang mga tao para sumilong ngunit nandoon lang kami magkayakap habang sabay naming kinakanta ang mga huling lyrics. Walang ulan ang magpapatigil sa aming ipadama sa isa’t isa ang aming pagmamahalan. Wala kaming pakialam sa kung ano ang iisipin ng mga nakakakita. Ang mahalaga ay yung sayang idinudulot namin sa isa’t isa.
If it's all I ever do
I would give my heart to you
And I will do it faithfully
Until the end of time
When they carve my name in stone
At least I know they'll know
That in this life I've made mistakes
That I did one thing right
Cause I will spend forever loving you
Yes I will
Cause I will spend forever loving you
If it's all I ever do, my love
Nang matapos iyon ay saka kami muling nagyakapan ng mahigpit na mahigpit. Tumatawa kaming dalawa dahil pilit niyang hinahalikan ang labi ko na pilit ko namang inilalayo at iniiiwas sa kaniya. Hawak ko ang dalawang kamay niya kaya hindi niya mahawakan ang pisngi ko o batok para maitama niya ang labi niya sa aking labi.
Hanggang sa natigilan kami sa aming paglalambingan ng biglang may dalawang nakamotorsiklong may mga angkas ang tumigil sa hindi kalayuan sa amin. Nakahelmet silang apat. Nakita ko ang pagbunot nila ng baril. Kami ang kanilang puntirya. Hinila ko si Jino na noon ay gulat na gulat at hindi malaman ang gagawin.
Niyakap niya ako.
Nakatutok na ang baril nila sa amin.
Kailangan kong iharang ang aking katawan sa balang maaring tatama sa kaniya.
Bang!
Bang!
Bang!....
Umalingawngaw ang sunud-sunod na malalakas na putok ng baril.
Antabayanan ang makapigil hiningang pagtatapos ng ating Nobela. PUWEDE BANG MAGCOMMENT NAMAN TAYO PARA PAMPAGANA SA MAHABANG FINALE
No comments:
Post a Comment