Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta
“Ikaw, mahal mo ba siya?” tanong ko.
Hinawakan ko ang kamay niyang nasa aking pisngi para tanggalin iyon dahil naaasiwa ako lalo pa’t dalawa lang kami doon.
Sasagot palang sana siya ngunit biglang may pumasok sa hindi isinara ni Jino na pintuan.
Nakita ko si Miggy.
Nakatingin siya sa amin habang ang kamay ni Jino ay nasa aking pisngi at nakahawak din ako sa kamay niya.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa.
Nagulat si Miggy sa naabutan niya. Hindi siya nagsalita ngunit halata sa mukha niya na hindi niya gusto ang naabutan niya sa amin.
Bago siya makalabas ay nakasalubong niya sina Lexi at Jheck na noon ay nakatingin na din sa amin. Dahil sa pagkagulat naming dalawa ay huli na nang tanggalin namin ang aming mga kamay, siya sa pisngi ko at ako sa kamay niya.
Pero iyon lang ‘yun. Sa akin walang malisya, hindi ko alam sa kanila kung may ibig sabihin no’n. Ngunit iba ang dating ng tingin nila. May kahulugan at di ko alam kung kailangan kong magpaliwanag.
“What?” tanong niya kina Jheck at Lexi. “Masama bang i-comfort ko siya? I just feel bad for what we did and it is too unbecoming of us to cheer Philip and not him!” Tinalikuran niya ako. Yumuko ako. Ibinigay ko na lang kay Jino ang pagkakataon na ipaliwanag ang naabutan nila.
“Di ba napag-usapan na natin ang tungkol dito? Ano na naman ‘tong ginagawa mo?” tanong ni Lexis a kaniya.
Napailing ako. Alam ko naman ‘yon may usapan sila kaya ako laging nagmumukhang tanga. Iyon yung mahirap e, yung alam mong pinagkakaisahan nila ako at wala akong magawa kundi ang parang tanga lang na isipin kung alin ba ang mali.
Nilingon muna ako ni Jino bago siya naglakad palabas. Halata kong umiwas na lang siyang ipilit pa ang gusto niya kay Lexi. Nagkatitigan muna kami ni Lexi bago sila tuluyang lumabas ni Jheck.
Naiwan na naman ako doon na parang akala mo may nagawang masama. Ako ba ang lumapit? Ramdam kong malapit na maubos ang pasensiya ko at pagtatangi kay Lexi. Sagad na sagad na ako ngunit gusto ko lang kasing patunayan na kahit ganito lang ako sa tingin nila ay tapat din naman akong kaibigan.