Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta
Hindi ko na napaghandaang ang isang malakas at malutong na sampal na iyon na pinakawalan niya sa aking pisngi.
“May mukha ka pang iharap sa akin pagkatapos mong makipagpustahan kung kanino ako dapat mapunta! Hayop ka!” singhal niya. Kasabay iyon ng masaganang pagbabay ng luha sa kaniyang pisngi.
“Sigelang, kung galit ka sampalin mo ako hanggang mawala yung galit mo sa ginawa ko!”
“Kung sana galit lang sana yung nararamdaman ko e, pero Boy nasasaktan ako sa ginawa mo!”
“I’m sorry pero mali ang pagkakaalam mo!”
“Talaga lang ha, alin ang mali doon? Kaibigan kita Boy e! Hindi lang kaibigan, bestfriends tayo pero anong tingin mo sa akin, throphy lang na puwedeng angkinin ng mananalo sa basketball! Ganoon ba kababa ang tingin mo sa akin? Ganoon ba ako kawalang kuwenta sa’yo? Ang magiging pustahan lang?”
Namumula siya at umaagos ang mga luha sa kaniyang pisngi. Wala akong maisip na sabihin. Napahawak lang akong sa pisngi kong sinampal niya. Kahit si Jino ay nakatayo lang doon at nagulat sa bilis ng pangyayari. Kailangan kong magpaliwanag, gusto kong sabihin na mali ang iniisip nila laban sa akin ngunit paano ko iyon gagawin ngayong alam kong tuluyan nang nabasag ang sana ay maganda naming samahan?
“Ano? Di ba gusto mo akong kausapin? Bakit hindi ka magsalita?” diretso ang luhaang mata ni Lexi na nakatingin sa akin. Naghihintay siya ng paliwanag ko.
Kaya lang, sa mga sandaling iyon ay hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag ang aking sarili. Nakatingin silang lahat sa akin. Naghihintay sa maari kong sasabihin. Para kasing may kung anong bumabara sa lalamunan ko. Hindi ko kayang iayos sa magandang pagpapaliwanag ang nasa isip ko.
“Sorry Lexi. Sige na, mali na kung mali ako pero ahhh!” tinapik ko ang noo ko. Frustrated ako sa sarili ko kung bakit wala akong maapuhap na sasabihin. “Ang hirap naman e! Hindi ko alam kung paano ko sa’yo ipaliliwanag sa paraang maiintindihan mo.”
“Kasi alam mong mali ang ginawa mo.”
“Di na nga sinabi ko naman, inamin ko, kasalan ko na lahat.”
“Gano’n na lang ‘yun. Aamin ka sa kasalan mo, hihigi ng sorry then tapos na. Boy, siguro kailangan mo munang mag-isa at isipin kung bakit tayo nagkakaganito. Gamitin mo ang panahong iyon para na din sa sarili mo. Sorry kung palagi kong idinadawit kung ano ang sinasabi ng Mommy ko sa akin pero tama siya nang sinabi niyang we should give you enough time and space para malaman mo kung paano mabuhay mag-isa. You are too dependent na kahit mga simpleng examinations lang natin ay di mo kayang sagutin na mag-isa.”
“E, di sige, huwag ninyo akong pakoyahin o kaya tulungan sa recitation. Kaya ko naman ‘yun e huwag lang yung pagkakaibigan natin kasi sobrang mahalaga ‘yun sa akin e.”
“Mahalaga sa’yo? After what you did, gusto mong agad kong paniniwalaan na mahalaga ang friendship natin? At alam mo kung ano pa ang hindi ko maintindihan Boy, iyon ay kung paano mo nagagawang saktan yung mga kaibigan mong sobrang ibinibigay ang lahat ng suporta sa’yo. Si Jino, you have been hurting him pero may narinig ka ba sa kaniya o sa amin, wala di ba? Nagsabi na lang siya nang kinausap mo siya, pero matagal na niyang dinidibdib yung sakit ng pambabalewala mo. Matagal na akong naaawa sa kaniya.”
“Lexi, huwag na akong idamay, tama na. Okey na ako.” si Jino.
Namumula ang kaniyang mga mata.
“No! Kailangan niyang marinig ang lahat. Kinausap na kita di ba? Hindi puwede yung gusto mo, okey na yung kung anong meron tayo dahil ayaw kong makasakit pero hahantong pa din sa pakikipagpustahan mo? Nasaan yung paggalang mo sa akin bilang bestfriend mo Boy? Ansakit eh! Kasi lalo mong pinaliit yung tingin ko sa sarili ko na gano’n lang ba ako? Puwedeng pagpustahan?”
Yumuko na lang ako.
Hindi ko sila kayang sagutin. Hindi ko kayang ilaban kung ano ang nasa dibdib ko. Oo, matalino sila, mahusay magsalita, nailalahad nila ang gusto nilang sabihin pero paano ako? Dahil ba hindi ko kayang ipagtanggol ang sarili ko ay ako na ang talunan? Kahit papaano naman siguro ay may tama din akong ginawa ngunit gano’n na lang ba iyon? Magmumukha akong masama, aako sa lahat ng kasalanan.
“Yung taong ayaw ng confrontation, yung taong ayaw lumaban, ngayon, nakikita mo siya ngayong nasasaktan at nagagalit and thanks to you!” dinuro niya ang mukha ko. Namumula pa din sa galit.
“Tama na Lex. Pinagtitinginan na tayo ng mga kaklase natin.” Si Jino.
“Sorry na nga. Inaamin ko na nga lahat. Aakuin ko na ang pagkakamali pero sana naman bago tayo magbabakasyon maayos natin ito.” Pakiusap ko.
Umiling-iling si Lexi.
Inakbayan siya ni Jino at inalalayan siya nitong maglakad palayo sa akin. Nakita kong sinalubong siya nina Jheck at Miggy.
Nagyakapan ang dalawang babae.
Tumalikod akong bigong-bigo. Laglag ang balikat.
“Brad sandali lang.” si Jino.
Nilingon ko siya. Naghihintay ako kung ano ang sasabihin niya sa akin. Pakiramdam ko noon ay may kakampi na ako. Hindi pa man siya nagsasalita ay inunahan ko na.
“Nakikiusap ako, brad, tulungan mo naman akong paliwanagan si Lexi. Ikaw ang magaling dito e. Saka alam kong alam mo yung sitwasyon noon. Napilitan ako sa pustahang iyon. Iyon ay kung narinig mo yung buong usapan noon.”
“Hindi e. Ang narinig ko lang ay kung paano ka pumayag sa isang pustahan. Sorry pero wala akong magagawa. Ayaw na kasi niyang pag-usapan pa namin ang tungkol doon.”
Bihira akong lumuha sa harap ng iba ngunit sa sandaling iyon, mabigat ng sobra ang dibdib ko. Dahil sa sunud-sunod na araw na lang nangyari ang lahat at wala din akong kakayahan para sana ayusin.
“From now on, sana maintindihan mong lalayo din muna ako sa’yo, hindi dahil di na kita gustong kaibigan kundi dahil kapag lagi tayong magkasama, hindi ko kayang sikilin yung nararamdaman kong pagmamahal sa’yo. Susundin ko yung payo ni Papa Xian sa akin. Kailangan kitang layuan para makalimot ako at muli kong buuin ang pagmamahal muna sa sarili ko. Inuuna kasi lagi kita noon. Kahit sa paggawa ng projects at assignment natin, yung sa’yo muna ang ginagawa ko. Sa tuwing may exam o graded recitation tayo, ikaw ang kaagad na iniisip ko kung paano kita matulungan sagutin ang lahat ng iyon.”
Pinunasan niya ang luha niya gamit ang laylayan ng kaniyang polo shirt.
Nakatingin ako sa kaniya na puno din ng luha ang aking mga mata.
“Kung hindi ko gagawin ito, lalo lang akong masasaktan at baka darating yung araw na masasakal din kita sa mga gusto mo sanang gawin. Ayaw kong pigilan ka sa buhay na gusto mo, Boy. Mga bata pa naman tayo. Kinikilala pa natin ang ating mga sarili. Pinalalaya kitang hanapin mo na muna ang sarili mo kung saan ka ba talaga masaya at kung sakaling mawala na sa puso ko yung diyaskeng nararamdaman ko sa’yo, baka mas maiaayos at mapapabuti na natin ang nasimulan nating pagkakaibigan.”
“May malaki ba akong kasalanan para gawin ninyo sa akin ito?” tanong ko. Pinigilan kong mapahikbi.
“Wala kang kasalanan sa akin Boy, ako lang naman dapat sisihin kung bakit kita minahal. Pinigilan ko naman e, pero sabi nga ni Papa, wala daw tainga at mata ang puso, ngunit may utak daw tayong puwedeng magamit para pigilan ang pagwawala nito. Kahit alam ko namang hindi puwede, tumibok pa din kasi ito e. Nakadagdag pa ako sa gulo ninyo ni Lexi. Madalas ko sinisisi ang sarili ko, kung sana hindi ako nagmahal sa’yo sana mas nakakatulong ako sa gusot nating tatlo.”
“Gano’n na lang ‘yun brad? Magbabakasyon tayong di man lang tayo nagkakaayos at ngayon iiwas ka na din ng tuluyan sa akin?
“Kailangan e. Nahihirapan na ako Boy, nasasaktan ako kahit wala ka namang ginagawa na dapat sana ay ikasakit ng kalooban ko. Iyon kasi talaga yung masakit. Wala kang ginagawa.” Tumigil siya. Huminga ng malalim. “Alam kong kaya mo naman ang sarili mo e. Matalino ka, tamad ka lang mag-aral pero kung okey na ako, okey na kami ni Lexi, ikaw at ikaw pa din ang gusto kong maging bestfriend, Boy. Goodbye for now, but this is not forever.”
Ibinuka niya ang kaniyang mga kamay para yakapin ako. Hindi ako kumilos. Hindi din ako humakbang paatras. Lumapit siya sa akin. Hinayaan ko siyang yakapin niya ako hanggang sa naramdaman ko na ang kamay kong tumatapik sa kaniyang likod at tuluyang bumigay muli ang luha pabagsak sa kaniyang balikat.
Nasasaktan ako.
Sobrang sakit!
Dahil bigo akong ayusin ang aming problema bago man lang kami nagkahiwa-hiwalay ay naging malungkot sa akin ang mga unang araw ng bakasyon. Madalas kong nilalaro ang bigay ni Lexi na bracelet sa akin. Sa paraang ganoon ay masasayang alaala lang ang nasa isip ko. napapangiti ako sa aming mga kulitan. Yung saya namin noon. Yung parang wala nang katapusan naming pagkakaibigan.
Nakakalimutan ko din naman ang mga pinagdadaanan ko kapag naglalaro kami nina Papa ng basketball o kaya dinadaanan ako nina Tito Carl at Tito E-jay para magtennis. Lumalabas din naman kami nina Daddy kung ganoong wala silang trabaho. Nanood kami ng movie, namamasyal, naglalaro at kumakain sa labas. Dumadaan sa puntod ni Daddy Romel at doon kami nagpipiknik. Binibisita din namin sina Lolo at Lola sa Tanay na may katandaan na din. Nagswiswimming kami sa isang falls doon at may ikinukuwento si Tito Carl na creepy. Tumatayo lang ang balahibo ko kapag nagkukuwento siya. Nakilala ko tuloy ang mga kaibigan nila ni Tito E-jay na Vhince at Francis na parehong yumao na. Pumunta din kami sa Vizcaya kung saan nagkakilala sina Papa Zanjo at Papa Patrick. Hindi na nga malakas ang agos ng falls na iyon ngunit gusto ko yung rest house nina Papa doon. Sobrang presko at tahimik.
Ngunit kahit anong tawa ko sa maghapon, kahit anong saya ko sa labas at kahit pa saan kami pumunta ay may mga sandaling naiisip ko ang mga bestfriends ko lalo na kapag may mga nakikita akong namamasyal na magkakaibigan. Nagtetext pa din ako naman ako sa kanila. Tinatanong kung okey lang ba sila, kung ano ang ginagawa nila at nagfo-forward ng mga quotes. Ngunit nanatiling wala silang reply sa akin. Nakakalungkot lalo na kapag sa gabing nasa harap ako ng computer at nakikita ko ang mga facebook status and photos nila. Nasa Cagayan pala sila. Nasa isang RA Kanlungan Resort kasama ng mga tito at mga magulang nila. Maganda din naman yung lugar. Mukhang masaya sila sa mga pictures nila doon. Nagsasagutan sila ng comment nina Miggy at Jheck sa nakapost na status sa wall ni JIno kaya sinubukan kong makisingit sa usapan nila.
Lexi Santos Msaya nga dito Migs. Bukas baka pupunta na naman kami diyan sa resort.
9 minutes ago · Like
Miggy Abad Miss you guys. Tawagan ninyo kami ni Jheck kapag bumalik kayo d2 ha. Next time isama ninyo kami ni Jhecj diyan sa resort na ‘yan. Mukhang maganda e.
8 minutes ago · Like
Jino Reyes We miss you too Migs. Well, mas enjoy sana kung nandito nga sana pala kayo ano. Biglaan kasing nagyaya sina Tito Rhon at Tito Aris sa resort nila. Well, pasyal tayo dito kapag graduate na tayo ng high school.
7 minutes ago · Like
Jheck Sibayan Upload more pics guys. Bonding tayo pagbalik ninyo here ha!
6 minutes ago · Like
Lexi Santos Sure. Tetext namin kayo ni Jino as soon as makabalik kmi diyan. We are having fun here kaya sana kayo din. Enjoy your vacation. Nagtetexan na tayo at nagtatawagan pati dito sa fb chikahan pa din. Nakakaloka!
5 minutes ago · Like
Boboy Santiago Saya naman! Kailan din kaya ako makapasyal diyan? Sama din ako ha? Text din ninyo ako pagbalik ninyo dito ha. Miss you all guys!
4 minutes ago · Like
At ang usapan ay nagtapos na doon. Wala nang sumagot pa sa kanila. Wala din kahit like lang sa sinabi ko. Inaamin ko masakit pala na naiignore ka ng mga kaibigan mo lalo pa’t sila lang naman yung inaasahan mong kakampi mo sa mundo. Naglike ako sa lahat ng pictures nila at sa tuwing nag-uusap sila sa mga status nila sa facebook o sa mga comment sa mga photos ay biglang mapuputol yung usapan kapag sisingit ako. Napapahiya ako. Parang ako ang tigatapos ng usapan. Kapag pumasok na ako, wala ng magcocomment pa.
Doon palang sa nabasa kong nagtetexan na sila at nagtatawagan ay sumama na ang loob ko dahil kahit anong dami ng text ko at tawag maghapon sa kanila ay iniignore pa din nila ako. Para bang may ginawa akong matinding kasalanan at gano’n ang maging trato nila sa akin. Sila-sila na din lang ang nagla-like sa mga pinopost nilang status at pictures. Nagpalit ako ng primary picture ko, pinili ko yung tatlo kami nina Lexi at Jino ngunit ni isa sa kanila walang naglike. Nagpost din ako ng status. Simple lang pero naka-tag silang dalawa.
“When I miss you both, sometimes I listen to music or look at pictures of us, not to remind me of you but to make me feel as if I’m with my best friends. I miss you Lexi Santos and Jino Reyes and it sucks!”
Nakatag silang dalawa ngunit ilang minuto lang natanggal na yung tag ko sa mga pangalan nila. Huminga ako ng malalim. Humiga at pilit kong ipinaintindi sa aking sarili na lahat ng ito matatapos din. Mabubuo din kaming tatlo. Hanggang sa sakit ng loob ay idinaan ko na lang sa tahimik na pagluha ang bigat na aking nararamdaman.
May kumatok sa pintuan ng kuwarto ko. Hindi ako gumalaw ngunit hindi din ako pumikit. Nanatili lang akong nakatingin sa kisame at hinahayaang papatak ang luha ko sa aking unan. Hanggang sa dahan-dahang umupo sa kama ko si Daddy Mak na may dalang slice ng chocolate cake.
“Nak, fave mo. Tara samahan mo kami ng Daddy Ced mo. Nood tayo ng movie sa sala…wait …ohhh my… are you crying, son?”
Pinunasan ko ang luha ko. Saka ako umupo at sumandal sa headboard. Hindi ko talaga kayang pigilan yung nararamdaman ko. Hindi ko alam kung nagseselos ako, naawa ako sa sarili ko dahil nagmumukha na akong tanga o nalulungkot dahil wala na akong masasabing mga kaibigan.
“Anong problema anak?” tanong ni daddy. Sinuklay niya nag buhok ko gamit ang daliri niya.
“Dad, bakit ang hirap ko hong i-express yung sarili ko kapag kaharap ko ‘yung mga friends ko. Saka what if, ayaw na nila sa akin, sino pa po magiging friends ko sa pasukan? Namimiss ko na sila Dad pero ayaw na yata nila sa akin kaya ako nalulungkot ng ganito.”
“Bata ka pa anak, hindi pa ganoon kadali sa’yo na sabihin ang lahat ng niloloob mo pero natural lang ‘yan. Ang mahalaga ay kung ano ang sinasabi mo at ikinikilos. Hindi naman kailangan kasing lahat ng nasa isip mo ay nasasabi mo. Ano ba ang naging problema ninyo? Pinag-usapan ba ninyo tungkol do’n?”
“Opo, ako na nga yung lumapit Dad, ako na din po ang humingi ng tawad. Kaya lang nahihirapan akong i-express yung sarili ko sa kanila, kahit gusto kong ipaliwanag yung sarili ko, hindi ko magawa kasi hindi din naman nila ako kasintalino o kasinghusay magsalita kaya lahat, inamin ko na na ako ang may kasalanan. Di ba Dad, kung totoong kaibigan nila ako, kaya nila akong patawarin at intindihin?”
“Anak, huwag kang mainip sa kung kailan ka gustong patawarin ng mga taong nasaktan mo. Ang pagpapatawad ay nasa tamang panahon, hindi ‘yan katulad ng pagbili mo ng load sa labas na bigla na lang ibibigay sa’yo pagkaabot mo ng bayad.” Sumandal din si daddy sa headboard. Inakbayan niya ako.
“Kung talagang mahal ka ng mga kaibigan mo, babalik at babalik sila sa’yo para tulungan kang ayusin ang problema. Bigyan mo sila ng sapat na oras para pag-isipan ang lahat. Walang tunay na kaibigan ang basta-basta na lang nang-iiwan anak. Go out there and have fun if nothing works. Forget about it. Find new friends to hang out with. Don't act desperate basta alam mong ginawa mo din lahat ang makakaya mo para maayos kayo. Napakabata mo pa anak para magmukmok at isipin ang mga bagay na ‘yan. Sige na, kainin mo ito at sumunod ka sa amin sa sala at samahan mo kaming manood ng daddy mo. Namiss ka naming makabonding. Okey?”
“Okey po. Nalulungkot lang po kasi talaga ako e. Nasasaktan ako Dad.
“Tama na ‘nak, kung ayaw ka pa nilang makausap, give them enough time kasi kapag kinukulit mo ng kinukulit ang ibang tao, masasanay yan at lalaki ang kanilang ulo hanggang sa ikaw na itong habol ng habol sa taong wala naman na din palang pakialam sa’yo. Ang tao kahit pinapalaya mo kung talagang gusto ka niya, harangan mo man ‘yan gagawa ng gagawa ng paraan para makasama ka pero ang taong ayaw sa’yo, pagsilbihan mo man, paliguan ng text at tawag, regaluhan ng kung anu-ano, wala ding mangyayari dahil maghahanap iyan ng paraa para ikaw ay matakasan. Sige na, halika na. Enjoy your vacation with us. Kahit saan mo gustong pumunta magsabi ka lang at aayusin namin ng Daddy mo ang sched namin para malibang ka at hindi ganyang parang pasan mo lagi ang mundo. Okey?” kumuha siya ng tissue paper sa malapit sa kama ko at pinunasan niya ang luha ko sa pisngi. “Huwag kang umiyak kasi nakakapangit ‘yan. Di ka namin pinalaki para lang paiyakin ng kung sinu-sino. Saka anong sabihin ng ibang tao, ang guwapo ng mga magulang tapos pagdating sa anak, pangit dahil sa kaiiyak?”
Napangiti ako. Sumabay na ako kay daddy paglabas ng kuwarto.
Mabilis na dumaan ang araw. Nagpabili ako kina Daddy ng malilibangan kong gitara. Kumanta ng kumanta kasama ng aking pamilya. Hanggang sa iyon at iyon lang ang aking ginawa sa nalalabing araw ng bakasyon. Nging madali akong natuto lalo na’t lahat kami sa pamilya ay hilig ang magkantahan. Ang resulta, nakahiligan ko na din ang mga kanta noong kapanahunan nila.
Sa tulong ng mga nagmamahal sa akin, nairaos ko ang dalawang buwan. Sinunod ko ang sinabi nina Daddy sa akin, hide ko na lang muna silang apat sa wall ko para hindi na ako nasasaktan pa kapag nababasa ko yung mga masasayang usapan nila. Nang una, kahit nakahide na, para pa din akong tanga na sumisilip sa kanilang wall kung anong bago at kapag nakabasa ako ng mga comment kung gaano kasaya ang usapan nila ay ako ang sobrang nasasaktan. Magsisisi ako pero uulitin ko naman silipin ang wall nila pagkaraan ng ilang araw. Hanggang sa pinigilan ko na lang sarili kong magfacebook para hindi na din ako ma-attempt na tignan ang mga wall nila. Kung kaya nila akong tiisin dapat kakayanin ko din.
Binura ko na din muna ang contacts nila sa iphone ko. Okey na din lang ‘yun para matigil na ang pag-eexpect ko ng reply sa kanila o di na din ako tatawag pa at ika-cancel din naman nila.
At natapos din sa wakas ang dalawang buwang bakasyon.
Pasukan. Second Year High School na kami.
Excited na ako noong makita sila. Umaasang sa dalawang buwan na ‘yun ay namiss din nila ako at tapos na ang araw na pag-iwas nila sa akin. Tuluyan na kaya akong napatawad sa kung anumang pagkakamali sa tingin nila ang nagawa ko? Parang may kung anong nagpabilis sa aking puso nang makita ko silang dumating. Tumayo pa nga ako sa kinauupuan ko at lumapit sa kanila dala ang aking bag. Umaasang kami paring tatlo ang magkakatabi.
“Uyy mga bestfriends, kumusta ang bakasyon?” masaya at parang wala lang na tanong ko sa kanila. Napakaluwang ng aking pagkakangiti.
“Hi brad.” Matipid na bati sa akin ni Jino. Umitim man siya ngunit gumandang lalaki. Mas lalong nagkalaman, mas lalong di mo iisiping berde ang dugo niya.
“Ayos lang naman, Boy, ikaw kumusta ka?” tanong ni Lexi. Pumayat ng bahagya si Lexi ngunit hindi pa din nawawala ang nagustuhan kong ganda ng mukha at nakakapanghina ng tuhod niyang ngiti. Dalagang-dalaga na nga siya.
Sasagot palang sana ako ngunit dumating na si Miggy at Jheck. Nagyakapan ang dalawang babae. Bineso ni Lexi si Miggy. Nag-apir sina Miggy at Jino at sila na ang masayang nagbalitaan.
Ako? Nasa likod nila. Umaasang matapunan ng kahit isang mabilisang sulyap.
“Lexi, Jino, dito na tayo uupo. Nareserve ko na ‘to sa ating tatlo.” Sinadya kong lakasan ang boses ko.
Nagkatinginan silang dalawa. Kilala ko ang dalawa na kapag ganoon ay may gusto silang sabihin. May mali.
“Tol, sorry pero usapan kasi naming apat na magkakatabi kami ngayong year na ‘to. Pasensiya na.” si Miggy.
“Ahh ganun ba? Okey. Sige. Sa iba na lang ako tatabi.” Sagot ko.
Kinuha ko ang bag ko at umupo ako sa likod. Parang pinipiga ang puso ko sa sakit. Ngunit kaya ko pa namang intindihin ang lahat. Kaya ko pang palagpasin ang pambabalewala nila sa akin. Nang dumating si Philip ay nilapitan niya kaagad si Lexi. Umupo na muna ito sa tabi niya at kung ano pa ang sumunod na nangyari o kung ano ang mga reaction nila, pinili kong huwag na lang makita. Hindi ko na kayang dagdagan yung hirap ng kalooban ko.
Kahit noong flag ceremony ay sila din ang magkakasamang lumabas. Kasama din nila si Philip. Bantay sarado niya si Lexi. Walang ni isa sa kanilang tumawag sa akin para sumabay sa kanila. Habang kinakanta namin ang national anthem ay nakatingin ako kay Lexi. Hinihintay kong lingunin niya ako. Umaasang magkangitian man lang kami. Tulad noon. Tulad ng nakagawian. Ngunit malapit ng matapos ang national anthem ay hindi pa din niya ginawa. Inilipat ko ang tingin ko sa isang bestfriend ko na nasa harap ko lang. Si Miggy ang nakapagitna sa aming dalawa sa linya. Noon, kapag magsisimula ang national anthem at bago ito tuluyang matapos ay mabilis sa aking lumilingon si Jino. Kikindatan ko siya at ngingitian naman niya ako. Ngunit hindi na nangyari pa iyon.
Dumating ang recess ay silang apat din ang nagkakayaang lumabas ngunit dahil dumidiskarte si Philip kay Lexi ay isinali niya ang sarili niya. Lima silang tumungo sa canteen at nakasunod ako hindi kalayuan sa kanila. Hinihintay na mapansin din nila ako at yayain na sasabay na lang sa kanila. Ilang taong kami ang magkakasama sa canteen ngayon biglang wala na akong matawag na kaibigan. Ni hindi man lang ako naalalang yayain o kahit sulyapan man lang. Hindi na ako tumuloy sa school canteen namin. Minabuti kong lumabas na lang sa aming campus at sa labas na lang ako nagmiryenda. Mapalad naman ako at doon nagmimiryenda ang grupo ni Kuya Jello. Sa kanila na muna ako nakikisabay ngunit may mga pinag-uusapan sila na parang ayaw nilang iparinig sa akin. Isa kasing malaking grupo sila at si Kuya Jello ang isa sa kanilang pinakapinuno.
Ang unang araw na gano’n ay naulit pa ng naulit ng naulit hanggang isang buwan na din pala ang matuling nagdaan. Kinaya kong intindihin sila. Sumasabay ako kina kuya Jello kung nagkataong nasa canteen sila sa labas ng campus. Pinilit kong sumama din sa kung sinu-sino lang na puwede kong samahan na kaklase ko. Barkada ngunit hindi mga kaibigan. Gusto ko lang hindi nagmumukhang tanga. Pinagbuti ko na lang ang aking pag-aaral. Wala na kasi akong ibang asahan pa pagdating ng exam at recitation. Doon ko na lang ibinuhos ang aking atensiyon, paghusayan ang pag-aaral. Ngunit sa tuwing nakikita ko sila ay sobrang nasasaktan pa din ako. Dahil doon ay minabuti kong huwag na lang silang pansinin. Kung saan sila nakaupo ay iniwasan kong magawi ang mata ko sa kanila. Ngunit dahil iisang classroom ay hindi maiwasang mapatingin ako sa kanila. Marinig ang kanilang mga boses. Paminsan-minsan nahuhuli ko si Lexi o kaya si Jino na nakatingin sa akin. May dating ang kanilang mga tingin.
Naaawa?
Hindi ko kailangan ang awa nila. Hindi naman ako nagpapaawa sa kanila e. Nalulungkot lang akong bigla na lang akong iniwasan ng ganito katagal at ang masakit may iba na din silang kaibigan.
Namimiss kaya nila ako?
Noon pa ako gumagawa ng paraan para maayos ko ang gusot namin pero mas pinili nilang layuan ako at saktan. Paanong pagkamiss ang nakikita kong panakaw na tingin nila sa akin?
Mahal parin nila ako?
Iyon ang ayaw ko nang isipin. Iniyakan ko na iyon ng ilang gabi, yung nakikita ko si Lexi na parang sila na ni Philip. Nagseselos ako pero wala naman akong karapatan.
May kung ano ding halatang koneksiyon sina Miggy at Jino ngunit wala ako sa lugar para magtanong. Ni wala na nga akong pagkakataong malapitan pa sila at makausap. Basta napapansin kong may iba sa turingan nila at masaya akong makitang maibabaling na ni Jino ang pagmamahal niya sa iba. Doon sa taong kaya siyang mahalin ng buum-buo. Tigang na ang pag-asa kong maging kami ni Lexi. Masakit pero kailangan kong tanggapin. Idinadaan ko na lang sa pagkanta, panood ng movie at paglalaro sa online games.
May isang Lunes pa nga noon na naglagay ako ng chocolate sa upuan nila isang umaga habang di pa sila dumadating. May nakadikit doon na “I’m sorry. Can we be friends again?” Naunang dumating si Lexi kasama si Philip. Pasilip kong tinignan si Lexi kung ano ang magiging reaction niya. Kinagat niya ang kaniyang labi habang binabasa niya ang nakasulat doon.
Kinuha ni Philip iyon sa kamay ni Lexi at kalmadong nilapitan ako.
“Sa’yo galing ang chocolate na’to, tol?” pabulong iyon ngunit may kurot ng galit.
“Oo. Peace offering lang sana.”
“Di ba nag-usap na tayo? Lalaki ka ba talagang kausap? Ang sabi ko, hayaan mo akong dumiskarte. Akala ko ba nagkaliwanagan na tayo tol? Huwag mo akong subukan. Ngayon pa na pati si Jino hindi mo na kakampi. Wala kang kawala tol kaya puwede, lumayo-layo ka muna. Kaya ko siyang bilhan ne’to.” inilagay niya ang chocolate sa upuan ko.
“Philip, anong sinasabi mo?” Si Lexi.
Palapit sa amin. Parang nakaramdam yatang tinatakot ako ng manliligaw niya. Manliligaw o boyfriend na? Hindi ko alam.
“Wala, sinasabi ko lang na tinatanggihan mo ang binigay niyang chocolate.”
“Boy, thank you but this is not yet the right time.”
Tumango ako.
“Okey. I understand.” Sagot ko.
Naupo ako kasabay ng pagpapakawala ng isang malalim na hininga.
Tiyaga lang.
Kailangan ko ng sangkaterbang pasensiya.
Bumalik silang dalawa sa upuan nila at nang dumating si Jino ay siya naman ang pasimple at panakaw kong sinisilip. Maagap kong binuksan ang libro ko at ibinaba ko ang katawan ko sa pagkakaupo hanggang sa tumapat ang libro sa aking mukha. Doon sa likod nang nakabukas na libro ay dahan-dahan ko siyang sinisilip kung ano ang magiging reaksiyon niya. Malakas ang kabog ng aking dibdib. Katulad nang naramdaman ko kanina nang hinawakan ni Lexi ang ibinigay ko ngunit ibinalik niya sa aking chocolate.
Nakangiti siyang kinuha iyon.
Binasa niya ang nakasulat.
Tumingin sa akin at mabilis kong itinago ang mukha ko sa hawak kong libro ngunit alam kong nahuli na niya ako. Ibinaba ko ang libro. Umayos ako ng upo at yumuko na kunyari ay ipinagpapatuloy ko ang pagbabasa habang pasimpleng itinago ko ang mukha ko sa kamay kong ikinakamot-kamot ko pa sa noo ko.
Sumilip muli ako.
Nakita kong nagsesenyasan sila ni Lexi.
Huminga ako ng malalim. Alam ko na. May mali na naman.
“Ano ‘yan?” tanong ni Miggy.
Kinuha niya sa kamay ni Jino ang chocolate.
“Kanino galing?” muling tanong nito.
Inginuso ako ni Jino.
Ilang sandali lang ay may ibinulong siya kay Miggy.
Ngumiti si Miggy at lumapit sa akin dala ang ibinigay kong chocolate. Pinanindigan ko na ang pagyuko ng tuluyan.
“Hindi daw…”
“Thanks. Huwag mo nang ituloy na sabihin. Alam ko na.” pamumutol ko sa gusto pa niyang sabihin. Kinuha ko ang chocolate sa kamay niya at mabilis kong ibinalik sa backpack ko.
“Donate mo na lang ‘yan tol sa mga nangangailangan.” Kantiyaw ni Philip.
Di ko na lang pinansin. Hinga lang ng malalim. Lilipas din ito.
Sabi ni Papa Pat sa akin, pag-iwas ang unang hakbang para daw makalimot. Huwag galawin ang sugat, hayaang maghilom sa pagdaan ng panahon hanggang ito ay tuluyang maging pilat ng kahapon. Maging bahagi din ito ng ilang masasakit na alaala. Ngunit paano ako makakalimot kung lagi silang nandiyan para saktan ako? Lagi ko silang nakikita. Araw-araw ay may mga panibagong sugat na hindi ko alam kung kailan hihilom.
Dumaan pa ang ilang araw. Gano’n pa din ako. Gumagawa ng ng paraan to win them back. Hindi pa din sumusuko.
Dahil nabored ako sa English teacher namin ay nagawa kong magdrawing ng dalawang lalaki at isang babae. Isinulat ko ang mga pangalan namin sa likod ng mga drawing ko. Ako, si Lexi sa gitna at si Jino ang nasa dulo. Naglagay ako ng parang nakikita sa komiks kung saan isinusulat ang mga sasabihin o iniisip ng mga caricature. Ginawa kong walang nakasulat doon sa clouds para kina Jino at Lexi. Gusto kong sila ang magsusulat ng gusto nilang isulat na sasabihin ng drawing ko na sa kanila ko ipingalan. Sinabi nung pinangalanan kong Buboy sa drawing ang… “Tara laro uli tayo ng scrabble o sabay magmiryenda sa canteen mamaya. Miss ko na kayo, ako ba miss na ninyo?”
Tinupi ko iyon at sinabi ko sa nasa harap kong ipasa nila kay Jino. Nang mabuklat ni Jino iyon ay napangiti siya. Nilingon niya ako. Kumindat ako. Ngumiti siya. Pasimpleng nagsulat din siya. Ilang saglit pa ay nakita kong ipinasa din niya kay Lexi iyon. Binuklat ni Lexi. Mabilis niya akong nilingon. Kitang-kita ko ang pamumula ng kaniyang mga mata. Yumuko siya. Naglabas ng facial tissue at ipinahid niya iyon sa gilid ng kaniyang mga mata. Tinupi niya iyon at inilagay niya sa kaniyang bag. Naghintay akong maibalik sa akin iyon ngunit hindi na nangyari pa. Nalungkot ako. Pasalamat na lang ako na hindi niya iyon pinunit sa harap ko.
Muli kong pinaglaruan ang bracelet ko na ibinigay niya. Naroon pa din naman iyon sa kanilang mga kamay. Kung sana tinanggal na nila iyon, ibig sanang sabihin wala nang nagbibigkis pa sa amin ngunit hanggang nasa kamay nila iyon ay patuloy akong naniniwalang mabubuo din kaming tatlo. Hindi ko lang alam kung kailan at kung hanggang saan ang kaya kong patunayan sa kanila. May mga sandaling gusto ko nang bumitaw. Napapagod na din kasi ako.
First grading period.
Ngarag ako sa Algebra. Nasa likod ko lang si Jino at alam kong nakikita niyang wala akong maisagot sa tatlong problem solving. Kinakagat-kagat ko lang kasi ang ballpen ko. Panay ang paghinga ng malalim. Iyon lang yung part na hindi ko masagot pero doon sa iba pang bahagi ng exam alam kong tama ako. Nagreview din naman ako dahil alam kong wala na akong maasahan pang tutulong sa akin. Papasa ako kahit di ko masagot ang problem solving. 15 points lang naman iyon kumpara sa iba pang nasagutan ko na.
Naramdaman kong tumayo na si Jino. Tapos na siya? Ambilis ah.
Siya na naman ang unang nakatapos ng exam. Ngunit nang dumaan siya sa akin ay may patago siyang inipit na papel sa kamay kong may hawak ng ballpen. Nang nakatalikod na siya ay sinilip ko iyon.
Napangiti ako.
Sagot sa problem solving.
Naroon pati ang computation.
Nagkukumahog kong kinopya iyon. Nanginginig pa na naman ako s atakot na mabuking ng terror naming teacher. Tatlong problem solving lang iyon at 5 points each. Napakalakas ng kabog ng aking dibdib. Hindi ko inaasahang gagawin niya iyon sa akin. Wala sa hinagap kong tutulungan niya parin ako.
Malapit ko nang makopya ang lahat nang naramdaman kong may nakamasid sa akin. Tumaas ang balahibo sa aking kamay nang makita kong ang teacher namin ang nakatayo at nakamasid sa akin. Kinuha niya ang pinagkokoyahan ko ngunit maagap ko iyong kinuyom. Ayaw kong mahalata niyang penmanship ni JIno iyon. Nakataas ang dalawang kilay.
“Ano ‘yang nasa kamay mo, Romel?” tanong ng teacher namin.
Tumigil ang mundo ko. Alam kong lahat ng mga kaklase ko sa akin na nakatingin. Nakakahiya na naman ito.
“Wa- wala po Ma’am.” Naginginig kong sagot.
“Are you cheating? Kodigo ba ang nasa kamay mo?” Nakapamaywang siya. Bumaba ang eye glasses niya at diretso sa mga mata ko ang nakadilat niyang mga mata.
Nagsimulang magbulungan ang mga kaklse ko. Tinignan ko si Lexi. Nakita ko sa mga mata niya ang pagkabahala. Tumayo pa nga siya para tulungan akong magpaliwanag.
“Ma’am, hindi ho magagawa ni Romel ‘yan.”
“Are you sure, Lexi? Bakit hindi niya maipakita sa akin yung nasa kamay niyang kinokopyahan niya? Class, just continue your exam. Give me your test paper Romel at sumunod ka sa akin sa faculty room mamaya. Kahit hindi mo ipakita sa akin yung nasa kamay mo, huli na, nakita na kitang nangongodigo.”
Namumula ako sa hiya. Narinig ko pa kasi ang banat ni Philip.
“Hanep ah! Kokodigo nga din ako kapag may time!”
Tawanan silang lahat maliban kay Lexi na halatang naiinis sa ginawa ko. Si Jino namumutla sa pintuan. Siguro natatakot siyang madamay sa pagkakahuli ko.
Sumunod ako sa teacher namin sa faculty room nang maipasa na ng mga kaklase ko ang kanilang mga test papers.
Pagpasok ko sa faculty room ay hinila ako ni Jino.
“Let me handle this. Aamin ako. I want you to just go. Ako ang haharap kay Ma’am.”
“Hindi. Kahit anong parusa ni Ma’am sa akin, wala lang sa akin kasi sanay naman akong mabigyan ng mababa o bagsak na grade. Huwag lang ikaw. Saka ikaw yung gustong tumulong sa akin, ayaw kong ikaw pa ang mapahamak.” Bulong ko.
Tinulak ko siya.
“Pero hindi ka dapat mapapasok sa ganiyan kung hindi ko ginawa iyon. I was just trying to help pero lalo ka lang palang napasama kaya hayaan mong ako ang aayos.”
“Puwede ba, hayaan mo ako! Please!” singhal ko.
Halatang galit na ako. Pumasok ako. Sumabay si Jino ngunit itinulak ko siya palabas.
“Ano ba! Puwede hayaan mo akong magdesisyon sa gusto ko! Nakakabanas ka na ah!”
Narinig at nakita ni Lexi ang ginawa ko.
“Ano ba kasi ito ha? May kinalaman ka ba dito Jino?” tanong niya.
Halatang galit.
“Wala, wala siyang alam dito at hindi ko alam kung bakit gusto pa niyang akuin yung kasalanan ko.” sagot ko.
“Are you out of your mind, Jino?” hinila ni Lexi ang braso ni Jino.
Umiling-iling si Jino.
Nakatingin ako sa kaniya. Gusto kong makuha sa tingin ko. Yumuko siya at hindi na lang siya nagsalita pa.
Lumapit sa amin ang aming teacher.
Pinapapunta niya ako sa table niya. Sumunod ako. Nilingon ko ang dalawa. Lumabas si Lexi ngunit naiwan si Jino. Sumunod siya sa amin ngunit nagkunyarian itong nakipagkuwentuhan sa isa naming teacher katabi ng table ng teacher na kumakausap sa akin.
“Kanino mo nakuha yung kodigo mo, Romel. Sino ang nagbigay no’n sa’yo? Sabihin mo sa akin ang totoo dahil kung hindi, ibabagsak kita sa final exam mo pero kung sasabihin mo sa akin, minus 15 points lang ang ibabawas ko sa final score mo.”
“Ma’am, ibagsak na lang ho ninyo ako.”
“Magsabi ka ng totoo o ipapatawag ko ang parents mo?”
Kinabahan ako. Doon ako natakot. Ayaw kong madawit pa ang mga magulang ko dito.
“Pinulot ko lang ho ‘yun Ma’am. Nakita ko kasing doon nagcompute si Jino at nang mahulog niya nang dumaan sa akin ay pinulot ko at kinopya.” Pagdadahilan ko.
“Jino, halika nga.”
Lumapit si Jino.
Nagkatinginan kami.
Sinikap kong makuha siyang muli sa aking tingin.
“Sinasabi ni Romel na ikaw daw ang nakahulog doon sa pinagkopyahan niya. Totoo ba ‘yun o ikaw mismo ang nagbigay sa kaniya.”
“Ma’am, sinasabi ko na ho ang totoo. Walang kasalanan si Jino. Aksidente ang pagkakahulog niya kaya ko pinulot at kinopya. Ako lang ho ang dapat ninyong parusahan.”
“Ikaw ba si Jino? Si Jino ang kinakausap ko at hindi ikaw.”
Napalunok si Jino.
Nagkatinginan muli kami.
Umaasa akong suportahan na lang niya ang unang nasabi ko.
Yumuko siya.
“Yes, ma’am. Hinahanap ko nga kanina nang maipasa ko ang papel ko pero hindi ko na nahanap pa. I’m sorry for being careless.”
“Okey! Kung aksidenteng nahulog ni Jino iyon, sinabihan mo dapat siya na may nahulog siya hindi yung pulutin mo at kopyahin kaya pasensiyahan tayo Romel, zero ka sa problem solving at magdeduct ako ng 20 points sa magiging score mo. Kung ano ang maiwan, iyon ang magiging final score mo. Sa lahat ng ayaw ko ay yung cheater. And Jino next time, please be more careful on your scrath paper. Ayaw ko nang maulit pa ito. Sige na. Bumalik na kayo sa classroom ninyo.”
Nauna akong tumayo ngunit hindi ako umaalis doon hanggang sa di umalis si Jino. Ayaw kong aamin siya sa huling sandali kapag nakalabas na ako. Lusot na kami at okey na sa akin na ako lang ang sasabit huwag lang siya. Gusto kong akuin ang kasalanan. Kung hindi niya iyon inilagay sa kamay ko, hindi ako matutuksong tignan at kopyahin. Ngunit kahit sana inilagay na niya sa kamay ko kung sadyang may paninindigan ako sa aking sarili, di ko na dapat pang kinopya pa. Kaya mas nanaisin kong solohin na lang ang parusa.
Bago kami lumabas ni Jino ay pinilit ko siyang mangako na hinding-hindi siya magsasabi kay Lexi kung ano nga talaga ang tunay na nangyari. Okey na ako doon. Matagal bago niya ibinigay ang pangako niya sa akin ngunit pinanindigan ko ang pakiusap ko at dahil takot na ma-late siya sa next exam namin sa Biology ay nakuha ko ang kaniyang salita. Hindi na dapat malaman pa ni Lexi at ako na lang ang magmumukhang masama. Sanayan na lang ‘yun.
Intramurals.
Nasanay akong may mga nagchi-cheer sa akin. Naroon kasi lagi noon sina Jino at Lexi para suportahan ako sa Tennis at basketball ngunit nang araw na iyon, si Philip ang chini-cheer nila. Magkasama kami sa team ni Philip ngunit masakit sa akin na marinig silang… Philip! Philip! Philip! Ang sinisigaw nila.
Nawala yung concentration ko. Pinanghihinaan ako ng loob hanggang sa napansin ng coach namin na hindi maganda ang performance ko.
“Romel, anong nangyayari sa’yo? Walang pumapasok sa mga tira mo. Lagi kang naagawan ng bola.”
“Sorry sir, pagbubutihin ko ho.” Sagot ko.
“Coach, matatalo tayo kung papasukin ninyo siya. Mukhang hindi ngayon maganda ang laro niya.” si Philip.
“Sige, pahinga ka muna Romel. Hinihila mo ang team pababa e.”
“Sige coach.” Sagot ko.
Masyado akong apektado sa ginagawa nina Lexi at inaamin ko, nasasaktan ako. Sa inis ko ay lumabas na lang ako ng gym at pumunta sa classroom namin. Doon ay ibinuhos ko ang sama ng loob ko. Pinagbigyan kong iluha ang lahat. Kinuha ko ang gitara ko at idinaan sa pagkanta ang sama ng loob.
Akala ko kasi kaya ko na.
Umasa akong malulusutan ko na ang lahat.
Bakit sila pa yung ganito sa akin? Bakit hindi sila nagsasawang saktan ako ng ganito?
Biglang may nagbukas ng pintuan ng classroom. Mabilis akong tumalikod dahil ayaw kong makita ng kahit sinong dumating na iyon na lumuluha ako. Niyakap ko ang gitara ko. Sana kung sinuman ang pumasok ay agad ding lalabas.
Ngunit imbes na lumabas ay lumapit pa ang yabag ng kaniyang sapatos palapit sa akin. Mabilis at patago kong pinunasan ang luha ko. Hindi pa din ako lumilingon.
“Are you okey Boy?” garalgal ang boses niya.
Si Jino.
Hindi ko magawang lingunin siya. Masama pa din ang loob ko sa ginawa nila kanina ngunit kailangan kong lawakan ang pang-unawa ko. Kung kayak o pang umintindi gagawin ko.
“Kung kayo ang nasa katayuan ko, magiging okey kaya kayo?” tanong ko.
Gusto kong ilabas yung sama ng loob ko sa mabuting paraan.
Naramdaman ko ang paghawak niya sa balikat ko.
“I’m sorry.” Bulong niya.
“Kung kayo ang nagsosorry, agad kong ibinibigay yung pagpapatawad ko. Pero bakit kayo ang hirap ninyong magpatawad?”
“Boy, kailangan mong matutong tumayo muna sa sarili mong mga paa, kailangan mo daw munang tanggapin na may mga taong mawawala din sa’yo at kung darating yung oras na iyon ay mas magiging matatag ka na daw na tanggapin ang lahat. Hindi man ako buong sumasang-ayon doon ngunit kailangan kong pagbigyan ang isang kahilingan. Alam ko nasasaktan ka na namin ngunit sana gamitin mo ‘yan para lalo mong mapatatag ang loob mo. Alam kasi naming kaya mo e. Di ba nga palaban ka? Ipakita mo sa amin na kaya mo.”
“Hindi ko maintindihan e.” humihikbi ako. “Kailan naging malaking kasalanan ang magmahal ng kaibigan at bakit kailangan ako ang pahirapan kung nagkataong minahal din ako ng isang kaibigan ko. Mali bang ihayag yung gusto ko at tumanggi sa tingin kong magiging kumplikado?”
Hindi siya sumagot ngunit naramdaman ko ang pagyakap niya sa akin mula sa aking likod. Mahigpit iyon. Dahilan para lalong bumuhos ang aking luha. Hinawakan ko ang kamay niyang nakayakap sa akin at sabay kaming umiyak. Ramdam ko na nahihirapan din siyang makita akong nagkakagano’n.
‘I’m sorry. Tama ka, hindi naman talaga kasalanan magmahal. Ako yung sobrang nasasaktan na sa mga nangyayari ngayon.” Bulong niya.
“Okey na ‘yun.” Sagot ko. Huminga ng malalim.
“I miss you, Boy.” Napalunok siya. Huminga ng malalim. “Namimiss ko na ang company mo. Ang hirap dahil alam kong hindi pa puwede. Tumakas lang ako sa kanila para sabihing magpakatatag ka pa at kung may isang taong nakikitang nasasaktan ka, ako ‘yun. Kasangga mo parin ako brad. Hindi man lantaran ngunit alam mong nandito lang ako sa likod mo. Huwag ka lang susuko. Siya nga pala, pinag-aaralan ko na na ibaling sa iba yung pagmamahal ko sa’yo. Mukhang magiging kami na ni Miggy.”
Hinarap ko siya.
“Talaga? Mahal ka ba niya?” tanong ko.
Pinilit kong ngumiti para ipakitang masaya ako at suportado ako sa gusto niya. Mabait si Miggy. Ngunit hindi ko din alam na ganoon siya. Ngunit walang maging problema sa akin na maging sila.
“Hmnnn, sabi niya.” Pinunasan niya ang luha ko sa pisngi gamit ang kaniyang daliri.
Nanatili ang kamay niya sa aking pisngi. Binabasa niya ang aking mga mata. Para bang gusto niyang malaman kung ano ang nararamdaman ko sa sinasabi niya sa akin.
“Ikaw, mahal mo ba siya?” tanong ko.
Hinawakan ko ang kamay niyang nasa aking pisngi para tanggalin iyon dahil naaasiwa ako lalo pa’t dalawa lang kami doon.
Sasagot palang sana siya ngunit biglang may pumasok sa hindi isinara ni Jino na pintuan.
Nakita ko si Miggy.
Nakatingin siya sa amin habang ang kamay ni Jino ay nasa aking pisngi at nakahawak din ako sa kamay niya.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa.
Nagulat si Miggy sa naabutan niya. Hindi siya nagsalita ngunit halata sa mukha niya na hindi niya gusto ang naabutan niya sa amin.
Bago siya makalabas ay nakasalubong niya sina Lexi at Jheck na noon ay nakatingin na din sa amin. Dahil sa pagkagulat naming dalawa ay huli na nang tanggalin namin ang aming mga kamay, siya sa pisngi ko at ako sa kamay niya.
Pero iyon lang ‘yun. Sa akin walang malisya, hindi ko alam sa kanila kung may ibig sabihin no’n. ngunit iba ang dating ng tingin nila. May kahulugan at di ko alam kung kailangan kong magpaliwanag.
No comments:
Post a Comment