Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Tuesday, February 24, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 9

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta
Lumabas ng classroom si Jino pagkatapos niya kaming tinitigan ni Lexi. Masakit ang tinging iniwan niya sa amin. Tumayo din si Lexi at iniwan doon ang ibinigay kong chocolate at red rose. Naiwan ako. Palakpakan pa din ang aking mga kaklase na may halong hiyawan. Humihirit ng isa pa daw na kanta. Nilingon ko ang dalawang bestfriend kong lumabas sa pintuan ng aming classroom. Mabilis na kumilos ang paa kong sumunod sa kanila.
“Lexi, wait!” sigaw ko.
Hindi siya lumingon. Hinahabol niya si Jino at ako ay humahabol din kay Lexi. Sa mga sandaling iyon, walang humahabol sa akin. Walang nagsasabing kailangan kong panindigan ang gusto ko.
Nakatingin sa amin ang ibang mga mag-aaral ngunit wala akong pakialam. Kailangan kong makausap si Lexi. Kailangan kong malaman kung ano ang kaniyang saloobin sa ginawa kong iyon. Gusto kong magpaliwanag. Nasimulan ko na at kung sakaling mali ang hinala kong mahal niya ako, manatili man lang siya sa akin bilang kaibigan.
Nang maabutan ko siya ay hinawakan ko ang braso niya.
“Wait! Please Lex, mag-usap naman tayo.” Alam kong sa mga sandaling iyon ay nakikiusap ang mga mata ko sa kaniya. Humingi lang ako ng kahit ilang sandali.
Tumingin siya sa papalayo sa aming si Jino.
“Kailangan kong kausapin ang pinsan ko, Boy.”
“Para saan, bakit kailangan mo sa kaniyang magpaliwanag?” tanong ko.
Bago lumiko si Jino ay tumigil siya. Nakita kong nakita niya akong hawak ko ang braso ni Lexi. Nakatingin din kaming pareho ni Lexi sa kaniya hanggang sa tuluyan na siyang nawala.
“Okey, here’s a deal, after we talk, kailangan mong kausapin din si Jino. Makikinig ako sa sasabihin mo sa akin, sasagutin ko kung may gusto kang itanong.”
“Thanks.” Sagot ko. “Doon na lang tayo mag-usap”
Itinuro ko ang isang puno na napapaikutan ng sementong ginawa ding upuan naming mga istudiyante. Tahimik naming tinungo iyon. Nauna siyang umupo. Tumabi ako sa kaniya. Humugot ako ng malalim na hininga para mas madali sa aking mailabas ang gusto kong sabihin ngunit hindi ko alam kung paano simulan na hindi siya nagtatanong. Nauunahan na naman ako ng hiya. Muli kong naranasan yung hiyang may halong takot. Pakiramdam ko nanunuyo ang lalamunan ko. Lumingon ako sa kaniya.
“Akala ko ba gusto mo akong kausapin?” tanong niya.
“Tungkol sana sa nangyari kanina.” Pagsisimula ko.
“Exactly, iyan din ang gusto kong pag-usapan natin.”tumingin siya sa mga kuko niya. parang may kung ano siyang binabasa doon. Ilang sandali pa ay tumingin siya sa akin. “Ano ‘yun Boy? Bakit may gano’n?”
Yumuko ako. Sinapo ko ang aking ulo. Kailangan ko nang panindigan.

“Mahal kita Lex. I’m sorry, pero mahal kita.” Panakaw ko siyang tinitigan.
“Mahal mo ako?” namula ang kaniyang mga mata hanggang sa dahan-dahang tumulo ang kaniyang luha. “Tama bang naririnig ko sa’yo Boy?”
“Oo, mahal kita.”
“Anong nangyari sa deal natin? Ikaw mismo ang nagsabi no’n di ba?”
Katahimikan. Hindi ko alam kung paano babawiin.
“Seryoso ba ‘yun? Akala ko kasi…”
“Akala mo ano? Akala mo naglolokohan lang tayo no’n? Sana sinabi mo kung kailan ka nakikipaglokohan at kailan seryosohan ang usapan. Tama ka naman e, ngayong sinira mo ang deal natin na iyon, hindi ba nasisira nito yung dapat ay maayos na pagkakaibigan natin?”
“So, paano, lolokohin ko na lang ang sarili ko gano’n? Dahil lang sa kalokohang deal na iyon ay hindi na ako dapat magsabi kung anong nararamdaman ko?” garalgal ang boses ko.
“Wow? Kung kalokohan lang sa’yo iyon noon, kami ni Jino hindi, Boy. Ngayon, sabihin mo sa akin kung paano ko mapniniwalaan ang sinasabi mo ngayon at hindi lang kalokohan na naman ang lahat ng ito?”
“Wala akong maisip na iba no’n e. Saka malay ko bang mamamahalin kita ng ganito?”
“Hindi ka naman pala sigurado e, bakit iyon ang sinabi mo?”
“Hindi naman dapat iyon sana para sa’yo e.”
“Hindi para sa akin? Para kanino.”
“Para kay…” natigilan ako. gaano ako kasiguradong tama ang hinala ko. “Wala, kalimutan mo na lang yung nasabi ko.”
“Sige, sasabihin nating maging tayo, sa tingin mo ba hindi din iyon ikasisira ng pagkakaibigan nating tatlo? Noong sinabi mo iyon, hindi ko alam kung dapat bang matuwa ako o masaktan pero nang naglaon, sabi ko, tama lang yung deal na sinabi mo. Dahil iyon ang panghahawakan ko para hindi na ako makasakit pa. Sana Boy, pinanindigan mo na lang. Hindi kasi talaga puwede.”
“Bakit hindi puwede? Lalaki ako, babae ka. Wala ka pa namang boyfriend, hindi ba?”
“Boy, paano mo nasasabi ang mga bagay na ‘yan sa edad natin?”
“Anong tingin mo sa akin, bata lang? In two months time, sa May, 14 na ako Lex. March na ngayon. Sa tingin mo ba hindi ko pa din alam ang sinasabi ko? Sa tingin mo ba wala pa din pakiramdam ito?” Itinapat ko ang kamao ko sa kung saan ang puso ko.
“Sige, nandoon na tayo pero di ba dapat i-enjoy nalang natin yung pagkakaibigan natin? Di ba puwedeng hanggang doon na lang tayo kasi sa lahat ng ayaw ko ang makasakit ako o ako ang masasaktan. Masaya akong dumating ka sa buhay namin ni Jino ngunit ayaw kong may masasaktan ako kung susundin ko lang ang gusto ko.” kinuha niya ang facila tissue sa bulsa ng uniform niya. Inilapat niya iyon sa gilid ng kaniyang mga mata.
“Susundin ang gusto mo? Anong ibig mong sabihin do’n? Gusto mo din ba ako, Lex?”
“Wala akong sinasabing gano’n. Naaalala ko tuloy yung sinabi sa akin ni Mommy. Kapag nagmahal ka daw, dapat mas buksan ang paningin sa kung sino ang masasagasaan at masasaktan mo. Hindi dahil nagmahal ka ay may karapatan ka na ding manakit ng iba. Totoo yun Boy, ayaw kong makasakit. Ayaw kong mas magiging mahirap sa akin ang lahat at mandadamay pa ako ng iba para saktan. Tama na Boy. Huwag na lang natin itong ipilit.” Humihikbi na siya. May kung ano siyang matinding pinaghuhugutan.
“Matanong nga kita Lex, mahal mo din ba ako?”
“Bakit mo ba pilit tinatanong ‘yan?”
“Para alam ko kung may ipinaglalaban ba ako dito.”
Huminga siya ng malalim. Tumingin siya sa akin saka siya yumuko. Muli niyang pinunasan ang luha niya.
Hinawakan ko ang kamay niya ngunit mabilis niya iyong hinila.
“May nararamdaman ka din ba sa akin?” tanong ko.
Hinawakan ko ang baba niya para itaas ang kaniyang mukha.
“Huwag mo na lang akong tanungin, please?”
“Simple lang naman yung tanong ko e, bakit ang hirap mong sagutin.”
“Simple? Para sa’yo, oo simple lang ang lahat. Simple lang naman kasing sabihin na oo, mahal kita, o kaya, sorry pero hindi kita mahal ngunit naisip mo ba kung ano ang puwedeng mangyari at kung saan pupuwedeng hahantong yung simpleng sagot ko. Boy, damdamin yung pinag-uusapan natin dito. Responsibilidad sa tao. Hindi naman ito katulad lang ng deal natin noon na kapag sirain mo yung usapan e, gano’n na lang kadali iyon. Siguro gano’n ka lang kasimple mag-isip. Para sa’yo kasi napakadali lang pumasok sa mga bagay na hindi na muna pinag-iisipan.” Humikbi siya na parang hirap na hirap ang kaniyang kaloobang ilabas ang talagang gusto niyang sabihin.
“Bakit kailangan kasing maging kumplikado. Hindi naman tayo mag-aasawa na kaagad kapag sinagot mo ako ah.”
“Hindi Boy.”
“Anong hindi?”
“Hindi puwede, ke mahal man kita o hindi, sa tingin ko hindi na mahalaga pang sabihin kung ano ang niloloob ko. Gusto kong manatili kang matalik na kabigan namin ni Jino.” May paninindigan ang tinuran niyang iyon, pati kung paano niya iyon sinabi sa akin.
“May kinalaman ba si Jino dito kaya ayaw mo akong sagutin? Siya ba ang pumipigil sa’yo para aminin kung ano talaga ang nararamdaman mo?”
Yumuko siya.
“Hindi mo ako naiintindihan e.” Pinunasan niya muli ang luha gamit ang kinuyom na niya kaninang facial tissue.
“Paano kita maiintindihan kung hindi mo sinasabi sa akin ang dapat kong intindihin? Siya ba ang pinagtatakpan mo dito? Kaya hindi mo ako masagot ng diretso dahil kay Jino?”
“Bahala sa kung anong gusto mong isipin pero ito lang ang masasabi ko sa’yo Boy, sana tanggapin mong hindi lahat ng gusto mo ay puwede. Maaring makuha mo ang gusto mo ngunit iyon din lang pala ang sisira sa’yo. Ayaw kong pasukin ang isang bagay na sa una palang alam kong nang hindi puwede at sa huli ay makakasakit lang ako. Sa ginawa mo ngayon Boy, alam kong hindi mo man sinasadya ngunit pinahihirapan mo ako. Ayaw kong dumating yung ganitong pagkakataon e. Ito yung kinatatakutan kong mangyari. Ito yung gusto ko sanang iwasan noon pa.” yumuko siya. Inilagay niya ang kaniyang dalawang palad sa mukha.
“Hindi mo ako masagot kung mahal mo ako o hindi, ayaw mo ding sabihin sa akin kung may kinalaman ba dito si Jino o wala. Alam mo ba kung gaano ka kalabong kausap?” naibulalas ko na ang sama ng loob ko.
“Malabong kausap? Sino ba dito ang malabong kaibigan? Kung totoong kaibigan mo ako at ang pinsan ko, bakit kaya mong magsimula ng ganitong gulo. Bakit mo kami sinasaktan?”
“Paano ko kayo sinaktan? Bakit ba laging napapasok si Jino sa usapang ito e, kaibigan ko lang siya at hanggang do’n lang kami dahil pareho kaming lalaki. Ikaw ang nililigawan ko, ikaw ang kausap ko. Bakit siya ang lagi mong ipinapasok sa usapan natin? Iyon ang di ko maintindihan e.”
“Hindi mo maintindihan?” Umiling-iling siya. Tumingin siya sa akin na parang binabasa niya ang kung anong emosyon ang naroon. “Paano mo maiintindihan e wala kang alam. O kaya sadyang manhid ka lang. God! Ito yung ayaw ko Boy. Yung nagtatalo tayo sa bagay na hindi mo lubos maintindihan. Marami kang hindi alam sa aming dalawa ni Jino kasi siguro iniisip mo lang ang gusto mong isipin. Kulang ka ne’to!” itinuro niya ang dibdib ko. “Wala ka ne’to!” idiniin niya ang hituturo niya sa tapat ng puso ko. “Ayaw ko ng ganito e. Gusto ko sanang maibalik yung samahan nating tatlo, yung walang nasasaktan, yung wala akong iniisip na ganitong suliranin. Alam kong alam mo ang nararamdaman ko sa’yo Boy kaya mo ako pinipilit na sabihin ang totoo ngunit anong halaga ng lahat ng iyon para malaman mo pa gayong alam kong mauuwi din lang ang lahat sa… O my God! Ito na po yung ayaw kong mangyari sa ating tatlo.” At tuluyan na siyang humagulgol.
Napalunok ako. “Ang gulo…ano ba!” kinamot ko ang ulo ko.
“Wala na tayong pag-usapan pa Boy ngunit sana kausapin mo si Jino dahil alam kong ikaw lang ang makakapag-ayos sa ating tatlo. Ikaw lang ang alam kong aayos sa gulong sinimulan mo.” Tumayo na siya.
“Salamat. Pero sana bigyan mo ako ng sapat na panahon na patunayan na mahal kita. Iyon lang ang hinihiling ko. Sapat na panahon.”
“Huwag na lang ako, Boy. Madami pang iba diyan na mas deserving sa sinasabi mong pagmamahal mo sa akin.” Tumalikod na siya. Nagsimulang humakbang palayo sa akin.
“Kapag lumingon ka, akin ka.” Bulong ko sa aking sarili. Iyon ay gusto ko lang makakuha ng isang sign. Sign na may katuturan ang ginagawa ko. Ngunit buo ang loob ko, lilingon man siya o hindi, ipagpapatuloy ko na ang nasimulan ko.
“Bumalik ka na muna sa classroom. Magreview ka para sa mga nalalabi pa nating subjects dahil sigurado ako, iibahin na naman ang ating seatting arrangement.” Iyon ang nasabi niya pagkalingon niya.
“Yes!” napalakas ang pagkakasabi ko niyon at napasuntok pa ako sa hangin.
Hindi lang kasi lingon ang ginawa niya. Humarap pa siya sa akin at nagsalita. May pag-asa ako. Hindi ko na ito maari pang isuko.
Tumaas ang kilay ni Lexi nang makita ang reaction ko sa kaniyang sinabi.
“Weird!”
“Thanks!” sagot ko.
Siguro nga kailangan naming magkaliwanagan ni Jino. Kailangan kong malaman sa kaniya kung bakit ganoon ang sinabi ni Lexi sa akin. Gusto kong malaman sa kaniya kung may kinalaman ba siya dito. Kailangan na naming magkaliwanagan.
Tumayo ako. Hindi ko alam kung saan ko pupuntahan si Jino. Isang oras na lang magsisimula na ang examination namin. Kagabi nagreview na ako saka PE, Filipino at Technology and Home Economics na lang naman. Mga subjects na hindi ko na kailangan ng madugong pagrerepaso. Saka sa PE kahit nga hindi na ako mag-exam paniguradong ipapasa na ako ni Coach. Kami lang ni Philip ang varsity sa basketball sa klase namin.
Sinubukan kong sundan si Jino sa direksiyong tinungo niya kanina ngunit iba ang nakakasalubong ko. Si Philip. Kasama ng kaniyang mga barkada na nasa higher years. Tumalikod ako. Kailangan ko pa din siyang iwasan hindi dahil takot ako sa kaniya kundi kung sakaling may nakapagsabi na sa kaniya sa nangyari kanina ay paniguradong kakausapin niya ako. Wala ako sa mood makipagtalo.
“Romel! Sandali lang tol! Usap nga tayo!” tawag niya sa akin.
Nagkunyarian akong hindi ko siya narinig.
“Hoy! Romel ano ba!” pang-uulit niya.
Huminto ako.
Huminga ako ng malalim.
Hinintay ko siyang makalapit sa akin. Nagtuluy-tuloy sa paglalakad ang mga barkada niyang nagtatawanan nang dumaan sila sa amin.
Diretso ang tingin niya sa akin. Hindi ako nagpatalo. Mas matangkad talaga siya sa akin, may ayos ang tindig at pangangatawan. Napaatras ako dahil panay lang ang pag-abante niya na para bang gusto niya akong banggain. Hanggang sa napasandal ako sa pader ng isang classroom. Itinukod niya ang dalawa niyang kamay sa gilid ng magkabilaan kong balikat. Wala akong kawala.
“Astig ka na ha! Kinakalaban mo na ba ako?” nanatiling nakatitig siya sa akin.
Hindi ako nagpakita ng takot.
“Hindi ka na nga takot ah! Pasalamat ka ayaw ko nang pumatol pa ng kagaya mo lang. Pero kung ipagpapatuloy mo ang panliligaw mo kay Lexi, hindi ako manghihinayang ng panahong patulan ka.”
“Wala akong planong itigil iyon, Phil. Kahit anong gawin mo sa akin.” matatag kong tinuran.
“Talaga?” biglang nagrehistro ang galit sa kaniyang mukha. “E, kung ito ang ipapatikim ko sa’yo!” itinaas niya ang nakakuyom niyang kamao.
Napapikit ako. Kinabahan. Basag ang mukha ko ne’to.
Ngunit walang suntok ang tumama sa aking mukha.
“Sinasaktan mo ba ang bata ko ha, Zaragoza!” boses iyon ng third year na barkada ko. Kasamahan ko siya sa Tennis. Si Kuya Jello. Malaki ang katawan nito. Kinatatakutan. Siga at maraming istudiyante ang tumitiklop sa kaniya. Hindi ko alam kung anong meron siya pero iba ang dating niya sa mga kagaya kong istudiyante.
“Ano bang pinagtatalunan ninyong problema ha!” tanong niya bago binitiwan ang braso ni Philip.
“Nanunulot ‘to, e, alam niyang pinopormahan ko na, nagkukunyari pa siyang bestfriend kuno tapos liligawan din lang pala.” Salubong ang kilay niyang sinasabi iyon. Titig na titig sa akin.
“Girlfriend mo na ba yung sinasabi mong sinusulot niya?” tanong ni Kuya Jello.
“Hindi pa naman.”
“Oh, hindi pa naman pala, e! Bakit hindi na lang ninyo daanin sa usapan o kaya pustahan ‘yan, hindi yung ganyang nagbabasagan pa kayo ng mukha.”
“Pustahan? Puwede!” ngumiti siya. “Magandang idea. Ano tol, pagpustahan na lang natin ‘to.”
“Paanong pustahan?” tanong ko.
“Sa basketball. Kung mananalo ako, itigil mo na ang panliligaw kay Lexi pero kung matalo mo ako, pabayaan ko na kayo. Ano sa tingin mo, deal?” malakas niyang sinabi iyon sa akin.
Napaisip ko. Magaling din maglaro si Philip. Hindi pa kami nagkakaharap pero alam kong mahihirapan akong talunin siya dahil mas matangkad siya sa akin. Mas madali niyang makuha ang bola.
“Deal!” lakas loob na sagot ko. “Kung matalo kita, akin si Lexi.”
“Kung matalo mo ako! ha ha!” tawa niya.
Tinapik niya ang balikat ko.
“O, paano Santiago at Zaragoza, bukas ng umaga sa gym? Manood kami ng ibang tropa.” Si Kuya Jello.
“Okey sa akin ‘yan. Sige, bukas magtutuos tayo nang matapos ito sa usapang lalaki! Ano ha, siguraduhin mong nando’n ka!”
“Oo hindi kita aatrasan. Nandon ako para sa pustahan natin.”
Nang umalis sina Kuya Jello at Philip sa harap ko ay nakita ko si Jino.
Hinabol ko siya ngunit bigla siyang nawala sa kumpulan ng mga palabas na istudiyante. Minabuti kong bumalik sa classroom. Abala ang lahat sa pagrereview. Wala pa sina Jino at Lexi sa kanilang upuan. Pangisi-ngisi si Philip nang dumaan ako sa harap niya. Wala din si Miggy sa puwesto nito. Minabuti kong magreview na din muna habang hinihintay ang mga kaibigan ko.
Pagdating ng aming teacher ay magkakasabay din ang tatlong pumasok. Namumula ang mga mata ni Jino. Umupo si Jino sa upuan ni Miggy at iniabot nito ang bag ni Miggy. Inilagay ni Miggy ang bag niya sa tabi ko at kinuha niya ang bag ni Jino at ibinigay din nito sa kaniya. Nakita kong lumapit si Lexi sa kaklase naming si Jheck. May pinag-usapan sila sandali at kung ano ang ginawa kanina ni Miggy ay iyon din ang ginawa ni Jheck. Noon alam ko na, nagsisimula na ngang lumalayo ang bestfriend ko sa akin. Kasalanan pala ang magmahal at magpakatotoo? Huminga ako ng malalim. Nakatingin ako sa kanilang dalawa. Naghihintay na masulayapan man lang nila ako ngunit sadyang hindi iyon nangyari. Pinakawalan ko ang parang kung anong mabigat sa aking dibdib sa pamamagitan ng paghinga ng malalim.
Tinapik ni Miggy ang likod ko.
“Okey lang ‘yan bro. Lilipas din ‘yan. Intindihin mo na muna sila.”
Tumango-tango at tinugunan ko siya ng isang pilit na ngiti.
Naunang natapos sa exam ang dalawa. Hindi ko naman puwedeng madaliin ang pagsagot ko para sana bago matapos ang araw na ito ay maliwanagan ako sa kung bakit nagkakaganun si Jino. Pagkatapos kong mag-exam ay nakauwi na sila. Nabigo akong makausap si Jino.
Kinagabihan ay sinubukan ko silang i-text at tawagan ngunit wala sa kanila ang nagreply o sumagot. Unang pagkakataong hindi ako mapakali. Noon ko lang naranasang mag-isip ng mag-isip ng mag-isip. Hindi makatulog. Pabaling-baling sa higaan. Gusto ko mang pagsisihan ang ginawa ko pero nandito na ako. kailangan ko nang panindigan. Kahit wala akong naririnig na tunog ng text o kaya ay tawag ay para lang akong tangang tingin ng tingin sa iphone ko. Umaasa na isa sa kanila ang magreply. Namimiss ko ang text nila, yung simpleng pagtatanong kung ano ang ginagawa ko, kung kamain na ba ako. Kahit mga korni nilang banat o forwarded text quotes. Umaasa din ako na isa sa kanila ang makapagtext man lang ng goodnight. Ngunit pasado alas dose ay sumuko na ako sa kahihintay na isa sa kanila ang magreply. Pati sa facebook wala ding nag-oonline, walang bagong status. Unang pagkakataong napuyat ako na nakahiga lang ako sa kama. Tumitingin sa kawalan. Ang hirap, ambigat pala sa dibdib.
Kinabukasan dahil tapos na lahat ang exam namin ay mas maluwang na ang oras para harapin si Jino ngunit minabuti ko na munang tapusin ang pustahan namin ni Philip. Wala pa din naman sila ni Lexi sa classroom naming nang dumating ako.
Dumiretso muna ako sa locker ko sa gym at nagpalit. Nang naka-jersey na ako ay saka naman dumating ang maangas na si Philip.
“Ano tol, may the best man wins! Usapang lalaki ito ha!” kindat niya habang naghuhubad siya ng kaniyang damit.
Halata sa hitsura niyang kumpiyansa siyang maipapanalo niya ang laro namin.
“Deal tol. Lalaki din akong kausap.” Sagot ko.
Pagpunta ko sa basketball court ay naroon na si Kuya Jello at ang iba pa niyang katropa. Ilan doon ay tropa din ni Philip. Nagtatawanan sila. Sila man ay nagpustahan din ng pera sa laban namin ni Philip.
“Romel, pucha! Galingan mo ha! Sa’yo ako pupusta!” sigaw ni Kuya Jello. Kumindat ito sa akin.
Sinaluduhan ko siya. Para tuloy kaming mga manok lang ni Philip na pinagsasabong. Kung sa kanila, simpleng laro lang ang lahat. Hindi ganoon ang tingin ko doon, kinabukasan ko ang inilalaban ko. Pagmamahal at pagbabago ang nakataya dito. Gusto kong maging iba sa tinahak nina Daddy. Gusto kong mabago ang kuwento ng buhay ko.
Nagsimula ang aming laro. Unang makapuntos ng 15 iyon na ang panalo. Bawat pasok ng bola, Isang puntos lang kahit saang anggulo mo ito itinira. Ang pinaglalabanan kasi ay kung ilang beses na pumasok ang bawat tira mo. Bilisan sa pag-agaw ng bola, bilisan din ang diskarte kung paano mo ito mai-shoot kapag mabibigyan ka ng pagkakataon.
Sa mga unang tira ni Philip laging pasok. Kapag tumitira ako, laging nasusupalpalan. Sa taas ng talon niya at tangkad halatang tagilid ako sa kaniya. Lamang na siya sa akin ng limang puntos. Tagaktak na ang pawis naming dalawa. Kasalukuyang puntos 11 sa kaniya 6 lang ako. Matindi yung hangarin kong manalo kaya kahit sa kawalang pag-asa ay lumalaban pa din ako. Nakita kong pailing-iling na si Kuya Jello. Hindi kasi ako nabibigyan ng pagkakataong tumira ng mahusay dahil guwardiyado niya ako lagi. Binigyan kami ng tatlong minuto para magpahinga, uminom ng tubig at magpunas ng pawis.
Hinubad ko ang damit ko. Huminga ng malalim. Naalala ko ang laging sinasabi ni Papa Patrick at Papa Zanjo sa akin sa tuwing naglalaro kami, kailangan kong alamin ang weakness at strength ng kalaban para alam ko kung saan ko siya tatalunin. Muli kong ibinalik sa aking isip kung bakit nga ba niya ako nauungusan. Mahusay siya sa layup at dunk, akin ang jump shot at hook shot. Huminga ako ng malalim. Kailangan ko ng diskarte. Hindi uubra ang liksi ko lang sa paglalaro. Kailangan kong pag-isipan kong paano ko siya matatalo.
Itinukod ko ang kamay ko sa aking tuhod habang nagpapahinga. Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib. Hanggang sa nakita ko ang pagdaan nina Lexi at Jino na nakatingin sa akin. Napalunok ako. Sigawan ang ibang naroon na alam ang aming pinagpupustahan. Tawanan sila. Medyo iba ang dating sa akin ngunit wala naman akong magawa. Narinig nga kaya ni Jino ang usapan naming kaya nandito sila para kumpirmahin kung natuloy ang usapan kahapon? Masakit ang tingin ni Lexi sa akin bago nila tinungo ang exit ng gym. Gusto ko man siyang habulin ngunit kailangan kong tapusin ang laban. Kailangan ko muna siyang ipanalo.
“Sige na, tuloy na natin.” Si Kuya Jello.
“Wala mahina ang kalaban, mukhang hindi na makakahabol pa eh! Di ka pa ba susuko tol?” pang-aasar ni Philip.
Nakipag-apir pa siya sa mga barkada niyang nando’n. Biglang pumasok sa isip ko si Jino at Lexi. Sila ang madalas nagchi-cheer para sa akin. Sila ang nagpapalakas ng loob ko sa tuwing tagilid ang team ko. Binubuhay nila ang nasisira kong spirit kapag nauungusan na kami ng kalaban. Bigla akong tinamaan ng lungkot.
“Ano Romel, sayang yung pusta ko oh! Bigyan mo naman ako ng magandang laban, aba! Sinusupalpalan ka lagi e!” nakangisi si Kuya Jello.
Huminga ako ng malalim. Lalong sinasaid ng sinasabi at inaasta niya yung natitirang tiwala ko sa aking sarili. Pinanghihinaan na ako ng loob ngunit kailangan kong ipanalo ito. Kailangan ko si Lexi.
Sa akin ang bola.
Kailangan kong makahanap ng space palayo sa kaniya at nang nabigyan niya ako ng pagkakataon ay saka ko iyon itinira.
Pasok!
Score: 7 ako 11 siya.
Sa kaniya ang bola.
Kailangan kong manatili sa harap niya kapag ginuguwardiyahan ko siya kaysa pupuwesto sa likod. Mas maliksi kasi akong kumilos at maaring makuha ko ang bola sa kaniya habang kaharap siya. Hindi nga ako nagkamali. Nagkamali lang siya ng pagdribble at mabilis kong nakuha iyon kasabay ng pagbuwelta ko at tinira ito ng jump shot!
Ringless!
Score: 8 versus 11
Nagkakaroon na ako ng kumpiyansa sa aking sarili.
Hanggang sa dumating sa score na 11 ako at 13 siya. Dahil mas matangkad siya sa akin kaya hindi ko siya kayang tapatan sa lundagan kapag nagrerebound kami. Palagi niyang nakukuha ang bola. Dahil alam kong ititira at ititira niya ang bola at wala akong kakayahang harangin ang bola kaya naisip kong kamay ko ang ihaharang ko sa paningin niya para mas mahihirapan siyang makita ang basket. Hindi ako nagkamali. Nang itira niya sana ang pang 14 niyang shoot ay mintis.
Akin ang bola.
Nagdribble ako. Sinubukang i-layup ang tira ko ngunit naharangan niya iyon. Nakuha niya ang bola sa akin. Pinanghinayangan ako.
Itinira niya.
Dunk shot!
Pasok!
Score: 14 versus 11. Isang-isang shoot na lang niya, wala na akong pag-asa pang maituloy ang panliligaw ko kay Lexi. Nagkakasiyahan na ang mga pumusta sa kaniya. Tahimik at mukhang talunan na ang kaisa-isang pumusta sa akin. Nakaupo na si Kuya Jello at hinahaplos-haplos ang baba niya. Halata sa mukhang wala na kaming pag-asa. Nawala na ang kumpiyansa niya sa akin.
Nasa akin na ang bola.
Mas nagiging kampante siya ngayon. Hindi na siya gaanong mahigpit sa pagbabantay sa akin. Nang nabigyan ako ng pagkakataon ay tinira ko ang bola, hook shot.
Pasok!
Score: 14 versus 12. Dalawa pa ang hahabulin ko, isang shoot na lang niya, wala na akong karapatang ligawan pa si Lexi. Parang ipamimigay ko na lang ng ganoon kay Philip. Hindi puwede. Hindi ako makapapayag.
Kanina ko pa napansin kung saan siya madalas nakakashoot. Dahil sa kanya muli ang bola, uunahan ko na siya sa pupuwestuhan niya. Bago siya makapuwesto kung saan siya sanay tumira ng bola ay naroon na ako para harangan siya. Sa ganoong paraan, masisira ang nakasanayan niyang pagtira ng bola.
Ngunit akala ko, hindi siya titira kahit wala siya sa talagang puwesto niya. Palakpakan ang lahat ng pumaimbulog ang bola. Tiwalang tapos na ang laban. Umikot-ikot ito sa ring hanggang sa lumabas ito.
“Ohhhh Fuck!” Dismayado ang lahat.
Malapit sa akin bumagsak ang bola. Huli na para makipag-rebound siya. Sinalubong ko ito ng talon saka ko pinakawalan.
Pasok!
Score: 14 versus 13.
Nakasilip na ako ng pag-asa. Kayang kaya pa.
Lalong naging mahigpit ang agawan ng bola. Tumira siya nang mahawakan niya ang bola, dumadagundong ang ingay ng mga naniniwala na siya na ang mananalo.
Mintis.
Nang makuha ko ang bola ay guwardiyado na niya ako. Hirap na akong pumuslit na itira ang bola. Ngunit niliksihan ko ang kilos ko. Doon ko siya puwedeng malito. Nang nahuli siya sa kababantay sa akin at nagkaroon ng pagkakataong mai-jump shot ko ang bola ay muling lumakas ang kantiyaw. Di ko pa din nakukuha ang kanilang tiwala. Lalo na nang lumundag ang bola sa ring at dismayado sila nang bumaba ito mismo sa gitna din ng ring.
Napasigaw na si Kuya Jello. “Hayan magandang laban, parehong 14!” Tumayo na siya. Nakita kong nabuhayan.
Nagsitayuan na din ang mga nanonood sa amin. Naghihintay kung sino sa amin ang mananalo. Nawala na yung kanina ay ngiti ni Philip sa labi. Mas nagiging seryoso. Mas palaban. Tulad ng kailangan kong gawin. Unahan siyang pumuwesto sa comfort zone niya. Siya ang unang tumira ng bola. Palakpakan ang lahat. Suwabe ang pagkakabitaw niya.
Paniguradong pasok.
Tumama sa mismong ring. Umangat ng bahagya. Umaasa ang lahat na pagbagsak nito ay pasok na ngunit pagbagsak nito ay muling tumama sa ring hanggang sa tuluyan na itong lumabas.
Rebound kami sa taas nakuha niya ang bola at muli niyang itinira.
“Fuck! Malas naman!” singhal ni Philip nang di pa din ito pumasok.
Nakuha ko ang bola.
Dribble palayo. Guwardiyado niya ako. Ngayon ko higit na kailangan ang killer three point shot ko. Kahit hindi iyon magiging three points ang bilang ngunit ang mahalaga ay mas maluwang akong titira, mas madali sa aking gawin ang high-arcing floater shoot. Alam niyang mahihirapan ako at wala akong kakayahang gawin iyon. Naging open siya sa pagguwardiya niya sa akin nang palayo na ako sa mismong ring. Kahit may kalayuan ay tinira ko pa din ang bola. Lahat nakatingin sa mahabang paglalakbay nito papunta sa ring. Pigil ang kanilang paghinga. Unti-unting lumapit ito sa ring.
Swak ang bola!
Kasunod iyon ng pagtakbo ni Kuya Jello para lapitan ako.
“Galing bata ah! Oh ano ngayon Philip! Sabi sa’yo eh! May potential ito di ba? Ano puwede na!” nakangising pagbibida ni Kuya Jello. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari ngunit masaya ako sa naging resulta ng laban namin.
Yumuko ako. Itinukod ko muli ang kamay sa tuhod at hinahabol ang hininga. Sobrang saya lang ng pakiramdam ko. Iba yung pakiramdam na naipanalo ko si Lexi. Sa wakas wala na ang isa pang hadlang para maligawan ko siya.
Nakapamaywang si Philip na humarap sa akin.
Umiling-iling.
Parang hindi makapaniwalang natalo ko siya.
Itinaas niya ang laylayan ng kaniyang jersey at pinunasan ang mukha.
“Congrats tol! Nadale mo!” sii Philip.
Nakangiti sa akin. Nakalahad ang kaniyang palad para kamayan ako.
Nakakapanibago?
“Thank you, tol! Tsamba lang!” sagot ko habang naalangan kong tinanggap ang pakikipagkamay niya.
“You just earned my respect! Galing. Congrats and good luck kahit medyo parang hirap ko pang tanggapin na gano’n lang kadaling ibinigay ko yung karapatan kong ligawan ang kaisa-isa kong gusto sa campus natin.” Pagpapatuloy niya. Iling pa din ng iling.
“Philip, deal is deal. Ibigay mo na kay bata ‘yun. Dami pang maganda sa campus. Clear?” Tinapik ni Kuya Jello ang balikat ni Philip.
Tumango si Philip.
Nabunutuan ako ng ilang tinik sa dibdib.
“Oh pa’no mga bata, settled na’to ha? Wala ng away. O, kayo, akin na ang pusta. Pumila na para makolekta ko na ang pera ko. Wala kayong tiwala sa bata ko ah! Oh ano ngayon di talo kayo!” pagmamalaki ni Kuya Jello.
Isa na lang ang kailangan kong harapin si Jino.
Nagpalit muna ako. Sumunod si Philip. Nakikipagbiruan na siya sa akin. Ibang Philip na ang kaharap ko. Wala na siyang kahit anong inhibition kahit halos hubo’t hubad na siya na nakikipagkuwentuhan sa akin. Hindi mahirap mahalin ng kahit sinong babae ang katulad niya. Guwapo na halatang may lahing ‘Kano. Muli niya akong kinamayan nang nagpaalam na ako sa kaniya para hanapin si Jino.
Wala si Jino sa loob ng classroom namin. Wala din si Lexi, si Jheck at si Miggy. Sila kaya ang magkakasama? Pumunta ako sa canteen. Kanina pa ako nakaramdam ng gutom e. Naabutan ko nga sila doon. Masayang nagkukuwento si Miggy at Jheck. Alam kong hindi buo ang saya sa mukha ng dalawang bestfriends ko. Kilala ko sila kung kailan sila totoong masaya. Panay ang tingin ko sa kanila. Gusto kong sumali sa table nila ngunit pang-apatan lang iyon. Minabuti kong maghanap ng ibang mauupuan. Habang kumakain ako ay panay ang tingin ko sa kanila. Nakakapanibago lang na parang outcast na ako. Na kahit sulyapan ako ay hindi na nila magawa. Masakit, mahirap ngunit tanggap kong kailangan kong pagdaanan iyon.
Matagal na akong tapos kumain ngunit hindi pa sila tumatayo sa kanilang upuan. Kailangan kong manindigan sa usapan namin ni Lexi. Kakausapin ko si Jino. Hanggang sa nakita kong nagpaalam ang dalawang babae. Tumayo na din sina Miggy at Jino. Iyon na ang hudyat. Sinundan ko ang dalawang lalaki.
“Jino, puwede bang mag-usap tayo?” nanginginig ang boses ko.
Sumabay ako sa mabilis nilang paglalakad. Hindi siya sumagot.
“Miggy, bro, puwede iwan mo muna kami? May pag-uusapan lang kami.” Pakiusap ko kay Miggy.
“Sige bro, sa classroom na lang ako.” humiwalay si Miggy pagkatapos niyang tapikin ang balikat ni Jino at kindatan ako.
Mas bumilis ang paglalakad ni Jino kaya hindi ko na napigilang hawakan siya sa balikat niya para patigilin.
Hinarap niya ako.
“Bakit mo ako gustong kausapin?” namumula ang paligid ng kaniyang mata.
“Wala, naguguluhan kasi ako kung anong dahilan at nagkakaganyan ka.” Pabulong na sagot ko.
“So, hindi mo alam? Wala kang alam?” Nagpatuloy siya sa paglalakad.
Sinabayan ko siya.
“Kaya nga gusto kong magkaliwanagan tayo e.”
Hindi siya sumagot. Tinungo niya ang isang building. Sumabay lang ako. Ipinihit niya ang seradura ng Student Body Organization Office. Bukas iyon.
Tahimik. Mukhang walang tao. Pagkapasok namin ay isinara niya din ang pintuan. Nagtungo kami sa isang cubicle na inuupuan ng katulad niyang officer ng campus.
Katahimikan. Madalas kaming nagkakasulyapan ngunit walang gustong magsimula. Hanggang sa ako na din mismo ang unang nagsalita.
“Bakit ka ba nagkakaganyan?” tanong ko.
Tinitigan niya ako.
Kinagat niya ang labi niya.
“Gusto mong marinig ang totoo?”
“Kaya nga ako nagtatanong para malaman kung saan nanggagaling yung pinagkakaganyan mo.” Pinatunog ko ang mga daliri ko.
“Boy, sa tuwing umaakbay ako sa’yo at tinatanggal mo, sa tuwing nilalapitan kita at pasimpleng umiiwas ka sa akin, sa tuwing nagtetext ako, tumatawag o kaya nagmemessage sa facebook mo at pinagmumukha mo akong tanga, sa tuwing ibinibigay ko ang lahat ng panahon ko para i-assist kita at binabalewala mo lang ako, akala mo ba hindi ako nasasaktan?”
Napalunok ako. Huminga ng malalim kasi kita ko sa mukha niya kung paano siya nahihirapan.
“Sa akala mo ba madali sa aking pagdaanan ang lahat ng iyon? Boy, kahit kaibigan lang, kahit iyon lang ang ipadama mo din sa akin pero habang tumatagal kasi lalo mong ipinaparamdam sa akin na para bang may sakit akong nakakahawa. Minsan tinatanong ko ang sarili ko, kaibigan mo nga ba ako? Mahal mo ba ako kahit isang kaibigan lang?” tumulo ang luha sa kaniyang pisngi.
Yumuko ako. Hindi ko siya masagot.
“Boy, ano ba ako sa’yo? Di ba kaibigan mo din ako? Pero bakit hindi mo kayang iparamdam. Mahal mo ba ako bilang kaibigan mo?”
“Oo” sagot ko. Tumingin ako sa kaniyang mga mata. “Mahal kita pero hanggang kaibigan lang. Iyon lang ang kaya ko.”
“Mahal mo ako. Salamat. Pero bakit parang wala. Bakit Boy, ni minsan ba humiling ako ng higit pa do’n?” pinagsaklob niya ang kaniyang mga kamay.
“Hindi naman pero iba ka, e. May mga ginagawa kang sa tingin ko sobra na. Hindi ko alam kung alam mo yung gusto kong tumbukin pero may iba akong nararamdaman sa mga ginagawa mo, brad.” Sagot ko.
“Hindi ka nga manhid ngunit mas pinipili mong manakit. May alam ka sa mga nangyayari kaya nagdesisyon kang gawin ang sa tingin mo ay tama sa’yo. Ikaw ang gumawa ng deal natin, bawal mahulog ang loob sa isa’t isa. Iginalang ko ‘yun. Kahit…” huminga siya ng malalim. Nahihirapan siyang sabihin ang karugtong no’n. “Boy alam kong alam mo e, pero nagsabi ba ako? Di ba hindi? Kasi masaya na ako kung anong meron tayo. Kuntento na ako sa kung ano lang ang kaya mong ibigay.” Nanginginig ang kaniyang labi at ang luha ay bumagsak sa kaniyang dibdib.
“Tapatin mo nga ako brad, kaya ka ba nagkakaganyan dahil mahal mo ako?” direstsuhang tanong ko.
Umupo siya.
Sinapo niya ang kaniyang ulo. Kahit na pinunasan niya ang luha sa kaniyang pisngi ay nagtuluy-tuloy pa ding ang kaniyang mga luha.
“Oo, Boy. Mahal kita. Mahal na mahal kaya mas pinili kong masaktan at magpakatanga. Alam ni Lexi kung paano ako nasasaktan sa tuwing katext mo siya at ako, patuloy mo binabale-wala. Okey lang ‘yun e. Pero nang ligawan mo ang pinsan ko, nasaktan ako kahit wala naman akong dahilan. Nagselos ako kahit wala akong karapatan. Boy, alam mo ‘yun. Straight ka kaya hindi mo ramdam yung sakit na nararamdaman ko e. Sabi sa akin ni Papa, kailangan ko daw masaktan para mas maintindihan ang buhay. Wala daw kasing nagmamahal na hindi dumadaan sa pagkabigo. Hindi pa nga ako sumusubok nabigo na ako. Tapos sa bestfriend ko pa na walang pakundangan kung ano ang nararamdaman ko. Ang hirap e! Hindi mo alam yung sakit kasi wala ka sa sitwasyon ko Boy!” Humgagulgol siya.
“So, bakla ka?” sinapo ko ang ulo ko. Tinapik ko ang noo ko. “Pucha! So, totoo ang hinala ko!”
“May masama ba sa pagiging ganito ko? Kasalanan ko bang maging ganito?” tanong niya habang pinapahid niya ang kaniyang mga mata.
‘Hindi naman, okey lang eh, kaya lang huwag ako. Huwag sa akin! Kasi hindi puwede, hindi ako papayag. Hindi kita puwedng mahalin at hindi kailanman mangyayari ang gusto mo sa atin.”
“Alam ko.” sagot niya.
“So, alam mo pala e, anong pinagkakaganyan mo?”
“Bakit dahil wala akong karapatan, wala na din ba dapat akong pakiramdam?”
“Hindi naman ‘yun e, pero wala ka paring karapatang pigilan kami ni Lexi, mahal ko siya at di mangyayaring mamahalin kita.” Singhal ko.
Yumuko siya. Gumagalaw ang kaniyang balikat. Alam kong humahagulgol.
“Alam ko ‘yun. Tanga ako hindi bobo. Naiinis na ako sa sarili ko. Galit na galit kung bakit ikaw pa. Alam ni Lexi na noon pa man kahit mga elementary tayo, crush na kita. Noon pa sa beach, may kung ano na akong hindi maipaliwanag. Naging open ako kina Papa noong nagtapos tayo ng Grade 6. Sabi ni Papa James, baka kaya ko pang i-divert. Na dala lang iyon ng pagiging kabataan ko. Pero habang tumatagal lalo kitang minahal. Lalo akong nasasaktan. Lalo kong hindi mapigilan ang sarili ko. Sa tuwing masaya kayong nagpapalitan ng text ni Lexi, naroon ako sa tabi niya. Naiinggit sa kung anong meron ang pinsan ko ngunit hanggang do’n lang ako e. Kasi alam kong imposibleng magustuhan mo ako. Imposibleng mapansin mo ako. Kaya sabi ko, kahit pagmamahal na lang bilang kaibigan ang maisukli mo sa akin. Yung pagpapahalaga na sana makuha ng isang matalik na kaibigan sa kaniyang kaibigan ang maiparamdam mo sa akin. Ngunit Boy, andamot mo, andamot-damot mo kasi pati ‘yun ipinagkakait mo sa akin.” Nanginginig ang kaniyang mga daliri habang pinupunasan niya ang luha sa kaniyang pisngi. Dama ko ang bigat ng kaniyang kalooban. Nasasaktan din ako para sa kaniya ngunit buo ang desisyon kong si Lexi lang ang puwede kong mahalin.
Hindi siya.
Malayong siya.
“Sorry, pero wala kang maasahan sa akin. Pigilan mo yung nararamdaman mo. Magmahal ka din ng babae. Sa iba mo na lang ibaling iyan at please lang, huwag mong pigilan si Lexi. Alam kong mahal ako ni Lexi at ikaw ang dahilan kung bakit hindi niya ako magawang sagutin.”
“Hindi ko siya pinipigilan. Wala akong karapatang gawin iyon. Sarili niyang desisyon iyon. Kaya mo ba ako kinakausap para sa kaniya hindi para malinawan ang tungkol sa atin?” humihikbing tanong niya.
“Walang tayo, Jino. Kahit kailan walang tayong pag-uusapan ng tungkol sa atin dahil hindi kailanman hahantong sa usaping tayo. Tulungan mo na lang ako para kay Lexi. Mahal ko ang pinsan mo, Jino. Please?”
“Ayaw kong manghimasok. Sorry Boy, pero siya ang dapat mong kausapin at hindi ako. Ngayong alam mo na ang pagkatao ko. Nasa sa’yo kung ituring mo pa akong kaibigan. Mahirap sa aking sabihin ito sa’yo pero gusto kong tanggapin muna ang sarili ko bago ako matanggap ng iba. Alam at tanggap na ako ng pamilya ko at bukod sa kanila, sa’yo ko palang ipinagkakatiwala ang pagkatao ko. Wala akong balak ipagsigawan sa buong mundo kung ano ako…
Biglang may gumalaw sa di kalayuang cubicle.
Tumayo siya.
“Paano ako Jokyo Jino? Hindi mo ba din ba ako pakikiusapan?” si Philip.
Natatawa sa kaniyang mga narinig.
Nagkatinginan kami ni Jino.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig.
Ako ang nahihiya para sa kaniya.

No comments:

Post a Comment