Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Monday, February 16, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 7

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Bumilis ng bumilis ang tibok ng aking puso. Naramdaman ko na lamang na nakikiraan na ako sa mga kaklase kong yakap ang kanilang mga magulang. Kasabay ng mabilis na pagbaybay ng luha sa aking pisngi ang bilis ng aking paghakbang para maabutan sila na noon ay tuluyan nang nakalabas ng gym.
“Dadddyyyy!” sigaw ko. Hindi ko na kasi sila makita pa. Wala na akong naabutan pa sa kanila. “Daddyyyy!” muli kong sigaw.
Tumakbo ako patungo sana ng gate.
“Anak, nandito kami.” Boses iyon ni Daddy Ced.
Lumingon ako. Naroon sila sa labas at gilid ng gym. Pinapatahan nila si Daddy Ced sa pag-iyak.
“Sorry anak, hindi kami nakatiis na hindi ka mapanood. Pasensiya ka na sa amin anak.” Si Daddy Ced.
“Hindi bale anak, pauwi na din naman kami.” Maluha-luha ding dagdag ni Daddy Mak.
“Pa, tara na. Okey na ako.” si Daddy Ced. Dinaanan nila ako at tinapik ang aking balikat. May pilit na ngiting sumilay sa kanilang labi. Tumigil ng bahagya ang ikot ng mundo sa akin. Nakailang hakbang na sila palayo.
“Daddy!” humihikbi na ako.
Si Papa Zanjo at Tito Carl lang ang lumingon sa akin.
“Dadddyyyyy kooooooo!” sigaw ko.
Huminto sila sa lakas no’n.
Dahan dahan akong naglakad palapit sa kanila. Nangangatog ang tuhod ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Tuluy-tuloy lang ang aking pagluha.
“Bakit ka umiiyak, anak?” tanong ni Daddy Ced sa akin.
Hindi kaagad ako nakasagot ngunit nang bumuka ang mga braso ni Daddy para yakapin ako ay mas nauna pa akong yumakap sa kaniya.
“I’m sorry Daddy Ced…” huminga ako ng malalim. Napakahirap sa akin ang huminga dahil sa sumasabay ang aking di mapigilang paghikbi.
Naramdaman kong ginulo ng nakangiting si Daddy Mak ang buhok ko hanggang sa naramdaman ko na lamang din ang pagyakap niya sa aming dalawa ni Daddy Ced.
“Sorry for what anak, ha?” hinawakan niya ang aking balikat. Kapwa puno ng luha ang aming mga mata. Ang pagkakaiba lang ay humihikbi ako.
“I’m sorry Daddy Mak, Papa Pat at Papa Zanjo.” Hindi ko kayang sabihin kung bakit pero alam kong alam na nila kung bakit. Hindi ko lang kasi kayang isa-isahin.

“Pssstt! Tama na okey?” pinunasan ni Daddy Ced ang luha sa aking pisngi. “Huwag ka ng umiyak. Tahan na. Graduation mo ngayon e. Dapat masaya ka.”
“I want you to be there Dad. Gusto ko sanang nasa loob kayong lahat. Sorry po.” Humahagulgol na ako.
“Kahit pa hindi ka humihingi ng tawad sa amin, naintindihan ka na namin, anak. Noon pa man, napapatawad ka na namin kaya puwede ba, huwag kang umiiyak ng ganyan na nakikita namin kasi mas lalong masakit sa amin iyon. Tahan na anak. Huwag nang umiyak. Daddy will never go anywhere. Dito lang kami para sa’yo. Kahit pa darating yung araw na ipagtutulakan mo kami. ”
“Hindi ko po gagawin iyon Dad. Basta po, sorry po sa mga masasakit na nasabi ko sa inyo.”
“Huwag mo na isipin iyon anak. O, bakit lumabas ka na? Tapos na ba ang ceremony?” tanong ni Papa Zanjo.
“Hindi pa po.” Huhimikbi pa din ako. “Gusto ko pa kasi sanang ibigay itong medal ko sa inyo ni Papa Pat kasi kayo yung unang naging coach ko sa paglalaro ng basketball.”
“Wow! Thank you apo.” Yumuko si Papa Pat. Niyakap niya ako ng mahigpit.
“Ayyy! Wait! Bakit ganun, nasaan ang akin?” protesta ni Tito Carl.
“O, hayan may inggitera na naman diyan. Gusto din mabigyan ng medal.” Si Papa Pat. Alam kong gusto na nilang pasayahin ang kanina ay parang binagyong paligid ko.
“E, bakit ba? Masama ba yung paminsan-minsan maging hopya din lang ang peg? Hello tito, for your information coach din naman kami ni Tito E-jay niya sa Tennis ah?”
“Iisa lang yung medal ko tito e.” Humikbi ako ngunit nawawala na. “Saka na lang kapag High school na ako.” tipid na ngiti ko.
“Echos! Hayan nakangiti na siya. Naku Buboy, masanay ka na si Tito Carl mong echosera.Wait, huwag ninyong sabihing magdadrama tayo dito. Remember, graduation ho ng bata ito, hindi lamay.” Si Tito Carl.
Biglang hinampas ni Papa Zanjo si Tito Carl sa hawak nitong newspaper. “Sa dami ng puwedeng sabihin lamay pa ang kailangan mong banggitin. Baka gusto mong matakpan muna ng diyaryo bago ang lamay mo.”
“Si Tito Zanjo naman, makahampas parang gerilya pa din. Pero ‘to lalo kang nagiging blooming kapag ganyang galit-galitan ka. Hay naku! O, ano tapos na ba ang graduation?”
“Hindi pa po.” Sagot ko.
Tinignan ko sina Daddy na noon ay nakaakbay pa din sa akin. “Dad, para sa inyo po itong diploma ko. Salamat po sa pagmamahal at pag-aaruga ninyo sa akin. Masuwerte po talaga akong kayo ang naging magulang ko. Ngayon, ko lang naiintindihan kung bakit pinili ni Daddy na iwan ako sa inyo.”
Maluha-luhang tinanggap ni Daddy Ced ang diploma ko sabay yakap muli sa akin. “Dapat pagbubutihin mo ang pag-aaral mo hanggang college anak ha? Mas magiging buo ang kasiyahan namin na mga Daddy mo kung diploma mo sa college ang iaabot mo sa amin, but for now, this is just great anak. Salamat.”
“Hindi ko alam kung ano ang sasabihin namin, pero sobra kaming nagpapasalamat dahil kahit paano ay natanggap mo na muli kami bilang magulang mo, anak. Basta lagi mong tandaan na lagi kaming nandito para sa’yo.” Si Daddy Mak. Hinalikan niya ang nook o.
“Dad, pumasok na muna tayo sa loob at magpicture taking saka na din para maipakilala ko sa inyo ang dalawang bestfriends ko. Patapos na din ang graduation ceremony kaya puwede na tayo magpapicture.” Maluwang ang pagkakangiti ko.
Napakadali na sa akin ang paghinga. Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib. At nang pumasok kami sa gym at nakaakbay sa akin sina Daddy Mak at Daddy Ced ay wala akong pakialam sa kung ano ang sasabihin ng iba sa pamilya ko. Basta ang mahalaga sa akin ay masaya ako sa mga sandaling iyon. Ngunit hindi ibig sabihin no’n na gusto kong maging kagaya nila. Tanggap ko sila ngunit ayaw kong magiging parang sila. Sa dami ng mga napapanood ko sa TV o nasasaksihan kung paano apihin at pagtawanan ng mga kaklase ko ang mga kamag-aral kong bakla ay itinamin ko na sa aking sarili na hindi ako kailanman gagaya sa mga nagpalaki sa akin.
Habang naglalakad kami papasok at noon ay kasalukyan na ang closing remarks ay nilingon ako ni Jino. Nakangiti na siya sa akin. Nagthumbs-up siya sinagot ko din ng thumbs up iyon. Pagkatapos ng Ceremony ay lumapit siya sa akin. Inakbayan niya ako.
“Sige subukan mong tanggalin ang akbay ko sa’yo masasaktan ka.” Bulong niya.
“Bakit ba kasi anong meron tanong ko.” habang nilingon ko ang mga magulang kong naghihintay na malapitan ko.
“Ipakikilala kita kita Papa. Huwag nang kumontra.” Nilakasan niya ang paghawak sa balikat ko. Wala akong kawala.
“Papa James at Papa Xian, siya po si Buboy, bestfriend po namin ni Lexi.” Pagpapakilala ni Jino sa akin sa mga magulang niya.
“Oo anak, naaalala ko pa siya. Di ba siya yung nagligtas kay Lexi noong muntik siyang malunod?” Ngumiti ako.
Kahit alam kong naalala nila na ako ang nakasuntukan ni Jino ay mas minabuti lang talaga nilang banggitin yung mabuting ginawa ko kaysa sa hindi magandang pagsisimula namin ng anak nila.
“Hello po.” Matipid kong sagot. Nahihiya pa din akong tignan sila.
Ilang sandali pa ay lumapit na din si Lexi kasama ang Mommy nito. Nagmano muna siya sa mga magulang ni Jino tapos nagmano din ako sa Mommy niya.
“Actually, Lexi is my niece Buboy kaya gusto ko magpasalamat muli sa’yo sa pagkakaligtas mo noon sa kanya.” si Tito Xian.
“You must be proud of your parents kasi kilalang mga tao ang mga magulang mo Buboy. Kinikilala sila sa showbiz.” Si Tito James.
“Mahal, naaalala mo ba nung nasa beach tayo tapos nag-away itong dalawang ito at pinipilit pa kitang lapitan sina Mark Kym at Cedrick para lang makapapicture sila?”
“Hayun, di na nakatiis si Mahal.” Si Tito James.
Mahal? Kahit sa public place mahal ang tawagan nila? Naasiwa ako.
“Buboy, fan ako ng mga magulang mo. Noong kabataan namin, sila yung mga artistang tinitingala namin, pinipilahan ko ang mga movies nila, hindi ako natutulog hanggang di ko napapanood ang kanilang mga teleserye. Well, of course, maliban sa Tito James mo dahil kakornihan para sa kaniya noon ang mag-idolo ng mga lalaking artista.”
“Mahal, baka kung saan na naman mapunta ang kuwento, baka hanggang sa mga nangyari sa Qatar masasali na naman.” Lumapit sa akin si Tito James. Inakbayan muna ako at inilayo ng ilang hakbang kay Tito Xian.
Kinabahan ako.
“Boy, pwede ba naming makilala ang mga magulang mo? Kasi, baka mamayang gabi may hindi na naman magpapatulog kasi hindi ko na naman siya naipakilala sa mga idol niya. Pagbigyan mo na ang Tito Xian mo ha, kasi feeling teenager pa din.” Bulong sa akin ni Tito James.
“Sandali ho, Tito. Tatawagin ko ho sila.” Sagot ko.
Pagbalik ko ay akay ko na ang buo kong pamilya.
Ang ipinagtaka ko lang ay bigla na yatang dumami sila. Tuloy ay mas maingay na sila kaysa sa pamilya ko. Nagtinginan ang mga daddies ko, sina Papa Zanjo at Papa Pat, Tito E-jay at Tito Carl.
“Bespren, naku may naamoy akong malansang-malansa. Fish market ba ito? Doble-dobleng lansa kasi e. Pakyawan ang peg.” Natatawang wika ni Tito Carl kay Daddy Ced.
“Tumigil ka nga baby, makapagsalita ka parang hindi ka din umaalingasaw sa kalansaan noon. Behave ka.” Si Tito E-jay.
“Tama! Buti nga binago ka ni Francis, kundi baka gown ang suot mo ngayon. Sumalangit nawa ang kaluluwa ni Francis.” sagot ni Daddy Mak.
“Tito Xian, Tito James at Tita, sila po ang mga magulang ko, sina Daddy Mak at Daddy Ced. Mga lolo kong sina Papa Zanjo, Papa Pat at ang lolo at lola ko sa yumao kong daddy. Saka po mga tito kong sina Tito Carl at Tito E-jay.” Nahihiya kong pagpapakilala ko.
Hiningal pa ako hindi sa dami nila kundi dahil sa hiya at kaba.
Hindi ako sanay sa mga ganoon pagpapakilala pero kailangan kong gawin dahil wala naman ibang gagawa no’n kundi ako.
Nakita kong pinagsaklob pa ni Tito Xian ang kaniyang kamay na may halong kilig nang lumapit sa mga magulang ko.
“Naku finally, nakilala ko na din ang mga matinee idols nang kapanahunan ko na hanggang ngayon sobrang idol ko pa din.” Masayang-masaya niyang inilahad ang kaniyang palad para kamayan ang mga magulang ko. Nang ilang sandali pa ay palinga-linga na siyang parang may hinahanap sa paligid. “Kuya Terence ano na, di ba ikaw nagpresintang photographer? O, gawin ng maayos ang trabaho, pakuha kami ng picture. Kailangan pa bang sabihan?” Si Tito Xian. Halatang kinikilig pa talaga siyang tumabi sa mga magulang ko.
“Ayy nakakahiya naman, makapagdemand parang binayaran ako. Tinawag mo pa akong kuya sa lagay na ‘yan ha. Kusang loob na tulong ito sa mahal kong pamangkin na si Jino at hindi sa’yo. Kung alam kong ikaw pala ang kukunan di na din lang sana ako nakipag-unahan pa kay Father Rhon na maging photographer. Huwag kang ano ha!”
“Ayy isinasali na naman ang pangalan ko. Nanahimik ako dito ah!” Protesta ng isa ding naroon na di ko pa din kilala kung sino.
“Sorry for that.” Natatawa si Tito James sa paghingi niya ng dispensa kina Papa. “Nauna pang nakipagpapicture si Mahal kaysa magpakilala kami sa inyo.”
Lumapit si Jino at siya na din ang nagpakilala sa mga magulang niya. “Kilala niyo na po sina Papa at Tita po na mama ni Lexi, saka po gusto ko din pong ipakilala sa inyo sina Dok Mario at Dok Bryan, si Tito Terence at Tito Lando, Tito Rhon at Tito Aris saka po si Tito Jinx. Malaking pamilya po talaga kami.” nahihiyang pagpapakilala ni Jino sa kanila.
“Paano father Rhon, misa na!” natatawang simula ng tinawag na Terence.
“Ayy, huwag kanga no diyan, ang pekeng ilong baka mabali.” Sagot ng tinawag na Father Rhon.
“Eto naman makapagbisto ng sikreto, walang preno?”
“Ayusin mo kasi ang biro mo.”
“Pagpasensiyahan na po ninyo sila. Hindi na kasi matapos-tapos ang okrayan ng dalawang iyan. Masanay na kayo.” Paghingi ng paumanhin ng tinawag ni Jino na Dok Mario. Kung titignan ko sina Dok Mario at Dok Bryan, parang hindi sila nagkakalayo ng edad.
“Well, what could I say, this is really a one huge family of beki!” napalakas na banat ni Tito Carl. Huli na nang takpan ni Papa Pat ang bibig ni Tito Carl.
“Pasensiya na din kayo ha?”
“Naku, sanayan lang ho ‘yan. Kami nga nasanay na din dito sa dalawang ito.” Itinuro ng tinawag kaninang Aris sina Tito Terence at Tito Rhon. “Lalo na itong si Rhon ko. Mabuti nga medyo hindi na siya katulad nung araw.”
“Ang sabihin mo Pareng Aris, nahihiya pa sila sa lagay na ‘yan. Wala pa ‘yan sa kalingkingan.”
“Tama ka diyan Lando. Naku kaya kami na ang hihingi ng dispensan sa inyo ha? I hope na sana ito ang maging simula n gating pagkakaibigan.” nakangiting singit ng ipinakilala ni Jino na Tito Jinx niya. “ At dahil diyan, hindi muna namin kayo papayagang umuwi nang hindi ninyo kami sasaluhan sa dala naming pagkain sa faculty room. Okey lang ho ba?”
“Pa, anong desisyon?” tanong ni Daddy Ced kay Papa Zanjo.
“Sige lang anak. Nakakahiya namang tanggihan ang unang imbitasyon ng mga bago nating kaibigan.”
At doon, nagsimula ang ingay nila. Nahilo na kami sa kahihila nila na papicture dito, papicture doon. Group picture, family picture, partner’s shot, solo shot hanggang sa lahat na ng naroon ay nakatingin na lang sa amin. Nasobrahan na yata ang kanilang pagkatotoo. Parang sila na lang ang tao sa paligid. Hindi ko alam kung anong meron sa kanila na nang nag-uusap sila ay akala mo matagal na silang magkakakilala. Parang matagal na silang magkakakilala na noon lang muli nagkikita-kita.
Huminga ako ng malalim. Nakaramdam na din ako ng pagod. Umalis ako sa umpukan nila at umupo sa di kalayuan. Hindi ko pa din kasi talaga kayang makipagsabayan sa ganoon. Nakikita ko parin ang tingin ng tao sa pamilya namin ni Jino. Iyon ang mga tinging ayaw kong magiging tingin din nila sa akin. Tama na siguro na naipapadama ko ang pagmamahal at pasasalamat ko sa kabutihan ng mga magulang ko ngunit hindi ko pinangarap na magiging katulad ko sila. Ayaw kong maging bakla. Ayaw kong ganoon din ang tingin ng ibang tao sa akin tulad ng pagtingin ng ibang pamilyang naroon.
Ilang sandali pa ay sumunod na Lexi sa akin. May hawak siyang juice at chocolate cake.
“Kumain ka na muna. Nakita kong hindi ka pa kasi kumakain e.”
“Thank you.”
Tinggap ko ang dala niya.
Sumubo muna ako ng cake at uminom ng juice saka ko ipinatong sa kalapit kong upuan. Nagkatinginan kami. Noon ko lang napansin na napakaganda ni Lexi sa simpleng make up niya. Tinanggal niya ang tali ng kaniyang buhok at inilugay niya iyon. Naamoy ko ang mabango niyang buhok. Tumingin siya sa akin at nagkaingitian.
Naghari ang katahimikan. Sabay kaming tumingin sa mga nagkakasiyahang pamilya namin. Ipinagdadasal kong sana hindi sila ang pag-uusapan naman. Sana makaisip siya ng ibang topic.
“Cake and Juice.” Si Jino may nakalagay na camera sa leeg niya.
Nakita kong pareho ang dinala ni Lexi sa akin. Gusto sana niyang ibigay sa akin iyon ngunit bago niya tuluyang maiabot ay nakita niya ang cake at juice sa tabi ko.
“Cake and juice ang kakainin ko.” pahabol niya.
Una akong tumawa, sumunod si Lexi. Alam kasi naming pareho na dapat ibibigay niya sa akin iyon, huli lang ang dating niya at nakita na din niyang nabigyan na pala ako. Halatang-halata kaya.
“Bakit? Nakakatawa na bang kumain ng cake at uminom ng juice ngayon?” palusot pa din niya. Seryoso.
“Hindi naman, nakakatawa lang yung buking na papalusot pa.” si Lexi.
“Picture, picture!” si Jino halatang dinedma ang sinabi ni Lexi. Ipinatong niya sa tabi ko ang dala niyang cake at juice.
Nangiti na lang ako sa reaction niya. Nakakatuwa lang talaga si JIno oh!
Hindi naman talaga ako mahilig magpakuha ngunit mahirap namang tanggihan siya lalo pa’t alam kong may tampo pa din siya kanina sa pagtanggal ko sa kamay niyang nakaakbay sa akin. Tumabi si Lexi sa akin.
“Kunan mo kaming dalawa ta’s dalawa kayo saka pakuha din tayo mamaya kay Boboy na dalawa tayo. Saka natin tawagin si Tito Xian na kunan tayong tatlo. Deal?”
“Hayan ka na naman sa kadi-deal tapos mamaya saka ka magwalk out kapag may di ka ka nagustuhang deal.” Pabiro kong bulong nang nakangiti na siyang tumabi sa akin at tumingin sa camera.
“Huwag mong sirain ang ngiti ko, Buboy. Kung ano ang mga ipinapaalala mo sa akin.” kinurot niya niya ang tagiliran ko kaya nang nakuhaan kami ay napa-aray ako.
“Ha ha! Ampangit ng kuha ni Buboy! Parang engot lang!” tawa ni Jino habang tinitignan niya ang kuha namin sa digicam niya.
“Ulitin mo brad, kinurot ako ni Lexi e, di ko tuloy napaghandaan.”
Nang matapos kami magpapicture ni Lexi ay hinila na niya ako habang iniaabot ni Jino ang camera sa nakatalikod sa kaniya at nakaharap sa akin na si Lexi.
“Tapos na. Tara na Boy!” halatang ipinarinig iyon kay Jino.
Kuha ko agad ang gustong palabasin nito.
“Oo tara na.” sagot ko.
“Ayy ano yun? Dugas naman. Akala ko ba may deal? Bakit biglang nag-aalsa balutan na?” si Jino. Salubong ang kilay.
“Tapos na kami ah.” Si Lexi. Seryoso din.
“Oo tapos na kayo, e pa’no ako. Paano kami?” tinuro niya ang sarili niya at ako. Halatang napipikon na.
“O siya, lumalaki na naman ang butas ng ilong. Umupo ka na diyan sa tabi ni Buboy bago magbago ang isip ko.”
“Yeeyyy, salamat Lex. Halika ka na bilis. Papogihan ‘to brad ha?”
Nandiyang akbayan niya ako o kaya magkatalikod kami. Hindi na lang ako nagreklamo pa sa mga gusto niyang gawin. Sinabayan ko na lang ang trip niya. Nakisama sa kung ano ang gusto niya. Medyo naasiwa lang ako sa kuha naming halos maglapat na ang pisngi at labi naming. Iba kasi ang dating sa akin.
“Burahin mo ‘yan.” Reklamo ko kay Lexi.
“Patingin nga.” Si Jino.
“Cute naman ah. Anong problema dito?” tanong niya.
Wala silang nakikitang mali? Para kaming mag-ano do’n. Baklang-bakla kaya ang kuha.
“Basta burahin ninyo.”
“Huwag na.” hinawakan ni Jino ang camera.
“Burahin mo.” Pilit kong kinuha sa kamay niya ang camera ngunit inilayo niya sa akin.
“Kung makuha mo sa akin ang camera.” Natatawa niyang sagot.
“Go, rambulan uli. Nakakaloka kayo ha, picture lang ‘yan di pa kayo magkasundo.” Si Lexi.
“E, ayaw kasing burahin e. Tapos i-upload pa niya mamaya sa facebook.” Kumukuha ako ng pagkakataon para makuha ko ang camera sa kamay niya.
“Ang arte mo lang Boy. Wala naman kasing masama sa kuha ninyo.” Si Lexi uli.
Nang ibinaba ni Jino ang camera na kanina ay itinaas niya palayo sa akin ay muli kong sinubukang kunin iyon sa kamay niya ngunit mas maagap siyang ilayo iyon sa akin. Hanggang sa tumayo siya. Tumayo din ako. Pilit inaagaw ang camera. Napayakap ako sa kaniya. Desperadong maagaw iyon hanggang sa kapapalag niya at kayayakap ko sa pag-agaw sa camera ay nawalan siya ng panimbang. Bumagsak siya ngunit nasama ako dahil kumapit siya sa akin ngunit dahil hindi ko napaghandaan ay hindi ko siya nagawang tulungan. Pumatong ako sa kaniya, naglapat ang aming mukha. Amoy ko ang mabango niyang hininga.
Sandali kaming nagkatitigan.
“Aray!” pabulong iyon.
Bigla akong nahimasmasan. Mabillis akong bumangon. Nakita kong nakapako ang tingin ng mga naroon sa amin.
Natahimik ang lahat.
Nakikiramdam.
Naghihintay ng mga susunod na mangyayari.
“O hayan, eksena kasi kayo. Tulungan mo siyang bumangon Boy.” Si Lexi. “Naku baka nabalian na ‘yan.” Nakita ko sa mukha ni Lexi ang pag-aalala.
Kinabahan ako, baka nga napalakas ang pagkadagan ko sa kaniya. Nagsilapitan na din sa amin ang mga pamilya namin.
“Tulungan mo kaya.” Si Lexi uli.
“Okey ka lang? May masakit ba?” tanong ko nang lumuhod na ako at hinawakan ko ang batok niya gamit ang kaliwang kamay at ang kanan naman ay nakahawak sa palad niya.
“Nabalian yata ako ng tadyang.” Pabulong na naman. Halatang nasasaktan.
“Halla! Pa’no ‘yan.” pinagpawisan ako.
Kinuha ko ang braso niya at inilagay ko sa aking balikat. Saka ko hinawakan ang kaniyang tagiliran para tulungang tumayo.
“Joke! Wala ng burahan ng picture ha?” masigla at nakangiti niyang banat nang tumayo siya.
Tinignan ko siya.
Binitiwan.
Namumula si Lexi sa katatawa. Pinagtritripan na naman ako ng dalawa. Pati mga pamilya naming ay napapangiti sa nakita nilang ginawa ko. Kung si Lexi namumula sa katatawa, ako namumula sa sobrang hiya.
Bago kami nagkahiwa-hiwalay ay inabot nila Lexi at Jino ang regalo nila sa akin. At ako? Nakalimutan kong bumili ng regalo para sa kanila. Wala sa isip kong may gano’n pa pala talaga.
May party din kami sa bahay at doon na nila ibinigay angkani-kanilang regalo sa akin. Halos lahat gadgets. Nang buksan ko ang binigay ni Jino ay isang varsity jacket. May nahulog na papel. Binasa ko ang nakasulat. “To keep you warm when I am not around, brad.” Napakunot ako ng noo. Kailangan talaga may ganun pa? Rubber shoes ang ibinigay sa akin ni Lexi. Walang kahit anong kaartehan na nakasulat doon. Tanging, to my bestfriend lang ang nakasulat.
Isang gabi pagkatapos naming naghapunan ay lumabas ako at umupo sa aming kubo sa labas ng bahay. Ginugulo kasi ng kung anu-anong mga nararamdaman ko.
“Bakit ka nandito?” tanong ni Daddy Mak sa akin na sumunod sa akin. May hawak siyang beer in can.
“Wala Dad, gusto ko lang pong mapag-isa saka magpahangin sandali.”
“Kumusta anak, wala ka bang balak gawin ngayong bakasyon mo?”
“Wala ho Dad, okey lang naman ho ako dito sa bahay.”
Tumingin ako kay Daddy hindi ko alam kung kailangan kong tanungin siya sa gumugulo sa akin.
Tumungga siya sa hawak niyag beer.
Nahuli niya akong nakatingin sa kanya.
“What? Kilala kita, anak. May gusto ka bang itanong o pag-usapan?”
Huminga ako ng malalim. Bahala na nga.
“Dad, paglaki ko ba magiging kagaya din ninyo ako?”
“That is a question that I really am not sure how to give you an exact answer. Mahirap ang magiging kagaya namin anak pero it’s never been a choice that you could just easily make. Nararamdaman ‘yan at nasa isang tao kung kaya niyang panindigan ang kaniyang pagiging lalaki kahit may nararamdaman siya sa kapwa niya lalaki. Ngunit ang dapat laging isipin mo ay piliin mong lagi kung saan ka masaya at kung saan sa tingin mo ikaw makukumpleto. Tandaan mo lang anak, na kahit ano ka pa, alam mong mamahalin ka namin ng buum-buo. Ang pagmamahal ng magulang ay hindi dapat nakadepende lang sa kung ano ang pagkatao ng kanilang anak. Ang pagmamahal namin ay hindi dapat tumitingin sa kasarian.”
“Pero, Dad, ayaw ko ho sanang maging kagaya ninyo. Gusto ko po sanang magkaroon ako ng sarili kong pamilya. Yung katulad ng pamilya na mga karamihang kaklase ko. Paano kung mahahawa ako sa inyo?”
Ngumiti siya, inakbayan ako.
“Anak, hindi nakakahawa ang pagiging ganito namin. Kung katulad ito ng sakit, di sana katulad na din kami ngayon ang Lolo mo na Daddy ng Daddy Romel mo kasi lagi namin siya nakakahalo-bilo kahit noong di ka pa ipinanganak. May mga kaklase ka bang katulad din namin anak?” tanong niya.
“Opo. Lagi silang pinagtatawanan ng mga kaklase ko. Iba nga po napapaiyak na lang sa panunukso nila.”
“Yung mga katabi ba nila ng isang buong taon na straight mong kaklase nagiging bakla din?”
“Hindi naman po.”
“Then that explains anak na hindi katulad ito ng ubo o sipon na nakakahawa.”
Lumapit si Daddy Ced sa amin at may dalang hinati-hati niyang fruits. Nakangiting inilapag niya iyon sa harap ko.
“Oh, anak kumain ka na muna ng fruits. Mukhang may seryosong usapan ah.”
“Salamat po.” Tugon ko. “Pero Dad, bakit kayo naging ganyan?” tanong ko.
Nagkatinginan sila. Umupo si Daddy Ced sa tabi ko. “Anak, no one knows etactly why we are gay. Some people who study human sexuality believe that sexuality is a result of genetics, social or individual factors, alone or in combination. Katulad din kasi iyan ng pagiging straight na lalaki o straight na babae. Nararamdaman iyon, anak. Nagkakagusto ka na lang bigla sa katulad mo ng kasarian at kahit anong gawin mong pagtalikod ay tinatalo ng nararamdaman ang sana ay gusto ng kaisipan. Hanggang magsasanib ang puso at isip para gawin kung saan ka talaga masaya. May hangganan ang pagpapanggap anak. May ilan sa amin na patuloy nilang nilalabanan ang kanilang nararamdaman at sa tingin ko, pinili nila ang buhay na gano’n. Ang mabuhay bilang straight kahit nahihirapan na sila. Ngunit gusto kong lagi mong iisipin na being gay is something people discover, not something they decide on anak.”
“Salamat po Dad. Hayaan niyo po, kahit ako lang po ang magiging straight sa pamilya natin. Gusto ko hong magkapamilya. Yung may asawa akong babae at anak para magiging apo ninyo.”
Ginulo ni Daddy Ced ang buhok ko. “Nak naman, asawa agad e ka-gagragraduate mo lang ng grade six ah. Di ba pwedeng High School muna ta’s college at saka na pag-isipan ang pagkakaroon ng asawa at anak. Enjoy your youth anak. Lagi mong tandaan na nandito lang kami ng Daddy Mak mo. Susuporta sa’yo sa lahat ng desisyon mo.”
Dumaan ang maraming araw ng aming bakasyon. Hanggang facebook at text ko na lang nakakausap ang dalawa. Napagkasunduan naming mag-aral sa iisang school. Sinabi ko din iyon kina Daddy at wala naman naging problema sa kanila. Napag-usapan din naming sa facebook kung anong date kami sabay-sabay na mag-eenrol at pumayag naman din ako. Excited na ako noon mag-high school kasama sila. Ano kaya ang feeling ng magiging high school? Mas masakaya kaya kaysa sa elementary?
Pakiramdam ko tuloy napakatagal ng paglipas ng araw. Namimiss ko ang mga bestfriends ko. Hindi kayang punan ng pagkamiss na iyon ang pagpapalitan lang namin ng text.
Kapag nagtext sa akin si Lexi ng I miss you. Napakadali sa aking sagutin ng I miss you too pero kapag si Jino ang nagtext ng I miss you ay hindi ko masagot. Ang tanging laging sagot ko ay “Kita kits na lang brad!”
Isang umaga tumawag si Jino para kumustahin ako.
“Kumusta?” tanong niya.
“Ayos lang brad.” Sagot ko. “Bakit ka napatawag.”
“Wala lang, nangungumusta lang.”
“Wala lang naman pala e. Nagsayang ka pa ng load.”
“Sungit ah. Unli-call ako kaya kita pagtiisang tawagan. Sandali at may mag-hehello ding asungot dito.”
“Sino?” tanong ko.
“Hi pogi!”
Kumunot ang noo ko. “Sino ‘to?”
“Puwede ka bang makadate?”
“Lexi?” Hindi ako sigurado.
“Hay naku naman. Pati boses ko di mo na nakikilala. Oh ano na! Dadaanan ka namin sa enrolment ha? I miss you Boy.”
“I miss you too, Lex. Sobra.”
“Miss na din kita Boy.” Si Jino.
“Naka-loud speaker ba ito?” tanong ko. “Nakakainggit naman at magkasama pala kayo lagi.”
“Oo dalawa kasi kaming kausap mo. Laging magkasama siyempre kasi magpinsan saka magkakapitbahay lang. Oh ano, miss ka din daw ni Jino.” Inulit niya ang kunyari ay di ko narinig na sinabi ni Jino.
“Sige kita-kits na lang sa enrolment.” Sagot ko.
“Sabi sa’yo eh.” Si Jino. “Iba ang alam niyang sagot ng I miss you ko, Kita-kits na lang ang sagot no’n sa kaniya.” Nagtawanan sila.
“Pinag-uusapan ninyo ako?”
“Wala. Sige na at baka naiistorbo ka namin.” Sagot ni Jino.
“Ingat ka ha, miss you much Boy.” Si Lexi.
“Ingat din Lex. Miss na din kita.”
“Miss you Boy.” Si Jino.
“Sige brad, kita kits na lang.” sagot ko.
“Kita mo? Kakaiba ang sagot?” Halata sa boses ni Jino ang pagka-inis.
“Miss din…”
“Sige na bye!” Hindi na pinatapos ni Jino ang sasabihin ko.
Pinatay na niya ang linya.
“Miss na din kita Jino.” Napabuntong-hininga ako. Kung sana nahintay lang niya.
Isang araw nang maisipan kong magbukas ng aking facebook. Nakita ko sa newsfeed ko ang picture namin na pinabubura ko noon sa camera ni Jino. Napangiti pa ako noong una sa nakalagay na caption sa mismong picture. Me and my bestfriend.
May 16 likes at 11 comments. Binasa ko ang mga comments.
“Ang cute ninyong dalawa.” Nag-like ako.
“Nice. Sino siya, Jino? Grabe! Ang guwapo lang ng bestfriend mo.” Napangiti ako. Like uli.
“Both goodlooking.” Hit the like again.
“Bestfriend? Weeeee di nga! Parang hindi naman e. Yung totoo?”
Nag-init ang tainga ko.
Nagmessage ako sa kaniya sa facebook.
“Brad, pakibura yung picture nating dalawa. Please lang!”
“Bakit na naman?” reply niya.
“Ayaw kong pinagpipistahan ako. Basahin mo kaya mga comments nila.”
“Huwag mo kasing pansinin ‘yun. Nag-jojoke lang ang mga ‘yan, brad.”
“Tigas talaga nito. Di mapakiusapan.” Bulong ko sa aking sarili.
Gusto ko na nga patulan ang nagcomment na ‘yun e. Nag-isip ako ng puwede kong maipanakot sa kaniya para tuluyan na niya iyon i-delete sa profile niya.
“Delete mo o unfriend kita”
“Brad wala namang ganyanan saka picture lang ‘yan.” Reply niya.
“Huling tanong, delete mo o i-block kita.”
“Unfriend lang kanina, block na ngayon?”
Kulit ng lahi nito ah! Naisip ko.
“Okey walang sisihan ha. Ba-block na kita.”
“Eto na oh, dinedelit na brad. Huwag kang atat.”
“Sure?” tanong ko.
“Hayan deleted na. Huwag nang ipaabot pa sa block o unfriend.”
“’Yun, pahirapan mo akong pakiusapan ka e. Sige na. Bye brad.”
Nang nasiguro kong nabura na niya ang picture namin ay naglog-out na ako. May ilang mga messages pa siya pero di ko na lang binuksan.
Tumawag siya hindi ko na sinagot.
Bago ako natulog ay nabasa ko ang mga text niya. Nagtatampo sa akin kung bakit ganoon daw ako sa kaniya e magbestfriend kami. Para tumigil na siya ay nagtext muna ako bago natulog.
“Sorry brad. Ayaw ko lang ng ganong mga comment. Sige na. 22log na ako. ‘Kaw din huwag na magpuyat. Good night. Miss you..mwahhh!” binasa ko uli bago i-send.
May mali.
Edit.
Tinanggal ko ang “Miss you …mwah”… pinalitan ko ng “Kita kits na lang.”
Sent.
Tuwing umaga nakasanayan ko na din ang mga forwarded sweet quotes galing sa kanila ni Lexi. Nang una, iniignore ko. Si Lexi mahilig magforward ng love text quotes, si Jino di ko maintindihan kung friendship o love quotes.
Kadalasan pa nga, halos sabay sila. Bihirang-bihira ako magreply sa mga ganoong text pero nakasanayan ko na ding basahin pagkagising ko ng umaga.
Napangiti ako sa text message ni Lexi. Alam ko kasi nagtitrip lang na naman siya. Sabi niya…
“Ang hirap pala kapag crush mo friend mo, d m mlamn if pno mo itatago, deadma kunyari kpg nangungulit, wala lang kuno kpg lumalapit, kapag di nagrereply nalulungkot ka, pero minsan kpg nglalambing gus2 mo na sabhing… “Tigil! Pwede ba, naiinlav na ako eh!” Morning Boy… Breakfast ka na po bespren. Mwah!”
Binasa ko din ang text ni Jino.
Bilang friend mo…
i hav 2 tkecare of u.
i shud mke sure no1 wil harm u,
Love kita e!
dahil i cnt always b dr 4u.
so friend, khit astig ka na konting ingat prin para sa akin ha?
Gising na brad! Breakfast na! Gud AM
Ibinulsa ko muna ang cellphone ko saka ako bumaba para maghilamos. Wala na sina Daddy ngunit may nakahanda na akong agahan.
Umupo muna ako sa dining table. Kinuha ko ang cellphone ko at naisipang makipagkulitan.
Kung mahal mo talaga ang bestfrien mo,
patunayan mo.
Hindi yung nagtatago ka
sa kung anu-anong forwarded text quotes mo.
Kasi ako, malakas ang loob ko
Na sabihing mahal ko din ang bestfriend ko.
Lalo na yung nagbabasa nito.
Forwarded quote lang po para sa umagang kayganda.
Breakfast na bestfriend!
Naghintay ako ng reply ni Lexi. Napapangiti ako.
Tignan ko lang kung kakagat.
Ako ang pinagtritripan mo ha!
Ilang saglit lang at susubo palang sana ako ng agahan ko nang may nagreply na. Napangiti ako.
Excited kung anong quote din ang isasagot niya.
Galing kay Jino pala ang text. Binuksan ko parin.
“Sweet naman brad. Kahit alam kong quote lang. Thanks brad. Anong nakain mo sa agahan at gano’n ang reply mo sa quote na tinext ko sa’yo. Ka-sweet ah!”
Napalunok ako.
Anak ng… di ako makapaniwala.
Tinignan ko ang previous text.
Mali nga. Kay Jino ko pala na-text ‘yun?
Nagreply ako.
“Di para sa’yo ‘yun brad. Para dapat kay Lexi e!”
“Ganun? Binawi agad?” reply niya.
“Di nga para sa’yo. Kulit naman. Sige na kumakain ako. Gud AM.” Sagot ko.
“Sungit!” reply niya.
Di na ako nagreply.
“Napahiya ako ha. Kapag magtext ka kasi, double check mo kung kanino mo talaga ise-send ng di ka nakakasakit. Bye!” text niya uli.
“Brad! Nagkamali nga e! Bakit big deal sa’yo! Kumain ka na. Gutom lang ‘yan. Kain tayo!” reply ko.
“Tapos na ako. Sige. Salamat na lang.”
Mula no’n di na siya nagpadala ng text quote sa akin. Hindi na din siya nagtetext kung di ako ang unang magtext. Isang text, isang reply na lang siya. Ilang beses akong nagsorry sa kaniya ngunit ganoon pa din siya sa akin. May mga umagang namimiss ko din ang mga friendship quotes niya pero hindi ko na din lang siya kinulit dahil nandiyan naman lagi si Lexi na kakulitan ko lagi sa mga forwarded text quotes.
Gabi habang naglalaro ako ng online game ay tumatawag si Jino. Sasagutin ko na sana nang namatay iyon dahil nalowbat. Chinarge ko na muna ngunit hindi ko na binuksan pa. Nagmessage na lang ako sa facebook at sinabi kong lowbat ako. Ipinagpatuloy ko ang nilalaro ko hanggang sa antukin na ako. Wala na sa isip kong buksan pa ang cellphone ko. Hindi ko na din pa binuksan ang facebook ko. Masyado lang akong nawiwili sa paglalaro. Napagod na ang mga mata ko at kailangan ko nang ipahinga.
Kinaumagahan non ay hinamon ako ni Papa Zanjo ng basketball. Kagigising ko lang no’n di pa nga ako nagmumumog sumilip lang kasi ako sa basketball court bago ako iihi. Madalas kasi maaga sila nagpapapawis ni Papa Pat sa paglalaro.
“Hayan 16 points kay Boboy 12 lang kay Papa. Sige lang anak, huwag mong bigyan ng pagkakataon ang Papa Zanjo mong makatira.” Sigaw ni Papa Pat na scorer namin.
Pawisan na ako noon at nag-eenjoy kaya hindi ko naramdaman ang gutom.
“Paanong hindi lalamang ang score e mukhang pati scorer dinadaya ako!” hinahabol ni Papa Zanjo ang kaniyang hininga sa pagod. Bantay sarado niya ako. Dahil may edad na si Papa ay hindi na siya ganoon kaliksi kaya madali lang sa akin siyang lusutan.
“Go Buboy! Go!” cheer ni Papa Pat.
Tinira ko ang bola…
Ringless!
Palakpak si Papa Pat.
“Score, 18 kay Boboy 10 kay Papa!”
“Anak ng tinapa…” hingal. “Halata naman na ang…” hingal uli.. “dugasang nangyayari dude. Ano ‘to plus minus? Matanda na ako aminado ako pero di pa ako ulyanin uyy! Kanina ang score 16 versus 12 nakatira lang ng isa (hingal uli) naging 18 versus 10? Anong kalokohan ito dude! Ayusin mo!” inihagis niya ang bola kay Papa Pat!
Nasalo ni Papa Pat ang bola at mula sa kinatatayuan niya, itinira niya ang bola. Tumama sa board ngunit nagtuluy-tuloy ang bola sa Ring.
Pasok!
Hinubad ko ang basa na sa pawis na damit ko. Isinabit ko muna iyon sa isang halaman. Habang sila ay nagtatalo pa.
“Di ba nga winner versus scorer mamaya. Dude, nabobored akong makalaban ka, ilang dekada na kitang nakakalaro sa basketball, High School pa tayo pero lagi kang talo sa akin. Mabuti pa sa apo ko kapag siya ang kalaro ko, may challenge!”
“Sus, nagsalita, pinagbibigyan lang kita uyy!”
“Ano Pa, maglalaro pa ba o magbabangayan lang. Nawawala yung angas kong maglaro e.” reklamo ko. “Kung mauwi lang ito sa bangayan, mag-agahan na lang muna ako.”
May nag-buzz sa gate namin. Nakita ko ang hardinero namin na nagmamadaling tinungo ang gate.
Ipinagpatuloy namin ni Papa Zanjo ang paglalaro. Nang tumira siya ay hindi iyon pumasok at bumagsak ang bola hindi kalayuan sa akin. Nakuha ko ang bola.
Nagdribble na muna ako habang bantay sarado pa din si Papa sa akin. Nang hindi na siya nakasunod ay mabilis kong itinira ang bola.
Pasok.
Sa kaniya ang bola.
“Hello po!” bati iyon ng pamilyar na boses.
Tumigil si Papa Zanjo sa pagdidribble.
“Hi, tuloy kayo.” Sagot ni Papa Pat.
Inginuso ni Papa Zanjo sa akin kung sino ang mga dumating.
Lumingon ako.
Nagulat ako nang makita ko si Lexi. Nakalugay ang buhok at dalagang-dalaga na siya sa ayos niya. Napakaganda niya sa aking paningin. Hindi ko alam kung anong ginawa niya at biglang napako na lang ang tingin ko sa kaniya. Nakangiti siya sa akin habang sumasama ang kaniyang buhok sa hangin. Inayos niya ang buhok niyang tumatakip sa kaniyang mukha. Iba ang aming titigan. Basta hindi ko noon maipaliwanag.
Ilang sandali pa ay may tumabi sa kaniya.
Si Jino. Astig ang pagkakaayos din ng kaniyang buhok, mas tumangkad at lumaki ang kaniyang katawan. Ilang saglit lang iyon at inakbayan ko siya saka ko siya ikinulong sa dibdib ko.
“Oh ano ha! Namiss mo ako! Hayan amuyin mo ang pawis ko tol!” natatawa ako habang pilit kong ipinaamoy sa kaniya ang kili-kili ko.
“Ano ba! Baka hindi mo magustuhan ang gagawin ko sa’yo. Bitiwan mo ako!” nahihirapan niyang sagot.
“Okey. Mahirap nang ma-taekwondo. Suko na ako brad.”
Lumayo siya sa akin at nilapitan si Lexi. Pinunasan niya ang mukha niyang napawisan ko.
“Sige na anak. harapin mo na muna ang mga bisita mo doon at pagtiyagaan ko na muna ang Papa Zanjo mong kalaro.” Si Papa Pat.
“Pahanda ka kay Manang ng miryenda ha?” pahabol ni Papa Zanjo.
Habang naglalakad ako palapit sa kanila ay nakita kong natuon ang kanilang paningin sa hubad at pawisan kong katawan. Parang may kung ano sa katawan kong dumi o kakaiba. Nasa mismong likod lang ni Lexi ang hinubad ko kaninang t-shirt ko. Patay malisya kong tinakpan ang pinagmamasdan nilang mamasa-masa at kumikintab na katawan ko. Kahit payat ako ay may laman din naman at makinis iyon pero naasiwa lang akong pinagmamasdan akong hubad.
Nang kukuhanin ko ang damit ko ay saka naman umiwas si Lexi. Bumunggo ang pawisan kong katawan sa kaniyang dibdib. May naramdaman akong kakaiba.
Napalunok ako.
“Sorry, huwag ka ng malikot.” Hinawakan ko ang magkabilang balikat niya. “Hayan nadampian ka tuloy ng pawis ko. Tumayo ka lang dito nang hindi tayo nagkakabanggaan. Kukunin ko lang ang damit ko sa likod mo.” Bulong ko.
“Sabihin mo kasi.” Sagot niya.
“Anong ginagawa ninyo dito?” tanong ko habang nakatalikod akong isinusuot ko ang damit ko. Nahihiya at naasiwa pa din kasi ako sa tingin nila sa katawan ko lalo na kay Jino.
“Duh, enrolment natin ngayon. Naku ha!” si Lexi.
“Ah ngayon nab a ‘yun?”
Alam kong pawisan pa ang mukha ko nang hinarap ko sila.
“Magpunas ka muna ng pawis sa mukha…”
“Punasan mo muna ang pawis mo sa mukha.”
Halos sabay nilang sinabi iyon. Sabay din silang nag-abot sa akin ng hawak nila. Si Lexi, ang facial tissue at si Jino ang kaniyang panyo.
Hindi ko alam kung kanino ang kukunin ko, ang facial tissue o ang panyo? Walang gustong magbaba sa kanila. Kanino ba ang pipiliin ko.
Hindi pala ganoon kadali ang lahat. Lalong nahirapan kaming tatlo sa pagtuntong namin ng High School.

No comments:

Post a Comment