Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Monday, February 16, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 4

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

Pinatayo kaming lahat ng master namin nang papunta na Asssitant Instructor sa gitna namin.
“Kyong ye” malakas na utos ng aming master na nagpakilala sa aming Assistant Instructor.
Yumuko ang mga kasamahan ko bilang pagpupugay. Hindi ako makakilos. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa.
Si Jiro? Siya! Siya ang magiging instructor ko? Siya ang tatawagin kong Jokyo? Ang kanina ay pinagmalakihan ko sa loob ng locker room ang black belter na magiging instructor ko? Noon ay gusto ko nang lumubog sa kinatatayuan ko. Nagdadalawang isip na ako kung itutuloy ko pa ang pagtataekwondo ko.
Nangatog ang tuhod ko nang nilapitan niya ako dahil ako lang ang bukod tanging hindi pa yumuyuko. Tumitig siya sa akin. Higit isang dangkal lang ang layo ng mukha niya sa mukha ko. Halos maglapat na ang dibdib namin. Napalunok ako at dahan-dahan kong ibinaba ang aking tingin. Ngunit mata ko lang ang umiwas. Ayaw kong yumuko. Ayaw kong magbigay ng respeto. Ngunit sa mga sandaling iyon nagsimula akong pagpawisan. Tinitibag na ng kaniyang mga narating sa murang edad ang katiting kong katapangan. Iyon na lang ang meron ako, ang pride.
“Kam sa hap ni da” malakas niyang sinabi iyon sa mismong harap ko. Malakas ang pagkakasabi at alam kong iyon ay para sa aming lahat.
“Chon ma ne yo” sagot ng iba pang mga naroon na kasamahan ko dahil hindi lahat ay alam ang ibig sabihin ng kaniyang sinabi at katulad ko, wala din alam sa kung anong tamang isagot.
Hindi ko na matandaan ang ibig sabihin ng sinabi niya at ang sagot ng mangilan-ngilang kasamahan ko kaya lakas loob akong nagtanong.
“Ano ‘yun?” tanong ko sa mas maliit na katabi ko. Pabulong.
“Ano daw ang ibig sabihin ng sinabi ko at ng isinagot ninyo sa akin para malaman ng katabi mo ang ibig sabihin ng ating pinagsasabi dito.” Tanong din niya sa pinagtanungan ko.
“Kam sa hap ni da ay Thank you at Chon ma ne naman Jokyo ay you’re welcome.”
“Ilang taon ka na?” muli niyang tanong sa katabi ko.
“9 years old Jokyo.”
“At ikaw Santiago, how old are you?” seryosong tanong nito.
Pakiramdam ko nanliliit ako sa pagtitig niya sa akin. Napayuko ako sa hiya.
“Huwag mong sabihing pati edad mo hindi mo na din alam?
Hindi na lang tanong iyon. May kasama ng pagpapahiya na sadyang lalong nagpatindi ng pangangatog ng aking tuhod. Narinig ko ang pigil na tawa ng mga kasamahan ko.
“How old are you, Santiago?”
“Twelve.” Mahina kong sagot.

“Twelve. Kung 9 years old pa lang at alam na ng katabi mo ang mga terminologies na ginagamit natin sa pang-araw araw nating training, ipinagtataka ko kung paanong hindi mo ito alam Santiago?”
“E, sa nakalimutan ko, e. Saka unang araw palang naman. Huwag mo akong ipinapahiya.” Lakas loob kong bulong sa kaniya. Pilit akong nagtatapang-tapangan.
“Sige, kalimutan muna natin ang terminologies, siguro nga hindi mo pa lubusang nakakabisado but what about respect Santiago. Baka lang meron tayo no’n kahit hindi na basahin pa ang booklet na ibinigay namin.”
Napalunok ako. Pinunasan ko ang pawis sa aking noo sa pamamagitan ng nanginginig kong mga daliri.
Inikutan niya ako. Nanatili siya sa likod ko ngunit alam kong nakatingin siya sa akin tulad ng pagkapako ng tingin sa akin ng mga kasamahan ko.
“Maaring magkaedad tayo, parehong grade six pero dito, iba ang level mo sa level ko, dahil gusto mong matuto, sana marunong ka ding rumespeto.”
Dumaan siya ngunit malakas niyang binangga ang balikat ko. Huminga ako ng malalim. Kailangan kong magpigil.
Bumalik siya sa gitna at ipinagpatuloy niyang bigyan kami ng ilang mga techniques.
Ngayon ko lang napatunayan na sa edad namin ay ganoon na siya kahusay magsalita. Hindi ko maiwasang manliit sa aking sarili. Noon ko napatunayang karapat-dapat nga siyang mapabilang sa SPED Class ng aming school. Isa siyang gifted o fast learner kaya siya patuloy na umaani ng parangal at respeto sa kapwa naming mag-aaral at mga guro. Tumingin ako sa kaniya nagtama ang aming paningin at sa pagkakataong iyon ako na naman ang unang nagbaba ng aking tingin.
“Ahnjoe” malakas niyang utos.
Lumingon ako sa mga katabi ko. Ilan ay naunang nagsiupuan at ang ilan ay katulad ko ding di malaman ang gagawin. Sumunod ako sa ginawa nilang pag-upo. Hindi ba puwedeng Tagalog na lang ang gagamitin? Nagmumukha akong tanga.
“Cha ryuht” muling niyang sinabi habang seryosong inikot ang paningin.
Nilingon ko ang mga katabi ko, lalo nilang inayos ang kanilang pagkakaupo.
“Anong sabi? Charot?” tanong ko sa katabi kong 9 years old na nagmamagaling kanina. Kung tama ang dinig ko, ang alam kong Charot na madalas kong naririnig kay Tito Carl kapag nagbibiruan sila ni Daddy Ced ay salitang bading na ibig sabihin ay wala lang o kaya ay biro lang. Nagbibiro lang ba siya?
“Sabi ni Jokyo, attention daw.” Bulong nito.
Aba magaling nga ito. Tinamad kasi akong basahin ang ibinigay sa aking booklet. Tuloy ngayon nangangapa na ako. Maaring may mga naaalala ako pero nauunahan ako ng nerbiyos dahil alam kong pag-iinitan lang ako ni Jino. Sa totoo lang, nawalan na ako ng ganang ituloy pa ang pag-aaral ng taekwondo.
Malas naman oh!
“Bago tayo magsimula sa ating training. Gusto kong malaman na muna ninyo ang Principles of Taekwondo. Kailangan ninyo itong malaman dahil ito ang magiging guide ninyo sa inyong training. First principle is HUMILITY. Having humility is one of the characteristics essential in the martial arts. Being humble and not becoming bigheaded no matter what your achievements. Kung nandito ka, para ipagyabang ang iyong mga matutunan o kaya gamitin para gumanti sa tingin mong nanakit sa’yo, wala kang kalulugaran dito. Do you understand?”
Paglilinaw niya sa amin ngunit sa akin lang siya nakatingin. Sumagot ang mga kasamahan ko ngunit nanatiling tikom ang aking labi.
Huminga ako ng malalim. Nagsisimula na talaga yata siyang paringgan ako.
“Next is INDOMITABLE SPIRIT. Any martial art practice is extremely difficult and will involve practicing techniques that are exceptionally complex to execute. Your martial art indomitable spirit is your voice inside. Ito ang nagsasabing kailangan ninyong pagbutihin ang pag-eensayo at kayanin ang hirap ng mga trainings. Huwag dapat galit ang motivation ninyo para matutunan ang Taekwondo. Huwag gamiting motivation ang pagganti dahil maari ngang ito ang makakatulong sa iyo na mapadaling matutunan ang techniques ngunit ito naman ang maaring sisira sa’yo.”
Bakit ba parang sa akin niya sinasabi ang lahat. Ako lang ba ang nasa paligid niya. Sa akin siya laging nakatingin. Minabuti kong yumuko na lang at iwasan siyang tignan.
“Third principle is PERSEVERANCE. Lahat ng technique na ating pag-aaralan ay pinaghihirapan. Walang sinuman, kahit ako ay magsasabing I already master the martial art fully. There is always something that can be improved no matter how technical or flexible you are. Kaya nga diyan pumapasok lagi ang sinasabi ko kaninang pagpapakumbaba. Iyon ang kulang sa atin. Ang tanggapin ang pagkatalo at isiping may ibang mas nakakaangat pa sa atin. Tama ba ako, Santiago?”
Nagdesisyon akong huwag siyang tignan. Nakayuko pa din ako na parang may binabasa lang ako sa sahig.
“Santiago, may gusto ka bang idagdag sa sinabi ko?” lumapit siya sa akin.
“Wala.”
Nanatili akong nakayuko. Ako lang naman ang nakikita niya eh. Nakaparami naman namin dito ta’s ako lang ang lagi niyang tinitignan at tinatawag.
“Wala? Gano’n lang ang sagot. Wala! Elosoh!”
“Ano daw? Anong Elosoh?” tanong ko sa nagmamagaling kaninang katabi ko.
“Hindi ko alam e. Nakalimutan ko.” sagot niya sa akin.
“Anong Elosoh?” namumula kong tanong sa kaniya.
“Sabi ko, tayo! Tumayo ka!”
Hindi ko alam kung anong authority meron ang boses niya at napapasunod ako sa utos niya sa akin. Tumayo ako. Hindi ko nga lang siya matignan pa din ng diretso.
“Fourth principle is LOYALTY. Naibigay na sa inyo ang booklet last week hindi ba? Binasa mo ba?” tanong niya sa akin.
“Oo naman.” Sagot ko.
“Good. Puwede mo bang sabihin sa amin ang ibig sabihin ng loyalty? Iyon ay kung talagang binasa mo ang booklet na ibinigay sa’yo.”
Napakamot ako. “Tsk! Nakalimutan ko na eh!” pagpapalusot ko.
“O, sige, ganito na lang, sa sarili mong pagkakaintindi. Ano ang ibig sabihin ng loyalty.”
“Puwede bang iba na lang? Bakit ba lagi kasing ako? Ako lang ba ang tuturuan mo o sadyang nanadya ka lang na pahiyain ako ha!” naiirita kong sagot sa kaniya.
“Santiago! Wala kang respeto ah!” sigaw ng Master Instructor namin. Lumapit siya sa akin. Masama ang kaniyang tingin. Yumuko at umatras si Jino bilang pagbibigay daan sa Head Master.
“Intructor mo ang kausap mo. Kung hindi mo kayang sundin ang mga patakaran dito, huwag ka sa amin magpaturo. Dahil kung hindi mo kayang disiplinahin ang sarili mo at wala kang paggalang, mabuti pang umalis ka na lang at ibabalik namin ang binayaran mo. Nagkakaintindihan ba tayo?” galit na tinuran nito.
“Yes Master” sagot ko.
Lalo kong naramdaman ang takot. Sobrang lakas na ng kaba sa aking dibdib. Nahihirapan tuloy akong huminga. Hanggang sa nanlalamig na ang kamay ko. Sa mga sandaling iyon ay hiyang-hiya na talaga ako sa mga kasamahan kong naroon. Malakas ang pagkakasabi ng master namin at sa akin nakatingin kahit ang mga iba pang mas mataas ang rank ng belt sa amin.
“Paano ka namin matuturuan kung ganyan ang inuugali mo. Alam mo bang kasama ang Etiquette at honour sa mga principles. It is vital that students are taught correct Dojang etiquette as that is the only way to have discipline and pass on teachings. Bilang martial art student din, kailangan mong igalang ang instructor mo. Ngayon, tinatanong kita, kaya mo bang irespeto ang Jokyo Jino mo o hindi?” salubong ang kilay na tanong ng Master sa akin.
Nag-isip muna ako. Sa totoo lang kung siya din lang ang instructor ko, pakiramdam ko, liliit at liliit ang mundo namin. Pag-iintan lang niya ako. Pepersonalin. Ginagawa na niya sa akin ngayon at alam kong mas titindi pa ang gagawin niya sa mga susunod na araw.
Umiinit na ang paligid ng mga mata ko. Inaamin ko, naiiyak ako. Pakiramdam ko kasi, kahit anong gawin ko, talo na ako. Hanggang doon na lang ako. Iyon na lang ako sa kaniya. Mananatili lang ako sa baba. Huminga ako ng malalim. Nagkatinginan muli kami ngunit hindi na ako yumuko. Buo na ang desisyon ko.
“I quit!”
Yumuko ako kay master saka ako tumalikod. May mga narinig akong sinasabi ng mga kasamahan ko ngunit hindi na ako lumingon pa. Tumuloy ako sa locker room. Mabigat ang mga paa ko.
Bigo ako.
Mahirap pa lang tanggapin ang pagkatalo. Ang pag-iinit ng palibot ng mga mata ko kanina ay nauwi sa pagluha ngunit pinahid ko iyon. Pinigilan ko ang sarili kong maiyak. Ayaw kong umiyak. Hindi ako iiyak dahil lang sa pagkabigo kong magantihan at malagpasan si Jino.
Masakit ang loob ko habang hinububad ko ang uniform ko sa taekwondo. Una at huling pagkakataon ko na pala iyon maisusuot.
Nang makapagpalit na ako ay tinawagan ko si Daddy Ced. Kailangan kong magpasundo.
“Kahahatid ko lang sa’yo kanina anak. Why? Akala ko ba 2 to 3 hours ang training mo?”
“I quit, Dad!” sagot ko.
“What? You quit? Why?”
“Ayaw ko na.”
“Ayaw mo na? Gano’n na lang ‘yun? Akala ko ba gustung-gusto mo ito.” Pangungulit niya.
“I just realized po na ayaw ko na. Please Dad, huwag na kayong magtanong.”
“Bakit hindi kita tatanungin e, kanina lang you were so excited tapos ngayon sasabihin mo sa akin na…”
“Dad, susunduin mo ba ako?” pamumutol ko sa sasabihin pa niya.
Narinig ko ang pabuntong-hininga niya. Alam kong naguguluhan siya sa mga pabigla-biglang desisyon ko. Ako man din ay hindi ko inakalang magkakaganito.
“Okey but give me enough time kasi may appointment din muna si Daddy. I have to go anak kasi iniwan ko lang ang mga kausap ko. I’ll let you know, okey?”
“Okey.”
Kinuha ko na lahat ang gamit sa locker ko at ibinalik sa backpack ko. Nang mailagay ko lahat ang gamit ko sa backpack ko ay umupo muna ako. Iniisip ko pa din kung tama ba ang desisyon kong basta na lang sumuko. Ngunit kung si Jino din lang naman ang instructor ko, huwag na lang. Ipagpapatuloy ko na lang ang pag-iwas sa kaniya. Mas madali na sa aking iwasan siya ngayon dahil tanggap ko na hindi kami magka-level. Malayo talaga ang agwat namin sa isa’t isa. Iyon ang katotohanang kailangan kong isaisip.
Nang lumabas ako ay nakita ko si Jino na abalang nagtuturo sa mga kasamahan ko ng mga basic techniques. Nilingon pa niya ako nang dumaan ako sa kanila. Siya ang unang bumawi ng tingin. Napabuntong-hininga ako.
Sa labas na lang ako naghintay sa pagdating ni Daddy para sunduin ako. Nagtext siyang medyo matatagalan siya dahil nasa meeting pa siya ng isang pelikula na siya ang producer. Si Daddy Mak naman ay nasa Batangas dahil doon kinukunan ang kanilang teleserye. Iyon ang mahirap sa mga magulang ko. Madalas silang abala sa showbiz. Kapag maraming projects, mas maliit yung panahong nakakasama ko sila. Kaya nga dahil sa bukas ang buhay at pribadong buhay nila sa publiko, mas marami akong naririnig na pagkukutya sa kanilang pagkatao.
Isang oras mahigit na akong naghihintay sa labas ngunit wala pa din si Daddy. Nakakainip na. Minabuti kong tawagan na lang muli siya.
“Sorry anak. Natraffic lang si Daddy.” Sagot niya.
“Ilang minuto pa po?” tanong ko.
Halata ang pagkairita.
“Give me 45 minutes more.”
“Dad, make it 30 minutes, please?”
“Anak 45 minutes lang talaga.”
“Okey.” Matamlay kong sagot.
“Di ba may malapit namang fastfood diyan. Bumili ka na muna ng kakainin mo while waiting.”
“Sige po.” Pinatay ko na ang linya.
Wala naman akong magawa kundi ang sumunod.
Naramdaman ko nga ang gutom kaya minabuti ko na munang bumili ng burger at fries sa hindi kalayuang fastfood. Nang makabili ako ay muli akong tumawid at bumalik sa paghihintayan ko sa pagdating ni Daddy. Bihira ang dumadaan sa eskinitang iyon kahit malapit lang naman iyon sa iba pang mga bilihan. Para na kasing bahagi iyon ng isang sibdivision ngunit nasa bukana lang naman. May gate sa di kalayuan at may guard doong nagbabantay. Nang dumaan ako ay nasa loob ang guardhouse ang guard. Muli kong tinignan ang oras sa cellphone ko. Aba, malapit na ang 30 minutes na sinabi ni Daddy pero wala pa din siya.
Umupo ako sa harap ng Taekwondo Gym.
Uminom ako sa hawak kong softdrink at kumagat sa burger.
Ilang sandali lang ay may lumabas na tatlong ka-edad ko galing sa loob.
Maingay sila.
Nagtatawanan.
Minabuti kong huwag na lang silang pansinin.
Nasaan na ba kasi si Daddy. Antagal naman. Muli ko siyang tinawagan.
“Dad? Asan na kayo? Kanina pa ako dito. Antagal naman ho ninyo.”
“Anak malapit na ako. Okey?”
Lumingon sa akin ang isa sa mga lumabas kanina. Parang kilala ko.
"Hintayin mo na lang ako, anak"
“Sige Dad. Bye.”
Kumagat muli ako ng burger. Sinadya kong tumalikod ng upo sa kanila.
“Uyyy, tignan mo nga naman ano! Di ba ikaw si Romel? Yung pamilya ng mga bakla? Oo nga. Ikaw nga ‘yung sumuntok sa akin noong Grade 3 pa tayo!”
Naalala ko na.
Tama!
Si Philip. Siya yung huling nakaaway ko at dinala sa Clinic bago ako inilipat nina Daddy ng ibang school.
Tumayo ako.
Kinuha ko ang fries na ipinatong ko sa tabi ko saka ako naglakad palayo.
Ayaw ko na ng gulo. Matagal na akong hindi nakikipagsuntukan kaya minabuti kong umiwas na lang. Iyon ang laging pakiusap sa akin ni Lexi na gusto kong subukan ngayon.
“Di ba siga ka dati ha? Akala mo ba nakakalimutan ko na ang ginawa mo sa akin no’n?” Tinabihan niya ako. Siniko niya ang kamay kong may hawak ng softdrink. Tumapon iyon sa damit ko.
“Gago ka ah! Umiiwas na nga ako eh!” singhal ko.
“Oh ano ha! Lalaban ka?” pinormahan niya ako, porma ng isang naghahanda sa suntukan.
“Ano tol, kaya mo na na ‘yan?” tanong ng isang kasama niya. Nakangisi.
“Kaya na ‘to. Anong silbing pinag-aralan ko sa loob kung hindi ko ‘to patutumbahin.” Inihagis niya ang bag niya sa mga kasamahan niya. Parang si Jino lang kung tumindig sa pakikipaglaban.
Napalunok ako. Kahit papaano ay kinabahan ako. Ngunit kinaya ko na siya noon, kakayanin ko kaya muli siya ngayon?
Binaba ko ang backpack ko.
Hinarap ko siya.
“Hyahhh!” sigaw nito.
Hindi pa man ako nakakapuwesto ay isang malakas na sipa na ang tumama sa aking balikat. Halos mapaupo ako sa lakas no’n.
Hindi pa ako nakakarecover sa pagkakasipa niya sa akin ay isang malakas na sipa muli ang kaniyang pinakawalan. Tumama iyon sa aking sikmura. Napaatras ako. Nanigas ang sikmura ko kaya napakahirap sa akin ang huminga. Sinisikap kong mapuno ng hangin ang aking dibdib.
Sa tindi ng sipang iyon ay napaluhod ako. Kailangan ko pang umatras palayo hanggang sa mawala ang paninigas ng sikmura ko. Pinipilit kong tumayo. Hindi ko nga yata siya kakayanin.
“Ano ha! Nasaan na ang ipinagmamayabang mong galing mong sumuntok noon. Lumaban ka! Hindi ka man lang ba maka-isa! Ano ha! Huwag mong sabihing nahawa ka na sa kabaklaan ng pamilya mo!” nakatawa niyang pang-iinsulto sa akin.
Humahalakhak ang mga kasamahan niya samantalang hirap na hirap akong ipinagpatuloy ang pagtayo at umatras. Hindi man lang ako makasuntok kasi sa tuwing lalapit ako ay isang malakas na sipa ang pinakapakawalan niya. Tumatama iyon sa ibang bahagi ng aking katawan. Palapit na palapit na siya sa akin at wala na akong maatrasan pa. Siguradong kanyang-kanya na ako. Hindi din naman ako makatakbo dahil na-corner na ako ng mga kasamahan niyang naghaharang sa maari kong lulusutan.
“O, ano, pagbibigyan kita bakla! Isang suntok at tignan natin ang galing ng suntok ng isang shoding!” doon ako sadyang galit na galit.
Ang tawagin akong bakla. Pakiramdam ko nawala yung sakit ng sikmura at ilang mga tama niya sa aking katawan. Nanginginig na ang kamao ko. Sa isang iglap ay nagpakawala ako ng isang suntok sa mukha niya. Hindi niya iyon napaghandaan kaya maganda ang pagkakapasok nito sa kaniyang labi. Putok ang kaniyang bibig sa lakas no’n ngunit mas lalo kop ala siyang binigyan ng dahilan para lalo lang siyang mag-init. Nang umulit pa sana ako ng isang suntok sa mukha niya ay mas nagiging mabilis ang kaniyang kamay kaya ang balik ng isang suntok ko ay dalawa sa bahaging mata at panga ko. At isang sipa sa tagiliran.
Padausdos akong napaupo.
Nang tumingin ako sa kaniya ay umatras siya para sa pamatay niyang sipa sa akin. ilang beses ko nang napanood sa mga pelikula ang ganoong technique at alam kong kapag tamaan ako ng sipang iyon ay tuluyan akong mapabagsak. Wala na akong lulusutan. Panay ang tawanan ng mga kasama niya. Napapikit na lang ako. Iyon na lang ang tangi kong magawa noon. Alam kong sa isang iglap ay tatama sa akin ang malakas na sipang iyon.
Tumahimik ang paligid.
Nawala ang kanilang tawanan.
“Blag! Ka-blag!”
May narinig akong mga kalabog. Hindi sa katawan ko tumama iyon. Dahan-dahan kong binuksan ang aking mga mata.
Nakita ko si Jino kung paano niya hinarap ang mga kaaway ko. Ipinagtatanggol ako ng taong tinuring kong isa sa pinakamatindi kong kaaway. Tinulungan ng dalawa si Philip na sumadsad sa dulo. Sapo din nito ang kaniyang sikmura. Namumula ang mukha nito.
“Ano, lalaban ka? Lalabanan mo na ako!” singhal ni Jino kay Philip.
Yumuko ito pati rin ang dalawa nitong kasamahan bilang pagpapakita ng pagsuko.
“Sorry, Jokyo.”
“Sige na, umuwi na kayo. Kung uulitin pa ninyo ito, pasensiyahan na lang pero irereport ko kayo kay Master. Maliwanag?”
“Maliwanag Jokyo.”
Yumuko silang muli bilang pagbibigay galang.
Nanatili akong nakasalampak doon.
Tinignan ako ni Jino ngunit hindi siya nagsalita. Nagsalubong ang aming paningin. Pilit kong dinidilat-dilat ang mata kong natamaan ng malakas na suntok ni Philip. Mahapdi iyon. Naglakad siya palapit sa akin. Nanatiling tikom ang kaniyang bibig. Hanggang sa tinulikuran din niya ako. Naglakad siya palayo na parang walang nangyari sa akin. Ni hindi nito naisip na tanungin ako kung okey lang ako. Ngunit naisip ko, bakit nga ba niya gagawin iyon samantalang hindi naman kami magkaibigan. Kung tutuusin nga ako na ngayon ang lumalabas na may utang na loob sa kaniya.
Masakit ang balakang ko, mahapdi ang isang mata ko kaya hindi ko gaano naibubukas ito. Minabuti kong pumikit na muna. Hinintay kong mawala ang nararamdaman kong pagkahilo. Umayos ako ng upo.
Hanggang sa ilang sandali pa ang nagdaan nang naramdaman ko ang malamig na bagay na naidantal sa nakapikit kong mata. Sa pagkabigla ay nahawakan ko ang kamay na may hawak ng bimpo na may yelo. Pagmulat ko sa isang mata ko ay si Jino ang may hawak niyon. Gusto ko siyang palayuin sa akin sa mga sandaling iyon ngunit di ko masabi sa kaniya. Pati ang kamay kong nakahawak sa kamay niyang may hawak na bimpo at yelo ay di ko magawang bawiin.
Huminga siya ng malalim.
Nanatiling katahimikan ang naghahari sa pagitan natin. KInakabahan ako. Kakaibang kaba na noon ko lang naranasan.
“Ako na!” inagaw ko ang yelo sa kamay niya.
“May masakit pa ba sa’yo bukod diyan sa mata mo?” tanong niya.
“Wala na!” malamig na sagot ko.
Pinilit kong tumayo. Tumayo din siya ngunit parang ramdam ko pa din ang pagkahilo kaya pagkatayo ko ay natumba ako.
“Ooppps!”
Nayakap niya ako. Inalalayan para hindi tuluyang matumba. Sa lapit ng aming mga mukha ay nagkakaamuyan na kami ng hininga. Nanatili ang pagkakayakap niya sa akin at ako naman ay napahawak sa isa niyang braso at ang kamay kong may hawak na bimpo na may yelo ay nakalapat sa kaniyang dibdib.
“Nahihilo ka?” bulong niya.
“Hindi, kaya ko na.” pagsisinungaling ko.
Tinulak ko siya.
Lumuwang ang pagkakayakap niya sa akin.
“Beeep! Beeepp!” busina iyon ng sasakyan ni Daddy. Sa wakas dumating na din si Daddy. Kung sana napaaga ang dating niya hindi ako napaaway.
“Buboy, tara na!” boses iyon ni Daddy.
Nakita ko siyang nakatingin sa amin.
Dahan-dahan akong naglakad ngunit mabilis na hinawakan ni Jino ang braso ko.
“Anong ginagawa mo! Bitiwan mo nga ako!”
“Ikaw na nga itong inaalalayan, ikaw pa itong galit.” Binitiwan niya agad ako.
“Hindi naman ako babae para alalayan mo ah!” tinulak ko siya.
Nakita kong bumaba si Daddy sa sasakyan. Lumapit sa amin.
“Anong nangyari sa mata mo at diyan sa namumulang panga mo at bakit ka nahihirapang maglakad ha? Diyos ko naman anak, nakipagsuntukan ka na naman ba?”
Tumingin si Daddy kay Jino.
“Sandali, di ba ikaw yung batang nakasuntukan din niya sa beach noon? Ikaw na naman ba ang may kagagawan nito sa anak ko?” tanong ni Daddy sa kaniya.
“Hindi ho. Naabutan ko siyang may kalaban dito sa labas. Wala ho akong kinalaman, sir”
Huminga ng malalim si Daddy.
Galit ang kaniyang mga matang nakatingin sa akin. Alam ko ang kaniyang naglalaro sa utak niya. Ako na naman ang iniisip niyang nagpasimuno ng away.
Hindi ko na hinintay pang magsalita pa siyang muli. Binuksan ko ang pintuan ng sasakyan. Sasakay na sana ako nang narinig kong magsalita si Jino. Pabalik na din si Daddy noon sa driver’s seat.
“Sir, wala hong kasalanan si Romel. Napag-initan lang ho siya ng mga mayayabang na kasamahan ko. Hayaan po ninyo, pagsasabihan po siya ng Master namin. Huwag ho sana kayong magalit sa kaniya, sir!”
“Talaga? Salamat iho. Sige na, umuwi ka na din o kung gusto mo, idaan ka na din lang namin.”
“Huwag na ho, sir. Padating na din po si Papa para sunduin ako. Ingat po kayo.”
Ngumiti si Daddy. Kinawayan niya si Jino na noon ay nakayuko pa kay Daddy.
“Sana lahat ng bata kagaya ng batang ‘yan. Napakasuwerte ng kaniyang mga magulang.” Mahinang sinabi ni Daddy iyon ngunit napakalakas ng dating sa akin. Alam kong pinariringgan niya ako.
“Tignan ko nga ang nangyari diyan sa mata mo?” si Daddy.
Hinayaan kong tignan niya ang mga mata ko.
“Gusto mo bang ikuwento sa akin ang nangyari? Yung totoong nangyari, anak.”
“Huwag na ho. Isipin pa din naman ninyo ako ang nagsimula ng away. Kung ano ho yung iniisip ninyo, yun na yun Dad.”
“Anaka naman. Kaya nga kita tinatanong hindi ba? Kung iyon kaagad ang iisipin ko, para saan pa’t tatanungin kita. Pambihira naman oh. Sa tingin mo ba hindi ko paniniwalaan ang sasabihin mo?” Muli niyang idinaan sa paghinga ng malalim. Paraan niya iyon para pigilan ang sariling magalit. “May masakit pa ba sa’yo? Idadaan kita sa clinic.”
“Huwag na dad! Gusto ko lang ho magpahinga.”
“Anak, kung kaya mo namang umiwas sa gulo, umiwas ka na lang. Natatakot ako para sa’yo e. Hindi kasi puwedeng laging ganito. Paano kung hindi lang iyan ang inabot mo...”
At nagsimula na si Daddy sa paulit-ulit ulit ulit niyang mga linya. HInayaan ko na lang siyang magsalita hanggang magsawa. Inilagay ko ang seatbelt ko. Tumingin ako sa kinaroroonan kanina ni Jino. Naglakad na din siya papunta sa dumating na sasakyan. Hindi ko na naiintindihan ang nararamdaman ko. Nawawala yung galit at inis ko sa kaniya.
Kinagabihan nang araw na iyon ng Sabado hanggang Linggo ay nagsimula na akong hindi mapakali. Marami akong iniisip na hindi ko alam kung saan ito nanggagaling. May mga nararamdamang hindi ko lubos maipaliwanag. Paano kung makita ni Lexi ang black eye ko? Ayaw kong magalit siya sa akin dahil hindi ko tinupad ang pangako kong lalayo ako sa kahit anong away. Sa totoo lang si Lexi ang bumubuo ng araw ko o sabihin natin sa buhay ko. Siya lang ang tanging nakikinig sa akin. Sa kaniya ko malayang sinasabi lahat. Siya lang ang alam kong laging handang unawain ako kahit ano pa ang nagawa ko ngunit paano kung ang nasira ko ang aming kasunduan?
Dahil wala sina Daddy ay naisipan kong lumabas na muna at pumunta ng Mall. Nangingitim na ang paligid ng aking mga mata. Kailangan kong bumili ng sunglasses na babagay sa akin.
Araw ng Lunes, pumasok akong suot ang sunglasses ko.
“Bakit ka nakasuot niyan?” tanong ni Lexi pagadating na pagdating ko pa lamang.
“May sore-eyes ako.” bulong ko.
“Sore eyes o may tinatago ka lang talaga sa akin.” Halatang di bumenta ang palusot ko.
“Sore eyes nga.” Pinanindigan ko na ang pagsisinungaling.
“Romel, bakit ka nakasuot niyan sa klase?” tanong ng teacher namin. “Tanggalin mo ‘yan.” Utos nito nang hindi ako agad nakasagot. Wala talaga akong kawala.
Kung sasabhin kong may sore eyes ako, siguradong malalaman din niyang nagsisinungaling ako at pagagalitan o baka pauwiin pa ako dahil ayaw niyang mahawa ang classmates ko sa akin.
Kaya nang taggalin ko iyon at nakita ni Lexi ang black eye ko ay lalong pinanindigan na ni Lexi ang kaniyang pagtatampo. Nagtanong ang teacher kung ano ang nangyari sa mata ko at sinabi kong aksidenteng natamaan sa sparring namin si Taekwondo. Madali kong napaniwala ang teacher namin ngunit hindi si Lexi.
Sinikap ko pa siyang biru-biruin ngunit nanatiling wala siyang pakialam. Ngunit wala sa isip ko ang sumuko na suyuin siya kaya lang matindi ang paninindigan niya. Nasa harap lang din kami ng klase at kahit kaunting ingay lang ay mapapansin kami ng teacher. Hinintay ko na munang dumating ang Recess bago siya kausapin.
“Sabay na tayong magmiryenda?” pagpapansin ko sa kaniya nang tumayo na siya at lumabas.
“May atraso ka sa akin. Huwag na!” sagot niya.
Mabilis siyang lumabas.
Sumunod ako sa kaniya.
Tinungo niya table nila ni Jino. Doon sa table kung saan sila laging pumupuwesto. Naroon na si Jino nang dumating siya. Huminga ako ng malalim. Muli kong tinignan ang dala ko. Nangangatog ang tuhod ko. Tumitindi ang kaba sa dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang nararamdaman ko. Nakakapanibago.
Nang nakatayo na ako sa harap nila ay sabay silang napatingin sa akin. Hindi ko iyon ginagawa. Ngayon lang ako nagkalakas ng loob na lapitan sila. Nagkatinginan din sila na para bang hindi sila makapaniwala sa ginagawa ko.
“Puwedeng maki-share?” nanginginig ang boses ko.
Walang sumagot ngunit tinanggal ni Jiro ang backpack niya na pinatong niya sa isang bakanteng upuan. Umupo ako doon.
Wala pa ding umiimik sa kanila.
Nagpapakiramdaman.
Huminga ako ng malalim. Nangangatog pa din ang tuhod ko kahit nakaupo na ako sa harap nila. Nakatingin ako kay Lexi. Inilabas ko ang dala kong ferrero rocher.
“Sorry na, please?” bulong ko kay Lexi. Itinulak ko ang chocolate sa harap niya.
Kinapa ko ang isa pang ferrero rocher sa dala kong paper bag. Hawak ko na iyon ngunit hindi ko alam kung paano ko iyon ilalabas. Ni hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kung ibibigay ko na iyon sa kaniya. Tinignan ko si Jino na noon ay nakatingin sa ibinigay kong chocolate kay Lexi. May kung ano sa tingin niya na hindi ko maintindihan. Sumilay ang ngiti sa labi ni Lexi.
Paano ba ‘to? Anong sasabihin ko kay Jino? Bakit ang hirap namang gawin yung noong kagabi lang ay simpleng plano ko. Bakit ako kinakabahan ng ganito!

No comments:

Post a Comment