Biglang napalingon sa amin si Lola Isyang. “A-ano
iyon, Alvin?” ang tanong niya.
“Nasabi niyo po na ‘…tandang-tanda ko pa ang ang
matinding saya sa mukha ni Itang noong ibinalita ko sa kanya na isang
napakakisig at napakalusog na batang lalaki ang iniluwal niya’. Tama po ba?”
Nag-isip siya ng sandali. “I-iyan ba ang n-nasabi
ko?”
“Opo… at alam ko pong Itang ang tawag ng mga tao sa
aking inay Pacita” sabay lingon ko kay kuya Andrei na nanlaki rin ang mga mata
sa napuna ko. “S-sino po ba ang nagluwal kay kuya Andrei? Ang inay Pacita po
ba?” dugtong kong tanong.
Kitang-kita ko ang pagkagulat ni Lola Isyang sa
aking tanong. Marahil ay hindi niya inaasahang mapansin ko ang sinabi niyang
iyon na maaaring hindi rin niya sinadya. “A… e…” ang paunang naisagot niya na
mistulang nag-isip sa sunod na sasabihin. “Ay… ito namang batang ito. I-iyang
ang ibig kong bigkasin, hindi Itang. Aurea kasi ang pangalan ng inay ng kuya
Andrei mo kaya Iyang ang tawag ko sa kanya. Hindi Itang, Iyang ang ibig kong
bigkasin. Nagkamali lang ako.” ang dugtong pa niya.
Parang nadismaya naman ako sa sagot niyang iyon.
Parang hindi ako kumbinsido. “Lola… hindi po Iyang ang tawag ng mga tao sa inay
ko. Auring po… Wala pa po akong narinig na tumawag sa kanya ng Iyang. Ang inay
Pacita lang po ang minsan ay tinatawag nilang Itang.” ang pagsingit naman ni
kuya Andrei.
“Lola… sabihin niyo na po ang totoo. Please po.
Maawa po kayo sa amin ni kuya Andrei. Wala nap o ang mga magulang naming.
Hinahanap po naming ang katotohanan.”
“A, e, e…” ang pautal-utal nang sagot ni Lola
Isyang.
“Alam niyo po bang bago binawian ng buhay ang Tatay
Berto, nasabi niya sa akin na hindi ko po tunay na mga magulang sina Nay Pacita
at Tay Berto at ang tunay kong mga magulang ay sina Nay Auring at Tay Eloy?
Naramdaman ko pong may sasabihin pa sana siya. Ngunit hindi na siya
nakapagsalita pa. Nararamdaman ko pong g-gusto nilang ibunyag ang katotohanan sa
akin ngunit hindi na niya nakayanan pa ang lahat at binawian na siya ng buhay. At
ngayong nagkita tayo dito, naniniwala po ako na ginabayan niya kayo upang pumunta
kayo sa oras na ito, upang magtagpo tayo, upang dito mismo sa harap ng kanilang
puntod ninyo sasabihin sa amin ang katotohanan. Kaya po… Lola Isyang, sabihin
niyo na po ang totoo. Nagmamakaawa po ako. Saksi ang mga magulang naming, Lola
na nahirapan po kami ng kuya Andrei ko…”
“E… p-paano ba ito!” ang nasambit ni Lola Isyang na
halatang naguluhan, palipat-lipat ang tingin sa amin ni kuya Andrei at sa
puntod ng mga magulang ko. At marahil ay hindi na nakatiis, nilapitan niya ang
nitso ng aming mga magulang, hinawkan ang mga ito sabay sabing, “Itang! Auring!
Berto at Eloy! P-paano ba ito? S-sabihin ko na ang mga lihim ninyo! Patawarin
ninyo ako kung labag man sa inyong kalooban ang gagawin ko.” sambit ni Lola
Isyang.
“Huwag po kayong matakot Lola. Hindi po sila
magagalit. Alam kong iyan din ang gusto ng aming mga magulang. Kung nasabi iyan
ni tay Bert okay Alvin, siguradong gusto rin niya sanang sabihin ang lahat.
Baka ayaw nilang lumisan na may bitbit na lihim na hindi nila nabunyag sa amin.”
ang sambit ni kuya Andrei.
At doon na nagsalita si Lola Isyang. “A-ang tunay
nga mga magulang mo Alvin, sina Eloy at Auring ay hindi magkaanak – noong una.
Iyan ang nakita ko noong sinuri ko si Auring. Kung kaya lungkot na lungkot ang
mag-asawa. Noong nagbuntis na si Pacita kay Andrei, nalungkot si Auring kasi
nga gusto rin niyang magkariin ng anak, na babae upang i-pares kay Andrei. Ngunit
dahil sinabi kong hindi na nga siya magkaanak, noong iniluwal ni Itang si
Andrei, ipinagkasundo nilang ibigay ito kina Auring at Eloy dahil manganganak
pa naman si Pacita. Pumayag naman si Berto dahil matalik na magkaibigan nga
sina Eloy. Iyon ang kanilang usapan; na gumawa muli sila ni Pacita ng bata para
sa kanila na talaga. Ngunit hindi natupad ang kanilang planong iyon. Tinubuan
ng bukol ang matris ni Pacita at kailangang tanggalin ito, kasama na ang matris
niya. Kung kaya ay hindi na sila nagkaanak. Kaya sina Auring naman ang
nalungkot at na-guilty sa kalagayan nina ni Pacita. Nagpatulong sila sa akin na
gumawa ng paraan. Sabay sa pagdarasal nila, sa pagpipilgrimage sa Birhen, ang
pag-alay ng sakripisyo ng inay Aurea mo kagaya ng paglalakad na nakaluhod
patungo sa simbahan, binigyan sila ng milagro. Noong ipinagbuntis ka pa lang,
nag-arrange na silang ipakasal kayong dalawa paglaki ninyo kapag naging babae
ka. Gusto raw nilang magkarugtong ang mga pamilya ninyo sa pamamagitan ng kasalan
ng mga anak. Ngunit marahil ay kapag nanghingi ka, pagbibigyan ka lamang ng sapat,
iyong naaayon lamang sa plano ng nasa itaas. Lalaki ang isinilang ni Pacita. At
ikaw iyon, Alvin. May kaunting lungkot silang nadarama ngunit napag-isipan din
nila na sa mga anak na lang ninyo itutuloy ang pagdugtong ng mga lahi. Kapag
nagkaanak kayo ng lalaki at babae, dapat daw na ipapakasal ang mga ito, ang mga
apo nila. Ganyan sila ka seryoso, o ka desperado sa kanilang mga pangarap na
magdugtong ang mga dugo at pamilya ninyo.”
Hindi ko lubos maintindihan ang tunay kong
naramdaman sa pagkarinig sa rebelasyong iyon. May lungkot dahil parang ang
hirap na hiningi nilang magkaanak ako sa babae at ganoon din si kuya Andrei. At
may saya din na nalamang hindi pala kami magkapatid at malaya na kaming
magmahalan.
Agad kong naramdaman ang kamay ni kuya Andrei na
humawak sa aking kamay. Pinisil-pisil niya ito ng malakas. At noong tiningnan
ko ang mukha niya, binitiwan niya ang isang nakakabighaning ngiti. Alam ko ang
ibig sabihin ng ngiting iyon. Sa puso niya, nag-uumapaw ang dulot na saya. Alam
kong sa isip niya, wala nang hadlang pa ang pagmamahal niya sa akin.
“Maraming salamat po Lola Isyang.” ang nasambit na
lang namin ni kuya Andrei. Nagpaalam muli kami sa puntod ng aming mga magulang
at nagpasalamat na rin na sa wakas, nalaman din namin ang buong katotohanan sa
kanilang lihim.
“Alam mo kuya, parang sinadya ang lahat na magkita
tayo ni Lola Isyang dito sa puntod nila bago tayo tuluyang makaalis. Para bang
ayaw nilang tuluyang lisanin nila tayo na hindi natin nalalaman ang buong
katotohanan.” sambit ko habang naglakad na kami patungo sa kotse ni Brix na
minamaneho ni Noah.
Nginitian ako ni kuya Andrei at inakbayan. “Tama
ka… At alam mo, mas mabuti na rin na ganoon ang ginawa nila sa atin, ang
ipagpalit tayo. Kasi, tingnan mo naman, silang apat ay mahal ko bilang mga
magulang. Parang isang pamilya lang talaga tayo.”
“Atsaka ako rin po… mahal na mahal ko rin po silang
apat, si Tatay Berto, Nanay Pacita, ang Tatay Eloy at Nanay Auring” Napahinto
ako sandali. “M-medyo masakit nga lang kasi hindi ko nakasama ng matagal ang
tunay kong mga magulang.”
“Hayaan mo na. At least, alam mo na sila ang tunay
mong mga magulang. At mahal mo ang anak-anakan nila.”
“At mahal mo rin ang tunay nilang anak”
“At mahal ko rin ang anak-anakan ng tunay kong mga
magulang”
“At mahal ko rin ang tunay nilang anak.”
“Ang gulo!”
Tawanan.
Tahimik.
“Marahil ay talagang oras na nilang lumisan sa
mundo, ano kuya?”
“Bakit mo naman nasabi iyan?”
“K-kasi di ba, nakakabilib ang kanilang pagiging
magkaibigan. Pinangarap nilang magsama, walang iwanan kumbaga. Hanggang sa
huling sandali ng buhay nila, hayan, nagsama rin sila. At ang mga lihim nila ay
nabunyag din sa atin, sa araw mismo ng kanilang paglisan.”
“Oo tama ka d’yan. Parang sinadya ang lahat… At
sana, panatag na ang mga kalooban nila kung saan man sila naroon.”
“At siguro naman ay wala silang tutol na nakita
nilang nagmahalan tayo.”
Kinurot ko lang ang kanyang tagiliran. “Iba ang
kanilang gusto. Mga apo nila ang ikakasal...”
“O e di maganda, imbes na sa mga apo, sa atin na.
Shortcut lang.”
“Hindi ah! Hindi!”
“Puwede iyon!”
“Paano magdugtong ang lahi natin? Di naman ako
manganganak!”
“Di naman kailangang manganak para magdugtong eh!”
“Basta hindi iyan! Mali ang pagkaintinde mo!””
Iyon an gaming argument habang naglakad kami
patungo sa kalsada.
“Woi ang sweet naman ng mag-kuya! Kakainggit!
Kakain love!” ang biro ni Noah na nakatayo sa tabi ng driver’s seat sa kotse ni
Brix. Habang nag-aargumento kasi kaming naglalakad, inaakbayan ako ni kuya
Andrei. At inilingkis ko rin ang isa kong braso sa kanyang beywang. At wala
pang kaalam-alam si Noah na hindi kami tunay na magkapatid ni kuya Andrei.
Ngingiti-ngiti lang si kuya Andrei. Ako naman,
dedma. Pinsan kaya niya si Brix. At ayaw ko ring malaman ninuman ang tungkol sa
amin ng kuya Andrei ko. Iyan na lang ang natitirang kaisa-isang munting lihim
namin. Ang alam lang kasi ni Noah ay iisa an gaming mga magulang ni kuya
Andrei.
Mag-aalas 6:20 noong nakarating kami sa mismong
bahay naming. Hinatid lang kami ni Noah at nagpaalam din si siya na uuwi na.
Hinahanap na raw kasi siya sa kanila at may problema sa bahay nila. Ni hindi na
nga lang siya pumasok pa ng bahay. Gusto sana niyang iwan sa amin ang kotse ni
Brix at magcommute na lang siya pabalik ng syudad ngunit ayaw ni kuya Andrei
dahil gabi na at mahirapan na si Noah sa paghanap ng masakyan. At isa pa,
sasabayan din naman daw ako ni kuya Andrei kinabukasan pagpunta sa aking
paaralan. Kukuuha pa kasi ako ng special exams sa finals at si kuya Andrei ay
tutungo na rin sa trabaho niya upang magsumite ng resignation. Nadadaanan kasi
ang syudad kung saan naroon ang unibersidad ko sa rota ni kuya Andrei patungo
ng Mindanao.
Kaya noong nakaalis na si Noah, kaming dalawa na
lang ni kuya Andrei ang naiwan.
Sobrang lungkot na ng bahay noong pumasok kami.
Para bang pati ang kapaligiran ay dumamay sa nararamdaman naming paghinagpis.
Hindi ko maimagine kung makayanan ko ang matinding lungkot na iyon, kung wala
si kuya Andrei sa piling ko.
Muli na naman akong napaiyak. Kapag ganoong oras
kasi, nagluluto na ang inay ng aming hapunan at kung ganoong parating ako at
nakita niya, itatanong kaagad kung saan ako nanggaling, kung nagutom ba ako, o
di kaya ay tawagin ako sa kusina upang tulungan siya.
Ngunit sa sandaling iyon, walang nagtanong sa akin.
Sinilip ko ang kusina. Tahimik ito at tila nagluluksa rin. Sobrang tahimik.
Pati ang kadalasang pabugso-bugsong hangin na siyang nag-iingay sa aming bubong
kapag ang mga sanga ng puno ng kaimito ay sumasagi rito ay tahimik na tahimik
rin, tila nakisimpatiya sa aming dinadalang kalungkutan.
Sobrang sakit...
“N-nagugutom ka ba tol?” ang biglang pagsingit ni
kuya Andrei.
“H-hindi kuya. Matulog na lang ako. Pagod na pagod
ako eh. Ikaw? B-baka gusto mong kumain?”
“Busog din ako…” sagot niya.
Kaya dumeretso na lang kami sa kuwarto.
“A-ano ang plano mo ngayon?” ang tanong niya noong
kapwa nahiga na kami at nagtabi sa aking kama, nakatagilid siyang paharap sa
akin.
“W-wala… di ko alam. Wala naman akong choice di ba?
Ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral na parang wala lang nangyari sa buhay ko.
Mahirap pero, kaya ko naman siguro. Ang sakit lang kuya…” ang mahina kong
sagot. Naramdaman ko na naman kasi ang pagdaloy ng aking mga luha.
Inilingkis niya ang kanyang braso sa aking beywang.
“Huwag kang mag-alala, kapag nakapagresign na ako, ako ang mag-alaga sa iyo.
Ituloy ko ang mga trabaho ng itay sa bukid. May naipon naman akong kaunting
pera, ibibili ko iyon ng maliit na sakahan habang patuloy ko pa ring sasakahin
ang lupaing dati na sinasaka ng itay.”
“P-paano iyan, e hindi ka na magsundalo?”
“Ok lang sa akin. Ang mahalaga, narito ako para sa
iyo. Para sa panahong uuwi ka ng bahay, may tao rito, masaya ka pa rin. Hindi
ka mag-iisa.”
“G-gagawin mo iyan para sa akin?”
“Oo naman. Mahal ko kaya ang bunso ko…”
Syempre, touched ako. “I love you kuya…” ang
nasambit ko na lang, sabay yakap sa kanya.
“Bukas, ihahatid muna kita sa iyong paaralan at ako
naman ay dideretso sa aking headquearters. Magfile ako ng resignation with
immediate effect at sana in two or three days nakakabalik na ako rito. Sa
pagbalik mo galing school panibagong set-up na ang madatnan mo sa bahay natin.”
“Salamat kuya sa pagtulong mo sa akin. Mahal na
mahal po kita…”
“At mahal na mahal ko rin ang bunso ko. Kahit anong
mangyari, hindi kita iiwan. Lahat ay gagawin ko para sa bunso ko.”
Hindi na ako umimik. Hinigpitan ko na lang ang
pagyakap sa kanya. Kahit papaano, may tuwa rin akong nadarama dahil nariyan si
kuya Andrei na hindi ako iniwan.
Hanggang sa naalimpungatan ko ang paglapat ng aming
mga labi. At sa pagkakataong iyon, nangyari ang inaasam-asam ni kuya Andrei na
mangyari sa amin. Mapusok, nag-aalab ang aming pagniniig sa gabing iyon.
“Hiwalayan mo na si Brix.” ang casual na sabi niya noong
humupa na ang bugso ng init ng aming katawan at nakahigang magkayakap.
Bigla akong nasamid sa pagkarinig sa kanyang
sinabi. “P-po???” ang nasisagot ko na lang.
“Si Brix… hiwalayan mo na siya. Wala nang hadlang
para hindi natin ipagpatuloy ang ating relasyon, di ba?”
“E…” and nasambit ko bagamat parang hindi ko kayang
sa ganoon-ganoon na lang ay hihiwalayan ko na siya. Sobrang mabait kasi sa akin
si Brix. Malaki ang naitutulong niya sa akin at parang hindi tama na biglang
hihiwalayan ko siya na wala man lang malaking dahilan para gawin ko ito.
“Bakit hindi ka makasagot ng deretso? Mahal mo ba
siya?”
“K-kuya naman eh. Syempre, boyfriend ko iyong tao.”
“At bakit ako?”
“K-kapatid...”
“Hindi lang kapatid. Boyfriend pa!”
“K-kahit
papaano, may pinagsamahan din kami. Malaki ang naitulong niya sa akin.”
“So hindi mo siya kayang hiwalayan?”
“H-hindi naman po sa ganoon. Kailangan ko lang po
ng panahon. N-naaawa kasi ako sa kanya kuya eh.”
“O sige… bibigyan kita ng panahon. Pero basta, hiwalayan
mo siya.”
“S-sige po…”
Iyon lang. At nakatulog akong ang bagay na iyon,
kasama ng matinding pangungulila ko sa aking mga magulang, ang nakaukit sa
aking isip.
Nagising ako kinabukasan dahil sa paggising sa akin
ni kuya Andrei. “Tol… tol…”
“K-kuya???” sagot ko.
“Kain na tayo. Di ba babalik ka na sa unibersidad
mo at ako rin tutungo na sa Mindanao sa araw na ito?”
“Ah… oo nga pala.” Sabay balikwas sa higaan.
“M-magsaing pa po ako kuya.” ang nasambit ko. Wala na kasi ang inay kung kaya
naisipan kong ako na ang maghanda sa aming agahan.
“Tapos na akong magsaing. Nakahanda na ang pagkain.
Maligo ka na at hihintayin na kita sa kusina ha?”
“N-nagsaing ka na kuya?”
“Oo… Ngayong wala na sina inay at itay, ako na ang
magiging nanay, tatay, at kuya mo. Ako ang bahala sa lahat.”
At muli na naman akong napaiyak. Hindi ko alam kung
para saan ang pag-iyak kong iyon. Para kasing naawa ako sa sarili ko, at
nakaramdam din ng natuwa na nariyan si kuya Andrei na handang magsakripisyo
para sa akin. O baka rin naalala ko lang ang aking mga magulang. Naghalo-halo
na kasi ang ang aking emosyon.
“O sya… ligo ka na dali! Nilagyan ko na rin ng
tubig ang drum sa banyo. Hintayin kita sa kusina. Dalian mo.”
“O-opo kuya…” sabay tumbok ko sa kabinet ng aking
mga damit at tuwalya.
Pagkatapos kong maligo, sabay na kaming kumain.
“Ako na ang maghugas ng mga plato, magbihis ka na
lang. Nakabihis na ako.” sambit ni kuya Andrei.
“O-opo…” at pumasok na ako sa kuwarto ko.
Ilalagay ko na sana ang mga gamit na dadalhin ko para
sa boarding house noong napansin ko sa gilid ng kuwarto ko ang mga bagahe ni
kuya Rom. At sa tabi nito ay ang aking knapsack na may mga laman na rin.
Nilapitan ko ito at binuksan ang aking knapsack. Nagulat ako noong naroon na
rin pala ang aking mga gamit. Damit, pantalon, brief, may toothbrush at
toothpaste rin.
“Kuya, inayos mo na pala ang mga gamit ko?”
“Oo… para magbihis ka na lang.”
Napahanga na lang ako sa ginawa niya. Bigla ko na
namang naalala ang aking inay. Ang pagmamahal niya, na hinahanap-hanap ko
ngunit pinunan ni kuya Andrei.
Sumakay kami ng tricycle at tinungo ang terminal.
Noong nakarating na kami sa terminal. “Natandaan mo pa ba rito?” habang umupo
kami sa mga upuang nakahilera para sa mga pasahero.
“Opo… maraming bagay po ang natandaan ko rito kuya.”
“Kagaya ng ano?”
“N-noong una mong pag-alis. Iyak nang iyak ako
rito. Binigyan mo ako ng pera, tapos nag videoke tayo, nagpalitrato. Kinantahan
mo pa ako ng ‘Old Photographs’”
“Tapos, ano pa?”
“Iyong sunod mong pag-alis na hinabol kita. Kahit
hindi ko alam ang patutunguhan mo at tama lang ang pera ko sa aking pamasahe
patungo sa San Pedro City, hinabol pa rin kita, sumakay ako ng bus na mag-isa,
kahit noon pa lang ako nakasakay nang walang kasama.”
Inilingkis niya ang kanyang bisig sa aking beywang.
“Mahal mo ba si kuya?”
“Opo… mahal na mahal po kita kuya. Hindi ko alam
kung ano ang gagawin ko kung wala ka…” at naramdaman ko na naman ang mga luha na
nangingilid sa aking mga mata.
“O sya, o sya… mahal na mahal ka rin ni kuya. At
promise ko sa iyo, hindi kita iiwan at hinding-hindi kita pababayaan.”
“Salamat kuya…”
“Gusto mo dadaan muli tayo sa videoke bar. Kakanta
muli tayo, tapos, pa-picture uli.”
“S-sige po kuya. Na-miss ko na po iyong kanta mo sa
akin.”
At nag-videoke nga kami at nagpalitrato uli,
nilagay ko na naman sa aking wallet. Noong nasa loob na kami ng bus, nanumbalik
din ang aking alaala noong sabay kaming naupo patungo ng San Pedro City. Iyon
ang isa sa pinakamasayang alaala ko sa kanya.
Nakarating din kami sa syudad ng aking unibersidad.
At talagang inihatid pa niya ako sa mismong boarding house ko. Hindi lang niya
ako hinatid, nagpakilala pa sa siya aking mga ka-boardmates, nakipagkuwentuhan
at nakipagusap din siya sa aking landlady.
Noong nakaalis na si kuya Andrei, kinausap ako ng
aking landlady at biniro na, “Ngayon na wala ka nang mga magulang, ako na ang
mag-aalaga sa iyo Alvin. Alam mo kung bakit?”
“B-bakit po?”
“Kasi, kami ng kuya Andrei mo na ang magsilbing ama
at ina mo.” sabay tili ng, “Ang guwapo-guwapo niya!!!”
Ganoon din ang reaksyon ng mga kasama ko sa
boarding house na magbarkadang mga bakla, kinikilig kay kuya Andrei.
At pinanindigan naman ni kuya Andrei na sinabi
niyang siya na ang mag-aalaga sa akin. Noong nasa Mindanao na siya, halos
oras-oras ay may text siya sa akin, nagtatanong, nagrereport sa mga ginagawa
niya, minsan naman ay tumatawag. Halos magkakasabay na nga lang palagi ang mga
texts nila ni Brix na natatanggap ko. Si Brix naman ay concerned na concerned
din sa akin, awang-awa sa aking kalagayan. Habang emotional support at
pag-aalaga ang ibinigay sa akin ni kuya Andrei, financial naman ang kay Brix. At
lalo pa niyang nilakihan ang perang ipinapadala niya sa akin para sa aking mga
pangangailangan.
Sa pang-apat na araw simula ng bumalik si kuya
Andrei sa trabaho ay ibinalita niya sa akin na na-approved na raw ang
resignation niya bagamat may hinihintay pang mga papeles. Ngunit puwede na raw
siyang umuwi. Pumayag naman ako. Sabi ko sa kanya, siya na ang bahala sa mga
gawaing naiwan ng itay pati na ang mga inaalagaan niyang mga hayop.
Sa totoo, nagdadalawang-isip din ako sa ginawa
niyang desisyon. Kasi, puwede naman siyang patuloy pa rin na magtatrabaho
habang nag-aaral ako. Kaso desisyon niya ang ganoon. Habang nag-aaral pa raw
ako, sa bahay lang siya. Sa kabilang banda, naisip ko rin na nakakatakot ang
trabaho niya bilang sundalo. Kung kaya nga namatay ang aming mga magulang ay
dahil sa pagsusundalo niya. Kaya pumayag na rin akong huminto na siya sa
pagiging sundalo.
At natapos ang isang lingo. Natapos ko rin ang
lahat ng aking mga special tests sa finals. Kahit kulang ang aking paghahanda
sa pasulit, masasabi ko namang nasasagot ko ng maayos ang mga tanong. Alam kong
kahit papaano, hindi masyadong naapektuhan ang aking grado.
Dahil tapos na ang semester, umuwi na uli ako,
excited na makitang muli ang aking kuya Andrei. At hindi naman ako nabigo. Nasa
daan pa lang ako patungo sa aming bahay, nakita ko kaagad siya sa harap ng
bakuran, gumawa ng upuan sa lilim ng puno ng malaking mangga na kanyang itinanim
para sa akin noon. Malaki na kasi ang dalawang puno ng manggang itinanim niya
para sa akin. At makapal pa ang mga dahon at sanga ng mga ito. Nakahubad ang
pang-itaas na kataawan, punong-puno ng pawis ang mukha at katawan, nakatayo
siyang nakangisi sa akin noong nakita akong parating.
“Kuya, nandito na po ako…” sambit ko sabay abot sa
kanya sa binili kong puto na binili ko sa terminal bago ako sumakay ng
tricycle. Paborito ko kasi ang puto at sabi niya, paborito na rin niya ito
dahil sa kabibili niya nito para ipasalubong sa akin.
Tinanggap niya ang bigay kong puto atsaka inunat
ang mga bisig.
Dali-dali akong yumakap sa kanya. Wala akong
pakialam kung puno man ng pawis ang kanyang katawan. Pinakawalan ko ang
matinding pananabik ko sa kanya. Nagyakapan kami. At dahil nasa labas kami ng
bahay, sa pisngi ko lang siya hinalikan. “Ang ganda kuya!” tukoy ko sa ginawa
niyang upuan sa ilalim ng puno ng mangga. May sandalan kasi ang ginawa niyang
upuan. Malapad, at puwede pang gawing tulugan. Nilagyan din niya ito ng bubong
panagga sa init at ulan.
“Syempre, itinanim ko ang mga punong ito para sa
iyo, di ba? Kaya ngayong narito na lang ako sa bahay, aalagaan ko ito… para sa
bunso ko.” Nahinto siya. “Pasok ka muna sa loob upang magbihis. Kumain ka na
ba? Nagugutom ka?”
“Kakakain ko pa lang po.” ang sagot ko naman habang
tinumbok na ang looban ng bahay. Nang nakapasok na ako, nagulat naman ako sa
mga nakitang pagbabago. Napakalinis, masinop, at ang mga butas-butas na atip na
nipa ay inayos, tinapalan na ng bago. At noong pumasok naman ako sa aking
kuwarto, pinalakihan na niya ang aming kama at may mga kurtina na. “Ang ganda!”
sigaw ko sa aking sarili. Ang saya-saya ko sa sandaling iyon.
Lalabas na sana ako ng kuwarto noong bigla namang
pumasok si kuya Andrei. “Nagustuhan mo?” ang tanong niya.
“Opo. Ang ganda-ganda na po ng kuwarto natin.”
“Wala man lang akong kiss d’yan?” biro niya.
“Puno ka kaya ng pawis.”
“Yaan mo na, kiss lang naman.”
Nilapitan ko siya at hinalikan sa bibig. “Mwah”
“Sarap talaga ng kiss ng bunso!”
“Hmm… Anong plano mo ngayon?”
“E, di maligo na, para mabango.”
“Parang alam ko na ang sunod na mangyayari.” ang
sagot kong binitiwan ang isang ngiting nakakaloka.
“Alam mo na pala eh, di bilisan ko na!”
Tawanan.
At syempre, ano pa ba ang puwedeng mangyari
pagkatapos niyang maligo? Pareho kaming sabik sa isa’t-isa. Pareho naming
gustong gawin iyon…
Kinabukasan, si kuya Andrei uli ang gumising sa
akin. Siya pa rin ang naghanda ng agahan. Pagkatapos naming magalmusal,
nagpaalam siyang pupunta sa niyogan na tinatrabaho ng itay. Nagpaalam akong
sasama dahil gusto ko ring makita ang lugar. Pumayag naman siya. Ngunit bago
kami nagpunta roon, pinakain muna niya ang mga alagang baboy at manok, nilinis
ang mga pig pens, pinaliguan ang mga baboy. At syempre, manual iyon kung kaya
sa pagbubuhat pa lamang ng balde na puno ng tubig ay nakakapagod na. Nang
natapos na kami, saka na kami tumungo sa niyugan.
At doon ko na nakita kung gaano kahirap ang
trabaho. Siya mismo ang umaakyat sa niyog, isa-isa niyang inakyat ang lahat. At
ang ibang puno ay matatayog pa. Parang gusto ko siyang pigilan na huwag na lang
umakyat. Natakot kasi akong baka malaglag siya. Ngunit nagpumilit siya. Iyan
naman daw ang trabaho ng itay kung kaya ay ok lang. Kaya niya ang lahat. At
pagkatapos pa niyang akyating ang bawat puno, iipunin naman niya ang mga niyog
at pisikal na bubuhatin ang mga ito at ilagay sa bahay-bahayan na pondohan.
Tumulong din ako sa pagbubuhat.
“Kaya ikaw… pagbutihin mo ang iyong pag-aaral dahil
kapag nakapagtapos ka na, iahon mo ako rito sa kahirapan.” ang sagot niyang
pagbibiro, feeling siya ang itay ko.
Natawa na lang ako bagamat sa kaloob-looban ko,
humanga ako ng labis sa kasipagan ng aking mga magulang, naawa sa kanilang
dinanas na hirap. At naramdaman ko na naman ang lungkot. Kasi, pumanaw sila na
hindi man lang naranasan ang bunga ng aking pagsisikap, ang katuparan sana ng
aking mga pangarap na iahon sila sa kahirapan. Binitiwan ko na lang ang isang
buntong-hininga.
Mag-aalas dose na ng tanghali noong tumigil siya sa
pag-akyat ng niyog. Noonng pauwi na kami, nangolekta naman siya ng mga
panggatong para raw gamitin namin sa aming dirty kitchen. At mapagkakitaan din
naman daw iyon kasi napag-alaman niyang may mga dumadayo sa lugar namin upang
bumili ng mga panggatong.
Napatingin na lang ako sa kanya. Hangang-hanga ako
sa ipinakita niyang kasipagan. Parang sanay na siya sa ganoong trabahao. Parang
sa bukid na iyon na talaga siya lumaki. Parang ang aking itay lang...
Noong nakarating na kami ng bahay, dumeretso naman
siya sa kusina at nagsaing. Parang nakonsyensya rin ako. Dapat pala ay ako na
lang ang nagsaing, kagaya ng ginagawa ng inay na minsan ay hinahatiran ang itay
ng pagkain sa niyogan.
“Bukas kuya, ako na ang magluluto at hahatiran na
lang kita ha?”
“Huwag na. Gusto kong kasama ka doon.”
“Ah pwede akong sumama sa iyo pero kapag mga alas
10 na, uuwi na ako upang magsaing, Dadalhan kita ng pananghalian sa niyogan.”
“Puwede…”
At iyon nga ang naging routine namin.
“Alam mo kuya, wala talagang kaduda-dudang tunay kang
anak ni tatay Berto.”
“At bakit mo naman nasabi iyan?”
“Ang sipag-sipag mo kasi. Ngayon ko lang narealize
kung gaano pala kahirap ang mga gawain niya.”
“Oo… ginawa niya ang lahat para sa iyo, sa
kinabukasan mo. Kung kaya gusto kong gawin talaga ang trabahong ito dahil gusto
kong maranasan din ang hirap ng itay, nang sa ganoon ay para na ring naramdaman
ko siya at mas lalo ko pa siyang makilala. Kahit papaano ay makabawi man lang
ako sa kanya, na hindi ko lubos nakilala, hindi ko lubos na nakasama. At para
na ring ipinamana niya sa akin ang trabahong ito. Kaya, happy ako. Naaalala ko
palagi ang itay. Kung nagkataon lang sigurong ito na ang ginawa ko noong buhay
pa siya, sigurado, mas gagaan ang trabaho niya.”
Kaya, iyon na ang napagdesisyonan naming takbo ng
aming buhay sa bukid. Mahirap ngunit masaya. Simple ang pamumuhay ngunit wala
namang polusyon, walang ingay, walang pressure, hindi nagmamadali. Para lang
kaming nagreenact sa buhay at pag-ibig ng aming mga magulang.
Akala ko ay wala na talagang hadlang ang aming
kalagayan ni kuya Andrei. Ngunit siguro totoo ang sinabi nilang habang buhay pa
ang tao, hindi ito nilulubayan ng mga pagsubok. At lalo na sa kalagayan ko, na
isang lalaki ang minahal. At lalo pa kung ang lalaking iyon ay lapitin pa ng
mga babae at bakla.
Isang araw, nagyaya si kuya Andrei. “Gusto mo,
maligo tayo sa ilog? Kagaya ng dati lang noong maliit ka pa at ako ay teenager
pa lamang...”
Na-excite naman ako sa kanyang sinabi. Syempre, ang
tagal tagal na simula noong nakasama ko siyang naligo. Isang paslit pa lamang
ako at palagi pa kaming nag-aasaran. “S-sige po kuya!”
Ay iyon… naligo kami sa ilog. Hubo’t-hubad dahil
kami lang naman ang tao. At kung noong paslit pa lamang ako ay naghahanap ako ng
pagkakataon upang lihim na itago ang kanyang mga damit habang siya ay naliligo,
sa pagkakataong iyon, sumama na ako sa kanya sa ilog mismo, nakipagharutan,
nakipaghabulan, nakikipagtsansingan. At malaya kong ginagawa ang mga
kabulastugan ko sa kanya. Nariyan iyong lihim kung sisirin ang ari niya at
hahawakan iyon. Nariyan iyong hihilahin ko siya sa ilalim ng ilog at doon kami
maghahalikan. Nand’yan din iyong kunyari ay magkaharap kaming nag-uusap ngunit
ang aking isang paa sa ilalim ng tubig ay hinihipo-hipo na pala ang kanyang
pagkalalaki.
At ganoon din siya sa akin. Minsan, sisisid sya at biglang
kagatin ang puwet ko, o di kaya ay tatampalin. Tapos iyon na, maghahabulan na
kami. Ang saya.
Nasa ganoon kaming pagnamnam sa sarap ng aming
bonding at pribadong oras noong biglang, “Hi Andrei!”
Bigla kaming napalingon sa may pampang kung saan
nagmula ang boses. At doon nakita ko ang dalawang babae na kasalukuyang
nagtatanggal ng kanilang mga damit at sa tingin ko ay lulusong din sa ilog.
“Hi!” ang sigaw din ni kuya Andrei sa kanila na
kumaway pa.
Hindi ko masyadong kilala ang mga babaeng iyon sa
baranggay namin. Ang alam ko lang ay magkapatid sila at ang kanilang ina ay
nakapag-asawa ng Autralyano ngunit naghiwalay din. Kaya ang mga babaeng iyon ay
lumaki ng Australia at noong naghiwalay na ang mga magulang nila, sa baranggay na
namin sila tumira may isang taon na ang nakalipas. Sila ang may pinakamalaki at
pinakamagandang bahay sa baranggay namin. Sila rin ang pinakamayaman. Suportado
pa rin kasi sila sa ama nilang Australyano. At pag-aari nila ang ekta-ektaryang
niyogan sa aming baranggay. Ngunit hindi ko sila kaibigan. Hindi ko nga rin
alam kung kilala nila ako.
“P-paano ka nila nakilala?” ang lihim kong
pagtatanong kay kuya Andrei, may bahid na selos ang aking boses. Kung may
barometro lamang na magmi-measure ng kaligayahan, nasa tuktok na sana ito ng
scale ngunit bigla ring bumulusok sa baba sa pagpasok ng dalawang babeing iyon
sa eksena na halatang kinilig, excited na excited makita si kuya Andrei na
naligo sa ilog.
“Noong isang araw lang, sa palengke. Noong
namalengke ako, nagkataong nagkasabay kaming namimili sa isang tindahan. At
iyon, nakipagkaibigan. Alangan namang iisnabin ko.
Wala na akong nagawa. Hindi na lang ako umimik,
biglang umayos at hindi na nakikipagharutan kay kuya Andrei, tiningnan silang
dalawa na nag-hubad ng damit hanggang sa ang natira na saplot na lamang ay ang kanilang
suot na two-piece na pampaligo. Marahil ay talagang plano nilang maligo sa
ilog. Ang nakatatanda na sa tingin ko ay mas bata nang may apat na taon kay
kuya Andrei ay kulay blue na terno ang suot, at ang bunso na halos kaedad ko
lang sa tingin ko ay may suot na kulay pink. At ang si-sexy nilang dalawa, ang
gaganda pa.
“Hi Andrei!” ang sambit uli noong nakatatanda sa
dalawa nang nakalapit na sila sa amin. “Kumusta?” ang dugtong na tagalog
bagamat halata sa tono na hindi ito sanay sa salitang pinoy.
“I’m good. How about you, Jane?” ang sagot ni kuya
Andrei sa nakatatanda. At nakangiti si kuya Andrei na parang nakakaloko lang.
“I’m okay! Magsalita ka ng tagalog. Gusto kong
matuto” sagot naman noong Jane ang pangalan. “And by the way, this is my younger
Sister, Michelle!”
“Hi Michelle! Nice to meet you!” ang sagot ni kuya
Andrei sabay pakikipagkamay niya. “And here’s my little bro, Alvin!” muewestra
ni kuya Andrei sa akin.
“Wow! He’s so handsome, Andrei! Just like you!” ang
papuri niya. At baling sa akin, “Kumusta Alvin?” ang tanong niya na sinagot ko
naman ng “Mabuti”. Pagkatapos, ang bunsong babae naman ang nakikipagkamay sa
akin sabay sabi ng “Hi!” na may kasamang ngiti.
“Hi!” ang maiksi ko ring tugon.
Iyon lang at hindi na ako mapakali. Nakikipag-usap
ang Jane sa kuya Andrei ko at hinawakan pa talaga ang braso niya at hinila
palayo ng kaunti sa amin na parang gusto niyang kami rin ng kapatid niya ang
mag-usap.
Syempre, hindi ko naman alam kung ano ang gagawin
ko sa babae eh. Ang alam ko lang sa mga babae ay ang pagiging nanay nila,
pagiging classmate nila sa klase, pagiging guro… Hindi ko alam kung anong topic
ang bubuksan. Alangan namang pag-uusapan namin ang gulo sa Syria o ang palitan
ng dolyar. Hindi rin puwedeng tanungin ko siya kung ano ang square root ng 5 to
the power of one thousand, o kung ano ang ibig sabihin ng theory of relativity,
o iyong anti-matter, o di kaya ay iyong bagong tinatawag nilang god particles.
“Sabagay, baka alam din niya kung ano ba talaga ang adhikain ni Mahatma Gandhi
at ang naging epekto nito sa mundo” sa isip ko lang.
Ewan, bad trip talaga ako sa biglang pagpasok ng
dalawa. Pero pinilit ko na lang na magsalita. “You speak Tagalog?” ang tanong
ko na lang.
“A bit.” ang sagot niya.
“So puwede akong magtagalog?”
“Go ahead. I’ll try my best to understand.” sabay
tawa.
Natawa na rin ako bagamat gumagapang na ang selos
sa aking utak kina kuya Andrei at Jane. “S-saan ka n-nag-aaral Michelle?” ang
tanong ko pa.
“Ateneo?”
“Manila?”
“Davao.”
“Why not UP?”
“Mom chose it for me.”
Ganoon lang ang mga pinag-uusapan namin. Isang
tanong, isang sagot. Hanggang sa hindi ko na talaga natiis ang sarili sa selos
at inis lalo pa noong nakita ko sina kuya Andrei na pagkatapos ng biruan at
tawanan ay tila natahimik na parang seryosong bagay na ang pinag-uusapan. Kaya,
“E-excuse me, Michelle, I remember there is something I need to do at home.”
“Okay…” ang sagot niya.
“Kuya! Mauna na ako. May gagawin pa ako!” ang sigaw
ko kay kuya Andrei.
“Ok tol… sabay na ako!” ang sagot naman niya.
Sumunod naman talaga siya. At noong nasa
dalamapasigan na kami, dahil nga pareho kaming hubo’t hubad, narinig ko ang
pagtatawanan ng magkapatid.
Hindi ko sila pinansin. Sa tindi ng selos at inis ko
pa naman. Ngunit si kuya Andrei, nagawa pang lumingon at nakitawa rin.
Iniindayog pa ang puwet na parang nanukso.
Dali-dali akong nagbihis. Gayon din si kuya Andrei.
At noong malayo-layo na kami, doon ko na siya tinanong, ang boses ay halatang
pinipigil ang galit. “Anong pinag-usapan ninyo???”
“Wala… noong nalaman niyang sundalo ako at huminto
na dahil sa pagkamatay ng mga magulang natin, naawa siya, sa atin. Kaya
nagshare din siya sa kanyang mga hinanakit sa mga magulang dahil sa
paghihiwalay nila.”
Hindi na ako umimik. Nanaig pa kasi sa isip ko ang
selos, at syempre, takot na baka madevelop o mahulog na naman ang loob niya sa
babaeng iyon na hindi lang mestisa, maganda pa, mayaman, at mukhang liberated.
Siguro, naramdaman ni kuya Andrei na nagselos ako
kung kaya ay inakbayan niya ako. “Huwag kang mag-alala, hindi ko na hahayaang
masaktan pa ang utol ko.” sabay kurot sa aking pisngi na parang nangigigil.
“Hmmmm! Cute talaga nito!”
Pinalampas ko ang pangyayaring iyon. Nakita ko
naman na talagang hinabol ako ni kuya Andrei at kung paano niya ako
pinanindigan.
Ang buong akala ko ay hanggang doon lang ang
maranasan kong sakit. Ngunit isang araw noong umuwi ako ng bahay upang maghanda
ng pananghalian niya, pagbalik ko sa niyogan, habang palapit na palapit na ako
sa lugar bitbit ang inihanda kong pagkain, may narinig akong tawanan.
Boses ni kuya Andre at isang babae!
Bigla akong huminto at nagtago sa isang puno ng
niyog na di kalayuan sa kanila. At noong nasilip ko na sila, si Jane pala ang
babae at nakaupo silng dalawa sa damuhan na nilatagan ng isang sapin, at sa
harap nila ay mga pagkain. Mistulang kumakain silang dalawa. At sa nakita ko pa
sa reaksyon ni kuya Andrei, parang ang saya-saya niya. Parang feeling ko talaga
ay gustong-gusto niya rin na naroon si Jane. Para silang magsing-irog kung
tingnan.
Pakiwari ko ay isa akong kandilang natutunaw sa
aking nasaksihan. Nawalan ng lakas. Parang may narinig akong bumulong sa aking
isip at nag-utos na umuwi na lang at hayaan na lang si kuya Andrei at ang babae
sa kung ano man ang ginagawa nila.
Ngunit nilabanan ko ang sarili. Humanap ako ng
buwelo at pilit na iwinaksi sa aking isip ang aking nakita. Nagpatuloy ako sa
paglakad patungo sa kinaroroonan nila.
“Ay mabuti at nandito ka na tol… hinihintay ka
namin.” sambit ni kuya Andrei.
“How are you Alvin!” ang pag greet naman sa akin ni
Jane.
“I’m okay…” ang maiksi kong sagot, binitiwan ang
isang hilaw na ngiti. Parang nanliit naman ako sa aking dala. Ang aming lagayan
ng mga pagkain ay mga yari lamang sa lata at ang kutsara ay lumang-luma na may
mga gasgas at mumurahing klase samantalang ang nakalatag na mga dala ni Jane ay
mga babasagin pa, mga porselana, mga bago na halatang mamahalin. May wine glass
pa siya, may magandang pitcher na may juice samantalang ang sa akin ay plastic
na gasgasing pitcher na ang laman ay tubig at ang baso naman ay plastic din na
may batik-batik na dahil sa kalumaan. At dagdagan pa sa ulam kong dala na
talagang pang mahirap samantalang ang mga ulam na dala niya ay may kare-kare,
may fried chicken, may adobong baboy. At may cake pa siya at ice cream!
“O sige, kain na tayo.” ang sambit ni kuya Andrei
habang binuksan ang lagayan ng mga inilatag kong pagkain. Doon ko nalaman na
hindi pa pala kumain si kuya Andrei, si Jane lang pala ang kumain dahil
nagugutom na raw ito.
“Waaahhh! Ang sarap ng tinolang isda na may
malunggay! Saan ka nakakuha ng isda tol?” tanong sa akin ni kuya Andrei.
“May dumaan sa bahay na naglako kaya tsamba na
nakabili ako.”
“Sarap ng sabaw!”
“May sabaw din ng baka na dala ko Andrei…” ang
pagsingit ni Jane.
“Sige, sige. Tikman ko rin iyan. Dito muna ako sa
sabaw ng utol ko.” sabay naman kindat sa akin. “Lika upo ka sa tabi ko tol.”
dugtong pa ni kuya Andrei.
Naupo naman ako sa tabi niya. At hinalikan pa
talaga ako ni kuya Andrei sa pisngi, sa harap ni Jane.
At noong binuksan pa ni kuya Andrei ang isang
lagayan ng ulam, “Hmmmm. Paborito ko, paksiw!” turo niya sa ulam. At tiningnan
ako.
Parang gusto ko ring matawa sa kanyang sinabi.
Kasi, ang ulam na iyon ay tira pa namin sa nakaraang gabi at siya ang nagluto.
At noong kumain na kami at natikman niya ito, ang sabi kaagad niya ay, “Takte!
Ang alat ng timpla ko tol! Pwe! Ayaw ko na niyan!”
Tawa ako ng tawa noon kasi ako ang nagrequest na
lutuin niya iyon dahil gusot kong makatikim ng paksiw. Kaya hindi namin naubos
iyon sa gabing nakaraan. At dinala ko iyon sa kanya kasi gusto ko naman ang
paksiw at mahilig ako sa maalat. At nagbakasakali rin akong maubos iyon, hindi
siya masayang.
In fairness din naman kay kuya Andrei, ipinakita
niya sa akin na talagang inubos niya muna ang inihanda kong mga pagkain bago
tumikim sa dala ni Jane na mga ulam na ang sasarap pa naman. Pero konti lang
ang kinain namin sa dala niya. Naiinis kasi ako.
“Tol… sila na pala ni Jane ang may-ari ng niyogang
sinasaka ng itay. Hindi ko akalain. Nagkataon namang napadayo siya kung kaya ay
bumalik siya at nagdala ng pagkain. May bahay din pala sila d’yan sa di
kalayuan o” turo niya sa itaas ng gulod. “Hindi lang nakikita rito pero kapag
nasa tuktok ka ng puno ng niyog, makikita mo ang bahay nila. Ang ganda”
Tumango lang ako. Ramdam ko kasi ang kirot sa aking
puso. Naglalakbay din ang aking isip at nagtatanong ng “Paano na lang kapag
nasa eskuwela ako at ang kuya Andrei ko lang ang naiiwan? Baka mangyari na
naman ang kagaya ng dati?” mga ganyang takot.
“Bagong tayo lang namin iyan, since we bought this
land. Maganda kasi sa taas, nakikita mo ang kapaligiran. Masarap pa ang simoy
ng hangin. Kaya parang retreat house na rin namin, …” dugtong naman ni Jane.
“Pakialam ko…” ang mataray kong bulong sa sarili.
Hindi ko talaga alam ang aking gagawin sa sandaling
iyon. At dahil feeling ko ay parang ako ang na out-of-place, nagpaalam na lang
ako. “Kuya… uuwi na lang muna ako. Ihahatid ko lang itong mga lagayan ng
pagkain at babalik din ako ha?” ang pag-aalibi ko na lang.
“S-sandali. Puwede namang mamaya na lang iyan sa
pag-uwi natin, di ba?”
“M-may gagawin din ako kuya eh. Ako na ang
magpapakain sa mga alagang baboy at manok.”
“Dito ka muna tol. Sabay na tayo… Sige na
please???”
Nilingon ko si Jane na nakatingin din sa akin. At para
bang nabasa ko sa tingin niya na gusto rin niyang iwanan ko talaga sila ni kuya
Andrei. Ni hindi man lang ako pinigilan.
“No kuya… sandali lang ako at babalik din, promise.”
“Babalik ka ha?”
“Opo.” Sagot ko, sabay dampot sa mga gamit at
pagkatapos ay dali-dali nang umalis, iyong bang parang nagdadabog, pinigilan
lang ang sama ng loob.
Halos magtatakbo na ako sa pagmamadali upang
makalayo lang sa kanila. Lalo akong naawa sa aking sarili sa bagong nakakainis
na sitwasyon. “Ano ba…??? Palagi na lang may babae sa buhay niya! At parang
gusto rin naman niya!”
At hindi ko namalayang pumatak nap ala ang mga luha
ko. Sa bilis kasi ng aking pag-alis at sa tindi ng aking pagseselos, parang
hindi lumapat ang aking mga paa sa lupa at hindi ko napansin na nakarating na
pala ako ng bahay.
Dali-dali akong nagkulong sa kuwarto. Nag-iiyak. Hinid
ko maiwasang manumbalik ang mga alaala ng aming mga magulang at ang kagustuhan
nilang magdugtong ang aming mga lahi sa pamamagitan ng aming mga anak ni kuya
Andrei. Habang iniisip ko iyon, napagtagpi-tagpi ko kung bakit gusto nilang
ipakasal ang mga anak namin ni kuya Andrei. Dahil dahil hindi naman pala talaga
kami tunay na magkapatid. At kahit pa magmahalan kami ni kuya Andrei at hindi
kami kasal, hindi rin naming maidugtong ang aming mga lahi. At kung ganyang
wala rin kaming anak, ano ang meaning ng pagdugtong ng lahi?
At sa pagaanalisa ko sa mga pangarap ng aming mga
magulay ay tila nalinawan din ang aking isip. Parang unti-unting napawi sa isip
ko ang pagseselos. Pakiwari ko ay may nag-udyok sa aking isip na sa tanggapin
ko ang katotohanang kailangang mag-asawa ng babae si kuya Andrei at ganoon din
ako upang matupad lamang ang kagustuhan ng aming mga magulang. Sa panig ni kuya
Andrei ay walang problema. Sa akin lang mayroon dahil bakla nga ako at mahal na
mahal ko siya. Ngunit kung masakit man, dapat siguro ay kakayanin ko, sa ngalan
ng hiling ng aming mga magulang. At siguro naman ay maintindihan din ako ni
Brix…
Iyon ang takbo ng aking isip habang nag-isa lang
ako sa kuwarto at nagmuni-muni sa kalagayan namin ni kuya Andrei.
Wala pang alas-dos ng hapon, dumating na si kuya
Andrei. Dapat sana ay alas 6 ang uwi niya. Ngunit dahil siguro hindi ako
bumalik kung kaya napaaga siya. “Tol!” ang pagtawag niya sa akin.
“Nasa kuwarto ako kuya…”
Dali-dali siyang pumasok at syempre, maraming
tanong. “Bakit hindi ka na bumalik? Antay nang antay ako sa iyo? Anong nangyari
sa iyo?”
“May bisita ka eh. Nakakahiya naman, amo mo pa
naman iyon…”
“Ah… ayaw ko ng ganyan tol. Nagseselos ka, alam
ko.” Ang tila pagdadabog niya noong napansin ang pagseselos ko.
At doon na ako tumagilid patalikod sa kanya. Totoo
naman kasi. Natumbok niya. Nagseselos ako. “Gusto mo ba siya kuya?” ang tanong
ko bagamat nangingilid ang luha sa aking mga mata.
“Ano ba iyang tanong mo? Anong gusto?”
“Si Jane?”
“Ano ba namang tanong iyan tol... Kaibigan, amo,
oo.”
“I mean… naa-attract ka ba sa kanya, sexy ba sya,
maganda?”
“Tol naman… eh! Babalik na naman tayo eh.”
“Kasi… type ka niya kuya.”
“Sussss!!!”
“Nakita ko kayo bago ako dumating, ang saya-saya
ninyo. Para kayong magsisng-irog. Bagay na bagay kayo kuya. Mayaman pa siya.”
“Narinig ko na ang mga sinasabi mong iyan dati pa. Inirereto
mo ako sa babae. At ano ang nangyari? Ako rin ang sinisi mo sa bandang huli.
Hindi ka pa ba natoto?”
“Iba ito kuya. Kasi ito ang katuparan ng hiling ng
ating mga magulang.”
“Ano?”
“S-sa iyo si Jane, sa akin naman si Michelle…”
Kitang-kita ko ang paglaki ng mga mata ni kuya
Andrei. Hindi makapaniwalang nasabi ko iyon. “Ano???!!!”
No comments:
Post a Comment