Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Wednesday, March 4, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 17

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

 “Ano ha? Lahat ay ginagawa ko para sa’yo. Para sa inyo ni Lexi. Kahit masakit sa akin tinitiis ko. Ginagawa ko ang sa tingin ko ay tama para sa ikaliligaya ninyo ngunit huwag mo naman akong pagtripan pa ng ganito! Hindi ko alam kung ano ang intensiyon mo pero Boy, hindi ako natutuwa. Kaya siguro tama sina Papa, kailangan na sigurong iwasan na lang din kita. Salamat Boy ha! Salamat sa pagsira mo ng tiwala ko sa’yo.”

Tumalikod na siya. Humakbang na siya palayo sa akin.

Mabilis akong tumayo. Hinila ko ang balikat niya saka ko siya niyakap. Hindi ko na siya binigyan ng pagkakataong magsalita o tumanggi. Sa isang iglap ay naglapat ang aming mga labi. Iyon ang gusto kong gawin noon pa. Iyon ang halik na matagal kong pinigilan noong unang araw na pinuntahan ko sa bahay nila. Kalakip dapat ng halik na iyon ang chocolate at red roses na ibibigay ko sa kaniya ngunit kay Lexi napunta.

Pakiramdam ko sa tagal ng panahon ay nabuo niya ako. Nasagot ng halik na iyon ang mga katanungang sinikap kong iwasang sagutin. Walang mali sa kung ano ang nararamdaman ko.

Nang una ay nagulat siya.  Ang malakas niyang pagtulak sa aking dibdib ay humina ng humina hanggang sa umakyat ang mga palad niya sa aking balikat, pataas sa aking leeg at sandaling huminto iyon sa aking pisngi. Ang mga palad ko naman ay umakyat mula sa kaniyang baywang, naglakbay sa kaniyang likod hanggang sa tumigil iyon sa kaniyang batok. Pagkasabik ang naramdaman ko. Ilang gabing pinangarap kong maulit muli ang labinlimang minutong halikan namin. Halik niyang siyang tuluyang nagpalaya sa ikinulong kong damdamin. Gusto kong samyuhin ang lahat at walang masayang sa mabango niyang hininga. Gusto kong manatili sa isip ko ang lambot ng kaniyang labi at init ng kaniyang katawang nakalapat sa akin.

“Anong ginagawa mo? Ano ‘to?” pabulong na tanong niya kahit magkalapat palang ang aming mga labi. Hanggang sa tuluyan na niyang inilayo ang mukha ko sa mukha niya.

Hindi pa din niya binibitiwan ang hawak niyang magkabilang pisngi ko. Nakatingin siya sa aking mga mata. Nagsimula akong nakaramdam ng hiya sa biglang ginawa kong iyon. Hindi ko sa kaniya maititig ang aking mga mata. Nandiyang titingin ako sa baba, babalik sa taas, pakanan at pakaliwa.

“Bakit mo ako hinalikan?” tinanggal niya ang kamay niya sa aking pisngi.


Pinagsaklob ko ang dalawang palad ko. Pinisil-pisil ko iyon para mawala yung tensiyong nararamdaman ko. Gusto kong sabihing mahal ko siya. Ginawa ko iyon dahil iyon ang matagal ko nang naramdaman sa kaniya ngunit pilit kong tinuruan ang puso kong talikuran siya at sabihin sa isip kong si Lexi ang dapat kong mahalin. Kaya lang, kung nagwawala na pala ang puso, wala nang magawa pa ang isip para pagsabihan ito. Susunod at susunod ito sa kagustuhan ng damdamin kahit pa alam ng isip kong iyon ay hindi sana tama. Putcha? Alin ba ang hindi tama? Ang magmahal sa taong alam mong tanging makapagbibigay ng saya na noon mo pa ipinagkakait sa sarili mo? Iyon ang tamang alam ko noon, ang pigilan ang sarili kong mahalin siya ngunit isa palang malaking pagkakamali iyon. Hindi tamang magbalatkayo habampanahon.

“See, you can’t answer me.” Huminga siya ng malalim. “You know what? This is a mistake, kasi binabayaran mo ng isang halik yung maling nagawa mo sa akin. Pero Boy, hindi sapat ang isang halik para mawala yung galit ko sa’yo lalo na’t di mo masabi kung bakit mo magawang halikan ako. Anong nangyayari sa’yo? Kinasusuklaman mo nga ang pagiging iba ko hindi ba?”

“Ilang halik ba ang kailangan? Kahit ilan sige, patawarin mo lang ako.”

“God! Sinusuhulan mo ako sa halik e, akala ko ba nandidiri ka. May kaartehan ka pangnalalaman na nakipaghalikan ka lang sa akin dahil sa initiation at di na muli pang mauulit. Ta’s ngayon, tatanungin mo ako kung ilang halik ang bayad ng ginawa mo?”

“Iba na kasi ngayon, brad. Ano ba?”

“So dahil iba na, puwede nang halik ang bayad sa lahat ng kasalanan mo, ganun ba?”

“Kung okey lang sa’yo?”

“Anong tingin mo sa labi ko, vending machine lang na kapag pinasukan mo ng halik, magluluwa ng pagpapatawad? Huwag ka nga Boy.”

Napangiti ako sa vending machine. Pinigilan ko ang sarili ko para hindi matawa.

“O, anong gagawin ko parang maging okey na tayo? Gagawin ko kahit ano.”

“Galing mo talagang makipag deal ano? Una, nakipag-deal ka kay Philip sa panliligaw sa pinsan ko, pangalawa, nakipagdeal ka kay Philip para itago ang pagiging ganito ko tapos ngayon, makikipagdeal ka para patawarin kita sa ginawa mo kay Miggy. Simple lang naman akong ka-deal. Tanong ko, sagot mo. Hiling ko, gawin mo. Clear?”

“Clear! Pero di ba mas simple sana kung… mwahh mwahh na lang?”

Kinagat niya ang labi niya. Alam ko napapangiti ko na siya sa mga banat ko. Kailangan ko ng karisma, ngiti at pagpapacute para bibigay din siya.

“Did you read my letters to Miggy. Binuksan mo ba yung mga nakasobreng sulat ko sa kaniya o basta mo na lang pinalitan na hindi mo alam ang laman no’n.” tanong niya. Hindi nga siya madaling idaan sa pagpapacute lang.

“Hindi ko binuksan kasi naniniwala ako sa sinabi ni Daddy sa akin na what I don’t know won’t hurt me. Pero malakas ang kutob ko na sinasagot mo na siya. Ayaw kong…”

“Ayaw mong maging kami ni Miggy kaya ang ginawa mo ay pinalitan mo ang mga sulat ko na hindi mo man lang alam kung ano ang mga nakasulat doon.”

Pinulot niya ang kinumpol niyang sulat at iniabot niya sa akin.

“Basahin mo nga yung ipinalit mong sulat sa mga sulat ko para kay Miggy para alam mo kung bakit ganito na lang ang galit ko sa’yo.”

Iniabot niya sa akin ang mga iyon.

“bakit ko pa babasahin e ako nga ang nagsulat di ba?” Hindi ko tinanggap.

“Bakit ayaw mong basahin? Ano? Di ba may deal? Kukunin mo ba at basahin sa harap ko o iiwan kita dito at hindi na kita kakausapin pang muli.”

“Ihhh! Kasi naman e!” pagmamaktol kong parang bagong gising na bata.

Kinuha ko pa din ang mga sulat na iyon sa kamay niya.

“Huwag mo akong inaartehan ng ganyan Boy. Nakipag-deal ka tinatanggap ko. Dapat daw marunong tayong tumanggap sa mga hindi magandang bunga ng mali nating ginawa. Sige na basahin mo yung unang sulat mo, ako naman ang magbabasa nitong pangalawa.”

Inipit ko sa gitna ng palad ko ang sulat. “Ihh, huwag na kasi, please?” pinagsaklob ko ang dalawang kamay ko na parang nagdadasal.

“O, e di sige. Kung ayaw mo e, huwag kang aasa na kakausapin pa kita.” Tumalikod na siya.

“Eto na oh! Babasahin na. Aalis ka pa e.” hinawakan ko ang braso niya.

Tinungon niya ang bench.

Umupo siya.

Seryosong nakatingin sa akin.

Huminga ako ng malalim.

 Inayos ko ang nakumpol na papel.

 Tumingin ako sa kaniya.

Pinandilatan niya ako ng mata. Hindi man siya nagsasalita ngunit alam kong sinasabi ng kaniyang mga mata na… “Ano na? Naghihintay ako?”

“Miggy,” pagsisimula ko.

Napalunok ako.

“Gusto kong ibigay sa’yo itong stuffed toy na’to bilang pasasalamat sa pagiging mabuti mong kaibigan. Huwag mo sanang bibigyan ng malisya ito. Napakabait mo sa akin pero sana maintindihan mong, okey na kami ni Romel. Gusto ko pa din sanang maging magkaibigan tayo pero huwag na muna ngayon.” Huminto ako. Tumingin ako sa kaniya.

“Oh bakit ka tumigil?”

“Tama na kasi, ihhhh” napakamot ako.

“Dami mong arte. Ituloy mo na.”

Napalunok muli ako.

“Mahal niya ako at mahal ko din siya. Kung umaasa kang maging tayo pa, magsasayang ka lang ng panahon mo. Marami pa diyang iba. Makakahanap ka din ng para sa’yo. Pasensiya ka na ha.”

                Hindi ako makatingin sa kaniya. Masakit nga ang sinabi ko sa sulat. Nakakahiya pati kay Jino.

“Sa pagkakaalam ko, wala naman tayo ah. Hindi mo ako mahal kahit mahal kita noon. Anlinaw ng sinabi mo sa akin noon na, hindi mo magawang mahalin ang kagaya ko at magsasayang lang ako ng panahon para sa’yo. Sinabi mo pa na doon ako sa taong kayang mahalin ako dahil hanggang pagmamahal lang ng isang kaibigan ang kaya mong ibigay sa akin. Anong nangyari do’n sa sinabi mong ‘yun noon? Nauwi lang sa wala tulad ng rule of friendship na sinabi mo sa amin ni Lexi noon? Anong kalokohang pinagsasabi mo sa sulat mo kay Miggy na nagmamahalan tayo?”

                Yumuko ako.

Hayan, hindi ko naman kayang sabihin yung nasa loob ko. Kinakabahan na naman ako. Tumabi na lang ako sa kaniya sa bench ngunit hindi ko siya tinitignan. Minabuti kong huwag na lang siyang sagutin.

                Bumuntong hininga siya.

                “Eto pa yung pangalawang letter mo.” Inayos niya ang sulat saka niya binasa.

                “Miggy,

                Chocolates and flower for one last request. Nagseselos si Romel sa’yo at sana huwag ka na munang tumingin, lumapit o makipag-usap sa akin. Ayaw ko ng gulo. Hindi ko puwedeng ipagpalit ang magadang samahan na namin ni Romel just because of our friendship. Humanap ka na lang ng ibang magiging kaibigan mo o kaya yung magmamahal sa’yo na di ko kayang tumbasan.

                Thanks and goodbye.”

                Katahimikan.

Pakiramdam ko ginigisa ako sa sarili kong mantika.

                “Are you happy now na sinira mo yung magandang pagkakaibigan namin ni Miggy? Kung binasa mo yung sulat ko, sana nalaman mong I am just asking him to be my friend, to be my new best friend. Alam kasing itong mga darating na araw ay mararanasan kong malungkot at mag-isa. Magmiryendang ako lang, magreview ng solo at iikot-ikot sa campus na mag-isa kasi Jheck is with Philip now, si Lexi, ikaw na ang makakasama at ako? Sinong magiging kasa-kasama ko. Hindi ko naman siya sinasagot at lalong hindi ko pinapaasa. Gusto ko lang ng kaibigan. Gusto kong maayos kami kasi wala akong kakapitang iba dahil you and Lexi have each other. Mahirap bang pagbigyan din ako sa tingin ko ay tama?” puno ng emosyon iyon.

Di ko lang alam maintindihan kung bakit sinasabing mag-isa na lang siya.

                “Sorry. Hindi ko alam.”

                “Sana inalam mo muna bago ka manakit ng damdamin ng iba. Sana ako na lang yung sinaktan mo, kasi sanay naman na akong lagi mong sinasaktan e. Pakiramdam ko nga wala na akong hindi kayang tiisin basta para sa inyo ni Lexi. Huwag naman yung mandamay pa tayo ng iba. Kasi kaninang umiyak siya sa harap ko, dama ko yung pagkainsulto, pagkapahiya at doble-dobleng sakit na ginawa ko sa kaniya. Inako ko na lang na ako ang gumawa sa mga sulat na iyon para hindi na lumaki pa ang gulo. Ako na lang ang magmumukhang masama huwag lang yung ikaw. Pero Boy, hindi porke inako ko yung maling ginawa mo ay kaya kong palampasin ang pananakit mo sa damdamin ng ibang tao. Mali ‘yun at lalo mong pinatutunayan sa akin na hindi nga kita dapat sanang mahalin.”

                 “Bakit kasi may mga gifts ka pa?” tanong ko.

                “Kailan ipinagbawal sa Pilipinas ang magbigay ng gift sa gusto mong best friend?”

                “E, bakit kasi kailangan mo pa ng ibang best friends e, nandito din naman kami ni Lexi?”

                “Kasi, magiging okey na kayo. Tatanggapin ko naman ‘yun nang buong puso. I want you to be with her, kasi iyon ang tama kong gawin.”

                “Tama? Noon siguro sa tingin ko at pakiramdam ko, iyon ang tama, pero brad, iba na nga ang sitwasyon ngayon.”

                “Paano kasi naging iba na?”

 “Ang hirap naman nito eh! Huwag mo na kasing itanong. Hindi ko pa kayang sabihin e. Ang hirap kaya” huminga ako ng malalim.

“Mahirap? Yan, mahirap? Subukan mo kayang magmahal sa isang katulad mo nang malaman mo kung anong mahirap!”

Napangiti ako sa sagot niya.

Sa totoo lang sa tuwing namimiss ko siya nitong nakaraang araw, wala akong ginawa kundi panoorin ang mga pelikulang pinopost niya sa wall niya at alam ko kung bakit niya ako binanatan ng ganoon.

Hindi ako patatalo.

“Alam ko, dahil buong buhay ko sinubukan ko mahalin ang sarili ko nahirapan din ako … And I’m sorry if I didn’t love in the way at the time that you did.”

Ayos! Suwabe ang banat. Hirap akong paulit-ulit na isinaulo ‘yun ha. Sa wakas, nagamit ko din.

Ang naiinis niyang mukha kanina ay napangiti ko na. Tanggap ko namang mali ako sa ginawa ko kay Miggy ngunit paano kung maibaling niya yung pagmamahal niya kay Miggy na dapat ay akin. Ayaw kong maniguro lang gusto ko lang ng sigurado na may Jino pa ding nagmamahal sa akin. Mali na kung mali pero gusto kong manatili siya sa buhay ko. At sa ganitong paraan ay alam kong mahuhuli ko ang loob niya. Gusto kong maglaho yung galit niya sa akin. Gusto kong iparamdam sa kaniya na sa mga pagkakataong akala niya ay wala akong pakialam sa kaniya ay pinilit kong intidihin at pasukin ang libangan niya, gusto kong maging bahagi ng bagong mundong kinababaliwan niya. Ninais kong malaman niya na gusto ko nang maging bahagi ng buhay niya.

“Oh hayan tumatawa na siya. Okey na kami. Napatawad na niya ako.” pasimpleng kong inakbayan siya.

“Anlakas mo naman kasing maka John Lloyd e. Nakakainis ka! Paano mo alam yung linyang iyon sa A Very Special love nila ni Sarah? Nawala tuloy yung inis ko sa’yo.” Tinanggal niya ang kamay ko sa balikat niya.

“Pero seryoso ako. Bakit ba kasi hindi ka naniniwala sa akin? Inaamin ko naman e. Ako yung problema! Kasi nasasaktan ako kahit di naman ako dapat nasasaktan. Sana kaya ko nang tiisin yung nararamdaman ko, kasi ako ang umayaw no’n sa’yo, di ba? Ako yung may gustong ayusin ang sa inyo ni Miggy. Sana brad, kaya ko nang sabihin sa’yo na masaya ako para sa iyo, para sa inyo. Sana kaya ko pero hindi eh … Napakasama kong tao kasi ang totoo, umaasa na akong ako dapat ang nasa piling mo … Sana ako pa rin …Ako na lang … Ako na lang ulit”

“Hayan na naman e! Yung totoo? Anlakas lang maka-Bea sa One More Chance? Paano mo kasi alam ang mga linyang ‘yan? Paano mo naisip gamitin ang mga iyan sa akin? Tuloy naisip ko inaasar mo lang ako. Seryoso ka ba o nang-aasar ka lang talaga.” Muling bumalik sa pagkainis ang mukha niya.

“Oo na. Mali bang kumopya sa mga linya sa pelikula na paborito mo? Saka ginaya ko man yung mga linyang iyon, pero alam ko sa sarili kong iyon din naman talaga ang gusto kong sabihin sa’yo. Brad, yung halik, kaninang hinalikan kita. Totoo ‘yun.” Yumuko ako.

Kailangan kong mag-ipon ng hangin sa dibdib. Hindi ko na kasi kayang itago pa sa kaniya ang nararamdaman ko. Sumasabog na ang dibdib ko.

Tumingin ako sa kaniya. Nakipagtitigan siya. Sinuntok-suntok ko ang dibdib ko para maibsan ang di ko maipaliwanag na emosyon.

Dahan-dahan kong inilapit ang palad ko sa palad niyang nakapatong lang sa bench na inuupunan namin. Magkatabi na ang aming mga hinliliit.

Putcha! Ganito ba talaga kahirap? Bakit ako nanginginig?

Parang kinuryente ako nang pumatong ang hinliliit ko sa hinliliit niya hanggang sa tuluyan kong hinawakan ang palad niya. Tulad ko, nanlalamig din siya. Panay ang paghinga ko ng malalim. Namumula ang gilid ng kaniyang mata. Hindi ko alam kung tanda iyon ng di rin niya kinakayang emosyon o dahil sa ligayang ito na yung matagal niyang hinihintay sa akin. Ngunit ako man ay hirap ding umamin kahit sumasabog na ang dibdib ko.

“Mahal kita brad.” Mahina lang iyon. Garalgal ang pagkakasabi.

Binawi niya ang kamay niya. Mukhang hindi siya naniniwala sa sinabi ko.

“Mahirap mang paniwalaan pero mahal kita. Brad, mahal na mahal kita noon pa. At paulit-ulit kong aamining mahal kita, mahal na mahal kita.”

Tumulo ang luha niya.

Tumayo siya at tumalikod sa akin.

“Bakit ka umiiyak?”

“Kasi hindi puwede.”

“Paanong hindi na naman puwede?”

Tumayo ako. Lumapit ako sa kaniya at hinawakan ko ang magkabilang braso niya.

“Mahal ka ng pinsan ko. Mahal ka ni Lexi.”

“Mahal niya ako? Sinikap kong mahalin din siya noon pero umiwas siya sa akin kasi daw mahal mo ako, ngayong lakas loob na akong umamin sa’yong ikaw talaga ang mahal ko, ganoon din ang sasabihin mo sa akin? Bakit ba ang hirap inyong intindihin?”

                “Kasi kailangan niya ang pagmamahal mo? Kaya ako sumali sa fraternity Boy, hindi lang para bantayan ang kaligtasan mo kundi para bumalik ka sa amin, para muli kang mapalapit kay Lexi at kahit gaano kasakit sa akin, pinili kong kalimutan ang pagmamahal ko sa’yo kasi ito ang alam kong tama. Mas kailangan ka niya kaya sana siya na lang muna ang mahalin mo.”

                “Putcha naman Jino, ano ‘tong ginagawa niyong laro? Pinagpapasa-pasahan ninyo ako. Noong hawak ni Lexi ang damdamin ko, ipapasa niya ako sa’yo at sabihing ayaw niyang masaktan ka, ngayong hawak mo ako, ipapasa mo naman ako sa kaniya dahil para sa’yo mas kailangan niya ang pagmamahal ko at ayaw mong masaktan siya. E, ako ha? Paano naman ako? Paano itong putang inang nararamdaman ko. Gano’n na lang ‘yun?” nanginginig ako sa inis. Umupo ako dahil nanginginig din ang tuhod ko. “Hindi ako bola na kahit pa ipasa sa kung sino o hayaang magtatatalbog sa sulok ay hindi nasasaktan. Brad, ganito lang ako sa tingin niyo pero may damdamin din naman ako kagaya ninyo!”

                “Bakit Boy? Sa tingin mo madali lang din sa akin ito? Pinili kong huwag munang makaramdam ng kahit ano kasi kailangan e. Kailangan kong maging manhid para sa kasiyahan ng pinsan ko. Iyon na lang ang kaya kong ibigay sa kaniya. Boy, nakikiusap ako. Mahalin mo siya, gusto kong maramdaman niya iyon kasi mahal ka niya at kaya kong magtiis. Di ba mahal mo naman din siya? Baka kaya mong ibalik muli iyon. Hayaan ninyo ako, magiging masaya din ako. Hindi man ngayon ngunit naniniwala akong darating din yung araw para sa akin.” tumulo ang luha niya na mabilis niyang pinunasan gamit ang laylayan ng damit niya.

 “Ito ba talaga ang gusto mo?”

“Hindi man ito ang gustong-gusto kong mangyari pero ito ang alam kong dapat at kailangan nating gawin.”

“Bakit? Dahil ayaw ako ng mga magulang mo o dahil hindi mo na ako mahal?”

“Huwag ka na kasing magtanong?” Humikbi siya.

“Paano ko maiintindihan kung wala akong alam? Paano ko malalamang ito ang dapat at kailangan nating gawin kung alam kong nagmamahalan naman tayo pero sinasabi mo sa aking hindi puwede? May mas tatama pa ba sa pag-amin kong ito sa’yo?”

“Hindi na kita mahal? Iyon ba ang gusto mong marinig?” nakatalikod niyang tinuran iyon.

“Wow! Gano’n na lang ‘yun.” Muli akong tumayo. “Kisapmatang mawawala? Biglang naglaho na lang yung pagmamahal mo? Bakit hindi mo ako tignan sa mga mata at sabihin mo sa aking hindi mo na nga talaga ako mahal. Kapag magawa mo ‘yan, tatalikod ako at tutulungan ko na din ang sarili kong ibaling muli kay Lexi yung pagmamahal ko sa’yo.”

“Hindi na kita mahal.” Tumingin siya ng diretso sa aking mga mata kasabay ng muling pagtulo ng kaniyang mga luha.

Gusto kong bawiin niya iyon. Sabihin niyang mahal pa din niya ako. Naniniwala kasi akong ako parin ang mahal niya ngunit iba ang sinasabi niya. Dahan-dahan kong ibinaba ang tingin ko hanggang sa siya na din ang unang tumalikod sa akin. Hindi ko na siya pinigilan.

Ramdam ko yung kakaibang sakit na itinatanggi ng mahal mo yung pagmamahal niya sa’yo. May karapatan ba akong magreklamo ngayong masaktan samantalang ako yung unang naging gano’n sa kaniya? Akala ko ganoon lang kadali na kapag umamin ako at magpakatotoo, magiging “happy ending” na kaming dalawa.

Umupo muna ako sa bench. Hinintay kong mawala yung sakit sa dibdib ko. Yung sakit na parang may kung anong tumutusok sa puso mo. Iba yung tindi na nararamdaman ko. Napakahirap huminga, naluluha ako kahit anong pigil ko. Ganoon pala kasakit ang mabigo sa pag-ibig. Bakit iba ito kaysa sa nang tinanggihan ako ni Lexi? Mas malala pa sa kahit ang pinagdaanan kong sakit sa ulo, ngipin, tiyan at katawan. Ito, buong-buo niyang pinadidilim ang mundo ko na parang hindi na ako puwedeng sasaya pa.

Sinakyan ko ang motor ko at si Jino pa din ang nasa isip ko. Kahit nang nasa bahay na ako ay siya ang nakikita ko. Dumiretso ako sa aking kama. Putcha! Bakit mukha pa din niya ang parang nakikita ko? Ipikit o imulat ko man ang aking mga mata naroon siyang parang dumikit na sa mga mata ko. Hindi ko maiwaglit ang kaniyang mga ngiti, kasunod ang kaniyang mga yakap at haplos sa akin, ang kaniyang halik! Nakakahiya mang aminin ngunit nang una akong nagpalabas, yung unang bulwak ng ligaya, siya ang nasa isip ko at noon pa man, inayawan ko na iyon kaya ako nagpursigeng si Lexi ang liligawan ko. Akala ko makakatulong ang pagtataboy ko sa kaniya palayo sa akin, akala ko magiging straight ako kapag binabalewala ko ang text at mga tawag niya pati ang message niya sa facebook. Ngunit heto ako, magdamag na nag-aabang ng reply niya sa mga text ko. Umaasang sasagutin niya ang mga tawag ko o kaya kahit “Hi” lang na reply sa message ko sa kaniya sa facebook.

Wala akong ganang kumain. Nakikipagkuwentuhan sa akin sina Daddy ngunit wala akong naintindihan sa aming pinag-usapan. Sumabay ako sa kanila sa panonood sa TV ngunit bulag ako’t sarado ang mga tainga ko ngunit hindi ang isip at puso kong nakatuon lang sa mga tawa at pasimpleng paglalambing ni Jino. Muli akong mapapatingin sa iphone ko, naiinis dahil hindi pa din ito tumutunog. Kahit isa lang sanang reply sa sunud-sunod kong text. Kahit good night lang.

Muli akong hindi nakatulog. Paikot-ikot sa kama. Dumapa, tumagilid at patihaya ngunit di pa din kayang maibsan ang sakit na nararamdaman ko. May nabibili kayang gamot para sa basag na puso? Yung pagkagising ko, hinilom na nito ang winasak ni Jino na puso ko. Sana meron na lang, siguradong papakyawin ko para bukas wala na akong nararamdaman pang ganito.

Madaling araw bago ako nakatulog nang may nareceive akong text.

“Are you still awake? I can’t sleep. I’m sorry if I hurt you but I want you to know that I am hurting too. Pero inuulit ko, kailangan ka ng pinsan ko. Mahalin mo siya at huwag muna ako. Higit niyang kailangan ang pagmamahal mo. Hindi na kita mahal. Masakit man sabihin ngunit kung iyon ang kapalit ang pagiging buo ang buhay ni Lexi ay gagawin ko. Sorry. This will be my last text.”

Nagreply ako sa text niya ngunit pinanindigan na niya ang hindi pagrereply pa.

Para akong isang isda na nang nabingwit niya ako ay saka niya ako inaahon sa tubig at masayang pinanood hanggang malagutan ng hininga. Pinaibig saka tuluyang sinaktan.

Dahil sa sakit ay nabuo ang galit. Pasusukuin din kita Jino. Ikaw ang iiyak sa larong gusto mong umpisahan. Sige, sasabayan kita sa larong gusto mo at sisiguraduhin kong ikaw ang susuko at matatalo.

Araw ng Lunes, na-late ako.

Tuloy lang ang buhay. Kailangan kong magmukhang masaya kahit sobrang hirap na lalo pa’t naroon siya. Nakikita niya lahat ang ginagawa ko ganoon din ako sa kaniya. Masaya kong nilapitan si Lexi bago sila tumayo ni Jino para sana magmiryenda. Iniabot ko ang red roses sa kaniya at chocolate habang naroon si Jino at alam kong dinig na dinig niya ang aming usapan.

“Again? Para saan ba kasi ang mga ito?” kinikilig na tanong niya.

Tumingin ako sa katabi niyang si Jino.

Mapait ang ngiti saka siya yumuko.

“Mahal kita.” Sinabi kong nakatingin kay Jino yung “mahal” at tinapos ko ang “kita” na kay Lexi na nakatitig.

 Hinawakan ko ang kamay niya.

Lumuha si Lexi.

“Mahal mo ako?”

“Oo, mahal na mahal kita.”

Pinunasan niya ang kaniyang luha saka niya ako niyakap.

“Ibig bang sabihin ne’to tayo na? Na mahal mo din ako?” paglilinaw ko.

“Ayaw kong bigyan ng pangalan kung anong meron tayo, Boy. Siguro let’s just enjoy and celebrate life. Mahal mo ako, mahal kita, it doesn’t matter kung ano pa tayo. Masaya na ako sa ganito lang. Pero salamat sa pagmamahal.”

Lumuwang ang kaniyang pagkakayakap sa akin.

Nawala na si Jino sa tabi niya. Hindi ko namalayan ang kaniyang pag-alis.

Hindi na din siya hinanap ni Lexi. Sabay na kaming lumabas at nagmiryenda. Wala si Jino at Miggy sa canteen. Ako yung hindi mapakali. Hindi kaya magkasama ang dalawa? Sina Philip at Jheck ang kumaway sa amin at masaya silang nakikitang kami na ni Lexi ang magkasama.

“Ayos ‘yan tol. Nadale mo din!” nakipag-apir sa akin si Philip.

“Happy ka sis?” tanong ni Jheck kay Lexi.

Namula si Lexi.

 Tinignan niya muna ako.

Inakbayan ko siya.

“Happy. Oo naman sobrang saya ko na okey na kami ni Buboy.” Sagot niya.

“Masaya ako para sa’yo sis. Salamat sa pagpush mo sa amin ni Philip at ngayon heto nga at okey na din kayo ni Romel.” Nakangiting wika ni Jheck.

“Tol, alam mo bang dapat ako na ang lalapit sa’yo at magmakaawang ligawan mo si Lexi. Kaso medyo umaatras ang bayag ko. Nakakabakla yatang gawin yun at ngayon, bilib na ako sa balls mo tol. Good decision and you look good together.” Nakangiting sabi ni Philip. Nasaktan ako sa nakakabakla. Naiinsulto ba ako sa kung ano ang totoo? Bakla na din ba ako?

“Thanks.” Bumunot ako ng malalim na hininga.

Nasaan ba yung Jino at Miggy na ‘yan? Tanong ko sa aking sarili.

Patapos na kaming magmiryenda ni Lexi nang may text si Kuya Jello.

Tumingin ako kay Lexi. Paano kaya ako magpapaalam?

“Okey na?” tanong ko.

“Yes. Pa’no balik na tayo sa room?” Nakangiti siyang tumingin sa akin. “Wala pa naman yung next teacher natin kaya isang oras pa tayong walang klase.”

“Okey ba kung hatid na lang muna kita? Nakikipagkita kasi sina kuya Jello.” Nilakasan ko ang loob kong magpaalam.

“Sure. Dala ko naman ang ipad ko kaya maglalaro na muna ako. Pakihanap na din ang pinsan ko. I am happy that Miggy and him are doing good since last night kaya naman kampante na ako na laging kasama mo dahil nag-usap kami kaninang umaga at sinabi niyang okey na sila ni Miggy. I wanted him to be happy.”

“Okey na sila?” sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib.

“Iyon ang sinabi niya sa akin. Kailangan kong paniwalaan ‘yun kasi kung lahat na lang pagdududahan ko, baka wala ng totoo sa paningin ko.”

Para akong sinaksak sa narinig ko.

Okey na pala sila. Putcha! Hindi ko na alam kung paano ko itatago ang lungkot ko. Ngunit hindi ako susuko.

Huhusayan ko pa ding laruin ang sinimulan niya.



Pagkahatid ko kay Lexi ay lumabas na ako sa campus. Nakita ko doon si Miggy na kausap ni Kuya Jello. Master namin ang kuya ni Miggy at bihira na magawi si Master sa tambayan namin dahil graduate na nga at nagtatrabaho. Si Miggy ang nagdadala kung may mga ipinamimigay siya kay kuya Jello bilang bagong Master na din sa chapter namin.

Tumayo si Kuya Jello nang makita ako at kinamayan saka niyakap. Nagsaludo din ako sa mga brad kong naroon at nagmimiryenda. Sinadya ko talagang halughugin ng tingin ang paligid at baka naroon si Jino. Nabigo ako. Nasaan kaya ‘yun?

Minabuti kong maki-share kina Kuya Jello at Miggy. Nakibalita kung anong bago.

Ilang saglit lang ay may lumabas sa CR ng canteen. Muling bumilis ang tibok ng aking puso.

Si Jino.

Iniwasan ko siyang tignan at piniling ituloy ang naudlot na pakikipagkuwentuhan ko kay Kuya Jello at Miggy.

Tahimik siyang umupo sa bakanteng mesa sa likod ko. Sa kaniya pala yung miryendang iyon sa kabilang mesa ngunit bakit hindi na lang siya naki-share kina Miggy o kaya sa iba pang tropa?

Kailangan talagang magsolo?

Hanggang sa biglang tumigil si Kuya Jello at nakatingin sa dumaan na dalawang nakamotor. Nakahelmet ang mga iyon kaya hindi makilala. Nakiramdam siya kahit nakadaan na ang mga iyon.

“Bakit kuya?” tanong ko.

“May kakaibang ikinikilos ang mga nakamotor na ‘yun e. Pangalawang balik na nila at sa atin sila nakatingin. Baka…” tumigil siya. Hanggang sa nanlaki ang kaniyang mga mata. Mabilis ang sumunod na pangyayari

“Mga brod! Dapa! Dumapa kayo!” sigaw niya.

Kitang kita ko ang paghila niya kay Miggy at kasabay niya iyong dumapa.

Sa pagkabigla ko ay hindi ako agad nakakilos ngunit may humila sa akin at pinadapa din ako. Hinawakan nito ang ulo ko at halos daganan niya ako.

Sunud-sunod na putok ng baril ang narinig namin. Sandali lang iyon ngunit naglikha ng takot sa akin.

 Nanginginig ako. Bumalik sa alaala ko yung pagkabaril ng lalaking nakatutok sa aking ng baril noong unang napalaban kami. Ganoon ang nadama kong takot ngayon. Nanlalamig ako.

“Okey lang ba kayong lahat? Walang tinamaan?” tanong ni Kuya Jello na nakayakap sa nagulat ding si Miggy.

“Okey ka lang?” pabulong iyon. Lumingon ako. As usual si Jino na naman ang humila at nagligtas sa akin. Halos nakayakap na din siya sa akin. Ngunit ilang sandali lang ay mabilis din niyang tinanggal ang nakahawak niyang kamay sa akin.

 Inilibot ko ang paningin ko. Wala namang tinamaan sa amin.

“Sige na. Bilisan ninyong bumalik sa classroom ninyo mga brad.” Bilin ni Kuya Jello sa amin.

Nagsimulang mag-ingay ang mga tropa namin at ang mga tao sa paligid. Lahat natatakot. Nagkukumahog. Tinulungan ni Kuya Jello si Miggy na tumayo dahil halatang takot at gulat pa din ito.

 Tumayo na din ako.

“Salamat brad.” Sabi ko kay Jino ngunit hindi ako sa kaniya nakatingin.

Hindi siya sumagot ngunit kung tumango siya, hindi ko alam.

“Kung magtatanong ang school o ang gurwadiya o kung may dadating na pulis, hayaan ninyong ako ang kakausap. Mas aral na namin ito ni Master kaya ako ang ituturo ninyong sasagot kung may magtanong sa inyo. Tinatakot lang tayo ng mga ‘yun. Mag-ingat pa din kayo kasi nagkataong nasa pampublikong lugar tayo kaya hirap silang mahanap na pagkakataon para paghusayan ang kanilang pamamaril. Natatakot at nagmamadali din kasi sila.” Huling paalala ni Kuya Jello sa amin.

Nilingon ko si Jino bago ako umalis. Hindi siya sa akin tumitingin. Naisip kong mauna na lang at baka si Miggy ang hinihintay niya. Pinipilit ko pa ding mawala yung takot at kaba ko sa pamamaril sa amin. Uminom muna ako ng tubig para mapakalma ko ang sarili ko bago balikan si Lexi. Ayaw kong mag-alala siya.

Nagtatawanan kami ni Lexi nang unang pumasok si Miggy at si Jino. May kurot iyon sa puso ko.

Nagpatuloy ang laro namin ni Jino. Mas pinagbuti ko ang pagiging sweet kay Lexi sa harap niya mismo o yung alam kong dinig niya kaming dalawa. Hindi ko na din muna siya tinetext pa o tinatawagan. Kailangan kong manindigan. Nakatulong ang pagbabasa ko sa internet at panonood ng movie para matutunan ang lahat ng ito. Kailangan kong sumabay. Kailangan ko nang mga babasahin para mas kaya kong laruin ang lahat. Sinunod ko ang nabasa ko na kung magpapakita ako ng kahinaan ay alam kong iyon ang magiging lakas niya para lalo lang niya akong pahihirapan. Sa bawat pagpapakita ko na siya pa din ang mahal ko, iyon ang gagamitin niya para lalo siyang mas magiging matibay sa laro namin ngunit kung ipakita ko sa kaniyang masaya na kami ni Lexi at tuluyan ko na siyang binura sa isip at puso ko, siguradong unti-unting siyang hihina sa lungkot at pagkabigo. Iyon ay kung mahal niya ako. Pero kung si Miggy na ang mahal niya at hindi na ako, siguradong wala siyang pakialam pa kahit ano ang makita niya at marinig sa amin ni Lexi.

Sobrang hirap.

Nakakabaliw lang talaga yung may mahal ka ngunit hindi puwede dahil ayaw niya. Noong matapang siyang amining mahal ako, ako itong umiiwas sa kaniya. Ngayon kayak o nang panindigan siya na itong may ayaw. Ganito ba talaga kagulo ang magmahal?



Friday yung mahirap sa amin. Dalawang araw na naman kasing hindi ko siya makikita. Pero di ako pumapayag. Pumupuslit ako sa bahay at nagmomotor para lang dumaan sa kanilang bahay. Umaasang makikita ko siya. Nagbabakasakaling lalabas siya sa gate nila, nasa bakuran siya o kaya sisilip sa kaniyang bintana. Ngunit bigo ako. Nakakadagdag lang ng kalungkutan.

Sa school, hindi ko din maiwasang hindi siya pagmasdan ng patago. Yung kahit kami ni Lexi ang magkaharap at magkausap ay si Jino ang hinahanap ng mga mata ko. Kahit panakaw lang. Kahit sandali lang. Hindi na siya sumasabay sa amin sa pagmimiryenda. Ang lagi niyang sinasabi, si Miggy ang kasama niya. Sa college canteen sila nagmimiryenda mula nang itinigil muna namin ang pagkikita-kita sa canteen sa labas ng campus dahil delikado na daw sabi ni Kuya Jello.



Lunes maaga kaming pumasok.  Kami-kami pa lang yata ang dumating kaya kinuha ko ang pagkakataong iyon para maibigay ang regalo ko kay Lexi. Gusto kong sa harap din mismo ni Jino ko iyon ibibigay.

“Ano naman ‘to. Nakakainis ka. Dami mo laging regalo.” Palambing na tinuran ni Lexi.

“Buksan mo kasi.” Nakangiti kong sinabi habang akbay ko siya.

Mabuti nga’t wala pa kaming teacher. Mahirap ng maabutan niya kami at siguradong magagalit na naman sa lambingan namin ni Lexi.

Habang binubuksan niya ang maliit na box ay nakita kong tahimik lang si Jino na nakatingin sa kaniyang mga kuko. Huminga ito ng malalim. Ibinalik ko ang tingin ko kay Lexi bago niya ako mahuling kay Jino nakatingin.


“Wow! Ang Cute.”

“You like it?” tanong ko.

Hinawakan ko ang kamay niya.

“No! I love it, Boy! Thank you.” Naibulalas niya.

Hinalikan ko siya sa pisngi.

Napakislot siya. Nagulat sa ginawa kong iyon. Kinuha ko ang pink bracelet at isinuot ko sa kamay niya kapalit nang luman-luma nang bracelet naming magkakaibigan noon. Habang isinusuot ko iyon ay napapaluha siya sa saya.

“I love you Lex. Kung mayaman lang sana ako at di umaasa lang sa allowance na binibigay nina Daddy, sana maibigay ko sa’yo ang pinakamahal na regalo.”

“Ano ka ba? Kahit nga wala masaya na akong magkasama tayo. Yung ganitong nandiyan kayong dalawa para akin, kumpleto na ako do’n.” Lumingon kami sa tahimik na si Jino sa tabi namin.

Tahimik ngunit nakangiti siya sa amin. Mukha namang masaya siya?

Baka totoong di na nga niya ako mahal pa.

“Akala mo ikaw lang ha. Meron din akong surprise sa’yo!” Nakangiting binuksan ni Lexi ang kaniyang bag. Tumingin ako kay Jino habang inilalabas ni Lexi ang surprise niya. Nakayuko na muli siya at nagbasa ng kaniyang libro.

“Heto na… buksan mo dali!” nakatawang inilagay ni Lexi sa kamay ko ang maliit na box.

                Dahan-dahan kong binuksan iyon at nakita kong dalawang kuwintas ang laman nun. Nahating puso.



                “Wow, sobrang cute.” Naibulalas ko. “I love it!”

                Inilabas ko ang isa at isinuot ko sa kaniya ang pambabae. Sinuot din niya sa akin yung panlalaki. Pagkatapos no’n ay muli kaming nagyakapan at bago ako kumalas ay muli ko siyang hinalikan sa gilid ng kaniyang labi. Sa pagkagulat niya ay nahawakan niya ang hinalikan ko.

                “Nakakadalawa ka na ha!” hampas nito sa akin.

                “Bakit, sa mahal kita e.” sagot ko.

                Tumayo si Jino. Tahimik siyang lumabas.

                Katahimikan.

                “Naiihi ako. Puwedeng CR muna? Mamaya kasi flag ceremony na.” paalam ko kay Lexi. Hindi na din kasi kami puwedeng maglambingan dahil dumadating na ang mga kaklase namin.



                Paglabas ko ay hinanap ko si Jino. Pumunta ako sa likod ng classroom namin. Nagbabakasakaling naroon lang siya sa isang puno na napapalibutan ng sementadong upuan. Hindi ako nagkamali, nandoon nga siya. Sapo niya akong kaniyang mukha. Gumagalaw ang kaniyang mga balikat. Umiiyak.

                Tahimik akong lumapit at tumayo sa harap niya.

 Naramdaman niya yatang may tao. Tumigil siya sa paghagulgol. Sumilip siya. Inilabas ko ang panyo ko at iniabot ko iyon sa kaniya. Namumula ang kaniyang mga mata sa kaiiyak. Kitang-kita ko sa mukha niya ang sobrang hirap na pinagdadaanan niya.

                “May panyo ako.” humihikbi siya.

                Tumabi ako sa kaniya.

Huminga ako ng malalim.

 Pasimpleng inakbayan ko siya.

                “Ano ba!” Tinanggal niya ang kamay ko sa balikat niya.

                “Bakit ka umiiyak?” tanong ko.

                “Wala ‘to. Bakit mo ba kasi ako sinundan.” Muling tumulo ang luha niya. Mabilis kong pinunasan iyon gamit ang sarili kong panyo.

                Nahawakan niya ang kamay ko. Sandali kaming nagkatitigan.

                “Nahihirapan ka na ba? Nasasaktan ka? Puwede naman nating tapusin ang larong ito kung pagod ka na?” sumisikip na din ang dibdib ko.

Sa lahat ng ayaw ko ay yung makita siyang umiiyak. Hindi ko lang alam kung iyon ay dahil sa akin o kay Miggy ngunit kahit ano pa ang dahilan, ayaw kong nahihirapan siya o nasasaktan. Gusto kong protektahan siya kahit noon pa man.

                “Anong bang sinasabi mo? Okey lang ako.” sagot niya. pinilit niyag ngumiti na parang hindi ko naabutang humahagulgol.

                Tumunog ang bell para sa flag ceremony.

                Tumayo siya.

Mabilis ko siyang hinila at niyakap mula sa kaniyang likod. Ang isang kamay ko ay nasa kaniyang baywang at ang isa ay umikot mula sa kaniyang dibdib hanggang sa kaniyang balikat.

                “Tama na brad. Nahihirapan na ako. Ikaw talaga ang mahal ko eh.” Bulong ko sa mismong tapat ng tainga niya.

                Naramdaman kong napakislot siya.

Hinawakan niya ang kamay ko. Hanggang sa pinagtabi niya ang mukha namin. Hinaplos niya pisngi ko.

“Kung alam mo lang Boy. Kung sana alam mo lang…” Huminga siya ng malalim. “Pero sa ngayon, okey na ‘to. Ituloy mo lang ang pagpapasaya sa pinsan ko. Kailangan niya ‘yun para mabigyan ng pag-asa at lumaban. Hindi mo alam kung paano mo siya natutulungan sa ginagawa mo kapalit man ng pagtitiis mo. Salamat Boy at hindi mo ako binigo.”

                Pinunasan niya ang luha niya saka niya tinanggal ang kamay kong nakayakap sa kaniya. Naiwan ako doong naguguluhan. Lumuluha.

Para saan ba ang sakripisyo naming ito?



                Kinabukasan ay hindi pumasok si Lexi. Out of coverage area din ang cellphone niya. magtatanong sana ako kay Jino ngunit lagi siyang umiiwas sa akin. Nakikita palang niyang palapit ako ay lumalayo na siya.

Ang ikinaganda ng araw na iyon ay nagkaroon ako ng pagkakataon lihim na sundan siya kung saan sila nagmimiryenda ni Miggy lalo pa’t di naman sila sabay na lumalabas ng classroom. Bahala na kung masaktan man ako basta lang malaman ko kung ano ang totoo sa kanilang dalawa.

                Nauunang naglalakad si Miggy, ilang dipa ang layo niya kay Jino. Totoong ngang sa college department canteen sila nagmimiryenda ngunit iba ang table ni Jino. Nakabukod siya kay Miggy. Si Miggy ang may kasamang iba. Minabuti kong magmasid. Masaya si Miggy sa kausap niya at ni hindi niya magawang lingunin ang mag-isang mahal ko. Nakita ko ang lungkot sa mukha ni Jino. Ni hindi niya nagagalaw ang pagkaing binili niya. Nang tumayo si Miggy at nagpaalam sa kasama niya ay tumayo na din si Jino. Tahimik at patago pa din akong sumunod sa kahila. Halos sinabayan ni Jino si Miggy sa pagpasok sa classroom para magmukhang sila ang magkasama. Ngunit alam ko na ang sikreto nila. Nagulat pa si Jino nang makitang magkasunod lang kaming pumasok.

                Naulit muli ang ganoong pangyayari kinabukasan at dahil wala si Lexi ay nagawa ko na naman silang sundan.

Naguguluhan na din ako sa kalagayan ni Lexi. Lumalakas ang hinala kong may dinaramdam ito. Hindi ako tanga ngunit paano ko siya mapapaamin na may sakit nga siya kung tanggi siya ng tanggi. Ilang text na ako at tawag ngunit nanatiling sarado ang kaniyang cellphone. Umiiwas din si Jino sa akin.

Hanggang sa tumayo si Miggy sa table nila ng kasama niya at sumunod si Jino. Hindi sila dumiretso sa classroom namin. Sa park ng school namin, doon sa may grotto sila dumiretso. Sumabay ako sa ilang istudiyante. Nagtago ako sa likod nila at tumakbo para makapagtago ako sa likod ng grotto. Kailangan kong makinig sa kung ano ang pinag-uusapan nila.

                “Di ba nga ayos na kayo ni Romel. Sinabi mo iyon sa sulat mo sa akin e. Nagmamahalan kayo at kailangan kitang layuan. Ano ‘tong ginagawa mo ngayon? Jino, ayaw ko na. Nasaktan na ako sa’yo at ayaw ko nang uulit pa. Bakit hindi mo mapanindigan yung mga sulat mo sa akin? Ngayon naman parang kang asong ulol na bubuntot-buntot!” singhal ni Miggy kay Jino.

                “Nagkamali ako e. Saka, you know that I just need a friend. ‘Yun lang naman yung habol ko sa’yo. Ayaw kong magmukhang kawawa kina Lexi at Romel. Ayaw kong isipin nila na mag-isa lang ako at nalulungkot. Ayaw kong sirain yung kung anong meron sila ngayon kaya kahit hindi mo ako pansinin Migs, hayaan mo lang na lumabas na okey tayo, na ikaw ang kasama ko.”

                “So gusto mo ng palabas? Gusto mong palabasin na okey tayo pagkatapos mong palabasin din na okey kayo ni Romel at nagmamahalan?” tanong ni Miggy.

Noon ko na nasiguradong inako pa din ni Jino ang kasalanan ko at wala siyang balak sabihing ako ang nagsulat sa mga iyon.

                “Sorry na. Ilang beses ko bang ihingi ng sorry iyon. Tulad ng sinabi ko, kahit hindi na tayo best friend kahit barkada mo na lang basta isipin nilang okey na ako sa’yo. Yun lang yung hinihingi ko Migs.” Desperado na si Jino.

Ako ang sobrang nasasaktan para sa kaniya. Kasama niya akong lumuluha ng mga sandaling iyon.

                “Alam mong hindi ako mahirap pakiusapan noon, Jino. Minahal kita e. Kaya lang paano naman kami. Lagi na lang ba naming pag-aaawayan ni Jello ang pagbubuntot-buntot mo sa akin? Mahal ko na siya. Noong mga araw na pinili mo si Romel, kay Jello ko naibaling yung atensiyon ko. Siya yung nagbalik ng ngiti ko sa labi.”

Kumunot ang noo ko sa narinig ko. Ayaw ko pa ding paniwalaan ang naririnig ko. Si Jino ay nanatiling nakayuko lang.

“Akala ko hindi niya ako kayang mahalin, na straight siya ngunit nangyari na lang e. Nagtapat ako at inamin din niya sa akin na noon pa niya ako lihim na minahal. Maalala mo bang si Romel ang unang nabarkada ko bago ikaw?”

Tumango si Jino.

“Dahil nakikita niyang nakakasama ko si Romel habang tumutugtog ako ng gitara, akala niya kadikit ko si Romel kaya niya ito binarkada para mapaglapit kami. Natatakot kasi siya sa kuya ko na malamang ako ang mahal niya. Ngunit nang nakita niyang okey tayo kaya siya dumistansiya. Ang alam nga niya tayo na noon kaya minabuti na lang niyang ituloy na kaibiganin din si Romel.”

“May gusto din ba siya kay Romel?” tanong ni Jino.

“Wala. Hanggang barkada lang talaga ang sa kanila. Nang pinili mong samahan si Romel sa initiation, kinabukasan no’n nagkita kami sa bahay. Dahil tulog si kuya kaya kami ang nagkausap. Nagpalitan ng number. Sa kaniya ko naikuwento yung mga hinanakit ko sa’yo. Nagkita kami kinabukasan no’n hanggang sa naulit ng naulit ang patagong pagkikita namin lalo pa’t sobrang sakit na yung mga letters mo sa akin. Sorry Jino pero mahal ko si Jello at ayaw kong laging ito ang pagtatalunan namin. Marami ka pang ibang maging barkada diyan. Huwag na lang ako kasi may masasaktan na.”

                Napalunok ako.

Hindi pa din ako makapaniwala sa mga narinig ko. Si Kuya Jello at Miggy na? Possible pala ‘yun? Paanong hindi ko man lang siya naamoy? Putcha!

                Nanlumo na si Jino. Mukhang talunan.

                “Kahit ba kaibigan lang? Ako ang magpapaliwanag kay Kuya Jello. Please? Gusto ko lang maging okey sa paningin nina Lexi at Romel.”

                “I’m sorry pero hindi puwede. Huwag kang makulit.”

                “Oh my God! Hirap na hirap na ako eh! Hindi ko na alam ang gagawin ko. Nasasaktan na ako.”

Hinawakan niya ang braso ni Miggy.

                “Bitiwan mo nga ako. Baka may makakita sa akin at makuwento kay Jello. Sige na. Kailangan ko nang bumalik sa classroom. Sana huling pakiusap ko na ito. Tantanan mo ako! Tigilan mo na ang pagsunod-sunod sa akin!” singhal ni Miggy.

                Nasaktan ako. Hinayaan kong lunurin ako ng aking mga luha.

                Pagtalikod ni Miggy ay lumabas na ako sa pinagtaguan ko.

                Sinapo ni Jino ang ulo niya at naiwan siyang umiiyak.

                Tumabi ako sa kaniya. Nagulat siya. Nagkatinginan kami.

                Pagtayo niya ay pinigilan ko siya.

                Niyakap ko ang baywang niya para hindi siya makatayo. Ikinapit ko ang isang kamay ko sa braso ko dahil ang isang palad ko ay nakahawak sa iphone ko.

Napaupo siya sa kandungan ko.

                “Anong ginagawa mo dito? Bitiwan mo nga ako. Hindi ko na kaya eh!” humihikbi siya at pilit inaalis ang kamay ko na nakapulupot sa baywang niya.

                “Dito ka lang. Huwag na nating pahirapan ang sarili natin. Tama na’to. Huwag mo na akong itulak palayo pa sa’yo. Please?” Napahagulgol din ako.

                Tumingin siya sa akin. Bigla  na lang siyang yumakap sa akin at sa balikat ko na siya humagulgol. Hindi na naming kailangan pang magsalita. Sapat na ang pag-uusap ng tibok ng aming puso. Alam kong sa pagkakalapat ng aming mga dibdib ay kailangan na naming tapusin ang aming mga paghihirap.

                Nag-vibrate ang hawak kong iphone. Habang yakap ko siya ay di ko napigilang basahin ang message.

                Si Lexi ang nag-text.

                “We need to talk. Meet me tonight. Marami tayong pag-uusapan. It’s time for you to know the truth, ngayong kaya ko pang sabihin sa’yo ang lahat.”

                Kinabahan ako.

Mahirap at masakit man pero darating ang oras na kailangang harapin kung ano ang totoo lalo na kung iyon ang hinihingi ng pagkakataon.

No comments:

Post a Comment