Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta
Tumulo ang luha ko sa pisngi niya. Niyakap ko siya ng mahigpit.
“Huwag! Huwag si Jino Diyos ko! Hindi ko kaya! Hindi ko alam kung paano ko patatawarin ang aking sarili kong ikamamatay niya ito. Hindi!!!!!”
Hanggang sa tuluyang kong isinigaw ang kaniyang pangalan. Paulit-ulit sa gitna ng aking hagulgol at paghikbi. Niyakap ko siya ng buong higpit. Hindi ko kakayaning mawala siya sa akin. Hindi ngayon, hindi sa ganitong pagkakataon.
“Brod, sandali lang, lalo mo siyang pinahihirapan sa ginagawa mong ganyan. Pahigain mo lang siya. I am a medical student and I know exactly what to do, kaya trust me on this okey?” pakiusap ng isang maputing lalaki na halos kaedad lang ni Master.
Dahan-dahan ko siyang pinahiga at pinatagilid niya ang ulo ni Jino. Kumuha siya ng sofa pillow na pinagpatungan niya sa mga paa ni Jino.
“Nag-faint lang siya dahil hindi siguro niya nakayanan ang hirap pero humihinga pa siya. Kailangan nating itaas ang paa niya at mas mababa ang utak to promote blood flow to the brain. We turn his head to the side so the the tongue doesn't fall back into the throat. Mga brod, pakiabutan nga ako ng ice at face towel please?”
Mabilis namang kumilos ang ilang brod namin at nag-uunahan pa silang ibigay ang kailangan niya.
“Ipunas mo itong malamig na face towel sa kaniyang mukha at leeg at magkakamalay na ‘yan maya-maya.” Kalmadong bilin niya sa akin.
“Paano kung hindi na? Please dalhin na lang ho natin siya sa hospital.” Pagsusumamo ko habang pinupunasan ko ang kaniyang mukha at leeg.
“Trust me, he just passes out and nothing to worry about.”
Hanggang sa ilang sandali lang ay binuksan na niya ang kaniyang mga mata.
Huminga ng malalim.
Hinawakan ko ang kamay niya. Unang pagkakataong ako ang unang humawak sa kamay niya na noon ay iniiwasan kong gawin.
Pinisil ko iyon.
“Kumusta ang pakiramdam mo! God! Pinakaba mo ako!”
“Okey lang ako pero sobrang sakit ng katawan at paa ko.” pabulong niyang sagot.
“Ako na ang aako sa kulang na palo mo sa paddle kung hindi mo na kaya.”
“Hindi, kaya ko pa.” pagpupumilit niya.
Sinubukan niyang bumangon ngunit hatalang hindi niya kayang buhatin ang katawan kaya muli siyang nahiga.
“’Tigas naman kasi ng ulo e.” pabulong kong tinuran.
“Huwag mo nang intindihin ang nalalabing 30 na paddle Jino. Okey na ‘yun. Pasado na kayo. Pero kailangan ninyong dumaan sa huling ritual para maging ganap na kayong member. Pero sa ngayon kailangan mo munang magpahinga sa kuwarto hanggang kaya mo na. Kaya mo na bang pumunta sa kuwarto mag-isa?” tanong ni Master.
“Kaya na Master.” Sagot niya.
“Anong kaya? Ni hindi ka nga makabangon e.” Singit ko.
Tumingin sa akin si Master. “Trust your brother, Romel, kung sinabi niyang kaya niya, ibig sabihin kaya talaga niya.”
“Pasensiya na Master. Malakas lang ang loob niyan pero ang totoo, mahina pa ang katawan niya.”
Tumayo si Jino ngunit dahil nakikita kong nahihirapan siya katulad ko dahil sa totoo lang sobrang sakit din ng binti at hita ko ngunit tinitiis ko lang dahil nahihiya akong magpakita ng kahinaan sa lahat. Hindi ko na hinintay pang humingi siya sa akin ng tulong. Inalalayan ko siyang tumayo. Nagkatinginan pa kami ng kinuha ko ang kamay niya at inilagay ko iyon sa aking balikat at hinawakan ko naman ang kaniyang baywang.
Nagpalakpakan ang mga brothers namin na kanina lang ay natakot sa maaring mangyari kay Jino. Habang magka-akbay kaming pumasok sa kuwarto ay noon lang ako nakahinga din ng maluwag. Parang may kung anong bumara sa dibdib ko ang tuluyang nahugot.
Dahan-dahan ko siyang ipinahiga sa kama ngunit dahil sa kumikirot ang aking binti at hita ay kulang ang lakas niyon para mabalanse ko ang aking sarili. Isa pa ay hindi din niya ako binitiwan kaya nakapatong ako sa kaniyang sumalampak sa malambot na kama. Dahil hubad kaming pareho at tanging boxer brief lang ang tumatakip sa maselang bahagi ng aming katawan ay parang kung anong kuryenteng pumasok sa bawat himaymay ng aking pagkatao. Ramdam ko ang pagpintig niyon at hindi ko gusto ang pagbabadya ng galit niya.
Ayaw kong tigasan.
Nakakahiya na!
Natutupok ako dahil kakaiba ang init na iyon ng kaniyang katawan. Init na iniiwasan kong madarang. Malakas ang kabog ng aming dibdib.
Nagkakatitigan kami.
Gahibla na lang ang layo ng labi niya sa labi ko at tuluyan na akong napapaso sa…
Fuck!
Ayaw ko.
Hindi tama!
Inilayo ko ang labi ko sa kaniya.
Bumangon ako.
Putcha naman oh! Bakit ko hinahayaang tumagal kami sa ganoon ayos kanina?
Ngumiti siya.
Sumimangot ako.
“Anong nakakatuwa ha? Alam mo bang muntik ka nang mamatay? Pangiti-ngiti ka pa diyan.” Hinaplos ko ang hita kong kumikirot.
“Wala. Masaya lang ako. Mukhang kasing may lihim na nag-ke-care sa akin hmmmppp… buking na buking kaya.”
“Ulol. Siyempre best friend kita. Kung higit pa do’n ang iniisip mo. Hindi no! Asa ka!” Tumalikod ako pero napapangiti.
“May naramdaman kaya ako kanina sa hita ko. Bumigay lang?” humagalpak ng tawa.
“Bumigay daw. Ayaw kong pag-usapan ‘yan, please lang. Tigilan mo ako. Baka gusto mong hindi ko na naman kayo kakausapin ni Lexi.” salubong ang kilay kong lumingon sa kaniya.
“Okey. Sabi mo e. Sa Lunes kung kaya kong pumasok, kakausapin ko na si Miggy. Aayusin ko na yung sa amin. Gagawin ko na lahat ang sinabi mo sa akin.” Huminga siya ng malalim.
“Sinabi? May sinabi ba ako?” Bigla akong humarap sa kaniya.
Lumapit ako.
“Oo kaya.”
“Pag-aralan mo muna yung nararamdaman mo sa kaniya. Baka mamaya pagsisihan mo ‘yan, hindi mo naman pala siya mahal tapos sasagutin mo siya.” Inayos ko ang paa niya. Nilagyan ko ng unan ang mga paa niya para marelax ang binti at hita niyang kulay longanisa dahil sa paddle.
“Tama bang naririnig ko? Kanina ipinagtutulakan mo ako, tapos ngayon, kumokontra ka?”
“Kumokontra? Hindi ah. E, di sagutin mo. Kailangang ayusin ko na din yung sa amin ni Lexi kung aayusin mo ang sa inyo ni Miggg para patas na.”
Tumahimik kaming dalawa.
Putcha! Ano ‘tong nagyayari sa akin?
Mali ito.
Kailangan ko na ngang ituloy ang panliligaw ko kay Lexi.
“Sige na, sa labas na muna ako. Pahinga ka lang at dahil may isa pa tayong kailangang gawin para maging formal na tayong Akhro.” Pamamaalam ko.
“Wala bang uhmmm para mapawi yung hapdi ng binti at hita ko?” Inginuso niya ang kaniyang bibig.
Kumunot ang noo ko.
“Anong uhmmmm”” inginuso ko din ang labi ko.
“Kiss? Di alam?”
“Eto, kiss mo ang kamao ko.”
“Nagbibiro lang, ‘to naman.”
“Ayusin mo ang biro mo kasi di nakakatuwa. Di dahil black belter ka e, sasantuhin ka ng kamao ko. Saka di na ‘yun mauulit pa ‘no. Initiation lang ‘yun kaya nangyari. Kala mo naman nagustuhan ko. Kakadiri kaya! Kalimutan mo na ‘yun. Isang bangungot ‘yun sa akin na hinding-hindi ko na gustong aalahanin pa.”
“Okey. Bangungot it is.”
Lumabas na ako sa kuwarto.
“You won’t be a full-pledged Akrho member if you don’t have a burn mark. It is like your permanent ID.” Iyon ang sinabi ni Master sa akin. “Nagbabaga na ba ‘yang barya brod?” tanong niya sa kasamahan namin.
“Puwede na ‘to master.”
At kitang-kita ko kung paano nila idinikit sa aking galanggalangan iyon. Sa sobrang sakit ay napasigaw ako. Amoy ko ang nasunog na balat ko at napatalon-talon sa hindi ko halos kayaning hapdi niyon. Hinawakan ko ang braso ko at namilipit. Paikot-ikot sa kanila baka sakaling makatulong iyon para maibsan yung sakit.
Nakita ko din ang peklat sa malapit sa kanilang pulsuhan kaya alam kong lahat nga kami ay dumaan do’n.
“That will be a testament of your agony when you underwent to become a full pledge “brod”. Pagtatapos ni Master.
Masigabong palakpakan ang kasunod niyon. Niyakap nila ako at binati. Lumabas na din sina kuya Jello at iika-ikang si Dela Cruz. Mahigpit akong niyakap ni Kuya Jello at binati niya akong kinaya ko lahat ng pagsubok. Isinunod nila si Dela Cruz at panghuli si Jino. Sobrang saya pala na alam mong pinaghirapan mo talaga ang maging bahagi ng isang malaking kapatiran. Magkakapatid ang turingan namin. Kailangan manatili iyon hanggang sa aming pagtanda.
Si Kuya Jello ang naghatid sa amin ni Jino nang magmamadaling araw na. Sa likod na ako pumuwesto para maalalayan ko siya. Alam kong mas pinahirapan siya kaysa sa akin kaya hinayaan kong sa balikat ko siya sumandal at naidlip habang binabaybay namin ang daan pauwi. Nahihirapan siyang iupo o iayos ang kaniyang hita at binti. Masakit din naman yung hita ko at binti ngunit hindi katulad ng sa kaniyang halos malapnos na ang balat sa sobrang tinamo nito kaya kalahati lang ng puwit niya ang nakadantay sa upuan para hindi masagi ang hita niyang kanina pa niya idinadaing. Kinausap ko si Kuya Jello na unahin na lang naming idaan si Jino. Bago siya nakatulog ay natanong muna namin ang address nila. Nagkataong alam din naman ni Kuya Jello ang sa kanila ngunit hindi ang mismong bahay nila.
Dahil nahuhulog ang ulo niya sa balikat ko ay minabuti kong akbayan na lang siya at inayos ko ang upo ko para sa dibdib ko na lang siya patutulugin. May mga sandaling napapatitig ako sa kaniyang maputi at makinis na pisngi. Patagong hinahaplos ko iyon pati na din ang mamula-mula niyang labi.
Pucha!
Nakakainis naman ‘to!
“Malapit na daw tayo. Saan daw ang sa inyo?” tanong ko.
Sinuklay ko ang buhok niya gamit ang aking mga daliri para magising siya.
Kinusot niya ang kaniyang mga mata at tumingin sa labas.
“Hayan na yung bahay namin. Yung green ang gate. Pakitabi na lang Kuya Jello.”
“Kaya mo bang bumaba o maglakad hanggang sa inyo?” tanong ko.
“Bakit kakargahin mo ako?” nagbibirong tanong niya.
“Ehem! Baka ano na ‘yan ha?” kantiyaw ni Kuya Jello.
“Kuya Jello, yung gate namin green, huwag mong sabihin pati utak mo green na din?” nakatawang tinuran niya habang binubuksan niya ang pintuan ng sasakyan.
“Sandali!” mabilis kong hinawakan ang kamay niya. Hindi ko alam kung bakit nagawa kong pigilan siya.
Lumingon siya sa akin.
“Bakit?” Tinignan niya ang hawak kong palad niya.
“Wala.”Mabilis ko ding binitiwan iyon. “Salamat lang, kasi sinamahan mo ako.”
Tumaas ang dalawang kilay niya.
“Wala ‘yun. Sige Kuya Jello. Salamat sa paghahatid. Sige brad.” Paalam niya.
Bago niya isinira ang pintuan ay nagngitian kami. Bumuka ang bibig ko pero hindi ko naisatinig ang dapat ko sanang sasabihin. Mamaya kung ano pa ang iisipin niya sa “Good Night” o kaya “Ingat” na sasabihin ko. Mahirap nang paasahin pa siya at baka lalo lang mahulog siya sa akin. Nilingon ko siya nang paalis na kami ni Kuya Jello. Hirap na hirap siyang humakbang patungo sa kanilang bahay.
Huminga ako ng malalim.
Naguguluhan na ako pero determinado pa din akong gawin ang sa tingin ko ay dapat.
Lalaki ako. Kailangan kong ulit-ulitin iyon sa aking sarili. Kailangan kong panindigan kahit nang nakahiga na ako sa aking kama ay mukha ni Jino ang nasa isip ko ngunit pinipilit kong ipalit ang mukha ni Lexi.
Ngunit putcha naman! Pilit bumabalik sa aking isipan ang nangyari. Ang labi niya sa aking labi. Ang kaniyang mabangong hininga. Ang kaniyang mainit na katawan na nakadantay sa akin. Ang kaniyang….Fuck! Uhhhhh! Shit lang!
Si Lexi… siya ang para sa akin. Siya ang dapat kong mahalin at kailangan kong panindigan iyon. Tumayo ako. Hindi talaga ako dinadalaw ng antok. Sobrang hapdi kasi ng mga paa ko idagdag pa ang hindi ko maintindihan naglalaro sa isip ko. Binuksan ko ang ipad ko at ini-add ko muna sila ni Lexis a facebook. Dahil hindi ko pa din alam ang number nilang dalawa ay nagtiyaga na muna akong nagbasa sa mga wall posts nila at mga pictures. Kadalasan sa mga post nila ay patungkol sa akin. Noon ko naramdaman ang pagkamiss ko sa kanila. Miss na miss.
Kinabukasan ay pinagbuti kong itago ang aking mga pasa kina Daddy. Nagsuot ako ng jogging pants at bihira ako lumabas sa aking kuwarto. Naghintay ako ng reply mula sa dalawa sa message ko ngunit mukhang hindi sila nagbubukas ng kanilang facebook. Hindi pa nila in-accept ang friend request ko.
Nang nakita kong umalis sila Daddy ng alas-kuwatro para bisitahin daw ang kanilang kaibigang si Tita Erin ay saka ako nagmamadaling nagpalit. Ibinulsa ko ang pitaka kong naglalaman ng aking Student Driver’s License. Mabuti nga’t may kakilala sina Daddy sa LTO kaya kahit hindi pa ako 16 ay nabigyan na nila ako.
Malapit lang pala ang bahay nina Jino sa amin. Magpapasama na lang ako sa kaniya para puntahan si Lexi. Kailangan ko nang ituloy ang panliligaw ko sa kaniya bago lalong lumala yung kung anong naiisip ko tungkol sa amin ni Jino. Kailangan ko nang agapan bago pa lumala. Naniniwala akong kaya ng isip kong labanan ang lahat.
Nakailang ikot na ako sa harap nina Jino sakay ng aking motor ngunit hindi ko siya nakitang lumabas. Napakahirap pa naman dahil sobrang sakit ng aking binti at hita ngunit kailangan kong tiisin ang sakit. Ano ‘tong ginagawa kong ito? Bakit gustung-gusto kong makita si Jino at hindi si Lexi. Ngunit back to objective dapat ako. Nandito ako para makita at makausap si Lexi at hindi para bisitahin o makita si Jino.
Muli akong umikot nagbabakasakaling lalabas siya sa bakuran nila ngunit sadyang pinagkakaitan ako ng pagkakataon. Hanggang sa may nagbusinang sasakyan sa likod ko habang nakatigil ako sa tapat ng berdeng gate nila. Lumingon ako. itinabi ko ang aking motor para makadaan sila. Binuksan ng isang lalaki ang gate. Nakatalikod siya sa akin. Nataranta ako. Si JIno yata siya? Nang humarap ang akala kong si Jino ay nabigo ako. Nang mapansin ako nang lalaki at nakapasok na ang kotse sa kanilang bakuran ay lumapit siya sa akin. Lalayas na sana ako pero mabilis siyang humarang.
“Ikaw si Romel hindi ba? Yung best friend ng kapatid ko at ni Lexi?” tanong niya sa akin.
“Opo.” Nahihiya kong sagot.
“Ako si Jethro. Kuya ni Jino. May alam ka ba sa nangyari sa kapatid ko? Hindi na siya nakabangon kaninang umaga kaya dinala nina Papa sa hospital. May kinalaman ka ba dito?”
Kinabahan ako. Hindi ko alam kung kailangan kong umamin.
“Jethro, tulungan mo muna ang kapatid mo. Ihatid mo siya sa kuwarto niya dahil hindi pa niya halos maigalaw ang kaniyang mga hita at binti.” Iyon ang tinuran ng Papa James ni Jino. Palapit siya sa amin. Hindi ko na nagawang sagutin pa ang tanong ng kuya Jethro niya.
“Sige Pa, ako na ho ang bahala.” Muli niya akong hinarap. “Ikaw, kung wala kang magawang matino sa kapatid ko at sa pinsan ko, layuan mo na sila dahil ayaw kong napapahamak sila dahil sa’yo. Alam ko, may kinalaman ka dito e. Hindi gagawin ng kapatid ko ang sumali sa fraternity kung walang nag-udyok sa kaniya kaya malakas ang kutob ko na ikaw ang dahilan kung bakit nahihirapang maglakad ngayon si bunso.”
“Pumasok ka na sa loob Jet! Sige na. Tulungan mo ang papa Xian mo.”
Tinignan muna ako ng masama ng kuya ni Jino bago siya pumasok sa gate. Naiwan sa harap ko ang Papa James niya at hinawakan nito ang braso ko.
“Romel…Romel…” tinapik-tapik niya ang balikat ko at huminga siya ng malalim.
Kinabahan niya ako.
“Nandito ka na din lang, pasok ka muna sa loob.”
“Ho?”
“Sabi ko tumuloy ka na muna sa loob at mag-usap tayo. Gusto ko yung malinaw na usapan.”
Bumaba ako sa motor ko. Nilock ko muna iyon at sabay na kaming pumasok sa bakuran nila. Nakita kong inaalalayan nila si Jino papasok sa loob ng kanilang bahay. Nagkatinginan kami.
“Pa! Ano ‘yan? Boy! Anong ginagawa mo dito?” sigaw ni Jino.
“Pasok sa loob. Huwag matigas ang ulo. Kausapin ko lang ang kaibigan mo!” pasigaw na sagot ng Papa James niya.
“Pa naman kasi. Nag-usap na tayo ah! Sinabi ko na nga lahat lahat di ba? Nangako na din ako sa inyo.”
“Huwag mo akong ginagalit! Pumasok ka na sa loob. Magpahinga ka sa kuwarto mo. Sige na.”
Napakamot siya at halata sa mukha nito ang pagkainis.
Kumindat na lang ako at ngumiti sa kaniya para lang maging kampante siyang okey lang ako na kausapin ng Papa niya.
Umupo kami malapit sa may garden nila hindi kalayuan sa gate. Sinikap kong maibsan yung kaba na kanina ko pa nararamdaman. Inaamin ko, natatakot ako sa kung ano ang pag-uusapan namin dahil hindi siya ngumingiti.
Yumuko ako.
Pinatunog ko ang daliri ko para maibsan yung nararamdaman kong tensiyon.
“Juice, softdrink, water o iba ang iniinom mo, may beer or wine kami.” titig na titig siya sa akin. Pakiramdam ko sinusukat niya ang aking pagkatao.
“Okey lang ho ako, sir.” Sagot ko. Halatang kinakabahan.
“Sir? Tawagin mo na lang akong tito. Anong ginagawa mo dito?”
“Dadaanan ko ho sana si Jino para magpasama pumunta kina Lexi, Tito.”
“’Yan yung bahay nina Lexi. Magpapasama ka e, halos sampung metro lang ang layo sa bahay namin. Saka bakit kailangan mong magpasama sa kaniya? Wala sina Lexis a bahay nila.”
“Sige ho. Babalik na lang ako sa ibang araw.” Tumayo na ako.
“Umupo ka. Kailangan nating mag-usap ng diretsuhan bago kita pauuwiin.”
Sumunod ako. Lalo na tuloy akong kinabahan.
“Nakilala lang kita sa kuwento ni Jino sa amin ngunit hindi ko alam kung sino ka talaga, kung ano ang pagkatao mo ngunit mahal ka ng anak ko. Bilang ama, ayaw kong nakikitang nasasaktan siya. Walang magulang ang gusto napapahamak ang anak nila dahil sa nagmamahal sila ng taong hindi naman worthy sa kanilang pagmamahal.” Pagsisimula niya.
Nagpunas ako ng pawis ko sa noo.
“Hindi dahil straight ka, may karapatan ka nang manakit sa mga katulad ng anak ko. Hindi mo din ako kilala ngunit sabihin ko sa’yo, mas sarado pa ang utak ko noon kaysa sa’yo. Nag-asawa ako ng babae, nagkaanak ng dalawa at ang alam ko, lalaki talaga ako dahil iyon ang gustong isipin ko. Iyon ang gusto kong itibok nito at nagawa ko din naman talaga iyon. Kaya lang, mapaglaro talaga ang pagkakataon. Dumating ang Tito Xian mo sa buhay ko. Wala akong nararamdaman sa kaniya nang magbarkada palang kami sa Elementary at High School kasi sarado ang isip at puso ko sa mga bakla. Isa pa, hindi ko din naman nahalatang ganoon ang Tito Xian mo noon. Galit ako sa mga bakla kasi sila ang dahilan kung bakit namatay ang Mama ko. Lahat ng pananakit ginawa ko na para layuan niya ako nang nasa Qatar kami. Ngunit sa tuwing sinasaktan ko siya, dobleng sakit ang balik no’n sa akin. Sa tuwing pinipigilan ko yung damdamin ko sa kaniya, lalo lang nagwawala ito,” tinuro niya ang puso niya. “Hanggang sa wala na akong lakas pang naiiwan para labanan ang nararamdaman ko. Hanggang dumating yung puntong halos mawala siya sa buhay ko. Sobrang sakit no’n sa akin. Iyon yung bahagi ng buhay ko na halos hindi ko kayanin dahil ang taong mahal ko pala ay yung taong sinaktan ko ng sobra.”
Tumingin ako sa kaniya. Ngunit hindi ko matagalang titigan siya kaya ako yumuko.
“Ngayon, dahil pinaninindigan mo naman ang pagiging straight mo, mas mainam na iwasan mo na lang ang anak namin.”
“Ho? Bakit kailangan ko ho siyang iwasan e, magkaibigan lang naman ho kami?”
“’Yun na nga eh. Para sa’yo magkaibigan lang kayo. Ayaw ko nang makita siyang iniiyakan ka pa niya. Tinanggap at minahal namin si Jino na katulad talaga namin kaya kung magmamahal din lang naman siya ay mas nanaisin kong si Miggy na lang dahil alam kong mahal niya ang anak ko.”
“Kilala niyo din ho si Miggy?”
“Walang sinisikreto si Jino sa amin. Ako na ang humihiling sa’yo, layuan mo na siya Romel. Kung hindi niya iyon magawa, siguro ikaw, kaya mong gawin iyon sa kaniya. Masama na akong ama ngunit mas okey na sa aking nakikita ang anak kong nalulungkot dahil sa paglayo mo kaysa umiiyak dahil sinasaktan mo ng paulit-ulit. Doon ka sa kung kanino ka sa tingin mo sasaya. Ayaw kong ipagkait sa anak ko yung saya na alam kong sa’yo lang niya mararamdaman ngunit mas nanaisin kong minsanan siyang masaktan sa pang-iiwan mo kaysa sa nakikita kong araw-araw mo siyang pinapaiyak at ang kinatatakot ko ay yung malagay siya sa alanganin tulad nang ginawa niya ngayon para sa’yo. Labinlimang taong iningatan at minahal namin siya tapos mapapahamak lang siya dahil sa kagaya mong wala namang ibang ginawa kundi ang saktan siya?”
“Pinagsabihan ko na ho siya tungkol do’n. Nagkausap na kami tungkol sa kanila ni Miggy, tito. Saka siya po ‘yung mapilit sumapi sa amin.” Pagtatanggol ko sa aking sarili.
“GInawa niya iyon kasi may gusto siyang patunayan sa’yo. Sige na, baka hinahanap ka na sa inyo. Hindi ko na papayagang harapin ka pa ni Jino. Hindi ka magandang impluwensiya sa anak ko, Romel. Wala sa kanila ni Jethro ang pinapayagan kong pumasok sa mga ganyang fraternity ngunit nagawa niya akong suwayin dahil sa’yo. Tignan mo ngayon ang nangyari sa kaniya. Halos lumpuhin ninyo ang anak ko! ‘Yan ba kapatiran na sinabi ninyo? Ang saktan ang mga tinuturing ninyong kapatid? Hindi ko alam kung anong meron sa fraternity na ‘yan ngunit alam kong pumasok si Jino dahil sa’yo at para hindi na siya mapasama pa sa frat na ‘yan, ikaw na lang ang lumayo sa kaniya. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Opo tito.” Napipilitan kong sagot. Iyon lang naman ang hinihintay niyang sagot. Baka hahaba lang ang usapan kung tatanggi ako. “Tuloy na po ako.”
Tumingin ako sa bahay nila pagkatayo ko. Nagbabakasakaling makita ko si Jino. Hindi nga ako nabigo. Nakita ko siyang kumaway sa bintana ng kaniyang kuwarto. Nakangiti sa akin.
Kumindat ako.
“Nakikita ko kayo!” puna ni Tito James. “Yung usapan natin Romel ha. Kung hindi mo din lang naman magawang mahalin at pangalagaan ang kaligtasan ng anak ko, mas mainam na lumayo ka na muna hanggang makalimutan niya ang nararamdaman niya sa’yo.” Muling paalala ni Tito sa akin nang palabas na ako ng gate nila.
Nang sumakay ako sa motor ko ay muli kong tinignan ang kuwarto ni Jino. Naroon pa din siya nakatingin sa akin. Kumaway siya bago ko isinuot ang helmet ko. Kumaway din ako bago tuluyang umalis.
Lunes ay hindi pa din sila pumasok ni Lexi kaya kinahapunan no’n ay hindi na ako mapakali pa. Pinagbawalan ako ng Papa ni Jino na lalayuan ko na siya ngunit parang hindi ko na kaya pang gawi iyon sa kanila ni Lexi. Hindi na kasi ganoon kadali katulad nang mga nakaraang mga buwan.
Dahil wala pa sina Daddy ay tumakas muli ako sakay ng motor ko. Kinakabahan man ako pero hindi din lang naman ako mapakali sa bahay. Parang sumasabog ang ulo ko sa kaiisip. Dumaan muna ako ng red roses at chocolates. Nakokornihan man ako pero anong magagawa ko. Siya at siya na lang ang nasa isip ko. Kailangan ko nang gawin ito. Hindi ako dapat nagkakaganito pero wala akong kontrol sa aking sarili.
Iniwan ko na lang muna ang motor ko sa hindi kalayuan sa gate nila. Kailangan kong magmasid muna. Ayaw kong makita ako ng kuya o ng Papa James o Papa Xian niya. Nang nasa tapat na ako ng gate nila dala ang chocolate at red roses na nasa backpack ko ay pumulot ako ng maliliit na bato. Ipinukol ko iyon sa bintana ng kuwarto niya. Sana nandoon siya. Sana sumilip siya sa bintana para makita niya ako.
Narinig ko na parang may nagbubukas sa gate nila. Nagtago muna ako sa halaman sa gilid ng bakod nila. Ang kuya Jethro niya ang nakita ko kaya minabuti kong manatili na muna doon. Mahirap nang makita niya ako at baka magsabi siya kay Tito James. Mabubuking pa ako at pagsasabihan tulad kahapon. Nang maitapon nito ang dala niyang basura at bumalik sa loob ay muli akong nagmatyag. Saka ko ipinagpatuloy ang pagbato sa kuwarto ni Jino pagkaraan ng ilang sandali.
Bakit kasi nakalimutan kong kunin ang number niya e. Sana kasi pala hindi ko na lang binura iyon sa phonebook ko. Di ko naman na kasi mahanap yung dating sim ko noon. Nahihiya din akong hingin ang number nina JIno at Lexi kina Miggy, Jheck at Philip. Hindi sana ako parang sira dito na pumupukol ng maliliit na bato para lang makita niyang nasa labas ako.
Putcha! Ano itong ginagawa ko?
Huling bato na ito at kung hindi pa siya sisilip ay aalis na talaga ako. Nang babatuhin ko na sana ang bintana ng kuwarto niya ay biglang may humawi sa kurtina. May sumilip. Napakislot ako nang masigurong siya na nga.
Si Jino.
Nanlaki ang mga mata nito nang makita niya ako. Kinawayan ko siya. Sumenyas din naman siya ng sandali lang.
Nanlalamig ang daliri ko at nangangatog ang tuhod ko sa hindi ko alam na kadahilanan. Paikot-ikot ako ng lakad. Ngayon lang ako nagkaganito na parang nagmumukhang tanga. Napakalakas ng kabog sa aking dibdib dahilan para hirap kong huminga ng maayos.
Naramdaman kong may nagbubukas sa gate nila. Minabuti kong magtago na muna sa halaman at baka hindi siya ang palabas. Sumilip ako. Nang makita ko siyang palinga-linga sa daan ay saka naman ako natotorpeng lumabas sa pinagtaguan ko.
“Buboy! Nasa’n ka?” Halata sa mukha niya ang iniindang sakit habang inihahakbang nito ang kaniyang mga paa.
“Kalma lang Boy! Hinga ng malalim. Kaya mo ‘to!” bulong ko sa aking sarili sabay ng paghaplos ko sa aking dibdib na para bang matutulungan ako no’n na maibsan ang hindi na pangkaraniwang tibok ng aking puso.
Muli siyang sumilip sa daan.
Nagkamot. Saka siya yumuko at naglakad papapasok muli sa gate nila.
Nagmamadali kong inilabas ang red roses at chocolate sa backpack ko saka ako lumabas sa pinagtaguan ko. Itinulak niya ang gate nila at bago siya makapasok ay tinawag ko na siya.
“Jino sandali lang!” garalgal kong nasabi iyo.
Pucha! Pati boses ko halatang tensiyonado. Mabilis kong itinago sa likod ko ang mga hawak ko.
Lumingon siya.
Isinara niya muli ang gate.
Naglakad siya palapit sa akin at sinalubong ko siya.
“Hi.” Maikling bati niya pero halata sa kaniyang mukha ang pagtataka.
“Hello.” Sagot ko. Huminga ako ng malalim.
Putcha! Lalong tumindi ang kaba sa dibdib ko.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong niya.
Inilabas ko ang red roses at chocolate na itinago ko sa likod ko. nanginginig ang kamay kong may hawak no’n. Nanuyo ang lalamunan ko. Di ko kayang isatinig ang dapat ay sasabihin ko.
Humawak siya sa dibdib niya sa pagkabigla.
Ako man ay natigilan.
Naluluha na siya samantalang ako ay natotorpe kung ano na ang sasabihin ko.
“Para sa akin…”
“Para kay Lexi” sabay iyon namutawi ng aming labi.
Kahit sabay ang sinabi niyang iyon sa sinabi ko, alam kong dinig na niya ang nasabi ko kaya wala na akong kawala. Kailangan ko nang panindigan ang naunang nasabi ko.
“Pakibigay kay Lexi. Nahihiya kasi akong ibigay ito sa kaniya.”
“Ah, okey.” Halatang napahiya siya. Huminga ng malalim at yumuko.
Ako naman ay sandaling tumalikod.
“What the fuck! Shit lang Buboy! Torpe mo!” bulong ko sa aking sarili.
“Sige. Ako na ang bahalang magbigay sa kaniya. Siguradong matutuwa ‘yun.” Pilit ang ngiti sa kaniyang labi.
“Wait! Dito ka lang. Huwag ka munang aalis. May kukunin lang ako sa loob.” Napalitan ng saya ang dati ay halatang nabigo niyang mukha.
“Sige, hihintayin kita.” sagot ko.
Pinunasan ko ang pawis sa aking noo. Naunahan ako ng pagkatorpe.
Putcha! Nakakainis!
Ilang sandali pa ay lumabas na muli siya. May hawak siyang beagle dog stuffed toy. Napangiti ako. Mabuti pa siya walang takot at malakas ang loob niyang gawin lahat ang gusto niya samantalang ako, eto mukhang ginawang kumplikado pa yata ang simpleng pag-amin na lang.
“Salamat. Ang cute!” salubong ko sa kaniya.
“Cute nga pero anong salamat ka diyan?” tumawa siya.
Napakamot ako.
“Akala ko kasi…” Namula ako sa pagkapahiya.
“Akala mo para sa’yo? No! I bought this for Miggy. Hindi na kasi siya nagrereply sa mga text at tawag ko. Mukhang nagpalit na siya ng number at tinanggal na din niya ako sa friend list niya sa facebook. Baka puwedeng pakibigay na lang din ito sa kaniya as peace offering at itong sulat na ding ito.”
“Bakit ako?” tanong ko.
“E, di sige, kay Jheck ko na lang ipabigay at ibalik ko na din yung ipinabibigay mo kay Lexi. Sandali lang at kukunin ko sa loob. Kay Jheck ko na lang ito ipaabot kay Miggy.”
Pagtalikod niya ay maagap ko siyang pinigilan.
“Eto naman, di mabiro. Akin na ‘yan. Ako na ang magbibigay.”
“E di tapos ang usapan. Salamat brad ha. Sige na, baka makita tayo ni Papa dito. Pinagbawalan akong makipagkita sa’yo. Sa school na lang ha. Nasa kusina kasi sila at nagluluto ng hapunan ni Papa Xian kaya di nila napansin ang paglabas-masok ko sa kuwarto. Si Kuya naman abala sa pagrereview sa kuwarto niya. Huwag kang mag-alala. Ibibigay ko bukas kay Lexi ito.”
“Bakit bukas pa?” tanong ko.
“E, wala pa siya diyan sa kanila. Bukas na lang okey? Sige na. Papasok na ako. Uwi ka na din. Mag-helmet ka ha?”
Kumaway na siya at tumalikod. Nataranta ako. Hinawakan ko ang balikat niya.
“Jino, kasi kuwan… yung…”
Fuck! Di ko pa din masabi eh!
“Ano? Bakit ka nauutal?” nagtatakang tanong niya.
“Wala. Sige. Tuloy na ako. Salamat ha!”
Nagmamadali na akong umalis. Pinaandar ko ang motor ko at di ko na siya nilingon.
Hayun, yung contact number niya nga pala! Bakit di ko naisip kunin? Naiinis ako sa sarili ko. Kahit nang makauwi na ako sa bahay ay gusto kong iuntog ang ulo ko sa katorpehan.
Kinabukasan ibinigay ko kay Miggy ang ipinamimigay ni Jino sa kaniya.
“Tol, galing kay Jino. May sulat siya diyan para sa’yo.” Mapakla ang pagkakasabi ko.
“Talaga? Bakit kailangan may ganito pa.” excited at halatang tuwang-tuwa. “Kumusta na siya. Okey na ba ang hita at binti niya? Nag-aalala ako sa kaniya. Gusto kong puntahan sa kanila ngunit baka ayaw pa niya akong makita dahil the last time na nag-usap kami, pareho kaming galit. Inindiyan ko pa siya sa initiation ninyo kaya sigurado ako, galit pa ‘yun sa akin.”
“Bakit ka nga ba hindi kasi tumuloy?” tanong ko.
“Kasi, ano…” napakamot siya. “Nasaktan kasi ako sa mga sinabi niyang dahilan kung bakit sasali siya sa” tumingin siya sa paligid. “Basta alam mo na ‘yun. Kaya minabuti kong dumistansiya na lang muna lalo pa’t nakakapagod na ding umasa sa wala.”
“E, di layuan mo na lang siya kung pagod ka na. Gano’n lang kasimple ‘yun tol.” Pikon kong sagot. Hindi na ako nagpaalam pa. Lumabas na din ako ng campus para makipagkita sa tambayan namin nina Kuya Jello.
Araw ng Miyerkules.
Sabay na dumating sina Lexi at Jino. Maayos na ang paglalakad ni Jino at si Lexi ay nakasuot ng damit na mahaba ang manggas. Mainit naman ang panahon. Isa pang nahalata ko ay ang pamumutla at pangangayayat niya.
Bineso niya muna ako.
Umupo siya sa tabi ko at si Jino naman pagkatapos niya akong batiin at kindatan ay dumiretso na sa upuan niya.
“Kumusta?” tanong ko kay Lexi.
Hinawakan niya ang palad ko. Napalingon ako kay Jino, nakita kong kay Miggy siya nakatingin at si Miggy ay nakayuko lang din. Mabilis ko ding binawi ang tingin ko at ibinalik ko kay Lexi.
“Salamat sa flowers and chocolates ha?” pabulong.
“Okey lang ‘yun. Peace offering. Sandali, may sakit ka ba?” tanong ko.
Napalunok siya.
Pinunasan niya ang namumuong luha sa kaniyang mata sa hawak niyang facial tissue. Hindi na niya iyon hinintay na babagsak pa sa kaniyang pisngi.
“Pagod lang ako sa biyahe. Kulang ng pahinga. Saka tama ka, medyo hindi nga maganda ang pakiramdam ko. Pero huwag mo akong aalahanin. Okey lang ako.”
“Sure ka? Para kasing hindi e.”
Bigla niya akong niyakap.
Tinapik ko ang likod niya. Namimiss ko na din ang best friend kong ito. Hinigpitan ko ang yakap ko sa kaniya. Nakita kong nakatingin sa amin si Jino. Ngumiti siya at nag-thumbs-up siya sa akin.
Bakit parang wala na lang sa kaniya? Parang ikinatutuwa niyang makitang ayos na kami ng pinsan niya?
“Okey lang ako Boy. As long as you’ll be there for me, magiging okey lang ako. Huwag mo akong intindihin at salamat dahil bumalik ka na sa amin ng pinsan ko. Hindi mo alam kung paano mo ako pinasaya at kung paano mo ako natutulungang lumaban.”
Lalo akong naguluhan.
“Lumaban? Saan? Kinakabahan ako sa sinasabi mo Lex. Magtapat ka nga sa akin. May kailangan ba akong malaman?” tanong ko.
Hinawakan ko ang dalawang kamay niya.
“Wala! ‘Eto naman. Lahat binibigyan ng kahulugan. Sige na darating na si Ma’am. Basta sabay tayong magmiryenda from now on ha.” Pinunasan niya ang luha niya.
“Oh, kailangan pa bang umiyak e, okey na nga tayo?”
“Wala. Sobrang saya ko lang kasi buo na muli tayongn tatlo. Alam mo naman ako pagdating sa atin napaka-emosyonal ko.” Muli niya akong niyakap at saka tumayo at tinungo ang kaniyang upuan.
Muli na naman kaming sabay-sabay na nagmiryenda nina Lexi at Jino. Buo muli kami katulad noon. Masaya na nagkukuwentuhan. Parang walang nangyari. Ganoon siguro talaga kung mahal ninyo ang isa’t isa. Natatabunan ng ngayon ang pangit na nakaraan. Pakiramdam ko ay mas pinatatag pa ng nangyaring iyon ang samahan naming tatlo. Ngunit sa gitna ng mga tawanan namin at asaran ay nakikita kong panay ang tingin ni Jino kay Miggy na nag-iisang kumakain. Niyayaya naman siya ni Lexi ngunit siya ang ayaw sumabay.
Napapangiti ako. Alam ko ang dahilan.
Gusto kong bumawi kay Jino. Kahit pa bihirang-bihira niyang sagutin ang text ko at tawag sa kaniya na parang hindi siya interesado sa sinasabi ko ay umaasa akong maging maayos kami. Pansin ko kasing iniiwasan na niya akong kausapin sa school lalo na kapag nandiyan si Lexi. Hindi na siya katulad ng Jino noon. Nakinig ba siya sa sinasabi ng kaniyang Papa James? Tinuturuan na ba niya ang puso niyang kalimutan na din ako? Madalas, naiisip ko, siguro nga tama lang din ang ginagawa niya. Nawawala na ako sa focus ko. Dapat si Lexi. Siya ang kailangan kong pagtuunan ng pansin at hindi si Jino lalo pa’t halata namang nanlalamig na siya sa akin. Tulungan ko siya dapat para kay Miggy at ganoon din siya sa akin para kay Lexi. Isang maayos na usapan. Walang kumplikasyon.
Kaya nga gabi ng Huwebes ay iba na naman ang desisyon ko. Pati ako gulung-gulo na sa mga pinaggagawa ko. Bibili ako ng totoong regalo para kay Lexi. Nagtext ako kay Jino at sinabing may ipabibigay na naman ako para kay Lexi. Dumaan ako sa bahay nila para iabot lang iyon. Naroon na siya sa tapat ng gate nilang nang dumaan ako. Nakasando siya ng puti at puti ding Jogging Pants. Nakasumbrero ng patalikod. Napakaguwapo ni Jino sa tingin ko nang gabing iyon na alam kong nakapambahay lang naman siya. Dumagdag pa ang kaniyang ngiti sa akin na parang may kung anong kalakip na kakaiba. Nanginginig tuloy ang mga kamay kong nakahawak sa aking helmet nang hinintuan ko siya.
“Stuffed toy din saka flowers? Ito lang? Asan ang love letter?” tanong niya.
“Kailangan pa ba ‘yun?”
“Duh! Para saan ba ito? Okey, diskarte mo ‘to pero di ba mas sasaya ang pinsan ko kung may kahit note lang naman para alam niya kung bakit mo siya binibigyan ng mga ganito?”
“Okey na ‘yan. Mahina ako sa love letter na ‘yan e.” sagot ko.
“E, bakit hindi mo na lang siya bisitahin sa bahay nila. Mas masaya pa ‘yun. Sasamahan kita.”
“Huwag na. Kita mong nakashorts lang ako.”
“O sige, ikaw ang bahala. Ito din pala ang chocolates saka isang red rose for Miggy. Sana huwag mong hayaang malanta ‘yan. Ilagay mo sa tubig yung stem niya para fresh pa din ‘yan pagkaabot mo bukas. Ito din yung note ko for him. Hindi kasi bumenta yung binigay ko last time. Nagtataka nga ako’t lalo lang siyang lumayo. Pero kung di parin bebenta ito bukas, bahala na. Do’n na ako sa last resort ko.”
“Buksan mo yung backpack ko. Ilagay mo na lang sa loob. Bakit kasi kailangang may ganyan pa.”
“E bakit ba? Ikaw nga sa pinsan ko may mga ganito pa. Huwag ka ngang ganyan. Di naman kita pinipilit e. Puwede kong ipabigay kay Jheck ito kung may reklamo ka.” nakakunot ang noong sagot niya.
“Sige na. Bawiin mo pa e, nasa bag ko na. Akin na yung note mo at sa bulsa ko na lang ilagay.”
Pagkaabot niya sa note sa kamay ko ay nahawakan ko ang palad niya. Sandali lang naman iyon ngunit may kung anong koneksiyon at nagkatitigan kami.
“Sige na. Mainit sa’yo sina Papa. Di daw sila tiwala sa’yo na may magagawa kang mabuti para sa akin. Mamaya susunod pa ang mga ‘yun sa akin dito sa labas at pagagalitan pa ako. Padating din si Kuya Jet galing ng school. Maabutan pa niyang nag-uusap tayo sa labas patay na naman ako sa kanila.”
“Grabe naman ang pamilya mo, parang may ginawa naman ako sa kanilang hindi maganda. Saka ikaw kaya ang matigas ang ulo na sumapi sa fraternity kaya ka nagkaganyan. Bakit sa akin naibunton yung paninisi? Baka naman kasi di mo ipinaliwanag. Di mo siguro sinabi ang totoong nangyari.”
“Boy, sinabi ko lahat-lahat pero kahit ano pa ang sabihing ko kung nakatatak na sa isip nila na ganito o ganyan ka, sarado na ang utak nilang pakinggan ang totoo lalo pa’t kaligtasan ko lang daw ang iniisip nila. Sige na. Saka na lang tayo mag-usap.” Pagtataboy niya sa akin.
Isinuot ko ang helmet ko. Tinapik niya ang balikat ko at pagkatapos no’n ay pinaharurot ko na ang motor ko.
Kinabukasan habang di pa sila dumadating ay patago kong inilagay ang medyo lantang rose at chocolate na ipinabibigay ni Jino kay Miggy. Medyo nalanta na ang rosas dahil di ko sinunod yung sinabi ni Jino sa akin.
Recess nang naghintay si Jino sa isang mesa habang kami naman ni Lexi ang nasa kabilang mesa. Pumasok si Miggy at dumiretso sa counter para bumili ng kaniyang miryenda. Siguradong nabasa na niya ang note na ipinabibigay ni Jino. Kitang-kita ko kung paano sinundan ng tingin ni Jino si Miggy hanggang sa nakabili ito at naghanap ng mauupuan sa dulo. Umupo ito patalikod sa amin. Sina Jheck at Philip naman ay may sarili na ding mundo. Sila na lang lagi ang magkasama at masayang ang-uusap sa di kalayuan kay Miggy. Napangiti ako. Ibinalik ko ang atensiyon ko kay Lexi na kanina pa nagkukuwento. Natuon kasi ang ang atensiyon ko sa dalawa.
“Anong sabi mo?” tanong ko.
“Alin ang hindi mo narinig o naintindihan?” balik tanong ni Lexi.
“Lahat.” Nakangiti ako.
Kung biro ang dating no’n sa kaniya, sa akin iyon ang totoo. Wala akong naintindihan sa pinagsasabi niya.
“Iba kasi ang tinitignan mo e. Tinatanong kita kung bakit mo ako binibigyan ng mga flowers, chocolate and stuffed toy? What are those for?”
Nakita kong tumayo si Jino palapit kay Miggy. Dala nito ang kaniyang miryenda. Ito na yata yung last resort na sinasabi niya.
Tumayo ako.
Nabigla si Lexi lalo pa’t halata sa mukha ko na kabado ako sa gagawin ni Jino.
“Saan ka pupunta?” tanong ni Lexi sa akin ngunit hindi ko na magawa pa siyang sagutin.
Mabilis kong sinalubong si Jino na papunta palang sa nakatalikod na sa Miggy sa dulong bahagi ng canteen.
“Oooppps! Saan ka pupunta?”
“Kakausapin ko si Miggy. Last resort di ba? Dalawang beses na ako nagbigay ng peace offering at note pero parang wala lang sa kaniya. Kaya kailangan ko na siyang kausapin ng harapan.”
“Sira ka ba? Hindi ka na nga niya pinapansin magpakababa ka pa? Tigilan mo ‘yan ha!” singhal ko.
“Anlabo mo naman Boy e! Di ba ikaw na din ang nagsabi nong bago ang initiation natin na aayusin ko ang sa amin ni Miggy? Ito na ‘yun oh. Ginagawa ko na. Bakit ngayon ganyan ka?”
“Kasi nga nagmumukha kang tanga. Ayaw na nga nung tao sa’yo. Umiiwas na siya pero ikaw itong naghahabol. Kung alam ko lang noon na ganyan din pala e di sana di na kita sinabihan pang ayusin mo ang tungkol sa inyo. Kung ayaw na niya, huwag kang tangang naghahabol. Hayaan mo siya. Dito ka na lang sa amin ni Lexi. Di mo siya kailangan! Ginawa mo na lahat. Tama na.” seryoso kong tinuran.
“Pero…”
“Wala ng pero-pero. Huwag ka ngang ganyan. Halika na. Saka tignan mo, naki-share na siya kina Jheck at Philip. Hayaan mo na muna siya.”
Inakbayan ko siya at pinaupo sa mesa namin ni Lexi.
“Pagsabihan mo ‘tong best friend natin, Lex. Nagpupumilit kay Miggy. Huwag ka ngang desperado.” Uminom ako ng orange juice.
Hindi sumagot si Lexi ngunit palipat-lipat ang titig niya sa amin ni Jino.
Si Jino naman ay kunot ang noo at pasulyap-sulyap kay Miggy na masaya nang kausap nina Jheck at Philip.
Hapon ng Sabado.
May natanggap akong text galing kay Jino. Kailangan daw naming magkita sa isang park malapit sa bahay nila.
Nagmamadali akong nagbihis at pinaharurot ang aking motor.
Pagdating ko doon ay hinanap ko siya. Hindi ko siya mahagilap. Bihira lang ang tao doon kaya madali ko lang sana siyang makita.
Pumunta ako sa pinakadulong bahagi ng park, nagbakasakaling naroon lang siya sa likod ng isang malaking puno. Hindi nga ako nagkamali. Naroon siya at nakaupo sa isang bench. Malayo ang tanaw ng kaniyang mga mata.
Dahan-dahan akong dumaan sa likod niya. Ingat na ingat ako para hindi niya ako mapansin. Nang makalapit ako ay piniringan ko siya gamit ang aking dalawang palad. Ang aking pisngi ay nakadantay sa kaniyang tainga. Naamoy ko na naman ang kaniyang pabangong may kung anong kakaibang epekto sa akin.
“Boy! Ano ba! Hindi ako nakikipaglokohan!” singhal niya.
Pinisil niya ang kamay ko at dahil sa nasasaktan ako ay ako na ang kusang nagtanggal sa kamay ko sa kaniyang mga mata.
“Anong atin ha?” tinalon ko ang bench at tumabi ako sa kaniya.
Tumingin siya sa akin. Salubong ang kilay.
“Galit lang?” tanong ko. Nakangiti pa din ako.
Aakbayan ko sana siya pero inunahan niya ng pagtayo.
Mukha ngang hindi siya nakikipagbiruan.
Humarap siya sa akin na seryoso ang mukha. Nagseryoso na din ako at umayos ng upo.
“Nag-usap na kami ni Miggy. Dito mismo at galit lang din siyang umalis pagkatapos niya akong kausapin. May aaminin ka ba sa akin?” tanong niya.
Napalunok ako.
Lumakas ang kaba sa dibdib ko.
“Aamining ano?”
“So, wala. Wala kang gustong sabihin?”
Napakamot ako.
Nakita kong may hinugot siya sa bulsa niya.
Itinapon niya iyon sa harap ko. Sinapo ko ang ulo ko.
“Boy, hindi iyan yung mga sulat na hiniling ko sa’yong ibigay kay Miggy. Bakit kailangan mong palitan ha? Sulat kamay yung mga binigay ko at hindi printed sa computer. Okey lang sana e, pero binago mo ang laman ng sulat. Akala ko ba ito ang gusto mo, yung magkaayos kami ni Miggy pero bakit mo kami lalong pinaglalayo?”
Hindi ako nakasagot.
Kinagat ko ang labi at pinakawalan ang isang buntong-hininga.
“Ano ha? Lahat Boy, ginagawa ko para sa’yo. Iniintindi ko para sa inyo ni Lexi. Kahit masakit sa akin, tinitiis ko. Ginagawa ko ang sa tingin ko ay tama para sa ikaliligaya ninyo ngunit huwag mo naman akong pagtripan pa ng ganito! Hindi ko alam kung ano ang intensiyon mo pero Boy, hindi ako natutuwa. Kaya siguro nga, tama sina Papa, kailangan na sigurong iwasan na lang din kita. Salamat Boy ha! Salamat sa pagsira mo ng tiwala ko sa’yo.”
Tumalikod na siya.
“Hindi mo kasi alam e. Brad iba na ngayon!”
Humakbang na siya palayo sa akin.
“Whatever!” singhal niya.
Mabilis ang kaniyang paghakbang palayo.
Mabilis akong tumayo.
Hinabol ko siya.
Hinila ko ang balikat niya saka ko siya niyakap. Hindi ko na siya binigyan ng pagkakataong magsalita o tumanggi. Sa isang iglap ay naglapat ang aming mga labi. Iyon ang gusto kong gawin noon pa. Iyon ang halik na matagal kong pinigilan noong unang araw na pinuntahan ko sa bahay nila. Kalakip dapat ng halik na ito ang chocolate at red roses na ibibigay ko sa kaniya ngunit kay Lexi napunta.
Saan ako dadalhin ng pagsuko ko? Ano ang kahihinatnan ng pagtanggap ko sa totoong ako dahil lang sa binago ni Jino ang prinsipyo kong pilit kong nilalabanan kahit noong labin-isang taong gulang palang ako?
No comments:
Post a Comment