Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Monday, March 2, 2015

STORY: IF IT’S ALL I EVER DO CHAPTER 15

Best Teen Bromance Novel by: Joemar Ancheta

                  “Putcha! Anong ginagawa mo dito?” tanong ko.
“Di ba sabi ko sa’yo? Sisiguraduhin kong hindi ka mapapasama? Kaya sasamahan kita kahit gaano pa kadelikado ang gusto mong gawin sa buhay mo. If it’s all I ever do, Boy. I would give my all to you!”
“Nahihibang ka na ba Jino? Ano ‘to ha? Alam mo bang ginagawa mo?”
“Alam ko, katulad din ng ginagawa mo. Ngayon palang, sasabihin ko na sa’yo kung sakaling iuukit na nila ang pangalan ko sa bato, alam kong alam ng lahat na ginawa ko lang ang alam kong tama para sa ating dalawa at alam kong hanggang huli ay patutunayan ko sa’yo kung gaano ko ipinaglalaban ang pagmamahal ko sa’yo bilang kasangga mo. Hindi kita bibitiwan Boy. Hindi kita isusuko.”
“Paano kung pahihirapan ka nila at hindi mo kakayanin.”
“Kaya ko, basta alam kong nandiyan ka lang, lahat kakayanin ko.”
“Tigas talaga naman ng ulo oh!”
“Kung ito din lang ang tanging paraan para mabuo tayong tatlo nina Lexi, lahat ay gagawin ko.”
“Alam ba ni Lexi ito o kaya ni Miggy?”
“Hindi alam ni Lexi ngunit ginagawa ko ito hindi lang para sa akin kundi para na din sa kaniya. Gusto kasi ni Lexi na mabuo tayong tatlo at ito na lang ang tanging paraan ko para kahit di kita mailayo dito sa Akhro ay mapansin mo din kami. Gusto kong maramdaman mo Boy na mahalaga ka sa amin sa kabila ng mga nagawa namin sa’yo. Isang huling pagkakataon lang, kahit sa ilang minuto lang sa isang araw mo kami kakausapin, masaya na kami ni Lexi do’n huwag mo lang kaming tuluyang iwan.” Nakayukong pakiusap niya.
“Si Miggy? Pinayagan ka ni Miggy na magpakatanga ng ganito?”
“Sasamahan nga niya dapat ako ngayon ngunit hindi ko alam kung bakit nagbago ang desisyon niya…”
“Putcha naman Jino oh!” napasuntok ako sa kaliwang palad ko. “Naku naman! Bahala ka! Basta brad labas ako sa gusto mong gawin na ‘to. Kung may mangyari sa’yong masama, huwag ako ang sisihin mo. Wala akong kinalaman dito. Ikaw ang nagdesisyon.”
“Sarili kong desisyon ito Boy. Kung sakaling mang may masamang mangyari sa akin hindi ko iyon pagsisisihan at lalong malayong sisisihin kita. Siguro iniisip mo, ang kapal na ng mukha ko, nasisiraan na ako ng ulo dahil sa mga katangahang mga ginagawa ko pero kung ang pagiging tanga lang ang sukatan para bumalik yung dating pagtingin mo sa amin ni Lexi, mas nanaiisin kong magiging tanga na lang habang-buhay huwag ka lang mawala sa amin.”
“Huwag ka ngang nagsasalita ng ganyan sa akin, brad. Nakokornihan ako. ‘Kala mo siguro natutuwa akong marinig kang nagsasabi ng mga ganyan ano? Kaya ayaw ko sa inyo dahil sa mga kadramahang ‘yan e.” Pabulong na tinuran ko sa kaniya.

Kailangang manatiling mahina lang ang aming pag-uusap dahil kapag napapalakas ko ang boses ko ay napapalingon sa amin ang isa pa naming kasamahan. Napapadalas na nga kanina ang pagsulyap niya sa amin ngunit sigurado akong katulad ko, o maaring kagayan din ni Jino, kinakahabahan sa kung anong pahirap at pasakit na aming kakaharapin mamaya.
“Brod!” kasunod iyon ng pagtango ko bilang pagbati sa kaniya.
Tumango din siya at pinilit niyang ngumiti sa akin.
“Ninerbiyos din?” tanong ko.
Nilapitan ko siya para lang maiwasan na si Jino.
Umupo ako sa tabi niya.
“Medyo. Sana hindi tayo pahirapan ano?” sagot niya.
“Kayang-kaya natin ‘to.” Pagpapalakas ko sa kalooban niya ngunit hindi ko talaga maibigay sa kausap ko ang buong atensiyon ko. Na kay Jino ang isip ko kahit pinigilan ko na ang mga mata kong sulyapan siya. Putcha! Kahit anong gawin kong pag-iwas ay hindi ko maiwasang siyang isipin. Gusto kong kumbinsihing umalis na lang. Gusto ko siyang ipagtulakan palabas. Kinakabahan kasi talag ako para sa kaniya. Parang may hindi magandang mangyari.
Hanggang sa may pumasok sa kuwarto na pinaghihintayan namin.
Si Kuya Dexter.
Amoy ko ang usok ng sigarilyo at dinig ko ang malakas na pagpapatugtog nila. May mga kalansing din ng bote. Siguradong nag-iinuman muna sila. Paano kung sa sobrang kalasingan nila ay hindi na nila kontrolado ang kanilang mga sarili? Paano kung mapatay nila ang isa sa amin? Paano si Jino?
“Ano, excited na ba kayo o gusto nang umatras?” tanong ni Kuya Dexter.
Nagkatinginan kami ni Jino. Sana sabihin niyang aatras na siya. Ngunit tikom ang labi niya. Mukhang hindi ko na aasahang aatras pa siya.
“Ikaw Dela Cruz, doon ka sa grupo nina Jello dumaan ng initiation, ikaw naman Romel, kay Master ka at Jino, sa grupo ka namin. Kailangan ninyong dumaan muna sa interview pagkatapos ay initiation at panghuli yung ritual. Ano, walang aatras? Tuloy na natin ‘to?” paglilinaw niya.
“Tuloy na!” sagot ko.
‘Yun eh! Palaban talaga si bata eh! Ikaw Dela Cruz at Jino, Akhro o suko?”
“Akhro!” unang palaban sagot ni Jino at sumunod din si Dela-Cruz.
 “Sige. Maghanda na kayo. Ikaw Romel, tanggalin mo na ang t-shirt mo. Mamaya ay papasok ang master natin para siguraduhing maayos ang pagkakapiring ninyo. Hindi lang kami ang tao dito, madami tayong ka-brod na sasaksi at siyempre gaganti din sa pinagdaan nilang initiation noong neophyte din sila at sumapi sa grupo. Sige na. Relax lang muna kayo diyan.” Pamamaalam niya.

Pagkasara niya ng pintuan ay naghubad ako ng t-shirt saka ako umupo malayo sa dalawa. Alam kong hindi ako pababayaan ni Kuya Jello at naniniwala ako sa sinabi niya sa akin kaninang hindi ako pahihirapan at maaring ang dalawang neophyte ang siyang makakatikim sa talagang tindi ng hazing. Inilagay ko ang hinubad kong t-shirt ko sa aking balikat. Nilingon ko si Jino. Hinintay kong susulyap siya sa akin. Baka puwede ko pa siyang pakiusapan na umuwi na lang. Nang napalingon siya sa akin ay kinawayan ko siya para lapitan ako.
Tahimik siyang naglakad palapit sa akin. Katulad ko, nakahubad na din siya ng t-shirt niya at tanging maong na pantalon na lang ang suot niya. Malaki na ang pinagbago ng katawan ng best friend ko. Walang sinabi ang katawan ko sa kakisigan niya. Sayang nga lang at bakla siya. Binasa niya ang mamula-mulang labi niya at tahimik na umupo sa tabi ko. Amoy ko na naman ang kaniyang pabango. Dumikit ang braso niya sa braso ko. Patay-malisya akong lumayo ng bahagya.
“Puwede ka pang umatras.”
“Kung aatras ka, aatras din ako pero kung ituloy mo ito, bakit ako susuko?”
“Sinabihan kasi ako na kayong dalawa ang pahihirapan sa hazing mamaya. Kita mong nag-iinuman sila, baka mamaya lasing na ang mga ‘yan at ikaw ang pagtripan nila.” Hindi iyon pananakot lang sa kaniya para umatras. Isang pangungumbinsi lalo pa’t maaring mangyari ang kinatatakutan ko.
“Ikaw ba?” tanong niya.
“Anong ako? Buo na ang desisyon ko dahil ito talaga ang gusto ko. Ikaw kasi napasama lang dahil sa akin. Ayaw kong sisingilin ako ng konsensiya ko ‘pag nagkataon.”
“Buo na din kasi ang desisyon ko. Kung mamatay ako dahil dito, at least I do it for you! Kaysa ikaw ang mawala sa akin na pagsisihan ko habang buhay dahil wala akong ginawa para sana samahan ka sa gusto mong gawin. May awa ang Diyos Boy, kahit ganito ako, alam kong mahal niya ako at ililligtas niya ako sa kapahamakang iniisip mo.”
“Natatakot kaya ako para sa’yo.” Pabulong kong sinabi. Huli na para bawiin ko.
Napangiti tuloy siya sa narinig niya.
“Akala mo ba ikaw lang ang natatakot para sa akin? Natatakot din ako para sa sarili ko ngunit nawawala ang takot ko kapag iniisip kong kasama naman kita e. Kaysa uuwi ako at mag-aalala sa kung anon a ginagawa nila sa’yo.” Sagot niya.
“Wala talaga. Hindi ka talaga mapakiusapan ano?”
“Boy, di ba sabi ko, di kita iiwan? Di kita isusuko?” hinawakan niya ang kamay ko.
“Ano ba, may makakita sa’yo baka kung ano pang isipin nila sa akin.”
Dahan-dahan niyang binawi ang kamay niya. Pinagsaklob na lang niya ang dalawang palad.
Katahimikan.
“Sandali nga pala, paano mo pala alam na ngayon ang initiation ko? Saka paano mo nalaman yung nangyaring frat war noong nakaraang buwan?”
Huminga siya ng malalim. Hindi sumasagot.
“Uyy ano ba? Tinatanong kita!” siniko ko siya.
Nagakatitigan kami. Ako ang unang bumawi ng tingin ko. Naisip ko, guwapo din ‘tong gagong to e. Tanga lang.
“Ano nga, bakit mo alam ang lahat tungkol sa Akhro?”
“Kay Miggy.”
“Kay Miggy?”
“Oo, kay Miggy.”
 “Paano alam ni Miggy ang lahat ng ito?” nagtataka kong tanong.
“Kuya niya ang Master ninyo.”
“What the fuck! Totoo?”
“Oo nga.”
“Wehhh di nga?”
“Sus, tatanong-tanong ka saka ka di naniniwala.”
“Di nga lang kasi kapani-paniwala. Pero parang hawig nga sila.” Kinamot ko ang baba ko.
“Dapat nga sasama siya ngayon ngunit nagbago ang isip niya.” Huminga siya ng malalim. “Nasaktan ko na naman siya Boy. Naawa na ako sa kaniya.”
“Paanong nasaktan?”
“Nang nagdesisyon akong maging Akhro din, nagsabi siya sa aking sasamahan niya din ako. Natatakot kasi siya para sa akin. Okey lang daw kung sa kuya niya ako matotoka sa hazing pero paano daw kung sa iba.”
“Oh, panong nasaktan mo siya no’n?”
“Tinanong niya ako kahapon kung decided na akong maging Akhro at kung ano daw ba talaga ang dahilan at bigla akong nagdesisyon maging member.  Sinagot ko  siya na samahan kita sa initiation at hazing para lang masigurong di ka masyadong sasaktan at pahihirapan dahil nga Master ninyo ang kuya niya. Nasabi ko pa kahit pa mahirapan ako basta para sa’yo, titiisin ko. Huli na nang bawiin ko yung nasabi ko. Nalaman na niya yung totoong dahilan ko. Hindi ko kasi yata kayang magsinungaling sa aking nararamdaman Boy. Nagtalo pa nga kami. Hanggang sinabi niyang pabayaan na lang daw niya ako kung saan ako masaya.” Pinatunog niya ang daliri niya.
“Mali ka naman kasi e. Huwag ka na kasing umasa pa sa akin.”
Bumunot siya ng malalim na hininga. Nanatiling nakayuko.
“Di ba nga sinabi ko naman na sa’yo na kahit kailan hindi ko magawang mahalin ang kagaya mo. Sinasabi ko ito hindi para saktan ka, sinasabi ko ito para hindi na masayang pa ang pagmamahal at panahon mo sa akin. Doon ka sa taong mamahalin ka. Huwag ako dahil di ko kayang tumbasan yung pagmamahal mo sa akin. Kaibigan lang, hanggang pagmamahal lang ng isang kaibigan ang kaya kong ibigay sa’yo brad.”
Namula ang kaniyang mga mata. Kinagat niya ang labi niya.
Tahimik pa din siya.
 Paulit-ulit lang tayo e. Di ba nga sinabihan na kita noon pa? Hindi tayo talo brad.”
“Naiintindihan ko ‘yun Boy. Huwag mo namang sobrang ipamukha sa akin kasi nakakasakit ka din naman ng damdamin kahit pa sabihin mong hindi naman talaga iyon ang intensiyon mo.”
“Mas okey na yung diretsuhang sinasabihan kita kaysa paasahin ka sa wala.”
“Okey” maikli niyang sagot. Huminga siya ng malalim.
“Pagkatapos nito ha, ayusin mo yung sa inyo ni Miggy.”
Tahimik lang. Hindi siya sumagot.
“Uyy pinagsasabihan kita.”
“Anong gusto mong isasagot ko?”
 “Kayo na ba?” pamamasag ko sa sandaling katahimikan.
“Hindi pa pero mahal na mahal niya ako.”
“So, ano pang hinihintay mo? Ayusin mo. Sagutin mo na siya. Sabi nga ni Daddy sa akin, natuturuan daw ang puso na magmahal. Gamitin mo ang isip mo para magustuhan siya. Iyon daw yung pagmamahal na nagsisimula sa isip. Natuturuan din ang puso lalo na kung kagaya din naman ni Miggy ang mamahalin mo. Huwag mong sayangin ang panahon mo sa akin dahil wala kang mapapala.”
Tumayo siya. Parang walang narinig.
Tumayo ako nang naglakad na siya palayo sa akin.
Pinigilan ko siya sa pamamagitan ng paghawak sa balikat niya.
“Mangako ka sa akin na pagkatapos nito ay yung sa inyo ni Miggy ang aayusin mo. Kung nagawa mo iyon, sige, di ko na kayo iiwasan pa ni Lexi.”
“Iyon ba ang kapalit? Ang tuluyang kalimutan ko yung nararamdaman ko sa’yo para bumalik ka lang sa amin ni Lexi?” nanatili siyang nakatalikod habang sinasabi niya iyon. Garalgal ang boses.
“Kasi yun yung tama at dapat mong gawin. Sagutin mo si Miggy.”
Humarap siya sa akin.
“Hindi mo naman ako kailangang ipagtulakan sa iba Boy. Hayaan mong darating sa akin yung taong mamahalin ko at magmamahal sa akin ngunit sige, dahil iyon ang gusto mo, pagbibigyan kita. Aayusin ko ang sa amin ni Miggy.” Tumulo ang luha niya. Mabilis din naman niyang pinunasan iyon.
“Para sa’yo din ‘to brad. Gusto kong maging masaya ka.”
“Okey na brad. Tama na. Alam ko na. Malinaw na. Huwag mo nang dagdagan pa.”

Muling nagbukas ang pintuan. Si Kuya Jello, Dexter at Master ang pumasok. Nilapitan ni Kuya Jello si Dela Cruz. Si Kuya Dexter kay Jino at sa akin lumapit si Master. Kapatid pala ito ni Miggy kaya nga pala may hawig sila at ngayon ko lang nasigurado.
“Ano Romel? Isuot na natin itong piring mo ha! Unang gagawin nagin ay interview. Tignan natin kung gaano mo kagustong sumapi sa amin. Bawal na bawal ang ibalik ang tanong sa amin o kaya ang tanungin kami kung bakit. Kung may ipagagawa kami sa’yo na dapat gawin mo ng walang reklamo. Kung sumuway ka sa mga gusto namin o may mga sagot kang hindi namin nagustuhan, isa sa mga ka-brod natin ang sasampal, sisipa o kaya ay susuntok sa’yo. Maari ka ring durahan sa mukha. Ano, kaya ba? Hindi ka pa ba aatras?” tanong niya sa akin.
“Kakayanin master.”
“Gusto ko ng siguradong sagot. Kasi may pagkakataon ka pang umatras. Puwede ka naming ipahatid na kaagad sa bahay ninyo pero kapag nailabas ka na namin sa kuwartong ito na may piring, magsisimula na silang saktan ka kung may hindi sila nagustuhang sagot o kaya may nilabag ka sa mga bilin ko. Sigurado ka na ba? Dapat malakas ang sagot, may conviction!”
“Siguradong kaya master!” malakas kong sagot.
Narinig ko din ang sagot ni Jino. Pasigaw din niyang sinagot si Kuya Dexter ng…
“Kayang-kaya master!”

Bago inilagay ni Master ang piring sa mga mata ko ay nagkatinginan pa kami ni Jino. Mukha niya ang parang naiwan sa aking utak. Ang puno ng assurance niyang ngiti at kindat na parang sinasabi nitong, kakayanin namin ang lahat. Walang bibitiw.

Nakatayo akong walang pang-itaas na damit at nakapiring na nakaharap sa kanila. Kung ilan sila hindi ko alam. Kami ni Jino ang magkasama sa sala at si Dela Cruz ay nasa kusina at si Kuya Jello naman at grupo niya ang bahala sa kaniya.
Nang una madali lang ang mga tanong sa akin, kung anong dahilan ko at sumali sa kanila. Hanggang saan ang kaya kong ibigay at gawin para sa grupo at kung anu-ano pa. Hindi ako nagkakamali ng sagot. Hindi ako nasasaktan. Bawal magtanong, lalong bawal suwayin sila sa kanilang utos. Magtiwala lang daw ako sa sarili ko at sa kanila.
Hanggang sa lumalim na ang mga tanong.
“Balita ko, homophobic ka daw, Santiago?” tanong ni Master sa akin. “Totoo ba?”
“Takot? Hindi ako takot sa kanila. Bakit ako matatakot e, galing ako sa pamilyang gano’n. Kung sa nagagalit naman? Hindi rin e. Siguro, umiiwas lang dahil ayaw ko lang maging kagaya nila. Kaya siguro napagkakamalang homophobic ako.”
“Brod, dito sa kapatiran natin, hindi mo kailangang iwasan sila dahil lang sa takot kang maging kagaya nila. Paano kung isang bading na brother mo sa samahan ang kailangang ng mouth to mouth resuscitation, mas uunahin mo pa ba ang putang inang takot na maging kagaya nila kaysa sa iligtas ang buhay niya?”
“Hindi naman ho siguro gano’n. Siyempre, buhay na ang nakataya.” Mahina kong sagot. Halata alanganin.
“Siguro? Ibig sabihin hindi ka sigurado?”
Naramdaman kong dumaan si Master sa tabi ko. Binunggo pa niya ang balikat ko.
 “Dexter, dalhin mo nga muna si Jino dito. Gusto kong mapatunayan nitong si Romel na ang pagtulong ay hindi dapat siguro, kailangang sigurado.” Sigaw niya.
“Brod, tanggalin mo nga ang piring niya nang maka-concentrate siya sa ipagagawa natin sa kanila.” Utos ni master sa isang naroon. Nakapiring ako kaya hindi ko kita kung sino sila.
Kinabahan na ako.
Anong kinalaman ni Jino sa tanong niya kanina sa akin? Anong gagawin nila sa amin? Nang matanggal ang piring ko ay inilibot ko ang aking paningin. Nagkalat ang pinag-inuman nila sa paligid. Napapalibutan ako ng mga nasa pito hanggang sampung ka-brod ko na halatang nakainom at handang-handa na sa gagawing hazing mamaya. Ganoon din ang bilang ng nakita kong nakapalibot kay Jino.
Hinila nila ang nakapiring na si Jino palapit sa akin. Namumula ang pisngi nito sa dami ng sampal. Nakaramdam ako ng awa. Kahit ang katawan niya ay may pasa na din. Nakatali ang kamay nito patalikod. Bakit siya iginapos e samantalang hindi naman sa akin? Paano na lang mamaya kung sisimulan na kaming paluin ng paddle?
“Sige na Romel, tanggalin mo ang piring ni Jino at ang pagkakatali niya.”
Nanginginig kong sinunod ang aming master.
Dumilat at pumikit siya nang matanggal ko ang piring niya.
“Okey ka lang?” bulong ko sa kaniya.
Tumango lang siya ngunit paano ako maniniwalang okey lang siya kung nasaksihan ko ang mabilis na naglakbay ang luha sa kaniyang pisngi?
Nang makalagan ko siya ay saka ako bumalik sa harap niya at yumuko. Hindi ko nakakayanang tignan siya nang matagalan sa ganoong kalagayan.
“Tanggalin mo nga ang pantalon niya, Romel.” Utos na naman ni Master.
“Ho? Bakit kailangan ako ang magtanggal?”
“Nagtatanong ka kung bakit? Wala kang tiwala sa Master mo?”
Isang malakas na sampal ang pinakawalan ng isang ka-brod namin. Pakiramdam ko parang na-dislocate ang panga ko sa lakas no’n.
Nanginginig ang kamay kong tinanggal ang kaniyang sinturon. Napalunok ako habang ginagawa ko iyon. Dumidikit kasi ang mainit-init niyang katawan sa aking mga daliri. Dahan-dahan kong ibinaba ang pantalon niya at kailangan kong umupo para gawin iyon. Nasa tapat na nang mukha ko ang… putcha! Ano ‘to? Bakit kailangang may ganito. Nakaboxer brieflang siya at inaamin ko, napakalakas ng kaba sa aking dibdib hindi sa takot ko kundi sa hindi ko maipaliwanag na emosyon nang tumambad ang kahubdan niya sa akin.
Napapikit akong dahan-dahang tumayo. Makinis, maputi at maganda talaga ang katawan ni Jino at iyon ang dumikit sa aking isipan sabihin mang ipinikit ko na ang aking mga mata. Nang tumayo ako ay halos magkadikit na ang aming katawan.
Nagkatitigan kami.
“Okey ka lang?” bulong din niya sa akin.
Pinunasan ko ang pawis ko.
Hindi ko magawang sagutin siya.
Nagtatawanan ang lahat.
“Ayos to mga brad! Bagong trip ‘to!” sigaw ni Kuya Dexter.
Whoooooohhhh! Yeahhhh!” sigaw at palakpakan ng ilan din.
“Jino, hubarin mo din ang pantalon ni Romel” utos ni Master sa kaniya.
Napapikit ako. Bakit kailangang masali ang ganito sa initiation? Mas gusto ko pang masaktan kaysa dumaan sa ganito. Ito yung mga pagkakataong matagal kong iniiwasan. Gusto ko nang umatras. Hindi ako puwede sa ganitong initiation!
Huminga siya ng malalim.
Napapikit ako nang maramdaman ko ang daliri niyang dumidikit sa aking puson habang tinatanggal niya ang aking sinturon. Napaliyad ako nang hinawakan niya ang pantalon ko sa magkabilang bahagi sa parteng baywang ko. Pinakawalan ko ang isang malalim na hininga ng maibaba niya ang pantalon ko. Tinignan ko siyang naka-upo sa harap ko habang nasa mismong tapat mukha niya ang aking pagkalalaking tinatakpan lang ng hapit kong boxer brief. Nakatitig siya doon. Hindi ko naman magawang itago pa.
Tumayo siya at pagtayo niyang iyon ay nahagip ng kaniyang braso ang aking alaga.
Napakislot ako.
Umatras ngunit itinulak lang ako ng nagtatawanang ka-brod namin kaya naibundol ko ang katawan ko sa kaniya.
 Hindi ako sanay na nahahagip iyon ng iba kahit sabihing aksidente lang.
“Ayos! Puwede na! Anong susunod na gagawin nila master?” tanong ng isang ka-brod namin.
 “In 5 minutes, kailangan halikan mo sa labi si Jino, Romel.”
“Halikan? Master hindi pwede! Ayaw ko!” protesta ko.
“Boggg!”
Isang malakas na suntok sa tagiliran ko ang pinakawalan ng isang brod namin. Namilipit ako sa sakit. Maagap na hinawakan ako ni Jino.
“Ayos ka lang?” tanong niya.
Tumango ako.
Pilit kong tiniis ang sakit.
“Ano, magrereklamo ka pa ba Romel? Ayaw mo talaga? Akala ko ba lahat kaya mong gawin para sa kapatiran. Kahit ano, di ba ‘yun yung sagot mo sa tanong ko kanina. Bakit simpleng halikan lang sa kapwa mo lalaki di mo magawa? Pinagluluko mo lang ba kami?” iniabot nila ang paddle kay Master.
 “Hindi ho master. Paninindigan ko yung sinabi kong kaya kong gawin kahit ano para sa grupo.” Nanginginig ang boses ko sa takot.
“Good. Okey, simulan na natin ito para matapos na. Halikan mo na si Jino. Kung sinabi kong halik, ayaw ko ng smack lang. Gusto ko torrid para matutunan mong hindi nakakabakla ang pagtanggap sa pagkatao ng mga ka-brod mo. Kung bakla ka, bakla ka talaga kahit iiwas ka pa sa sa kanila. Gusto kong yakapin mo siya ng mahigpit habang ginagawa mo iyon. Oorasan kita ng labinlimang minuto.”
“Labinlimang minuto na? Kanina 5 minutes lang ah?”
Tulad ng inaasahan , isang malakas na naman na sampal sa kabilang pisngi ko ang pinatikim nila.
Sandaling namanhid iyon.
“Sige na! Gusto mo pa kasing sinasaktan ka eh! Huwag ong hintaying maging 20 minutes. Halik lang ‘yan. Paano kung pakainin ka namin ng isang basong sili o kaya lagyan namin nang nadurog na sili ang puwit at ari mo. Sige, mamili ka, kumain ng isang basong sili at pahiran namin ang ari at puwit mo o gawin mo ang simpleng pinagagawa namin sa inyo?”
“Huwag na uy! Sa halikan na lang ako. Iniisip ko pa lang yung sili na ‘yan. Hihimatayin na ako.” Sinabi ko lang iyon sa sarili ko.
Nakapakalas ng kaba sa aking dibdib.
Inilapit ko ang mukha ko sa mukha ni Jino.
Dahan-dahan.
Halos magdikit na ang aming mga labi. Amoy ko na ang mabango niyang hininga.
Nangangatog na ang mga tuhod ko.
Lalong sumidhi ang kaba sa dibdib ko. Siya man din ay alam kong ganoon din.
Hinawakan niya ang palad ko. Nang maglapat na sana ang labi ko sa labi niya ay iniiwas niya iyon. Tinapat niya ang pisngi ko sa pisngi niya at may ibinulong siya sa akin.
 “Puwede na tayong umatras ngayon if you feel uncomfortable with this. Boy, we don’t need this and you know that.”
“Marinig ka nila! Baka lalo lang tayong sasaktan ng mga ‘yan.” Pabulong ko ding sagot.
“Ano yang bulungan na ‘yan ha! Ano na! Nauubos ang oras natin ah!” isang malakas na palo ng paddle ang tumama sa puwitan ni Jino at sa lakas niyon ay napasigaw siya sa sakit.
Niyakap ko siya para hindi matumba. Lapat na lapat na ang aming katawan.
“Gawin na natin ‘to. Ayaw kong nakikitang sinasaktan ka nila.” Bulong ko.
Namumula ang kaniyang mukha dahil sa sakit ng pagkapalo sa kaniya.
Hinawakan ko ang kaniyang magkabilang pisngi.
“Yun e! Simulan na ‘yan!” sigaw ng isa na sinundan ng iba pang pumapalakpak na para bang kinatutuwa nilang makita na may dalawang lalaking maghahalikan sa harap nila.
Pumikit ako.
Alam kong ganoon din siya.
Hanggang sa naramdaman ko ang paglapat ng labi ko sa mainit-init at malambot din pala niyang labi.”
“Yakkkk!” puna ng ibang naro’n.
“Anong pakiramdam na lalaki ang kahalikan mo, Romel?” sigaw ng iba pa.
Naasiwa ako.
Hindi ko maintindihan ang pakiramdam.
Hanggang sa unti-unting humihina sa pandinig ko ang kanilang ingay. Ang kanina mali sa akin ay parang naging tama. Sinasakop ng unang halik na iyon ang buong ako. Gumalaw ang labi niya. Sandali iyong bumuka. Gumalaw din ang aking labi. Parang naisasaliw ang ritmo ng lakas ng tibok ng aking puso ang halikan naming iyon ni Jino.
Natunaw ang pagtanggi.
Giniba ng halik niya ang pader na pilit kong inilagay sa aming pagitan. Hanggang sa naramdaman ko ang mahigpit niyang yakap sa akin. Nadadala ako at wala na akong naging pakialam pa sa kung ano ang nangyayari sa aming paligid. Iba ang sensasyon iyon. May kung ano itong dala na siyang gumigising sa nakahimlay kong kamalayan. Ramdam ko na ang init ng kaniyang katawang sumasanib sa akin. Ang haplos namin sa isa’t isa ay hindi na naging pangkaraniwan. Sumasabay sa kakaibang karanasan. Kakaiba ang di ko maipaliwanag na emosyon. Nawala ang takot, galit at pag-aalinlangan. Lasap ko ang kakaibang sarap. Sarap na noong una ay sadya ko nilabanan at tinakasan. Sumusuko ako. Naninikluhod ang lakas. Wala akong magawa kundi ang pagbigyan ang saliw ng kakaibang karanasan.
Fuck!
Ramdam ko ang may kung anong kakaibang nangyayari sa gitna ng aking hita. Nagagalit iyon katulad nang sa kaniya. Nadadarang sa init na hatid ng maluwalhating halikan. Hindi na lang iyon isang initiation sa amin. Dalang-dala kami na para bang matagal na namin iyon hinihintay na mangyari. Matagal nang ikinulong ng pagkakataon at nang mabuksan ang nakakandado kong damdamin ay bumulwak na lang iyon ng minsanan. Nag-uumigting ang aking pagkalalaki at ramdam kong ganoon din kay Jino. Ngunit kailangan namin iyong itago sa kanila. Hindi nila dapat iyon mapansin. Idiniin ko ang pagkalalaki ko sa kaniya at ganoon din siya sa akin. Hinawakan ko ang kaniyang puwitan para hindi iyon sumilip. Ganoon din ang ginawa niya ngunit lalo lang iyong nag-uumigting sa galit.
Lalong nagwawala.
 Lalong napakahirap nang paamuin.
Parang gusto na nitong dumura!
Huwag!
Hindi napapanahon!
Hindi dapat!

“Boy…” bumuka ang kaniyang labi.
Bumalik ako sa katinuan dahil sa pagtawag niya sa pangalan ko. Ngunit hindi ko pupuwedeng luwangan ang yakap ko sa kaniyang baywang para magpatuloy lang na maitago namin ang nag-uumigting naming pagkalalaki. Kailangan ding panatilihin ang pagkakalapat ng aming mga labi dahil inoorasan nila kami.
“Uhmmmm, bakit?” kinakabahang tanong ko.
“We should think something different. Kailangan nating bumalik sa realidad, Boy.”
“Ano?” naguguluhan tanong ko.
“Initiation lang ‘to, di ba?”
Hindi namin gaano nalilinawan ang aming sinasabi dahil sa pagkakalapat ng aming mga labi pero nagagawa naming masabi ng pabulong ang gusto naming sabihin.
“Oo, naman. Wala lang ‘to.” sinabi ko iyon hindi para lang para sa kaniya kundi para ipaintindi din sa aking bumibigay na damdamin.
Hindi siya sumagot pero bumabalik na ako sa aking sarili. Batid ko na ang nangyayari sa aking paligid. Dinig ko na ang lahat.
“Nakatingin sila sa atin. Pinagtatawanan nila tayo.” Bulong ko.
Parang iyon ang naging dahilan para unti-unting nahiya at umurong ang kanina ay palaban kong ari. Ganoon din siya. Naramdaman ko ang dati’y matigas na bumubukol sa kaniya ay dahan-dahan lumambot.
Pakiramdam ko nangangatal na ang aming mga labi sa walang puknat na halikan namin. Ngunit hindi sumuko ang alab na naroon. Hindi ko alam kung bakit hindi ko na magawang mandiri o magsawa. Parang napakabango lang samyuhin ang hininga ni Jino. Kahit gaano katagal ay hindi ako napapagod at kahit anong gawin kong isiping nakakadiri ang ginagawa namin ni Jino ay hindi ko na magawa pa.
“10 seconds... 9…8…”
Hudyat na iyon na patapos na ang labinlimang minuto na halikan namin ni Jino.
“…7… 6…5”
Labinlimang minuto lang iyon ngunit bakit parang giniba nito at pinalaya ang isang bahagi sa akin na matagal kong ikinulong. Tuluyan nitong hinigop ang lakas ko para labanan ang lahat.
“4… 3… 2…1.”
Inilayo ko ang labi ko sa labi niya ngunit batid kong nakadikit na sa utak ko ang nangyaring iyon. Isang karanasang hindi ko na mabubura pa.
Napalunok ako.
Yumuko at napapahiya sa aking sarili.
Ni hindi ko magawang iharap ang mukha ko kay Jino at sa iba pang naroon. Anong paliwanag ang sasabihin ko kay Jino, naramdaman niya ang pagsuot ng aking alaga sa gitna ng kaniyang hita. Ano ‘yun? Nadala lang ako? Nalibugan sa kapwa ko lalaki at straight pa din ako!
Tang-ina lang!

“Bravo Romel. Parang totoo lang ah! Anong pakiramdam ha? Bakla ka na ba dahil sa ginawa mong iyon?” tanong ng natatawang si Master.
“Hindi Master! Lalaki pa din ‘to.” sandaling nasamid ako. “Sinunod ko at nagtiwala ako sa gusto ninyong gawin ko master!” buo at malakas kong isinagot.
“Wehhh di nga! Parang hindi naman! Mukhang enjoy na enjoy ka nga kanina e! Ha Ha Ha!” kantiyaw ng isang naroon at napuno na ng tawanan ang sala.
Hindi sila nakakatawa. Ni hindi ko magawang ngumiti. Pilit kong iniwasang lingunin si Jino. Hindi ko kaya. Nahihiya ako dahil alam kong ramdam niya yung tunay na nararamdaman ko kanina.
Ngunit pangako sa aking sarili na hanggang ‘yun lang ‘yun.
Hinding-hindi na mauulit pa ‘yun!
Ayaw ko na!

“Sige na! Tapusin na natin ito. Ibalik na ninyo ang piring ng dalawang ‘yan at sa paddle na tayo.” Utos ni Master sa amin.
“Dahil may napapatunayan ka na sa grupo Romel, makakatanggap ka sa amin ng limampung beses na paddle maliban na lang kung aatras ka na!”
Limampung hampas? Gano’n kadami? Pa’no na lang kay Jino kung ako ngang may napatunayan na kailangan pang dadaan sa ganun kadami? Tanong iyon sa isip ko. mahirap nang masampal o masuntok kapag isatinig ko iyon.
“Swerte ka bata 50 lang. Noong ako 150 ang pinatikim sa akin. Ano kakayanin ba o give-up na!” tanong ni Master sa akin.
“Kakayanin master!” sagot ko.
Tanging kadliman ang nakikita ko dahil sa pagkakapiring sa aking mga mata ngunit dinig ko na ang hampas nila kay Jino. Alam kong sinimulan na nilang hatawin siya at kapag may kalabog akong naririnig mula sa knaila ay napapasinghap ako.
Sana kakayanin niya.
Sana huwag siyang bumitaw.
Sana hindi siya mahirapan.
Ilang saglit pa ay pinatalikod na nila ako.
Hanggang sa naramdaman ko ang isang malakas na hampas sa aking puwitan. Naulit pa iyon ng naulit. Halos mapasubsob ako sa lakas. Sobrang sakit na hindi ko maintindihan. Salitan sila na para bang isa lang akong hayop na walang pakiramdam.
Kinagat ko ang labi ko. Pinipilit magpakatatag.
Sobrang hapdi na ang puwit ko pababa hanggang sa binti. Nanginginig na ang tuhod ko at katawan sa hindi ko makayanang sakit. Akala ko sa katagalan ay mamamanhid iyon at hindi ko na maramdaman ang bawat malakas nilang paghampas ngunit parang habang tumatagal ay lalong nanunuot ang sakit. Parang lamog na lamog na ang muscles ko sa puwit, hita at binti. Napapasigaw ako sa tuwing tumatama ang paddle sa mga buto ko.
Hindi ko na bilang kung ilang hampas at kung ganoong bumabagsak ako at napapaluhod ay parang isang malaking tagumpay iyon na kailangan nilang ipagbunyi.
“Ano Romel! Akhro o atras!” sigaw ni master. “Nakatatlumpo ka pa lang. “
Mas matitindi na ang huling dalawampu.
“Akhro Master!” sagot ko.
“Lakasan mo! Ano ‘to sikreto lang?” sigaw ng isa sa mga ka-brod ko.
Isang malakas na sipa ang pinakawalan nila sa aking tagiliran.
Sumubsuob ako.
Tawanan sila.
Pinilit ko paring tumayo kahit dama ko na ang panghihina, hilo at ang di ko na halos alam kung saan ang masakit sa pang-ibabang bahagi ng aking katawan.
Nang makatayo ako ay naramdaman kong parang may dumura pa sa aking mukha. Umagos iyon sa aking pisngi. Mabilis kong pinunasan.
“Akhro o suko!”
“Akhro Master!” maangas na sigaw ko.
Hanggang sa naulit ng naulit ang hampas nila sa akin.
Naiibsan yung sakit na nararamdaman ko at nakahinga ng maluwang nang tatlong hampas na lang kailangan kong pagdaanan ngunit ang tatlong nahuhuling hampas na iyon ay pakiramdam ko, bumabali sa mga buto ko sa sobrang lakas. Ni halos hindi na ako makatayo. Pinipilit kong humawak sa puwede kong makapitan para lang tumayo ngunit bigo ako.
Dahil narinig ko na ang kanilang palakpakan ay alam kong kahit manatili na lang muna akong nakasalampak hanggang sa mawala yung panginginig ng aking pa.
Namamanhid na din ito ngunit tapos na ang kalbaryo ko. Tapos na ang paghihirap ko.

Tinanggal ni Master ang aking piring. Tinulungan niya akong tumayo at niyakap ng mahigpit. Kasunod iyon ng pagtapik niya sa aking likod.
“Welcome sa Akhro brod! Isang ritual na lang ang pagdadaanan mo at ganap ka na ding Akhro member!”
Pinaupo nila ako ngunit hindi ko magawang i-upo ang puwit at hita kong pakiramdam ko ay namamaga na.
Minabuti kong nakatayo na lang muna.
Tinagayan ako ng isang basong malamig na beer. Kanina pa ako nauuhaw ngunit beer na isang baso ang ipaiinom?
Okey na ‘to kaysa sa wala. Ang mahalaga ay mabasa ang tuyun-tuyo kong lalamunan.
“Ano Brod, mainit na ba ‘yang limampiso?” tanong ni Master sa noon ay nasa harap ng isang malaking kandila at may pinapabagang barya.
“Gusto kong tanungin kung para saan iyon ngunit mas natuon ang atensiyon ko kay Jino. Sinimulan na nilang hampasin kanina bago ako pinalo ngunit hanggang ngayon hindi pa siya tapos.
Halos pumuputok na ang binti at hita niya.

“Master, ilang palo ang ibibigay ninyo kay Jino?” tanong ko.
“Dapat sa mga neophyte na katulad niyang bagong recruit at wala pang napapatunayan sa grupo ay 150. Yun ang standard pero dahil bata pa at hindi niya kakayanin kaya ginawang 100.”
“100 na hampas ng paddle?” napalunok ako.

Yung 50 na ginawa sa akin ay nagdidilim na at hindi ko na maigalaw ang mga paa ko yung 100 pa kaya? Mabuti sana kung palo lang ang nakikita kong ginagawa sa kaniya. May sumusuntok at sumisipa pa bahagi ng kaniyang katawan kapag hindi siya napapaluhod o natutumba sa pagpalo nila.
“May option naman siya. 50 ngayon at 50 sa susunod kung hindi niya kayaning minsanan lang.” pahabol ni Master.
“Pero master mukhang hindi na niya kaya. Mukhang mahina na ang katawan niya.” paliwanag ko. “Best friend ko siya master. Mga bata pa kami kaibigan ko na siya. Baka naman…”
“Best friend mo pa ba siya hanggang ngayon?”
Hindi ako nakasagot.
 “Akala ko ba iniwasan mo na siya kasi katulad siya ng bunso namin? Hindi mo daw tanggap ang pagkatao niya. Bunsong kapatid ko si Miggy, Romel. Mahal ko at tanggap ko ang bunso namin kahit ganoon siya. Sana ganoon ka din sa mga kaibigan mo. Huwag mo silang iwasan dahil ganoon sila. Balita ko nga kay Miggy pumasok ‘yan sa Akhro dahil sa’yo kaya bilib ako sa paninindigan niya. Hindi ko alam kung matutuwa ako pero hindi naman puwede na dahil kaibigan siya ng kapatid ko ay hindi namin susukatin kung hanggang saan ang kaya niya para sa kapatiran natin. May oras pa siya para umatras.”
 Napapa-aray ako kapag nakikita ko kung gaano kalakas ang hampas nila kay Jino. Alam kong nakikita iyon ni Master. Lasing ang mga gumagawa no’n sa kaniya. Hindi nila kontrolado ang lakas. Dumadating din sa puntong napapahinga ako ng malalim at napapakislot kapag napapaluhod si Jino sa lakas ng hampas sa kaniya.
Nasapo ko ang aking ulo. Napapaluha sa awa.




“Master, hindi na niya kaya. Itinataas na niya ang kamay niya oh.” Nanginginig ako.
“Paddle lang ‘yan. Wala pang namamatay o nahohospital na dumaan sa amin.”
“Please, puwede bang 75 sa akin at 75 lang sa kaniya? Huwag naman siyang suntukin at pagsipa-sipain. Nakikiusap ako Master. Please!” maluha-luha kong pagmamakaawa. Para akong nagdadasal sa Diyos.
“Kayanin niya dapat ‘yan. Magtiwala ka sa amin Romel. Isa pa, gusto kong malaman niya na hindi ito isang laro lang na dahil may best friend siyang pumasok ay papasok din siya.” Pagpapatuloy ni Master. “Kailangan dito dedikasyon na pumasok ka dahil gusto mo at niniwala ka sa papatiran at hindi dahil lang sa isang pumasok na best friend mo. Iyon ang kailangan niyang maintindihan at yung mga sakit na nararanasan niya ngayon ang siyang magbubukas sa kaniyang kamalayan na pinaghirapan niya ito, halos ikamatay niya kaya bakit niya bibitiwan? Kailangan niyang mahalin ang tropa at maintindihan na dugo, pawis at sukdulang paghihirap ang ipinuhunan niya para lang maging kasapi at hindi dahil sa isang kaibigang nagpamember lang sa amin.”
Hanggang sa nakita kong hindi na nila siya mapatayo. Nakadapa na at halos hindi na gumagalaw.
Tumakbo na ako palapit kahit hirap kong maikilos ang aking mga paa.
“Sandali lang mga brod. Please sandali lang!” itinaas ko ang kamay ko. iniharang ko ang katawan ko sa kaniya. Itinulak ko ang sana ay hahawak kay Jino para piliting patayuin.
Pinilit kong umupo kahit sobrang sakit ng kasu-kasuan, binti  at hita ko.
Lumuhod ako at ipinatong ko ang ulo niya sa aking hita.
“Jino, uyy! Ano ha? Okey ka lang?”
Ngunit parang hindi na nga siya humihinga sa pakiwari ko.
Nakapikit na lang siya.
Sumasabay ang katawan niya sa bawat pagyugyog ko sa kaniya.
“Uyy huwag ka namang ganyan. Jino!” tinapik ko ang pisngi niya. “Please, huwag kang bumitaw. Please! Uyyy! Jino…” niyakap ko siya.
Itinapat ko ang noo ko sa noo niya.
“Huwag please? Brad, uyy…ano?” bumagtas ang luha sa pisngi ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.
“Master!!!! Tulungan ninyo ako! Kailangan nating dalhin sa hospital si Jino! Master!” sigaw ko.
Histerikal na ako lalo pa’t kitang-kita kong parang wala nang buhay ang best friend kong nasa aking kandungan.
Tumahimik silang lahat, nakita ko ang takot sa mukha ng mga nag-hazing sa kaniya. Nagkagulo na sila. Parang nawala ang kanilang kalasingan.
Tumulo ang luha ko sa pisngi niya. Niyakap ko siya ng mahigpit.
“Huwag! Huwag si Jino Diyos ko! Hindi ko kaya! Hindi ko alam kung paano ko patatawarin ang aking sarili kong ikamamatay niya ito. Hindi!!!!!”
Hanggang sa tuluyang kong isinigaw ang kaniyang pangalan. Paulit-ulit sa gitna ng aking hagulgol at paghikbi. Niyakap ko siya ng buong higpit. Hindi ko kakayaning mawala siya sa akin. Hindi ngayon, hindi sa ganitong pagkakataon.

No comments:

Post a Comment