Alas-nuwebe na ng gabi nang makarating sina Romeo at Sarah sa shelter na iyon. Nang bigla pang bumuhos ang malakas na ulan na may kasabay na pagkulog at pagkidlat. Pagkalabas nilang dalawa sa tricycle na naghatid sa kanila'y agad-agad silang sumilong sa harapan ng pinaka-main office ng shelter.
"Oh, mga bata, anong ginagawa niyo riyan? Pumasok kayo dito sa loob at basang-basa na kayo," tawag sa kanila ni Sister Agatha; ang pinaka-superiora ng mga madre na namamahala ng shelter. Pumasok sila sa loob at agad silang inabutan ng tuwalya ng madre upang pamunas ng katawan.
"Magandang gabi po. Pasensya na po sa abala. Dito po ba itinurn-over si Julius Legaspi? Galing po kami kanina sa Bilibid Prison at binigay po sa amin ang address dito. Medyo malayo po pala kaya't ginabi po kami," wika ni Sarah.
"Mga kaibigan po kami ni Julius," dagdag pa ni Romeo.
"Ah...si Julius...oo,dito nga siya dinala kanina lang hapon. Naroon siya sa Dorm2 Room05," sagot ng madre habang tinitingnan ang file ni Julius sa desk niya. "Pero hintayin nyo muna saglit dahil baka naroon pa sila sa mess hall at katatapos lang kumain. 9:30 ang bedtime nila kaya siguradong hindi pa yun natutulog. Teka, mukhang hindi pa kayo kumakain, magpapadala ako dito." Hindi na tumanggi ang dalawa sa alok ng matanda dahil parehas na talaga silang gutom. Tumawag si Sister sa telepono at nagpadala ng pagkain saka sinabi sa kausap na sabihin kay Julius na may bisita siya. "Ano nga bang pangalan mo iha?"
"Sarah po."
"Ikaw,iho?"
"Romeo po. P-Pero maari po bang huwag nyo na lang po munang banggitin ang pangalan ko kay Julius. Pakisabi na lang po na si Sarah ang naghahanap po sa kanya."
"Ganoon ba?O sige." Binalikan ni Sister Agatha ang kausap at saka ibinaba ang telepono.
"Naku mga iho at iha, nalimutan ko, tapos na pala ang visiting hours. Hanggang alas-siyete lang ang dalaw. Bukas nyo na lang kausapin si Julius.Pero hindi ko kayo mapapayagang umalis dahil gabi na at napakasama ng panahon.Dumito na kayo magpalipas ng gabi at bukas ng alas-sais ng umaga,saka nyo kausapin si Julius. Maiwan ko muna kayo saglit, pagkarating ng pagkain, kumain na kayo. Ipapahanda ko lang ang tulugan nyo sa kabilang building.
"Salamat po, Sister." tugon ng dalawa.
****************
Nakatapos ng kumain ang lahat ng mga bata, nakapaghugas na rin ng mga pinagkainan at halos lahat ay nakaakyat na sa kani-kanilang kwarto. Ngunit si Julius ay naroon pang nakaupo sa lamesa sa mess hall ng mag-isa.
"Totoy, bakit hindi ka pa pumapanhik sa itaas? Papatayin ko nang mga ilaw dito sa kusina. Umakyat ka na," utos ng matandang lalaking kusinero. Silang dalawa na lamang ang naroon.
"Iwan nyo na lamang po ako dito saglit,Manong."
"Aba'y bago ka pa lang dito ano? May rules dito sa shelter,iho. Kailangan mong sumunod. Dapat alas-nuwebe y medya, wala nang tao dito sa kusina. Lahat kayo dapat naroon na sa itaas." wika ng matanda.
"Sige po,Manong. Mag-si-CR lang po ako." sagot ni Julius saka tumayo at naglakad patungong banyo.
"O sya, maiwan na kita dyan. Umakyat ka na pagkatapos mo dyan." Lumabas na ang matanda kaya't lumabas na rin ng banyo si Julius. Nagmasid siya sa kusina. Nakita niya ang kalanan, naroon ang isang tangke ng gaas na nakakabit sa gas stove at mayroon pang dalawang reserva. Napangiti si Julius sa naisip na paraan para makatakas. Kumuha siya ng dalawang sako at sinako ang dalawang tangke. Sumilip siya sa itaas at nakitang patay na ang mga ilaw. Binuhat niya ang isang tangke at dinala sa loob ng praying room sa 2nd floor.Saka niya pinihit iyon upang sumingaw ang gaas. Binuhat naman niya ang isa pang tangke at di alintana ang bigat nito. Dinala niya ito sa tapat ng pinto ng kanilang kwarto. Pumasok siya sa loob at nakitang tulog na pala ang tatlo. Kaya't lumabas siya muli at akmang ipapasok na niya ang nakasakong tangke nang...
"Anong ginagawa mo?" tanong ng isang lalaki na kapwa niya ampon ng shelter. Naroon itong nakatayo sa hallway at mukhang bababa sana sa kusina nang makita niya si Julius. Agad na nilapitan ni Julius ang lalaking iyon at buong lakas na sinapak sa panga kaya't nawalan ito ng malay. Hinubaran ng damit at short ni Julius ang lalaki at hinubad din niya ang suot nya saka pinagpalit ang kanilang mga suot na damit. Saka niya binuhat ang lalaki at ipinasok sa loob ng kwarto at inihiga sa higaan niya sa ibabang deck. Saka nya binuhat ang tangke at inilagay sa gilid ng pinto saka pinihit ito para sumingaw ang gas. Dahan-dahan niyang isinara ang pinto upang huwag magising ang tatlo. Saka siya dali-daling bumaba sa kusina. Binuksan niya ang apat na burner ng kalan at itinodo ang pagbukas sa tangke. Tatakbo na sana siya palabas para tumakas ngunit biglang bumukas ang ilaw at bumungad sa kanya si Sarah at ang isang Sister habang dala-dala ang mga pinagkainan nila ni Romeo.
"S-Sarah??" gulat na gulat na wika ni Julius pagkakita kay Sarah.
"Julius, buti nakita kita."
"S-Sarah, anong ginagawa mo dito?!!!" natatarantang tanong ni Julius. Dali-dali niyang hinatak ang kamay ni Sarah at akmang lalabas na sana sila sa loob ng building nang maalala ni Julius ang bag na naiwan niya sa cabinet sa itaas. "Ang bag ko," usal niya sa sarili.
"Sarah! Lumabas ka na!!!" sigaw niya saka dali-daling umakyat sa itaas. Napako naman si sarah sa kinatatayuan dahil sa inasal ni Julius.
"Anong nangyari dun?" tanong ng isang dalagang Sister na kasama ni Sarah. "Ay!! Ang kalan!" Nagulat ang sister na iyon nang makita ang nakabukas na kalan.Dali- dali niyang nilapitan ang kalan upang patayin ito. Samantala, sumunod naman sa kanila si Romeo dahil naiwan nina Sarah ang isang plato na ginamit nila. Habang naglalakad si Romeo papalapit sa building ay isang malakas na pagsabog ang naganap mula sa likod ng building kung saan naroon ang kusina.
"S-Sarah..." sambit ni Romeo at saka nabitawan ang dalang plato. Dali-dali niyang tinakbo ang likod ng building at bumungad sa kanya ang nag-aalab na apoy mula sa loob.
"SARAH!!!!!" sigaw ni Romeo. Buong tapang niyang pinasok ang loob ng building upang hanapin si Sarah. Halos wala nang makita si Romeo dahil sa lakas ng apoy sa loob at sa kapal ng usok. Hanggang sa makita niya si Sarah na nakahandusay sa sahig. Agad niya itong binuhat upang ilabas sa nagliliyab na buiding. Hanggang sa isa pang napakalakas na pagsabog ang naganap doon sa 2nd floor ng building. Nagkakagulo na ang lahat ng tao sa labas. Ang ilang mga batang naroon sa 3rd floor ay nagkakagulo na rin at di na alam ang gagawin. Nang makalabas na ng building sina Romeo ay nagising si Sarah at uubo-ubo dahil sa usok ng apoy.
"R-Romeo, naroon sa loob si Julius."
"Dito ka muna Sarah, babalikan ko si Julius sa loob. Hahanapin ko sya."
"Huwag,Romeo! H-Huwag! Delikado."
"Hindi ko pwedeng hayaang mapahamak sa loob si Julius, Sarah. Minsan ko na syang hindi nailigtas. Hindi na iyon mauulit." Matapos niyon ay dali-daling pumasok muli si Romeo sa loob. Sa kabila ng 2nd degree burn sa kanyang mga braso sa pagligtas kay Sarah ay hindi niya ininda ang sakit nito. Pagkarating sa loob ay nakita niya si Julius habang yakap-yakap ang bag habang naroong nakahiga sa hagdanan. Umuubo-ubo rin ito at hindi na makahinga. Binuhat ni Romeo si Julius. Ngunit mukhang mahihirapan na silang makalabas dahil sa lakas ng apoy. Nakita ni Romeo ang CR at pumasok siya sa loob. Nakita niya ang mga towel doon at kanyang binasa ng tubig upang pantakip sa katawan nila ni Julius. Lalabas na sana siya ng pinto nang makita niya si Julius na nakatayo at nakaharang sa pinto ng CR.
"Julius..." tanging nasambit ni Romeo. Isang ngiti naman ang itinugon ni Julius saka sinara ang pinto ng CR at ikinawit ang lock mula sa labas.
""JULIUS!! PALABASIN MO AKO DITO!!" sigaw ni Romeo.
Akmang tatakbo na palabas ng building si Julius nang sumabog na muli ang tangke sa 3rd floor kung kaya't nag-collapse na ang building. Nabagsakan si Julius ng nagliliyab na chandelier at napasubsob ang kanyang mukha sa apoy. Napasigaw siya nang malapnos ang kanang bahagi ng kanyang mukha. Hanggang sa lumakas na ang apoy at halos lahat ng mga batang naroon ay namatay at walang nakaligtas.
Naroon si Sarah sa labas at nagtatago habang iyak ng iyak. Hinihintay niyang lumabas sina Romeo at Julius ngunit pakiramdam niya'y huli na. Nagsidatingan na ang mga pulis at bumbero at inaapula na ang apoy. Nakatanaw sa pinto si Sarah at humahagulgol ng iyak nang isang kamay ang humawak sa balikat niya.
"Sarah..."
"R-Romeo??" sambit ni Sarah saka niyakap ng mahigpit si Romeo nang makitang nakaligtas ito sa sunog.
"Patawad,Sarah, hindi ko nailigtas si Julius." wika ni Romeo.
"Romeo, ang braso mo," wika si Sarah nang makita ang nagdudugo at lapnos na kanang braso ni Romeo. Kinuha ni Sarah ang panyo niya sa bulsa saka binalot ang lapnos na braso ni Romeo.
"Sarah, umalis na tayo dito. Wala na si Julius. Umalis na tayo!" Dali-daling umalis sina Romeo at Sarah sa shelter. Doon sila dumaan sa likuran upang hindi sila makita ng mga pulis. Nang makakita ng taxi, agad nila itong pinara at umuwi na sila sa bahay nina Romeo.
Habang nasa loob ng taxi ay wala silang imikang dalawa. Napansin ni Sarah na kanina pa sya sinusulyapan ng taxi driver kaya't dumikit syang lalo kay Romeo.
"Manong, dito na lang po kami. Bayad po." wika ni Sarah nang makarating na sila sa tapat ng bahay nina Romeo. Nang pagkaabot ng driver ng bayad ay lumabas na sina Sarah at Romeo ng taxi. Napansin ni Sarah na nakatingin pa rin sa kanya ang driver habang naglalakad na sila papasok ng bahay. Nakita nyang nag-sign of the cross ang driver saka pinaharurot ng takbo ang taxi.
******************
Alas-singko y medya na ng umaga, ring na ng ring ang alarm clock ni Giovanni. Ito ang oras ng gising niya upang maghanda sa pagpasok sa eskuwela. Dahil sa lakas ng ulan sa labas at sa lamig ng paligid ay tinatamad pa siyang bumangon kaya't tinalukbong niya ang kumot. Unti-unti na siyang naiidlip nang maramdaman nyang nakabukas ang bintana ng kwarto. Inalis nya ang kumot at tiningnan iyon. Nakita niya na nakabukas nga ang sliding glass na bintana at hinahawi-hawi ng hangin ang kurtina. Binuksan niya ang lampshade sa ulunan niya at bumungad sa kanyang mga mata si Julius na naroong nakatayo sa paanan niya. Nakakakilabot ang hitsura nito na lapnos ang kanang bahagi ng mukha at nakasuot ng bonet sa ulo. Sisigaw na sana sya nang talunin sya ni Julius. Pinulupot ni Julius ang kumot sa leeg ni Giovanni at pinilipit ito hanggang sa masakal. Unti-unting kinakapos ng hangin ang baga ni Giovanni at ilang minuto lang ay nalagutan na ito ng hininga.
Alas-syete ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Giovanni ng yaya nito. Nakabigti ng kumot ito sa kisame at may papel na nadikit sa dibdib na ang nakasulat - AKO ANG PUMATAY KAY BONG.
*****************
Alas-otso ng umaga,papasok na sa eskuwela si Dexter, naroon na siya sa loob ng kotse nila sa labas ng bahay habang hinihintay ang driver na pumasok saglit sa loob. Napansin ni Dexter na may lalaking nakabonet at nakayukong papalapit sa kotseng sinasakyan niya. Huminto ito sa kanang gilid ng kotse kung saan naroon siya nakaupo. Nang lumingon sa kanya ang lalaki ay laking-gulat niya nang makitang iyon pala'y si Julius. Lalabas na sana si Dexter sa kotse ngunit dahil nakabukas ang bintana ng kotse'y nahablot ni Julius ang balikat ni Dexter. Mula sa labas ay pinaghahampas ni Julius ng bato ang mukha ni Dexter na naroong nakaupo pa rin sa loob ng kotse. Nagpupumiglas si Dexter ngunit sadyang malakas si Julius. Halos madurog ang mukha ni Dexter sa lakas ng paulit-ulit na paghampas ng bato. Halos lasog na ito nang tigilan ni Julius at naglaho na lang. Nagsisigaw naman ang driver nang makita ang kalunos-lunos na sinapit ng anak ng kanyang amo.
***************
Alas-diyes ng umaga, oras iyon ng pagpasok ni Mayor Lito sa munisipyo. Naroon syang nagmamaneho papasok ng opisina. mag-isa lang sya sa kotse at iniisip ang balitang natanggap tungkol sa shelter na pinagdalhan kay Julius kahapon lang. Habang nasa kalagitnaan ng byahe ay papadaan na siya sa overpass sa kalsadang iyon sa labas ng village na tinutuluyan nya. Napatingin siya sa bubong ng overpass at laking-gulat nang may makitang binatilyong lalaki ang naroong nakaupo. Habang papalapit siya sa overpass ay namukhaan niya kung sino ito, si Julius. Nang saktong papalagpas na siya sa overpass ay binitawan ni Julius ang hawak-hawak niyang hollow blocks na sya namang bumagsak at bumasag sa windshield ng harapan ng kotse ni Mayor Lito. Sakto ang pagbagsak niyon sa kinauupuan niya at tumama sa mukha ni Mayor. Nawalan siya ng control sa manibela hanggang sa magtuloy-tuloy siya sa papasalubong na jeep at nagkabanggaan ang mga ito. Wasak ang unahan ng kotse at naipit doon sa loob si Mayor na wala nang buhay.
***************
"Sarah, ayos ka lang ba?" tanong ni Romeo nang mabitiwan ni Sarah ang basong hawak niya habang naghahanda ng makakain. Kakagising lang nila matapos ang mga nangyari kagabi. Nabitiwan ni Sarah ang baso at bigla siyang napaiyak nang bumalik sa alaala ang nangyari kay Julius.
"P-Patawarin mo ako, Sarah. Ako ang may kasalanan kung bakit iyon nangyari kay Julius. Ako ang may kasalanan ng lahat. Hindi man lang ako nakahingi ng patawad sa kaibigan ko." naluluha ring wika ni Romeo habang yakap-yakap si Sarah.
"Romeo, balikan natin si Julius. Gusto kong malaman kung ano ang nangyari sa kanya. Balikan natin sya."
"Oo, Sarah, babalik tayo sa shelter. Kung buhay man o patay na si Julius, kailangan nating malaman. Kung sakaling hindi nakaligtas sa sunog si Julius, kahit maayos na libing man lang ang maibigay ko sa kaibigan ko. Kahit yun man lang," wika ni Romeo.Nakatingin siya sa bintana nang mapansin niya na may lalaking nakatalikod ang naroon sa labas.
"B-Bakit?" nagtatakang tanong ni Sarah nang mapansing di-mapakali si Romeo.
"M-May lalaki sa labas." sagot ni Romeo. "Huwag kang lalabas. Titingnan ko lang."
Lumabas ng kusina si Romeo at nagmasid doon sa likod bahay.
Habang naroon si Sarah mag-isa sa kusina ay bigla siyang nanlamig. May malamig na hanging dumampi sa batok niya kaya't niyakap niya ang sarili. Nang mapadako ang lingon niya sa likuran ay naroong nakatayo nakaharap sa kanya si Julius. Nanlaki ang mata ni Sarah sa takot sa hitsura ngayon ni Julius. Sisigaw na sana siya nang bigla siyang suntukin ni Julius sa sikmura kaya't siya'y nawalan ng malay.
Si Romeo nama'y naroon pa rin sa bakuran habang nagmamasid kung sino ang lalaking nakita nya kanina. Ilang minuto pa'y pumasok na siya sa loob at ini-lock ang pinto. Nagtaka siya dahil wala doon si Sarah. Napansin niya ang isang papel sa ibabaw ng mesa at nakitang may nakasulat dito - TRAYDOR KA! DAHIL SAYO NAMATAY ANG KAISA-ISANG TAONG NAGMAMAHAL SA AKIN. DAHIL SAYO NAMATAY ANG AUNTIE KO AT NGAYON PATI SI SARAH AAGAWIN MO!! MAGKITA TAYO SA TIBAGAN! MAGTUTUOS TAYO!.
"S-Si Julius??" tanging nasambit ni Romeo. Dali-dali siyang lumabas ng bahay upang pumunta sa tibagan kung saan sila palaging magkasama ni Julius. Nakita nya ang jeep na may sumasakay na babae kaya't upang mabilis ay sumakay na rin siya.
"Manong pakibilisan po! Pakiusap! Eto po ang bayad!" wika ni Romeo habang iniaabot ang pera. May iilan na ring nakasakay sa jeep ngunit walang pumapansin sa kanya. "Manong bayad po! Pakiabot!" Nagtataka si Romeo dahil hindi talaga siya pinapansin ng mga ito. Hanggang sa naroon na siya sa eskinitang papasok ng tibagan. Para ng para si Romeo ngunit tuloy-tuloy pa rin ang jeep kaya't wala nang nagawa si Romeo kaya't tumalon na lamang siya. Nagpagulong-gulong siya sa kalsada nang bumagsak siya mula sa pagkakatalon. Bumangon siya at napansin ang braso, naghilom na ang lapnos dito. Nilingon nya ang tibagan at dali-daling sinuong ang matataas na talahib. Bumuhos muli ang ulan kaya't naging maputik ang daan. Hanggang sa marating niya ang tuktok ng tibagan ngunit walang katao-tao dito. Naalala niya ang kubo sa kabilang bahagi ng creek kaya't agad niya iyong tinungo. At doon nga nya natagpuan si Sarah na walang malay na nakahiga sa papag na kawayan.
"S-Sarah! Sarah,gising!" wika ni Romeo habang niyuyugyog si Sarah. Nagising si Sarah at nang makita si Romeo'y agad niya itong niyakap at napahagulgol ng iyak.
"R-Romeo!! Romeo naghihiganti ang kaluluwa ni Julius!! Romeo hindi nya tayo titigilan."
"Ssssh...huwag kang matakot Sarah, nandito na ako." tugon ni Romeo. Inalalayan niya si Sarah saka akmang tatakbo na nang bumulaga sa harapan nila si Julius habang may hawak-hawak na mahabang sanga ng kahoy.
"Ngayong kumpleto na ulit tayong tatlo, saka pa iiwan nyo na naman akong mag-isa?" wika ni Julius. Nanginginig naman sa takot si Sarah habang nakayakap kay Romeo.
"J-Julius, patawarin mo ako. Hindi ko ginusto ang nangyari sayo. Inisip ko lang ang kapakanan ng Papa ko. Patawarin mo 'ko." wika ni Romeo. Walang sabi-sabi namang hinataw ni Julius ang mukha ni Romeo ng kahoy kaya't nabuwal ito. Hinatak ni Julius ang braso ni Sarah saka binalibag sa lupa.
"Patawad??!! Mabubuhay ba ng patawad mo ang Auntie ko??!!" sigaw ni Julius saka pinaghahataw pa ng kahoy si Romeo sa likod nito habang nakasalampak sa lupa. "Ipinagkanulo mo ako!! Akala ko pa naman kaibigan kita!!" Binuhat at itinayo ni Julius si Romeo saka pinagsusuntok sa mukha at tiyan. "Pinatay mo ang Auntie ko!! Kaya't papatayin din kita at isusunod ko ang Papa at Mama mo!!" sigaw ni Julius saka pinaghahataw muli ng kahoy si Romeo. Aktong itatarak na ni Julius sa tiyan ni Romeo ang matulis na dulo ng kahoy naiyon nang makita ni Sarah. Bumangon siya mula sa pagkakasalampak sa sahig at buong lakas na itinulak si Julius. Nabuwal si Julius at napahiga sa nakatumbang puno at di-inaasahang masaksak siya sa likod ng isang putol na sanga ng punong iyon. Tumagos pa iyon sa tagiliran niya saka siya napasuka ng dugo. Nang lingunin niya si Romeo ay naglaho ito mula sa kinahihigaan nya kanina. Nagpalinga-linga siya sa paligid ngunit hindi talaga niya makita.
"ROMEOOO!!!" sigaw ni Sarah. Sya namang pagdating ng mga tanod. Inakay ng mga ito si Sarah at laking-gulat sa nakitang bangkay ni Julius na naroon.
****************
"So, ang sinasabi mo'y tatlo kayo doon sa pinangyarihan ng krimen? Eh nasaan ang isa mo pang kasama?" tanong ng pulis habang kinukuhanan ng statement si Sarah doon sa presinto nang gabing iyon kung saan sya itinurn-over ng mga tanod na nakakita sa kanila.
"Totoo po ang sinasabi ko! Maniwala po kayo! Naroon po si Romeo! Balikan po natin siya,parang awa nyo na po! Maniwala po kayo sa akin!" pagtatanggol ni Sarah sa kanyang sarili.
"Iha, maari bang samahan ka namin at ituro mo kung saan nakatira ang Romeo na iyan? May report kaming natanggap dito tungkol sa inyong dalawa. Hindi ba't naroon kayong dalawa sa sumabog na shelter kamakailan lang?"
"Opo..."
"Iha, dalhin mo kami sa bahay ng Romeo na iyon."
"S-Sige po..." tugon ni Sarah. At noon di'y tinungo nila ang bahay nina Romeo sakay ng patrol car. Pagkarating doon ay nagtaka si Sarah dahil napakaraming tao sa labas maging sa loob. May ilan pang nagpapasok ng mga bulaklak na may stand at ilang mga upuan. Bumaba si Sarah at dahan-dahang pumasok sa loob. Nagulat siya nang makitang may kabaong sa harap ng sala at naroon sa harap no'n sina Aling Cecille at Mang Roldan na tumatangis habang nakamasid sa taong naroon sa loob ng kabaong. Dahan-dahan siyang lumapit upang tingnan kung sino ang naroon sa loob. Napansin naman siya nina Aling Cecille kaya't gumilid ito upang makita ni Sarah ang laman ng kabaong. Habang papalapit ay palakas ng palakas ang kabog ng kanyang dibdib. Namumuo na ang mga luha sa kanyang mga mata. Hanggang sa tuluyan na itong umagos sa magkabila nyang pisngi nang makitang si Romeo ang nakahimlay sa loob niyon.
"Iniligtas ka nya,iha...iniligtas ka ng anak ko..." yun na ang tanging nasambit ni Aling Cecille habang humahagulgol pa rin siya ng iyak habang yakap-yakap ni Mang Roldan na noo'y nakabitan na ng artificial na paa kaya't nakakatayo na. Inakay silang dalawa ni mang Roldan at iniupo sa bench.
"A-Aling Cecille? Paano po iyong nangyari? Hindi ko po maintindihan?" naguguluhang tanong ni Sarah.
"Iha, makinig ka..." panimula ni Mang Roldan. "...ayon sa imbestigasyon ng mga pulis at ng ilang mga madre doon sa shelter na pinagdalhan kay Julius, si Julius ang may kagagawan ng pagsabog ng building. Sabi ng isang madre ay nakita nya ang anak ko na bitbit ka nang ilabas ka doon sa lumalagablab na apoy. At pumasok sya muli sa loob ngunit sa kasamaang palad ay nakulong ang anak ko sa CR. Namatay ang anak ko dahil sa suffocation sa usok. Nang maretrieve ang mga bangkay ng mga bata sa building na iyon, hindi nakita ang bangkay ni Julius. Nakatakas siya. Nawala ka sa pinangyarihan kaya't pinahanap ka sa mga pulis dahil baka sakaling kasama mo si Julius. At hindi nga kami nagkamali, magkasama nga kayong dalawa."
Sa sinabing iyon ni Mang Roldan ay tila nanlamig si Sarah. Napaisip sya sa mga nangyari. Nakulong sa loob ng building si Romeo? Kung gayo'y sino ang kasama niya? Naalala ni sarah nung hinawakan sya sa balikat ni Romeo nang makalabas iyon sa umaapoy na building. Malamig ang pakiramdam ng kamay ni Romeo. Naalala rin niya ang inasal ng taxi driver. Hindi niya akalain na sya lang pala mag-isa ang sumakay ng taxi. Nakikita ng driver na iyon sa salamin sa unahan ng kotse na may puting usok na nakatabi kay Sarah ngunit kapag tinitingnan ng driver sa mismong likuran ay wala naman. Naalala rin niya nang pagkarating sa bahay nina Romeo, naroon siyang nagsusuklay sa harap ng salami habang nasa likod nya si Romeo.Tumagilid siya para harapin si Romeo at nang tumingin muli sa salamin ay walang repleksyon si Romeo sa salamin. Naalala rin niya habang siya'y natutulog, nakahiga siya sa kama habang si Romeo nama'y nakaupo lang at nakamasid sa kanya at sya'y binabantayan. Hindi siya mapakali dahil sa malamig na hangin sa loob ng kwarto. Lahat iyon ay bumalik sa alaala ni Sarah. Doon nya napagtanto na si Romeo na kasa-kasama niya ang espiritu na lamang at hindi si Julius. Napahagulgol na lamang siya ng iyak nang mag-sink-in na sa kanya na wala na ang taong nagligtas ng buhay niya. Wala na rin ang kaibigan niya at Ninang niya na itinuring na rin niyang pangalawang ina.
*****************
Lumipas ang isang linggo, nailibing na si Romeo at Julius sa kani-kanilang huling hantungan. Naroon si Sarah sa gilid ng barkong M/V Filipinas habang bumibyahe pabalik ng probinsya. Nagmamasid siya sa malawak na dagat at sinasamyo ang malamig na hangin na dumadampi sa kanyang katawan. Inaalala rin niya ang mapapait na nangyari sa kanya sa pagbabakasyon sa Maynila. Ipinangako niya sa sarili na kalilimutan na lang ang mga nangyari upang makapagsimula nang muli. Papasok na sana siya sa loob ng cabin nang magulat siya nang makitang nasa harap niya si Julius. Ganun pa rin ang hitsura, sunog ang kalahating bahagi ng mukha at naka-bonet.
"Hindi mo ko matatakasan,Sarah." bulong ni Julius. Sisigaw na sana si Sarah ngunit huli na. Niyakap sya ni Julius saka nagpatihulog sa dagat. Pumailalim sila sa kailaliman ng dagat at hindi na muling umahon pa.
Wakas
No comments:
Post a Comment