Lumipas ang isang linggong pananatili ni Julius sa tahanan nina Romeo, unti-unti nang bumabalik ang sigla at lakas ng pangangatawan ni Mang Roldan. Kinailangan nang umuwi si Julius sa bahay nila bukas sapagkat pabalik na ang kanyang Auntie Marta mula sa isang linggong pagkaka-assign sa malayong probinsya. At nang gabi ding iyon ay napagpasyahan na nina Romeo,Julius at Aling Cecille na ipagtapat na ang katotohanan kay Mang Roldan na si Julius ay hindi ang namatay nilang anak na si Romnick. Buong puso namang tinanggap ni Mang Roldan ang nalamang katotohanan tungkol kay Julius. Kung kaya't naging maayos naman ang pamamaalam ni Julius sa pamilya ni Romeo.
"Oh, ayan, bukas makakatabi mo na ulit yang napakalaki mong unan,"biro ni Julius habang nag-eempake ng kanyang ilang mga gamit.
"At bukas din pagkauwi mo sa inyo makakatulog ka na ng maayos dahil wala nang dadantay sa iyo sa gabi," tugon ni Romeo. "Yung damit nga pala ni Kuya na hiniram mo,sa iyo na lang. Iuwi mo na. Hindi ko naman iyan magagamit eh."
"Salamat Romeo ha. Salamat sa pagpapatuloy nyo sa akin dito sa bahay nyo.Ngayon ko lang naranasan kung gaano kasaya ang magkaroon ng pamilya,ang magkaroon ng magulang, at....ng kapatid."
"Kami ang dapat na magpasalamat sa iyo Julius. Kung hindi dahil sa tulong mo ay baka hindi na nanumbalik pang muli ang sigla ni Papa. At kahit papaano rin ay napapansin na ako ni Papa ngayon."
"Basta dadalaw pa rin ako dito ha. Bibisitahin ko pa rin palagi si Itay Roldan at Mama Cecille. At....bibisitahin pa rin kita," nangingiting wika ni Julius.
"Sabi mo yan ha! Tutal di naman kalayuan yung bahay nyo eh. Tatlong barangay lang naman ang layo. Kung gusto mo nga eh ako naman ang matutulog sa inyo kahit isang gabi lang. Para makilala ko rin si Auntie Marta mo."
"Talaga? Sige sige! Bukas ipapaalam kita kina Mama Cecille. Sigurado papayag yun,kahit isang gabi lang naman eh."
"Okay,sige. Sana magustuhan din ako ng Auntie mo."
"Syempre naman,bakit naman hindi?," tugon ni Julius. "Basta sabi mo yan ha! O siya, tulog na tayo."
At humiga na nga ang dalawa sa kama at pinatay na ang lampshade. Bumungad muli sa kanilang dalawa ang mga alitaptap na nasa paligid ng kwarto na tila mga mumunting anghel na sa kanila'y nagbabantay.
**********
Kinabukasan ay maagang umuwi si Julius sa bahay nila upang maghanda ng pagsasaluhan nila ni Auntie Marta niya pagkarating nito. Samantalang si Romeo naman ay naroong nagtitiklop ng mga kumot at nag-aayos ng kanyang kwarto. Di nya namalayan na pumasok pala doon ang Papa niya.
"Romeo," tawag ni Mang Roldan.
"P-Pa? Nariyan po pala kayo. May iuutos po ba kayo sa akin?"
"Wala naman. Gusto lang kitang makausap." Lumapit si Mang Roldan sa kama at pilit na itinatayo ang sarili mula sa wheelchair upang lumipat sa kama ni Romeo. Agad siyang tinulungan ni Romeo at nang komportable nang makaupo si Mang Roldan sa kama ay binalingan nya muli si Romeo. "Nakaalis na pala si Julius?"
"O-Opo, Pa. Gigisingin ko po sana kayo kaso huwag na daw po sabi ni Julius, babalik na lang daw po ulit sya sa ibang araw."
"Halika Romeo, maupo ka dito sa tabi ko," malumanay at nakangiting wika ni Mang Roldan. Lumapit si Romeo sa Papa niya at umupo sa tabi nito. "Romeo, anak, hindi ko pala napansin na malaki ka na. Binatilyo na pala ang bunso ko. Hindi na ikaw yung uhuging bata na habol nang habol sa akin dati at gustong magpakarga. Hindi na ikaw iyong iyaking bata. Napakabilis ng paglipas ng panahon. Ngayon at heto ka, mas matangkad ka na sa akin ngayon. Hanggang balikat mo na lang nga ako oh," biro ni Mang Roldan kaya't nagtawanan silang dalawang mag-ama. "Anak patawarin mo sana ako sa lahat ng mga pagkukulang ko sa iyo. Hindi ko man lang naisip na dalawa kayo ni Kuya Romnick mo ang anak ko. Hindi ko man lang naiparamdam sa iyo na ako ang tatay mo. Napakalaki ng kasalanan at pagkukulang ko sa iyo anak. Patawarin mo ako." Nangilid ang luha sa magkabilang mata ni Romeo. Niyakap na lamang niya ng buong higpit ang Papa niya pagkat walang salitang makatutumbas kung gaano siya kasaya nang mga sandaling iyon. Tila musika sa kanyang pandinig sa tuwing tinatawag siyang anak ng Papa niya. Ngayon nya lang naramdaman ang init at higpit ng mga bisig nito na nakapalibot sa kanyang katawan. Ngayon nya lang naramdaman ang maging isang ganap na anak. "Papa....Papa...." Iyon na lamang ang mga salitang namumutawi sa bibig ni Romeo dahil sa walang pasidlang kasiyahan habang akap-akap ang Papa niya. Napatingin si Mang Roldan sa pinto ng kwarto at nakita doon ang asawang si Aling Cecille na lumuluhang nakamasid sa kanila.
"Bakit nakatingin ka lang diyan? Halika rito! Yakapin mo kami ng anak mo!" nakangiting wika ni Mang Roldan.Dali-daling lumapit sa kanila si Aling Cecille at niyakap nila ang isa-t isa. Napakasayang tanawin. Tila larawan ng isang masayang pamilya.
***********
"Auntie!!" Dali-daling nilapitan ni Julius ang Auntie Marta niya at nagmano nang dumating ito sakay ng isang taxi. Binitbit niya ang mga gamit ni Auntie Marta na naroong nasa likod na compartment ng sasakyan. Papasok na sana siya sa loob ng bahay nang mapansin niya na may isang babaeng sing-edad niya ang lumabas mula sa loob ng taxi. Hindi niya napansin na may kasama pala ang Auntie niya.
"Julius, natatandaan mo pa ba siya?" tanong ni Auntie Marta pagkaabot ng bayad sa taxi driver.
Tinitigan lang ni Julius ang babaeng iyon na nakangiti sa kanya. Mukhang pamilyar ngunit hindi niya matandaan kung saan sila nagkita dati. Nilapitan siya ng babaeng iyon at tinapik siya sa balikat.
"Kumusta ka na, Yats? Ang laki mo na ah! At hindi ka na payatot ngayon di tulad nung bumisita ka sa amin dati," bati sa kanya ng babae. Namilog ang mata ni Julius sa pagkamangha nang makilala kung sino ang babaeng iyon.
"T-Tabs?? Ikaw na ba iyan??"
"Excuse me, Di na ako Tabs ngayon no!"
"Sarah? Ikaw na ba talaga iyan?"
"Oo! Ako nga."
"Wow! Grabe, ang ganda mo na ngayon,Tabs! Hindi na ikaw yung dating tabachoy na inaasar ko sa probinsya. Ang laki ng ipinagbago ng hitsura mo ngayon! Hindi kita nakilala!"
"Diyos Miyo Corazon! Magkamustahan ba dito sa ilalim ng tirik ng araw? Pwede bang pumasok na muna tayo sa loob?" sabat naman ni Auntie Marta. Isinukbit ni Julius sa likod niya ang bag ni Auntie Marta at saka dali-daling kinuha ang mga gamit ni Sarah.
"Salamat." bulong ng dalagita.
Si Sarah ang nag-iisang inaanak ni Auntie Marta. Anak ito ng pinakamatalik niyang kaibigan sa kolehiyo na ngayon ay naninirahan na sa Visayas.Minsan nang nagbakasyon doon si Auntie Marta kasama si Julius na noo'y anim na taong gulang pa lamang. Sa halos dalawang buwan na pananatili nila sa probinsya ay naging malapit sa isa't isa sina Julius at Sarah. At nang bumalik na muli dito sa Maynila sina Auntie Marta ay ngayon lang muling nagkita ang magkaibigan. Narito ngayon si Sarah upang magbakasyon din ng ilang buwan.
***********
"Romeo, sya nga pala si Sarah, naging kaibigan ko nung bata ako. Sarah, sya si Romeo, ang bestfriend ko," pagpapakilala ni Julius sa dalawa nang hapong iyon nang dumalaw si Romeo sa bahay nina Julius. Nagkamayan ang dalawa at nagkwentuhan sila tungkol sa kani-kanilang buhay. Naikwento ni Sarah na naging Valedictorian din siya nung elementary at ikinuwento rin nito ang mga pinagkakaabalahan niya sa probinsya. Nagkwento rin sina Romeo at Julius ng mga bagay-bagay tulad ng kung paano sila nagkakilala.
"Madalas din kami sa Tibagan. Magandang lugar iyon dito,Sarah. Presko ang hangin at maganda ang view na makikita mo doon," wika ni Romeo.
"At marami pang prutas na pwedeng kainin. Romeo,dalhin kaya natin si Sarah doon bukas? Gusto mo ba Sarah?" tanong ni Julius.
"Oo naman. Mukhang maganda nga doon. Gusto kong makita yung lugar na yon," sabik na sabik namang tugon ni Sarah.
Matapos nilang magkwentuhan ay naglaro sila ng scrabble, ungguy-ungguyan sa baraha, at nag-bingo na nakisali na rin si Auntie Marta. Hindi nila namalayan nang makita ang orasan na alas-nuwebe na pala ng gabi.
"Naku, di ko na pala napansin ang oras. Julius,Sarah, Auntie Marta, kailangan ko na pong umuwi. Salamat po, nag-enjoy ako sa laro natin," wika ni Romeo.
"Teka-teka, diba dito ka matutulog ngayong gabi?" tanong naman ni Julius.
"Pasensya na Julius. Sa ibang araw na lang, may lakad kasi kami ni Papa at Mama bukas. Maaga kaming pupunta sa sementeryo para dalawin ang puntod ni Kuya Romnick eh."
"Ganun ba? Sige, hahatid na lang kita."
"Sama ako." wika naman ni Sarah.
"Naku,naku, huwag na. Kaya ko na umuwing mag-isa. May bisikleta naman ako eh."
"Naku Anak, madilim ang daan, sige na,magpasama ka na lang kina Julius at Sarah," wika ni Auntie Marta.
"Pero Julius, hindi naman tayo kasyang tatlo sa bisikleta eh."
"Edi maglakad na lang tayo. Bitbitin mo na lang yung bisikleta mo habang naglalakad."
"Oh sige, tapos pagkarating natin sa bahay namin, pahiramin ko na lang muna kayo ng bike para mabilis na kayong makauwi."
"O sya,sya! Lumakad na kayo at gabi na. Baka maabutan pa kayo ng mga nagpapatrolyang mga tanod. Mag-iingat kayo ha. Julius, ingatan mo si Sarah ha. Mag-iingat kayo!"
"Opo." Sabay-sabay na tugon ng tatlo.
************
Habang tinatahak nila ang madilim na eskinita ay tawanan lang sila ng tawanan.
"Oh eto pa, may isa pa akong knock knock!" wika ni Romeo.
"Siguraduhin mong havey na yan Romeo ha! Napapahiya ka na kay Sarah."
"Naku hindi ah, kanina pa nga ako tawa ng tawa dyan sa kaibigan mo eh." wika ni Sarah.
"Okay, heto na...KNOCK KNOCK!"
"Who's there?" tanong nina Julius at Sarah.
"Isabaw mo sa kanin ang ihi ng kambing. Alamin mong sinaing sumindi at nag-in-in."
"Wow! grabe ha! Ang haba, sige..isabaw mo sa kanin blah blah blah blah...WHO!"
"(Rivermaya) ISABAW MO!! SA KANIN!! ANG IHI NG KAMBIIIIIIIING.....*LIWANAG SA DILIM!!... ALAMIN MONG!!! SINAING!!! SUMINDI AT NAG-IN-IIIIIIIN.....*LIWANAG SA DILIIIIIM!! wooohoohoo....wohooohooo..." kanta ni Romeo habang sila'y naglalakad at umaarte-arte pa na ginawang microphone ang isa niyang tsinelas. Napahagalpak naman na halos hinihika na ang dalawa sa katatawa.
"Hahaha! Havey yon,Romeo!" wika ni Julius.
"Havey na havey!" sang-ayon ni Sarah.
"Mukhang nagkakasiyahan tayo mga repapipz ah?" boses ng isang lalaki mula sa likod nila. Nang lingunin nila iyon ay nakita nila ang tatlong lalaking mukhang mga gangsters ang hitsura at ang isa ay may hawak pang sumpak. Namukhaan ni Julius ang tatlong iyon. Sila sina Giovanni, Bong at Dexter na dating nagtangkang agawin ang bisikleta ni Romeo doon sa plaza.
"Aba, teka, kilala ko kayo! Ikaw diba yung lalampa-lampang may-ari ng bisikleta?" tanong ni Bong.
"Oo,sya nga iyon. At yung isa naman yung pakialamerong nambato sa atin." wika naman ni Dexter.
"At may chix pala kayong kasama ngayon ha. Maganda sya, makinis." wika naman ni Giovanni. Humarap sina Romeo at Julius sa tatlong gangsters habang si Sarah ay nasa likod nila. Handa nilang ipagtanggol si Sarah anuman ang gawing masama ng tatlo.
"Kung ayaw nyong masaktan, ibigay nyo sa amin iyang babae nyong kasama." wika ni Giovanni sabay kasa ng hawak niyang sumpak.
"(pabulong) Romeo, sumakay na kayo ni Sarah sa bike at tumakas na kayo." wika ni Julius.
"Pero paano ka? Hindi mo sila kaya mag-isa."
"Julius,hindi ka namin pwedeng iwan dito ni Romeo." bulong naman ni Sarah.
"Huwag na kayong makulit! Tumakas na kayo! Kaya ko na ang sarili ko."
"Anong pinagbubulungan nyo dyan,ha? Ibibigay nyo ba sakin ang babae o sapilitan namin syang kukunin?!" wika ni Giovanni.
"T-Teka,Giovanni, bakit yung babae? diba ang usapan natin yung bisikleta ang kukunin natin?" tanong ni Bong.
"Gago ka ba? Sige nga, paano mo titirahin yung bisikleta? Sabihin mo?" tugon naman ni Dexter.
"H-Ha? Wala naman sa usapan yan ah! Hindi ko kaya ang gusto nyong mangyari! Kung pagnanakaw lang,kaya pa ng konsensya ko iyon, pero ibang usapan na iyan!" pagtutol naman ni Bong.
"Putang ina ka!! Bahag na ba ang buntot mo? Simula ngayon ayoko nang makita ang pagmumukha mo sa grupo ha! Alis!!!" galit na galit na wika ni Giovanni sabay tulak kay Bong.
"Eh tarantado ka pala eh!!" sigaw ni Bong sabay sapak sa mukha ni Giovanni kaya natumba ito.
"ROMEO,SARAH! TAKBO!!" sigaw ni Julius sabay kumaripas silang tatlo palayo sa mga gangsters. Nang lingunin muli ni Julius ang mga ito ay nakita niyang pinagtutulungang bugbugin nina Giovanni at Dexter si Bong. Kaya't binalikan niya ito.
"Romeo,Sarah, mauna na kayo! Susunod ako!" wika ni Julius sabay binalikan niya si Bong. Tinadyakan ni Julius si Giovanni sabay suntok sa sikmura kay Dexter kaya't nabuwal itong pareho. Inalalayan ni Julius si Bong na makatayo upang makatakbo ngunit huli na nang makabangong muli si Giovanni.
"Sarah, magtago ka muna dito. Babalikan ko lang si Julius,"wika ni Romeo.
"Mag-iingat kayo!" tugon naman ni Sarah na nanginginig na sa takot.
Dali-daling tinungo ni Romeo ang kinaroroonan nina Julius. Nakita nya habang akay-akay ni Julius si Bong ay biglang dinampot ni Giovanni ang sumpak at akmang babarilin nito si Julius nang biglang humarang si Bong. Isang putok ang umalingawngaw sa paligid kasabay ng pag-sambulat ng dugo sa likod ni Bong kung saan bumaon ang bala. Sa sobrang pagkataranta nina Giovanni at Dexter ay nabitiwan nito ang sumpak saka kumaripas ng takbo at tumakas.
Dali-daling nilapitan ni Romeo si Julius at inalalayan si Bong na wala nang malay habang duguan.
"Tulungan nyo kame!!!!" sigaw ni Romeo. Dinampot naman ni Julius ang sumpak at akmang hahabulin pa niya sina Giovanni nang biglang magsidatingan ang mga nagpapatrolyang pulis. Nilapitan ng mga pulis si Romeo at inakay si Bong na isinakay sa isang police car upang dalhin sa ospital. Dalawang pulis naman ang lumapit kay Julius at inagaw ang hawak nitong sumpak saka pinosasan. Pinasakay ng mga pulis na iyon si Julius sa isa pang police car. At nakita ni Julius na naroon din pala sa kotseng iyon sina Giovanni at Dexter.
"Sir, sya nga po!! Sya po yung nag-aamok kanina na may hawak na sumpak. Binaril nya po sir yung kasama namin!" wika ni Giovanni at Dexter.
"S-Sir!! Hindi po yun totoo!! Sila po ang bumaril sa kasama nila!! Maniwala po kayo,Sir!!" pagtatanggol ni sa sarili ni Julius.
"Sa presinto ka na totoy magpaliwanag! Hala! Sakay!" sigaw ng isang pulis.
**************
Pagdating sa presinto, naroong nakaupo sa bench sina Romeo at Sarah at hinihintay na matapos kunan ng statement ng mga pulis si Julius na naroon sa loob ng isang kwarto. Samantalang si Bong naman ay nadala na sa ospital ngunit sa kasamaang palad ay dead-on-arrival na ito. Sina Giovanni at Dexter naman ay pinauwi na sa kani-kanilang bahay matapos makunan ng statement at binaligtad nila ang mga pangyayari. Sinabi nila sa mga pulis na si Julius ang mismong bumaril kay Bong. Ilang saglit lang ay biglang nagsitayuan ang mga pulis at nagsalute sa isang lalaking dumating.
"Magandang gabi po, Mayor!" bati ng isang pulis.
Nang lingunin ni Romeo ay si Mayor Lito pala iyon na Ninong ni Kuya Romnick nya at kumpare ng Papa niya. Si Mayor Lito rin ang syang sponsor sa scholarship nya kung kaya't nakakapasok sya ngayon sa isang exclusive school.
"Romeo, mag-usap tayo." wika ni Mayor Lito sabay pasok sa isang pribadong kwarto ng presintong iyon. Iniwan niya saglit si Sarah at sinamahan sya ng isang pulis papasok sa kwarto. Pagkapasok sa loob ay naroong nakaupo na sa harap ng isang mesa si Mayor.
"Maupo ka."
Pagkaupo ni Romeo ay agad siyang nagsalita. "M-Mayor, tulungan nyo po ang kaibigan ko. Wala po siyang kasalanan! Napagbintangan lang po si - "
"Ssssshhhh!!!" wika ni Mayor kaya't di na natuloy ni Romeo ang sasabihin. "Makinig ka Romeo sa lahat ng sasabihin ko! Listen carefully! May gusto lang akong ipaalala sa iyo. Romeo,hindi ba't ako ang nagpapaaral sa iyo? Hindi ba't ako ang nagpalibing sa kuya mo? Hindi ba't ako ang gumagastos sa pagpapagamot ng Papa mo? Tama ba ako,Romeo?"
"O-Opo, Mayor."
"Ang laki-laki na ng nagagastos ko sa pamilya nyo,Romeo. Lahat iyon galing sa bulsa ko. At ginagawa ko iyon nang walang kapalit dahil kaibigan ko ang Papa mo. Pero hindi ibig sabihin nun na wala na kayong utang na loob sa akin. Tandaan mo ito,Romeo, malaki ang utang na loob nyo sa akin."
"H-Hindi ko po kayo maintindihan,Mayor."
"Pamangkin ko si Giovanni. Sinabi nya sa akin ang lahat kanina. Pero ayokong masira ang buhay ng pamangkin ko. Ikaw ang Star witness sa krimen,Romeo. Magsasampa ng kaso ang pamilya ni Bong laban kay Julius. Romeo,ayokong masira ang buhay ng pamangkin ko! At tandaan mo, malaki ang pagkakautang nyo sa akin!! Ipapadala ko sa espesyalista ang Papa mo,Romeo. Papakabitan ko sya ng artificial na paa nang sa gayon ay kahit papaano ay makalakad na siyang muli at makapagsimulang mamuhay ng normal. Milyon ang handa kong bitawang pera para sa Papa mo,Romeo. Ngayon,sino ang pipiliin mo? Ang Papa mo? o ang kaibigan mo?"
Samantala, naroon naman sa interrogation room si Julius at pilit na pinaaamin siya ng pulis na siya ang nagpaputok ng sumpak na pumatay kay Bong.
"Maniwala po kayo,Sir!!!!! Hindi po akin ang sumpak na iyan!!!" umiiyak na wika ni Julius habang naroong nagtatago sa ilalim ng lamesa. Puro pasa na ang mukha niya at braso dahil sa kakahataw ng batuta sa kanya ng pulis.
"Lumabas ka riyan!!" sigaw ng pulis saka hinablot ang braso ni Julius at hinila palabas mula sa ilalim ng mesa. Iniupo ng pulis si Julius sa isang monoblock at ipinatong ang kanang kamay ni Julius sa ibabaw ng mesa. Halos magmakaawa na si Julius dahil sa sobrang pasakit na tinatamo nya at pagtotorture sa kanya ng pulis. Nang mailapag na ng pulis ang kanang kamay ni Julius sa mesa ay dinukot ng pulis ang ilang mga bala ng baril mula sa bulsa niya. Nilagyan niya ng tig-iisang bala ng baril ang kada pagitan ng mga daliri ni Julius. Binunot ng pulis ang baril niya na nakasukbit sa tagiliran at isinubo ang dulo nito sa bunganga ni Julius. Saka pinisil ng mahigpit ang kanang kamay ni Julius na halos madurog ang mga buto sa daliri nito dahil sa mga bala na nasa mga pagitan. Hindi makasigaw sa sakit si Julius dahil halos nasa lalamunan na niya ang dulo ng baril. Naluluha na siya sa sobrang sakit at nagkikikisay siya habang nakaupo. Binitawan na ng pulis ang kamay niya at binunot na rin ang baril na nakabusal sa bibig ni Julius.
"AAMIN KA BA O HINDI?!!!" sigaw ng pulis. Hindi na makapagsalita pa si Julius dahil uubo-ubo ito at puro iling na lang ang tugon sa tanong ng pulis.
No comments:
Post a Comment