Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Sunday, May 17, 2015

STORY: ROMEO & JULIUS CHAPTER 2

Magandang gabi, narito po ako ngayon sa kahabaan ng National Road dito po sa Laguna kung saan isang taxi at isang bus ang nagsalpukan. Pasado alas-otso po ng gabi kanina nang maganap ang nasabing aksidente. Nang makapanayam namin ang driver ng bus,ayon dito ay malayo pa lang ay tanaw na niya ang pagewang-gewang na takbo ng taxi na kasalubong niya.Tinangka niyang iwasan ang nasabing taxi ngunit huli na nang sumalpok na ito sa harapan ng minamanehong bus. Wala naman pong naiulat na nasaktan sa 39 na pasahero ng bus maliban sa driver nito na nagtamo ng kaunting galos. Ngunit sa kasamaang palad ay nasa malubhang kalagayan ang driver ng taxi at patay ang batang lalaking pasahero nito. Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamumuno ni NBI agent Newton Santiago, kinilala ang driver ng taxi na si Roldan DelaCruz at ang anak nitong si Romnick Dela Cruz. Kapwa po sila dinala sa Laguna Medical Hospital kung kaya’t tinatawagan po ng pansin ang mga kamag-anak o kakilala ng mga biktima na makipag-ugnayan sa pulisya. Manatili po kayong nakasubaybay para sa iba pang nagbabagang balita.Ako po si Charlene Martinez, para sa The Anchor:Flash Report.”

“K-Kuya…” naluluhang sambit ni Romeo matapos mapanood sa TV ang balita. Naroon sya sa salas na naghihintay sa Papa at Kuya niya habang naroon sa kusina si Aling Cecille.


RRRING! RRRING! Tunog ng telepono. Agad iyong sinagot ni Julius.
“Hello, goodevening. Sino po ito?”
“Goodevening. This is Atty. Smith from Dubai International Builders Corporation. May I talk to Ms. Marta Legaspi?”
“Ok, Sir.” Wika ni Julius. Agad niyang tinawag si Auntie Marta para kausapin ang nasa linya ng telepono.Pagkaabot ni Julius ng telepono ay nanatili lang siyang naroon sapagkat pakiramdam niya’y tungkol sa Papa niya ang pakay ng Attorney na iyon.
“Hello, this is Marta Legaspi. What can I do for you,Sir?”
“Im Atty. Smith of DIBC, I have something to tell you about Engr. Efren Legaspi. Im sorry Madame, but…”

“Anak ko!!!” paghihinagpis ni Aling Cecille nang makita nya sa ospital ang walang buhay at duguang katawan ni Romnick.Habang naroon naman sa tabi niya si Romeo na hindi man lang makatingin sa bangkay ng kuya niya. Samantala, naroon naman sa operating room si Mang Roldan na lubhang nasugatan dahil sa pagkakaipit ng kanyang katawan sa loob ng taxi. Sa lakas kasi ng pagkakabunggo ng taxi sa bus ay nayupi ang unahan nito at di-inaasahang sa kanang bahagi mismo ng taxi bumangga ang bus kung saan doon mismong nakaupo si Romnick.

Natulala si Auntie Marta sa mga sinabi ng kausap.Pagkababa niya ng telepono ay humagulgol siya ng iyak.
“A-Auntie, bakit po? Ano pong sinabi ng attorney” nag-aalalang tanong ni Julius.
“Julius, w-wala na ang Papa mo. Wala na ang kapatid ko!” nanginginig ang boses ni Auntie Marta. “Naaksidente sa construction site ang Papa mo. Patay na ang Papa mo. Patay na ang kapatid ko!!!”

Kinaumagahan, matapos ang operasyon ni Mang Roldan, dinala na siya sa silid upang doon na magpagaling. Naroon si Aling Cecille at Romeo nang magising siya.
“R-Romnick!...N-Nasaan si Romnick?“ tanong ni Mang Roldan na halatang nanghihina pa rin ang katawan.
“Papa, hwag po muna kayong bumangon.” Pinipigilan ni Romeo ang Papa niyang nagpupumilit na bumangon sa pagkakahiga.
“Nasaan si Romnick? Nasaan ang anak ko?” nais niyang sumigaw ngunit sadyang mahina pa ang kanyang katawan.Humarap sa kanya si Aling Cecille at tinitigan ito sa mata.
“Patay na si Romnick! At dahil iyon sa kapabayaan mo!!!” sigaw ni Aling Cecille na pugto ang mga mata sa kaiiyak.
“H-Hindi yan totoo! Hahanapin ko ang anak ko! Hindi yan totoo!!” pinilit ni Mang Roldan na bumangon mula sa pagkakahiga. Inalis nya ang kumot na nakatakip sa kanya para bumaba siya sa higaan at laking gulat niya nang makitang putol ang magkabila nyang binti. Dahil sa malubhang pagkakaipit ng katawan ni Mang Roldan sa taxi ay nadurog ang mga tuhod nito. Wala nang nagawa pang paraan para isalba ang mga binti ni Mang Roldan kung kaya’t wala na silang nagawa kundi ang putulin ang mga ito. Nang Makita ito ni Mang Roldan ay tila nawala siya sa katinuan. Nagwala siya. Pinagbabato niya ang flowerbase, ang kanyang dextrose, at lahat nang kanyang mahawakan. Nagsisisigaw siya habang pinipigilan siya ni Romeo na humahagulgol na rin ng iyak. Biglang may dumating na mga nurse at tinurukan siya ng pampakalma kaya’t nakatulog din agad si Mang Roldan.



Isang lingo ang lumipas,dumating na ang mga labi ni Mang Efren galing sa Dubai. Ang gobyerno ang nag-asikaso upang maiuwi kaagad ito dito sa Pilipinas. Nang iabot ng isang executive ang sisidlan ng abo ni Mang Efren kay Auntie Marta, hindi na nito napigilan pang umiyak. Sa limang taong hindi nila pagkikita ng kapatid ay hindi niya inaasahang magiging ganito ang tagpo ng muli nilang pagkikita.Naroon lang sa tabi niya si Julius na tahimik lang at walang imik.
Ang araw ding iyon ang araw ng libing ni Romnick. Naroon sa sementeryo ang lahat ng mga kamag-aral, guro, kaibigan at mga kakilala ng kanilang pamilya. Nakikiramay ang lahat at lubhang nanghihinayang sa sinapit ng matalinong bata. Naroon din si Mayor Lito na siyang sumagot sa lahat ng gastos sa pagpapalibing sa kanyang inaanak. Wala pa ring tigil sa pagtangis si Aling Cecille. Gayundin si Romeo na lubhang nalulungkot dahil sa pagkawala ng kaisa-isang kapatid niya at itinuturing na pinakamatalik ding kaibigan. Samantala, hindi naman dumalo sa libing si Mang Roldan. Nagpaiwan siya sa bahay at naroon lang syang walang tigil sa pag-inom ng alak. Lubos niyang sinisisi ang sarili sa nangyari.

Tatlong taon ang lumipas matapos ang aksidente, naging isang malaking dagok sa pamilya ni Romeo ang pagkawala ng kuya niya. Nalango sa alak si Mang Roldan. Sa bawat. Sa bawat araw na nagdaan ay wala siyang ginawa kundi ang magpakalasing. Naging malamig na sa pakikitungo sa kanyang asawa si Aling Cecille. Lalo na nang malamang dahil sa pagmamaneho ng lasing kung kaya’t nangyari ang aksidente. Naging balisa naman si Romeo. Lubha siyang nangulila sa pagkawala ng kuya niya. Lagi na siyang nag-iisa. Naglaho na ang saya sa loob ng kanilang tahanan.
Isang araw, naisipan ni Romeo na magkusa na siyang gumawa ng paraan para manumbalik ang saya sa pamilya niya. Alam niyang hindi iyon madali ngunit gusto pa rin nyang subukan. Gumising siya ng maaga at sya na mismo ang naghanda ng almusal na pagsasaluhan nilang tatlo ng Mama at Papa niya. Nang maiayos na ang lahat sa mesa ay saktong pagbaba ni Aling Cecille sa hagdan.
“Goodmorning,Mama!” nakangiting bati ni Romeo. “ Kain na po tayo. Gising na po ba si Papa?”
Nagulat si Aling Cecille sa ginawa ni Romeo. Bumalik sa alaala niya si Romnick. Ugali na ng magkapatid ang maghanda ng almusal sa tuwing birthday nilang mag-asawa o kaya’y wedding anniversary.
“Hindi ako dito kakain. Male-late na ako.” Mahinang tugon ni Aling Cecille. Pagkakuha niya ng gamit niya sa ibabaw ng computer table ay dirediretso na siyang lumabas ng bahay. Biglang napawi ang mga ngiti sa mukha ni Romeo. Pero naisipan niyang hindi dapat siya sumuko. Kaya’t naghanda siya ng pagkain para dalhin sa Papa niya.
Dala-dala ang isang tray na pinaglalagyan ng mga pagkain, naratnan ni Romeo ang Papa niya sa bakuran habang nagsisimula na namang mag-inom.
“Pa, itigil nyo na po muna iyan. Kumain nap o muna kayo.”
“Lumayo ka sa akin.” Mahinang tugon ni Mang Roldan sabay lagok ng alak.
“Pero Papa ,wala pa pong laman iyang tiyan ninyo. Kumain na po muna kayo,Pa.”
“Sinabi ko nang LUMAYO KA SA’KIN!!!!” sigaw ni Mang Roldan.Binalibag niya ang hawak na tray ni Romeo kaya’t natapon ang dala niyang pagkain. “Umalis ka sa harapan ko!!”
Umiiyak na tumakbo papasok ng bahay si Romeo. Labis siyang nasaktan sa ginawang iyon ng Papa niya. Naisip niyang kung noong buhay pa ang kuya niya’y hindi na siya matanggap nito, ngayon pa kayang wala na ito.



Kinagabihan, kakauwi lang ni Auntie Marta galing trabaho.Pagkapasok niya ng bahay ay nakita niya si Julius na umiiyak sa harapan ng altar yakap-yakap ang porselanang sisidlan ng abo ng Papa niya. Halos maluha siya sa nakitang labis na kalungkutan ng kanyang pamangkin. Nilapitan niya iyon at niyakap.
“Auntie, ang tagal ko pong inasam na mayakap ulit si Papa. Pero kahit kalian ay hindi na po iyon mangyayari.” Umiiyak na wika ni Julius.
“Julius, ipinapangako ko sa iyo, hinding-hindi kita pababayaan.Ako ang tatayong ama at ina sa iyo. Itataguyod ko ang pag-aaral mo. Pangako ko iyan.” Lumuluhang wika ni Auntie Marta.Naisip ni Julius na ngayong wala na ang Papa niya, wala na siyang ibang makakasama sa buhay kundi ang Auntie na lamang niya. Kaya’t ipinangako rin niyang mamahalin nya ang Auntie nya higit pa bilang sariling ina.




Nang gabing iyon, naroong nakaupo si Romeo sa labas ng kanilang bahay sa hagdan sa tapat ng pintuan.
Syang pagdating naman ni Aling Cecille galing trabaho. Nang Makita nya si Romeo ay naupo siya sa tabi nito.
“Namimiss mo ang kuya mo?” tanong ni Aling Cecille. Tahimik lang at hindi sumagot si Romeo. Kusang bumagsak ang luha sa mga mata ni Romeo. “Ako rin naman eh, namimiss ko na ang kuya mo.”
“Hindi lang naman po si Kuya ang namimiss ko eh. Pati kayo rin ni Papa. Pakiramdam ko, hindi lang si kuya ang nawala. Pati rin Kayo.”
“Anak…” naluluhang tugon ni Aling Cecille.
“Ma, nandito pa po ako. Pero bakit sa pagkawala ni Kuya, parang namatay na rin ako para sa inyo?” biglang humagulgol ng iyak si Romeo.
“Patawarin mo ako,Anak. Patawarin mo ako.” Niyakap ni Aling Cecille si Romeo ng mahigpit. Naisip nyang napakalaki ng nagging pagkukulang nya kay Romeo. “Hayaan mo anak, babawi ako. Magsisimula tayong muli. Magsisimuli tayong buuin ulit ang pamilya natin.” Matapos non ay inakay nya si Romeo sa loob ng bahay at dumiretso sa kusina. Magkatulong nilang inayos ang lamesa at naghanda ng hapunan. Syang pagdating naman ni Mang Roldan.
“Pa, gising ka na pala. Nakahanda na ang hapunan. Kain na tayo. Romeo,ipagsandok mo ang Papa mo.”wika ni Aling Cecille.
“Hindi ako baldado! Kaya ko ang sarili ko!” sigaw ni Mang Roldan. Pinilit nyang lumipat sa upuan mula sa wheelchair. Kakain na sana sila nang may mapansin si Mang Roldan.
“Bakit kulang ng isang plato?!”
“Pa, tatlo na lang po tayo.” Wika ni Romeo.
“Magdagdag pa kayo ng isa!! Paano kung dumating si Romnick? Siguradong gutom na ang anak ko!” sigaw ni Mang Roldan.
“Pa, wala na si Romnick.” Malumanay na wika ni Aling Cecille.
“PAG SINABI KONG DARATING ANG ANAK KO, DARATING ANG ANAK KO!!! Mga wala kayong kwenta!!” sigaw ni Mang Roldan sabay bato ng platong nasa harapan niya. Bumaba siya sa upuan at sumakay muli sa wheelchair at lumabas ng bahay.Labis na nasaktan si Aling Cecille at Romeo sa inasal ni Mang Roldan ngunit kailangan nila itong intindihin.

“Pa, kailangan nating mag-usap.” Mahinang wika ni Aling Cecille. Naroon si Mang Roldan sa bakuran at muli na namang nag-iinom. Hindi sya pinansin ng asawa at nagpatuloy lang sa pagtungga ng alak. Di na sya nakatiis kaya’t inagaw niya ang bote at binasag iyon sa harapan niya. “Roldan,tumigil ka na!!!”
“Pabayaan mo ako Cecille!! Wala na ang anak ko!! Wala na akong silbi!!”
“Alam kong masakit tanggapin ang nangyari! Parehas lang tayong namatayan ng anak! Hindi lang ikaw ang nawalan! Pilitin mo namang magpakatatag! Dahil hindi lang ikaw ang nahihirapan! Ako ang ina!! Higit pa ang sakit na nararamdaman ko sa sakit na pinagdaraanan mo ngayon!!” lumuluhang wika ni Aling Cecille.Matapos non ay pumasok na siya sa loob. Naiwan si Mang Roldan na biglang humagulgol ng iyak. Hindi pa rin niya matanggap na wala na ang pinakamamahal nyang anak.

Kinaumagahan, naisipan ni Romeo na mag-ikot-ikot dala ang bisikleta ng kuya nya. Nagpunta siya sa plaza. Hindi pa siya marunong magbisikleta kaya doon sya nag-aral kung paano ito paandarin. Maya-maya ay tatlong binatilyo ang lumapit sa kanya.
“Hoy! Astig yang bike mo ah!” wika ni Bong.
“Mukhang di ka pa marunong ah. Akina nga at ipapakita ko sayo paano yan paandarin!”Wika naman ni Giovanni sabay agaw ng bike kay Romeo. Sumakay ito sa bike at pinaandar. Paikot-ikot sya sa plaza habang habol naman ng habol sa kanya si Romeo. Samantalang tawa naman ng tawa yung dalawa pa niyang kasama.
“Ibalik mo sakin yan!! Sa kuya ko yan!!” sigaw ni Romeo.Hinabol niya si Giovanni ngunit hindi niya ito maabutan.Paikot-ikot sila sa basketball court na iyon habang habol nang habol si Romeo.Habang tawa nang tawa sa isang gilid sina Dexter at Bong, nagulat sila nang may tumamang maliit na bato sa kanila.
“Aray!” sigaw ni Dexter at Bong. Maya-maya ay isang bato rin ang tumama sa mukha ni Giovanni kaya’t sumemplang siya.
“Ibalik nyo yang bisikletang yan sa may-ari!!” boses mula sa likod ng isang puno. Maya-maya ay isang binatilyo ang lumabas mula doon.
“Hoy!! Huwag kang makikialam dito kung ayaw mong ikaw ang pagtripan namin!!” sigaw ni Giovanni. Lumapit sa kanya ang binatilyo at walang sabi-sabing sinapak ito sa mukha. Natumba si Giovanni kaya’t kinuha ng binatilyo ang bike at ibinigay kay Romeo.
“Sige na, umalis ka na!” wika ng binatilyo kay Romeo. Hinawakan ni Romeo ang manibela ng bike at dali-daling tumakbo at nagtago. Dahil sa ginawang iyon ng binatilyo ay pinagtulungan syang bugbugin ng tatlo. Walang magawa si Romeo kundi pagmasdan habang binubugbog ng tatlo ang binatilyong tumulong sa kanya.Ilang saglit ay lumitaw ang isang aso at hinabol ang tatlong gangsters. Naiwan ang binatilyong nakasalampak sa sahig. Dali-daling nilapitan ni Romeo ang binatilyo at inakay papunta sa gilid ng puno.
“Patawarin mo ako. Ikaw tuloy ang binugbog ng mga salbaheng iyon.” Wika ni Romeo. “Ayos ka lang ba?”
“Ayos lang ako.Ikaw? Hindi ka ba sinaktan ng mga iyon? Hindi ba nila sinira ang bisikleta mo?”
“Hindi naman nila ako sinaktan. At hindi naman nasira ang bisikleta.” Nakita ni Romeo ang nagdurugong labi ng binatilyo kaya’t kinuha nya ang panyo niya sa bulsa at pinunasan iyon. “Ikaw naman kasi, dapat hindi mo na lang sila pinatulan.”
“Tama lang naman ang ginawa ko. Mga salbahe kasi sila.”
“Salamat sayo ha!” wika ni Romeo.
“Sus! Wala yun!”
“Ako nga pala si Romeo.”
“Ako naman si Julius.” Sagot ng binatilyo.Nagkamayan silang dalawa at ipinagpatuloy ni Romeo ang pagpahid ng panyo sa mga sugat ni Julius. Maya-maya ay bumalik na ang asong nagtanggol sa kanila..
“Eto nga pala si Poy, ang alaga kong aso.Mabait yan.”
“Poy? Ang galing naman ng aso mo,nagawa ka nyang ipagtanggol kanina.
“Oo nga eh.Salamat sa iyo Poy. The Best ka talaga!”wika ni Julius sabay haplos sa ulo ng aso.



“Mabuti na lang at hindi ka sinaktan ng mga salbaheng iyon.” Wika ni Aling Cecille nang ikwento ni Romeo ang nangyari kanina. Nasa hapagkainan silang mag-ina habang kumakain ng hapunan.
“Kaya nga po eh. Pero dahil po sa nangyaring iyon, nagpapasalamat pa rin ako dahil nagkaroon ako ng bagong kaibigan.”wika ni Romeo.
“Sabihin mo sa kaibigan mong iyon na nagpapasalamat din ako sa kanya.Minsan dalhin mo sya dito at ipagluluto ko kayo ng merienda.”
“Opo Mama, sasabihin ko sa kanya bukas. Magkikita po kasi kami ulit para turuan nya akong magbisikleta.”
“Ganoon ba? Mabuti iyon para hindi ka na palaging nakakulong dito sa bahay. Nariyan naman si Aling Nora na tumitingin kay Papa mo. Basta mag-iingat lang kayo ha.”
“Opo, Mama.”





“Mano po, Auntie.” Wika ni Julius at nagmano kay Auntie Marta nang dumating ito galing trabaho.
“Kaawaan ka ng Diyos. T-Teka, Julius, gabi na bakit naka-sunglass ka pa?”
“P-Po? Ah…eh….namumula po kasi ang mata ko. Napuwing kanina.”
“Ha? Tingnan ko nga at baka maimpeksyon yan.”
“HUWAG! Ah, eh…Auntie wag na po…ayos lang naman po ako…mawawala rin po ito bukas. Sige po, akyat na po ako. Goodnight po.” Dali-daling pumasok si Julius sa kwarto niya.Ngunit kinaumagahan, nang pagpasok ni Auntie Marta sa kwarto ni Julius para kunin ang mga labahin nito ay napansin niya ang mukha ni Julius. May pasa iyon sa mata. Kaya pala naka-sunglass sya kagabi. Pagkagising ni Julius ay kinausap sya ni Auntie Marta. Ipinagtapat ni Julius na nakipag-away siay kahapon at ikinuwento ang lahat ng nangyari.
“Ganoon ba? O sige, pagbibigyan kita dahil nasa tama naman ang ginawa mo.Pero sana huwag na ulit itong mangyayari ha.”
“Opo, Auntie.”tugon ni Julius. “Pero Auntie, ayos lang po ba kung makipagkita ako mamaya kay Romeo?
“Oo naman,bakit hindi? Basta lumayo lang kayo sa disgrasya.”
“Salamat po, Auntie!!” tuwang tuwang wika ni Julius. Ang akala niya’y pagbabawalan na siyang makipagkita ulit kay Romeo. Masayang-masaya siya ngayon dahil sa unang pagkakataon ay nagkaroon siya ng kaibigan.

Nang hapon ding iyon ay nagkita ngang muli ang magkaibigang Romeo at Julius sa plaza.
“Akala ko hindi ka na darating eh.”wika ni Julius na naunang dumating.
“Pasensya na ha.Inasikaso ko pa kasi ang Papa ko bago ako pumunta dito eh.Aba teka,kasama mo pala si Poy.Magaling na ba ang sugat mo?
“Okay lang,Romeo. Hindi naman masakit eh. Ano? Simulan naba natin magbisikleta?”
“Oo. Basta aalalayan mo muna ako ha.”
“Oo naman. Promise ko sayo,uuwi ka sa inyo mamaya na kaya mo nang paandarin iyan ng mag-isa.
Sinimulan na ngang turuan ni Julius si Romeo habang si Poy naman ay naroon lang nakamasid sa kanila. Sa una ay todo alalay pa si Julius kay Romeo habang binabalanse ang bisikleta.Natutumba-tumba sa umpisa si Romeo at sumesemplang pero hindi sya umaayaw. Makalipas ang tatlong oras, laking-tuwa nila nang dumirederetso ang andar ng bisikleta.Nagawa nang ibalanse ni Romeo ang takbo nito.Tuloy-tuloy lang sya ng pedal.
“Julius,tingnan mo ako!! Kaya ko na!! Yahooo!!!”
“Hahaha! Sige lang Romeo! Huwag kang hihinto!”
At sa oras ding iyon ay natuto nga si Romeo.Nagpahinga muna sila sa gilid ng isang puno doon sa plaza.
“Hiningal ako sa iyo Romeo!”wika ni Julius na hinihingal habang hinihimas ang ulo ni Poy. “Pero ayos lang naman dahil natupad ko ang pangako ko sayo. Madali ka naman palang matuto eh.”
“Salamat sa iyo,Julius. Magaling ka rin naman kasing magturo eh.” Napansin ni Romeo na pinagpapawisan si Julius kaya’t iniabot nya rito ang dala niyang towel. “O ayan, gamitin mo muna. Pawis na pawis ka na. Mamaya,ililibre ko kayo ni Poy ng merienda.”
“Talaga? Sige, kung nagkataon ikaw pa lang ang unang manlilibre sa akin.”
“Ganun ba? Ngayon lang rin ako unang manlilibre eh. Kasi si Kuya ang palaging taya kapag magkasama kami.”
“Meron kang kuya?”
“Oo,Julius,si Kuya Romnick.”
“Ganoon ba? Bakit hindi ka sa kanya nagpaturo magbisikleta?”
“Wala na siya,Julius. Namatay sa aksidente ang kuya ko.” Napansin ni Julius na biglang lumungkot ang mga mata ni Romeo.Nagulat na lamang siya nang mapansin ang pumatak na luha mula dito. Kaya’t inakbayan nya si Romeo.
“Huwag ka nang malungkot. Kung nasaan man ang kuya mo ngayon, siguradong nasa mabuti na siyang kalagayan. At siguradong Masaya na siya at nakabantay lang sayo. At sa Mama at Papa mo.”wika ni Julius para pagaanin ang loob ng kaibigan. Dahil doo’y inakbayan na rin siya ni Romeo.
“Kung nandito lang sana si Kuya, tatlo sana tayong masayang narito.”
“Oo nga eh. Edi sana apat na kaming ililibre mo.”
“Ay, oo nga pala! Haha! Nalimutan ko agad. Halika na nga,merienda na tayo. Sana bagong luto yung panindang turon dun sa tindahan ni Aling Bining.
Matapos nilang magmerienda, “Romeo, kailangan ko nang umuwi.”
“Ha? Sige, pero maglalakad lang ba kayo ni Poy?”
“Malapit lang naman eh. Nakikita mo ba ang tore ng simbahan na iyon? Sa likod nun ang bahay namin.”
“Aah, malapit nga lang. Kung marunong lang sana akong mag-angkas.”
“Gusto mo ba samahan mo muna akong pauwi? Iaangkas muna kita. Si Poy naman eh susunod na lang yan sa atin.”
“Sige ba! Para malaman ko na ri n kung saan ka nakatira.Tutal kaya ko na rin namang mag-isa pauwi eh.”
“Okay!” sumakay na si Julius at nakaangkas naman sa likod nya si Romeo.
“Romeo, kumapit ka sa akin ha.” Wika ni Julius. Kumapit ng mahigpit si Romeo kay Julius. Nakapalibot ang magkabila niyang braso sa bewang ni Julius. “Poy, sumunod ka sa amin ha!” matapos ay pumedal na ng pumedal si Julius.Nakipagkarerahan sila kay Poy.
Nang matulin na ang takbo ng bisikleta, may naisip si Julius.
“Romeo, pagkabilang kong tatlo, dahan-dahan mong itaas ang dalawang kamay mo ha!”
“Ha? Nakakatakot.Baka sumemplang tayo.”
“Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala.”
“O sige na nga.”
“Okay, ready ka na ha. Isa…dalawa…TATLO!!!” magkasabay na itinaas nila ang kanilang kamay.
“WOOOOH!!!” sigaw nilang dalawa. Kahit nakabitiw sa manibela si Julius ay nabablanse pa rin niya ang bike.Ang araw na iyon ay naging napakasaya sa kanilang magkaibigan.Hanggang sa makarating na sila sa bahay ni Julius.
“Oh, Paano, Romeo mag-iingat ka pauwi ha.”wika ni Julius.
“Oo naman.Salamat sa iyo Julius ha.”
“Walang ano man iyon. Gusto mo bang magkita ulit tayo bukas? Wala ka bang gagawin sa inyo? May ipapakita sana akong lugar sa iyo eh.”
“O sige, Hapon ulit ha. Magkita ulit tayo sa plaza. Hintayin mo ako.”
“Sige, mag-iingat ka ulit.”matapos non ay umalis na si Romeo. Sa sandaling magkasama sila ni Julius ay napapawi ang pangungulila niya sa kuya niya.


Kinabukasan nga ay nagkitang muli ang magkaibigan. Dinala ni Julius si Romeo sa sikretong lugar na kanyang pinupuntahan; sa Tibagan.
“Wow! Ang ganda dito,Julius! Akala ko nalibot na namin ni Kuya ang buong San Jose pero hindi namin alam na may ganitong kagandang lugar pa pala na nakatago dito.”pagkamangha ni Romeo. Tahimik ang buong paligid. Napakapresko ng hangin. Napakaraming puno at napakapayapa rin sa lugar na iyon. Lalo siyang namangha nang dalhin siya ni Julius sa ilog doon sa gilid ng creek. Sa gilid ng ilog ay may maliit na sirang kubo. Pero maayos naman ang bubong niyon na yari sa dahon ng puno ng niyog.
“Madalas ako dito. Mag-isa lang akong pumupunta dito para magpalipas ng oras. Pero nung dumating na si Poy,kami nang dalawa ang palaging magkasama. Kapag inaabutan kami ng ulan,dito sa kubong ito kami sumisilong hanggang sa tumila.”wika ni Julius.
“Sayang, sana pala bumili tayo ng pagkain. Parang ang sarap ditong magpicnic.”
“Di na kailangan. Tumingin ka sa paligid,napakaraming pagkain. Lahat ng puno na narito eh ang daming bunga. May saging, papaya, guyabano, santol, at kung ano-ano pa.”
“Aba oo nga! Mukhang ang sasarap ng mga prutas. Pero baka naman magalit yung may-ari ng mga pananim na iyan.”
“Huwag kang mag-alala. Kilala ako ni Mang Kiko na may-ari ng mga iyan. Sabi nya sa akin na huwag akong mahihiyang kumuha ng mga bunga sa tuwing pupunta ako dito. Kesa naman daw kasi magkandalaglag lang at mabulok. Kaya,halika, manguha tayo.”
Agad agad na namitas ng mga prutas ang dalawa. Kinain nila ang mga iyon doon sa kubo.
“Ang sarap! Ang tagal ko nang hindi nakakakain ng papaya eh.”wika ni Romeo.
“Sabi ko sayo eh.” Sagot ni Julius matapos nilang kumain. Maya-maya ay humikab siya. “Teka, bigla akong inantok,andami nating nakain. Hehe. Matulog muna tayo saglit.”
“ O sige, parang inaantok na rin ako eh.”sagot ni Romeo. Matapos non ay humiga siya sa papag na naroon. Hinubad ni Julius ang damit niyang pang-itaas at humiga sa tabi ni Romeo. Nakatulog silang dalawa na magkatabi. Nakapatong ang ulo ni Julius sa kanyang dalawang kamay samantalang si Romeo ay nakakibit balikat lang habang ginawang unan ang braso ni Julius.
Halos dalawang oras din silang nakaidlip doon nang biglang magring ang cellphone ni Julius. Agad-agad niyang sinagot iyon. Tinawagan siya ni Auntie Marta para sabihing bukas na ito makakauwi ng hapon.
“Ganoon ba?Edi wala ka palang kasama sa bahay nyo ngayon.”
“Oo, pero sanay naman ako eh. Madalas naman talagang wala sa bahay si Auntie Marta ko. Pero ayos lang naman dahil nagtatrabaho kasi siya eh.”
“Gusto mo bang sa bahay na lang matulog ngayon? Tutal gusto ka na rin namang makilala ni Mama eh.”
“S-Sige. Kung okay lang sa parents mo.”
“Talaga? Yes!! Siguradong matutuwa si Mama. Ano? Tara na! Punta na tayo sa bahay.” Nagbihis agad si Julius ng damit at excited na sumama kay Romeo pauwi.







“Ayos naman pala dito sa bahay nyo eh. Napaka-organized.”
“Oo, ayaw kasi ni Mama ng magulo. Mahilig si Mama sa figurine kaya kung mapapansin mo halos lahat ng sulok ang daming mga decorations na figurine.Halika sa taas, ipapakita ko sa iyo ang kwarto ko.” Pumanhik sila sa itaas at pumasok sa kwarto.
“Ayos dito sa kwarto mo ah. Ang ganda rin ng view sa bintana. Puro puno at presko ang hangin.”
“Sa kabilang kwarto naman yung kay Kuya. Kaso bakante na iyon dahil tinago na lahat ang mga gamit ni Kuya.”
“Ito ba ang kuya mo?” tanong ni Julius habang hawak ang picture frame na may larawang masayang magkaakbay si Romeo at si Romnick habang nakatoga at suot ang kani-kanilang mga medals.
“Oo,yan nga si Kuya. Iyan ang pinakahuling litrato naming magkasama.”sagot ni Romeo. Napansin ni Julius na biglang lumungkot ang mukha ni Romeo kaya iniba niya ang usapan.
“Ang laki naman ng unan na iyan sa ibabaw ng higaan mo.”
“Ah,oo! Binili yan sakin ni Kuya. Kasi alam niya na gustong-gusto kong may kayakap kapag natutulog kaya imbes na tumabi ako sa kanya sa kwarto niya,binilhan na lang niya ako ng ganyang unan.”
“Nasaan pala ang Papa mo?”
“Halika, dito sa kabila ang kwarto nina Mama at Papa.”Pumasok sila sa kabilang kwarto at nadatnan nilang mahimbing na natutulog doon si Mang Roldan.
“Siya si Papa. At nakikita mo ngayon ang naging epekto ng nangyaring aksidente. Naputol ang magkabilang binti ni Papa.”
“Naka-wheelchair pala siya. Paano siya nakakababa at nakakaakyat sa hagdan?”
“Merong pinagawa si Mama na daanan para kay Papa. Nakikita mo ba iyong patag na daan na iyon pababa? Paglabas niyan ay ang kusina. Diyan dumadaan si Papa kaya hindi na niya problema kung sakaling siya lang ang tao dito sa bahay. Teka,halika sa kusina, merienda muna tayo.”



Pagkarating nila sa kusina ay kumain sila doon ng pancake na niluto ni Aling Nora matapos magbantay kay Mang Roldan. Habang kumakain ay siya namang dating ni Aling Cecille.
“Mama, nariyan na po pala kayo.”lumapit si Romeo kay Aling Cecille at nagmano sabay kuha sa dala-dalang mga pinamili ng Mama niya. ”Ma, sya nga po pala si Julius.Iyong kinukwento ko sa inyong kaibigan ko”
“Magandang Hapon po.”nakangiting bati ni Julius.
“Magandang hapon din.Ikaw pala ang kaibigan ni Romeo. Julius pala ang pangalan mo. Kapangalan mo ang….ang….anak ng kumare ko.”wika ni Aling Cecille na tila natigilan. “B-Bueno, mabuti naman at napadalaw ka.”
“Opo nga eh, ngayon lang po ako nakadalaw dito sa inyo.”
“Ma, maari po bang dito na muna matulog si Julius? Wala po kasi yung Auntie nya mamaya at wala syang makakasama sa bahay nila.”
“Ganoon ba? OO naman,bakit hindi.”
“Salamat po.” Wika ni Julius.
“Sa kuwarto ko na lang po sya matutulog mamaya.”
“Sige, ikaw ang bahala.”tugon ni Aling Cecille.“O siya, pwede nyo ba akong tulungan magluto nitong hapunan natin?”
“Opo!” sabay na sambit ng dalawa.
Nagtulong ang dalawa sa pagluluto ng hapunan. Nagsaing ng kanin si Aling Cecille habang naghihiwa naman ng mga sangkap sina Romeo at Julius. Di-sinasadyang natapunan ni Romeo ng ketsup ang damit ni Julius.
“Ay! Sorry. Hindi ko sinasadya.”
“Anong hindi sinasadya? Paganti ako. Eto sayo!” pinahiran naman ni Julius ng ketsup ang mukha ni Romeo. At tawanan sila ng tawanan habang naghaharutan.
“Oh, tama na iyan. Ang dudumi nyo na. Malapit nang maluto ito. Maglinis na kayo ng katawan. Anak, pahiramin mo na muna ng damit si Julius.”
“Opo,Mama. Tara na nga! Ikaw kasi eh.”
“Anong ako? Ikaw kaya. Yan tuloy, mukha ka nang clown! Hahaha!” natatawang sagot ni Julius.
Umakyat sila sa itaas at naglinis ng katawan.
“Oh,Julius, suutin mo muna iyan. Damit yan ni Kuya. Napasama sa mga gamit ko. Hiramin mo muna.”
“Salamat.” Pagkabihis nila ay bumalik agad sila sa kusina para maghapunan. Habang masayang kumakain ay siya namang pagdating ni Mang Roldan mula sa pathway sa kusina galing sa kwarto nilang mag-asawa sa itaas.
“Pa, gising na po pala kayo.Kain na po.” alok ni Romeo.
“Magandang gabi po, Mang Roldan.” Nakangiting bati ni Julius.
Nabigla si Mang Roldan. Napatitig siya kay Julius na nakangiti sa kanya.Napansin ni Aling Cecille ang reaksyong iyon ni Mang Roldan hanggang unti-unting mamuo ang luha sa magkabila niyang mata.Pinaikot ni Mang Roldan ang gulong ng wheelchair at pinaandar palapit kay Julius. Hanggang sa biglang niyakap niya si Julius ng mahigpit at napahagulgol ng iyak
“R-Romnick!! Anak ko!!” palahaw niya. Labis iyong ikinagulat nilang lahat. Napagkamalan ni Mang Roldan na si Julius ay si Romnick.”Cecille, sabi ko sayo uuwi si Romnick eh! Tama ako hindi ba? Hindi ako iniwan ng anak ko!”
“M-Mang Roldan, nagkakamali po kayo.” Sambit ni Julius.
“Anak, salamat at umuwi ka na. Saan ka ba nagpunta? Ang tagal kong naghintay sa iyo. Pihadong gutom na gutom ka. Kumain ka lang ng kumain ha. Sasabayan kita. Cecille, ikuha mo ako ng plato at sasabayan kong kumain ang anak ko.Magsandok ka pa ng kanin at ulam.”
Naluluha si Aling Cecille sa inasal na iyon ng asawa. Hindi niya malaman kung dapat ba siyang mag-alala dahil sa maling akala nito o dapat ba siyang matuwa dahil sa biglaang pagbabalik ng sigla ng asawa niya.
Sabik na sabik na nagsandok ng pagkain si Mang Roldan at masayang kumain habang nakatitig kay Julius.
“Napakasaya ko ngayon dahil narito ka na muli, Romnick. Heto oh, kumain ka pa ng marami. Magpakabusog ka ha.”wika ni Mang Roldan. Nakatingin lang si Romeo sa kanila hanggang di na siya nakatiis at…
“Papa, sya po si Julius. Hindi po siya si…”
“Romeo, hayaan mo na.”biglang wika ni Aling Cecille kaya’t hindi na niya naituloy ang sasabihin.
“Pero Mama, nagkakamali po si Papa.”
“Pagmasdan mo ang Papa mo.Hindi ka ba Masaya na makitang Masaya na sya ulit? Hayaan na muna natin ang Papa mo. Malay mo sa ganitong paraan ay muling manumbalik ang lakas at sigla niya.Sa ganitong paraan natin mabibigyan ng panibagong pag-asa ang Papa mo para bumangon muli. Hayaan mo, ako na ang kakausap kay Julius.”
“Opo,Mama. Kung sa tulong po ni Julius ay gagaling na si Papa,sang-ayon po ako sa inyo.”

Matapos kumain ay magkasamang nakaupo sa sala si Julius at Mang Roldan habang ipinapakita ni Mang Roldan isa-isa ang mga pictures nila ni Romnick. Ikinukwento ang bawat masasayang pangyayari sa kada litrato. Habang Masaya naman nakikinig si Julius. Nakamasid naman sa kanila si Romeo at Aling Cecille na naroon sa kusina.
Hanggang sa mapansin ni Mang Roldan na lumalalim na ang gabi.
“Teka, gabi na pala. Bukas na lang natin ipagpatuloy ang kwentuhan natin, anak. Kailangan mo nang magpahinga.”
“Opo. Salamat po.”tugon ni Julius.
“Sige na, magpasama ka na kay Romeo at matulog na kayo.”
Tiningnan ni Julius si Romeo na naroon nakamasid sa kanila at kanya itong kinindatan. Nilapitan sya ni Romeo at sabay na silang umakyat sa kwarto.
Habang nililigpit ni Mang Roldan ang mga litrato ay nilapitan sya ni Aling Cecille.
“Pa, magpahinga ka na. Ako na ang magliligpit ng mga iyan.”
“O siya sige, ikaw na ang bahala diyan.Haay…sabi ko sayo eh. Uuwi si Romnick.” nakangiting wika ni Mang Roldan. Pinaandar na niya ang wheelchair at dumiretso sa kusina. Maya-maya ay lumabas siya dala-dala ang apat na bote ng alak.
“R-Roldan??” sambit ni Aling Cecille.
“Huwag kang mag-alala. Hindi na ako iinom. Itapon mo na ang mga iyan. Hindi ko na iyan kailangan. Narito na ang anak ko eh. Sya lang ang kailangan ko at wala nang iba.” Masayang tugon ni Mang Roldan sabay abot ng mga alak kay Aling Cecille. Pumanhik na siya agad sa itaas upang magpahinga. Naluluha si Aling Cecille sa tuwa dahil sa pagbabago ng asawa niya.



“Oh,bakit ka naglalatag diyan sa sahig?” tanong ni Julius kay Romeo habang naroon na sila sa kwarto.
“Dito na lang ako matutulog. Ikaw na lang diyan sa kama ko.”
“Ha? Huwag na. Ako na lang diyan. Nakakahiya naman sa iyo eh.”
“Ano ka ba? Huwag ka nang mahiya. Bisita kita eh. Ayos lang ako dito.”
“O sige, para mas ayos, tabi na lang tayo. Oh, eto yung unan mong napakalaki. Ito lang naman ang nagpapasikip eh. Lagay mo muna dyan sa lapag. O, diba? Maluwag naman eh. Dito ka na lang.” pagpupumilit ni Julius.
“Hahaha! Ang kulit mo! Sige na nga.” Humiga na si Romeo sa tabi ni Julius at pinatay na niya ang lampshade. Nang dumilim na ang buong kwarto ay tumambad sa kanila ang kumukutikutitap na mga alitaptap na nagliliparan sa buong kwarto. Tila mumunting mga bituin sa langit.
“Wow!!!” mangha ni Julius.
“Ang ganda diba? Gabi-gabing mayroong mga ganyan dito sa kwarto ko.Tuwing lulubog ang buwan,kusa na silang dumarating. At kusa na rin silang nawawala kapag sumisikat na ang araw.”
“Ang galing! Para silang mga patay-sinding Christmas lights.Nakakatuwa.”
“Julius, salamat ha.” Bulong ni Romeo.
“Salamat? Salamat saan?”
“Salamat kasi ngayon ko lang ulit nakitang Masaya ang Papa ko.”
“Ah,wala iyon. Siguro napagkamalan akong si Kuya Romnick mo dahil dito sa damit nya na suot ko.” Tugon ni Julius.”Mahal na mahal talaga ng Papa mo ang kuya mo no?”
“Oo, kaya nga nang mawala si Kuya, parang gumuho na ang mundo nya.Pero nang Makita ka niya, bigla siyang sumaya ulit.”
“Napansin ko nga rin eh. Romeo, kung okay lang sayo at sa Mama mo, pwede bang magstay muna ako dito habang wala pa si Auntie? Kasi matatagalan pa pala uwi niya. Habang nandito ako, pwede akong magpanggap muna na si Kuya Romnick mo hanggang sa tuluyan nang gumaling si Papa mo.”
“Naku Julius, okay lang! Yun din nga sana ang ipapakiusap sa iyo ni Mama eh. “
“Ganoon ba? Edi habang nandito ako eh ako muna ang pansamantalang kuya mo.” Nakangiting wika ni Julius.
“OO naman. Salamat Julius ha. Sana tuluyan na ngang gumaling si Papa.”
“Ako ang bahala dun. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para lumakas na muli si Mang Roldan.Pero may isa lang sana akong hiling sayo.”

Ano iyon?”
“Pwde bang dito na rin muna si Poy? Wala kasi siyang makakasama doon sa bahay eh.”
“Sus! Yun lang naman pala eh. Ayos lang yun kay Mama.”
“Salamat.”
“Wala iyon. Sige na. matulog na tayo.”
“Goodnight,Romeo.”
“Goodnight din……Kuya!”nakangiting tugon ni Romeo.
Kinaumagahan,nagising si Julius nang matamaan ng sikat ng araw ang mukha niya mula sa bintana. Pagmulat ng mata niya ay nagulat siya nang makitang nakayakap sa kanya si Romeo. Nangiti na lang siya nang maisip na baka napagkamalan siyang unan. Maingat niyang iniangat ang kanang braso at ang ulo ni Romeo na nakapatong sa kanyang dibdib at balikat. Bumangon siya sa higaan at lumabas,dumiretso sa kusina para uminom ng tubig. Nadatnan nya doon si Mang Roldan na abalang naghahanda ng almusal. Pagkakita sa kanya ay agad-agad siyang nilpitan nito at pinaupo sa hapagkainan. Pinagsilbihan siya ni Mang Roldan na halatang sabik na sabik sa kanyang anak.
Lumipas ang dalawang taon,napakaraming naganap sa magkaibigang Romeo at Julius. Sa kabila ng muling pagbabalik ng sigla ni Mang Roldan sa tulong ni Julius, di-inaasahang unti-unting nanghina pa rin ang katawan nito sanhi ng komplikasyon sa baga dahil sa pagkalango sa alak noong mga nagdaang taon bago pa dumating si Julius sa pamilya nila. Bumigay ang katawan ni Mang Roldan hanggang sa di na nito kinaya pa. Lubhang nasaktan si Romeo sa nangyari. Gayundin si Aling Cecille sa pagkamatay ng pinakamamahal na asawa. Maging si Julius ay nangulila rin dahil napalapit na rin ang loob niya kay Mang Roldan. Tanging kay Mang Roldan lamang niya naramdaman ang pag-aaruga,pagmamahal at pagkalinga ng isang ama na ni minsan ay hindi niya naranasan sa tatay niya.
Samantala, nadestino naman sa malayong probinsya si Auntie Marta kaya’t tuluyan nang nag-isa si Julius. Si Poy naman ay natagpuan na ng tunay nyang amo. Wala nang nagawa si Julius kundi ang ipaubaya na si Poy sa tunay na nagmamay-ari sa kanya. Sa kabila ng lahat ng nangyari kina Romeo at Julius ay naging mas matatag pa rin ang kanilang pagkakaibigan. Nahulog ang loob nila sa isa’t isa bilang matalik na magkaibigan. Hanggang sa kapwa sila tumuntong sa kolehiyo.

No comments:

Post a Comment