Ngunit hindi na niya ako sinagot pa.
“Duktor! Duktorrrrrrrr!” ang pagsisigaw ko. Halos
puputok na ang aking baga at lalamunan sa tindi ng aking pagsisigaw.
Dali-daling pumasok ang mga duktor at pilit nilang
ni-revive ang paghinga ng itay. Ilang beses din nila itong binigyan ng electric
shock ngunit wala na talagang palatandaan na buhay pa ang itay.
“I’m sorry…” ang sambit ng duktor sabay muestra sa
mga nurse na ipalabas na lang ang bangkay ng itay at dalhin ito sa kanilang
morgue.
Ang sakit. Sobra. Iyon bang nakikita mo ang iyong magulang
na wala nang buhay, hindi ka na naririnig, hindi na nakakagalaw. Mistulang
isang bagay na lamang siya na walang saysay. At ang sakit na naramdamn ko ay hindi
lang dahil sa pagkawala niya at ng inay kundi nadagdagan pa ito sa iniwang
pagbubunyag tungkol sa tunay kong pagkatao. Para bang hayun, nawala na nga
sila, nag-iwan pa sa akin ng masakit na katotohanang itinatago nila sa akin sa
napakahabang panahon. Parang lumabas na pinaglaruan lang nila ang buhay ko.
Parang wala silang pakialam sa aking damdamin. Parang isang aso lang ako na
inalagaan, walang pakiramdam at walang pakialam kung saan ang kanyang pinagmulan.
Halos hindi ako maaawat sa pag-iiyak sa harap ng
labi ng aking itay, naghalo ang aking naramdaman: lungkot sa kanyang pagkawala at
ang sama ng loob.
“Kam… huminahon ka. Lakasan mo ang iyong loob.”
sambit ni Noah sabay yakap sa akin at tinapik-tapik pa ang aking likod.
“Ang sakit Noah. Parang hindi ko kaya. Bakit
napakabigat nitong ibinigay na pagsubok sa buhay ko?”
Tahimik lang si Noah. Patuloy lang niya akong
niyakap, pinakinggan ang aking paghikbi. Marahil ay dahil hindi naman niya
talaga alam ang kasagutan sa tanong ko. At sino ba ang nakakaalam sa sagot? Wala.
Maya-maya, bumitiw si Noah sa pagyakap sa akin. “Heto,
uminum ka muna ng tubig” sabay abot naman niya sa akin sa mineral water na
hawak-hawak niya.
Humihikbi pa rin ako habang tinanggap ko ang
mineral water na iniabot niya. Ngunit hinawakan ko lang ito. Wala akong ganang
uminum.
“G-gusto mo bang puntahan ang inay mo sa punerarya?
Malapit lang dito iyon, Kam…” ang mungkahe naman ni Noah.
Tila lalo namang tumindi ang aking naramdaman sa
mungkahe niyang iyon. Sumagi kasi sa isip na hindi lang pala itay ko ang
namatay, pati rin pala ang aking kinikilalang inay na sobrang napamahal na sa
akin. “S-sige Kam. Gusto kong makita ang labi ng inay.”
Nagpunta kami ni Noah sa punerarya. Hindi kalayuan
ito sa ospital at dahil kabisado ni Noah ang lugar, wala pang bente minutos ay
narating na namin ito.
Noong nasa loob na kami ng punerarya, nagulat naman
ako sa nakita. Tatlong kabaong ang nakahilera sa gitna ng kapilya sa paanan ng
altar. At may isang lalaking nakatayo nakatingin sa isang kabaong.
Kabisadong-kabisado ko ang tindig at pangangatawan
ng taong iyon. Si kuya Andrei.
At sa pagkakita ko sa kanya ay biglang gumapang naman
ang matinding galit sa aking katawan. Feeling ko tuloy ay sinadyang ibato sa
akin ng tadhana ang lahat na kamalasan ng buong sanlibutan sa pagkakataong
iyon. Parang hindi pa sapat na namatayan ako, hindi pa sapat na may nalalalaman
akong masakit na katotohanan. Dinagdagan pa ito ng pagpapaalala sa akin sa
taong siyang dahilan ng lahat.
Dali-dali akong lumapit sa altar kung saan naroon
ang mga kabaong upang hanapin kung saan sa tatlong iyon naroon ang inay.
Nakabuntot sa akin si Noah, una kong sinilip ang kabaong na nasa isang gilid
kung saan ay naroon din si kuya Andrei at nakatayo. Parang wala lang akong
nakitang ibang tao sa harap ng kabaong na iyon. Kahit malaking tao si kuya
Andrei, binangga ko pa siya dahil nakaharang siya sa ulunan ng kabaong kung
saan naroon ang salamin. Wala akong pakialam sa kanya. Ramdam ko, tiningnan
niya ako at si Noah. Ngunit hindi ko siya pinansin.
Noong sinilip ko na ang nasa loob, ito nga ang
aking inay. At tuluyan ko nang pinakawalan ang matinding sama n gloob na aking
dinadala. “Inayyyyyyyy! Inaaaaaaayyyyyy! Bakit mo po ako iniwan inaaaayyyyy!
Wala na po ang itay iniwan na ako!!! Pati ba naman ikaw? Sino na lang ang
mag-alaga sa akin inay? Sino na lang ang uuwian ko sa ating bahay inaaayyyy!!!”
Nasa ganoon ako ka hysterical noong naramdaman kong
may yumakap sa akin. “L-lakasan mo ang loob mo… malalampasan din natin ang
lahat ng ito.” sambit niya.
Bigla akong nahinto sa aking pag-iyak. Kilala ko
ang boses na iyon. Tiningnan ko siya. Si kuya Andrei. Siya pala ang yumakap sa
akin.
Galit na galit akong kumalas sa kanyang pagkayakap.
At, “P****ng ina mooooo!!!” ang sigaw ko. “Kung hindi dahil sa iyo, hindi sana mangyayari
ang lahat nang ito! Ikaw ang pumatay sa mga magulang ko!!! Pinatay mo
silaaaaaaaa!!!” ang sigaw ko sa
“Tol… alam mong hindi totoo iyan. Walang taong may
gustong mangyari iyan…” sagot niya.
“Sinungaling! Kung hindi mo sila pinasakay sa
pesteng military na sasakyan niyo, hindi sana sila ma-ambush! At bakit hindi
ikaw ang nag-drive para sana ay ikaw ang ratratin ng mga rebelde at ikaw lang
ang mamatay! Ngayon, tingnan mo??? Sila na walang mga kamuwang-muwang sa
p**ang-inang giyera na iyan ang namatay at ikaw itong buhay na siyang may
kasalanan ng lahat! Masaya ka ba??? Masaya ka na ba???!!!”
“Sa sinabi ko na tol… hindi ko sinadya ang lahat at
walang sino man ang may gustong mangyari ang lahat. Isipin mo… ang mga magulang
ko ay kasama rin nilang namatay. Sila ang nasa loob ng dalawang kabaong sa tabi
ng inay mo.”
Bigla rin akong natahimik sa pagkarinig ko sa
sinabi niya. Hindi ko kasi akalain na pati pala ang mga magulang niya ay
nadale. Noon ko naalala na ang balak ng mga magulang niya ay dumayo muna sa
aming bahay ng mga ilang araw pagkatapos ng kasal.
Hindi na lang ako nagsalita pa. Mistulang nabusalan
ang aking bibig sa aking narinig. Ibinaling ko na lang muli ang aking paningin
sa kabaong ng aking inay at ipinagpatuloy ang aking pag-iyak.
Maya-maya, nilapitan ko ang kabaong ng kanyang mga
magulang. Sinilip ko ang kanilang mga kabaong.
Matagal ko nang hindi nakita ang mga magulang ni
kuya Andrei. Ngunit kahit hindi ko na sila nakikita, maraming mga magagandang
ala-ala ang naiwan nila sa aking puso. Parang isang malakas na agos ng ng ilog
ang mga ala-alang nanumbalik sa aking isipan sa pagkakita ko sa kanyang mga
magulang, lalo na ang kanyang inay na sobrang napakabait sa akin. Naalala ko pa
ang mga insidente kung saan kapag nag-aaway kami ni kuya Andrei at kahit ako
ang may kasalanan, si kuya Andrei pa rin ang pinapagalitan niya. “Bakit mo na
naman inaaway iyang si Alvin? Ang tanda-tanda mo na, pinapatulan mo pa rin
iyang bata? Bunso mo iyan kaya dapat imbes na awayin mo, alagaan mo! Mahalin
mo!”
At kapag ganoong tinatalakan na niya si kuya
Andrei, ako naman ay magtatago sa ilalim ng papag at habang tinitingnan si kuya
Andrei na tila asong nakatago ang buntot sa ilalim ng tiyan, lihim naman akong
maglupasay sa pagtatawa sa kanya, aasarin sa pamamagitan ng pagmumuwestra at
pagmi-make face.
Kadalasan din binibigyan niya ako ng kung anu-ano,
kagaya ng pagkain, pera, laruan at sasabihin sa akin, “O, itago mo iyan ha?
Huwag mong ipakita sa kuya Andrei mo baka aagawin iyan sa iyo.” tapos ngingiti
siya na para bang sasabihing “Sikreto lang natin iyan ha?” Nakakatuwa lang. At
noong nasa malaking syudad na sila, at nakabalik na si kuya Andrei sa amin at
nagkaroon na ng contact ang mga pamilya namin, palagi niya na akong kinakausap
sa telepono, ang sabi, nasasabik na raw siyang makita ako, sila ng itay ni kuya
Andrei. At ang alam ko pa nga, ang isang dahilan ng pagsama nilang iyon sa
aking mga magulang sa aming bahay ay upang makita raw nila ako dahil gusto na
nga raw nila akong makita.
Muli na naman akong napaiyak. Ramdam ko kasi ang
pagmamahal din nila sa akin. At hindi man lang kami nagkita habang buhay pa
sila. Pitong taong gulang pa lang ako nung huli ko silang nakita at nakasama.
Tanging alaala na lamang ang naiwan nila sa akin.
Ako na ang nagdesisyon na dalhin ang apat na
bangkay sa aming bahay sa probinsya namin. Ang palagi kasing sinasabi ng inay
ni kuya Andrei sa akin kapag kinakausap ako sa telepono ay babalik sila sa
probinsya upang doon na manirahan, upang hindi na raw maghiwalay pa ang aming
mga pamilya. “Hindi sa malaking syudad ang buhay na para sa amin, Alvin. Kaya babalik
kami sa probinsya, doon na manirahan upang magkasama-sama tayo – tayo ng mga
magulang mo at pati na ng kuya Andrei mo. At gusto rin namin na kung darating
na ang panahon para sa amin, doon na rin ang aming huling himlayan...”
Nagkataong patapos na rin ang semester noon kung
kaya nagrequest na lang ako ng special test sa finals. Pinayagan naman ako.
Malayo kasi ang probinsya ko sa unibersidad na aking pinapasukan. Walang mga
kamag-anak ang mga pamilya namin ni kuya Andrei kung kaya ay kailangan nandoon
ako upang siyang magsupervise sa lahat ng mga kailangan, pag-estima sa mga
bisita at mga nakiramay. At syempre, naroon din si kuya Andrei. Nag leave siya
ng sampung araw.
Sa mga araw na nagkasama kami ni kuya Andrei sa
bahay at sa pag-estima sa mga taong dumalo sa gabi-gabing lamay, pinilit kong
huwag siyang kausapin. Para lang kaming hindi magkakilala. Nasisigawan ko kasi
siya kapag lumalapit sa akin o di kaya ay nakikipag-usap. Mainit na mainit ang
dugo ko sa kanya. Hindi pa kasi tanggap ng aking isip na wala siyang kinalaman
sa pagkamatay ng mga magulang namin. Siya ang sinisisi ng aking isip na siyang
dahilan ng lahat.
Pati sa bayaran sa funeral services ay nakipaghati
rin ako. Pinadalhan kasi ako ng pera ni Brix. At si Noah ang nagsibing runner
ko kapag may mga kailangang bilhin, kailangang kuntakin. Kapag pumalag si kuya
Andrei sa mga plano ko, hindi ko siya pinapansin o kaya ay binubulyawan ko.
Kaya ang lahat ng nasusunod ay plano ko. Minsan sinasabi niya kay Noah ang
suggestion niya. Ngunit kapag nalaman kong galing sa kanya ang ideya, sadyang
hindi ko susundin ito, kahit maganda pa iyong mungkahi niya.
Minsan nalilito ang mga taong involved sa
preparasyon sa lamay at libing. Pati ang funeral services ay hindi malaman ang
gagawin.
“Bakit ba hindi mo sinunod ang mungkahi kong lugar
para sa kanilang nitso? Mapamahiin ang mga magulang natin, tol… ayaw nila ang
lugar na pinili mo para sa kanila?” paninisi sa akin ni kuya Andrei isang
beses.
“Bakit, gumising ba sila at nag-usap-usap kayo kung
saan nila mas gustong magpatayo ng nitso? Kagabi ba kayo nag meeting? Bakit
hindi ako kasali? Sinolo mo na naman sila?” ang pabalang kong sagot.
“Tol… patay na ang mga magulang natin. I-respeto
naman natin ang mga pamahiin nila.”
“Oo nga. Patay na sila. At namatay sila nang dahil
sa iyo! Kaya wala kang karapatang magdesisyon kung saang banda ko ipapagawa ang
kanilang nitso! Kung gusto mo, ikaw ang ilibing ko sa lugar na gusto mong pagawan
ng nitso. Ano? Gusto mo?”
Kaya dahil walang matinong sagot ang nakukuha niya
sa akin, hindi na niya ako pinapatulan. Pati si Noah ay hindi na rin umiimik.
Marahil ay inintindi na lang din niya ang kalagayan ko.
Gabi bago ang nakatakdang araw ng libing, biglang
pumasok si kuya Andrei sa aking kuwarto. Hindi ko kasi ito nai-lock at siguro,
alam niyang hindi ko siya bubuksan kung kaya ay dumeretso na siya. “Tol…
mag-usap tayo” ang sambit niya habang kampanteng naupo sa silya paharap sa
aking kama kung saan naman ako nakahiga, nagpahinga dahil sa pagod sa
pag-asikaso sa mga taong dumalo sa lamay.
“Bakit ka pumasok dito?!” ang galit at pasigaw kong
tanong.
“Mag-usap tayo.” ang matigas din niyang tugon.
“Bakit? Anong pag-uusapan natin?”
“Marami… importante.”
“Dalian mo! Magpahinga pa ako. Marami pa akong
aasikasuhin.”
“Ngayong wala na ang mga magulang natin, magresign
na ako sa pagiging sundalo ko. G-gusto kong ako na ang tatayong guardian mo,
mag-aalaga sa iyo, i-focus ang lahat ng oras ko para sa mga pangangailangan mo…”
“Mag-aalaga???” ang sarkastiko kong sagot. Parang
gusto kong humalakhak. “Ano ako, lampa? Hindi makatayo? Bulag? Bata? Anong
akala mo sa akin? Insulto ba yan?”
“Tayong dalawa na lang ang naiwan at nag-aaral ka
pa.”
“Malaki na ako, Capt Andrei. At may Brix na ako sa
buhay ko. Kayang-kaya kong tumayong mag-isa at kung may problema man,
kayang-kaya akong alagaan ni Brix. Hindi ko kailangan ang pag-aalaga mo.”
“Hindi mo kapamilya si Brix!” ang tila tumaas
niyang boses sa pagkarinig sa pangalan ni Brix.
“At bakit ikaw, kapamilya ba kita?”
“Oo…” ang maiksi niyang sagot.
“Ang kapal mo!”
“Ang ating mga magulang, bagamat hindi sila tunay
na magkadugo, kapamilya na ang turing nila sa bawa’t isa. Pangarap nilang huwag
maghiwalay ang ating mga pamilya, pangarap nilang mabubuo tayo, magdugtong ang ating dugo at lahi. At kahit
huli na, alam kong masaya pa rin sila ngayon dahil magkasama sila. Alam ko,
ganoon din ang pangarap nila para sa atin… ang magdugtong ang ating buhay.”
“Sandali, gusto ko lang i-klaro…” sambit kong lalo
pang tumaas ang boses. Parang may pumitik kasi sa aking tenga sa sinabi niyang
iyon at ang lahat ng dugo ko sa katawan ay nagsiakyatan sa aking ulo. “Paanong
mabuo ang ating buhay? Iyon ba iyong planong magpakasal ka sa babae, at ako ay
ganoon din, at kapag nagkaanak na tayo ng babae at lalaki, i-arrange natin ang
pag-iisang dibdib nila? Ganoon ba? Paano ito matupad kung ikaw mismo… tinuruan
mo akong maging isang bakla?!!! Tinuruan mo akong mahalin ka! Paano ito
matutupad? Paano???!!!”
Hindi siya nakasagot.
“Sinira mo ang buhay ko! Sinira mo ang pangarap ng
ating mga magulang!!! Ikaw ang sumira ng lahat!!!” dugtong ko pang paninisi.
“Gusto kong bumawi sa mga pagkukulang ko sa iyo.”
“Hindi ka na makakabawi!”
“Nakapagdesisyon na akong magresign sa pagiging
sundalo.”
“Wala akong pakialam!”
“M-may pakialam ka dahil…”
“Dahil???”
“Dahil hindi natuloy ang pagpapakasal namin ni Ella.”
Mistulang may humataw sa aking ulo ng isang matigas
na bagay sa aking narinig, hindi lubos maisalarawan ang tunay na naramdaman.
Parang may tuwa sa aking puso. Ngunit noong nai-connect ko naman ang pagkamatay
ng mga magulang ko dahil sa pagdalo nila sa kasal niya, na hindi naman pala
natuloy, bigla ring nanumbalik ang poot ko. “Owww? Bad news! Sayang. Bagay na
bagay pa naman kayo. Demonya siya, ikaw naman ay demonyo. Manloloko siya, ikaw
naman ay uto-uto. Sarap ngang pag-umpugin ng mga ulo ninyo eh. Naturingan pa
namang mga sundalo kayo! Kaya siguro hanggang ngayon ay hindi pa matapos-tapos
iyang gulo at gyera ninyo sa Mindanao dahil puro kayo mga pulpol! Anong feeling
mo ngayon? Malungkot ka dahil hindi natuloy ang kasal ninyo?”
Ngunit hindi siya natinag sa pang-aasar ko. Bagkus
binitiwan niya ang isang hilaw na ngiti. “Ang taray mo pa rin talaga no? Kahit
noong bata ka pa, ganyan ka rin. Palagi mo akong inaasar, sinusumbong sa inay…”
“Hindi ako nagbibiro! At kung iyan lang ang
sasabihin mo, umalis ka na!”
Natahimik siya sandali. maya-maya, nagpatuloy siya.
“Sa gabing bago ang araw ng aming kasal sana ni Ella ay may kumausap sa akin na
isang lalaki. Siya raw ang tunay na ama ng batang nasa sinapupunan ni Ella.
Nakipagkita ako sa kanya. At sa pag-uusap naming iyon ay ibinunyag niya sa akin
ang lahat nang sama ng loob niya sa dating girlfriend at sa kanyang mga
kasinungalingan. kaya noong nabuo na ang isip kong hindi na ituloy ang kasal, nag-insist
na ang inay at itay mo na umuwi na lang. May mga alagang hayop pa raw kasi
silang pakakainin. Ang mga magulang ko naman ay atat na atat nang makita ang
probinsya natin. At dahil wala silang masakyan sa umagang iyon kung kaya iyong
service namin dito ang ipinagamit ko. Alam mo bang dadaanan ka sana nila sa
dorm na tinutuluyan mo bago sila dideretso sa probinsiya natin? Gusto ka na
ring makita ng mga magulang ko. Sabik na sabik na sila sa iyo. Tanong nang
tanong sila sa akin kung bakit hindi ka dumalo sa kasal ko sana.”
Hindi mo sinabing dahil nasusuka ako sa pagmumukha
ninyong dalawa? Na kapag dumalo ako, baka mabaril ko pa kayo dahil ang tingin
ko sa inyo ay mga demonyo???”
Hindi pa rin niya ako pinatulan. “S-sorry sa lahat.
N-nagsisi ako kung bakit pa naniwala ako sa kuwento ni Ella. Tunay din nga
naman na siya ang sumagip sa buhay ko noong na-ambush at na-hostage pa kami ng
mga kalaban. Hindi ko akalaing may masamang intensyon siya sa akin. Pero di ba…
ayaw ko naman talaga siyang pakasalan? Ikaw ang nagtulak sa akin na pakasalan
siya.”
“Tanga! At ako na ngayon ang may kasalanan?!”
“Hindi naman. Ako ang nagdesisyon kaya pananagutan
ko ang lahat.”
“Kaya pati mga magulang natin ay nadamay sa palpak
mong desisyon!”
Natahimik siya.
“Ang itay… bago siya binawian ng buhay, nasabi niya
sa akin na hindi sila ang tunay kong mga magulang. alam mo ba ito?” ang bigla
kong pasingit noong naalala ko ang huling sinabi ng itay bago ito malagutan ng
hininga.
Kitang-kita ko sa kanyang mukha ang pagkabigla.
Napatitig siya sa akin. Hindi nakasagot.
“Alam mo baaaa???!!!” ang bulyaw ko.
Napabuntong-hininga siya at may pag-aalangang tumango.
At sa pagkakita ko sa kanyang pagtango, mistulang
nagdilim ang aking paligid sa sobrang galit. Mabilis akong bumalikwas ng kama
at sinugod siya sa kanyang inuupuan, Hinablot ko ang kanyang buhok at
pinagsasampal siya.
Hindi naman siya pumalag. Hindi umilag. Hindi
umimik, hindi nagreklamo. Parang isa lang siyang alipin na nakapikit ang mata
at hinayaang saktan siya ng kanyang amo.
At dahil sa pananakit ko, pulang-pula ang kanyang
mukha sa walang humpay kong pagsasampal at paghambalos ng kamao ko sa kanya pisngi.
“Matagal mo na bang alam ito??? Matagal na
ba???!!!”
Muli siyang tumango.
“Arrrrggggghhhh!” Sigaw ko. At lalo ko pang
nilakasan ang pagsasampal at pagsusuntok sa kanyang mukha. “Pinaglalaruan ninyo
ang buhay ko! Ginawa ninyo akong tanga! P**tang-inaaaa!!!” Ang sigaw ko. Parang nawawala ako sa tamang katinuan sa
ginagawa kong pananakit sa kanya habang nanatili lang siya sa kanyang pagkaupo,
inilantad lang ang sarili upang gawin kong punching bag.
Hanggang sa tila napagod na ako sa aking ginagawa
at napaupo, humagulgol sa harap niya. Noong ibinaling ko ang aking paningnin sa
kanyang mukha, pulang-pula ito, at kitang-kita ko ang dugo na dumadaloy sa
kanyang bibig at ilong. Wala pa rin siyang imik. Parang gusto kong maawa sa
kanyang kalagayan. Ngunit naalipin pa rin ako sa matinding galit.
“P-patawarin mo ako tol… hindi ko intensyon na saktan
ka.” ang halos pabulong niyang sabi.
“Sino ang mga magulang ko? Sino???”
Hindi siya nakasagot agad. tila humuhugot ng lakas
upang ilahad sa akin gang katotohanan. At maya-maya lang ay nagsalita siya. “A-ang
itay at inay ko. S-sila ang tunay mong mga magulang.”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking
narining. Parang biglang umikot ang buong paligid. “P-paano nangyari???”
“Ang inay mo, si Nanay Pacita ay hindi na puwedeng
magkaanak. Inoperahan daw ito sa matris dahil sa isang tumor. Naawa ang aking
mga magulang sa kanila dahil gustong-gusto nilang magkaroon ng anak. At ang
ipinalangin pa naman nilang anak sana ay isang… babae upang ipareha daw sa akin
at magiging kabiyak ko paglaki ko. Ngunit hindi sila pinagbigyan ng tadhan. Kung
kaya upang hindi na malungkot ang mag-asawa, noong isinilang ka ng aking inay
na si Nanay Aurea, napagkasunduan nila ng itay na ipa-adopt ka sa kanila… kay
Tatay Berto at Nanay Pacita na naging mga magulang mo. At dahil mag-best friend
naman sila at naipangakong hindi maghiwalay, kung kaya ay madaling nangyari ang
pag adopt nila.”
“M-magkapatid tayo?”
“O-oo… bunsong kapatid kita.”
Mistula akong lumutang sa kawalan sa ibinunyag ni
kuya Andrei. Iyong bang gulong-gulo ang isip na parang nasa gitna ako ng
kawalan at ang mga tanong sa isip ay, “Nasaan ba ako? Sino ako? Bakit ako
narito? Paano ako napunta rito? Saan ba ako nanggaling?” Litong-lito ang aking
isip at parang mas lalo pang dumarami ang katanungan.
“…kaya gusto nilang magdugtong ang ating mga lahi.”
“M-agkapatid tayo pero gusto nilang kapag nagkaanak
tayo ng babae at lalaki ay ipapakasal natin? Puwede ba iyon? Puwede bang ikasal
ang magpinsan?”
“P-puwede naman daw. Kasi, hindi tayo legal na
magkapatid. Iba ang apilyedo mo sa apilyedo ko. Sabi pa nila na sa ibang bansa
nga raw, kagaya ng mga bansang Arabo, kumon naman daw ang magpinsan na
mag-asawa. Sa datung Egypt nga, ang ibang pharaoh nila ang inaasawa ay ang
kanilang mga kapatid na babae.”
“Iba naman iyong sa kanila eh. Nag-asawa ang magkapatid
upang ang kaharian nila ay hindi mahati. At tanggap iyon ng lipunan nila.”
“Ke ano pa man ang dahilan, magkapatid sila. At
bakit lipunan ba ang magdedesisyon sa pag-ibig mo? Kapag sinabi ba ng lipunan
na ganito lang dapat ang ibigin mo, automatic na mag-aadjust na kaagad ang puso
mo at sundin ang sinabi ng lipunan?”
Hindi na ako nakakibo. Tama nga rin naman siya.
Ngunit hindi ko pa rin talaga lubos maintindihan at matanggap ang mga nalalaman
ko. Parang hindi kapani-paniwala. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung ganyan
ba talaga sila ka desperadong ipagdugtong ang aming mga pamilya. “Ikaw… alam
mong magkapatid tayo. Bakit mo ginawa sa akin ang ganoon? Bakit mo ako tinuruan
sa mga bagay na mag-asawa lamang ang maaaring gumawa?” ang naitanong ko na
lang. Mistulang nahimasmasan na ako sa matinding galit ko sa kanya bagamat ang
nangingibabaw naman sa aking isip ay ang matinding pagkalito sa nalamang ang
tunay kong mga magulang ay ang mga magulang niya at magkapatid kami.
“Ewan. Mahal kita eh. Minsan ay hindi ko naramdaman
na kapatid kita. Mas nangingibabaw ang pagmamahal ko sa iyo bilang isang…
k-kasintahan.” Natahimik siya nang sandali. yumuko. Tapos noong ibinaling sa
akin ang kanyang tinngin, ang mga mata ay nakakaawa. Naroon pa rin ang dugo sa
kanyang bibig at ilong. Bahagya nang huminto ang pagdaloy ng dugo. “Ikaw? Kuya
at kapatid lang ba talaga ang pagtingin mo sa akin?” Tanong niya.
Hindi ako nakasagot. Hindi ko na kasi
nadi-distinguish ang kaibahan sa pakiramdam ng pagiging tunay na kapatid at
pagiging isang kasintahan. Sa buong buhay ko, siya lang ang kinikilala kong
kuya. At simula noong itinuro niya sa akin ang mga bagay na iyon, nakaukit na
sa aking isip na ang ginawa niyang iyon sa akin ay bahagi lamang ng pagiging
kuya niya. Sa utak ko ay nakatatak ang ginawa niyang ito sa akin, tinanggap na
katotohanan na ang mag-kuya at magkasintahan ay iisa. Na bilang isang kuya ko,
siya ang nagpo-protekta sa akin, nagmamahal, nag-aalaga, at nakikipagtalik…
Iyon ang tanging alam ng utak at sistema ko. At hinahanap-hanap ko na ito.
Pero noon iyon; noong musmos pa lamang ako, walang
kamuwang-muwang, inosente sa mga kalakaran sa mundo. Sa pagkakataong iyon na alam
ko na ang lahat, ang isip at konsyensya ko na ang nagsasabing isang malaking
pagkakamali ang ginawa naming iyon, dahil magkuya pala kami. “B-bakit ngayon mo
lang sinabi sa akin na magkapatid pala tayo? Bakit ninyo inilihim sa akin ang
lahat?”
“Ayaw nilang mabigla ka tol… Ayaw nilang malungkot
ka, masisira ang konsentrasyon mo sa pag-aaral. Pero sasabihin naman daw nila
sa iyo ito sa takdang panahon. Kaso, naunahan lang siguro sa nangyaring
aksidente. Naramdaman ko, masakit ang kalooban nilang hindi nila nasabi ang
lahat sa iyo bago sila pumanaw. Tingnan mo, baka pinilit lang ng itay mo na hintayin
ang pagdating mo sa ospital upang maabutan mo pa siyang buhay at masabi niya sa
iyo ang katotohanan.” ang sagot niya habang tumayo na at hinila ang aking kamay
upang tumayo rin. “Sorry bunso…” sabay hipo sa aking pisngi.
Tumayo na rin ako niyakap siya. Niyakap din niya
ako. Nagyakapan kami.
At muli akong umiyak sa kanyang mga bisig.
Humagulgol. Iyon bang feeling na sa tagal kong pagdadala sa ga-mundong bigat na
nasa aking balikat, sa mga bisig ng kuya ko ako nakahanap ng karamay, ng
katuwang sa pagpasan sa mabigat kong bagahe.
May ilang minuto rin akong nagiiyak habang
yakap-yakap siya. Hinayaan naman niya ako habang hinahaplos-haplos niya ang
aking likod.
Maya-maya, kumalas ako at noong nagkasalubong ang
aming mga mata, binitiwan ko ang isang ngiti. Ngumiti rin siya. Hinila niya ang
dulo ng aking kumot at pinahid ang aking mga luha. Iyon na rin ang ginamit ko
upang pahirin ang mga dugo sa kanyang labi at ilong.
“Sorry…” ang sambit ko. Tinablan na kasi ako ng awa
sa nakitang resulta ng pananakit ko sa kanya.
“Ok lang. Ganyan naman talaga palagi, di ba? Kapag
nagagalit ka sa akin, sasaktan mo ako, hablutin ang buhok, pagsampal-sampalin ang
mukha, mumurahin, kukurutin ng todo ang pisngi, kakagatin ang bahagi ng katawan
na mapagtripan mo. At kadalasan, hindi mo ako papansinin at kung kausapin kita,
bubulyawan mo. Pero… love ka kasi ni kuya kaya kahit ano pa ang gagawin mo sa
kanya, hindi siya papalag.”
At sa sinabi niyang iyon, muli akong napangiti.
Iyon bang feeling touched, nahiya. At yumuko na lang ako at ang ginawa ko ay niyakap
siyang muli. Sa pagkakataong iyon, sobrang higpit na ang aking sa katawan niya
na sinuklian niya ng isang napakahigpit ding yakap na halos hindi ako makahinga
sa sobrang higpit.
Hanggang sa naramdaman ko ang paglapat ng mga labi
niya sa mga labi ko.
Sinuklian ko ang mga halik niya. Matindi ang
pananabik ko sa kanya. Matagal ko ring hinahanap-hanap ang mga halik na iyon,
ang matikman sa aking bibig ang mapanukso niyang mga labi, maamoy ang kanyang
mabangong hininga, ang malasahang muli ang hinahanap-hanap kong lagkit at tamis
ng kanyang laway, ang marinig ang nakakapag-init na tunog ng kanyang pag-ungol.
Ramdam na ramdam ko rin ang kanyang pangungulila. Habang
sinisipsip-sipsip niya ang aking mga labi at dila, sinimot ang aking laway,
hindi naman ako magkamayaw sa pag-ungol. Para kaming mga asong gutom na gutom
sa pagkain na nagmamadali dahil takot na aagawin ito ng iba pang gutom na mga
aso. Halos lunukin na lang ng buo ni kuya Andrei ang aking bibig sa sobrang
pagnanasa.
Naramdaman ko na ang mga kamay niya na gumagapang
sa aking dibdib patungo sa ibabang bahagi ng aking katawan habang ang kanyang
halik naman ay akmang gagapang na sa aking leeg noong bigla rin akong kumalas.
“B-bakit?” ang gulat na tanong niya dahil sa pagkalas
ko. Nahinto siya sa paghahalik sa akin, dinig na dinig ko pa ang habol-habol
niyang paghinga.
“W-wala… Ayoko.” ang sagot ko naman.
“Bakit nga?”
“M-magkapatid tayo di ba? Masagwa…”
“Ito naman o… ilang beses na ba nating ginawa ito?”
“Noon iyon, kuya… Hindi ko pa alam ang lahat.”
“Wala ka bang nararamdaman para sa akin? Hindi ba
nag-iinit ang katawan mo sa ginagawa natin? Hindi ka ba nakikiliti,
nasasarapan…?”
“Hindi naman iyan ang tanong kuya eh. May
naramdaman man ako, nakikiliti man ako, nagugustuhan ko man angginawa natin, ang
tamang tanong ay kung nararapat ba ito, hindi ba ako nakokonsyensya. P-parang
masagwa. Parang hindi ko kaya…”
Tinitigan pa rin niya ako, bakas sa kanyang mukha
ang ibayong pagkagulat na tila hindi niya matanggap.
“Basta po, ayoko. Hayaan mong ang pagtingin ko sa
iyo ay bilang sa isang tunay na kuya. At irerespeto kita, titingalain kita,
iidolohin kita bilang isang tunay na biological na kuya ko.”
“Mahal kita tol… hindi ko nararamdaman na kapatid
kita eh.”
“Puwes, simula ngayon, mahal na lang kita bilang
kuya. At ayaw ko na.” nahinto ako sandali. “Atsaka may Brix na ako. Siya ang
nararapat para sa akin.”
Bigla siyang tumayo atsaka tinumbok ang pintuan.
“Oo nga pala, nalimutan ko. may Brix ka na. Pero ayoko sa lalaking iyon para sa
iyo. Mas gugustuhin ko pang babae ang makatuluyan mo kaysa isang lalaki lang
din.”
“Hinabol ko siya, hinawakan sa kamay. Huwag ka
namang magtampo sa akin kuya o…”
Humarap siya sa akin sabay sabing, “Mahal na mahal
kita. Hindi bilang kapatid. Hindi magbabago iyan! At kung lalaki lang ang
ipapalit mo sa akin, hindi ako papayag.” ang pabulong niyang sabi at binuksan
na ang kuwarto ko at lumabas na tila nagdadabog.
Binitiwan ko na lang ang isang malalim na
buntong-hininga noong nakalabas na si kuya Andrei. Hindi ko maiwasang hindi
malungkot sa nalamang katotohanang tunay ko pala siyang kuya. Malungkot ako
kasi, hindi ko naman maitatwa na may pagmamahal pa ako sa kanya. Sa kabilang
banda rin, may kaunti rin akong tuwa na nadarama kasi, kahit hindi man kami
magkatuluyan, nariyan pa rin siya sa tabi ko dahil kuya ko nga siyang tunay at
siguradong hindi niya ako iiwan.
Kinabukasan inihatid na ang mga magulang namin sa
kanilang huling himlayan. Apat na sasakyan ang ginamit sa paghatid sa kanila. Habang
umuusad ang takbo ng sinasakyan ng mga ataul nila, walang tigil naman ang
pagpatak ng aking mga luha.
Bale magkatabi ang mga nitso nina tatay Berto ko at
tatay Eloy ni kuya Andrei. Sa ibabaw naman ng mga nitso nila ang kanya-kanyang mga
asawa, ang inay Pacita ko at inay Aurea ni kuya Andrei na tunay ko ring ina.
Marami rin ang mga nakilibing. Syempre, hindi lang
buong baranggay namin ang nakaalam sa sa apat na magkasabay na namatay sa aking
pamilya kung kaya ganoon na lang karaming tao ang nakiramay.
May dasal muna bago ipinasok ang mga ataul sa
kanya-kanyang nitso. May huling sulyap pa kami sa kanila. Pinagmasdan ko pa ang
mga mukha nilang tila natutulog lamang. Ang aking kinikilalang inay at itay. At
habang tinitigan ko sila, pilit ko namang ibinalik ang mga masasayang alaala ko
sa kanila.
Ganoon din sa mga biological kong mga magulang.
Bagamat matagal ko na silang hindi nakita, ang mga alaala nila noong bata pa
ako ang siyang ni-recall ko sa aking isip.
Sobrang sakit para sa akin ang sandaling iyon, ang
huling sulyap ko sa mga taong siyang nagpalaki, nag-alaga, nagbigay sa akin ng
buhay. At lalo na sa panig ko na kapwa mga magulang ko ang nawala at ako na
hindi pa lubos na masasabing nasa eksaktong edad na para sumuung sa mga hamon at
pagsubok ng buhay. Sobrang sakit isipin na hayun, wala na sila.
Marami ang naawa sa akin. Ngunit ano ba ang
magagawa nila. Kung may isa sa kanilang kayang bumuhay ng tao, malunasan sana
ang matinding lungkot at pighati na nadarama ko.
Kami ni kuya Andrei ang huling naiwan sa
sementeryo. Sa harap ng kanilang libingan, hawak-hawak ko ang kamy ng kuya Andrei
ko, ibinulong ko sa kanila ang aking saloobin. “Nay Aurea, Tay Eloy… hindi ko
man lubos maintindihan kung bakit ninyo ako ibinigay kina Nanay Pacita at Tatay
Berto, nagpasalamat pa rin ako sa buhay na ibinigay ninyo sa akin. Pilit ko na
lang igiit sa aking isip na ginawa ninyo ito dahil sa aking kabutihan. At dahil
mga magulang ko po kayo, kayo ang mas nakakaintindi kung ano ang tama at mabuti
para sa akin. Ang malaking ikinahihinayang ko lang inay, itay, ay hindi ko man
lang lubos na nalasap ang pagmamahal ninyo sa akin. Hindi ko naparating sa inyo
ang aking pagmamahal bilang tunay ninyong anak. Pasensya na po… hindi ko
kagustuhan ang lahat. Kung nalaman ko lang sana ng mas maaga pa, e di sana,
pinilit ko ang sariling hanapin kayo, puntahan sa lugar ninyo, dalawin. Kaso,
huli na ang lahat noong nalaman ko ito. Ganoon pa man, nagpasalamat pa rin ako.
Mahirap lang tanggapin na heto, nagkikita ko na sana kayo, nag-crus na ang
ating mga landas, kayo naman po ang lumisan. Masakit. Ni hindi niyo man lang
naramdaman ang aking yakap, ang aking halik… Pero, wala akong magagawa. Masakit
man po na lumisan kayo sa araw na magkita na sana tayo, at least, sa huling sandali,
natupad ang pangarap ninyong mag-best friends na magsama nina nay Pacita at Tay
Berto. At narito na rin tayo sa lugar na pinangarap ninyong magkaisa tayo. Kaso
nga lang, hindi niyo na ako nakita. Hindi niyo na naramdaman ang saya na makita
ang inyong bunso. Masakit po para sa akin na ang inihabilin lang ninyo sa akin
any ang mga alaala ko sa inyo noong akoy nasa pitong taong gulang pa lamang. At
lalong masakit pa iyon dahil ang alaalang iyon ay ang paglisan ninyo pa sa akin,
noon gpumunta kayo ng Maynila. Pero di bale po… wala man akong iba pang
magagawa, dadalaw-dalawin ko na lang po kayo dito sa inyong himlayan. Huwag po
kayong mag-alala nay, tay… tatanggapin kong maluwag sa aking kalooban ang mga
nangyari sa buhay ko. Tungkol naman po sa pangarap ninyo na mabuo ang ating mga
lahi, natatakot po akong baka hindi ito matupad. Hindi ko po alam kung kaya
kong magmahal ng isang babae. Ngunit pipilitin ko po ang sariling manligaw,
magkaroon ng anak at maipares sa magiging anak ni kuya Andrei. Sana po,
makakaya ko. Ngunit kung hindi man, ako na rin po ang hihingi ng dispensa. Sana
po ay maintindihan ninyo. Nay, tay… hindi ko man ako nabigyan ng pagkakataon na
mansabi ito ngunit mahal na mahal ko po kayo… may you rest in peace po.”
Huminto ako nang sandali at bumulong uli ng mensahe
para sa aking mga legal na mga magulang, “Nay Pacita, Tay Berto,
maraming-maraming salamat sa pag-aalaga ninyo sa akin, sa pagturing ninyo sa
akin na tunay na anak, sa pagmamahal na ibinigay ninyo sa akin. Masaya po ako
na sa inyo ako ipinagkatiwala ng aking mga magulang. Dahil po sa inyo, natuto
ako sa buhay, lumaki ng maayos. Kahit mahirap lamang po tayo ay masaya po ako
dahil sagana po ako sa inyong pagmamahal at pag-alaga. Kung hindi po dahil sa
inyo, hindi ko po alam kung ano ang kahinatnan ko ngayon. Sa kabaitan ninyo sa
akin, wala na po akong mahihiling pa. Hindi ko man lubos na naintindihan kung
bakit ninyo inilihim sa akin ang lahat, gusto kong sabihin sa inyo na wala na
po akong sama ng loob sa inyo. Tanggap ko na po ang lahat. Sana lang hinabaan
pa ang buhay ninyo upang mas maipadama ko pa ang aking labis na pagpapasalamat
sa inyo. Mahal ko po kayo nay, tay… Ngayong nag-iisa na lang ako, pipilitin ko
pong ipagpatuloy pa rin ang buhay. Pangako ko pong maging matatag, matapang na
harapin ang mga pagsubok sa buhay kahit wala na kayo. Alam kong sa pag-uwi ko
ng bahay mamayang gabi, mag-iiba na ito. Hindi ko alam kung paano magsimula
nay, tay… hindi po ako nasanay na sasapit ang umaga na walang gigising sa akin.
Hindi po ako sanay na gumising sa umaga na walang pagkaing nakahain na sa
hapag-kainan dahil kayo po lamang ang gumagawa nito sa akin. Alam ko mahihirapan
po ako pero pipilitin ko pong masanay, pipilitin ko pong tumayong mag-isa at
matuto sa buhay. Sana lang nay, tay, gabayan ninyo pa rin po ako… Mahal na
mahal ko po kayo. May you rest in peace po…”
At inilagay ko ang mga bulaklak na hawak-hawak ko
sa ibabaw ng kani-kanilang mga nitso.
Ganoon din si kuya Andrei. May ibinulong din siya
sa kanila at pagkatapos, inilatag din niya ang kanyang mga bulaklak sa ibabaw
ng kanilang mga nitso.
Nasa 10 metro na ang layo namin galing sa puntod noong
may isang matandang babaeng nakasalubong kami at ang tumbok ay ang puntod din ng
aming mga magulang. Nakikita ko na ang matandang iyon. Kaibigan din siya ng
inay ngunit may kalayuan ang bahay nila sa amin.
“Iyan ba ang puntod ng magasawang Berto at Pacita,
at Eloy at Aurea?” sabay turo ng matanda sa direksyon ng puntod.
“O-opo. Mga magulang po namin sila. Bakit po?” ang
sagot ni kuya Andrei.
Kitang-kita ko tila nanlaki ang mga mata ng
matanda, tila na-excite at natigilan. “I-ikaw ang anak???” At hinipo niya ang
mukha ni kuya Andrei. “Ang laki-laki mo na at ang guwapo pa! Ano ang pangalan
mo?”
Binitiwan lang ni kuya Andrei ang isang pilit na ngiti
sabay sabing, “Andrei po.”
“Ikaw nga ito…” ang sagot naman ng matanda.
“B-bakit niyo po ako kilala?”
“Ako ang albularyong tumulong sa inay mo noong
iniluwal ka niya.”
“Ay talaga po?”
“Oo… Nalulungkot lang ako sa nangyari sa dalawang
mag-asawang iyan. Tangapin mo ang pakikiramay ko. Tapat at tunay na
magkakaibigan ang mga iyan. Walang iwanan kumbaga noong buhay pa ang mga iyan.
Hanggang sa pagpanaw nila, wala pa rin silang iwanan. Nakakainggit ang pagiging
magkaibigan nila.”
“K-kaya nga po…” sagot uli ni kuya Andrei.
“Ah, ako nga pala si Lola Isyang mo! Alam mo, noong
lumabas ka na sa sinapupunan niya, tandang-tanda ko pa ang ang matinding saya
sa mukha ni Itang noong ibinalita ko sa kanya na isang napakakisig at
napakalusog na batang lalaki ang iniluwal niya.”
Ngumiti lang si kuya Andrei.
“At tama naman ako di ba? Malusog at makisig ka…”
Tumingin lang sa akin si kuya Andrei at binitiwan
ang isang hilaw na ngiti.
“Sandali… dito ka lang ba nagtatrabaho? Parang
ngayon lang kita nakita eh… Parang antagal mong nawala dito sa lugar natin.
Itong si Alvin” baling niya sa akin, “Alam ko dito ito lumaki at nag-aral lang
sa malaking syudad ngunit ikaw, parang antagal mong nawala?”
“Tama po kayo. Noong 15 taong gulang lang po ako ay
umalis kami patungong Maynila. At noong nakapagtapos ng pag-aaral, sa Mindanao na
po ako naka-assign sa trabaho. Isa po akong sundalo.”
“Ay kaya naman pala… O siya, gagabihin ako,
dadalawin ko lang ang puntod ng mga magulang mo at mag-alay ng dasal. Bago ko
lang kasi nalaman ang nangyari sa kanila.” ang bigla ring pagputol ng matanda
sa kanilang usapan.
“S-sige po…” sagot uli ni kuya Andrei.
At umalis na ang matanda, tinungo ang puntod ng
aming mga magulang.
Tutuloy na sana kami ni kuya Andrei sa kotse ni
Noah na naghintay na rin sa amin sa may kalsada noong biglang may sumagi sa
aking isip. Parang biglang lumakas ang kabog ng aking dibdib at hindi ako
mapakali sa pagsingit ng bagay na iyon.
“Sandali…” ang nasabit ko kay kuya Andrei. Nilingon
ko ang nagmamadaling naglakad na matanda. “Lola Isyang! Lola Isyang! Sandali
lang po!” sigaw ko sa kanya.
Lumingon sa akin an gmatanda sabay sabing, “A-ano
iyon Alvin?”
“B-bakit???” ang pabulong at tila naguluhang tanong
ni kuya Andrei sa bigla kong pagtawag sa matanda.
“May sinabi siya! May sinabi siya!!!” ang pabulong
ko ring sagot kay kuya Andrei, hindi maideretso ang sasabihin gawa ng sobrang
pagkabigla sa sumaging bagay na iyon sa aking isip.
No comments:
Post a Comment