“H-hi...” ang sagot ko ring halos hindi makapagsalita gawa nang pagkabigla sa hindi inaasahang pagsulpot niya.
Lumapit siya sa pinto ng bahay kung saan ako nakatayo sa harap nito. Nahinto na rin ang pagtatahol ng mga aso at nagsibalikan na sila sa kani-kanilang mga puwesto. Napansin ko ang bitbit niya. Dalawang malalaking bag sa magkabilang kamay at may knapsack na nakasukbit sa kanyang likod.
Nang nasa harap ko na siya, ibinaba niya ang bitbit na mga bag at niyakap niya ako. Sinuklian ko ang kanyang yakap. Ramdam ko sa higpit nito ang kanyang kasabikan. “A-akala ko ba ay hindi ka pinayagan ng daddy mo na umalis? At bakit ang dami mo atang dalang bagahe?” ang tanong ko.
“Eh...” hindi siya nakasagot.
Kumalas ako sa aming yakapan at tiningnan siya. “L-lumayas ka? Nagrebelde ka?”
Tumango siya.
“B-bakit???” Ang tanong kong nabigla sa kanyang dahilan, ipikita ang aking pagkadismaya.
“N-nasaktan ako. Nag-away kami ng daddy ko... Ayaw na niyang magkita pa tayo.” Sambit ni Brix na ang boses ay nag-crack na sanhi ng pigil na pag-iyak. “D-doon na raw ako mag-aaral sa Amerika upang hindi na tayo magkita. A-ayaw kong malayo sa iyo, love.”
Hindi ko alam kung maawa sa kanya o mainis sa aking narinig. “P-paano na iyan? Ginawa mong kumplikado ang sitwasyon natin... Alam mo bang lalo lang tayong mahirapan niyan?”
At doon na siya humagulgol. “Hindi ko kayang hindi kita makita eh...”
Hindi na ako sumagot pa. Litong-lito rin kasi ang isip ko at wala akong maisip na tamang gawin o maipapayo sa kanya. Nagyakapan na lang kami habang naupo sa bangko sa harap ng aming bahay, kapwa umiiyak.
Maya-maya, pagkatapos naming mag-usap, inanyayahan ko na siya sa loob ng bahay. Noong pasukin na sana naming dalawa ang loob ng aming bahay, naroon pala ang inay sa di kalayuan ng bungad ng pinto. Medyo nagulat ako dahil maaaring narinig niya ang lahat ng aming pinag-usapan ni Brix, nakita ang aming pagyayakapan at ang aming pag-iiyakan.
Ngunit syempre, wala na akong nagawa. Litong-lito ako sa kalagayan namin kung kaya ay hindi ko na pinagtuunan ng pansin iyon. Kumbaga, ano pa ba ang puwed kong gawin kung nakita niya kami?
Ipinakilala ko kaagad si Brix sa kanya. “Nay... si Brix. M-matalik kong kaibigan” at baling kay Brix, “Ang inay ko...”
Nagmano si Brix sa inay. “Magandang gabi po.”
Hinayaan naman ng inay si Brix na magmano ito sa kanya. “O siya... bukas na tayo mag-usap. Dalhin mo muna sa kuwarto mo itong iyong bisita upang makapagpahinga at gabing-gabi na.” Sambit ng inay. “Alvin... may kumot at unan sa cabinet ng kuwarto namin ng itay mo, kunin mo na rin.” dugtong niya.
Inihatid ko muna si Brix sa aking kuwarto. “P-pagpasensyahan mo na ang kuwarto ko. Alam mo naman na mahirap lang kami.”
“Ito naman o...” ang sagot n Brix. “Parang hindi mo naman ako kilala.”
Pinuntahan ko ang kuwarto ng inay at itay upang kunin ang kumot at unan. Nasa kama si itay at himbing sa kanyang pagtulog.
“Alvin... sino ba si Brix?” ang mahinang boses na tanong ng inay.
“Eh... kaibigan ko po inay. Matalik na kaibigan. A-anak mayaman po at malaki ang naitutulong niya sa aking mga pangangailangan sa pag-aaral...”
“Iyon lang ba?” ang casual niyang pahabol na tanong bagamat ramdam kong may gusto itong bagay na hukayin mula sa aking isip.
Nilingon ko ang inay. May bahid na pagsususpetsa ang kanyang tingin. Ngunit hindi ako nagpahalata. Itinuon ko muli ang aking paningin sa kumot at unan na hinugot ko na galing sa kabinet. “Iyon lang po...” Ang kaswal ko ring sagot sabay tumbok na sa pinto noong nakuha ko na ang kumot at unan. Naramdaman ko, nakita ng inay ang pagyayakapan namin ni Brix, narinig niya ang aming pag-iyak at pag-uusap. Kinabahan ako ngunit tapos na ang lahat. Hindi ko na kontrolado pa ang kanyang isip bagamat umasa ako na hindi ako magiging kagaya ni Brix na hindi matanggap-tanggap ng ama ang kalagayan.
“Love... ano ba ang plano mo ngayon?” ang tanong ko kay Brix noong nasa loob na ako ng kuwarto at inilatag ko na ang unan sa aming higaan.
“Hindi ko alam love... Pero mag-aaral pa rin ako, magdo-dorm na lang upang kasama pa rin kita.”
“P-paano iyan kung hindi ka na nila suportahan sa pag-aaral? At may gamot ka pang binibili, pang-maintainance dahil sa operasyon mo? Saan ka kukuha ng pera?”
Natahimik siya sandali. “B-bahala na...”
“Love... hindi nakukuha iyan sa bahala. Buhay mo iyan. Kinabukasan mo ang nakasalalay dito; kinabukasan natin.”
Tahimik.
“G-gusto kong bumalik ka sa inyo at manghingi ng tawad sa mga magulang mo.”
“Nasaktan na ako love...”
“Tiisin mo lang love. Ganyan talaga eh. Minsan, may mga bagay o plano ang ang ating mga magulang para sa atin na hindi natin naiintindihan o hindi naaayon sa ating kagustuhan o sariling plano. Ngunit dahil sila naman ang bumuhay sa atin, sa kanila tayo nakadepende sa ating mga pangangailangan, susundin natin sila kasi sa paningnin nila ay nakabubuti para sa atin ang kanilang desisyon. Kumbaga, alam na nila ang mga pasikot-sikot sa mundo samantalang tayo, nagsimula pa lang.”
“Paano na lang tayo? Sa Amerika nila ako ipadala upang doon na mag-aral?”
“Iyon na nga... E di, mag-aral ka roon. Sa bandang huli, pagkatapos mong mag-aral, ikaw rin ang masusunod. Kasi pagdating ng panahaon, dalawang bagay lang iyan kapag natapos ka na sa iyong pag-aaral: either magustuhan mo na rin ang gusto nila o... malaya ka nang gawin ang sarili mong kagustuhan. At bakit ka matatakot magpunta ng Amerika? Ayaw mo ba akong makasama roon? Hindi naman ako mawawala sa iyo kapag doon ka mag-aaral di ba? At kapag nakapagtapos ka na, may trabaho, independent na sa mga financial mong pangangailangan, magagawa mo na ang lahat nang gusto mo. Magagawana natin ang gusto natin. At doon tayo magsama. Sigurado naman, tapos na rin ako sa aking pag-aaral kapag dumating ang panahong iyon. Payag ako na doon tayo manirahan love.”
“Masakit kasing mawalay sa iyo eh...”
“Sa ngayon lang iyan. At hindi naman talaga nawawala ang sakit at pagsasakripisyo sa buhay, di ba. Nandito nga tayo, nagsama, hindi naman makapag-aral dahil baka hindi ka na nila tutustusan sa iyong pag-aaral. At baka pati ako ay hindi na makapag concentrate sa pag-aaral dahil sa problema natin. Tapos, kapag nangyari iyan, hindi tayo sigurado sa future. Kumbaga, walang silbe an gpagdurusa natin dahil mahuhulog lang ang lahat s awala. Ngunit kung sa Amerika ka, pareho man tayong nagsakripisyo, iyan ay dahil may hinihintay tayong katuparan sa ating mga plano, sa ating pangarap. Iyan ang mahalaga; ang magsakripisyo dahil sa kinabukasan.”
Hindi siya nakasagot.
“Ayaw mo bang sa bandang huli ay sasaya ang buhay natin, malaya tayong nagsama, pareho tayong may narating? Ayaw mo bang makatungtung ako ng Amerika at maranasan ang snow? Hindi ko pa naranasan ang snow. Ikaw naranasan mo na kasi nakailang balik ka na roon. Paano naman ako?”
Napatingin siya sa akin. Ngumiti.
“Kung pataloy na lalabanan mo ang iyong mga magulang ngayon, talo ka. Talo tayo. Kasi, pareho tayong magdusa ngayon at sa paglipas ng 10 taon, maaaring hindi natin parehong maabot ang ating mga pangarap dahil... baka lang... hindi ka na makapag-aral. At ako, baka hindi ko rin ma-maintain ang aking scholarship dahil sa mga distractions sa problema natin. Masisira ang buhay mo, masisira ang buhay ko. Masisira ang pangarap ko para sa aking mga magulang. Masisira ang pangarap mo para sa akin.”
“Kaso natatakot nga ako love eh...”
“Saan?”
“Na... kapag nagkalayo tayo, malimutan mo na ako. Na baka may iba kang mamahalin.”
Natigilan naman ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ko nga siya masisisi kung ganoong may takot siyang naramdaman. Naintindihan ko ang panig niya dahil iyon din ang naramdamn ko noong nagkalayo kami ni kuya Andrei. Masakit sa kalooban, natatakot sa maaring kahinatnan na malayo siya sa akin, may makita siyang iba, mahalin niya at tuluyan nang malimutan ako. At nangyari nga ang lahat. Nakabuntis siya, may babae... At sa kaso naman naming ni Brix, napansin din niya sigurong napilitan lang akong mahalin siya. Kaya naisip din siguro niyang hindi mahirap para sa akin ang kalimutan siya.
Tinitigan ko siya. Hinaplos ang kanyang pisngi. “Di ba dapat ako ang mas matakot? Mayaman ka, may hitsura, may porma. Maraming maghahabol sa iyo. Samantalang ako... mahirap lang at heto, nakatira sa isang mundong halos kilala mo na rin ang lahat ng mga taong nakapaligid.”
“Ikaw ang mahal ko eh. At mahal na mahal kita. Handa kong gawin ang lahat para sa iyo.”
“Iyon naman pala eh. Kaya kung kaya mong gawin ang lahat para sa akin, pumunta ka ng Amerika. Iyan ang gusto ko. Dahil isang araw, gusto ko ring pumunta roon at doon tayo magsama.”
Tahimik. Yumuko siya. Siguro nasabi niya sa sariling napakadaling sabihin para sa akin ngunit mahirap gawin sa panig niya.
“K-kapag para talaga tayo sa isa’t-isa love, kahit ano man ang mangyayari, tayo pa rin. At kung sakali lang... na hindi tayo magkatuluyan, ang ibig lang sabihin niyan ay may mga taong sadyang tunay na nakatadhana para sa atin.”
“Ayoko Love... kung may ibang nakatadhana man para sa akin, ayoko sa kanya. Gusto ko ikaw.”
“Kaya kung ganoon... tayo ang gagawa ng ating tadhana. I-prove mo sa akin na ikaw ang nakatadhana para sa akin. Kaya mo ba? Huwag nating gawing hadlang ang pag-aaral mo sa Amerika.”
“Ikaw ba, kung sakaling susundin ko ang gusto ng daddy na sa Amerika ako mag-aaral, maipangako mong hindi mo ako ipagpalit sa iba... na hindi mo ako iiwan? Na panindigan mo sa kabila ng mga pagsubok na ako pa rin ang mahalin mo? Maipakita mo ba sa akin na ikaw ang siyang nakatadhana para sa akin?”
Mistula naman akong nabilaukan sa aking narinig. Bigla kong naitanong sa aking sarili kung kaya ko ba talaga; kung siya na ba ang para sa akin. Kasi, sa kaibuturan ng puso ko, si kuya Andrei pa rin ang naramdaman kong itinitibok nito.
Pakiwari ko ay may dalawanag magkatunggaling grupo na naghilahan sa aking isip.
Napatitig muli ako sa kanyang mukha. Kitang-kita ko ang paghihintay niya sa aking kasagutan. At naramdaman kong masasaktan siya kapag ang ibibigay kong sagot ay hindi naaayon sa kanyang ninanais na marinig. Kaya, “Oo naman.” ang naisagot ko.
Binitiwan niya ang isang nakabibighaning ngiti.
Nginitian ko rin siya. “Hug ka na lang sa akin. Lika...”
At hayun, nagyakapan kami.
“Bukas na bukas din love... gusto ko bumalik ka sa inyo ha? Para hindi na lumala pa ang problema mo.”
“Ayaw mo bang dumito muna ako, kasama ka habang nagbabakasyon ka rito?”
“Paano ang daddy mo? Ang mommy mo na siguradong naghahanap na sa iyo?”
“Itext ko ang mommy bukas at sasahinin ko sa kanya na nagbakasyon muna ako sandali... nagpalipas ng sama ng loob.”
“O, e... sige. Kung pumayag ba eh, di ayos. Ikaw ang bahala...” ang sagot ko na lang.
Kaya iyon ang napagkasunduan namin ni Brix. Sundin ang kagustuhan ng kanyang daddy na sa Amerika siya mag-aral.
Para rin akong nabunutan ng tinik. Sa isip ko lang, maganda rin sigurong nasa Amerika si Brix. Baka kapag naroon siya, doon namin malalaman kung talaga bang kaya ko siyang mahalin na katulad sa pagmamahal ko kay kuya Andrei at kung hindi man, at least malayo siya sa akin. At kung talagang para kami sa isa’t-isa, pasasaan ba’t magtagpo pa rin ang aming landas; babalik siya para sa akin o ba kaya ay kunin niya ako upang doon na nga kami magsama.
Bago kami natulog ni Brix, muli naming pinakawalan ang bugso ng aming pagnanasa. Medyo may dalang lungkot lang ito sa aking panig dahil habang nagtatalik kami, ang mukha ni kuya Andrei ang pumapasok sa aking isip. May nararamdaman akong guilt. May naramdaman akong pangungulila. Tila may isang bagay na pilit na humahadlang sa aming ginagawa ni Brix.
Paano kasi, sa kuwartong kong iyon nangyari ang unang karanasan ko kay kuy Andrei. Maraming bagay tungkol sa amin ni kuya Andrei ang naganap sa kuwartong iyon. Ang kuwartong iyon ay ang buhay na saksi sa pagmamahal ko kay kuya Andrei. Simula noong bata pa lang ako hanggang sa paglaki ko, saksi ang kuwartong iyon sa pagnungulila ko sa kanya, sa paghahanap ko sa kanya, sa pagnanais kong bumalik siya. At noong nakabalik na siya, sa kuwarto pa ring iyon muling naganap ang lahat.
Pakiwari ko ay pinagtaksilan ko siya. Imbes na siya lang ang natatanging lalaking dapat kong dadalhin doon at makatabi sa pagtulog, si Brix na ang katabi ko, sa parehong kama kung saan kami unang ipinalasap sa akin ni kuya Andrei ang sarap ng pagmamahal.
Unang nakatulog si Brix. Habang tulog na siya, hindi ko naman maiwasang manumbalik sa ala-ala ko si kuya Andrei. Pakiwari ko kasi ay talagang sinira ko na ang mga mumunting lihim namin; ang pangako kong hindi ko gagawin ang bagay na iyon sa iba maliban sa kanya. Isang lihim na lang ang natirang pinakaiingat-ingatan ko sa sarili; ang pangakong hindi ko ibubunyag kahit kanino ang bagay na ipinapagawa niya sa akin simula noong ako ay bata pa lamang.
Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntogn-hininga. “Patawad kuya... Sana ay patuloy akong maging matatag upang hindi ko mabasag ang huling lihim natin.” ang bulong ng isip ko bagamat hindi ko rin maiwasang hindi makaramdam ng paghiganti sa kanyang ginawang pagtaksil.
Naramdamn ko ang pagpatak ng aking mga luha sa unan. Lihim na pinahid ko ang mga ito.
Kinabukasan, maaga akong nagising. Tulog pa si Brix kung kaya ay iniwanan ko na lang muna siya sa aming higaan. Sa kusin ko nadatnan ang aking inay na abala sa paghanda ng aming almusal. Noong napansin niyang naroon ako, tinanong niya kaagad ako. “O kumusta ang bisita mo?”
“Hayun po... tulog pa.”
“Mabuti at nakatulog naman. Saan pala siya humiga?”
“S-sa kama ko po...”
“At ikaw, saan ka humiga?”
“N-nagtabi po kami...”
“Nagtabi...” Napahinto siya sandal, tila nag-isip kung ano ang sunod na sabihin. “Ganyan na ba talaga kayo kalapit sa isa’t-isa?”
“O-opo...”
Nahinto sa kanyang ginagawang paggawa ng apoy sa saingan at hinarap ako. Wala kasi kaming stove o gas range kaya ang makalumang paraan ng pagluluto ang gamit namin. Iyon bang parang counter-top na ang ibabaw ay buhangin o lupa at panggatong ang ginagamit sa paggawang apoy.
“Alvin... tapatin mo nga ako anak. Ano ba talaga si Brix sa iyo?”
Pakiramdam ko ay sinakal ako sa pagkarinig ko sa tanong na iyon ng aking inay. Parang hindi ako makahinga, hindi malaman kung ano ang isasagot. “E... w-wala po. M-magkaibigan, ganyan lang po kami.”
Tumalikod ang inay at ipinagpatuloy ang paghihip sa mga panggatong na nagsisimula pa lamang mag-apoy. “Hindi ako magagalit kung may sasabihin ka.”
“W-wala nga po nay...”
Hininto niya muli ang ginagawa at hinarap ako. “Alvin... narinig ko na kagabi ang lahat. Ang sabi niya, mahal ka niya, ipaglaban ka niya, hahanap-hanapin ka niya... at kahit itakwil siya ng kanyang pamilya dahil sa kanyang pagmamahal sa iyo, ito ay tatanggapin niya. Ano iyon, wala lang?”
Hindi na ako nakakibo pa. Syempre, hindi ko akalaing sa kabila ng pilit kong pagdeny sa aming kalagayan ni Brix, sa ganoon lang pala malalaman ng aking inay ang lahat. At pakiramdam ko ay naramdaman niya ang aking saloobin. Pakiwari ko ay nakahanap ako ng kakampi sa kanya.
Nagpatuloy siya. “Ang gusto ko lang malaman galing sa bibig mo kung ok ka lang, masaya ka ba, hindi ka ba naguguluhan. Nag-alala ako para sa iyo. Para sa pag-aaral mo, para sa kinabukasan mo.”
Pinigilan kong huwag pumatak ang aking mga luha. Ngunit kusang bumagsak pa rin ang mga ito. Tumalikod na lang ako at pinahid ang aking pisngi.
“Anak... gusto ko lang malaman mo na mahal kita. Na kung may problema ka man, narito lang ako. Maintindihan kita. Pero kung ayaw mong sabihin, nasa iyo iyan. Basta kapag hindi mo na kaya, sabihin mo lang sa akin.” dugtong pa rin ng inay habang patuloy lang siya sa kanyang ginagawa.
“M-may relasyon po kami ni Brix nay... m-mahal niya ako at malaki ang naitutulong niya sa akin. Ako ang dahilan kung bakit siya nagbagong-buhay. Spoiled iyan siya dati ngunit dahil sa akin, tumino na siya...”
“At ikaw... mahal mo ba siya?” ang tanong niya habang ang inayos naman niya ang kawali upang magprito ng daing. Tila normal lang niya akong kinakausap, parang walang kakaiba sa nalaman niya tungkol sa main ni Brix.
“S-sa palagay ko po...”
“Pero tutol ang mga magulang niya sa iyo?”
“O-opo...”
“Anong balak niya?”
“P-pinayuhan ko pong sundin ang kagustuhan ng mga magulang niya kasi... bata pa rin naman kami at kung para kami sa isa’t-isa, kami pa rin ang magkatuluyan sa bandang huli.”
At doon na ako hinarap ni inay. “Tama ang sinabi mo sa kanya anak. Pilitin mong kumbinsihin siya na para sa kabutihan niya ang lahat. Para sa kabutihan ninyong dlawa, kung sakaling kayo nga ang magkatuluyan. Konting sakripisyo lang naman iyon, di ba? Kasi ako, magulang din. Masakit para sa mga magulang na nakikitang sinusuway ang kagustuhan nila para sa kanilang mga anak.” ang malumanay na sabi niya sa akin.
At doon na ako yumakap sa aking inay. “Salamat sa pag-intindi mo sa kalagayan ko nay...” tuluyan ko na ring pinakawalan ang aking saloobin. Umiyak ako sa kanyang mga balikat habang hinahaplos naman niya ang aking likod.
“O siya... puntahan mo na si Brix at maya-maya lang ay kakain na tayo ha? Sana ay magugutuhan niya itong ulam natin na tuyo. Wala tayong ulam na iba eh.”
“Huwag po kayong mag-alala kay Brix inay. Walang pili iyan sa pagkain.“
“Mabuti naman kung ganoon”
Kumalas na ako sa pagkayakap ko kay inay at tutungo na sana sa aking kuwarto noong nabigla naman ako sa aking nakita.
Si itay. Nakaupo siya sa may hagdanang kawayan sa akyatan patungo sa kuwarto ko. Nakayuko siya, malungkot ang mukha na parang nag-isip ng malalim.
Sobra ang aking naramdamang pagkabigla. Kasi, kung nandoon lang pala siya, siguradong narinig niya ang aming pinag-usapan ng inay.
Mistula akong napako sa aking kinatatayuan at hindi makagalaw, nanatiling nakatingin sa aking itay, ang aking dibdib ay mistulang sasabog sa tindi ng kalampag nito na baka narinig niya ang lahat at bulyawan niya ako o baka bugbugin.
Maya-maya lang ay tumayo na siya at walang pasabing tinumbok ang pinto palabas sa aming bahay. Hindi siya lumingon sa akin at sa aking inay.
“Hala... puntahan mo na si Brix. ako na ang bahala sa itay mo.” ang biglang pagsingit ng inay noong napansin niya ang reaksyon ng itay.
Dali-dali naman akong tumalima at umakyat na sa aking kuwarto. Gising na si Brix.
“S-saan ka nanggaling love?”
“Sa baba... tiningnan ko ang inay.”
“Ay nagluto ang inay?” At inay pa talaga ang kanyang tawag sa nanay ko. “T-tulungan ko siya love!” sabay balikwas sa higaan.
“Huwag na... OA mo. Ang feeling bisita ay hanggang 24 oras sa bahay. Paglampas noon, saka ka na tumulong sa mga gawain.”
“Ganoon ba? So bukas pa pala ako nito makatulong sa mga gawain dito?”
“At ano naman ang maitutulong mo?” ang biro kong tanong.
“Maglinis ng bahay, maglaba, mag...” hindi na niya ipinagpatuloy ang sunod na sasabihin, pilyong nakatingin lang sa akin.
“Ano?”
“Magpa-cute sa iyo...” sabay din kurot sa pisngi ko.
“Maligo na nga lang tayo.” sambit ko.
At tinumbok niya ang kanyang mga damit na nasa loob pa ng kanyang malaking bag, naghalungkat ng maisuot, may pasipol-sipol pa. Masigla. Kitang-kita ko ang kasayahan ni Brix sa kanyang mukha.
Ngunit kung gaano kasaya ni Brix, kabaligtaran naman ang aking naramdaman. Kinabahan ako sa nakitang naging reaksyon ng itay at kung paano ko siya harapin sa hapag kainan. At sa panigni Brix, may pangamba rin ako sa kung ano ang iniisip ng kanyang mommy at daddy sa kanyang pag-alis ng walang paalam dahil sigurado, ako ang numero unong pagbintangang dahilan kung bakit siya umalis.
“Ay... may lugar pala upang iparada ko ang sasakyan ko rito love!” ang sambit ni Brix noong nasa baba na kami. Sa labas ng bahay kasi an gaming paliguan.
“Ha??? Dala mo ang iyong kotse?” ang gulat kong tanong. Mahirap kasi tahakin ang aming lugar at kung may daanan man, hindi halos matawag itong kalsada dahil makitid, batuhin, kalabaw na may hila-hilang karwahe lang ang dumadaan. Ang mga motorsiklo nga ay nahihirapan din tumahak sa daan namin.
“Oo... saglit lang at iparada ko rito sa gilid ng bahay ninyo.”
Bumalik siya sa itaas at kinuha ang susi at noong nakababa na, sinamahan ko na rin siya sa lugar kung saan niya ipinarada ang kotse niya.
Noong natumbok na namin ang lugar, pinaligiran na ito ng mga nag-uusyusong kapitbahay. Syempre, nagtaka sila kung bakit may nakaparadang kotse sa lugar na iyon ng talahiban. At hindi lang basta iyong mumurahin o second hand na kotse. Bagong-bago ito, at mamahalin.
Syempre, proud din ako noong nakatingin sa amin ang mga tao noong pumasok na kami sa loob ng kotse. Makikita sa mga mata nila ang pagkamangha at paghanga. Parang sa isip nila ay napa-”Wow!” sila sa ganda ng kotse ng aking bisita.
Sa labas ng aming bahay kami naligo, sa isang balon na pag-aari ng baranggay. Nagkataon kasing halos nasa bukana lang ito ng aming bahay. Iyon bang balon na manual na ihahagis mo pa talaga ang balde sa kalaliman noon upang makuha ang tubig. Sa gilid naman noon ay may gawa-gawang paliguan na walang atip at tanging nipa lamang ang nagsilbing harang kapag may naliligo sa loob.
Enjoy pa rin naman siyang naliligo. Sa kabila nang ang tubig na pinaligo namin ay direktang galing pa sa ilalim ng lupa, hindi kagaya sa tubig na nakasanayan niya na galing sa gripo o nawasa na filtered, treated, at siguaradong walang bacteria, hindi niya ito alintana. At talagang bumilib ako sa kanya. Sa kabila ng hirap ng buhay namin, nagawa pa niyang mag-enjoy at makisabay.
“O, ako na ang magsabon sa iyo...” sabay dampi niya sa sabon na hawak-hawak niya sa aking katawan.
Ngunit pumalag ako. “Kanya-kanya na lang tayo please...”
“B-bakit?”
“A-ayokong makita tayo ng mga kapitbahay. Hindi ako naglalantad dito...” napansin ko kasing kahit pala sa paliligo namin ay may mga batang nanunuod, nakiusyoso ba na parang nakakita sila ng artista.
“Ah, ok...” ang sambit niya sabay din bawi sa sabon sa aking katawan at sa katawan niya itinuloy ang pagsasabon. Parang wala lang naman kay Brix ang mga bata at ibang taong nanuod sa amin. Paminsan-minsan pa siyang kumakaway sa kanila, ngumingiti.
“Sa kuwarto ko na lang ha?” ang bulong ko.
“Sa kuwarto kita sasabunin?” bulong din niyang biro.
“Kahit papakain mo pa ang buo kong katawan, ok lang basta sa kuwarto.” biro ko rin.
Tawanan.
“Alvin! Brix! Kain na tayo!” ang sigaw ng inay noong nakabalik na kami sa kuwarto at nakapagbihis na.
Doon na kumalampag ng malakas ang aking dibdib. Alam ko, makakaharap ko ang itay sa hapag-kainan.
Yari sa kawayan ang aming hapag kainan. Yari rin sa kawayan ang aming upuan. Dahil sa kalumaan, med’yo sira-sira na ang mga ito at may karupukan na. Pati ang aming mga puting plato na yari sa lata ay tila napupudpod na ang mga gilid sa kalumaan. Ngunit hindi ko naman napansin na nandiri si Brix. Nahiya man ako sa aming kalagayan ngunit hindi ko rin naman itinago sa kanya ang aming kahirapan.
“O, Brix... pagpasensyahan mo na ang aming nakayanan” ang sambit ng inay noong nakaupo na kami. Ang itay ay tahimik lamang na nakaupo sa tabi ng inay, sa harap naming ni Brix. Parisukat kasi ang hugis ng aming lamesa at maliit ito. Tamang-tama lamang sa aming apat.
“Huwag po kayong mag-alala. Hindi po ako mapili. Wala po sa akin iyon, nay...” at inay pa talaga ang tawag niya sa aking inay.
Hindi ko mawari ang aking naramdaman sa pagtawag ni Brix ng “inay” sa aking ina. Para bang hayan parang hindi na nga ako halos makahinga dahil sa takot ko sa aking itay, sinakal pa niya ako sa leeg. Parang gusto ko siyang batukan.
Hindi na nakasagot pa ang inay. Nagkasalubong ang aming mga tingin na para bang may pangamba rin sa narinig na sabi ni Brix.
Ibinaling namin ang aming paningnin kay itay. Nakayuko itong ipinagpatuloy lang ang kanyang pagkain. Parang wala lang siyang narinig. Hindi ko alam kung ano ang laman ng kanyang isip.
Tahimik. Parang nasa loob lang kami ng simbahan at nakinig sa sermon ng pari. Ang kaibahan lamang ay wala kaming naririnig. Para akong nanginginig na namumutla na di mawari. Hindi ko alam kung paano basagin ang katahimikan.
“T-tay, si B-brix po... schoolmate ko po.” ang biglang lumabas sa aking bibig.
Mistulang nakakabingi ang kalampag ng aking puso sa paghihintay ng kanyang sagot.
Tahimik uli.
Yumuko na lang ako at ipinagpatuloy ang aking pagkain. Iyon bang feeling napahiya. At dahil sa pagkaseryoso at sensitibo sa issue dahil magulang ko siya, sobrang nalungkot ako.
“Hanggang kailan ka rito?” ang biglang pagsasalita ng itay, tinanong si Brix.
Napatingin sa akin si Brix.
“I-isang linggo po tay.” ang casual na sagot ni Brix, hindi alintana ang tensiyon na nadarama ko sa pagkakataong iyon. At lalo na “itay” pa talaga ang tawag niya sa aking itay.
Mistula talagang ilang beses na pinokpok ng bato ang ulo ko. Hindi ko naman masisi si Brix dahil hindi niya alam. At ayokong malaman niya.
Hindi na sumagot si itay, itinuloy ang kanyang pagkain na parang wala lang, parang walang kasamag ibang tao sa hapag-kainan.
At doon na ako tuluyang nalungkot. Kasi ni hindi man lang niya inaya si Brix na tumagal pa sa amin. Iyon bang karaniwang sinasabi mo sa bisitang, “Dumito ka muna... ay ang dali naman, sana mas mahaba pa ang pagpanatili mo rito...” mga ganoong salita na kahit respeto na lang na kunyari nagustuhan mo ang pagdalaw ng tao. Parang ang dating sa akin ay inisnab niya si Brix. Ansakit.
Kaya sumungit na lang ako ng, “D-dalawang araw lang po siya rito, tay... Bukas ay aalis na siya... a-at sasamahan ko po siya. Babalik na lang uli ako sa dormitory ng school.” ang malungkot kong sabi.
Napatingin sa akin si Brix. Nagtatanong ang kanyang tingin. Wala naman kasi kaming usapan na dalawang araw lang siya sa amin. Ngunit hindi ko siya pinansin. Ewan ko, siguro sa biglaang pagbitiw ko ng ganoong desisyon ay may naamoy na siyang hindi maganda.
“B-bakit ang bilis naman yata anak?” ang tanong ng inay.
“M-may nalimutan pala akong research work nay. Kailangang matapos ko iyon kasi requirement iyon sa final grades namin.” ang pag-aalibi ko na lang.
Iyon lang. Tinapos namin ang aming almusal na wala nang nagsasalita pa.
“Love... g-galit ba ang itay mo sa akin?” ang tanong ni Brix noong nakabalik na kami sa aming kuwarto.
“Galit? Hindi ah! Marami lang iniisip iyon kasi may mga bagay na hindi sila nagkasundo ng may-ari ng lupang sinasaka namin. Pero huwag ka nang magtanong kasi sariling problema namin iyon. Basta hindi siya galit sa iyo” ang palusot ko na lang.
Iyon lang. At sa tingin ko ay tanggap naman niya ang aking dahilan.
Akala ko ay iyon lang ang hinanakit na maranasan ko sa araw na iyon. Sadyang mapaglaro lang siguro talaga ang pagkakataon. Parang iyong sinabi nilang “When it rains, it pours...” At hindi nga lang “it pours”. “It floods and it drowns” pa.
Magtatanghalian. Bumili si Brix ng stove at iba pang gamit sa kusina at bahay. At siya rin ang nagvolunteer na magluto ng aming tanghalian. Tumulong ni Brix sa mga gawaing bahay, pag-igib ng tubig, pamalengke, pagluto.
Nasa loob kami ng kuwarto ni Brix noon, hinintay na lang ang pagdating ng itay galing sa kanyang pagsasaka noong biglang narinig na naman namin ang kahol ng mga aso kasabay sa isang sigaw ng, “Tao po! Tao po! Nay? Tay???”
Kilala ko ang boses na iyon. “Si kuya Andrei!” Sigaw ng isip ko.
Hindi ko lubusang masisalarawan ang aking naramdaman. Pakiwari ko ay may naglulundag ang aking puso sa matinding kasiyahan sa pagkarinig ko sa kanyang boses bagamat may galit din akong nadarama na di ko mawari.
“S-si kuya Andrei love!” ang excited kong sabi kay Brix. At dali-dali kong binuksan ang bintana upang makita siya.
Ngunit kung gaano ka tindi ang tuwa ko sa aking narinig, ganoon din ka-tindi ang aking biglang paglungkot noong nakita ko ang kanyang kasama. Si Ella. At halata na ang tiyan sa kanyang pagbubuntis.
Pakiwari ko ay nawala nang tuluyan ang gana kong bumaba at harapin sila. Hinayaan ko na lang na ang inay ang magbukas ng pinto.
“Andrei!!!” ang narinig kong sambit ng aking inay noong nakita niya si kuya Andrei. “Napadalaw ka!”
“Opo nay... gusto kong ipakilala sa inyo si Ella.”
“Ay siya ba? Ang ganda naman niya!” sambit ng inay. “Hala pasok kayo. Pagpasensyahan mo na ella itong bahay namin ha?” ang narinig kong dugtong ng inay.
“Sanay sa gubat iyan nay, kahit saan itapon iyan nabubuhay iyan.” ang narinig ko ring pagsingit ni kuya Andrei.
“Halatang-halata na ang tiyan niya, Andrei. Malapit ka nang maging ama!” ang pagsingit uli ni inay.
Parang piniga ang puso ko sa aking narinig. Nanumbalik na naman sa isip ko ang dati niyang sinabing pangarap niyang magkaroon ng anak. Pero pinilit ko ang sariling maging manhid na lang. Kunyari ay wala akong narinig.
“Lalabas ba tayo love?” ang tanong ni Brix.
“Hindi... dito lang tayo.”
“Kotse ni Brix iyang nasa labas nay, ano?” ang narinig ko uling tanong ni kuya Andrei.
“Ay oo! Dumating dito ‘yan kagabi, sinundan si Alvin. Magkakilala pala kayo?”
“Opo... K-kaibigan siya namin ni Alvin.”
“Ah ganoon ba... O sya pasok na kayo. Tamang-tama. Mananghalian na tayo, ihanda ko na ang pagkain.”
Narinig ko ang ingay ng pagbukas ng aming kawayang pinto at natahimik sila saglit, marahil ay pumasok na ng bahay.
“Sina Brix at Alvin ang nagtulungang magluto. Magaling palang magluto iyang si Brix. At mabait na bata pa.” sambit ng inay.
“Oo... mabait iyang si Brix. Pero... wala pa ring tatalo sa kabaitan ko nay, di ba?” ang sagot ni kuya Andrei.
“Kapal!” ang bulong ko sa sarili.
“A-anong sabi mo?” tanong naman ni Brix sa akin.
“Wala... may naalala lang ako. P-parang makakapal yata ang pagkahiwa mo sa karne ng inadobong baboy mo.” ang pag-aalibi ko kay Brix.
“Nasaan na ba si bunso nay? Miss na miss ko na siya!” ang narinig kong tanong tanogn ni kuya Andrei kay inay.
“Ay... nasa taas lang sila ni Brix. Sa kuwarto niya.” At sumigaw na. “Alvin! Alvin! Nandito ang kuya Andrei mo!!!”
“Bababa tayo?” ang tanong ko kay Brix. Sa totoo lang kasi, excited na rin akong makita siya.
“Tara...”
Noong nasa baba na kami at nagkaharap na kay kuya Andrei, nagkunyari akong parang wala lang akong emosyon. Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti sa kanya at pahapyaw na kumaway.
“Hi Alvin!” ang sambit naman ni Ella sa akin. Ang ganda pa rin niya kahit halata na ang kanyang tiyan.
“Hi!” ang maiksi kong tugon sabay tumbok na sa lutuan kung saan naroon ang mga kaldero at ang niluto naming pagkain. Isa-isang binuksan ko ang mga ito.
“Si Brix pala... kaibigan namin ni Alvin” ang pagsingit naman ni kuya Andrei. “Siya ang sinabi kong mayaman na kaibigan ni Alvin...” ang sambit ni kuya Andrei, pagpakilala niya kay Brix kay Ella.
“Ay siya ba? Ang guwapo-guwapo naman!” sagot ni Ella.
Tawanan. “H-hindi naman po...” ang narinig kong sagot ni Brix.
Hindi ko na sila pinakialaman sa kanilang pag-uusap. Nagkunyari akong busy sa aking ginawa. Patuloy ko lang inusisa ang aming mga niluto. “Nay... kakain na ba tayo? Magsandok na ba ako?” ang tanong ko kay inay.
“Ang sungit naman ng bunso ko. Palibhasa nandito sa bahay kasama ang boyfriend.” ang pasimpleng pabulong na sabi sa akin ni kuya Andrei upang huwag mahalata nina Brix at Ella. Tinabihan pa talaga niya ako, nagkunyari ring usyusuhin ang mga niluto namin ni Brix.
“Ano ngayon kung kasama ko siya? Bakit kasama mo rin naman iyang aasawahin mo ah!” ang sagot ko ring pasimpleng pabulong bagamat may pagdadabog.
“Doon din ba kayo nagtabi sa pagtulog sa kama natin?” bulong uli niyang pang-aasar.
“Kama natin? Sure ka? Kama ko lang iyon. Hindi mo kama iyon no! At oo! Nagtabi nga kami. Alangan namang kami ng inay ang magtabi sa kama ko at sila ng itay ang magtabi sa kama nila inay sa kabilang kuwarto! Tanga!”
“At may nangyari naman?”
Feeling ko talaga ay gusto ko na siyang batukan sa linya ng kanyang tanong. Nang-aasar ba. Nambubuwesit. Kaya ininggit ko na rin isya. “Oo! Mayroon!” Ang padabog ko nang sagot. At dahil inis na inis na ako at ayaw ko na siyang patulan pa, sumigaw na ako ng, “Inayyyyy! Magsandok na ba ako!!!”
Na pasigaw na ring sinagot ng inay na nasa labas ng bahay, “Oo! At bakit ba kung makasigaw ka...?!!! Magsandok ka na at tinatawag ko lang ang itay mo para sabay na tayong kumain!”
“Kuwento ka naman sa nangyari sa inyo kagabi tol o.” ang patuloy pa ring lihim at pa-simpleng pang-aasar niya.
“Gusto mong isaboy ko sa mukha mo ang sabaw nitong kumukulong tinulang manok? Di ka nakakatuwa, alam mo ba iyon? Nakakainis ka! Nakakabuwesit!” At upang mahinto na siya sa pang-aasar at mabaling ang atensyon nina Ella at Brix sa amin, sumigaw na ako, inutusan siya ng, “Kunin mo ang isang mesa sa labas at idugtong sa mesa natin dito sa loob para magkasya tayo! Huwag kang puro pang-aasar d’yan!”
“Ako na! ako na love...” ang mabilis naman na pagsingit ni Brix noong narinig ang aking utos. At binanggit pa talaga ni Brix ang tawagan naming “love”
Mistula akong nadaganan ng tren sa narinig. At pati si Ella ay tila nabigla rin, napatingin sa akin at kay kuya Andrei na ang mga mata ay may bahid na pagsusupetsa.
Napatingin na rin ako kay kuya Andrei. Nakatingin din siya sa akin at ang kanyang bibig ay tila bibigay sa isang tawa, ang mukha ay nang-aasar. Iyon bang sarkastikong expression na parang sa isip lang ay, “Oww? May ganoon kayo? Sweet naman!”
Alam ko, na kung hindi pa man alam ni Ella ang tungkol sa akin o sa amin ni Brix, malaking katanungan ito sa isip niya. At maaari ring kung alam na niyang hindi pala kami tunay na magkapatid ni kuya Andrei, at matalas ang kanyang pang-amoy, ay talagang may maitagpi-tagpi niya sa mga kilos namin, pati na ang sobrang pagbibigay ng atensyon ni kuya Andrei sa kain na ang kahit pagpapakasal nila ay kailangang ako pa ang magdesisyon.
Ngunit wala na akong pakialam kung ano man ang iisipin niya. Ano pa ba ang ikakatakot niya kung sakaling malaman niya o madiskubre niya ang tungkol sa amin. Ikakasal na kaya sila. Kaya dedma na lang ang drama ko. “Hindi ikaw... Si Kuya Andrei na ang magbubuhat ng mesa. May operasyon ka, makasama iyan para sa iyo.”
Ngunit sinagot pa rin ako ni Brix ng “Ako na... antagal na noong operasyon na iyon. Wala na iyon love...” at dali-dali siyang lumabas upang kunin ang mesa.
“Ano bang naoperahan sa kanya love...” ang pabulong uling pang-aasar ni kuya Andrei, ginagad ang pagkabigkas ni Brix ng “love”
“Wala kang paki!” bulong ko rin. “Kapal mo. Dapat ikaw ang magbuhat noong mesa!”
Nasa ganoon kaming pag-aasaran nang biglang “Blaggg!”
Nalaglag ang isang bowl na sabaw ng tinolang manok.
“Ano iyan Alvin!” ang sigaw ng inay na kasalukuyang pumapasok kasama na ang itay.
“Iyan kasi! Iyan kasi!!!” ang sigaw kong paninisi kay kuya Andrei. “Si kuya kasi... kinukulit ako eh!”
“Hay naku... pati ba ngayong matatanda na kayo, hindi pa rin maaawat sa pag-aaway-bati? Para kayong mga aso’t pusa!”
“Lambing lang po, inay. Miss na miss ko na kasi ito eh.” sabay naman kurot sa pisngi kong nakasimangot na para bang gigil na gigil sa akin.
“Aray!!!” ang sigaw ko, hinaplos ang nakurot na pisngi. “Ansakit noon ah!” At dahil yumuko na siya upang pulutin ang nalaglag na bowl. Binatokan ko naman. “Ummmm!”
Napangiti na lang siya ng hilaw, tiningnan ako habang hinaplos ng isa niyang kamay ang kanyang ulo.
“Ako na, akin na ang bowl at ako na ang magsandok.” ang pagsingit naman ng inay noong sasandok na sana si kuya Andrei ng sabaw at ilagay sa bowl. “Doon na kayo sa mesa.”
Kaya doon na ako sa mesa. Habang ipinagdugtong ni Brix ang dalawang mesa upang magkasya kaming anim, inihanda ko naman ang mga plato at kutsara.
Si itay naman, si kuya Andrei kaagad ang kanyang nilapitan. Nagkumustahan sila, biruan, tawanan. Dating gawi. Ganyan naman palagi silang dalawa. Parang magkapatid din lang ang turingan. Pansin ko talaga ang sobrang saya ng itay kapag nand’yan si kuya Andrei.
Tapos ipinakilala pa ni kuya Andrei si Ella. “Ang ganda ng mapapangasawa mo, Andrei! At mukhang magkaapo na ako nito!” sambit ng itay.
At doon na muli ako natamaan sa salitang “apo”. Para bang may phobia na ako sa mga salitang iyan. Pag-aasawa, anak, apo... Pero kunyari di ko narinig ang mga pag-uusap nila. Tiniis ko na lang ang sakit bagat parang tinusok ang puso ko.
Sa hapag kainan, pansin ko naman ang sobrang kasayahan ng aking itay, kabaligtaran sa eksena noong kami ay nag-almusal. Hindi silang dalawa ni itay at kuya Andrei sa pagkakantyawan, pagbibiruan. Pakiwari ko ay hindi kami nag-exist ni Brix. Nasaktan ako, syempre. Para bang ano ba to? Nasaktan ka na nga dahil nandyan ang taong tunay mong mahal at ipinamukha pa sa iyo ang kanyang babaeng pakakasalan tapos, ang sarili mong itay ay parang inetsapuwera ka na lang, kasama ang iyong bisita.
Pinigilan ko pa rin ang aking sariling huwag bumigay, huwag umiyak. Tiniis ko pa rin ang lahat. Pakiramdam ko ay tinoturture ang aking kalooban na nasa harap ko na nga ang mahal ko, katabi ng babae niyang halata na ang tiyan, out of place pa ako sa usapan.
Ewan kung nahalata ni Brix na nasaktan ako. Ngunit bilib pa rin ako sa kanya. Alam niya kung saan sumisingit sa usapan, kung paanong hulihin ang kiliti nina itay at kuya Andrei sa pagpapatawa, kung paano pumasok at magbukas ng usapan.
Ngunit doon na ako tuluyang napuno noong nagtanong ang inay kay kuya Andrei. “Bakit pala kayo napadalaw Andrei?”
Bigla rin silang nahinto sa pagtatawa. Naging seryoso ang mga mukha. Tiningnan ni kuya Andrei si Ella at pagkatapos, tiningnan niya ako. “Naka-set na po kasi ang aming kasal ni Ella nay, tay, dalawang lingo mula ngayon. At sana ay dadalo kayo.” At baling sa akin, “At ikaw ang best man ko tol... Ok lang?”
Parang isang napakalakas na bomba ang sumabog sa aking harapan sa pagkarinig sa balitang dala niya...
(Itutuloy)

No comments:
Post a Comment