Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Tuesday, May 5, 2015

STORY: Ang Munting Lihim [17]


“H-ha???” ang gulat kong sagot sa pagkarining na may matinding karamdaman si Brix. “S-sigurado ka? Paano mo nalaman? Ang lakas-lakas pa niya noong nakaraang mga araw ah.”

“Hindi ko nga rin akalain eh! Sino bang mag-aakalang ang isang katulad ni Brix na malakas, athletic, nagji-gym ay magkaroon ng isang karamdaman?”

“A-anong cancer ba ang dumapo sa kanya?”

“Sa kidney.”

“Siguradong cancer ba?”

“Oo... at ayon sa initial findings, kailangang-kailangang tanggalin ang isang kidney niyang natamaan.”

At doon na ako nahinto, napaisip sa mga nangyayari; sinisi ang sarili dahil isa ako mga nakadagdag sa kanyang karamdaman lalo na, nagbago na sana siya ngunit ako pa itong nagtulak sa kanya na bumalik sa bisyong ayaw na niya sanang balikan. May guilt akong naramdaman, may inis sa sarili na dahil lamang sa sama ng loob ko para sa isang tao, nadamay ko pa siya. Lumabas tuloy na napaka-selfish ko, manggagamit. “K-kailan daw ba siya ooperahan? Malala ba ang kalagayan niya?”

“Sa lalong madaling panahon daw Kam... Malala kung sa malala. Pero sa ngayon, ang isang kidney lamang ang nakitaan ng tama kung kaya ay kailangang tanggalin ito upang hindi kumalat sa ibang parte pa ng kanyang katawan ang cancer. Baka sa makalawa na siya ooperahan.”

“N-nasaan siya ngayon Noah?”

“Sa isang ospital ng Maynila. Doon na raw siya ooperahan.”

“Sana... magiging successful ang operasyon niya.”

“Sana... Sana. Kasi ang sabi ng duktor, ang klaseng kanser daw na dumapo sa kanya ay iyong kumakalat, gumagapang.”

“G-ganoon ba? Nakakatakot naman!”



“Oo kung kaya ay tanggalin na ang kidney na iyon agad-agad upang hindi na ito makakalat pa sa ibang internal organs niya. At titingnan pa ng mga duktor kung wala na bang ibang internal organs na natamaan.”

“S-sana ok lang siya...”

“Sana...”

Tahimik.

“H-heto pala Kam, may sulat si Brix para sa iyo...” sabay dukot sa sulat galing sa kanyang bulsa at inabot ito sa akin.

Kinuha ko ito sa kanyang kamay, binuklat, at binasa.

“Dear Love, pasensya ka na, hindi ako nakapagpaalam sa iyo ng maayos. Matagal ko nang alam na may karamdaman ako. Ngunit inlihim ko sa iyo pati na sa aking mga magulang. Hindi ko kasi lubos na maisip na mayroon ako nito. Ayaw kong maniwala, ayaw tanggapin ng aking isip. Pilit kong idni-deny na mayroon akong karamdaman. Hanggang sa hindi ko na talaga kaya. Pasensya ka na, hindi ko sinabi sa iyo ito. Ayokong makadagdag ako sa kung ano man ang bumabagabag sa iyong isip. Kung alam mo lang kung gaano kasakit para sa akin ang makitang nagdusa ka. Gusto ko nga sanang alamin kung ano ang dahilan ng iyong tila pagrerebelde sa buhay ngunit hindi ko magawa kasi, noong naitanong ko iyan sa iyo, ang sabi mo ay wala; gusto mo lang maranasan ang ibang klaseng buhay. Alam ko, mayroong malaking dahilan. Ngunit dahil ayaw mong sabihin, nirerespeto ko ang iyong desisyon. Tahimik na lang ako.

Alam mo, nasasaktan ako sa nakitang unti-unti mong pagsira sa iyon buhay. Ayaw ko kasing maranasan mo ang naranasan ko. Matalino ka, may potensyal na magiging isang magaling na tao sa kahit anong larangang pipiliin mo. Gusto kong pigilan ka. Gusto kong awatin ka. Pero dahil ayaw mo naman akong sundin, ako na lang ang nagparaya. Sinunod ko ang gusto mo. Patawad. Kasi, kung ipagpatuloy mo ang pagkahumaling sa droga, ako ang numero unong dahilan sa pagkasira ng iyong buhay. Sana ay hindi darating ang araw na huli na ang lahat bago mo marealize na tama pala ang mga sinasabi ko. Hinahangaan kita dahil sa kabaitan mo. Hinahangaan kita dahil sa matibay mong paninidigang makapag-aral, sa talino at galing mo. Hinahangaan kita dahil sa napakaraming bagay na nasa iyo na ngunit inaasam-asam kong makamit para sa sarili ko. Idol kita. Idol ka ng maraming estudyante. Kaya masasaktan ako kapag nagbago ka. Ayokong makitang napariwara ka. Dahil kapag nangyari iyon, magi-guilty ako; dahil hindi man lang kita natulungan, bagkus ako pa itong naging dahilan upang masira ang buhay mo.

Anyway, may cancer nga ako... Alam mo, noong unang nalaman ko ito, nasabi ko sa aking sariling sana ay matuluyan na lang ako. Parang gusto ko nang mamatay na lang. Parang gusto ko nang magwakas ang lahat. Kasi, masakit mang sabihin, ngunit naramdman ko, napapansin ko, nakikita ko... na hindi mo ako mahal. Pero tiniis ko; nagkunyari na hindi ko napansin, pilit isiniksik sa isip na mahal mo rin ako. Ganyan kita kamahal. Kaya kong i-distort sa aking isip ang mga empirical na bagay sa mundo. Sa pagmamahal ko sa iyo ay natutunan kong tanggapin ang isang mapait na katotohanan. Kapag may masasakit na bagay na nakikita ako magpi-pretend na lang ako na hindi ko nakita ang mga ito. Kapag may mga bagay ring gusto kong makita ngunit wala sa aking paningin; uli, magpi-pretend ako na nakita ko. Parang naka-droga lang. Malakas ang tama. Kagaya nang sa bawat pagbigkas ko sa iyo sa mga katagang ‘I love you’ at hindi mo sinagot, nagpi-pretend na lang akong sinagot mo. Sa isip ko, klarong-klaro kong narinig ang ‘I love you too’. At ang sabi ko pa sa sarili... balang araw ay mamahalin mo rin ako. Pakunsuwelo sa sarili; pangarap. Pero huwag kang mag-alala. Kasi, magaling nga akong mag-pretend. Kahit sa pangarap kong iyan ay nagpi-pretend pa rin ako. No hard feelings. Minsan ay may mga taong mahal mo, hindi ka naman mahal. May mga tao ring mahal ka, hindi mo rin naman sila mahal. Mahirap intindihin. Pero ganyan talaga. Hindi lahat na nangyayari sa ating buhay ay naaayon sa ating kagustuhan. Kaya walang choice kundi ang tanggapin ito at magparaya...

May isang beses, natawa na lang ako para sa aking sarili. Iyong sarcastikong tawa. Narinig ko kasi ang isang lumang kanta at para akong hinataw sa ulo ng isang matigas na bagay. Pakiramdam ko kasi, sa akin ipinatama ito. Ang sabi, ‘mahal kita, mahal mo siya, mahal niya ay iba. Mas mapalad ka, mahal kita, sa akin walang nagmamahal...’ Parang gusto kong maawa sa aking sarili, umiyak, maglupasay sa matinding sama ng loob. Pero may isang bahagi rin ng aking utak na nagsabing, ‘Ok lang iyan... ang mas mahalaga ay nagmahal ka at nakaranas ng saya kahit sa isang pagkukunwaring pagmamahal lang. Maraming tao sa mundo ang mas salat sa pagmamahal kaysa sa iyo. Dapat ay makuntento ka na dyan.’”

Ngayong seryoso ang aking kalagayan, parang gusto ko na lang gumive up sa buhay. Ayaw kong magiging pabigat kasi sa mga taong mahal ko. At lalo na sa iyo. Gusto kong bigyan ka ng kalayaan. Gusto kong kung ano man ang gusto mo sa buhay, abutin mo iyon. Pakiramdam ko kasi ay naging hadlang na lang ako sa kung ano man talaga ang laman ng iyong puso. Pakiramdam ko ay ako pa itong dahilan kung bakit ka nagkaganyan; kasi may gusto kang kamtin na hindi mo maaabot... dahil sa akin. Hindi mo ito nabinigyang-laya, hindi mo maipapalabas. Ewan... Pero bahala na rin si Big Bro. Kapag binuhay pa niya ako pagkatapos ng operasyon, o pagkatapos nito, siguro ay may misyon pa ako sa mundo, kung ano man iyon.

At ikaw... kung halimbawa lang na gusto mong lumayo sa akin, matatanggap ko. Promise, hindi sasama ang loob ko. Gusto kong maging masaya ka. Gusto kong makamit mo ang mga bagay o taong ninanais mong makasama sa buhay. Lahat ay kaya kong ibigay, maging masaya ka lang.

Basta... ang hihilingin ko lang ay sana, huwag mong kalimutan na sa isang punto ng buhay mo, may isang taong nagmamahal ng lubos sa iyo. At sana ay huwag mong sirain ang buhay mo. Ok lang kung ang buhay ko ang masisira, huwag lang ang sa iyo.

Kasi... mahal na mahal kita. –Brix-“

Pagkatapos kong mabasa ang sulat niyang iyon, doon ko naramdaman na dumaloy na pala ang mga luha ko. Sobrang awa ang naramdaman ko para kay Brix.

Tumalikod ako kay Noah. Nahiya kasi ako sa aking painaggagawa. Doon ko napagtanto na napaka-selfish ko talaga. Ang nasa isip ko ay puro ako, puro mga hinaing ko, puro paghihimutok, hindi inisip na may mga tao palang higit pa na nagdusa, may mas matinding pinagdadaanan kaysa akin. Lihim na pinahid ko ang aking mga luha. “Huwag kang mag-alala Brix, isa ka sa dahilan kung bakit namulat ang aking mga mata. Pipilitin kung tahakin ang tuwid na landas, para sa mga taong nagmamahal sa akin, at isa ka na roon. Pilitin kong ituwid ang aking buhay, maging successful, makatulong sa aking pamilya na maiangat sila sa kahirapan...” ang bulong ko sa sarili habang tinupi muli ang kanyang sulat at isiniksik iyon sa aking bulsa.

Tinapik ni Noah ang aking likod. At noong humarap ako sa kanya, inunat niya ang kanyang braso.

Niyakap niya ako at hinaplos niya ang aking likod. “Ang bait na ng pinsan ko no?”

“Oo Noah... ngayon ko lang napagtanto na napakasuwerte ko na may isang Brix na nagmamahal sa akin na kahit ang kapakanan, kalusugan at buhay niya ay handa niyang isakripisyo para sa akin.”

“Suwerte rin naman siya sa iyo ah. Kasi alam ko, mabait kang tao. Alam ko namang hindi mo kagustuhang tahakin ang masamang landas eh.”

Napangiti na lang ako ng hilaw.

“Sige... tawagan ko si insan para makausap mo siya. Ang utos niya kasi sa akin ay tawagan ko raw siya kapag nagsama tayo. Hindi ka raw kasi niya makontak noong tumawag siya sa iyo. At hindi mo rin sinasagot ang mga texts niya.”

“Ah... o-oo nga pala. Hindi ko dala-dala ang cp ko noong umuwi ako ng probinsiya eh.” ang pag alibi ko na lang. Ang totoo kasi, nababasa ko ang mga text ni Brix ngunit wala ako sa mood na sagutin ang mga iyon. Nainis pa kasi ako sa aking kalagayan noon at litong-lito ang isip. Kung kaya ay hindi ko siya binigyang halaga.

“Hi love! Kumusta ka na? Nag-alala ako sa iyo. Hindi kita nakokontak eh. Hindi ka rin sumasagot sa mga texts ko. Baka kung napaano ka...” ang boses ni Brix na narinig ko sa kabilang linya. Parang wala naman akong napansing kakaiba sa kanyang pananalita. Siguro pinilit niya lang na sumaya.

“M-mabuti naman ako. Huwag kang ma-alala, ok lang ako. Ikaw ang kumusta?”

“M-mabuti naman. Ba’t di mo sinagot mga texts ko?”

Napatingin ako kay Noah. Nagsinungaling kasi ako. “N-nalimutan ko ang cp ko. H-hindi ko nadala.” ang parehong palusot ko sa palusot ko rin kay Noah. “Kumusta ka na? Kailan ang operasyon mo?” ang tanong ko.

“S-sa sunod na araw pa.”

“Ok lang naman daw?”

“So far, so good. Kaya huwag kang mag-alala. Ok lang ako. Pagkatapos ng operasyon, siguro ay isang linggo lang akong manatili sa ospital at makakalabas na.”

“At ligtas ka na sa cancer?”

“Oo... free na ako”

“Yeeey!” ang sigaw ko.

Natahimik siya. Hindi ko alam kung bakit.

Maya-maya. “I love you.” ang sambit niya.

Mistula akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi niyang iyon, nanumbalik sa aking isip ang nauna kong sinabi sa aking sarili na magpakatotoo na ako sa kanya; na sasabihin ko na sa kanya ang tunay kong naramdaman; na hindi ko siya mahal at maging kaibigan na lang kami. Ngunit nagdadalawang-isip na ako sa pagkakataong iyon dahil sa nabasa ko sa sulat niya. Isa pa, may sakit siya, nagdusa siya, nagparaya siya, ginawa ang lahat... Parang hindi ko kayang dagdagan ko pa ang sakit na nadarama niya. Kaya, “I-I love you too...: ang naisagot ko.

Natahimik siyang muli.

“Bakit ka natahimik?” tanong ko.

“W-wala...” ang maiksi niyang sagot na ang boses ay tila nag-crack. Alam ko, umiyak siya ngunit pinigilan niya ito.

“Wala? As in walang dahilan?” ang tanong ko.

“Masayang-masayang-masaya lang ako. Kung nandito ka lang sa tabi ko, malamang kinarga na kita sa sobrang tuwa ko sa aking narinig.”

“Bakit ka masaya?”

“Simula noong naging tayo kasi, ngayon ko lang narinig ang salitang ‘I love you too’ galing sa iyo. Akala ko, ako na naman ang sasagot ng ‘I love you too’ sa sarili ko.”

Napangiti naman ako. “S-sorry. Sorry talaga... N-nasaktan kita.”

“Wala iyon... Ikaw pa. Ang lakas mo sa akin.”

“Salamat... L-love.”

“Waaahh! Tama ba ang narinig ko? T-tinawag mo akong Love?”

“Oo naman! Love ang tawag mo sa akin, e di love din ang tawag ko sa iyo. Love ang tawagan natin, di ba?”

“Yeeeyyyy!” Ang narinig kong pagsisigaw ni Brix sa kabilang linya. Tuwang-tuwa siya sa narinig. “Alam mo love... ngayon lang ako sumaya nang ganito. Ang unang sayang naranasan kong sobra ay noong bigla mo akong hinalikan sa harap ng kuya Andrei mo. Tapos, ngayon...”

“Gusto ko lang bumawi. Alam ko, malaki ang kasalanan ko sa iyo.”

“Wala nga iyon. Ikaw talaga o...”

“O sya... m-magpahinga ka na ha? Mag-ingat ka palagi”

“Oo... para sa iyo.”

“O sige... bye na.”

“S-salamat.”

“Salamat saan?”

“D-dahil sa pagmamahal mo. Parang wala na akong mahihiling pa sa buhay. Narinig ko na ang matagal ko nang inaasam-asam na salita sa iyo. Ang ‘I love you too...’ Kahit mamatay na ako ngayon, happy na ako Love.”

Tahimik.

“I love you.” ang sambit ko uli.

Hindi siya nakasagot agad. At maya-maya lang, “I love you too...” ang pautal-utal niyang sagot, halatang nag crack ang boses sa pigil na pag-iyak.

Napaiyak na rin ako. Ngunit hindi ko na ito ipinahalata pa sa kanya. Pinatay ko na ang aking cp.

“Noah... awang awa ako kay Brix.” ang sambit ko kay Noah noong iniabot ko ang cp sa kanya. “G-gusto ko sanang sorpresahin siyang dalawin kaso...” hindi ko naipagpatuloy ang sasabihin gawa ng hiya.

“Kaso ano...”

“W-wala na akong pera eh.”

“Pera ba ang problema kamo?” ang sambit ni Noah na halatang na excite.

Tumango ako.

“Puwes, huwag kang ma-mroblema. Ako ang iyong fairy godmother. Walan gproblema iyan sa makapangyarihan kong magic wand! O kumuha ka ng mga daga at pumpkin upang makaalis ka na. Ang gown, anong gusto mong kulay? Pink? Red? Fuchsia? Ang shoes? Anong gusto mong brand? Adidas? Nike, Rebook? Sketchers?”

“Noah naman eh...”

“Joke lang po...” ang bigla rin niyang pagseryoso. “Nasa akin ang credit card ni Brix, iniwanan niya para daw sa mga pangangailangan mo. Para sa iyo, at sa iyo lang. Your wish is my command, dear. Ganyan ka kamahal ng aking pinsan.”

“T-talaga? Kakahiya naman. P-pero puwede natin siyang dalawin?”

“Ikaw pa!” ang excited na sagot ni Noah. “Mamaya kaagad, sasaglit ako sa ticketing office at magpabook na ako ng flight natin. Ako ang magschedule. Friday ng gabi tayo aalis dito at ang pagbalik ay Monday ng madaling araw. Para sulit tayo sa Maynila. O di ba? First time mong makapunta ng Maynila, di ba?”

Tumango ako.

“O tamang tama. Sabayan natin ng pamamasyal. Maghahanap ako ng boys doon.” sabay tawa.

Natuloy ang pagdalaw namin kay Brix sa Manila. Base sa plano, gabi ng Biyernes kami umalis pa-Maynila. Napag-alaman kong isang araw na ang nakalipas pagkatapos siyang naoperahan.

Alas onse ng gabi noong nakarating kami sa private na kuwarto ni Brix. Naroon ang kanyang mommy, na hindi na nagulat sa pagkakita sa amin gawa ng tinimbrehan ito ni Noah at sinabihang huwag ipaalam kay Brix na dadalaw kami gawa ng sorpresa namin ito sa kanya. Halatang pagod na pagod siya. Makikita sa kanyang mga mata na kulang siya sa pahinga at tulog at ang buhok ay hindi man lang naayos ng maigi. Si Brix naman ay himbing na himbing.

“Mommy... magpahinga na muna kayo sa hotel ninyo. Kami na ni Alvin ang bahala rito, ok?” ang pabulong na sabi ni Noah sa mommy ni Brix. Mommy rin kasi ang tawag niya rito.

“S-sige, kayo na ang bahala sa kanya Noah ha? Alvin? Malungkot na malungkot iyan. May isang tao raw siyang pinangarap na dadalaw sa kanya, na makita niya. Hindi naman sinabi kung sino, pero alam ko, kayo iyon. Hindi ko na lang sinabing dadalaw kayo gawa nang sabi mo nga...” baling kay Noah, “...sorpresa ninyo.”

Lumingon naman sa akin si Noah sabay kindat.

“Hayan, nakatulog... nanghina rin iyan dahil sa operasyon niya kahapon.” Dugtong pa ng mommy ni Brix. “O siya... aalis muna ako. Maligo pa ako at marami pa akong gagawin. Hanggang kailan pala kayo rito Noah?”

“Hanggang sa lunes ng madaling araw pa po mommy.”

“Ah... so puwedeng umuwi muna ako sa atin bukas at Lunes na ako babalik dito.”

“Sige po mommy. Kami na muna ang bahala kay kuya Brix.”

Noong kami na lang ni Noah ang naiwan, naupo si Noah sa isang tabi habang tinitigan ko naman ang mukha ni Brix na animoy isang inosenteng batang himbing na himbing sa kanyang pagtulog. Ang kalahati ng kanyang katawan ay tinakpan hanggang dibdib ng puting kumot. Sa gilid naman ng kama niya ay may ngkalambitin na dextrose. Nakakaawa ang kanyang hitsura. Namumutla siya at halatang pumayat. Ilang araw lang siyang nawala, ambilis na ng kanyang pagbabago. Halos hindi ako makapaniwala sa aking nakita sa kanya. Ang dating Brix na punong-puno ng saya, interprising, athletic, na akala mo ay kayang gawin ang lahat na mahihirap na pisikal na gawain, isang taong pagseselosan mo ang angking tangkad, ganda ng postura at laki ng katawan. Ngunit sa pagkakataong iyon, tila bumaligtad ang mundo niya; isang helpless na tao na nakaratay sa ibabaw ng kama ng ospital na iyon.

Tumulo ang aking mga luha sa kaiisip sa nangyari sa kanya, sa ginawa niyang pagpaparaya, sa kanyang mga sakripisyo para sa akin na kahit alam niyang may sakit pala siya, pinagbigyan pa rin niya ako sa mga hinihiling kong kapritso, kahit nakakasama ang mga ito sa kanyang kalusugan.

“Uhmmm!” ang narinig kong mahinang ungol ni Brix.

May naramdaman naman akong tuwa sa pagkarinig ko sa ungol niyang iyon. Iyon bang excitement na hayan iyong taong nagsakripisyo para sa iyo at excited na makita ka at kapag iminulat niya ang kanyang mata ay ikaw na ang kanyang unang makita. Alam ko, matutuwa siya kapag nakita niyang nandoon na ako sa tabi niya. Kaya ang ginawa ko ay umupo sa silyang nasa gilid lang ng kanyang kama atsaka isiningit ko ang aking kamay sa ilalim ng kanyang kumot, sinalat ang kanyang braso at hinawakan ito. “L-love...” ang mahina kong sambit habang nakatingin sa kanyang mukha.

Dahan-dahang iminulat niya ang kanyang mga mata. At sa kanyang pagkakita sa akin, “N-narito ka... love?” ang sambit niyang kitang-kita sa mga mata ang pagkagulat at matinding saya.

“Oo naman... ikaw pa. Ang lakas mo kaya sa akin.” sabay lingon kay Noah na halatang kinilig sa kanyang nakita sa amin.

Napangiti si Brix na tumingin na rin kay Noha. “S-sala—“

Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin gawa ng pagdampi ko ng aking huintuturo sa kanyang bibig at pagkatapos ay idiniin ko na ang aking labi sa kanyang mga labi.

Hinalikan ko siya. Gumanti siya sa aking halik.

“I love you...” ang sambit ko noong matapos ko na siyang halikan, ang aming nga mukha ay halos magdiklit sa sobrang lapit sa isa’t-isa.

“I love too.” ang mahinang sagot niya. At halos kasabay sa pagsagot niyang iyon ay ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata.

“Ayokong makitang umiyak ka...”

“Masaya lang ako.”

“E bakit hindi ka ngumiti?”

Binitiwan niya ang isang pilit na ngiti bagamat patuloy pa rin ang pagpatak ng kanyang mga luha. “Sobrang saya ko lang talaga love...”

“Payakap na nga lang.” Sambit ko. At niyakap ko siya samantalang pilit na inilingkis niya ang isa niyang kamay na hindi naka dextrose sa aking katawan.

“Plano ni Alvin ang lahat ng ito kuya. Gusto ka niyang sorpresahin.”

Napatingin si Brix kay Noah. “T-talaga?” ang sagot ni Brix na ibinaling na ang paningin sa akin.

“Namiss kasi kita...” ang sagot ko na lang.

“Ako hindi mo tanungin kung na-miss kita?”

“Alam ko naman ang sagot eh. Miss na miss mo ako.”

“Hindi lang miss na miss kundi miss na miss na miss na miss... million times.”

Tawanan.

Doon na kami natulog sa private na kuwarto ni Brix. May isang higaan kasi doon at kami ni Noah ang nagtabi. Masaya kaming tatlo. Ngunit alam ko, mas masaya si Brix. Sa aming pag-uusap napag-alaman namin na isang kidney lang daw ang natamaan ng cancer at wala nang iba pang bahagi ng kanyang internal organ. Bale ang kailangan na lang niya ay ang magpagaling, kumain ng tama, huwag abusuhin ang katawan, huwag masyadong magpupuyat, huwag mag-isip ng kung anu-anong problema upang lumakas ang immunse system, umiwas sa stress at pressure, at iyon na, back to normal na naman siya. Basta, kada 5 o anim na buwan daw siyang magpa-check up, iyong tinatawag na executive check kung saan ang lahat ng bahagi sa katawan ay sinusuri.

Kinabukasan, Sabado, iminungkahi ko kay Noah na mamsyal na lang siya. Ayaw ko kasing iwanan si Brix.

“Kabisado mo naman ang Manila, di ba?” ang tanong ko kay Noah.

“Bakit hindi ka sumama para makapamasyal ka rin? First time mong makarating ng Maynila. Dapat ay pumasyal ka.”

“Gusto ko... kapag naranasan ko ang unang pamamasyal ko rito, ikaw ang makakasama ko” ang sagot ko.

Tinitigan ako ni Brix. Sabay, “Halika nga... yakapin na lang kita.”

At iyon... Si Noah na lang ang namasyal. Nag malling, nanood ng sine. Masaya naman daw siya. Nakipagtagppo raw siya sa mga friends niya sa internet na noon lang din niya nakita.

Ngunit kami ni Brix, sa loob lang ng kanyang kuwarto. Nanood ng TV, nag-iinternet, naglaro ng chess. Higit sa lahat, nakuwentuhan. Noon ko pa lang nakita ang laki ng ipinagbago ni Brix sa kanyang pananaw sa buhay, sa kanyang kabaitan, sa kanyang pagmamahal sa akin.

“Love... kapag gumaling na ako, gusto kong kumain ng prutas na albinee. masarap iyan. May kulay na ube ang balat, at ang laman ay kulay pula. May kulay pink din, kulay blue. Nagbabago ang kulay niya kapag kinagat mo, depende sa kung saang bahagi ng prutas mo siya kakagatin. Ang sarap niyan sobra.” ang sabi niya noong nabored na kami sa paglalaro ng chess.

“Ow? ang galing naman.”

“Oo.”

“Saan naman nakikita iyan?”

“Sa Tsaysipku.”

“Tsaysipku? Saan iyan?”

“Isang lugar na mahirap puntahan.”

“May nakakain na ba niyan?

“Wala pa.”

“Bakit?”

“Nasa isip ko lang siya eh. Hindi puedeng ibenta sa tindahan. Tsay-isip ko, ang prutas na Alvin-e”

“Waaaw! Nalungkot naman ako bigla sa joke mo pare!!! Pang drama! Corny pa!”

Tawanan.

“Sige ikaw naman ang mag-joke.”

“Gusto ko maglaro.”

“Ano?”

“Yung kilitihan sa may parteng tyan.” Ang biro ko. Alam ko kasing may tahi sa tiyan niya.

“Waaah! gusto mong pagtripan ang operasyon ko ha? Sige nga kilitihin mo.” sabay tanggal sa kumot na nakatakip sa kayang tiyan.

Doon naman ako nabigla. Nakita ko ang presko pang tahi sa klanyang sugat. At nagulat pa ako dahil sa gilid ng kanyang tiyan ay may transparent na plastic tube na mahaba na nakatusok sa kanyang gilid at ang kahabaan ay hanggang sa paanan ng kama, kasing laki ng ballpen ang circumference at may pula-pulang nasa loob na tila tumatagos. “A-ano naman iyan?”

“Drain ng dugo. Dyan lumalabas ang dugo na na trap sa ilalim ng aking katawan sanhi ng operasyon, upang mailabas ang mga ito at malinis ang aking laman loob. Tingnan mo ang container sa ibaba, iyan ang dugong patuloy pang dumadaloy galing sa aking sugat sa ilalim ng aking katawan...”

Tiningnan ko ang dulo. May plastik na container nga at may dugo na halos isang baso ang dami. At sa takot ko, bigla akong napaatras at tumalikod. “Takpan mo love! Takpan mo! Arrggghhh!” ang sigaw ko. Pakiramdam ko kasi ay bigla akong naghina, namutla, at nanginig.

“Hahahaha!” ang tawa ni Brix. “Kala ko ba ay magkilitian tayo sa tyan?”

“Ayoko. Natatakot ako! Takot ako sa dugo love!!!”

“O siya, halika na... tinakpan ko na siya. Lika. Huwag ka nang matakot.”

At doon na ako bumalik sa gilid ng kanyang kama. Lalo tuloy akong naawa sa kalagayan niya. Kung ako siguro iyon, baka sa pag-iisip pa lang na hihiwain iyong tyan ko at tatanggalin ang isang bahagi ng aking laman-loob, baka di na nila kailangan pa ng pampatulog para sa akin dahil sigurado, nagko-collpase na ako sa pagkakita ko pa lang sa duktor na mag-oopera sa akin.

Naging seryoso na tuloy akong tinitigan na lang siya. Naawa. “Kawawa naman ang love ko.” Ang sambit ko.

Napangiti lang siya ng hilaw.

“I love you...”

“I love you too...” sagot niya.

Ewan... ngunit sa dalawang araw na dinamayan ko si Brix, naging mas close pa kami sa isa’t-isa. Mas naintindihan ko na siya, mas lumalim ang paghanga ko sa kanya, mas naappreciate ko na ang lahat ng mga ginawang sakripisyo niya sa akin. At pakiramdam ko nagsimula nang tumibok ang puso ko para sa kanya.

Natapos ang aming dalaw na baon-baon ko ang masasayang pangyayari sa amin ni Brix. Kahit nasa ospital lang akong kasama siya, masayang-masaya ako. At nagpagdesisyonan kong kay Brix ko na ibaling ang aking pagmamahal. Siya na lang ang pagtutuunan ko ng oras at pansin.

Lumipas ang isa pang linggo at tuluyan nang nakabalik Brix sa bahay nila.

“Love... ipinaalam ko sa aking mga magulang na imbes sa villa tayo tutuloy, sa bahay na namin. Ayaw ng mga magulang ko sa ibang tuluyan titira. At pumayag silang dito ka rin, kasama ko.” Ang text sa akin ni Brix.

“S-sa boarding house na lang kaya ako tumira love.”

“Ayaw mo bang makasama ako rito sa bahay?”

“N-nahihiya kasi ako eh.”

“Ano ka ba. Sige na... Please???”

Kaya wala na akong nagawa kundi ang tumira na rin sa bahay nila.

Sa kuwarto niya ako natutulog. Kunyari ay pinalagyan pa niya ng isa pang kama sa loob ngunit ang totoo, sa isang kama lang kami nagtabi.

Mabilis ang paggaling ni Brix. Sa pangalawang linggo pa lang pagkatapos ng kanyang operasyon ay nagagawa na niya ang halos lahat niyang mga nakasanayang gawin, maliban na lang sa pagji-gym, paglalaro ng basketball, at iba pang mga mabibigat na gawain. Maski sa pagmamaneho ng kotse, nagawa na rin niya. At bagamat pinahinto muna siya sa pag-aaral sa semester na iyon, patuloy pa rin siyang nagpupunta ng school, upang ihatid at sunduin ako. Minsan ay mag-eestambay pa talaga siya sa library or student center para lamang hintayin ako. Mistula tuloy siyang driver at bodyguard ko. Nakakahiya. Ako na isang mahirap lamang ay parang biglang naging isang anak mayaman at si Brix na anak-mayaman ay biglang naging alila ko. Sinabihan ko siyang ayaw kong gawin niya iyon at nakakahiya sa mga tao... ngunit iyon daw ang kanyang kaligayahan. Kaya wala akong choice.

Pati sa bahay nila kung saan na rin ako tumira, imbes na ako ang mag-aalaga sa kanya dahil siya ang may sakit, ako itong kanyang inaalagaan. “O heto love... ako mismo ang nga-bake ng cake. Alam ko paborito mo ang chocolate cake kung kaya iyan ang aking ginawa. Halika sa gilid ng swimming pool, dito tayo magmeryenda.”

“Bakit ka pa ba nag-abala...”

“Bakit ba... gusto ko eh. Gusto kong pagsilbihan ka.”

“Eh, kung gusto mo palang kakain tayo ng cake, may mga katulong naman kayong puwedeng magbake niyan eh.”

“Hindi masarap kapag sila ang gumawa. Bakit? Ayaw mo bang galing mismo sa akin ang kakainin natin? Hayan pa, fruit shake. Ako rin ang gumawa niyan.”

Kaya wala na akong nagawa. Gusto ko mang tumutol, gusto ko mang bumalik na lang sa boarding house kung saan ako kumportable, ayaw ko namang masaktan siya at isiping napaka-ingrato ko.

Pero sa isang banda, ang sarap din ng pakiramdam na hayun, may nagmahal sa akin. Parang perpekto na talaga ang aking buhay. Parang ayaw ko nang lumingon pa sa nakaraan at balikan ang mga alaala namin ni kuya Andrei. Sa sarili ko lang, “Heto na siguro ang para sa akin. Si Brix na ang taong nararapat kong mahalin. Ang taong dapat ay pagtuunan ko ng panahon...”

Ngunit sadyang kakambal na siguro sa aking buhay ang malas, lalo na sa pag-ibig. Ewan kung napapansin ng kanyang mga magulang ang sobrang pag-alaga sa akin ni Brix. Isang araw habang nasa harap kami ng hapag-kainan at naghahapunan, nagsalita ang daddy ni Brix. Casual lang naman na pagkasabi ngunit ramdam kong may laman ito.

“Son... when are you going to get married? Nag-iisang anak, nag-iisang lalaki... kailan ka ba mag-aasawa? Kailan mo kami bigyan ng apo ng mommy mo? Ayaw kong matulad ka sa ibang lalaki d’yan na sa panlabas na anyo ay lalaking tingnan ngunit sa loob-loob ay lalaki rin ang hanap.” Sabay subo ng pagkain na tila wala lang siyang damdamin na natapakan, walang saloobin na nasaktan.

Pakiwari ko ay nasamid ako sa sa pagkarinig sa mga sinabing iyon ng kanyang daddy. Parang may biglang tumusok sa aking puso at hindi ako makahinga. Alam ko, para sa akin ang patama na iyon.

Nakita kong tiningnan ako ni Brix ng lihim, tila pinagmasdan ang aking reaksyon atsaka yumuko. Nakita ko rin ang paglingon sa akin ng kanyang mommy. Kahit kasi hindi sinasabi ni Brix sa mommy niya ang tungkol sa amin, alam ko, naaamoy niya iyon. “Mother instinct” kumbaga.

Yumuko na lang ako sa sobrang hiya. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ni Brix ngunit ang alam ko ay nasaktan ako, naawa sa sarili. Kasi, nanumbalik na naman sa aking isip ang isang masakit na alalala, ang isang masakit na karanasan na may kinalaman sa linya ng pananalitang binitiwan ng kanyang daddy: na ang lalaki ay dapat mag-asawa, magkakaroon ng pamilya at mga anak. Naalala ko muli si kuya Andrei, ang kanyang pangarap na magkaroon ng pamilya at mga anak. Naalala ko ang ginawa niyang pakikipagrelasyon sa ibang babae. Bigla ring nanumbalik sa aking saloobin ang sakit na dulot ng kanyang pagtataksil.

Parang gusto kong tapusin na lang ang aking pagkain at umalis sa hapag-kainang iyon upang malaya kong maipalabas ang sakit na aking naramdaman. “Ganyan ba talaga? Hindi ka ba puwedng magmahal sa isang lalaki na walang magsasabing kailangan niyang mag-asawa, magkaanak, magkaroon ng pamilya?” ang tanong na pumasok sa aking isip.

“E... hayaan ninyo po at darating din ang time na iyan, dad. G-gusto kong magtapos muna sa pag-aaral.” ang sagot naman ni Brix. Ramdam ko sa kanyang pagsasalita na nasaktan din siya. At kung naawa ako sa aking sarili, mas naawa ako sa kanya. Alam kong mahal niya ako – mahal na mahal. At noon ko lang nalaman na may malaking pressure palang nakasalalay sa kanyang balikat para sa pamilya.

Ipangpatuloy ko na lang ang pagkain na nanatiling nakayuko, hindi makatingin-tingin sa kanila. Feeling ko sa akin nakatutok ang kanilang atensyon. Feeling ko, ako ang kanilang inoobserbahan. At sa isip ko, ako ang natatanging hadlang sa pangarap ng kanyang mga magulang na magkaroon ng apo.

Bigla akong nakadama ng pagka out-of-place. Di ko tuloy maiwasang hindi magtanong ng, “Bakit ba ako napunta sa pamilyang ito? Bakit ba ako nandito?”

Hanggan sa natapos ang aming hapunan, nanatiling tahimik kaming lahat. Wala ni isa man ang nagsalita pa. Doon ko napagtanto na maaaring may alam ang daddy ni Brix tungkol sa amin.

Pagkatapos naming kumain ay agad na nagpaalam ako kay Brix na mauna na sa kuwarto. Gusto kong umiyak, gusto kong ipalabas ang lahat ng sama ng loob sa kuwarto.

Nabuksan ko na ang pinto ng kuwarto ni Brix noong bigla kong narinig ang malakas na boses ng mag-ama na tila nag-aargumento. Dali-dali akong pumasok sa loob ngunit hinayaan ang guwang upang marinig ko ang kanilang pag-uusap.

“Dad... ang hiniling ko lang po sa inyo ay respetuhin mo naman ako. Puwede mo naman akong kausapin in private eh. Bakit kailangan pang sa harap ng aking bisita mo itanong iyon? Kaunting respeto naman d’yan, o...”

“Bakit? Nasaktan ka ba? May tinatago ka ba?”

“Hindi naman sa ganoon. Nakakahiya kay Alvin!”

“Bakit? May binanggit ba akong masama? Masama ba ang magtanong sa aking anak na l-a-l-a-k-i” talagang ini-emphasize ang salitang ‘lalaki’ “...na bigyan na niya ako ng apo? Na mag-asawa na siya? Masama ba?”

“Hindi dad eh. May laman ang tanong nyo, eh. May pinapatamaan po kayo eh!”

“Guilty ka ba, Brix? Bakla ka ba? Sagot!” ang mas tumaas pang boses ng daddy ni Brix.

“Tama na! Tama na!” ang pagsingit naman ng mommy ni Brix. “Umakyat ka na sa kuwarto mo, anak. Puntahan mo na si Alvin ha? Kami na ng daddy mo ang mag-usap.”

“Brix... kapag napatunayan kong bakla ka... humanda ka sa akin!” ang huling narinig kong malakas na boses ng kanyang daddy.

At maya-maya lang ay may narinig na akong mga yapak paakyat sa second floor patungo sa kuwarto.

Dali-dali kong isinara ang pinto at humiga sa kama, nagkunyaring ipinikit ang aking mga mata bagamat sa loob-loob ko ay tila sasabog na ang aking dibdib sa tindi ng sama ng loob.

“Love... mas maigi pang sa boarding house na muna ako titira simula bukas ha?” ang kalmante kong pagpapaalam kay Brix noong nasa loob na siya ng kuwarto. Ayokong isipin niya na nasaktan ako.

“Love, huwag mo naman akong iwanan dito please...?”

“Hindi naman kita iiwan eh. Gusto ko lang na sa boarding house na tumira.”

“Alam kong nasaktan ka sa sinabi ni daddy kanina.”

“Ikaw ba ay hindi?”

“Nasaktan syempre. Pero sasabihin ko rin sa kanya ang tungkol sa atin. Gusto mo, bukas na bukas na sasabihin ko sa kanya ang lahat?”

“Upang mag-away kayo...” ang mabilis kong sagot. “Huwag na please.”

“Bakit? Kaya naman kitang ipaglaban ah. Kaya kong panindigan ang relasyon natin.”

“Oo. Alam ko iyan. Walang dudang kaya mo. Ngunit ayokong magkagalit kayo ng iyong daddy. Ayokong masira ang buhay mo. Hindi ka pa graduate, kapag itakwil ka nila, saan ka pupunta? Saan tayo pupunta? At least ako, may scholarship. Pero ikaw???”

“H-hindi naman siguro nila ako itatakwil. Nag-iisang anak lang nila ako...”

“Hindi mo masabi iyan, love. Ngunit granting na hindi ka nila itakwil, maaatim mo bang may samaan ng loob kayo ng iyong ama?”

“M-mahal kasi kita eh.”

“Mahal din naman kita eh. Pero puwede nating itago ang ating relasyon hanggang sa makagraduate ka na, maka-graduate ako, magkaroon ng trabaho. Tayo pa rin...”

“Parang hindi ko yata kaya... Nasanay na ako na kasama kita.”

“Ako man ay ganoon din. Kaso... kailangan nating magsakripisyo muna. Hindi naman ako mawawala eh. Puwede mo naman akong dalawin doon sa boarding house, pwede pa rin tayong mamasyal. Kagaya ng dati.”

Tila naliwanagan naman si Brix sa aking sinabi bagamat ako man ay hindi na rin sigurado sa aming kalagayan. May takot na ako. Natakot na baka ang ginawa ni kuya Andrei ay mangyari na naman kay Brix. Lalo na, kagustuhan ng daddy niya na makahanap siya ng babaeng mapapangasawa, makapagbigay ng anak. “Bahala na ang bukas... kung ano man ang ibigay sa akin ng tadhana.” bulong ko na lang sa aking sarili.

At natuloy ang plano kong sa dormitory na lang tumira. Wala namang nagbago sa aming relasyon ni Brix. Kahit ganoon ang set-up namin, ramdam na ramdam ko pa rin ang kanyang kabaitan, ang kanyang pag-aalaga, pag-alala, ang kanyang pagmamahal.

Isang araw, naisipan kong dumalaw sa aming probinsya, sa bukid. Summer break iyon. Gusto ko sanang isama si Brix ngunit hindi raw siya pinayagan ng kanyang mga magulang na magbakasyon sa amin. Kung kaya ay ako lang mag-isa ang umuwi.

Habang naglalakbay ang aking sinakyang bus patungo sa amin, hindi ko na naman maintindihan ang aking sarili. Gulong-gulo ang aking isip. Naglalaro ang mga alaala namin ni kuya Andrei at ang kalagayang kinasasadlakan namin ni Brix. At hindi ko maitatwa na mahal ko pa rin si kuya Andrei bagamat nahuhulog na ang loob ko kay Brix.

At lalo na noong nakarating na ako sa aming bahay at nakita sa harap nito ang dalawang puno ng manggang itinanim ni kuya Andrei para sa akin. Mistulang isang malakas na bugso ng tubig sa talon ang mga alaala namin ni kuya Andrei na kusa na lamang bumuhos sa aking isip.

Napahinto ako sandali sa gitna ng dalawang puno ng mangga. Sariwa pa sa aking isip kung paano itinanim iyon ni kuya Andrei, kung ano ang mga sinabi niya sa akin tungkol sa puno at pag-alaga ng mga ito, kung ano ang kahulugan ng pagtanim niya ng mga puno para sa akin.

Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga, sabay deretso na sa loob ng bahay.

Nadatnan ko ang aking mga magulang sa pagdating ko. Nagkataong Linggo kasi iyon kung kaya nagpahinga sila sa araw na iyon. Kuwentuhan, kumustahan.

Maaga akong nakatulog. Alas 8 pa lamang ng gabi ay nahimbing na ako. Ngunit nagising ako noong nag-iingay ang mga aso ng kapitbahay at may narinig akong tinig, “Tao po! Tao po!”

Bumalikwas ako sa aking higaan. Tiningnan ko ang aking relo. Alas 11 ng gabi. “Sino kaya itong tao na to? Istorbo naman!” sa isip ko lang.

“Ako na po ang titingin kung sino iyan, nay!” ang sigaw ko noong narinig ang inay na sumagot ng “Sino iyan?!!!”

Noong nabuksan ko na ang pinto, sinita ko ang mga asong nag-iingay atsaka inaninag ang hugis ng taong nakatayo sa harapan ng aming bahay.

Dahil walang ilaw ang harap ng aming bahay, nabalot sa dilim ang kanyang anyo at hindi ko makita ang kanyang mukha. Ngunit pamilyar sa akin ang tindig at postura niya. Hindi lang ako sigurado kung siya nga ang taong nasa isip ko. “S-sino po sila?” ang tanong ko.

Hindi siya sumagot. Bagkus, inihakbang lang niya ang kanyang mga paa palapit sa akin.

Noong nasa harap ko na siya at naaninag ko na ang kanyang mukha, doon ko na naramdman ang matinding na pagkalampag ng aking dibdib. “Siya nga!” sigaw ng isip ko.

“H-hi...” sambit niya.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment