BY : -JRA-
Ako si Nathaniel Bravo. 5'4" ang height, 14 taong gulang. Kung sa hitsura, sabi ng mga bakla at kababaihan, cute daw ako. Hindi ako maputi, hindi rin naman maitim, may kulay brown na mata, matungis na ilong, at pares ng maninipis na labi.
Third year high school na ako at masasabi kong kilala ako bilang isang friendly na tao dahil na rin siguro sa halos lahat ng estudyante ay kinakaibigan ko. Kahit mga loner, nerdy, bullies, simpleng estudyante, bakla o tomboy man.
Break time noon. Unang araw ng klase para sa taong ito. Wala masyadong ginagawa. Dahil sa unang araw pa lang ay puro linis pa lang ang pinagawa sa amin.
"Nathan!", halos sabay na tawag ng dalawa kong kaibigan. Nasa student center sila malapit sa Canteen. Doon ang tambayan namin.
Si Renz, 15 na taong gulang na. 5'6" ang height niya. Maputi, matangkad, at gwapo, yan ang parating description ng mga tao sa kaniya. Ang mga mapupungay na mata at mapupulang labi ang asset niya. Si Archie naman, halos pareho lang kami ng kulay, kasing tangkad ko din, pero gwapo. Malakas ang appeal, dark gray ang kulay ng mga mata niya, mapupulang labi, matungis at maliit ang ilong parang sa babae lang. Mas matanda ako kay Archie ng dalawang buwan kaya 'bunso' ang tawag namin sa kanya. Pare-pareho kaming may athletic pero batang batang katawan dahil sa pagba-basketball.
Naging mag-classmates kami noong first year at second year kaya ganoon na lang kami ka-close. Pero hindi naman kami agad ganoon ka-close noong una.
Dati nang mag-best friend sina Archie at Renz noong bata pa lang sila. Magkababata raw sila pero simula pa noong bata sila ay parati silang nag-aagawan. Ayon sa kwento nila, minsan nga raw ay may pinag-agawan silang babae noong nasa elementary pa lang sila. Ngunit sadyang mas tuso si Renz kaya parating siya lang ang nananalo.
Kaya lang kami naging mag-best friends ay dahil sa isang pangyayari.
Noong unang mga buwan ng first year ako ay hindi talaga nila ako kinakausap. Ni hindi tinitingnan. Kaya naman parang ang layo ng loob nila sa akin.
Hanggang sa nagkaroon kami ng activity sa Values Education tungkol sa teamwork kung saan ay magkakaroon kami ng kapareha at nataon na naging kapareha ko si Archie. Madali kaming nagkapalagayan ng loob noon dahil sa likas na pagiging palatawa ko. Mabait naman siya at masiyahin.
Hindi namin natapos ang activity namin sa isang oras lang kaya naman sinabing iuwi na lang namin at sa bahay na lang tapusin at linisin. Dahil sa likas na pagiging maligalig ko ay nagpresenta akong sa bahay na lang namin gawin. Doon ko naman siya nakilala ng lubos. Palatawa pala talaga siya at palabiro. Nakakahawa ang ngiti niyang hindi mawala-wala sa labi niya.
Simula nga noon ay naging magkaibigan kami ni Archie. Hanggang sa ipakilala niya ako sa bestfriend niyang si Renz. Tulad niya ay maligalig din ito. Palabiro at masiyahin. Pero may pagka-seryoso kung minsan.
"Nate, kumusta na?" bati ni Renz sa akin. Bakas sa mukha niya ang pagkasabik. Siguro dahil sa mahaba-habang di namin pagkikita.
"Ayos lang." ngiting sagot ko saka binalingan si Archie. "Uy Bunso! Ang laki-laki mo na ah. Hindi ka na totoy tingnan! Kumusta na?" sabi ko sabay akbay sa kanya.
"Okay lang! Ikaw 'tol," maikling tugon niya.
"Balita ko may girlfriend ka na, totoo ba?" Ngiting tanong ko.
"Sa'n mo naman nakuha 'yang balitang 'yan?" Ngiwing sagot niya na ikinatawa namin ni Renz.
Nagkibit lang ako ng balikat.
"Pero seryoso 'tol, meron na ba?" Si Renz.
Napakunot naman ng noo si Archie, "Wala!" Ang mabilis naman niyang sagot.
"Pansin ko, hindi ka pa nagkaka-girlfriend, bakit naman?" Tanong ko. Simula kasi noong nagkakila-kilala kami wala pa siyang nababanggit na nagugustuhan niya o natitipuhan man lang.
"Seryoso, Nate, ako rin. Napapansin ko rin." Sang-ayon ni Renz na tatango-tango.
"Wala lang akong natitipuhang babae. Sadyang mataas lang kasi ang standards ko." Depensa niya sa sarili. Ewan ko ba. Siya 'yong tipo ng lalaki na lapitin at habulin ng mga babae pero wala pa siyang nagugustuhan ni isa.
"Hala ka tol," si Renz sabay patong ng kamay niya sa balikat ko. "Baka naman lalaki ang gusto mo." Tiningnan ko si Archie. Pansin ko ang pamumula ng mga pisngi nito.
"Gago, wag mo nga akong itulad sa'yo!" Bawi niya. Natawa na lang si Renz sa inasal nito.
"Tama na 'yan," awat ko sa kanila. "Pero, kung totoo man Archie, hwag kang mag-alala. Tanggap kita," ngiti ko sa kanya.
Totoo 'yon. Kahit maging ano man siya, tatanggapin ko siya. Naging mabuti naman siya sa akin kaya wala akong karapatan para i-judge siya sa kung ano ang gusto niya at layuan sa kung ano man ang pinili niya. Alam kong hindi madali ang pagiging ganoon, kung sakali. Kailangan niya kami bilang kaibigan niya hindi para ipamukha sa kanya na mali siya, na wala siyang kakampi, para damayan siya sa kung anuman ang pagdadaanan niya.
Kita ko kung paano ako tingnan ng dalawa. Tila pareho silang natameme sa sinabi ko. May mali ba sa sinabi ko? Hindi ko maiwasang maitanong.
"Bakit?" Maang tanong ko.
"Wala," ngiti ni Renz.
Nang balingan ko si Archie ay tulala pa rin ito. Hinayaan ko na lang.
"Tara sa canteen," aya ko sa kanila.
Doon naman namin nakita si Melany, ang pinakamagandang babae para sa akin. Siya lang naman ang kaisa-isang babaeng gustong gusto ko.
Simple lang siyang babae. Siya 'yong tipo ng babaeng kahit supot lang ang suot ay maganda pa rin. Para sa akin, siya ay isang perpektong halimbawa ng isang dalagang Filipina. Mahinhin siya kung magdala. Ayaw niya ng maarteng suotin.
Hindi na rin lingid sa akin na may gusto rin ito sa akin. Sadyang ayaw ko lang mag-take advantage sa kung ano ang nararamdaman niya sa gusto kong mangyari. Hinayaan ko munang siguruhin ang nararamdaman ko sa kanya saka ako gagawa ng hakbang. Nananatili pa rin naman kaming magkaibigan kahit alam namin sa isa't isa ang nararamdaman namin.
May mga pagkakataon pa nga na magkasama kami niyan. Tuwing recess o di kaya ay uwian. Minsan na akong nagyayang ihatid siya pero umayaw lang siya. Kaya di ko na inulit pa.
Nang makapag-order kami ng kakainin namin ay dumiretso na kami sa bakanteng table malapit kina Melany. Kasama nito si Rizza, ang bestfriend niya.
"Ayy, hi," bati ni Rizza sa amin bago kami makaupo. Halata ko na na may gusto ito kay Renz noon pa. Kilig na kilig ang babae habang may pabulong-bulong na nalalaman. Gwapo naman kasi talaga ang kaibigan ko.
Ngumiti lang kami sa kanila. Halata namang hindi mapakali si Melany sa kinauupuan niya. Tinitingnan ko lang ito. Hanggang sa naisipan ko ng lapitan muna siya.
Tiningnan ko si Rizza. Tumabi naman ito at tinungo ang isa sa mga bakanteng table malapit pa rin kina Renz. Wala kasi talagang tumatambay sa Canteen.
"Hi," bati ko. Nginitian niya lang ako. "Pwede sumabay?" Ngiti ko din. Tumango lang siya bilang tugon.
'Yon na nga. Tahimi k na kami hanggang matapo na kaming kumain. Hindi ko nga rin alam kung bakit natahimik ito bigla at kung ano ba ang iniisip niya. Basta ako, liligawan ko siya. Iyon ang nasa isip ko. Panahon na rin siguro para bigyang laya ko ang nararamdaman ko.
Tulad ng dati ay inanyayahan ko siyang ihatid sa bahay nila at sa pagkakataong ito ay pumayag na siya.
Nang matapos ang klase namin ay talagang hinintay ko pa siya sa kanilang classroom. Biniro pa siya ni Rizza ng, "Go girl!" Natawa na lang kami.
Naihatid ko na nga si Melany sa bahay nila. Medyo malayo pero na-enjoy ko naman ng sobra. Panay ang tili niya kapag ganoon na parang binibigla-bigla ko ang pag-arangkada. Tawa lang ako ng tawa habang panay naman ang pag pokpok ng kanyang kamao sa likod ko. Ang saya, grabe. Parang sa Endless Love lang ang scene.
Mag-aalas sais na ng gabi nang makarating ako nang bahay. Masaya kong ikinwento ang nangyari kanina kina mama at kuya Mark. Panay ang pang-aasar sa akin ni kuya pero sadyang kinikilig lang ako kaya di ko magawang mainis.
Si Mama ay nagta-trabaho sa Munispyo sa kabilang bayan. Hindi ko din alam kung paano siya nadestino doon. Siya na ang bumuhay sa amin ni kuya simula nang sumama sa ibang babae ang papa ko. Wala na rin akong balita sa kanya. Wala na rin akong pakialam pa sa kanya. Tanging nakatatak kasi sa isip ko ay hindi niya kami mahal. Galit ako sa kanya. Kontento naman na din ako sa kung anong buhay meron ako. Hindi naman nagkulang si mama sa amin ni kuya. Lahat ng mga importanteng okasyon sa buhay namin ni kuya ay nandoon siya palagi. Kahit pa marami siyang ginagawa sa pinagtatrabahuhan niya, nag-a-absent talaga siya para lang hindi kami magtampo sa kanya. Si Kuya naman, sobra-sobra ang pagka-protective niya sa akin. Daig pa ang tunay na ama. Ayaw nga niya akong matulog mag-isa sa isang kwarto kaya iisa lang ang kwarto namin. Kung hindi lang siguro kami nagkahiwalay ng school malamang siya lang ang kasa-kasama ko. Magkamukha kami ng kuya ko. Mas matured lang nga ang itsura niya. Siya ang gwapong version ko. Mas matanda siya sa aking ng tatlong taon. Second year college na siya. Kumukuha siya ng Nursing sa isang Unibersidad sa isang syudad, dalawang bayan pa ang layo sa lugar namin. Wala pa kasing naipapatayong Unibersidad dito.
"Kaw bunso ah. Wala ka pang bulbol nanliligaw ka na!", tawa-tawang pang-aasar ni kuya.
"Anong wala kuya. Mas malago pa kaya kaysa sayo."
Tumayo siya bigla, "Patingin nga?", sabi niya na may pilyong ngiti .
Takbo naman ako. Habulan at tawanan.
Tawa lng ng tawa ang mama ko. Tuwang-tuwa sa kakulitan ni kuya.
-
"Taga saan 'yang nililigawan mo Nate?", si mama.
Natigilan ako saglit. Kasalukuyan kaming kumakain. Natigil si kuya sa pag-kain. Tiningnan ako habang naghihintay ng sagot. Si mama naman, patuloy lang sa pagkain.
"Sa d-dulo po ng bayan." sagot ko naman. Natakot ako bigla. Though, hindi naman talaga masungit si mama kaya lang malay niyo, baka pagalitan ako.
"Ang layo noon ah! Hinatid mo pa siya?" si kuya. Mataas ang boses. Parang galit na tatay.
"Eh kuya, malapit lang naman sa school eh." kabang sagot ko. Si kuya kasi talaga ang pinakakinatatakutan ko. Alam ko naman na mahal niya ako pero, basta. Takot ako sa kanya.
"Anong malapit? Masukal ang daan papunta doon. Alam mo ba na karamihan sa mga taga-roon ay mga NPA? Tapos halos magtatakip silim ka pa umuuwi? Paano kung harangim ka nila at patayin? Paano kung kidnapin ka nila? Wala kaming pambayad sa kahit 10, 000 lang na ransom no! Simula bukas, pag nalaman kong inihatid mo pa 'yan. Sisirain ko 'yang motor mo." sermon ni kuya.
Tumingin ako kay mama para sana magpatulong, pero... "Tama ang kuya mo." si mama. Tatango-tango pa.
Wala na akong nagawa.
Itutuloy....
No comments:
Post a Comment