Submit your own story at kramer69@yahoo.com. I will try to write my own stories. Please leave comment below. Thank you Habit.

Saturday, May 16, 2015

STORY: ROMEO & JULIUS CHAPTER 1

Bago sumapit ang pasko, namimili ang Mommy ko ng mga pangregalo para sa araw ng pasko. At itong aming Daddy, gumagawa ng Christmas tree. Sasabitan ko naman ng mga laruan at mga candy. May iba’t ibang kulay itong ilaw ng Christmas tree. Ito’y laging nagniningning pagsapit ng gabi. Thank you! Thank you! Ambabait ninyo,thank you!”awit ng magkapatid na Romeo at Romnick sa kanilang pangangarolling sa gabi ng Bisperas ng Pasko.
“Romeo, anglaki ng napamaskuhan natin!” Tuwang-tuwa na wika ni Romnick habang binibilang ang mga barya sa loob ng lata na ginawa nilang tambol.
“Oo nga kuya eh. Ang saya talagang mangarolling kapag bisperas ng pasko. Walang patawad.” Sagot naman ni Romeo habang hawak ang mga tansan na tinuhog ng pabilog sa alambre.
“Uwi na tayo. Sigurado naghahanda na doon sina Mama at Papa para sa Noche Buena.”

Magkapatid sina Romnick at Romeo. Ngunit ang turing nila sa isa’t isa ay matalik na magkaibigan. Napakalapit ng loob nila sa isa’t isa mula pa noong sila’y mga bata pa. Sa kabila ng hindi pantay ang pagmamahal na ibinibigay sa kanila ng kanilang ama. Sapagkat paborito nito ang panganay na si Romnick.

11:58….11:59….12:00….”MERRY CHRISTMAS!!!!” Napakasaya ng pagdiriwang ng pasko. Napakagandang tingnan ang mga parol na nakasabit sa mga kabahayan at sa buong paligid. Napakasayang pagmasdan ang mga Christmas lights na kumukutikutitap pagsapit ng gabi. Nakakaaliw panoorin at pakinggan ang mga batang nangangarolling sa mga bahay-bahay. Napakasayang magsimbang-gabi kasama ang pamilya at mga kaibigan. Napakasarap ng puto bumbong at bibingka na nabibili sa kalye. Damang-dama ang diwa ng pagbibigayan . At higit sa lahat, buhay na buhay ang paggunita sa araw ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesukristo.


“Ma, Pa, Merry Christmas po!” masayang bati ng magkapatid na Romeo at Romnick sa kanilang Mama at Papa sabay mano at halik sa mga pisngi nila. Sama-sama silang nasa hapagkainan upang pagsaluhan ang inihandang Noche Buena.

“Merry Christmas din mga anak at sayo rin,Pa.” wik ni Aling Cecille sabay halik sa pisngi ng asawa. Si Mrs. Cecille dela Cruz ay isang English Teacher sa isang exclusive school para sa mga special children.

“Maligayang pasko din.” Tugon ni Mang Roldan. Si Mang Roldan naman ay sampung taon nang namamasada ng taxi. ”Romnick, anak, may sorpresa ako sayo.”

“Talaga po,Pa?” sabik na sabik na tanong ni Romnick.

“Oo, tingnan mo ang ilalim ng upuan mo.”

Dali-daling tiningnan ni Romnick ang ilalim ng kanyang upuan at nakita doon ang isang maliit na papel na nakadikit. Kinuha niya iyon at kanyang binasa.

“Isang bugtong? Papa naman eh!”
“Sagutin mo muna iyan bago mo makuha ang regalo mo.”
“Nung nakaraang pasko, mapa ang una nyong ibinigay. Pinaikot nyo pa po ako sa buong baranggay tapos sa huli eh nasa kwarto ko lang naman pala yung regalo.” Natatawang wika ni Romnick.
“Aba, dapat lang na paghirapan mo muna bago mo makuha ang regalo mo.”
“Ikaw talaga,Pa, lagi ka na lang may kung anu-anong gimik para sa mga anak mo.” Biro ni Aling Cecille.
Nakangiti lang si Romeo na nakamasid sa kanila. Pasimple nyang tiningnan ang ilalim ng kanyang upuan ngunit wala syang nakita.

“Hindi tao, hindi hayop, hindi nababali at walang mata ngunit lumuluha. Romeo, tulungan mo naman ako dito.”
“Sige kuya,teka, walang mata ngunit lumuluha? Baka kandila.”
“Hindi daw nababali eh.”
“Hindi tao?hmmm…hindi hayop, hindi nababali, walang mata, lumuluha?...luha?...hmmm” nag-iisip ng mabuti si Romeo. “Lumuluha….ang luha ay tubig…hmmm…Alam ko na kuya! Gripo!” tuwang-tuwa na sagot ni Romeo.
“Tama! Halika samahan mo ako sa kusina.”
“Teka lang, mamaya na iyan. Kumain na muna tayo” wika ni Aling Cecille.
“Mama, saglit lang po. 10 minutes lang.” pakiusap ni Romnick.
“Aba, yabang mo ah, tingin mo ba kaya mong sagutin ang bugtong ko ng 10 minutes lang?” tanong ni Mang Roldan.
“Opo naman,Papa. Tutulungan naman ako ni Romeo eh. Diba,Romeo?”
“Oo naman,Kuya!”
“O sige na, sige na, 10 minutes lang ha para sabay-sabay tayo kakain.” Wika ni Aling Cecille.
“Opo, tara na Romeo!”

Dali-dali nilang tinungo nang lababo sa kusina kung saan naroon ang gripo. Nakita nila ang sobre na nakatali doon. Pagkabukas nila ng sobre ay nakita nila sa loob niyon ang isang dahon ng mangga.
“Kuya, sa punong mangga sa likod ng bahay.” Wika ni Romeo.
Dali-dali silang lumabas ng bahay. Pagkadating nila sa bakuran ay nakita nila ang isa muling papel na nakasukbit sa sanga ng puno ng mangga. Kinuha ni Romnick ang panungkit at sinundot sundot ang papel para malaglag. Nang malaglag ay sinambot iyon agad ni Romeo at binasa ang nakasulat.
“MALAMIG…kuya, ano yung ibig sabihin ng malamig?”
‘Hmmm..alam ko na! Sa Ref! Halika,balik tayo sa kusina.”
Takbo agad sila papasok ng bahay. Pagkadating sa kusina,napansin agad nila ang mga magnetized na mga letra na nakadikit sa pinto ng ref.
“NNOAFITU?? “ nagtatakang tanong ni Romnick.
“Kuya, baka jumbled letters yan na kailangan nating buuin.”
“Tama ka, Romeo! Tara, madali lang yan.”
Hinalo-halo nila ang mga letra para mabuo nila ang tamang salita. Nagtulong silang dalawa para mabuo ang sagot. FIUTNONA? FINTUANO? AINTONUF? NUNIFATO?
“Alam ko na kuya!”
“Ako rin, Romeo!”
“FOUNTAIN!!” sabay na bigkas ng magkapatid. Maya-maya ay may kung anong liwanag at mga paputok silang nakita’t narinig mula sa labas ng bahay. Dali-dali silang lumabas at bumungad sa kanila ang tatlong Fountain Fireworks na nakahilera at sabay-sabay na nakasindi kung kaya’t napakaliwanag ng paligid.
“Wow!! Kuya, ang ganda!!” mangha ni Romeo.
Matapos ang limang minutong fountain fireworks display na iyon ay humupa na ang nakasisilaw na liwanag. Hanggang sa may mapansin si Romeo sa tapat ng kanilng gate sa likod ng makapal na usok.
“Kuya! Tingnan mo!”
Nanlaki ang mga mata ni Romnick nang Makita kung ano iyon.
“I-Isang bisikleta? Bike? BIKE ANG REGALO NI PAPA!! YAHOOO!!” halos madapa-dapa si Romnick nang dali-dali nyang tinakbo ang gate para tingnan ang bisikletang iyon na kulay asul.
“Kuya! Ang ganda ng bisikletang yan!”
“Oo nga,Romeo! Nagustuhan ko itong regalo ni Papa!” Tuwang-tuwa ang magkapatid sa regalong natanggap.

Ganoon lagi kasaya ang pasko ng magkapatid. Isang napakasayang pasko kasama ang kanilang Mama at Papa. Kabaligtaran naman ito sa pasko ni Julius.
Nakaupo si Julius sa mesa sa sala. Nag-iisa. Nasa harapan nya ang isang platitong spaghetti, isang basong orange juice, at isang maliit na mangkok ng macaroni salad. Pasko, Bagon taon at maging tuwing sasapit ang kanyang birthday ay laging ganoon ang sitwasyon . Palagi syang nag-iisa.
Tok! Tok! Tok! Bumukas ang pinto.
“Merry Christmas!!” bati ni Auntie Marta. Matandang dalaga ito na kapatid ng tatay ni Julius na si Mang Efren. Nagtatrabaho si Auntie Marta sa munisipyo ng kanilng lugar. Sya na ang halos tumayong ina ni Julius dahil mula pagkabata ay inabandona na ito ng kanyang ina at iniwan kay Mang Efren na isang OFW na halos walong taon nang hindi umuuwi. Hindi rin gaanong nasusubaybayan ni Auntie Marta si Julius dahil sa kanyang trabaho. Kung kaya’t sa murang edad ay natutuhan na ni Julius ang mamuhay ng mag-isa.

“Oh, bakit hindi mo pa kinakain yang iniwan kong pagkain mo?”
“Busog pa po ako , Auntie.”
“Ganun ba? May sorpresa ako sayo. Heto oh, regalo ko.” Nakangiting wika ni Auntie Marta habang iniaabot ang isang box.
“Salamat po.” Mahinang tugon ni Julius. Nang buksan niya ay isang pares iyon ng kulay blue na sapatos.
“Sukatin mo.”
Sinukat iyon ni Julius. Nagtaka siya dahil sobrang luwang ng sapatos na iyon sa paa niya.
“Auntie, ano po bang size nito?”
“Size 10 yang binili ko sa iyo. Para may allowance ng konti.”
“Auntie, maluwang po. 8 ½ lang kasi ang paa ko.”
“Ay! Dyos miyo Corazon! Pasensya na! hayaan mo at papapalitan ko na lang bukas.”
“Huwag na po, Auntie. Ayos lang po.”
“Ha? Edi hindi mo rin iyan magagamit?”
“Magkakasya din po ito sakin pag medyo lumaki-laki na ako. Tutal marami pa naman po kong sapatos na hindi pa masyadong nagagamit eh.”
“O sige, ikaw ang bahala.”
“Auntie, tumawag na po ba si Papa?” tanong ni Julius. Napansin niya ang pagbago ng expression ng mukha ng auntie nya.
“Julius, hindi pa eh. Hindi ko nga ma-contact ang number na ginamit nya nung huling tumawag sya.”
“Pero dalawang buwan na po nung huli syang tumawag sakin.”
“Hayaan mo, Julius, sigurado tatawag na iyon bukas ng umaga. Marahil marami lang talaga syang inaasikaso. Alam mo naman ang Papa mo, puspusan ang trabaho nya doon sa Dubai para sa iyo.”
“Sige po Auntie. Hintayin ko na lang po bukas. Salamat po ulit dito sa regalo nyo.Matutulog na po ako. Merry Christmas po ulit.” Nagmano siya kay Auntie Marta at dumiretso na sa kanyang kwarto. Naiwan si Auntie Marta na batid ang kalungkutan ng kanyang pamangkin.



“Salamat po talaga Papa. Nagustuhan ko po ng sobra ang regalo nyong bisikleta.” Wika ni Romnick matapos nilang kumain ng Noche Buena.
“Walang ano man,anak. O sige na. matulog na kayo. Magsisimba pa tayo bukas ng maaga.” Tugon ni Mang Roldan.

Matapos magligpit ng hapagkainan ay dumiretso na si Romnick sa kwarto nila ni Romeo. Si Aling Cecille naman ay pumasok na sa kwarto nilang mag-asawa. Habang si Mang Roldan naman ay nasa labas habang nililigpit ang mga basyo ng fountain. Nilapitan ni Romeo ang Papa niya. Kanina pa niya iyon tsinetsempuhan para makausap nya ito.
“Papa….” Bungad ni Romeo.
“Oh, Romeo. Bakit gising ka pa? Diba sabi ko matulog na kayo?”
“Papa,may itatanong lang po ako.”
“Ano iyon?”
“Pa, ano po ba ang regalo nyo sa’kin?” nahihiyang tanong ni Romeo.
“Ano? Regalo? Dun ka pumunta sa mama mo. Sa kanya ka manghingi ng regalo at huwag sa akin!” pasinghal na tugon ni Mang Roldan. Maluha-luha namang umalis si Romeo. Habang paakyat siya sa hagdan ay tinawag sya ng kanyang Mama na naroon sa sala at kanina pa syang pinagmamasdan.
“Romeo, anak, pagpasensyahan mo na lang ang Papa mo.” Wika ni Aling Cecille.
“Ma, bakit po ganun si Papa sa’kin?” lumuluhang tanong ni Romeo.
“Anak, intindihin mo na lang ang Papa mo. Basta lagi mo lang iisipin na mahal ka nya. Dahil anak ka nya.”
“Ma, mula po pagkabata itinanim ko na po iyan sa isip ko . Na balang araw mamahalin din ako ni Papa. Madali lang naman pong isipin, pero ang hirap po maramdaman.” Biglang humagulgol ng iyak si Romeo.

Buong higpit syang niyakap ni Aling Cecille. Batid nya na walang ibang gusto si Romeo kundi tanging atensyon at pagmamahal lang ng kanyang Papa.
“Huwag ka ng umiyak anak. Nandito namn ang Mama eh. Mahal na mahal ka ni Mama.”Naluluhang tugon ni Aling Cecille.
“Mahal na mahal din po kita,Mama.”
“Teka, may regalo pala ako sa iyo. Eto, buksan mo.” Pinunasan ni Aling Cecille ang mga luha sa magkabilang pisngi ni Romeo at iniabot ang isang box.
Bumalik ang saya at sigla sa mga mata ni Romeo. Sabik na sabik niyang binuksan ang regalo ng Mama niya. Laking-tuwa niya nang makitang isang pares ng sapatos ang laman niyon.
“Wow! Thank you po Mama.” Niyakap niya ang Mama nya ng mahigpit at paulit-ulit na hinalikan ang magkabilang pisngi.
“Buti naman at nagustuhan mo.”
“Nakakatuwa nga po dahil paborito ko po ang color green. Salamat po mama.”
“Oh pano, umakyat ka na at matulog. Ang kuya mo tulog na. Magsisimba pa tayo bukas ng maaga.”
“Opo, bukas po Mama susuutin ko itong sapatos sa pagsimba. Merry Christmas po ulit Mama.” Isang halik muli sa pisngi ang ibinigay ni Romeo at dali-daling pumanhik sa itaas bitbit ang kanyang sapatos.




“Oh, Julius, ang aga mo namang nagising? Teka, bakit nakabihis ka? Aalis ka ba? Saan ka pupunta?” tanong ni Auntie Marta..
“Maglalakad lang po,Auntie.”
“Paalis na rin ako papuntang munisipyo. Gusto mo bang sabay na tayo?”
“Huwag na po Auntie. Wala naman po talaga akong pupuntahan eh. Nababagot lang po ako dito sa bahay.”
“Ganun ba? Oh, heto kunin mo. Baka may gusto kang bilhin.” Iniaabot ni Auntie Marta ang dalawandaang piso na kaagad naman kinuha ni Julius.
“Salamat po,Auntie. Alis na po ako.”

Kahit sa labas ng bahay ay mag-isa lang si Julius. Hindi sya palakaibigan tulad ng ibang bata. Kuntento na syang umupo na lang sa isang tabi at magpalipas ng oras ng mag-isa. Sa paglalakad ni Julius, isang malakas na tahol ng aso ang kanyang narinig. Nang lingunin nya ang pinanggalingan nito ay nakita nya ang isang kotseng nakabundol sa isang aso. Maya-maya ay humarurot na ang kotse palayo at iniwan ang kaawa-awang aso sa gitna ng kalsada. Nakita niyang dumurugo at pilay ang kaliwang binti ng aso kaya’t dali-dali nya iyong pinuntahan,kinarga at dinala sa gilid ng kalye. Iniwan niya ito saglit para maghagilap ng botika para bumili ng gamot at bondage. Pagkabalik nya’y naroon pa rin iyon at tila sadya syang hinintay. Agad niyang ginamot ang sugat at binalutan ito ng benda. Nang sa tingin nyang nasa maayos na itong kalagayan ay napagpasyahan na nyang umalis. Ngunit nang papalayo na siya’y napansin nyang pilit na gumagapang ang aso papalapit sa kanya. Hindi nya ito pinansin at nagpatuloy lang sa paglakad nang biglang nagtatahol ang aso. Tila nagmamakaawa na siya’y isama.
“Hindi kita pwedeng alagaan! Maya-maya lang ay makakapaglakad ka na rin naman eh kaya maari ka nang umuwi sa amo mo.Ok?” wika niya sa so. Nang maglakad na syang muli ay tumahol na naman ng tumahol ang aso. Nilapitan nya ito muli at umupo sa tabi nito.
“Gusto mo ba talagang sumama?” winagwag ng aso ang kanyang buntot. “Gusto mo ba akong maging amo?” Ikinuskos ng aso ang ulo nito sa kanyang braso. “Mabait ka ba?” Inilawit ng aso ang kanyang dila. “O sige, habang di ka pa lubusang magaling ako muna ang amo mo. Iuuwi kita sa bahay. Basta magpapakabait ka ha!” Tumahol ng tumahol ang aso na tila ba tuwang-tuwa. Binuhat ito ni Julius at isinama sa naisip nyang magandang puntahan.




“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Humayo kayo at ipagdiwang ang pagsilang ng ating Mesiyas, ating Panginoon, at ating Tagapagligtas na si Hesukristo.” Pagtatapos ng pari sa misa.
“Salamat sa Diyos!!” sabay-sabay na sambit ng napakaraming taong nagsimba ng araw na iyon sa misa ng Kapaskuhan.
Papalabas na ng simbahan ang pamilya ni Romeo nang magpaalam na ang kanilang magulang.
“Hindi ko na muna kayo masasamahan ngayon. Kailangan kong pumasada. Sayang ang kita ngayong araw. Nagkalat pa naman ang mga pasahero.” Wika ni Mang Roldan.
“Ganoon ba? Ako rin ay may lakad. Pinapatawag ako ngayon sa opisina. May kailangan lang akong asikasuhin at pagkatapos ay inimbitahan ako ng principal kasama ng buong faculty sa bahay nila kaya baka hapon na rin ako makauwi.” Wika naman ni Aling Cecille.
“Sige po Ma,Pa, huwag nyo na po kaming alalahanin ni Romeo.”tugon ni Romnick.
“Opo nga Ma,Pa. Magkasama naman kami ni Kuya ngayon na maggagala at bibisita sa mga kaklase namin.” Sagot naman ni Romeo.
“O sige,mag-iingat kayo ha. Huwag kayong maghihiwalay.”
“Opo” magkasabay na tugon ng magkapatid.


Samantala, naroon naman si Julius sa Tibagan;isang lugar na paborito nyang puntahan. Isang mataas na creek iyon na mula sa itaas ay tanaw ang buong baranggay nila sa ibaba at mga karatig na subdivision. Sa gilid ng creek ay naroon ang ilog. Napakarami din doong mga punong-kahoy kaya’t malilim ang lugar at presko ang hangin. Kasama nya ngayon doon ang aso. Ibinili nya ito ng pagkain habang sya naman ay nakatanaw lang sa kalangitan. Nakatagpo si Julius ng isang kaibigan sa asong iyon. Pinangalanan nya itong POY at napagdesisyonan nyang habang hindi pa nya nakikita ang tunay na amo ni Poy ay sya na muna ang mag-aalaga rito.





“Kuya, sandal lang naman. Ang bilis-bilis mo naming maglakad eh.” sigaw ni Romeo.
“Bakit ba? Ikaw kaya itong mabagal maglakad. Kanina ko pang napapansin na hindi ka mapakali dyan sa sapatos mo. Bakit ba?” nagtatakang tanong ni Romnick.
“Wala naman kuya. Bago lang kasi kaya medyo naninibago lang yata ako.”
“Teka, matingnan nga!” nang tingnan ni Romnick ang sapatos ni Romeo ay humagalpak ito sa katatawa. “ Eh kaya naman pala eh. Maluwag sayo yang sapatos mo. Baka nga kahit sakin eh di yan magkasya. Tingnan mo nga! Anglaki-laki nyan para sa paa mo.”
“Ayos lang kuya. Regalo ito ni Mama eh.”
“Dapat sinabi mo kaagad para napalitan natin kanina pagkatapos ng misa.”
“Huwag na kuya, okay lang. Magkakasya rin naman ito sakin eh.”
“Bahala ka. Ikaw rin naman ang mahihirapan eh. Paano pala kung tumakbo ako para maunang umuwi. Para kainin yung tinago mong leche flan. Edi hindi mo ako mauunahan.” Biro ni Romnick.
“Ha? Paano mo nalaman iyon kuya?”
“Ako pa! nahuli yata kita.Kaya pala nagtataka si Mama na kulang ng isa eh. Kaya kakainin ko na iyon. Uunahan na kita! Hahaha!” tumakbo ng mabilis si Romnick habang tawa ng tawa.
“Kuya, ang daya mo!!” sigaw ni Romeo na hindi makatakbo dahil sa maluwang nyang sapatos.




Ilang lingo ang lumipas, March15, araw ng Biyernes, isang magandang balita ang ibabalita ng magkapatid na Romeo at Romnick sa kanilang mga maguilang. Pauwi na sila galing eskuwela nang hapon na iyon nang maratnan nila ang kanilang Mama sa kusina habang abala sa paghahanda ng mga lulutuin. Tila may pinaghahandaan siyang selebrasyon.

“Hi,Ma. Mano po.” Wika ni Romnick. Nagmano siya at humalik sa pisngi ng Mama sya at sumunod naman si Romeo.

“Ma, bakit ang dami po ninyong niluluto? May okasyon po ba?” pagtataka ni Romeo.

“Ah, wala naman anak. Nabigyan lang ako ng incentive sa trabaho. Kaya heto, gusto ko lang magluto ng masarap para sa hapunan natin.” Sagot ni Aling Cecille habang naghihiwa ng karne ng baboy.

“Talaga po,Mama? Congratulations po.’’
Ilang sagilt lang ay dumating naman si Mang Roldan.
“Aba, ang bango ah. Sa labas pa lang amoy na agad na masarap yang niluluto mo.” Wika ni Mang Roldan. Lumapit siya kay Aling Cecille at hinagkan ang asawa sa kanyang pisngi. At nagmano naman sa kanya ang dalawang bata.

“Kuya, ikaw na ang magsabi.” Mahinang bulong ni Romeo.
“Ha? Bakit ako? Ikaw na lang mauna.”
“Sige na kuya ikaw na lang!”
“Mamaya na lang kaya habang kumakain tayo ng hapunan?”
“Teka teka, ano ang pinagbubulungan nyo dyang dalawa,ha?” tanong ni Mang Roldan.
“May sasabihin ba kayo samin ng Papa nyo?” tanong na rin ni Aling Cecille.
“Po? Ah..eh…may sorpresa po kami sa inyo ni Romeo.”
Panimula ni Romnick. “Romeo, ikaw na ang mauna.”
“Sige na nga kuya. Hmm….Ma,Pa, sa recognition day po kasama po ako sa Top10. 3rd Honorable mention po ako sa buong grade 4.” Masayang balita ni Romeo.

Laking-tuwa ni Aling Cecille sa sorpresa ng anak.
“Wow! Congratulations anak!” binitawan ni Aling Cecille ang sandok na hawak at niyakap ng mahigpit si Romeo.
“Ikaw,Romnick, ano naman ang ibabalita mo?” tanong ni Mang Roldan. Hindi man lang binati ang anak na si Romeo.
“Ma,Pa, sa buong grade 6 po, ako ang Valedictorian.”
Namilog ang mga mata ni Mang Roldan sa sorpresa ng anak. Sa sobrang galak ay binuhat nya si Romnick.
“IM PROUD OF YOU,SON!!” Sa Graduation Day, ako ang aakyat sa stage para magsabit sayo ng medalya.”
“Salamat po,Papa.”
“Saktong-sakto pala itong niluluto ko ngayon eh. Isang selebrasyon ito para sa inyong dalawa. At mamaya, bibili pa ako ng cake para may dessert tayo.’wika ni Aling Cecille.
“At ako naman ang bibili ng ice cream. Romnick, anong Flavor ang gusto mo?” tanong ni Mang Roldan.
“Double Dutch!”
“Ikaw Romeo, anong flavor ng cake ang gusto mo?”tanong ni Aling Cecille.
“Black Forest po, mama.”
“O sige, magcecelebrate tayo mamaya!”
“Yehey!!” sabay na sigaw ng magkapatid.
“Pero Mama, pansin ko lang po, taon-taon naman po kayong naghahanda ng ganito tuwing March15 eh. Ano po bang meron?” pagtataka ni Romnick.
Natigilan naman si Aling Cecille sa tanong na iyon at nagkatinginan lang sila ni Mang Roldan.
“Ah, eh..w-wala naman. Nagkakataon lang siguro na ganitong araw natatapat yung summer incentive ko sa trabaho.”
“Ah,ganun po ba?”
“O-Oo…ganun na nga. Teka, umakyat na kayo at magbihis na. At parehas na kayong amoy-pawis.”
“O sya sige, alis na ako at balik pasada na. Uwi na lang ako ng maaga para sa hapunan.” Wika ni Mang Roldan.



Nagmamadaling umuwi galling eskwela nang araw ding iyon si Julius. Sabik na syang makipaglaro sa aso nyang si Poy. Grade 5 student si Romeo. Matalino rin at masipag mag-aral. Ngunit sadyang hindi lang sya palakaibigan tulad ng ibang bata.
Bark! Bark! Bark! Tahol ni Poy nang pagpasok nya ng gate. Tumakbo si Poy palapit sa kanya at tuwang-tuwang nakipaglaro kay Julius. Maya-maya ay pumasok na sya sa loob at nagbihis ng pambahay at dumiretso na sa kusina. Napansin nya ang isang papel na nakadikit sa pinto ng ref. Kinuha nya iyon at binasa.
“Julius, happy birthday sa iyo. Pasensya na at hindi ako nakapagluto ha. Maaga kasi ako umalis at mukhang gagabihin na naman ako ng uwi. Nakaipit sa papel na ito ang 500 pesos. Regalo ko sa iyo. Lumabas ka ng bahay. Bumili ka ng kung ano man ang gusto mo. Kumain ka ng marami. Basta’t mag-iingat ka lang ha. Happy Birthday ulit, mahal kong pamangkin. –Auntie Marta.”

Nagulat si Julius, maging sya ay nalimutan na ngayon ang kaarawan nya. Kinuha nya ang pera at lumabas ng bahay kasama si Poy. Pumunta sila sa perya at doon naglagi. Pinakain nya ng pinakain si Poy at Masaya silang nagpaikot-ikot sa plaza. Dati-rati ay tuwing sasapit ang kaarawan nya ay lagi syang nag-iisa. Ngunit iba na ngayon dahil nariyan na si Poy na lubhang nagpapasaya sa kanya.

Samantala, Masaya naming nagsasalo-salo sa hapagkainan ang pamilya ni Romeo. Ngunit hindi maikukubli ang lungkot sa mga mata ni Aling Cecille.



Sumapit na ang graduation Day. Nag-aayos na sina Romnick at Romeo para pumunta sa school. Gayundin ang Mama at Papa nila. Nilapitan ni Romeo ang Papa niya na maiging pinakikintab ang itim na sapatos ni Romnick na susuutin nito mamaya.
“Papa…” mahinang wika ni Romeo.
“May ginagawa ako. Kung may kailangan ka, dun ka pumunta sa Mama mo.”
“Pa, may hihilingin po sana ako sa inyo eh.”
“Wala akong pera dito. Pumunta ka sa Mama mo at sa kanya ka manghingi.”
“Hindi naman po pera,Pa, eh. Gusto ko lang po sanang ikaw ang kasama ko sa pag-akyat sa stage mamaya.”
“Nag-usap na kami ng Mama mo. Sya ang kasama mo at ako naman ang kasama ng kuya mo. “ wika ni Mang Roldan na abala pa rin sa pagpapakintab ng sapatos ni Romnick.
“Pero Papa, mauuna naman po kami eh. Pagkatapos namin, susunod na po ang mga graduating.”
‘’Romeo pwede ba huwag kang makulit?! Nakikita mo dibang may ginagawa ako! Ang Mama mo ang makakasama mo,tapos!” singhal ni Mang Roldan.
Maluha-luha na umalis si Romeo. Pangarap pa naman nya na ang Papa niya ang magsabit sa kanya ng medalya. At higit sa lahat, pangarap nyang maramdaman kahit minsan man lang na proud sa kanya ang Papa niya.


“Julius, bakit naka-uniform ka? Hindi ba’t wala na kayong pasok ngayon?” tanong ni Auntie Marta habang nag-aayos siya ng gamit pagpasok ng opisina.
“Opo,Auntie. Pero kailangan ko lang pong bumalik ulit sa school.”
“Ganoon ba? O sige, hetong singkwenta pesos. Baka gabihin ulit ako mamaya. Tambak talaga ako ng trabaho eh. Pero nakapagluto na ako ng pagkain,initin mo na lang kapag kakain ka na. O siya,sige,male-late na ako. Mag-iingat ka ha.” Wika ni Auntie Marta at nagmamadaling lumabas ng bahay.



“We, the graduating class of 2006-2007, pledge our love and loyalty to our beloved Alma Mater, and we promised to cherish and uphold the noble ideals she has inculcated in our hearts, and to hold steadfast and unwavering the inviolable trust she has laid in our hands, and to be true sons and daughters of Saint Peter Elementary School. So Help us God.” Bigkas ng lahat ng nagsipagtapos sa pangunguna ng Valedictorian na si Romnick. Natanggap na rin ng mga natatanging mag-aaral ang kani-kanilang mga parangal. Si Aling Cecille ang nakasama ni Romeo sa pag-akyat sa stage at si Mang Roldan naman na labis ang kagalakan ang syang buong pagmamalaking nagsabit ng pitong medalya kay Romnick.
“Ma, mauna na kayong umuwi ni Romeo. May pupuntahan lang kami saglit ni Romnick.”wika ni Mang Roldan
“Ganoon ba? Hindi mo na ba muna kami ihahatid sa bahay?” tanong ni Aling Cecille.
“Hindi na. Magtricycle na lang kayo.Pupuntahan kasi namin ni Romnick si Pareng Lito. Gusto syang Makita ng Ninong nyang Mayor.”
“Ah,ganoon ba? O sya, sige, mauna na kami.”
“Pa, hindi po ba natin isasama si Romeo?” tanong ni Romnick.
“Huwag na,ikaw lang naman ang gustong makausap ng ninong mo eh. At saglit lang naman tayo doon. Oh,paano, alis na kami.”
“Mag-iingat kayo ha.” Wika ni Aling Cecille. Napansin nya ang lungkot sa mga mata ni Romeo. Batid nya na talagang gusto nyang makasama sa stage kanina ang Papa niya.




“Oh. Julius, nariyan ka na pala. Kumain ka na at naihanda ko na ang hapunan. Napaaga ako ngayon at natapos ko agad ang trabaho ko eh.” Wika ni Auntie Marta nang magmano sa kanya si Julius.
“Tapos na po,Auntie.”
Aakyat na sana ng hagdan si Julius nang mapansin ni Auntie Marta ang mga hawak-hawak niya.
“Julius, ano yang mga hawak-hawak mo?”
“Eto po, Auntie? Mga medal ko po. Kanina po ang recognition day namin. Ako po kasi ang first honorable mention sa over-all grade 5.
“T-Talaga?? Diyosmiyo Corazon!! Bakit hindi mo sinabi sakin?”
“Busy po kasi kayo,Auntie. Ayaw ko naman po kayong maabala.” Tumayo si Auntie Marta at nilapitan ang pamangkin.Niyakap niya ito ng buong higpit at halos maluha siya sa sobrang galak nung mga sandaling iyon.
“Congratulations iho! Pasensya na at hindi kita naaasikaso ng mabuti.”
“Ayos lang naman iyon, Auntie. Naiintindihan ko naman po kayo.”
“Sana sinabi mo sa akin kanina para hindi na ako pumasok sa trabaho. Eh sino ang nagsabit ng medals mo sayo kanina?”
“Yung adviser po namin.”
“Haay..Julius…proud na proud ako sayo.Sigurado ganun din ang Papa mo kapag nalaman niya.”
“Hindi na po ako umaasa,Auntie. Hindi na po importante sa akin kung ano man ang maging reaksyon nya.”malungkot na wika ni Julius. “Sige po, Auntie, gusto ko na pong magpahinga.”



“Talagang proud na proud ako dito sa anak kong ito,Kumpare.Manang-mana sa akin.” Wika ni Mang Roldan habang nakikipag-inuman kay Mayor Lito.
“Sana lang Pare huwag nyang manahin ang mga kalokohan mo. Hahaha!” biro ni Mayor. “Bueno, Romnick, ano ba ang plano mong kuning kurso pag nag-college ka na?”
“Gusto ko pong maging Abogado kaya po sabi ko kay Papa, Law ang kukunin kong course sa college.”
“Ganoon ba? Maganda yan! Hayaan mo, bilang regalo ko sayo, aasikasuhin ko ang scholarship mo sa college. Ako mismo ang mag-aayos ng mga applications mo sa mga university. Kaya sa Lunes, puntahan mo ako sa munisipyo para makapg-fill-up ka na ng mga forms mo, Ayos ba iyon?”
“T-Talaga po,Ninong? Thank You po!” tuwang-tuwa na wika ni Romnick.
“Basta’t ipangako mo lang na pagbubutihan mo pa ang pag-aaral mo lalo na ngayong high school ka na.”
“Pangako po, Ninong.
“Kumpare, maraming salamat ha. Napakalaking tulong nyan. Hayaan mo, ngayong nalalapit na eleksyon, asahan mo ang buong suporta naming mag-asawa sa kampanya mo.”
“Aba, salamat din kung gayon. Oh, paano, baka gabihin na kayo masyado.”
“Oo nga, o sige, kumpare, kailangan na naming umuwi.Salamat ulit.”
“Teka, kaya mo bang magmaneho? Masyadong marami ang nainom mo.”
“Ayos lang. Kaya ko pa naman magmaneho. Romnick, magmano ka na’t magpaalam sa Ninong mo.” Wika ni Mang Roldan.Matapos non ay sumakay na sila sa Taxi ni Mang Roldan at bumiyahe na pauwi.


Sa kalagitnaan ng biyahe, habang nasa high way sila pauwi ay nakaramdam ng pagkahilo si Mang Roldan. Dahil naparami ang nainom nya’y nalasing siya. Ngunit hindi nya iyon inalintana at nagpatuloy pa rin sa pagmamaneho. Habang si Romnick naman ay mahimbing na natutulog sa tabi niya. Maya-maya ay biglang umikot ang paningin ni Mang Roldan. Bigla ring nanlambot ang kanyang mga tuhod at nanigas ang kanyang mga kamay. Kung kaya’t nawalan siya ng control sa manibela.At di-inaasahang isang aksidente ang naganap.

No comments:

Post a Comment