Tiningnan ko siya, nagkasalubong ang aming mga tingin. Ngunit ako na rin ang umiwas. Yumuko ako sabay sagot ng “O-ok…” bagamat sa kaloob-looban ko ay mistulang piniga sa sakit ang aking puso.
Iyon lang ang isinagot ko. Ni hindi man lang ako nagtanong kung kailan ang kasal, saan gaganapin ito, anong oras magsimula, sa simbahan ba, ano ang motiff…
“Seryoso na talaga iyan, Andrei ha?” ang tanong ni itay.
“Opo tay… seryosohan na po ito.” At baling sa akin, “Di ba tol?”
Ngunit hindi pa rin ako kumibo.
“Saan ba gaganapin ang kasal ninyo?” ang tanong uli ng itay.
“Sa chapel po, sa loob ng military base namin sa Mindanao. Simpleng kasal lang po itay.”
“Darating ba ang mga magulang mo?”
“Opo… at ang plano nila ay dadaan dito sa inyo ng isang linggo pagkatapos ng kasal. Namiss na raw nila kayo. Miss na miss na rin daw nila si bunso…” sabay tingin sa akin.
Parang wala lang akong narinig sa mga pag-uusap nilang iyon. Bagamat na-miss ko na rin ang mga magulang ni kuya Andrei, ang lungkot na bumalot sa aking katauhan sa sandaling iyon ay napaka-overwhelming. parang wala akong maramdamang excitement na makita ko muli sila. Masyadong malapit din kasi sa akin ang mga magulang ni kuya Andrei. Lalo na sa kanyang inay, paboritong-paborito kasi ako noon. At simula noong nagkaroon na muli kami ng kontak ni kuya Andrei at nalaman na rin nila ang contact number ng inay ko, palagi na siyang nagtitext, at minsan tatawag pa ang inay niya sa akin. Naalala ko nga, noong bata pa kami, kung si kuya Andrei ay close na close sa itay ko, ako naman ang close na close sa inay niya. Kapag inaasar ako ni kuya Andrei, palaging pinaggalitan niya si kuya. At kung kaya raw parang tunay na anak ang turing ng inay niya sa akin ay dahil noong sanggol pa lamang ako, ang inay ni kuya Andrei na ang nagpapadede sa akin. Kasi, wala na raw gatas ang inay. Kaya ganoon na lang ako ka close sa inay niya.
“Kailan ba manganganak si Ella, Andrei?” ang tanong naman ng inay.
“S-siguro mga apat na buwan mula ngayon, nay.” ang sagot naman ni Ella.
Biglang napatingin si kuya Andrei kay Ella. “Di ba dapat mga limang buwan pa?” ang pagsingit ni kuya Andrei.
“Ay, oo nga pala. Nakalimutan ko” sagot ni Ella sabay tawa.
“Malapit na malapit na tayong magkaroon ng apo Sita…” ang sambit naman ng itay kay inay.
“Oo nga eh…”
“At dahil napakaganda ni Ella at napakaguwapo ni Andrei, sigurado, napakaguwapo rin ng apo natin.” sambit ng itay. At baling niya kay Ella, “Alam niyo na ba ang kasarian ng bata?”
“Opo… lalaki po.”
“May lalaking apo na tayo Sita…” sambit uli ng itay kay inay.
Ngumiti lang ang inay at agad inilihis ang usapan, marahil ay naramdaman niya ang aking saloobin. “Uy… kain pa kayo, huwag mahiya ha? Mayroon pa tayong ulam sa kaldero. Andrei, Ella, Brix…”
At doon na ako naimbyerna. Kahit inilihis ng inay ang topic, pakiwari ko ay ako ang tinoturture ng itay. Para bang sa akin niya deretsong ipinapatama ang salitang “apo”. Pakiramdam ko tuloy ay may mali sa pagkatao ko na hindi niya matanggap-tanggap. Parang hindi ako karapat-dapat na maging anak nila kasi, hindi naman ako puwedeng magkaanak, hindi ako puwedeng mag-asawa ng babae, hindi ko sila mabibigyan ng apo. Dagdagan pa sa narinig ng itay na pinag-usapan namin ng inay ang tungkol sa relasoyn namin ni Brix na maaaring siyang dahilan ng malabnaw na pakikitungo ng itay kay Brix.
At hindi ko na nakayanan ang patutsada nilang iyon. Tumayo ako at tinungo ang lababo upang maghugas ng kamay.
“Saan ka na anak?” ang tanong sa akin ng inay noong tumayo na ako.
“Tapos na po ako nay…”
“Ambilis mo namang kumain tol…” ang pagsingit ni kuya Andrei.
Hindi ako kumibo. Ipinagpatuloy ko lang ang paghugas ng aking kamay. Wala ako sa mood na sumagot.
“E-excuse me po…” ang narinig kong sabi ni Brix. Tumayo na rin pala ito.
“Saan ka na Brix?” ang narinig kong tanong ng inay.
“Tapos na rin po ako.” Ang sagot ni Brix na nakita kong sumunod sa akin sa lababo at pumila sa likuran ko.
Agad kong tinapos ang paghugas ng aking kamay. Ni hindi ko kinausap si Brix. Dumeretso ako sa kuwarto at noong nasa loob na, agad akong humiga sa kama.
Sumunod din sa akin si Brix sa kuwarto, naupo sa gilid ng aking kama. “M-may problema ka ba love?” ang tanong agad sa akin ni Brix.
Syempre, mag-deny ako. “Wala ah… bakit?”
“Wala lang. Parang napansin ko lang.”
“Lika na lang, higa ka sa tabi ko.” ang sabi ko na lang upang malihis ang topic.
Humiga si Brix na nakadapa, ang parte ng dibdib niya ay nakapatong sa aking nakatihayang katawan, ang isa niyang kamay ay nakalingkis sa aking dibdib. Hinalik-halikan niya ang buhok ko, ang pisngi. “Sana ganito na lang tayo palagi no? Nagtatabi sa kama, nagyayakapan.” Sambit niya.
“Sana…” ang malabnaw kong sagot. Wala kasi sa isip ko ang sinabi niya. Sa pagkakataong iyon, walang masyadong impact ang tungkol sa kalagayan namin. Ang nasa isip ko sa sandaling iyon ay si kuya Andrei, si Ella, ang kalagayan nila, ang nakatakdang pag-iisang-dibdib nila na kinaiinggitan ko. At naroon din ang pagdaramdam ko sa aking itay na halatang dry ang pagtanggap sa akin at sa aming dalawa ni Brix. “Basta uuwi ka sa inyo pagkatapos natin dito ha? Manghingi ka ng tawad sa mga magulang mo.” ang nasambit ko na lang.
Bigla siyang natahimik. Hindi na kumibo. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya sa sinabi ko. Nanatili siyang nakadapa, ang mukha ay nakasubsob sa unan. Hindi na rin gumalaw kanyang braso na nakalingkis sa aking dibdib.
“Love…” ang sambit ko noong napansing wala siyang imik.
Ngunit hindi pa rin siya kumilos. Hindi sumagot. Hindi pinansin ang aking tawag.
Tumagilid ako, hinawakan ko ang kanyang ulo at pilit siyang na pinaharap sa akin. “Love…???”
Ngunit hindi pa rin siya gumalaw, hindi pinansin ang paghawak ko sa kanyang ulo.
Doon ko na puwersahang hinila ang kanyang braso upang mapatihaya ko siya. At noong nakatihaya na, doon ko na rin nakita ang mga luhang dumaloy sa kanyang nakapikit na mga mata. Umiiyak pala siya.
“Bakit ka umiiyak?” tanong ko sabay yakap ko sa kanya.
“Wala…”
“Anong wala? Hindi ka puwedeng umiyak kung walang dahilan. Bakit???” ang paggiit ko.
“Ayaw kong malayo sa iyo love, eh… Syempre, kapag bumalik ako sa bahay, igigiit ng daddy na magpunta ako ng Amerika upang doon mag-aral... upang mailayo niya ako sa iyo.”
Bahagya akong natahimik. Nag-isip. Ibang bagay ang bumabagabag sa aking isip ngunit ibang bagay rin pala ang kinatatakutan niya. “Di ba nag-usap na tayo tungkol d’yan?” ang sambit ko na lang.
“Kaya nga… Hindi ko naman mapigilan ang sariling hindi umiyak. Mahal kasi kita. Masasaktan ako kapag magkalayo tayo”
Mistulang may sibat na tumusok sa aking puso sa narinig. Niyakap ko na lang siya. Hinalik-halikan ang buhok, ang pisngi, naawa sa kanyang kalagayan.
Nasa ganoon kaming pagyayakapan at paglalambingan noong may narinig kaming, “Uhummm!”
Bigla kaming napabalikwas ng kama si Brix.
Si kuya Andrei, nasa may pintuan. Hindi pala namin na-lock ang pinto. “S-sorry. Nakaistorbo pala ako.” Sambit niya.
“O-ok lang po.” ang sagot naman ni Brix.
“Tara… punta na lang tayo sa ilog. Maganda roon, sariwa ang hangin, maganda ang mga tanawin. Hindi katulad dito na ang hangin na nalalanghap mo ay may bahid polusyon na, may mga nakikita ka pang tanawin na nakakaimbyerna, nakakasira ng mood.” ang sagot kong patutsada kay kuya Andrei habang hinila ko ang kamay ni Brix upang tumayo ito.
Noong nakatayo na si Brix, hawak-kamay naming tinumbok ang pintuan ng kuwarto kung saan nakatayo si kuya Andrei. Noong dumaan na kami sa gilid niya, parang wala lang akong nakitang taong nakatayo roon. Hila-hila sa kamay si Brix, dire-deretso lang ang tingin ko, kahit halos nakaharang pa sa daanan si kuya Andrei.
Dali-dali ring nagbigay-daan si kuya Andrei. Mabilis na inilag ang sarili niya at pumuwesto sa gilid ng pintuan na parang may humaharurot lang na jeep at takot siyang masagasaan nito. At bagamat dire-deretso lang ang aking tingin, kitang-kita ko siya sa gilid ng aking mata. Habang nakabalandra siya sa gilid ng pintuan, nakatutok ang kanyang paningin sa mukha ko at sinundan niya ng tingin.
Dedma lang ako. Kunyari wala akong nakita.
“Alis muna kami kuya…” ang narinig kong pagpapaalam ni Brix kay kuya Andrei.
“Sige lang… Huwag kayong maligo sa ilog ha? Nagkakasakit iyang si Alvin kapag nabasa.”
At doon ko na binitiwan ang kamay ni Brix at mabilis na binalikan si kuya Andrei at pagkatapos, pinaulanan ko ng suntok ang kanyang mukha. “Anong sabi mo? Nagkakasakit ako kapag nabasa? Takot ako sa tubig? Hindi ako naliligo? Um! Um! Um!”
Ngunit syampre, magaling naman talaga siyang umilag, takip-takip ng kanyang palad ang mukha, umiiwas sa aking suntok ngunit nagtatawa na sumisigaw ng, “Aray kopo! Aray kopo! Hindi ko sinabi iyan ah! Biro lang iyong sa akin! Biro lang!” Hindi ako pinatulan.
Ngunit hindi ko siya nilubayan hanggang sa naabot ng aking kamao ang kanyang ulo at nabatukan ko ito... At hindi ko lang sya nabatukan; sinambunutan ko pa siya at inuntog ang ulo sa dingding na kawayan.
“Arekopppp! Ansakit noon ah!” sambit niyang nakatingin sa akin, haplos-haplos ang natamaang ulo ngunit nakangiti ng hilaw.
“Buti nga sa iyo!” at dali-dali na akong umalis, hila-hila ko pa rin si Brix hanggang sa nakalabas na kami ng bahay.
“Alam mo… simula noong maliit pa ako, dito kami palaging naliligo ni kuya Andrei” ang wika ko kay Brix noong naupo na kami sa may pampang ng ilog sa lilim ng isang malaking puno ng talisay.
“Ay ganoon ba?”
“Oo… dito kami naghaharutan, dito kami naghahabulan, dito ko rin palaging tinatago ang kanyang damit kapag naliligo siya.”
Nilingon ako ni Brix. “Mahal mo talaga ang kuya Andrei mo ano?”
Binitiwan ko ang isang hilaw na ngiti. Ngunit inamin ko ko it okay Brix. “Oo. Sa kanya ko naranasan ang sarap na mayroong isang kuya na nagmamahal; nangungulit, nagpoprotekta. At kahit na inaaway ko iyan, hindi iyan papayag na lulubog ang araw na may galit pa rin ako sa kanya. Pipilitin niyang tumawa uli ako at yumakap sa kanya. Kakargahin niya ako, manghinig ng sorry... Kahit kasalanan ko. Ayaw niyang magtanim ako ng galit sa kanya. At wala rin kaming sikreto. Lahat ng bagay sa kanya ay sinasabi niya sa akin. Kahit saan siya pupunta, nagpapaalam siya sa akin. Kadalasan, isinasama niya ako…”
Tahimik. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga.
“At noong lumayo na siya dahil nagpunta ng Maynila ang kanyang pamilya, dito sa pampang na ito ako nagpupunta kapag na-miss ko siya. Dito ko sinasariwa ang mga masasayang alaala namin ni kuya Andrei. At kahit kasagsagan pa iyon ng aking kamusmusan, tandang-tanda ko pa ang lahat. P-parang gaya rin ng ilog na ito. Halos walang ipinagbago. Parang walang kaubusan ang tubig. Walang pagbabago ang direksyon na kanyang patutunguhan. Ang buong akala ko nga, ganoon din si kuya Andrei na kagaya ng ilog ay hindi magbabago…”
Nanatiling tahimik lang si Brix.
“K-kaso… hindi pala. Simula noong nagkalayo kami, nag-iba na siya… Na-miss ko iyong dating kuya Andrei ko na mahal na mahal ako, na ako palagi ang unang taong naiisip niya kapag malungkot o masaya siya.” at napayuko na lang ako pilit na pinigilan ang sariling huwag umiyak.
“B-bakit siya nagbago?”
“Ewan. Siguro dahil may babae na siya. Noong nasa Maynila siya, nagkaanak siya. At noong nasa military naman siya, hayan… bigla ko na lang nalaman na may babae na siya at magpakasal na.”
“Kaya ka ba galit sa kanya?”
“Oo…”
“Hayaan mo, love. Ngayon lang siguro iyan. Sa katagalan, matatanggap mo rin iyan. Kasi, talaga namang sa buhay ay hindi maiwasang may mga pagbabagong magaganap, di ba? At kung mahal mo ang kuya Andrei mo, hindi mo papayagang habambuhay na magkimkim ka ng sama ng loob sa kanya. Baka… kapag nagkaanak na ang kuya Andrei mo, matutuwa ka na rin kasi, magkakaroon ka na ng pamangkin sa kanya.”
“Ewan ko lang. Parang hindi ko talaga matanggap. Minsan nga naiisip kong mas mabuti pang mamatay na lang kaming pareho upang ang tanging nasa alaala ko ay ang aming pagiging close sa isa’t-isa. At wala nang ibang sisingit pa sa pagmamahal niya sa akin.”
Tahimik.
“Nakakainggit naman ang kuya Andrei mo.”
“Bakit mo naman naitanong iyan?”
“Ako kaya kapag lumayo sa iyo ay hahanap-hanapin mo, hihintayin mo?”
Natahimik ako nang sandali. Napaisip. Parang binatukan. Kasintahan ko nga pala si Brix ngunit hindi ko man lang naisip nab aka nasaktan ko siya sa aking mga sinasabi. Pero totoo naman din talaga; mas matimbang pa rin sa akin si kuya Andrei. “O-oo naman.” ang isinagot ko. Ayaw ko ring masaktan ang damdamin niya.
Napangiti siya, inakbayan ako.
“Marami na rin kaya tayong pinagsamahan. Maraming bagay ang natutunan ko sa iyo. Mabait ka, tinutulungan mo ako. Ipinaglaban. At higit sa lahat… mahal mo ako. Paano pa kita malilimutan niyan?”
Na dahilan naman upang ilingkis na ni Brix ang braso niya sa aking beywang at hinalikan ako sa pisngi. “Hindi lang mahal. Mahal na mahal na mahal…”
“Mahal din kita.” ang sagot ko. “Pero huwag tayong maglantad dito kasi… baka may makakakita sa atin.” ang dugtong ko rin.
Nasa ganoon kami ka seryosong pag-uusap noong mula sa aming likuran ay may nagsalita ng, “Ay! Nandito sina Alvin!”
Halos magkasabay kaming napalingon ni Brix sa aming likuran.
Si Ella. Kasama si kuya Andrei.
Feeling ko ay bigla na naman akong nawalan ng gana sa pagkakita ko sa kanilang dalawa. Bigla akong napasimangot at ibinaling muli ang aking paningin sa ilog.
“Wow! Sarap maligo! Ligo tayo tol!” ang sigaw naman ni kuya Andrei. Hindi ko alam kung ako iyong sinabihan niya ng ‘tol o si Brix.
Noong nilingon ko uli siya, nakita ko ang dali-dali niyang paghubad sa kanyang t-shirt at pantalon. Tanging ang puting brief na lamang ang natirang saplot sa kanyang katawan.
Napangiti ako ng lihim. Naalala ko na naman kasi ang dati niyang ginagawa kapag ganoong napapadayo kami sa lugar na iyon. Hindi puwedeng hindi siya maligo kapag nakita niya ang ilog. At ganoon na ganoon lagi ang reaksyon niya, magmadaling maghubad at magsisigaw habang tatakbuhin ang pampang atsaka tatalon o da-dive. At hindi pa rin nagbago iyon. At dati kapag ganoong wala ako sa mood na maligo, ang gagawin ko ay hahayaan siyang mag-isang maligo habang itatago ko naman ang kanyang mga damit. At hahantong ang lahat sa paghahanap niya nito at ang pagsambuno namin, paghahabulan hanggang sa tatakutin ko na siyang isusumbong ko sa mga magulang namin kapag ganoong napipikon na ako at ginigipit niya. Ang kaibahan lang noon sa sa sandaling iyon ay may itinira pa siyang brief sa katawan. Dati kasi ay talagang hubo’t-hubad siyang magtampisaw sa tubig. Siguro ay nahiya lamang siya kina Brix at Ella.
Nahinto ang aking pagbabaliktanaw noong nagsalita si Brix. “Maligo na rin ako love?” ang tanong niya sa akin.
“Eh… S-sige, sige.” ang sagot ko. Nabigla man sa desisyon niya, pinayagan ko na rin.
Naghubad si Brix. At kagaya ni kuya Andrei, brief lang din ang naiwang saplot sa kanyang katawan. Kung hindi lang dahil sa hunk nilang mga katawan, masasabi mo talagang mga paslit sila dahil sa kanilang pagtatawanan, pagsisigawan, paghahabulan, paghaharutan. At mag high-five pa bago mag-uunahan sa pag-dive.
Nakakaaliw silang pagmasdan habang nagtatawanan, naghahabulan sa paglangoy, tila nagpasiklaban silang dalawa kung sino sa kanila ang mas malakas, mas fit, mas karapat-dapat sa isang pa-premyo.
Nasa ganoon akong pagmamasid sa kanila noong, “Hi Alvin…”
Si Ella. At umupo siya sa damuhan, sa tabi ko, pareho kaming nakaharap kina kuya Andrei at Brix na enjoy na enjoy sa paliligo.
“Hi…” ang maiksi kong tugon, hindi ko na siya tiningnan pa. Parang wala akong ganang kausapin siya. Parang gusto ko na nga ring mag walk out sa paglapit pa lang niya sa akin. Di ko lang alam kung ang naramdaman ko ay dahil sa selos o galit sa nangyari sa kanila ni kuya Andrei.
“Ang guwapo talaga ng kuya Andrei mo, no?” ang sambit niya.
Mistulang nakita ko ang isang malaking question mark na nakalambitin sa taas lamang ng aking ulo sa pagkarinig ko sa sinabi niyang iyon. Parang may kakaiba. “Oo…” ang maiksi ko pa ring sagot.
“Walang taong hindi maiinlove sa kuya Andrei mo. Ma-babae, ma-tomboy… kahit nga lalaki ay naiinlove sa kanya eh, di ba?”
Hindi ko talaga alam kung ano ang ibig niyang tumbukin sa kanyang sinabi. Halos gusto ko nang mag walk out talaga at iwanan siya sa pampang. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Hindi na lang ako kumibo.
At doon na nagsimulang tumaas ang aking blood pressure noong nagsalita pa ito ng, “Alam ko, Alvin, patay na patay ka sa kuya Andrei mo. At alam ko rin kung paano mo siya bini-brainwash upang ang kuya Andrei mo ay hindi mag-aasawa, at ma-solo mo siya, tama ba ako?”
Pakiramdam ko talaga ay pulang-pula ang aking mukha sa sobrang galit sa narinig na pananalita niya. Hindi ko akalaing ang sinabi ni kuya Andrei na mabait na babae ay makapagsalita sa akin ng ganoon. “Bakit mo nasabi iyan? Sinabi niya sa iyo?”
“Well, not exactly. Paano kasi kapag nag-uusap kami, puro Alvin, Alvin, Alvin ang aming topic. Nakakasawa na. Kapag may tinatanong ako, ang isasagot sa akin ay, pareho kayo ni Alvin, makulit. Kapag hindi ako nagtanong, magkukuwento tungkol kay Alvin. Kapag tinatanong ko kung ano ang iniisip niya, sasabihin sa akin na namiss niya ang bunso niyang si Alvin. Nakakasawa na. Alam mo bang ayaw na ayaw ko sanang pumunta rito. Kaso… ang sabi ng kuya mo, manghingi raw siya ng consent at ipakilala niya raw ako kay Alvin. Hay naku naku… kakainis. Pati ba sa mga bagay na iyan Alvin pa rin ang nasa isip niya? Kulang nag lang magpaalam siya sa iyo kapag nasi-sex kami. Siguro, sobrang bagsik ang ginamit monggayuma sa kanya no?”
“Pinagselosan mo ba ako?” ang naisagot ko na.
“Sasabihiin na nating oo… At halata sa kilos mo na may pagmamahal ka sa kuya Andrei mo. Siguro ginamit mo lang si Brix para takpan ang naramdaman mo sa kanya, ano? Alam mo... hinid ko talaga akalain na bakla ka eh. Nice din naman pala na sumama ako rito. At least, may nadiskubre ako. At ngayong alam ko na, hinding-hindi ako papaya na isang bakla lamang ang aagaw kay Andrei sa akin.”
“Ang dumi-dumi pala ng isip mo. Akala ko mabait ka. Sayang, iyan pa naman ang sinabi ni kuya Andrei sa amin, na mabait ka. Iyon pala… may sa demonyo ka!”
At narinig ko na lang ang pagbitiw niya ng isang tawang nakakaloka. Iyong pigil ngunit nang-aasar. Parang sa isang demonyo talaga. “Alam mo Alvin, maraming tanga ang nabiktima dahil sa maling akala. Ang iba pa nga ay nagpakamatay eh. Gusto mo, magpakamatay ka na rin? Ok lang sa akin… Matutuwa ako!” at tumawa uli.
“Ang sama mo pala talaga, hindi ko akalain. Na-deceive mo si kuya Andrei! Naloko mo siya! Demonyo ka!”
“Woi… ikaw naman. OA ka ah. Slight lang naman. New recruit pa lang ako. Hindi pa full-pledged na demonyo. Maghintay ka kapag may ginawa kang hindi maganda. Makikita mo ang bagsik ko. Marunong ka bang humawak ng baril? Ako, marunong!” sabay tawa.
“Siguro itinago mo ang tunay mong ugali sa kanya upang mahulog ang loob niya sa iyo ano? Siguro matagal mo nang pinagplanuhang maangkin ang kuya Andrei ano?”
“Hindi naman matagal, ikaw talaga oh” ang sagot pa niyang sarkastikong nakangiti. “Sandali ko lang naplano iyan. Hindi ko kasi akalaing mabilis bumagsak sa bitag ang kuya mo eh. Paniwalang-paniwala sa mga drama ko! Sabagay, tunay na babae ako, maganda pa, sexy, mahaba ang buhok. Paano ba naman kasi, kung hindi ako gagawa ng paraan, malamang hindi ko maaangkin ang kuya Andrei mo. Marami kayang nagpapantasya sa kanya. Guwapo siya, di ba? Ikaw nga in love eh, kami pang mga babae… At syempre, magbait-baitan ako, iyon ang mga type ng mga katulad ni ‘kuya’ Andrei, di ba?” pag-empahsize pa niya sa salitang “kuya”.
“Oh my God! Ang sama-sama mo!” ang nasambit ko na lang.
“Mas masama pa ako d’yan.” ang pabulong niyang sabi. “Atin atin lang ha… alam mo ba, itong batang ipinagbuntis ko, hindi sa kuya Andrei mo ito eh. Ginawa ko lang siyang salvador del mundo. Two-birds in one stone kumbaga. Di ba swerte? Daig ko pa ang nanalo sa mega lotto!”
At doon na ako tumayo. Sa tindi ng galit ko, hindi ko napigilan ang sarili kong hablutin ang buhok niya upang makatayo siya at noong nakatayo na, pinagsasampal ko rin siya. “Hindi mo puwedeng lokohin ang kuya ko! Hindi ka puwedeng magpakasal sa kanya! Demonyo ka! Manlolokoooooo!”
“Alvinnnnnnnn!!!” ang sigaw na narinig ko sa gitna ng pagsasampal ko kay Ella.
Si kuya Andrei. Nakita pala niya ang nangyari at nagmadali itong lumapit sa amin, sa kanyang likuran ay nakasunod si Brix.
“Ano bang ginawa niya sa iyo tol! Bakit mo siya pinagsasampal?”
“Sinungaling siya ku--“
Hindi ko na nagawang tapusin pa ang aking sinabi gawa nang niyakap na ni kuya Andrei si Ella at nagsalita na ito habang nag-iiyak ng, “Sinabihan ko lang naman siya honey, na malapit na nga ang kasal natin at malapit na rin siyang magkaroon ng pamangkin. Ngunit pinabintangan niya akong pokpok at ginawa lang daw kitang salvador del mundo dahil ibang lalaki raw ang nakabuntis sa akin. At iyon na… sinambunutan na niya ako at tinadyakan at pinagsasampal.” at humagulgol na siya, sumandal sa dibdib ni kuya Andrei.
Hindi ko talaga maipaliwanang ang tindi ng pagka-shock ko sa mga kasinungalingang sinabi ni Ella. Parang hindi ako makapaniwala na mayroon pala talagang taong akala mo ay sa pelikula mo lang makikita ang tindi ng kasinungalingan at pagka-kontrabida.
Hinarap ako ni kuya Andrei at galit na galit na, “Totoo ba ang sinabi ni Ella? Pinagbintangan mo siyang pokpok at ibang lalaki ang nakabuntis?”
“Naniwala ka ba talaga sa kanya kuya?”
“Bakit hindi ako maniniwala? Ikakasal na kami at anak ko ang ipinagbuntis niya!”
“Kuya, sinungaling ang babaeng iyan! Di mo ba alam???” ang sagot ko.
Kumalas si kuya sa pagkakayakap ni Ella at hinawakan ang aking kamay, “Halika nga rito at mag-usap tayo” at baling kina Brix at Ella, “Sandali lang kami”.
Hila-hila niya ang kamay ko, nagmamadali niya kong dinala sa malayo-layong bahagi ng pampang, sapat na hindi marinig ang kung ano man ang sasabihin niya. “Tol… ikaw ang nanghikayat sa akin na pakasalan ko si Ella, di ba? Noong una, ang sabi ko sa iyo na ayaw kong pakaslan siya. Dahil... dahil, ikaw ang mahal ko, tangina! Bakit ngayon bigla mo na lang siyang sinaktan at siniraan?!!” ang galit nag alit niyang panunumbat.
“Dahil noon... hindi ko alam na demonyo pala ang babaeng iyon. Kung alam ko lang na ganyan pala siya ka sama, hindi ako papayag na makasal ka sa kanya! Hindi mo alam na ginawa ka lang niyang panakip-butas? Sabi mo sa akin, malakas ang pakiramdam, ang pang-amoy mo dahil sundalo ka! Hindi mo ba napapansin? O hindi na gumagana iyang sinasabi mong pang-amoy? At heto pa, hindi ko siya siniraan! Talagang sinungaling siya! Niloloko ka lang niya! Buksan mo ang mga mata mo!”
“Ano ba nag pruweb mo na niloloko lang niya ako?”
“Sinabi niya?”
“Siya mismo ang nagsabi? Kasiraan niya, sinabi niya sa iyo???”
Natameme naman ako sa tanong niyang iyon. Hindi ko kasi alam kung paano ipaliwanag. At kung bakit niya mismo sinabi sa akin, hindi ko rin alam. Baka balak lang talaga niyang pag-initin ang ulo ko. Psy-war ba ang tawag doon?
“Tol… naintindihan kita. Maaaring hindi mo lang talaga matanggap si Ella. Pero huwag ka na lang magsalita ng ano mang nakasisira sa kanya, at lalo nang huwag mo siyang saktan. Naintindihan mo ba ako? Ngayon, mag-sorry ka sa kanya!”
At doon na parang gumuho ang lahat ng intensyon ko pa sanang ipaliwanag sa kanya ang lahat. Para kasing sarado na ang isip niya na pakinggan pa ako. Kaya dali-dali akong bumalik sa pampang kung saan sina Brix at Ella naroon. Sumunod naman siya.
Noong naroon na kami saka na ako nagsalita. “O sige… maniwala ka sa kanya. Hindi naman problema sa akin iyan dahil kapag nakasal na kayo, kayong dalawa lang naman ang maglolokohan, at ikaw ang kawawa dahil tanga ka. Atsaka… tama naman siya. Nagalit nga ako sa kanya dahil una, hindi ko naman pamangkin talaga iyang nasa sinapupunan ng babaeng iyan, eh. Dahil granting na anak mo nga iyan, bakit… magkapatid ba talaga tayo? Hindi naman, di ba? At oo… pinagbintangan ko nga siyang ibang lalaki ang nakabuntis sa kanya. Sa mukha pa lang ng babaeng iyan kasi ay hindi mo na mapagkatiwalaan. Di ba noong bata pa ako, sinabi mo sa akin na marami akong hula na naging totoo? At ngayon, huhulaan kong totoo ang aking mga sinabi sa kanya. Kaya kung ako ikaw, ipa-DNA test ko kaagad ang bata paglabas na paglabas pa lang sa sinapupunan niyan. Ngayon, doon naman sa pagsambunot at pagsasampal ko sa kanya, huwag mo nang igiit na mag-sorry ako sa kanya. Ibalato mo na lang iyon sa akin. Parang talent fee ko na lang. Ako ang best man mo sa kasal ninyo, di ba? Malaking trabaho kaya ang magkunyari at umarte sa kasal. Kaya, ang pagsambunot at pagsasampal ko sa kanya, iyon na ang talent fee ko. Kulang pa nga iyon eh! Pero dahil sa iyo, discounted na lang iyon. Kasya na sa akin ang sampal at pagsambunot sa kanya!” sabay talikod at hawak sa kamay ni Brix, “Tayo na love…”
Pinulot ni Brix ang mga damit niya na nakalatag lang sa damsuhan at binitbit lang ang mga ito sa kanyang bisig habang hawak-hawak ang kamay kong nakabuntot sa akin patungo sa bahay.
Hindi ko na sila nilingon. Siguro natulala silang dalawa sa mataray kong sagot. Sa sarili ko lang, “Ba’t nga pala ako nakialam sa kanila? May sarili na silang buhay at kahit maglokohan sila, mag-iputan sa ulo, magpatayan, wala na akong pakialam.”
“H-hindi mo pala totoong kapatid si kuya Andrei love?” ang tanong ni Brix sa akin.
Mistula rin akong binatukan sa tanong ni Brix na iyon. Naalala kong never kong inamin sa kanya na hindi kami tunay na magkapatid ni kuya Andrei at ang alam lang niya ay talagang tunay kong kuya si kuya Andrei. “S-sorry love, hindi ko sinabi sa iyo. Magbest friends kasi ang aming mga magulang at sa hangarin nilang magkaisa ang aming mga pamilya sa pamamagitan namin, kung kaya pinalaki nila kami na isiniksik sa aming mga isip na magkapatid talaga kami. Ang plano nga nila ay kung naging babae lang ako ay magiging arranged ang pag-aasawa naming dalawa.
“G-ganoon ba?”
“Oo love. Ganyan ang kuwento namin. At simula noong namulat ang aking isip, kuya ko na talaga ang turing, at pagtrato ko sa kanya. Wala akong ibang alam na trato sa kanya kundi kuya.”
“Kaya pala ganyan mo siya kamahal. Walang pinagkaiba sa tunay na kapatid…”
“Totoo iyan love.”
“Maiba tayo… bakit mo pala sinaktan si Ella?”
“Matanong kita, maniniwala ka bang ang babaeng iyon ay makakagawa ng kalokohan?”
Nahinto si Brix, nag-isip. “P-parang mahirap isipin love…”
“See? Talagang napakagaling niyang manloko. Sanay na siguro ang babaeng iyon” ang sagot ko.
At ikinuwento ko kay Brix ang lahat. At si Brix man ay hindi makapaniwalang sa ganda at inosenteng mukha ni Ella ay magawa nito ang mga sinabi niya sa akin at manloko pa kay kuya Andrei.
“Sabihin natin sa kuya Andrei mo love...”
“Too late. Pinanindigan na niya ang babaeng iyon at buo na ang paniwala niyang sa kanya nga ang batang dinadala nito. Ayokong magmakaawa sa kanya. Matanda na siya at alam na niya ang kanyang ginagawa.”
Ewan… sa sobrang bilis ng mga pangyayari at sa tindi ng galit ko pati na kay kuya Andrei, parang gusto ko na lang na makasal na sila agad upang magkaalaman na, na niloloko lang siya ng babaeng iyon. Parang napagtanto kong talagang compatible silang dalawa; custom-made for each other kumbaga. Iyong isa, manloloko at iyong isa naman ay loko-loko.
Nasa loob ng kuwarto na kami ni Brix noong narinig ko ang pagdating nina kuya Andrei at Ella. Nagpupuyos pa rin ako sa galit, iniisip kung anu-ano na naman kaya ang isiunulsol ng babaeng iyon sa kanya.
At maya-maya lang ay narinig ko nang nagsalita si kuya Andrei, “Nay, tay… aalis na kami. Iyon lang naman ang pakay naming dito; na pormal kong ipakilala sa inyo si Ella at ang pagpapaalam naming sa takda ng aming kasal. Pupunta po kayo ng itay nay ha?”
“Oo naman. Dadalo kami ng itay mo at si Alvin.”
“O siya nay, magpaalam na rin ako kay Alvin…” At narinig ko ang mga yapak patungo sa kuwarto ko. “Tol… aalis na kami. Sa kasal ha? Best man ka namin!”
Hindi na ako sumagot. Sa isip ko lang, “Nasampal ko na kaya iyong babae mo kaya wala nang atrasan. Oo, dadalo ako.”
Hanggang sa narinig ko na lang muli ang mga yapak palayo sa kuwarto ko.
Hindi ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman. Parang nagkalabo-labo na ang mga emosyon. Kung dati ay gusto kong manghinayang na mawala siya sa akin, sa oras na iyon ay sobrang nainis ako sa kanya. Nasabi ko tuloy sa sarili ko na mas ok pala talaga si Brix kaysa kanya. Bobo pala siya at tanga. Dapat lang na magsama sila ni Ella. Sa pagkatanga niya, he deserves a demon.
Huling gabi na namin iyon ni Brix sa amin. Maghahating-gabi na ngunit hindi ako dalawin ng antok. Ang naglalaro sa aking isip ay ang kasal ni kuya Andrei sa babaeng iyon. Nilingon ko si Brix sa tabi ko. Himbing na himbing siya.
Dahan-dahan akong tumayo at tahimik na tinumbok ang pinto. Maingat ko itong binuksan at lumabas ng bahay. May bangkong kawayan sa harap ng bahay namin at doon ako naupo. Maaliwalas ang kalangitan at nasa tuktok ng kabilugan ang buwan.
Sa harap ko naman ay ang manggang itinanim para sa akin ni kuya Andrei. Habang hinahampas ito paminsan-minsan ng marahang bugso ng hangin, mistulang kumakaway ang kanilang mga sanga sa akin. Biglang nanumbalik ang mga ala-ala ko kay kuya Andrei. Noong kabataan pa lamang namin kung saan, ramdam na ramdam ko pa ang labis niyang pagmamahal. Naalala ko rin ang eksenang pagtanim niya sa unang mangga, at pagkatapos, sa pangalawa. Ang sabi niya na kapag nangungulila ako sa kanya, sa puno ng manggang iyon daw ako lalapit, uupo sa lilim noon at kausapin ang puno. Sobrang ironic. Kasi… hindi na ako nangungulila sa pagkatao niya kundi sa panahong nagdaan kung saan tila pag-aari ko ang buong mundo dahil sa sobrang pagmamahal niya sa akin.
Walang ni isa mang tao sa paligid. Ni ang mga aso ay tahimik nang natutulog. ang tanging naririnig ko na lamang ay ang mga ingay ng kuliglig at insektong panggabi. Feeling ko ay parang nag-iisa lang ako sa mundo, sa isang planetang tanging ako lamang ang nakatira. Sa tindi ng aking kalungkutan, hindi ko namalayang tumulo na pala ang aking mga luha. Pinahid ko ang mga ito.
Nasa ganoon ako kalalim na pag-iisip noong mula sa aking likuran ay mag nagsalita. “Anak… bakit hindi ka pa natutulog?”
Nilingon ko ang pinagmulan ng boses sa aking likuran. Si itay. “Eh… h-hindi po ako makatulog eh.” ang malabnaw kong sagot. Pakiramdam ko ay lalong bumigat pa ang aking pakiramdam sa pagsulpot niya sa aking pagmumuni-muni.
Umupo ang itay sa dulo ng bangkong kawayang inupuan ko. Tila may iniisip din siya, malalim.
“B-babalik na po ako sa kuwarto ko tay… Matutulog na po ako” ang pagpapaalam ko. Hindi kasi ako ganoon ka close sa itay ko. Hindi ako sanay na magtanong kung ano ang kanyang iniisip. Sa ganoon ka-awkward na sitwasyon kung saan mabigat ang aking dinadala at nasa gilid lang ang itay na tila nag-isip din ng malalim, hindi ko kayang makipagtagisan ng patagalan sa pag-upo sa bangkong kawayan ng walang imik.
Nakatayo na ako at nakatalikod at akmang aakyat na sa hagdanang kawayan patungo sa aking kuwarto noong, “Alvin… maupo ka muna, may sasabihin ako sa iyo.”
Nagulat ako sa narinig. Hindi ko kasi alam kung ano ang sasabihin niya. Bumalik ako at muling umupo sa bangkong kawayan, sa tabi niya.
“P-pasensya ka na sa akin.”
“P-pasensya po saan?”
“Sa pagtrato ko sa inyo ni Brix.”
“O-ok lang po iyon, itay…” ang malabnaw kong sagot. Hindi ko na itinuloy pa ang sasabihin. Hindi ko kasi alam kung hanggang saan ang alam niya tungkol sa amin ni Brix.
“Alam mo anak… Noong isinilang ang kuya Andrei mo, sobrang saya ang aming nadarama. Kami ng inay mo ay sobrang masaya rin dahil ang usapan namin ng mga magulang ni Andrei ay ang magkaroon din kami ng anak – na babae na siyang gagawin naming magiging kabiyak ni Andrei kapag lumaki na. Pangarap namin ng mga magulang ni Andrei ang pagdugtungin at pag-isahin ang mga pamilya natin. Best friend ko ang ama ni Andrei at best friend din ng inay mo ang ina ni Andrei at ang numero uno naming pangarap ay ang tuluyang magkaisa ang ating mga pamilya… sa pamamagitan ninyo. Ngunit noong ikaw ay dumating sa amin, tila gumuho rin ang aming mga pangarap. Kasi, hindi ka naman maaaring ikasal kay kuya Andrei mo. Pinilit naming magkaroon ng anak muli, pati na ang mga magulang ni kuya Andrei mo ngunit siguro, sadyang hanggang doon na lamang ang kayang ibigay ng nasa itaas sa amin. Medyo nalungkot ako. Isiniksik ko na lang sa aking isip na hindi na talaga matupad ang pangarap namin ng inay mo at ng mga magulang ni kuya Andrei mo na magbigkis, magkaisa, madugtong ang ating mga pamilya sa pamamagitan ninyong dalawa. Ang konsuwelo ko na lang ay na isang araw, magtagumpay ka sa iyong pag-aaral, makapag-asawa, at magkaroon ng mga anak na siyang magpatuloy sa aming mga pangarap. Ang kunsuwelo ko ay kung hindi man sa inyo ni Andrei matupad ang gusto naming, sa inyong mga anak na. Iyan ang palaging sinasabi namin kay Andrei.”
Napahinto ang itay ng sandali. Nagbalik din sa aking isip ang palaging sinasabi ni kuya Andrei na mag-asawa ako, magkaroon ng pamilya, ng anak. Mistulang nagkaroon ng kaugnayan ang mga sinasabi niyang iyon sa sinabi ng itay.
“Noong nalaman kong iba pala ang katauhan mo, at k-kasintahan mo si Brix… doon na naman ako nagdamdam. Nalungkot. Para kasing pinaglaruan lang ng tadhana ang aming mga plano sa buhay. Kasi… siguradong hindi na talaga matuloy ang aming mga mithiin. Kaya medyo nasaktan ako.”
Tahimik pa rin ako. Hinyaan ko lang siyang magsalita. Sa isip ko, “Kaya pala ganoon na lang ang pagtrato niya sa amin ni Brix”
“Nitong araw na ito lang, napag-usapan namin ng inay mo ang kalagayan mo, ninyo ni Brix. At alam mo ba kung ano ang nasabi naming dalawa ng inay mo?”
“A-ano po?”
“Kung talagang ganyan ka na rin lang, e di sana, si kuya Andrei mo na lang ang naging kasintahan mo…”
“P-po?” Ang lumabas na kataga sa aking bibig. Parang sobrang nagandahan ako sa kanyang binitiwang salita na siyang naging dahilan upang masamid ako at napatingin na lang sa kanya. Parang gusto kong yakapin ang aking itay at sabihin sa kanya ang lahat ng aking paghihirap dahil sa pagmamahal ko kay kuya Andrei.
Ngunit pinigilan ko na lang ang aking sarili dahil alam ko, wala na ring saysay ang lahat. Walang patutunguhan ang pagmamahalan namin ni kuya Andrei dahil una, may Brix na ako at pangalawa, ikakasal na nga siya.
Ngunit doon na rin tuluyang bumuhos ang aking mga luha noong tinanong uli ako ng itay ng, “Ikaw ba ay kaya mong mahalin bilang kasintahan ang kuya Andrei mo?”
Yumuko na lang ako, lihim na pinahid ang aking mga luha. “Hindi naman po mahirap mahalin si kuya Andrei tay. Mahal na mahal ko po ang kuya Andrei ko, higit pa sa kapatid… Ewan ko lang po kung kaya rin niya akong mahalin na katulad sa pagmamahal ko sa kanya.”
Natahimik sandali ang itay. “May Ella na siya, magkakaroon na ng anak, at ikakasal na rin...”
Hindi na umimik pa ang itay. At dahil doon, tuluyan na akong nagpaalam upang matulog. Naiwan ko siyang nakaupo sa bangkong kawayan sa harap ng aming bahay.
“Hayaan mo, anak... para sa iyo, pag-aralan ko ang sariling matanggap si Brix.” Ang narinig kong sambit ni itay.
Huminto ako sandali. Tingininan ko ang itay sabay bitiw ng isang pilit na ngiti sa kanya. “S-salamat po.” at dumeretso na ako sa aking kuwarto.
Nakahiga na ako sa aking kama na dala-dala sa aking isip ang mga sinabi ng itay. Natuwa na sana ako dahil wala na pala siyang tutol na mahalin ko si kuya Andrei ngunit imposible namang matupad pa ito dahil ikakasal naman si kuya Andrei. Pakiwari ko tuloy ay napaka-walang-awa talaga ng tadhana. Puwede naman pala sanang magiging kami ni kuya Andrei pero bakit niya pa kami pinahirapan…
At ang isang bagay rin na bumabagabag sa aking isip bago ako nakatulog sa gabing iyon ay ang nalalapit na kasal ni kuya Andrei at Ella. Hindi ko maitago sa sarili na hindi ko pa talaga ganap na natatanggap ito. May isang bahagi ng aking isip na mistulang nag-udyok na harangin ko ang kanilang kasal, tutal may dahilan naman ako; inamin sa ni Ella na hindi si kuya Andrei ang ama ng bata na nasa kanyang sinapupunan.
Ngunit may isang bahagi rin ng aking utak ang nag-udyok na mag move on na ako dahil may Brix na ako na sigurado namang mahal na mahal ako.
Hindi ko talaga alam kung ano ang aking gagawin. Litong-lito ang aking isip. Iyon ang huling natandaan ko sa gabing iyon.
Sumapit ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib ni kuya Andrei at Ella. Bagamat hindi ako naging handa okasyong iyon, pinanindigan ko pa rin ang pagdalo. Naroon ang mga magulang ko sampo ng mga magulang nina kuya Andrei.
Pakiwari ko’y napakabilis lang ng mga pangyayari. Ni kung paano ako napunta sa lugar ng kanilang kasal ay halos hindi ko na maalala pa. Parang bigla na lang akong sumulpot doon at noong nandoon na ako, maayos na ang lahat na parang ako na lang ang hinintay upang matuloy na ang seremonya. Marahil ay dahil iyon sa sobrang pag-iisip ko na sana ay matapos na lang ang kasal at wala na akong pakialam sa iba pang mga pangyayari.
Sa labas ng simbahan nakita ko si kuya Andrei habang hinihintay ang pagdating ni Ella. Napaka-guwapo niya sa suot niyang itim na coat at dotted lightbrown na tie. Noon ko lang siya nakita sa ganoong kasuotan at hindi ko maiwasan sa aking sarili ang hindi manghinayang at mainggit kay Ella.
“Tol… ang guwapo-guapo ng bunso ko!” ang sambit niya sa akin noong nakita niya akong palapit na sa bungad ng pintuan ng simbahan. Halos pareho kasi kami ng suot. Naka coat and tie rin ako, itim na slacks, may puting rosas sa kaliwang bahagi ng dibdib. Ang kaibahan lang sa aming suot ay ang kulay ng aming mga tie.
Hindi ko siya pinansin. Sobrang bigat ng aking kalooban. Mistulang hindi ako makahinga sa tindi ng sakit na aking naramdaman at ni pagsasalita ay hindi ko kayang magawa. Alam ko, kahit na pilit akong ngumiti, bakas pa rin sa aking mukha ang ibayong lungkot na aking itinatago.
Nilapitan niya ako, niyakap. Ngunit hindi ako gumanti sa kanyang yakap. Sa loob-loob ko lang, nilabanan ko ang aking sariling huwag bumigay. Gusto kong maging manhid, gusto kong maalis sa aking puso ang mga bagay-bagay na aking naramdaman.
“Tol… alalahanin mo palagi na kahit ilang beses man akong ikasal, ikaw pa rin ang tunay na nagmamay-ari ng aking puso.” ang bulong niya habang niyayakap niya ako.
Hindi ko alam kung sampalin ko siya o pagtawanan sa kanyang sinabi. Ngunit pinili ko pa ring manahimik. Ang pagpunta ko roon ay bilang respeto na lamang. Kung may ibang bagay man maliban dito, ayoko nang sakyan pa ang mga ito.
Marahil ay dahil mga sundalo ang ikinasal, marami ring naglipanang militar na nakauniporme pa. ang iba ay nakasuot sibilyan ngunit lantaran ang pagdadala nila sa kanilang mga armas.
Maya-maya, dumating na si Ella, nakadamit pangkasal, kumpleto sa kanyang suot na halatang ipina-customized ang cut na lalo pang nagpatingkad sa kanyang angking ganda. Sa paglabas pa lamang niya sa sinakyang kotse, agad siyang nilapitan ni kuya Andrei. Muli, hindi ko na naman napigilan ang aking sariling hindi mainggit. Dali-dali akong tumalikod, pilit na binura sa aking isip ang eksenang aking nakita.
Maya-maya, nag-ingay na ang trumpeta ng bugle corps, pahiwatig na magsimula na ang kasal.
Naunang nagmartsa ang mga bridesmaid at groom’s men, at ako, kasama ang bride’s maid ang huli. Pakiwari ko ay hinid lumapat ang aking mga paa sa sahig ng pasilyo habang ako ay nagmamartsa. Kahit ang mga taong nakatingin sa amin, ang mga magulang kong siguradong tiningnan ako, ay hindi ko napansin. Abala ang aking isip sa paghanap ng paraan upang hindi ko maramdaman ang sakit.
Noong narating ko na ang aking upuan. Naupo akong mistulang wala sa sarili. Hanggang sa narinig ko muli ang mga trumpeta at ang ingay na nanggaling sa mga swords na itinaas ng mga myembro ng isang platoon na ginawa nilang arko upang dumaan si Ella sa gitna ng pasilyo ng simbahan.
Nanatiling nakaharap lang ako sa altar. Ayaw ko siyang tingnan. Ayaw kong may makita akong eksenang lalong magpatindi lang sa pagdurugo ng aking puso.
Noong silang dalawa na ang nasa altar, nagsimula ang ang misa. Nagsitayuan ang mga tao, nagsimula rin ang paunang kanta. Pakiwari ko ay napakasaya ng lahat ng mga taong naroon, maliban sa akin. Para akong isa sa mga kandilang itinirik sa simbahang iyon, unti-unting nauupos habang palapit na palapit na ang takdang oras ng kanilang pag-iisang dibdib. At habang nasa ganoon akong kalagayan, kusa namang nanumbalik sa aking alaala ang mga nakaraan namin ni kuya Andrei. Nakita ko ang sarili ko sa aking isip; isang paslit na nasa bukid, walang kamuwangmuwang sa mundo, ngunit natutong magmahal sa isang lalaking itinuturing niyang kuya. Tila isang talon ng mga alaala ang kusang nagsilabasan, naroon ang kung paano nagsimula ang aming munting lihim, ang kantang “Old Photographs: na inalay niya sa akin, ang aming litrato kung saan yakap-yakap niya ako, ang singsing na ibinigay niya, ang ilog, ang puno ng mangga, ang San Pedro City, ang aming munting away, munting tampuhan, ang mga harutan, tawanan… ang aking kuwarto kung saan nagaganap ang lahat. Halos hindi ko kayang kontrolin ang mga alaalang nagpa-flashback sa aking isip. Hindi ko lang alam kung bakit. Ngunit ang nais na lang sana ng isip ko ay na hindi ko na muling maalala pa ang mga iyon. Kumbaga, iyon na ang huling pagbalik-tanaw ko sa aming nakaraan.
Ngunit ano ba ang magagawa ko? Bagamat alam kong paminsan-minsan akong nililingon ni kuya Andrei na nasa altar, ngunit wala nang halaga ang mga tingin niyang iyon para sa akin. Nanatili akong nakayuko, paminsan-minsang pinapahid nang lihim ang mga luhang dumadaloy sa aking pisngi. At ang nag-iisang panalangin ko sa sandaling iyon ay ang matapos na sana ang torture na iyon ng aking buhay sa loob ng simbahan.
Hanggang sa “I, Andrei Gomez, take you, Ella Florez to be my wife. I promise ot be true to you, in good times and in bad, in sickness and in health. I will love you and honor you all the days of my life…” doon na tila gumuho ang aking mundo sa narinig na pag-exchange nila ng kanilang mga vows.
Hindi ko lubos maintindihan ang aking sa sarili. Bigla kong naalala ang sinabi sa akin ni Ella na hindi anak ni kuya Andrei ang kanyang ipinagbuntis. Parang biglang may bumulong sa aking isip na gumawa ng paraan upang hindi lubusang matuloy ang kanilang pag-iisang dibdib.
Nilingon ko ang aking paligid. Sa isang sulok ay may isang naka-unipormeng army na ang dalang armalite ay nakasukbit sa kanyang balikat.
Hindi ko na nagawang mag-ipsip pa. Tila napakamakapangyarihan ng boses na nag-udyok sa aking utak. Dali-dali kong tinumbok ang nasabing militar at walang pasabing hinawakan ang kanyang armalite, itinutok iyon kay Ella.
May mga nakakita pa sa akin na itinutok ang baril sa bride at nagsimula nang sumigaw. Nakita ko rin si kuya Andrei na nakatutok sa akin dahil sinundan pala niya ako ng tingin. Parang naka-slow motion lang ang lahat sa aking isip. Sa pagkakita ko sa kuya kong nakatingin sa akin, kitang-kita ko ang kanyang pagkagulat sa porma kong nakahawak ng armalite at itinutok it okay Ella.
Ngunit buo na ang isip ko. Pinindot ko ang unlock pin ng armas atsaka ipinutok ko. Tila narinig ko pang sumigaw si kuya Andrei ng, “Tol, huwaaggggggg!!!” Ngunit naalipin na ako ng galit at malakas ang boses na nag-udyok sa aking utak.
“Ra-ta-ta-ta-ta-ta-ta-ta-t
Subalit kung gaano kabilis ang aking pagpapaputok ng armalite, mas mabilis ang pagharang ni kuya Andrei sa katawan niya kay Ella. At ang lahat ng bala ng armalite ay sa katawan ni kuya Andrei tumama.
Bagsak si kuya Andrei sa semento. At dinig na dinig ko ang sigawan ng mga tao kasabay sa kanilang pagtatakbuhan.
“Kuyaaaaaaaaaaaaaa!!! Kuyaaaaaaaaaaaa!!!” ang sigaw kong halos sasabog ang aking baga sa tindi ng aking pagsisigaw dahil sa hindi inaasahang ang kuya ko ang aking matamaan.
At lalo pang nagliyab ang galit ko. Itinutok ko muli ang armalite kay Ella, “Mamamatay ka demonya kaaaaaaaaaaaaaaaa! Arrrrrrrrgggggggggg!!!”
Ngunit bago ko pa man nakalabit ang trigger, isang armalite din ang narinig kong pumutok. “Ra-ta-ta-ta-ta-ta-ta-ta-t
Isang sundalong nakakita sa aking ginawa at sa akin niya ipinutok ang kanyang baril.
Tumama sa katawan ko ang lahat ng mga bala sa armalite niya. Narinig ko pa ang pagpapanic at pagsisigaw ng mga tao.
Ngunit bumagsak na rin ako sa semento. At ang huling katagang pilit kong isinagaw ay, “Kuyaaaaaaaaa!!!”
(Itutuloy)
No comments:
Post a Comment