Nagtatakbo ako, hindi alam kung saan patungo, hinayaang ang sariling mga paa ang gumiya sa akin kung saan man niya ako gustong dalhin.
Hangang sa naalimpungatan kong nasa isang sulok na pala ako ng central plaza. At noong nilingon ko ang aking gilid, nakita ko ang bukana ng simbahan. Mistula itong nang-imbita. Parang may tumulak sa akin upang pasukin ko ang simbahan.
At pumasok ako sa loob. Walang ginanap na misa sa oras na iyon kung kaya ay halos bakante ang mga upuan.
Tinumbok ko ang pinakamalapit na upuan na nasa bukana lang ng simbahan, kung saan din ako pumasok. Noong nakaupo na, doon ko na pinakawalan ang aking tinimping sama ng loob. Humagulgol ako na parang isang paslit. Pakiramdam ko kasi ay nag-iisa lang ako sa mundo at wala akong ibang masumbungan sa aking mga hinaing kundi ang simbahan.
Lumuhod ako, nanalangin na sana ay makayanan ko pa ang lahat. Isiniwalat ko sa ang sobrang bigat ng aking kalooban. Para akong isang batang nagsumbong ng aking mga hinaing, isiniwalat ang mga nangyari sa aking buhay; na ang taong akala ko ay kakampi ko at nararapat kong ipaglaban ay siya mismo ang tumiwalag, bumasag sa kanyang mga pangako at kinampihan pa ang babaeng siyang dahilan kung bakit hindi pa rin bumabalik ang kanyang alaala.
“Ang sakit po.... Ang buong akala ko ay ok lang siya; na malapit na siyang tumiwalag kay Sophia. Ngunit bigla siyang nagbago. At ang masklap pa ay pakakasalan pa niya si Sophia.” bulong ko. “Alam ko Lord, marami rin akong kasalanan. Siguro, hindi ako nababagay na heto, magmakaawa sa iyo kasi, alam ko, pasaway ako. Pero kasi... wala na akong ibang matatakbuhan eh. Parang sasabog na ang puso ko sa sobrang sakit ng aking naramdaman. Parang hindi ko na kaya. Kayo rin naman po ang nagsabi na lahat ng tao ay puwedeng lumapit sa iyo eh; kahit makasalanan, kahit iyong mga nang-aapi, mga inaapi, mga biktima... Kaya narito po ako. Sana kahit kaunti lang, pakinggan ninyo ang aking hinaing, bahagihan ng kaunting awa. Hirap na hirap na po kasi ako eh...
Ganito pala ang umibig. Parang Di ko nga alam kung kasalanan ang magmahal sa kapwa lalaki. Sabi kasi nila, bawal ito at isang malaking kasalanan. Ngunit hindi ko rin naman alam kung bakit naramdaman ko ito sa kanya. Hindi ko naman po ginusto ang maging ganito. Naramdaman ko na lang na nagkagusto ako sa kapwa lalaki. Wala naman pong nagturo sa akin, walang nag-impluwensya upang maging ganito ako. Basta naramdamn ko na lang. At noong nakita ko si James, hayun... na in love na ako sa kanya. Nalilito ako sa aking naramdaman sa kanya. Gusto kong burahin siya sa aking isip ngunit hindi ko kaya. Hanggang sa may nangyari sa amin at tuluyan nang nahulog ang loob ko sa kanya. Bakit ba kami nagtagpo? Bakit niyo po pinayagang magtagpo ang aming landas at makita ko siya? Tapos noong nalaman kong mahal rin niya pala ako, nawala naman siya sa akin. At ngayon, nakita ko uli siya, gusto ko siyang ipaglaban ngunit siya naman itong lumalayo. Bakit po parang tino-torture ninyo ako? Lahat na po ng hirap ay dinanas ko na upang mabawi ko lang siya ngunit tila napakahirap po niyang abutin. Siya po ba ay talagang para sa akin? O ito na iyong sinasabi nilang kasi bawal... at ayaw ninyong mapariwara ang buhay ko. Pero ang sakit sakit po kasi. Kung bibitiw ako sa kanya, sobrang masakit po kasi, mahal na mahal ko na po siya. Kung hindi rin ako bibitiw, parang talo na rin ako kasi, siya na mismo itong lumayo. Masasaktan pa rin ako. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko Lord. Sana... bigyan mo na lang po ako ng sign kung bibitiw na lang ba ako o ipagpatuloy ko pa rin ang paghahabol sa kanya. Pagod na po ako. Ngunit kung bibigyan po ninyo ako ng sign, pipilitin kong labanan ang lahat ng sakit, aagawin ko pa rin siya kay Sophia... Ngunit kung ayaw niyo pong ipagpatuloy ko pa ang paghahabol sa kanya, pipilitin ko na lang din pong tiisin ang sakit. Ganyan naman talaga siguro kapag nasa ganitong kalagayan. Kadalasan, nangangarap na lang na mahalin... Sana Lord bigyan niyo na lang po ako ng tanda. Iyan na lang po ang gusto kong hilingin sa inyo. At kapag nakita ko na ang tanda na iyon, kahit masakit, pilit kong tanggapin at ilagay sa aking isip na kayo ang gumawa ng desisyon na iyon para sa akin; at iyon ay para rin sa aking kabutihan.”
Noong natapos akong manalangin, nanatiling nakaupo muna ako sandali sa loob, hinayaang humupa ang matinding poot sa aking dibdib atsaka hinugot ang aking panyo, pinahid ang aking luha at sipon, nilinis ang mukha.
“Igan! Igan!” ang narinig kong pigil na sigaw sa aking likuran.
Si Ricky. Nagmamadaling pumasok sa simbahan patungo sa aking kinaroroonan. “Hanap nang hanap ako sa iyo, bruha ka... nandito ka lang pala!” sambit ni Ricky na pigil pa rin ang pagsasalita.
“Dito lang ako nagpunta...”
“Siguro, pinagnasaan mo ang mahal na poon, ganoon?” ang biro ni Ricky. Alam ko gusto lang niya akong patawahin.
Ngunit hindi ako natawa. Napatingin ako sa kanya, iyong tingin na naninisi, pinigilan ang sariling huwag masabi ang “Hindi ka nakakatuwa.”
“Ok... sorry! Sorry!” sabay baling ng tingin sa poon at, “Sorry bro... sorry po.” at baling uli sa akin, “Ang macho talaga ni bro no?” dagdag niyang biro.
“Sige ka... kapag nainis sa iyo ang poon bibigyan ka niya ng maraming problema.”
“Ay... hindi rin. Close ata kami niyang si bro. Gabi-gabi kaming nag-uusap niyan bago ako matutulog. Alam niyang ganito ako, may pagka-kengkoy. Naintindihan niya ako. Idol ko nga iyan eh!” at baling sa poon, “Di ba bro?” at baling sa akin. “O, sabi ko sa iyo eh. Tumango siya” turo sa poon.
“Sa labas na nga lang tayo!” ang sambit ko na lang sa ingay ni Ricky, nag-alala na baka makita kami ng pari at pagagalitan na sa loob pa mismo ng simbahan kami nagtsikahan.
“Sensya na bro sa kaibigan kong ito ha? Medyo malaki-laki kasi ang problema niya. Mamayang gabi bago ako matulog, ikuwento ko sa iyo. Bye...” sambit din ni Ricky na nakatingin sa poon. At ako pa talaga ang dahilan ng paghingi niya ng pasensya.
Noong nasa labas na kami ng simbahan, naupo kami sa isang bangko. May malalaking kahoy kasi roon at maraming sementadong bangko ang nakahilera sa lilim ng mga ito.
Tahimik.
Umakbay sa akin si Ricky na para bang gusto niyang iparating sa akin na naintindihan niya ang kalagayan ko. “Kung kaya ka ba nag-walk out sa announcement nila ni Sophia?”
Tumango ako. “Wala namang dahilan kung manatili ako sa pagtitipong iyon, di ba? Hindi ko naman kailangang malaman kung kailan ang kasal, kung sino ang ninong at ninang, kung saan ang venue, di ba? Hindi na importante sa akin iyon... Para ano pa?”
“Sabagay...”
“Aalis na ako sa restaurant, Ricky. Bukas na bukas ay magpaalam na ako.” Ang paglihis ko sa usapan.
“A-ano? Ang ibig mong sabihin ay gi-give up ka na?” ang sagot ni Ricky na nabigla.
“Hindi ko alam... wala naman kasing dahilan kung bakit hahabulin ko pa si Marlon, di ba? Siya na itong kusang lumayo sa akin. Bakit pa ako maghahabol? Para ano ba? Para namang ang kapal-kapal ko na talaga.”
Napabuntong-hininga na lang si Ricky. “A-ano ang plano mo ngayon? Hahayaan mo na lang bang tuluyang lapain na siya ni ng demonyang iyon?
“At ano pa ba ang puwede kong gawin? Talon a ako Ricky.”
“No-no-no-no-no! Hindi pa tayo talo, igan. At hinid pa panalo si Sophia.”
“Ano nga ang gagawin ko? Pipigilan ko ang kanilang kasal? Sisigaw ako sa oras na itatanong na ng pari kung may tututol ba sa kanilang pag-iisang dibdib?”
“Why not? Di ba?”
“At ano ang sasabihin ko sa pari na dahilan? Na nagmahalan kami?”
Napaisip si Ricky. “Hay naku... ako man ay nalilito sa kalagayan mo. Paano naman kasi, bakit ba nagbago na naman ang kukute niyang si Sir Marlon? Inumpog mo ba ang ulo niyan? Kung may pagkakataon lang ako, iumpog ko uli ang ulo niyan sa semento eh. Naiinis na talaga ako sa kanya!”
“Hayaan na lang siguro natin siya, Ricky. Wala tayong karapatan sa kanya. Kung may isang tao man na mas may karapatan sa kanya ngayon, iyan ay walang iba kundi si Sophia.”
“Utro rin ang babaeng iyon! Siguro ay may sa demonyong kapangyariahan iyon.”
“Ewan ko...”
Tahimik.
“Basta, hindi ako makapapayag na magkatuluyan sila, igan! Ayoko!”
“Wala na tayong magagawa, Ricky. Sa sionabi ko na, talo na tayo. Panalo si Sophia.”
“No-no-no-no-no! Huwag na huwag mong babanggitin iyan. Hindi ako makakapayag niyan igan. Alam ko, may paraan pa. Need ko lang ng boys upang gagana muli ang aking utak.” sabay tawa.
Napangiti na lang din ako. “Ikaw talaga. Kahit kailan...”
“Gusto ko lang na tumawa ka, Igan. Pero totoo... hindi ako naniniwalang talo na tayo. May paraan pa. My paraan pa...”
“Ano nga?”
“Hindi ko lang alam eh. Basta feeling ko, mayroon pa. Sa klase ng pagkatao ni Sophia, alam kong may baho pa iyang itinatago na kailangan nating makalkal upang matauhan iyang prince charming mo na naalipin ata ng kapangyarihan ng bruha.”
“Bahala ka. Basta bukas na bukas din, mag file na ako ng resignation. At pagkatapos, hahayaan ko na silang mamuhay ng tahimik, hahayaan ko na rin ang aking sariling mag move on, upang magsimula nang maghilom ang sugat ng aking puso na gawa ng bigong pag-ibig ko kay James, pilitin ang sariling mamuhay ng tahimik. Parang gawin ko na lang na charge to experience ang lahat. Siguro, ganyan lang talaga ang buhay, kailangan mong dumanas ng lungkot, ng sakit, ng pagkabigo. Parang isang pagsubok kung papasa ba ako at kayang ipagpatuloy ang buhay.”
“Hay naku... Sige, kung iyan ang desisyon mo, irerespeto ko iyan. Ngunit sa side ko, hindi ko hahayaang magtagumpay talaga ang Sophiya na iyan. Makikita mo...”
Kinabukasan, maaga akong nagtungo sa restaurant dala-dala ang aking resignation letter. Dire-deretso ako sa opisina na Sophia.
Noong binuksan ko na ang kuwarto niya, wala akong nakitang tao sa loob. Pumasok pa rin ako upang ipatong ko na lang ang aking resignation sa ibabaw ng kanyang mesa.
Akmang tatalikod na sana ako noong napansin ko ang isang brown envelope na naka-usli sa bahagyang nakabukas niyang drawer. Bigla akong kinutuban. Hindi ko lubos maipaliwanag kung bakit. Tila may malakas na kapangyarihang nagudyok sa akin na hugutin ang envelope na iyon, buksan ito, at tingnan kung ano ang nasa loob.
Nilingon ko muna ang pintuan ng opisina upang makasiguro na walang taong papasok. Nilapitan ko pa ang pinto at sinilip ang labas. Noong nakitang abala ang lahat sa kanilang mga trabaho, dahan-dahan kong isinara ang pinto at binalikan ang brown envelope atsaka dali-daling dinampot iyon atsaka binuksan.
Laking gulat ko noong nakita ang laman nito: isang lumang tissue na halos brown na ang kulay at may nakasulat na “Yak... naranasan ko na ang first love. At sa iyo iyon... –Yak”. Halos ataekhin ako sa sobrang lakas ng kalampang ng aking dibdib. Iyon ang ang tissue na sinulatan ko sa resto-bar bago kami naghiwalay ni James! At klaro pa ang mga isinulat ko rito, may petsa pa, may oras, may pangalan ng restobar at may table number. Klarong-klaro rin ang isinulat kong pamagat ng kanta na kinanta niya sa akin sa oras na iyon “Beautiful In My Eyes!” Iyon iyong sulat ko sa tissue isiniksik ko sa kanyang bulsa bago siya pumasok sa bus at kung saan noong nabasa niya, ay pinahinto niya ang bus at bumalik sa akin at hinalikan ako, sinabihan na mahal din niya ako at babalik siya para sa akin.
Mistulang nag-flash back ang lahat ng alaalang iyon sa aking isip. Di ko namalayang tumulo nap ala ang aking mga luha. Muli kasing nanariwa ang lahat sa pagkakita ko sa tissue na iyon. Hinahalik-halikan ko ang tissue na parang nababaliw. Halos maglulundag ako sa tuwa na nakumpirmang si Marlon nga at James ay iisa.
Hindi ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman sa aking nadiskubre. Bagamat may tuwa akong naramdaman ngunit may galit din dahil sa pagtago ng mga iyon ni Sophia. At may naramdaman din akong sama ng loob na hayun... siya pala si James ngunit itinakwil na niya ako.
Tiningnan ko muli ang loob ng envelope. At kagaya ng inisip ko, naroon din ang aming litrato. Iyong tatlong kuha namin na inakbayan niya ako, ang isa ay nasa harap niya ako, nakatayo habang nakaupo siya, at ang isa ay talagang nakakandong ako sa kanya.
At ang isa pang nakaka-gulat na nakita ko sa loob ng envelope ay ang bracelet; iyong ibinigay ni Marlon sa akin nung unang nagkita kami siya ay bilang Marlon. Nawala ang bracelet na iyon noong dinampot kaming dalawa ni Ricky ng mga taong hindi namin kilala. Ibig sabihin, may kinalaman si Sophia sa pagdampot sa amin. “Napakasalbahe talaga ng babaeng iyon!” sigaw ko.
Dali-dali kong isiniksik muli sa loob ng envelope ang mga bagay na iyon. Tinupi ko ang envelope upang lumiit atsaka isiniksik sa waistiline ng aking pantalon upang hindi ito mapansin at matakpan ng aking t-shirt.
Matinding kaba ang aking naramdaman sa ginawa kong iyon. Pagkatpos kong maitago ang envelope sa ilalim ng aking waistline, nilapitan ko muli ang aking resignation letter na nasa ibabaw ng mesa, dinampot ito, tiningnan-tingnan kunyari, binasa-basa, atsaka ipinatong muli sa ibabaw ng mesa.
Aalis na sana ako noong sa paglingon ko sa pintuan, naroon pala si Sophia. At nakamasid sa aking ginawa!
Hindi ko alam kung nakita niya ang aking pagtago sa brown envelope sa aking beywang ngunit hindi ako nagpahalata. Inunahan ko na siya ng, “I’m submitting my resignation!” ang matapang kong sabi.
Hindi siya natinag sa kanyang kinatatayuan sa may bandang pintuan, tila ba hinarangan ako. “Ow really???” Ang sarcastic niyang tugon. “How come? you have been fired! And Marlon fired you! Just yesterday. No one told you?”
“He fired me? How nice! Tahnk you for poisoning his mind!”
Humalakhak siya. “Kawawa ka naman Jassim... nag-iilusyon ka pa rin. Alam mo, if I were you, I’ll find a girl for me.”
“O good you weren’t me. Because if I were you too, I’d never reach that age... I’d surely poison myself to death while I was young. It will surely help the world with one evil gone.”
“Ow really? Kawawang Jassim. Huwag ka kasing sa lalaki pumatol. Tingnan mo tuloy, talo ka. At kung anu-ano na lang ang pumapasok sa iyong kukute. Sayang ka. Ang tali-talino mo, ang guwapo mo... tapos sa lalaki ka lang mai-in love. Tandan mo, Jassim, ang lalaki ay para lamang sa babae. Ang babae naman ay para lamang sa lalaki. Kung kaya ay si Marlon, para sa akin lamang. Tama ba ako?” at humalakhak muli.
“Alam mong James ang pangalan niya, di ba? Di ba?” ang sigaw ko.
“Oo! At matagal na! At alam ko ring hindi ka niya kapatid kundi ikaw ay isang baklang naghahabol lang sa kanya. Tama ba ako?” at humalakhak muli.
“Mali! Dahil mahal ako ni James! At kung babalik lang ang katinuan niya, siguradong itatakwil ka niya!”
Tumawa pa rin siya. “Ilusyunadang bakla!”
“Hindi ka niya mahal! Napilitan lang siyang magpakasal sa iyo!”
At bigla ko nalang naramdaman ang malakas na sampal sa aking mukha. Bigla ring nanlilisik ang kanyang mga mata. “Huwag na huwag kang hahadlang sa aming pagmamahalan ni Marlon kung ayaw mong may tuluyan na kitang burahin sa mundo!”
“At ikaw rin ang nagpadukot sa amin? Nagpagahasa sa amin?”
“Owww? Di mo nagustuhan? ang guguwapo noong mga tauhan kong iyon ah? What a shame!”
“Hayup ka talaga! Demonyo!!! Mamamatay ka na sana!” ang sigaw ko sabay tumbok sa pinto kung saan naroon siyang nakaharang, at dire-deretso nang dumaan sa pinto upang makalabas. Kung hindi lang siya umiwas ay itulak ko na sana siya.
“Bye Jassim! good luck to your lovelife!” ang sarcastic na sigaw ni Sophia habang nagmamadali akong makalabas sa main entrance ng restaurant.
“Ipapatay kita!!!” sigaw ko. Iyon ang huli kong natandaang sinabi ko sa kanya. Alam ko, narinig iyon ng mga kasama kong crew.
Sa sobrang galit at sama ng loob ko, hindi ko alam kung saan ako patungo. Noong napadaan ako sa children’s park, naupo muna ako sa sementong bangko sa gilid nito.
Sa pagkakataong iyon ay gusto kong umiyak. Ngunit marahil ay dahil sa panggalaiti ko sa galit na nagmukhang pinaglaruan lang ako ni Sophia, hindi ko magawang umiyak. Pakiramdam ko ay ang sikip-sikip ng aking dibdib, hindi ko mailabas ang sobrang bigat ng aking dinadala.
Nanatili akong nakaupo roon. Pinagmasdan ko ang mga inosenteng paslit na masayang-masayang naglalaro sa slide, sa swing at see-saw.
Binitiwan ko ang isang malalim ng buntong-hininga. Nakaramdam kasi ako ng pagkainggit sa kanila. Mga inosente, walang pakialam sa buhay, ang nasa isip lamang ay ang maglaro, tumawa, tumakbo, sumigaw sa saya. Pakiramdam ko ay gusto kong bumalik uli sa aking pagkabata; sa aking kamusmusan.
Nasa ganoon akong pagmumuni-muni noong napansin ko ang dalawang batang kararating lang na sa tingin ko ay magkapatid. Ang isang mas bata na nasa lima o anim na taong gulang lang ay karga-karga sa likod ng kanyang kuya na nasa 12 na taong gulang naman. At sa tingin ko ay lumpo ang mas batang kapatid dahil maliliit ang mga paa niya at hindi nito magawang ikilos.
Tuwang-tuwa ako habang pinagmasdan ang magkapatid. Nakakahawa kasi ang kanilang mga ngiti at tawa. Bagamat ramdam kong nahirapan sa bigat ng kanyang kinarga ang nakatatandang bata, bakas pa rin sa kanyang mukha ang ibayong saya. Nagtatawanan sila habang takbo nang takbo ang kuya, karga-karga sa kanyang likod ang kapatid. Parehong naghalakhakan, walang pakialam sa mga tao sa paligid, sa kabila nang may mga kapawa batang nagtitinginan sa kanila. Sumakay sila sa swing, nag see-saw, at pilit pang umakyat sa slide.
Naantig ang aking damdamin sa pagkakita ko sa kanila. Iyon bang pakiramdam na hayan sila, hindi alintana ang hirap na dinanas, masayang-masaya pa rin sa buhay; kasing saya ng mga normal na bata na nakapaligid sa kanila.
At ang kuya, hindi niya iniwanan ang kapatid. Kahit mabigat, kinakarga pa rin niya ito, hindi sa kabila ng bigat na karga-karga. Nagsakripisyo siya upang damayan ang kapatid; upang kahit papaano ay maipadama niya rito na may taong nagmamahal sa kanya, na may kuya siyang maaasahan, masasandalan, at hindi bibitiw gaano man kahirap at kabigat ang papasanin niya, lumigaya lamang ang kanyang bunso.
At ewan kung ano ang pumasok sa aking kukute noong dumaan sila sa aking harapan at naitanong ko pa ang, “Siguro ang bigat-bigat niya ano?” sabay turo ko sa batang kinakarga.
Biglang napahinto ang kuya at tiningnan ang karga-kargang kapatid.
Hindi mabura-bura sa aking isip ang tingin niyang iyon sa kapatid niya. Iyon bang parang isang eksenang nakakaantig ng damdamin. Sa tingin niyang iyon sa mukha ng kanyang nakababatang kapatid ay tila may hinahanap at hinuhugot siyang kasagutan.
Nagkatinginan ang dalawa. Ang sukling tingin ng nakababatang kapatid ay parang may bahid na lungkot, may di maipaliwanag na takot at insecurity. Parang ang titig niyang iyon sa kanyang kuya ay nagtatanong ng, “Nabibigatan ka na ba sa akin kuya? O, mabigat ba talaga ako kuya???”
Ako man ay nabigla rin sa aking tanong, nagsisi kung bakit lumabas ang mga katagang iyon sa aking bibig. May naramdaman akong awa sa bunso, nangambang baka magkamaling sumagot ang kuya niya at masaktan ang bata. Parang lumabas tuloy na napaka-insensitive ko sa kanilang kalagayan.
Nilingon ako ng nakatatandang kapatid, may bahid na galit ang kanyang tingin sa akin sabay bitiw ng padabog at pasigaw na sagot. “Hindi siya mabigat! Kapatid ko siya at mahal na mahal ko!” atsaka tumakbo patungo sa swing at ipinagpatuloy ang kanilang masayang paglalaro.
Mistula akong binatukan sa aking narinig. Isang batang paslit ang nagpakita sa akin ng isang mukha ng tunay na pagmamahal. Isang musmus ang nagmulat sa aking mga mata kung ano ang kahulugan ng pagsasakripisyo sa ngalan ng pag-ibig.
At ewan ko rin ba kung may kaugnayan, bigla kong naalala ang tanda na hiniling ko sa aking panalangin. Napalingon ako sa simbahan na nasa gilid lang ng park. “Salamat po... Kung ito po ang mensaheng ipinarating ninyo sa akin, nakuha ko na po. Kagaya ng kuya ng bata, hindi ako bibitiw kay James, gaano man kabigat ang aking maaaring pasanin, kahit masaktan ako, magsakripisyo, hindi ko siya bibitiwan. Salamat po.” ang bulong ko.
Kinagabihan, nag-usap kami ni Ricky. Sinabi ko sa kanya ang lahat na nadiskubre ko.
“Sabi ko na nga ba eh! Alam ng bruhang iyon ang lahat. At siya rin ang nagpadukot sa atin!”
“Oo. Tama ka Ricky. At dahil dito, napagdesisyonan kong huwag bumitiw. Hahabulin ko pa rin si James. Lalabanan ko si Sophia. Aagawin ko si James sa kanya!” sambit ko sabay hugot sa aking cp at dinayal ang numero na ibinigay sa akin ng tingauriang mayor ng mga preso.
“Sino ba iyang tinatawagan mo?” tanong ni Ricky.
“Isang kaibigan.” sagot ko. At pinindot ko ang speakerphone para marinig din ni Ricky ang aming pinag-usapan.
“Hello!” ang sagot sa kabilang linya.
“Hi... kilala mo pa ba ako? Ako iyong tinulungan mong makalaya sa kulungan...”
“Ah... ang poging bata!” sagot niya. “Anong maipaglilingkod ko, bata?”
“M-magpatulong lang sana ako sa iyo...”
“Bakit? May ipapatay ka ba?” ang sambit ng preso. Napatingin ako kay Ricky. Hindi ko akalain na ganoon ka deretsahan ang pananalita niya.
Si Ricky naman ay napatakip sa kanyang bibig, halatang nabigla sa narinig at sa hindi niya akalaing may contact na pala akong tao na handing pumatay. Siguro ay naisip niyang ganoon na lang pala kadali para sa akin ang magpapatay ng tao.
At dahil nag-aalangan akong sabihin sa preso ang pakay ko, natakot na baka iba ang isipin ni Ricky sa akin, sinagot ko na lang siya ng, “M-mamaya na lang, mag-usap tayo. Basta tulungan mo ako please...”
“Basta ikaw, bata. Walang problema.”
Iyon lang. Kahit papaano, may naramdaman akong sense of security. Para bang sa sisip ko lang, “Napakadali lang pala.”
“Igan! Ipapatay mo ba talaga siya? Totohanin mo ang banta mo sa kanya sa restaurant?”
“Bakit narinig mo?”
“Narinig ng lahat! At ang sabi nga nila ay, sana raw ay totohanin mo.”
“Bakit? Naniniwala ka ba talagang kaya kong ipapatay siya?”
“Hindi nga ako makapaniwalang tatawagan mo talaga ang preso na iyon eh. Kaya nga tinanong kita kung ipapatay mo ba talaga siya?”
“Maghintay ka lang. Basta may plano ako” ang sambit ko na lang.
“Paano iyan, sa sunod na linggo na raw ang kasal nila?”
At doon na naman ako nalungkot. “A-ang bilis naman...”
“Nagmamadali siguro ang haliparot na baka magbago pa ang isip ni Sir Marlon.”
“At isa rin ang taong iyaon. Iba na ang napansin ko kay Marlon eh. Parang nag-iba na siya Ricky. Napansin mo ba?”
“Oo... palaging late sa trabaho, parang palaging lasing o naka-droga, pulang-pula ang mga mata, naka-shades palagi, at suplado siya huh! Parang nahawaan sa ugali ni Sophia! At ang kanyang pananamit, naka-maong lang kapag pumasok, naka-t-shirt, at minsan ay nakasandal lang. Ibang-iba talga siya Igan! Parang walang modo. Parang ugaling kanto at adik lang.”
“Di kaya dahil sa kanyang karamdaman iyan?”
“Na-amnesia uli? Ano yang klaseng amnesia niya? Parang time machine na kapag naumpog, nasa ibang panahon? At kailangan i-umpog nang paulit-ulit hanggang sa mahanap ang tamang panahon niya?”
“Ewan ko rin... Di ko masagot.”
“S-sa kasal nila igan... dadalo ka ba?”
“Dadalo ako. May plano akong gagawin doon.”
“S-sure ka? Baka masaktan ka lang?”
“Aagawin ko siya kay Sophia, di ba?”
“Oo... pero paano mo siya agawin?”
“Basta...”
Dumating ang takdang araw ng kasal. Malungkot ako, syempre, ikakasal na si James. Ngunit pilit na nagpakatapang ako. At ang isang kunswelo sa isip ko lang ay kung Marlon Ibanez ang gamit niyang pangalan sa pagpapakasal, magiging walang bisa iyon kapag nanumbalik na ang kanyang alaala. Kasi ang legal niyang pangalan ay James Andres. Kaya may habol pa rin ako.
“Akala ni Sophia ay magtagumpay na siya. Akala niya maisahan niya ako!” sa isip ko lang.
Kasama ko si Ricky, pumuwesto kami sa bandang gitna ng simbahan, ako sa gilid mismo ng pasilyo. Kahit wala kaming invitation, nagmukha naman kaming mayaman kung kaya ay hindi kami nahalata na mga gate crashers lang.
“Ang ganda ng mga dekorasyon igan! Sana kapag ikinasal ako, ganito rin.” Sambit ni Ricky.
“Huwag kang mangarap. Hindi ikinakasal ang mga bakla sa Pinas!” ang pagsupalpal ko pa.
“Ito naman. Nangarap nga lang eh…”
“O sige, mangarap ka. Libre naman iyan eh.”
Maraming tao ang dumalo. Mga mayayaman lahat. De-kotse, mga pulitiko, mga negosyante, mga de kalibre. Syempre, maganda rin ang mga palamuti sa simbahan, punong-puno ng mga bulaklak na mamahalin ang altar, ang pasilyo, ang dingding ng simbahan.
Nagsimula ang kasal. Unang nagmartsa si Marlon na sinundan ng kanyang best man at mga groom’s men. Noon ko lang din nakita ang best man na iyon. Ewan kung saan niya naging kaibigan ang taong iyon. Nakakalungkot dahil ako ni hindi niya magawang kahit pakunsuwelo man lang na imbitahing maging best man o isa sa mga groom’s men. Ni invitation letter ay hindi ako binigyan.
Ramdam ko ang pagsikip ng aking dibdib lalo na noong nakita ko si James na napaka-guwapo sa kanyang suot na Amerikana. Pakiwari ko ay talagang kagustuhan niyang makasal kay Sophia. Abot-tainga ang kanyang ngiti at parang walang mapagsidlan ang kanyang kaligayahan, kabaligtaran sa aking naramdaman. Parang gusto kong umiyak. Parang gusto kong maglupasay sa sakit ng aking kalooban.
Ngunit pinilit kong maging matapang, magpakatatag, magpaka-civil. Pinigilan ko rin ang sariling huwag dumaloy ang aking mga luha.
Ang sunod na nagmartsa ay si Sophia, na inihatid ng kanyang ama. Kitang-kita ang ibayong saya sa kanyang mukha. Maganda ang kanyang damit pangkasal. Maganda rin siya... marahil ay dahil sa makapal na make up o dahil may inggit lang akong nadarama. Hindi ko alam. Basta ang alam ko, ay tila umuusok sa galit ang aking dalawang tainga. Sobrang tindi ng galit ko talaga sa kanya. Ngunit tinimpi ko lang ang lahat. “Mamaya ka lang...” sa isip ko.
Dumating sa puntong nagtanong ang pari ng, “Kung sino man ang may pagtutol sa kasal na ito, magsalita na ngayon bago pa man maging huli ang lahat...”
Tahimik. Sa sobrang tahimik ay mistulang maririnig mo kung may babagsak na karayom sa paligid dahil tindi ng katahimikan.
“Tinatanong ko muli, wala bang tututol?” sambit uli ng pari
At doon na ako tumayo at nagsalita. “Ako Padre! tutol po ako!”
Nagkatinginan ang lahat ng mga tao sa akin, ang iba ay nanlaki ang mga mata, ang iba ay nagbubulungan.
At noong tiningnan ko si Sophia, halos hindi ma-drawing ang kanyang mukha sa tindi marahil ng kanyang galit na gumawa pa talaga ako ng eksena.
Lumingon din si Marlon sa akin. Seryoso ang kanyang mukha na mistulang may bahid na galit din.
“At ano naman ang dahilan, hijo at tutol kang ipagpatuloy ang kasal ng dalawang ito?”
“May amnesia po ang groom, Padre. Hindi po Marlon Ibanez ang kanyang pangalan...”
Na siyang lalo pang pagtindi ng bulung-bulungan ng mga naroon.
Nagpatuloy pa ako, “Ang tunay po niyang pangalan ay James Andres na taga-Mindanao at dati po siyang nagtatrabao bilang security guard sa aming baranggay. Napilitan po siyang umuwi, sumakay ng bus patungo ng Mindanao dahil na-stroke ang kanyang inay ngunit nabangga ang kanyang sinasakyang bus at iyon ang dahilan ng kanyang pagka-amnesia. Patay ang lahat na pasahero ng bus. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, may isang taong buhay sa aksidenteng iyon; si Marlon. At si Sophia po ang nakakita sa kanya sa bangin. Sa kanyang pagka-amnesia, itinago siya ni Miss Sophia at binigyan ng panibagong identity, sa pagkatao ni Marlon Ibanez. Hindi siya ipinagamot ni Sophia upang hindi na manumbalik pa ang kanyang alaala at tuluyan niyang maangkin si Marlon na James ang tunay na pangalan. Para sa kaalaman ng lahat... ninakaw po ni Sophia ang tunay na pagkatao ni James. At nais ko pong maipagamot si James upang makauwi na sa kanila sa Minadanao at makita ang naghintay, nag-iisa, at nakakaawa niyang ina na biktima ng stroke...”
(ITUTULOY)
No comments:
Post a Comment