BY: -JRA-
Kinabukasan, maaga akong nagising. Ligo, bihis, kain, toothbrush, papogi saglit sa salamin saka umalis. Kasabay ko si mama umalis, si kuya naman, itutuloy pa raw ang pagtulog napuyat kasi kagabi dahil sa katetxt sa girlfriend niya. Hapon pa raw ang klase.
Inihatid ko muna si mama sa sakayan ng bus saka ako pumirme sa school.
Maaga pa noong nakarating ako ng school. Kunting linis lang. Pagkatapos ay tatambay na at mag-hihintay sa pag-ring ng bell para sa flag ceremony. Habang natambay sa harap ng classroom namin kasama ang mga classmates ko, nakita ko si Archie malapit sa kinaroroonan namin. Lumapit ako sa kanya.
"Hi bunso!", bati ko.
Lumingon siya saka ngumiti, "Hi Nate!"
"Si Renz?" ako.
"Wala pa eh. Male-late na naman siguro."
"Ganun? Hindi pa rin nagbabago?"
"Makupad pa din kung kumilos."Tawanan. Natahimik bigla si Archie.
"Bakit?", tanong ko sabay noon ay isang mahinang batok mula sa likod. Napa-"Aray!" ako pero mahina lang.
"Ako na naman siguro ang pinagtatawanan mo gago no?", ngising sabad ni Renz.
"Gago hindi ah. Tanong mo pa dito!" turo ko kay Archie.
"Sabi niya lang na hindi ka nagbabago.", si Archie.
"Tapos sabi niya makupad ka pa rin daw!" sabi ko naman.
"Ganun!", sigaw ni Renz saka inambangan ng suntok ang mukha ni Archie.
Tawanan
--oOo--
"Woi tol!", si Archie sabay ang mahinang batok. "Bingi ka na ba? Ilang katol nahithit mo kagabi at parang lutang ka pa rin hanggang ngayon?"
"Nananakit ba? Tae ano ba kasi yun?"
"Nakita ko kayo ni Melany kahapon, may nangyari ba?" Si Renz.
"Ulol hinatid ko lang siya!"
"Woohoo! Gumaganun ka na pre?" si Archie. Kasabay noon ay tumunog ang nakakabinging bell. Hudyat na magsisimula na ang klase.
Matiwasay namang natapos ang maghapong pakikinig sa mga guro. Medyo nakakapanibago lang kasi hindi ko kasama ang dalawang kaibigan ko. Pero pinipilit ko pa ring maging masaya, nakikihalubilo sa mga kaklase, sumasali sa bangkahan, asaran, nakikipagkwentuhan, basta lahat ng pwedeng gawin.
Nang uwian na, nakita ko si Melany sa may Gate ng school. Lalapitan ko na sana siya pero nakita kong may kasama siyang lalaki. Gwapo, matangkad at maputi. Masaya silang nagbabangkahan, nag-bibiruan, nagtatawanan. Ngayon ko lang nakitang masaya si Melany. Naiinggit ako. Hindi ko alam pero naiinis ako sa nakikita ko. Bigla akong nanlumo. Tinungo ko na lang ang motor ko at saka umuwi na. Narinig ko ang pagtawag ni Melany sa aking pangalan noong nilagpasan ko sila pero hindi ko siya pinansin.
Nagdaan pa ang mga araw, linggo at buwan, masaya naman sa school. Nagkakasama pa rin kami ng mga kaibigan ko. Pero si Melany? Isang linggo pa lang mula noong nakita ko siya sa main gate ng school ay hindi na siya pumasok. Ang usap-usapan ay nag-asawa na raw siya. Syempre nasaktan ako. Kasi ang alam ko ay may nararamdaman siya sa akin.
Simula noon, pansin ko ang palagiang pagdikit ni Renz sa akin. Palaging kinukumusta, tinetxt, tinatawagan, pinupuntahan sa classroom, binibisita sa bahay pag weekends.
Si Archie naman, pansin ko din ang pagbabago niya. Hindi na siya kasing-sigla nung Archie na nakilala ko. Lately, parang palagi siyang matamlay. Palaging malungkutin. Pilit lang niyang itinatago ang nararamdaman niya sa pamamagitan ng pagngiti. Palagi na din siyang nauuna sa canteen kahit sa tambayan namin. Minsan natutulala na lang habang tinititigan ako na parang ang lungkot ng mata niya na parang may gusto siyang sabihin. Palagi na din siyang nag-g-gm ng mga quotes patungkol sa pagsabi ng nararamdaman mo sa isang tao. Hinayaan ko na lang muna. Pasasaan pa't sasabihin din niya sa akin ang problema niya. Siguro kumukuha lang siya ng lakas ng loob para masabi ang saloobin niya sa akin.
Naghahanda na din ako para sa birthday ko. Sabi ko kay mama na simpleng handaan na lang muna para hindi magastos. Sumang-ayon naman siya agad. Sina Archie at Renz lang ang inimbitahan ko pati na rin sina Fred at ang tropa niya.
Si Fred ang una kong nakilala simula noong pumasok ako sa high school. Simula noon ay palagi na niya akong kinakausap. Lantad na bading si Fred. Noong una ko siyang makilala, napakamahiyain niya. Ni hindi man lang nagsasalita. Hindi ko nga nahalata na bading siya noon dahil nga sa halos hindi siya kumikibo. Pero siguro naimpluwensiyahan na rin sa mga kagaya niya na parati niyang nakakasama.
Pagsapit ng birthday ko masaya naman kaming lahat. Isang dinner lang. Kung tutuusin isang napakaordinaryong salu-salo lang iyon pero ramdam ang saya ng bawat isa. Lahat sila may regalo para sa akin na nagpataba talaga ng puso ko. Pagkatapos ng kainan, nagpahinga kami saglit saka inilabas ni kuya ang inumin. The Bar!
"Yan lang kuya?", si Renz.
Tumawa si kuya ng malakas, "Kung gusto mong humirit, mag-beer tayo, gusto mo?" sabi niya sa nang-aasar na tono. Naalala niya siguro noong nagdaang birthday ko kung saan lasing na lasing itong dalawang kaibigan ko.
Noong una tahimik lang sila. Lumabas lang ang pagkabaliw nila noong birthday ko. Syempre, invited lahat ng kaklase. Nagkayayaan silang uminom noong pagabi na matapos ang handaan, pero syempre kunti lang. Katuwaan lang daw. Sabado naman kinabukasan kaya ayun. Apat silang uminom noon. Si kuya, si Archie, si Renz at si Red, yung kaibigan ni kuya. Ako? Nakipulutan lang. Hindi ako pinayagan ni kuya eh.
Isang case lang ng RH ang naubos nila pero tumba ang dalawang kaklase ko. Tinawagan na ni mama ang mga magulang ng mga kaklase ko. Sinabi niya na baka magabihan sila ng uwi pero pinakiusapan nila si mama na hwag silang pauwiin ng gabing-gabi. Uso kasi noong ang mga sindikato na nanggagahasa ng mga bading pati mga lalaki basta natipuhan nila. Kaya doon sila sa bahay natulog sa kwarto sana ni kuya.
Kinaumagahan noon, gumala-gala pa kami. Ayaw pa raw nilang umuwi kasi nga, may hang-over pa sila. At dahil nga sa underage pa sila, kaya minabuti na lang nila na magpalipas ng isa pang araw para hindi sila magmukhang bangag pagkauwi nila para hindi sila pagdudahan na uminom sila. Nagpunta kami noon sa park malapit sa simbahan. Namasyal na din kami sa isang mall sa kabilang bayan. Wala pa kasi talagang mall sa amin.
Napagkwentuhan namin ang tungkol sa nangyari sa kanila kagabi. Ang pagsuka ni Renz sa bowl ng CR, ang pagsisigaw ni Archie ng, "Mama! Nahihilo ako!", ang paghubad ni Renz ng kanyang saplot sa katawan, ang pagyakap ni Archie sa unan na parang wala ng bukas, ang pagsasayaw nilang dalawa habang naka hubo't hubad, ang pagyayakapan nila.
Nang hapon na, nagpunta kaming tatlo sa isang open beach sa dulo ng bayan namin. Doon namin sinimulang gawin ang pangako namin sa isa't isa.
"Sanggang dikit, walang iwanan. Walang bibitiw kahit sa bingit ng kamatayan."
Masaya naman silang kasama. Simula noon, palagi ko na silang kasama, sa kalokohan man, sa kagaguhan, palagi ko silang karamay.
-------
"Hwag na kuya. Ayokong mag-alaga ng mga damulag ngayon. Baka maghubad ulit at baka gahasain ako niyan. Gabi-gabi pa namang humihithit ng katol." Tukoy ko kay Renz.
"Ay! Sige kuya Mark! Ilabas mo na ang beer at mag-inuman na kayo nitong si Renz. Hwag kang mag-alala Niel. Ako ang bahala dyan 'pag nalasing na." si Fred.
"Ay kuya hwag na!" si Renz parang takot.
Tawanan.
Simulan na nga namin ang tagayan. Tamang asaran, biruan, hanggang nauwi sa kwentuhan. Tawa lang kami ng tawa habang nagkukwento si Fred ng mga karanasan niya sa pakikipagboyfriend. Nakiinom na din ako pero syempre palihim lang. Iba kasi ang mesa ni kuya. Nasa sala silang dalawa ni Archie. Ewan ko nga din doon. Parang gusto daw niyang manuod.
Nagpatuloy pa ang inuman. Medyo hilo na ako pero alam ko pa din ang ginagawa ko. Paubos na noon ang inumin.
"Oy! Wala nang inumin!" si Ghel.
"Tama na baka gabihin pa kayo." Sabi ko.
"Ok lang. May sundo ako ihahatid ko na lang sila." si Renz.
"Gusto niyo pa?" tanong ko. Tumango naman sila. "Sige wait lang kukunin ko lang yung isa pa. Pero kalahati lang ubusin niyo ha?"
Nang pumasok ako, nasa sala pa din sina kuya at Archie nanunood ng basketball. Si kuya parang baliw na sumisgaw pa ng, "Shoot! Pasa! Rebound! Gago ipasa mo!". Si Archie tahimik lang sa isang tabi. Hawak-hawak ang bote ng beer na nakatulala lang sa tv.
Tinungo ko na nga ang ref kung nasaan ang The Bar. Pagkasara ko ng Ref siya namang pagkarinig ko ng Doorbell. Paglabas ko ng kusina, nakita ko si mama na nagmamadaling bumaba.
"May nagdo-doorbell?" tanong niya habang papalabas ng sala. Ako naman ay nakasunod lang sa kanya. Inilapag ko muna ang inumin at nagpaalam na titingnan ang dumating sa bisita at sumunod kay mama sa Gate.
"Mama sino yan?", tanong ko sa kanya. Nakatalikod si mama habang kaharap ang bisita. Lalake. Matangkad. Hindi ko maaninag ang mukha niya dahil nasa kabilang tawid pa ang street light. Nagulat na lang ako noong nakilala ko kung sino ang bisita. Lumapit siya sa akin.
"Happy birthday bunso!"
ITUTULOY...
No comments:
Post a Comment