"Happy birthday bunso!", mangiyak-ngiyak na sabi ng isang lalaki. Mas matanda lang siguro siya ng ilang taon kay mama. Hindi ko masyadong aninag ang mukha niya pero kasing tikas siya ni kuya, matangkad at medyo mataba.
"Ma, sino siya?" tanong ko kay mama.
Lumapit sa akin ang lalaki saka ako niyakap. "Ang laki laki mo na bunso ko." Ang mangiyak ngiyak na sabi niya.
Hindi ko alam kung paano ako magre-react. May parte sa aking puso ang nangungulila sa kanya pero bumalik lang lahat sa akin ang sakit ng pang-iiwan niya sa amin. Tae mag-lilimang taong gulang lang ako noong iniwan niya kami. Pinangako niya noon na babalik siya. Baon-baon ko ang pangakong iyon hanggang sa lumaki ako pero ano? Hindi siya bumalik! Hindi man lang siya nagparamdam. Masakit! Ang sakit sakit. Simula pa noong bata ako, tampulan na ako ng tukso ng mga kalaro ko. Na wala akong tatay, na bastardo ako. Habang nagkukwento sila tungkol sa kanilang mga tatay, naiingit ako. Isang araw, umuwi ako sa amin na umiiyak, tinutukso kasi akong bastardo ako, na wala akong tatay kaya nagtatakbo akong umuwi at nag-iiyak. Tinanong ko noon si mama kung bakit hindi kami binalikan ni papa. Tinanong ko kung bakit niya kami iniwan. Tinanong ko siya kung babalik pa ba siya. Sabi ni mama na hindi niya na kami babalikan pa, na hindi niya kami mahal, na may pamilya na siyang iba. Simula noon, nabuo ang galit sa aking puso. Tapos ngayon, babalik siya na parang wala man lang nangyari? Ano to? Joke, joke lang ang pang-iiwan niya sa amin?
Itinulak ko siya ng buong pwersa paraan makalas siya sa pagkakayakap niya sa akin. "Wala akong ama. Matagal nang patay ang papa ko." matigas kong sabi. Pinipigilang umiyak para ipakitang buo ang paninindigan ko sa sinabi ko.
"Anak, ako ito, ang papa mo. Buhay na buhay, oh? Anak, hindi ka ba masaya na andito na ako? Anak miss na miss na kita. Mahal na mahal kita anak. Patawarin mo ako sa pa-..."
"Sa pang-iiwan mo sa amin?!" sigaw kong pagputol sa sasabihin niya. "Tama na! Masaya na ako! Masaya na kami sa kung anong buhay meron kami! Masaya na ako kahit noong wala ka pa at nasisiguro kong mas sasaya pa ako kung hindi ka na nagpakita!"
Lumabas silang lahat. Pati si kuya. Siguro ay narinig nila ang pagsisigaw ko.
"Sorry anak, sorry, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya. Nagkamali ako, oo, pero anak pinagsisisihan ko ng lubos ang pang-iiwan ko sa inyo." malumanay niyang sabi sa pagitan ng mga hagulgol niya. Hahawakan sana ulit niya ako sa braso pero iniwaksi ko ang kamay niya.
Tumawa ako ng pasarkastiko habang umiiyak. "Nagsisisi? Kung ganoon, bakit hindi ka bumalik ng mas maaga? Bakit hindi ka man lang nagpakita sa amin? Anong ginawa mo? Nag-iwan ng pangako pero tangina hindi naman natupad! Ang galing mong mag-paasa eh. Napakagaling mo." sigaw ko sa kanya. Sobra ang pagkabog ng akin dibdib dahil sa galit. Ramdam ko ang panginginig, panlalamig ng aking mga kamay at paa at ang panlalambot ng aking tuhod. Nilapitan ako ni kuya at inalalayan. Nang maramdaman ko ang mga kamay niya sa balikat ko ay niyakap ko siya ng mahigpit. Umiyak ako ng umiyak sa dibdib ni kuya.
"Pa, umalis na muna kayo, okay?", sabi ni kuya sa normal niyang boses. "Tahan na bunso." Tukoy niya sa akin na walang paring tigil sa pag-iyak. Iyak lang ako ng iyak habang yakap si kuya, hanggang sa maramdaman ko na lang ang pamamanhid ng buo kong katawan, panginginig at matinding panghihina at tuluyan nang nanlupaypay. "Nate, Nate! Ma, si Nate!", ang huling narinig kong sigaw ni kuya at tuluyan na akong nawalan ng malay.
Paggising ko nasa isang kwarto na ako ng isang ospital. Luminga-linga ako pero ako lang ang nag-iisang tao. Nauuhaw kasi ako. Umupo ako paharap sa bintanang nasa kaliwa ko. Nanatili lang akong nakatanaw habang binabalikan ang mga pangyayari noong nakaraang gabi. Napabuntong-hininga ako. Kasabay noon ay ang pagkarinig ko ng pagbukas at pagsara ng pinto.
"Nate, gising ka na pala. Pasensya na ha, bumili lang ako ng pagkain." si Archie. Kinuha niya ang mesa na may maliit na gulong saka inilagay sa harap ko saka kumuha ng isang upuan at umupo paharap sa akin at binuksan na ang pagkain, "Kain ka muna. Hindi ka pa kumakain mula kanina pang umaga." alok niya.
"Nauuhaw ako." sabi ko. Binuksan niya ang nakaboteng tubig saka inabot sa akin. Uminom muna ako bago nagsalita ulit. "Anong oras na? Si Mama at kuya?"
"Mag-aalas dos y media na ng hapon. Sina Tita at kuya Mark ay nagsimba muna. Ayaw pa sanang sumama ni kuya pero ako na ang pumilit sa kanya. Sabi ko na sumama siya para ipanalangin na lang niya ang agarang paggaling mo at ako muna ang magbabantay sa iyo. Kaaalis lang nila at sa huling misa na daw sila dadalo. Mga alas tres mag-uumpisa kaya umuwi muna sila para makapaghanda muna.", mahabang paliwanag niya habang panay ang pagsubo niya sa akin ng pagkain.
Nilunok ko muna ang nasa bibig ko bago nagsalita ulit. "Ah, ganoon ba. Teka, paggaling? May sakit ako?"
"Sorry Nate, pero ayokong sa akin manggaling ang mga bagay na iyan." sabi niya sabay subo ulit ng pagkain sa bibig ko sabay ang pag bigkas niya ng, "Aaah".
"Hm, ok. Pero teka, para sa akin lang ba yang pagkain? Kumain ka na ba?" takang tanong ko. Sa akin lang kasi niya sinusubo ang pagkain at halos hindi ko pa nauubos ang nasa bibig ko eh susubo ulit siya.
"Actually, hindi pa." sabay ang mahinang tawa saka nagpatuloy. "Para sa atin talaga yan pero na-enjoy mo naman ang pagsubo ko sa 'yo at na-enjoy ko din naman kaya mamaya na lang ako kakain pagkatapos mo." sabay ang napakalaking ngiti.
"Tange. " sabay ang mahinang batok, "Nauuhaw lang ako hindi nagugutom. Kain ka muna. Busog na ako."
Tumawa siya ng malakas. "Ayaw mo na?"
"Ayaw ko na. Ayokong tumaba noh. Andyan pa yan, o?" turo ko sa dextrose na nakalambitin sa isang tubo sa may edge ng kama. Sabi kasi nila pinapataba raw niyon ang pasyente.
"Arte mo! Alam ko naman na gutom ka pa eh." sabay tawa. "kain na tayo." dugtong niya.Kumain na nga kami kasi sa totoo lang gutom pa ako.
Sinusubuan pa rin niya ako, pero pagkatapos ay siya naman, palitan. Iisang kutsara lang ang gamit namin. Tahimik lang kami habang kumakain. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya pero parang masaya siya. Kitang-kita sa mga mata niya pati na rin sa mga ngiti niya. Naalala ko naman ang mga inaasta niya nang mga nakaraang araw kaya sinamantala ko muna ang pagkakataon.
"Ahm, Archie pwede magtanong?" alangan kong tanong.
"Nagtanong ka na nga eh, ano 'yon?" sabi naman niya.
"Pansin ko kasi noong mga nagdaang araw eh naging mailap ka na. Pansin ko din na parang ang lungkot mo kapag kasama ka namin. May problema ka ba?"
Natigilan siya saglit. Parang biglang nagbago ang mood niya. Nagsisi naman ako dahil sa pagpalit bigla ng mood niya.
Bumuntong-hininga siya saka nagsalita, "Wala. Nabasted lang."
"Basted? Joke lang yan diba?"
"Ugok!" tumawa siya.
"Ano nga?" tanong ko ulit. Tumitig siya sa mukha ko ng matagal. Blangko ang ekspresyon ng kanyang mukha. Nakakapanindig-balahibo ang titig niya. Nakipagtitigan na din ako. Nagtatanong at nagpapakaawa ang mga mata ko para ma-convince ko siyang magsalita. Ilang saglit pa, mula sa blangkong ekspresyon ay naging malungkot ang mukha na tila luluha ang kanyang mga mata. Bigla niyang iniwas ang kanyang mukha mula sa pakikipagtitigan. "May problema ba, Archie? Kung kailangan mo ng makakausap nandito lang ako. Hwag kang mahihiya. Basta kalabitin mo lang ako kung handa ka nang sabihin sa akin ang lahat, okay?" ako ulit.
Nagpunas siya ng luha saka binaling ang tingin sa akin. "Salamat Nate." At sumilay ang pilit na ngiti sa labi niya.
Tinapos na namin ang pagkain. Matapos makapagligpit si Archie, naupo muna siya sa kama sa may kanan ko at nagkwentuhan muna kami ng kahit anong pwedeng mapagkwentuhan. Ang saya niyang kasama. Tila hindi siya nauubusan ng joke. Medyo bumalik na din ang kanyang dating sigla. Habang nagkukwento siya nakatitig lang ako sa kanya habang nakangiti ng napakalaki. Nang mapansin niyang nakatitig lang ako sa kanya, natigil siya saglit. Nagkatitigan kami ulit. Naramdaman ko na naman ang pangingilabot. Ramdam ko ang lakas ng pagkabog ng aking dibdib. Nakaka-kaba. Hanggang sa palapit ng palapit ang kanyang mukha. Hindi ko alam ang gagawin ko. Kung iiwas ba ako o ano. Ilang pulgada na lang ang layo ng mukha niya sa akin. Napapikit ako. Hanggang sa maramdaman ko ang pagdikit ng mga labi namin. Nanginginig ako at nanghihina. Parang may iilang boltahe ng kuryente ang dumadaloy sa katawan ko.
Nagtagal ang pagdidikit ng labi ngmin ng ilang segundo. Idinilat ko ang aking mata. Nakapikit siya. Pumikit ulit ako. Hanggang sa malasahan ko ang iilang butil ng luhang dumaloy sa kanyang mukha. Umiiyak siya.
Hanggang sa bumukas ang pinto.
"Naknamputsa! Ano yan!" sigaw ni kuya, nakatayo sa may pintuan. Napabalikwas naman kaming pareho. Tumawa siya ng malakas.
Bigla namang lumitaw si mama sa likuran niya at bahagyang itinulak si kuya para makadaan siya. "Anong ano?", si mama na nakakunot ang noo.
"Si bunso ma, bakla!", tawang sabi ni kuya. Napasimbangot naman ako. At ewan ko kung namula ako. Basta uminit ang mukha ko. Tuluyan na nga silang pumasok pareho. Si Archie umupo na sa may tabi ng kama at palihim na pinupunasan ang kanyang mukha. Si mama, nakangising naglakad papunta sa may cabinet. Si kuya naman, tinutukso akong bading habang tawa ng tawa. Nakasimbangot pa rin ang mukha ko. Nang tingnan ko naman si Archie, nakayuko lang siya. Alam ko namumula siya dahil sa hiya. Ganoon din naman nararamdaman ko, no? Humiga na lang ako at saka tumagilid patalikod kay kuya. Bigla namang natigil sa pagtawa si kuya. Lumapit siya sa kama saka humiga sa tabi ko.
"Uy, pikon si bunso, oh?", sabay ang napakalakas na tawa. "Joke lang, to naman. Uy, ngingiti na." dugtong niya ulit saka ako kinikiliti sa tagiliran.
"Kuya itigil mo 'yan. Babatukan kita.", inis kong sabi.
Tumawa siya ulit saka nagsalita, "Ikaw kaya batukan ko. Pinag-alala mo ako nang husto kahapon. Akala ko ganoon na kabaho ang hininga ko para himatayin ang bunso ko. Yun pala may sakit sa pu... Ay.", sabay takip ng bibig.
"Ano ulit kuya?", tanong kong naguguluhan.
"W-wala. Sabi ko nag-alala ako sa 'yo kagabi. Akala ko mamamatay ka na."
"Oo. Tarantang taranta yan. Alam mo ba noong mawalan ka na ng malay, binuhat ka niya tapos itinakbo sa kalsada. Papunta sana sa ospital. Pero pinigilan siya ng papa niyo saka inalok na sumakay na. Tapos ibinaba ka niya at pinakandong sa akin. Nakaupo kasi ako noon sa kalsada. Tapos binuksan niya ang pinto ng kotse sabay sabing, 'Pa, bilisan mo. Hanap tayo ng tricycle!'. Kaya ayun, papa mo pa ang nagbuhat sa iyo papasok sa kotse niya.", kwento ni mama.
Tumawa kaming lahat. Mahal na mahal talaga ako ng kuya ko. Pero sumisingit pa rin sa isip ko na may dapat akong malaman. Kaya nagtanong ako, "Ma bakit daw ako hinimatay?"
Natahimik sila saglit. Nagtinginan silang tatlo. "Buntis ka daw, buti hindi napahamak ang bata.", si kuya habang nakangisi, pero kita ko sa mata niya na may itinatago sila.
"Kuya naman eh!", maktol ko.
"Ahm, kasi anak sabi ng doktor, may...", nginig na sabi ni mama.
"May?", kabang sabi ko.
"May... Uh... Hwag kang mabibigla ah?", si mama ulit. Medyo nainis na ako. Sobra sobra na nga ang kaba ko, eh bibitin pa.
"Oo na, ma! Mamamatay na ba ako?" maktol ko pa rin. Andami pa kasing liko-liko eh!
"Ma, di ba ngayon na iuuwi si bunso?", singit ni kuya.
"Kuya naman eh!"
"May sakit ka raw sa... ump!" si Archie pero tinakpan ni kuya ang bibig niya para matigil siya.
"May balak ba talaga kayong sabihin sa akin ang totoo o ano?" sigaw ko na sa kanila dala na ng matinding inis.
Lumapit si mama sa kama at umupo sa tabi ko, "Eh kasi ganito anak, sabi ng doktor, may Rheumatic Heart Disease ka raw pero mild pa lang kaya madadaan pa sa gamutan.", sabi niya, malumanay na malumanay.
"Ayun! Yun lang pala eh, hindi niyo pa masabi-sabi."
"Eh sabi ni papa hwag ka raw biglain eh.", si kuya.
Natahimik ako. Naalala ko na naman si papa. Siya ang nagdala sa akin dito. Concern pa rin siya sa akin. Aaminin kong may saya akong naramdaman dahil alam kong hanggang ngayon na may pamilya na siyang iba ay mahal pa rin niya ako... kami.
Magga-gabi na nang umuwi si Archie. Hindi pa raw kasi siya umuuwi simula kagabi kaya nagpasya siyang umuwi muna para makapagpaalam na doon muna siya sa bahay matutulog para mabantayan ako. Sweet no? Ewan ko rin sa sarili ko. Nasiyahan ako sa sinabi niya.
Alas diyes na nang ilabas ako ng ospital. Ipapadala na lang daw nila ang resulta ng mga test na isinagawa nila. Nasa bahay na raw si Archie kaya tatlo na lang kaming bumyahe. Sumakay kami sa isang puting van na siguro ay nirentahan muna ni mama para hindi kami mahirapang sumakay.
Pagkadating namin sa bahay, todo alalay sina kuya at Archie. Para lang baldado kung ituring ako. Si kuya, binuhat pa talaga ako parang babae lang, nasa paanan ko naman si Archie.
"Hello?", pakikay kong sabi(pakikay?), napakunot naman sila ng noo pareho. "Baldado po ba ako?"
Binitawan ni kuya ang mga binti ko saka tinulak ang likod ko para makatayo. Wrong move! Muntik ko na ulit mahalikan si Archie. Nagkatitigan ulit kami.
"Uyy! Bagay sila.", pang-aasar ni kuya. Bumawi naman agad ako ng tingin saka nayuko. Tinutusok-tusok ni kuya ang daliri niya sa tagiliran ko sabay sabing, "a-ching-ching-ching! Nahiya pa. Bading!"
Binatukan ko siya at sinigawan, "Tado! Kasalanan mo!", sabay walk out.
"Tanginang to!", sigaw ni kuya.
Tumakbo ako at humabol naman siya. Dumeretso ako sa kwarto, nakasalubong ko si mama. Nang makita niyang hinahabol ako ni kuya, maagap pa sa kidlat na inabot ang tainga ni kuya saka hinila papuntang sala, "Hindi ba sinabi ko alagaan mo ang kapatid mo at hwag hayaang mapagod? Eh pinapagod mo naman eh!", pangaral ni mama. Tawa ako ng tawa.
Kumain muna kami ng dinner bago nagsipagtulog. Tatlo kaming natulog sa kwarto ko. Kinuha ni kuya ang isa pang matress sa kwarto niya saka inilatag sa sahig. Nang nahiga na kami, sinabihan pa ni kuya si Archie na hwag daw niya akong pagurin. Binato ko siya ng unan. Saka nagtalukbong ng kumot. Tawa lang sila ng tawa.
Alas singko pa lang ng umaga ay nagising na ako. Tulog pa ang dalawa kong kasama, si kuya, humihilik pa.
Bumaba ako at dumiretso sa kusina. Nadatnan ko naman si mama na naghahanda ng agahan.
"O, anak, ang aga mo yatang nagising?", sabi niya nang naupo ako sa mesa.
"Lakas ng hilik ni kuya ma eh."
"Talaga 'yang kuya mo." ngising sabi niya.Tahimik.
"Ma, bakit daw bumalik pa si papa dito, eh di po ba may pamilya na siyang iba?", pamaya-maya ay naitanong ko. Palaisipan pa rin kasi ang biglaang pagdating niya noong gabi ng birthday ko.
Tumingin siya sa akin. Inayos muna niya ang niluluto at saka naupo sa silya paharap sa akin.
"Alam mo anak, nagsinungaling ako noong sinabi kong hindi niya na tayo mahal, na may pamilya na siyang iba. Ang totoo ay-..."
"Ang bango nyan ma ah." sabat ni kuya. Hihikab-hikab na lumapit sa amin. Si kuya talaga kahit kailan!
"Ah oo, sinarapan ko para sa bisita natin. Nakakahiya naman no?" si mama. Tumayo ulit at tiningnan ang niluluto.
"Kuya gising na si Archie?"
"Bakit? Asawa ko ba siya at ako ang pagtatanungan mo niyan?" sabi niya.
"Alangan naman po na itanong ko sa sarili ko. Ikaw po ang kagagaling lang sa kwarto kaya sa iyo ko natanong. Sorry po sa pagtatanong ha? Ako na lang po ang titingin sa ASAWA KO. Nakakahiya naman po sa inyo!", sarkastikong sabi ko. Natawa naman sila sa sinabi ko lalo na idiniin ko talaga ang salitang 'asawa ko'.
Habang naglalakad ako papuntang kwarto, may sumusiksik sa utak ko. May dapat akong malaman. Kung ano sana ang sasabihin ni mama, makikinig ako. Makikinig ako.
Pagdating ko sa kwarto ay gising na si Archie. Nakatulala lang siya sa kisame habang nakahilata. Tumabi ako sa kanya.
Tahimik. Hindi ko alam ang sasabihin ko pero alam kong dapat namin pag-usapan ang nangyari sa ospital. Hindi iyon tama. Pero paano ko ba sisimulan?
"Nate," maya-maya ay sambit niya.
"Hm," sagot ko naman.
"'Yong nangyari sa ospital, kalimutan na lang natin."
Tiningnan ko siya. Nakatitig pa rin siya sa kisame. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya pero alam ko sa sarili ko, nasaktan ako.
"Sige," ang sagot ko na lang.
Ano ba itong nararamdaman ko? Hindi ito tama. Mali. Mali!
Tumagilid siya paharap sa akin. Tumagilid na din ako paharap sa kanya. Tinititigan niya ako. Tila ba kinakabisado niya ang bawat detalye sa aking mukha. Ako naman ay nakatitig lang sa kanyang mukha, kung paano ito gumalaw.
Maya-maya ay tumitig siya sa mata ko. Di ako nagpatalo. Tumitig din ako sa kanya. Hanggang sa walang-ano ano'y sinunggaban niya ako ng halik. Mapusok, nag-aalab. Nakapang-iinit ng katawan, napakasarap. Napapikit ako.
Nagulat na lang ako nang bigla niya akong itulak.
"Nate," ang sabi niyang nagingilid ang luha.
Niyakap ko siya ng mahigpit.
ITUTULOY...
No comments:
Post a Comment