Awang-awa ako sa pagkakita kay
James. Iyon bang kitang-kita ko sa aking mga mata na nadapa iyong tao ngunit
hindi lumalaban o ni hindi man lang nagsalita. Nakakaawa.
Tahimik lang na tumayo si
James, pinagpag ang puwetan ng kanyang pantalon na nadumihan sa dumikit na lupang
kaaararo pa lamang. Nang nakatayo na, tinumbok ang kinaroroonan ko.
“Ikaw kasi… sabi ko nang huwag
na lang siyang lapitan, nagpumilit ka pa.”
ang paninisi ko pa.
“Hayaan mo na Yak. Ang
importante, alam na ng itay mo ang tungkol sa atin. At least, ang bigat na
dinadala ng ating kalooban ay nabawas-bawasan. Ngayon, kung hindi man tayo
natanggap ng itay mo, hindi rin natin siya masisisi. Ngunit umaasa pa rin naman
ako na balang araw ay matatanggap din niya tayo.”
“Sabagay…” ang sagot ko na
lang. Hinawakan ko ang kanyang kamay. Lalo lamang akong humanga sa kanyang
paninindigan a tpagpakumbaba para sa aming relasyon. Sa loob-loob ko lang,
nasabi kong napakasuwerte ko pa rin sa kanya.
At iniwan namin ang itay. Tila
mga basang sisiw kami sa aming postura.
Sa hapunan, sabay kaming
kumain. Ramdam ko ang pagkatensiyonado sa aming sitwasyong buo nga kami ngunit
hindi naman nag-uusap. Gusto ko mang magbukas ng usapan, parang napaka-awkward
na nand’yan ang itay na masama ang loob sa amin. Walang kibo rin ang inay. Alam
kong naramdaman niya ang mahirap naming kalagayan.
“B-bukas pala nay, tay…
dadalhin ko si Jassim sa Mindanao. Isang
linggo lang po kami doon at pagkatapos ay babalik na.”
Napatingin ang inay kay itay na
patuloy lang sa kanyang pagsubo ng pagkain, nakayuko, tila walang narinig. At
dahil hindi kumibo ang itay, ang inay na ang sumagot, “S-sige. Isang linggo
lang naman... at parang regalo mo na rin iyan sa iyong sarili na pagkatapos ng pagsisikap
mo sa iyong pag-aaral at makakuha pa ng ganyang mga awards...”