Biglang napalingon sa amin si Lola Isyang. “A-ano
iyon, Alvin?” ang tanong niya.
“Nasabi niyo po na ‘…tandang-tanda ko pa ang ang
matinding saya sa mukha ni Itang noong ibinalita ko sa kanya na isang
napakakisig at napakalusog na batang lalaki ang iniluwal niya’. Tama po ba?”
Nag-isip siya ng sandali. “I-iyan ba ang n-nasabi
ko?”
“Opo… at alam ko pong Itang ang tawag ng mga tao sa
aking inay Pacita” sabay lingon ko kay kuya Andrei na nanlaki rin ang mga mata
sa napuna ko. “S-sino po ba ang nagluwal kay kuya Andrei? Ang inay Pacita po
ba?” dugtong kong tanong.
Kitang-kita ko ang pagkagulat ni Lola Isyang sa
aking tanong. Marahil ay hindi niya inaasahang mapansin ko ang sinabi niyang
iyon na maaaring hindi rin niya sinadya. “A… e…” ang paunang naisagot niya na
mistulang nag-isip sa sunod na sasabihin. “Ay… ito namang batang ito. I-iyang
ang ibig kong bigkasin, hindi Itang. Aurea kasi ang pangalan ng inay ng kuya
Andrei mo kaya Iyang ang tawag ko sa kanya. Hindi Itang, Iyang ang ibig kong
bigkasin. Nagkamali lang ako.” ang dugtong pa niya.
Parang nadismaya naman ako sa sagot niyang iyon.
Parang hindi ako kumbinsido. “Lola… hindi po Iyang ang tawag ng mga tao sa inay
ko. Auring po… Wala pa po akong narinig na tumawag sa kanya ng Iyang. Ang inay
Pacita lang po ang minsan ay tinatawag nilang Itang.” ang pagsingit naman ni
kuya Andrei.
“A, eh… a-ako lang siguro ang tumatawag sa kanya ng
Iyang.” ang sagot uli ng matanda.

