Marami kaming napag-usapan habang nasa biyahe. Kahit si Sophia at ang nangyaring pag-akusa niya na ako ang dahilan ng food poisoning ay napag-usapan din namin. At alam din raw niya na inapi-api ako ni Sophia.
“Tiisin mo lang muna. Kasi, malapit na akong umalis sa poder niya.” ang sambit ni Marlon. Parang nakikinita kong may nabuo na siyang plano bagamat hindi naman niya sinabi kung ano ba talaga ito.
“Saan ka naman pupunta kapag nakaalis ka na sa poder niya?”
“Uuwi sa atin eh. At doon maghanap ng trabaho. Bakit, sa tinign mo ba ay hindi ako makahanap ng trabaho?”
Hindi na ako umimik. Syempre, kapag pamilya na niya ang pinag-uusapan, wala akong kaalam-alam. Ayokong madagdagan pa ang mga kasinungalingan ko o kaya ay may masabi akong nakakaduda na.
Habang palapit nang palapit kami sa aming lugar, palakas nang palakas naman ang kabog sa aking dibdib. Hindi ko kasi alam kung saan siya dadalhin.
“Excited na ako yak... sabik na akong makita ang mga pinsan natin” sambit ni Marlon, bakas sa kanyang mukha ang labis na kagalakan.
Ang sabi ko kasi sa kanya ay mga pinsan ang pupuntahan namin. Wala akong planong magpakita sa bahay na kasama siya. Baka mamaya madagdagan lamang ang aking problema kapag nalaman ng aking mga magulang na nagpanggap akong kapatid ni Marlon. Isa pa, nasa Mindanao ang pamilya niya, na nasabi ko na rin sa kanya.
“P-pero di ba ang sabi mo ay nasa Mindanao ang pamilya natin?” dugtong din niya.